Chapter 39
Ivana port to Sabtang Island (Chamantad-Tinian Viewpoint)
Ramdam ang ihip ng hangin habang kinukuhanan ko ng larawan ang dagat mula rito sa Ivana port kung saan ang sakayan ng mga pasaherong nagpupunta sa isla ng Sabtang. May kinakausap pa kasi si Arc kung saan niya iiwan ang kotseng sakay namin kanina.
"Hala kuya hindi po ba tataob 'yang sasakyan nating boat?" Rinig kong tanong ng isa sa mga babaeng pasahero na suot na ang life vest nila. Mukhang magkakaibigan din silang namamasyal.
"Tiwala po kayo, Ma'am. Batak ang mga biyahero namin dito at isa pa'y, ni minsan wala pa po kaming naging record ng mga Faluwa na lumubog o naaksidente. Tiyaka maganda po ang panahon, asahan nga lang po natin ang mga mataas na alon. Natural na po talaga 'yon."
Nabasa ko nga rin kanina sa na-search ko sa google, mula sa isang blog post ng isang turista na sobrang ganda raw sa isla, pero bago 'yon ay kailangan mo munang lakasan ang loob mo sa pagtawid sa dagat. Ang sabi pa ay marami raw ang mga turistang gano'n ang mga nagiging komento sa nagiging experience nila, pero tama nga naman si Kuyang bangkero, wala pa namang naging tragic experiences ang mga bumabyahe rito papunta sa isla. Siguro nga normal lang talaga ang mga matataas na alon.
"Those boats are called Faluwa." Napatingin ako sa kanan ko nang biglang sumulpot rito si Arc. Mabilis na pitik ang ginawa niya sa dala niyang camera para kunan ang sasakyang dagat bago ulit nagsalita. "It's an Ivatan local boat. It will take us less than an hour from here to our destination."
Bahagyang nadako ang tingin ko sa balikat niya kung saan nakasukbit ang itim niyang bag. "Mukhang hindi ka nga talaga siguradong makakabalik tayo ngayon sa hotel." Sarkastiko kong puna. Edi siya na ang prepared.
"It's called considering the possibilities." Palagi nalang siyang may sagot sa bawat sinasabi ko. Inirapan ko nalang siya at nauna ng naglakad palayo papunta sa...
"Hindi riyan ang sasakyan natin. Dito." Napatigil ako. Pakiramdam ko ay napahiya ako. Ano ba, Aelia? Magwo-walk out ka na nga lang sa maling direksiyon pa.
Bumalik ako nang hindi tumitingin kay Arc. Rinig ko pa ang matunog niyang ngisi nang lampasan ko siya. Nakakainis talaga ang lalaking 'to.
Hinintay kong makasakay ang mga kasunod ko, pero nang ako na ang sasampa sa boat ay natigil ako nang may humawak sa braso ko. Napaangat ako ng tingin at sinundan ng mga mata ko ang naunang pag-sampa ni Arc pagkatapos ay inilahad niya ang palad niya sa akin para alalayan ako. Nakatingin lang ako sa kamay niya. "Dali na. May naghihintay pa sa likod mo."
Inirapan ko siya tiyaka ako lumingon. Mukhang naiinip na nga sa akin ang babaeng kasunod ko. Inilibot ko pa ang tingin ko para tingnan kung may kakapitan ako sa pag-sampa, pero no choice ako kung hindi ang abutin ang pag-alalay ni Arc.
"Mukhang LQ sila." May bulong akong narinig sa mga kasunod kong sumakay matapos kong makasampa.
"Na'ol may ka-LQ." Sabi pa ng isa.
Magkatabi kami ni Arc at talagang dikit ang mga braso namin. Ganito ba talaga ang pagsakay rito sa Faluwa boat? Hindi ko tuloy ma-appreciate ang adventure na 'to.
"Stop rolling your eyes at me kung ayaw mong pagkamalan tayong may lover's quarrel." Bulong ni Arc sa akin kaya naman tiningnan ko siya ng masama, pero nakangisi lang siya. "Baka sabihin pa nila inaaway kita, kahit na ang totoo ikaw talaga ang umaaway sa 'kin."
Teka, ano?! Kung wala lang talaga kaming kasamang ibang pasahero rito, hindi ako magdadalawang isip na itulak 'to sa dagat.
"Sh*t ang gwapo talaga niya~" Napatingin ako sa dalawang babaeng nasa harap namin. Talagang nilingon pa nila ang pwesto namin. Sinundan ko ang direksyon kung saan sila nakatingin hanggang sa nadako ang tingin ko sa katabi ko na abala sa pagtingin sa mga larawan sa camera niya.
Matunog akong napangisi. Napatingin ako ulit sa mga babaeng pa-simpleng kinukuhanan si Arc gamit ang Iphone nila. Wow, hindi na nahiya ang mga 'to, talagang piniktyuran pa. Ilang taon na ba ang mga 'to at ang haharot? Hindi naman sila mukhang high school student or college dahil mukhang ka-edad lang din namin. Ganiyan ba talaga kapag may gwapo sa paligid? Kailangang lantaran kiligin? At kailangan talaga, piktyuran without proper consent?
"Aelia." Napatingin ako kay Arc at kasabay nito ang pag-click niya sa camera niya.
"I-delete mo nga 'yan." Sinubukan kong agawin sa kaniya ang camera niya, pero mabilis niyang inilayo 'to sa akin. Napahinga nalang ako ng malalim para magpigil ng inis. Halos buong araw yata akong maiinis nito.
Pakiramdam ko ay ang tagal ng oras. Hindi ko na talaga ma-appreciate ang biyahe na 'to dahil ramdam ko na ang hilo. Dahil na rin siguro sa mga sampal ng alon sa sinasakyan namin. Magalaw kasi ang Faluwa boat, talagang ramdam ang malakas na mga alon.
Bahagyang tumaas ang balikat ko nang maramdaman ko ang mainit na palad na humawak sa palad ko. "Malapit na tayo." Napamulat ako ng mga mata at napatingin sa kamay ni Arc na marahang pinipisil ang hinlalaki ko. Napatingin ako sa kaniya na ang tingin ay nakatuon sa ginagawa niya sa daliri ko.
Hindi ko maitangi sa sarili ko ang malakas na kabog ng dibdib ko. Para bang may kung anong kuryenteng dumadaloy sa kamay ko mula sa kamay niya. Ipinilig ko ang ulo ko at inilayo ang kamay ko sa kaniya. "Ayos lang ako." Humalukipkip nalang ako at sa ibang direksyon tumingin, pero sa loob ko ay hindi parin ako mapakali dahil ramdam ko ang tingin ni Arc sa akin.
Buti nalang ay dala ko ang earpods ko. Nagkunwari akong iidlip muna habang sinusubukan kong ibaling sa pakikinig ng musika ang hilo at atensyon ko.
...
Pinahawak sa akin ni Arc ang camera niya nang makarating na kami rito daungan ng mga Faluwa boat dito sa isla ng Sabtang. Naalala ko ang stolen picture ko sa kaniya kanina kaya naisipan kong i-delete ito, pero mukhang natabunan na dahil hindi ko mahanap.
Nakasunod ako kay Arc, pero medyo mabagal ang lakad ko dahil abala akong inililipat ang bawat larawang kuha niya sa camera. Mula sa mga ito, hindi maitatangging magaling siyang photographer. Ang gaganda ng kuha niya sa mga view ng lugar at pakiramdam ko nga ay gusto kong ipa-frame ang ilan sa mga ito at ilagay ang iba sa photo album for collection.
Napatigil ako sa isang larawan kung saan nakuhanan ako habang naka-side view. Teka, ito 'yong nasa Ivana port kami kanina habang kinukuhanan ko ng larawan ang dagat. Sa hindi ko masabing dahilan ay mabilis na naman ang kalabog ng dibdib ko.
"Aelia." At mas lalo pa itong bumilis nang marinig ko ang boses ni Arc. Mabilis kong inilipat ang larawan. Pag-angat ko ng tingin ay nagtagpo ang mga mata namin. Napakunot siya, "Ayos ka lang ba?"
"Feeling ko 'tol, tama talaga 'yong instinct ko eh." Napatingin ako sa lalaking nakasandal sa pinto ng driver's seat ng kotse na nasa harapan lang namin ni Arc. Ngayon ko lang napansin 'to.
"Just shut up----"
"Sanay na akong hindi ka sumusunod sa mismong oras na sinabi mong darating ka, pero ibang usapan yata ngayon...Mmm...I smell something. Anong mayro'n? Share mo naman 'yan, Mr. Callisto." Nakangising sabi nito na halatang nang-aasar.
"By the way, Aelia..." Ibinaling ni Arc ang atensyon niya sa akin nang hindi pinapansin ang lalaki. Kaibigan siguro niya. "He's Lucas. My helper."
"Maka-helper naman 'to..."
"Hi. Nice meeting you, Lucas." Inunahan ko na siya bago pa humaba ang usapan. Medyo nagugutom na rin kasi ako. "Hindi pa ba tayo aalis?" Tanong ko dahilan nang matawa siya.
"Get inside, Ae." Utos ni Arc. Ae? Hindi ko na pinansin ang pagtawag niya sa akin sa nickname ko at pumasok na sa backseat ng kotse, pero bago ako tuluyang nakapasok ay narinig ko pa si Lucas.
"Baka gusto mong mag-prenup na rin kayo ngayon? Ako na ang magiging photographer."
"G*go." Mura ni Arc dahilan nang matawa si Lucas.
"Teka, sinong bride ba ang iniisip mong tinutukoy ko tol at naiinis ka na naman? Hindi ba pwedeng si Camille ang sinasabi ko at hindi si Ms. Dela Fier?"
"T*ng ina mo talaga." Malutong ang mura ni Arc na ngayon ko na naman narinig. Siguradong naiinis talaga siya dahil pabagsak pa niyang isinara ang pinto ng kotse sa shotgun seat pagkapasok niya.
"Saan mo gustong kumain, Miss Aelia?" Napaka-pormal na tanong ni Lucas habang nakatingin siya sa akin mula sa rear view mirror.
Sasagot palang sana ako nang unahan ako ni Arc. "Idiretso mo na sa rest house, do'n na kami kakain." Maka-utos naman ang isang 'to, akala mo naninilbihan sa kanya itong si Lucas.
"Okay, sabi mo eh." Nakangisi paring siyang sumagot kahit na ang sungit ng isa naming kasama. Kanina lang ang lakas niyang mang-asar sa akin tapos ngayon mukhang siya na ang talo sa asaran.
"Kumusta naman ang pagsakay mo sa Ivatan boat, Miss Aelia----"
"Aelia nalang or Ae. Masiyadong pormal ang Miss." Putol ko sa kaniya.
"Okay...So, kumusta naman ang experience mo sa pagsakay sa Ivatan boat, Ae? Was it your first?" Tanong niya sabay sulyap sa akin sa rear view mirror. Rinig ko pa ang pagtikhim ni Arc na hindi ko alam kung nauubo ba or papansin lang.
"Hindi maayos." Mapaklang sagot ko dahil naalala ko na naman ang mapang-asar na kasama ko kanina.
"Sure ka?" Tiningnan ko siya sa rear view mirror na nakataas ang kilay at nakangisi sa akin. "Hindi ba maayos kasama 'tong si Arc?"
Napatingin ako sa shotgun seat. Pakiramdam ko ay ang sama ng tingin ni Arc kay Lucas kahit na hindi ko nakikita ang hitsura niya.
"Nakakahilo kasi 'yong lakas ng alon kaya hindi maayos ang byahe, hindi ko tuloy masiyadong na-enjoy 'yong view ng dagat." Sagot ko nalang. Totoo naman, tapos dumagdag pa 'tong kasama ko.
Bakit ba kasi sumama pa ako sa kaniya? Ang lakas din talaga ng amats mo, Aelia Dela Fier.
"Tingin ko may after shock pa 'yong hilo mo."
Mula sa bintana ng kotse napatingin ako kay Lucas sa rear view mirror. Sakto namang nagtama ang mga tingin namin. Nakangisi pa ito. Halatang-halata sa signature smirk niya na siya ang tipo ng kaibigan na sobrang sarap batukan dahil ang lakas mang-asar. "Sabihin mo lang kung kailangan mo pa ng bonamin para makabili tayo sa convenience store. Mga half hours pa ang byahe natin sa tutuluyan."
"Can you just focus on driving?" Si Arc ang sumagot, halatang kanina pa siya nagtitimpi rito kay Lucas.
"Thanks sa concern, Lucas, pero okay lang ako. Bilisan mo nalang ang mag-drive at nang makarating na tayo sa pupuntahan natin." Maayos na sagot ko, pero aaminin kong medyo hindi maayos ang pakiramdam ko. Ito na nga ba ang sinasabi ko.
...
Akala ko naman ay magtatagal pa ang biyahe namin tulad ng sinabi ni Lucas, pero mukhang nagbibiro lang naman siya dahil mabilis lang kaming nakarating sa tutuluyan namin.
Sinalubong ako ng malamig na ihip ng hangin paglabas ko mula sa kotse. Grabe, ang ganda rito, kitang-kita ang malawak na dagat.
"Tara muna sa loob para makapagpahinga kayo." Sumunod na kami kay Lucas, pero bago ang lahat ay syempre, kinuhanan ko muna ng larawan ang magandang tanawin.
Dalawang palapag ang bahay na tutuluyan namin. Nasa gilid sa kaliwa rito sa labas nakalagay ang hagdanan paakyat sa taas. Tanaw mula rito sa baba ang terrace sa taas kung saan siguradong mas mae-enjoy mo ang magandang view. Cream ang kulay ng exterior nito at may highlight na rust color ang bawat bintana, ang railings ng terrace, at ang hawakan ng hagdanan.
Pagpasok mo sa loob ay bubungad ang mga vibrant colors na interior theme ng sala at kusina. Sakto lang ang lawak, talagang nakasadya para tuluyan ng mga bisita. Kulay apple green ang pader nito, kulay tsokolate naman ang tiles na mukhang wooden floor dahil sa disenyo nito. Puti ang kurtina sa bawat sliding window, may dalawang mahahabang sofa naman kaharap ng flatscreen TV rito sala. Sa magkabilang gilid nito may tig-isang kwarto.
"May isang kwarto pa sa taas. It's up to you kung sa'n niyo gusto...pwede rin namang sa iisang kwarto nalang kayong dalawa para sama-sama, mas masa----aray!" Nilingon ko si Lucas na nakanguso habang hinahaplos ang batok niya. Malamang binatukan ni Arc.
"Sakit mo 'pre, ikaw na ngang----"
"Tapos ka na ba sa pinagagawa ko?" Masungit na tanong ni Arc.
Tinalikuran ko muna sila. Kinuha ko ang phone ko mula sa bulsa ng pantalon ko para sana tawagan si Darrel nang...
"Sh*t" Napamura ako pagbukas ko ng phone dahil bumungad sa akin ang warning notification na pa-off na ang phone ko dahil low battery na ito. Nice! Hindi ko pa man din dala ang charger at power bank ko.
"Bakit? Ayos ka lang?"
Nilingon ko si Arc. "Wala akong dala ni isang gamit, ultimo charger ng phone ko ay hindi ko dala. Malamang hindi ako ayos."
Napakunot ako nang matawa siya ng mahina. May kinuha siya mula sa dala niyang bag pack. "Here." Iniabot niya sa akin ang charger.
"Parang tuwang-tuwa ka pa na wala akong dalang gamit ni isa maliban sa phone, wallet at sarili ko." Sarkastiko kong komento bago ko kinuha sa kamay niya ang charger.
"Don't worry. They'll bring your stuffs here."
Nakakunot akong lumingon kay Arc matapos kong maisaksak sa outlet ang charger. "They?"
"Sila Darrel. Susunod sila rito, pero baka mamayang bandang hapon pa. Around 2 or 3." Sagot niya habang komportableng nakaupo sa sofa kalong ang laptop niya.
Kung balak din palang mamasyal nila bakla rito bakit pa nila ako iniwan? Kung ginising nalang kasi nila ako kanina. Mahirap bang gawin ang bagay na 'yon?
"Punta muna ako sa labas." Paalam ko kay Arc dahil mukhang busy siya sa kung ano man ang ginagawa niya.
"Take my cam with you."
Nakatingin lang ako sa kaniya na abalang nakatingin sa screen ng laptop. Nag-angat siya ng tingin sa akin nang mapansing hindi pa ako umaalis, "Bakit?"
Mabilis akong nag-iwas ng tingin.
"Samahan kita?" Alok niya.
Kung noon lang, mabilis na sana akong nakasagot ng 'oo' sa tanong niya. Ito na naman ba tayo sa pagbabalik-tanaw, Aelia Dela Fier.
"Hindi, okay lang. Ituloy mo nalang 'yang ginagawa mo."
Hindi ko parin matagalang makipagtitigan sa kaniya kaya nauuwi ako sa pag-iwas ng tingin.
"I'll make this quick. Sunod ako sa 'yo." Iniabot niya sa akin ang camera niya. "You love taking photos. Take this."
At higit sa lahat, may mga pagkakataon parin na hindi maiwasan ng puso kong tumibok ng husto katulad ngayon.
Kinuha ko ang camerang iniaabot niya. "'Wag ka masiyadong lumayo."
"Mukha ba akong bata para mawala----"
"Taga-rito ka ba? Kabisado mo ba rito?" Sunod-sunod na tanong niya, nakataas pa ang kilay. Pati tuloy ako ay napataas ng kilay, "Hindi."
"Then don't go too far."
Isinabit ko sa leeg ko ang lace ng camera. "Alam mo bagay mong maging babysitter."
"Ano?" Halatang nairita siya sa sinabi ko.
Napangisi ako. "Alam mo, Arche Callisto Salviez? Kaya ko ang sarili ko, at kapag naligaw man ako rito o nawala, mayro'n naman kayong dalawa ni Lucas, kayo ng bahalang maghanap sa akin. Magpatulong nalang kayo sa mga taga-rito."
"Anong klaseng mindset----"
Tumalikod na ako at iwinagayway sa ere ang kamay ko para magpaalam at para hindi na humaba pa ang usapan.
"Ingatan mo 'yang camera!" Pahabol pa niya.
H'wag kang mag-alala, Arc, hindi lang 'tong camera ang iingatan ko, pati ako mag-iingat sa 'yo. Pati 'tong puso ko iingatan ko mula sa 'yo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top