Chapter 35


Ngayong araw ay lalabas kami para pasyalan ang mga lugar na sinabi ni Ate Marga na pupuntahan namin. Si Yohan na ang nag-prisintang magmamaneho ng Van para naman daw hindi lang puro drive ang ginagawa ni Ate.


"Sayang wala si Chase." Nakangusong komento ni Sophie. Kasalukuyan kaming nasa byahe ngayon. 


Speaking of...nando'n nga talaga siya sa hotel kahapon at talagang nag-book rin siyang ng tutuluyan niya. Ang sabi niya rito raw sa Batanes magpe-prenup 'yong pinsan niyang ikakasal,  kaso dahil may resthouse sila rito, do'n na sila tumuloy. Ewan ko ba kay Santino kung bakit humiwalay pa siya kung mayro'n naman pala silang tutuluyan. Gumastos pa talaga siya. Kunsabagay, pera naman niya ang gamit niya. 


"Hoy, in fairness do'n kay Chase, huh mas lalo siyang gumwapo." Komento ni Ate Marga mula sa shotgun seat. Ngumunguya pa ito ng chichirya. Ang sabihin mo, Ate, mas lalo pang gumago. 


Napairap nalang ako sa kawalan. Siguradong ang taas na naman ng lipad ng lalaking 'yon kapag nandito siya at narinig ang sinabi ni Ate Marga.


"Hindi ba 'yon nanliligaw sa 'yo, Ae?" Tanong niya bigla na nagpakunot sa akin. Bago pa ako makasagot ay humirit na ang OA na si Sophie.


"Weh?! Type ka ni Chase?" 


"Chasentine is not bad. Boyfriend material." Gumatong pa itong si Vanessa. At dahil sa sinabi niya ay napatikhim bigla ang driver naming si Yohan. 


"Si Ae ang sinasabihan ko, Yohan. Mag-drive ka nga lang diyan." Natawa ako sa hirit ni Vanessa. Alam na talaga niya ang ibig sabihin ni Yohan sa pag-tikhim pa lamang nito. 


"Boyfriend material din naman ako." Pagmamaktol pa niya.


"H'wag mo ngang idala rito 'yang pagiging clingy mo, Quijano." Napatingin ako sa katabi kong si Darrel na busy sa pagse-selfie. Hindi na nagsawa ang isang 'to. 


"Sure ka ba talagang hindi ka pinopormahan ni Chase, Ae?" Paniniguro na naman ni Ate Marga. 


"Baka torpe." Komento ni Yohan.


Napabuntong-hininga nalang ako. "Hindi torpe ang pagkakakilala ko kay Santino, at isa pa, hindi niya ako pinopormahan." 


"Sure ka, babae?" 


Tiningnan ko si Darrel na kinukuhanan ang view sa labas mula sa nakabukas na bintana sa side niya. Inirapan ko siya kahit na hindi ako ang tinitingnan niya. Pati ba naman siya? Anong nakain at nalanghap ng mga 'to at si Chase ang naisipang i-link bigla sa akin?


"Ipaubaya mo na sa 'kin si Chase, Ae. Ako ng bahala sa kaniya." Pinagsiklop pa ni Sophie ang mga palad niya na parang humihiling. Tinapik ko ang kamay niya, "Sayo na kung type ka." 




...

"Everyone, welcome to Basco Batanes!" Nakadipa ang mga braso ni Ate Marga nang marating namin ang unang destinasyon namin. Tanaw na tanaw ko ang lighthouse. Hindi ko tuloy maiwasang hindi mapangiti. Ang ganda! 


"Hoy, Quijano, piktyuran mo kami rito, dali!" Hinila ni Darrel ang kamay ko at hindi na ako nakapalag pa. Heto na naman ba kami. Kitang dinadama ko pa ang view.


"Guys! Let's go over there!" 


Sumunod kami kay Vanessa para mas malapitan pa namin ang lighthouse. Grabe naman ang ganda ng view rito. Wala akong ibang masabi. Nakaka-speechless. 


"Hindi ba tayo pwedeng umakyat ng lighthouse?" Tanong ko. May mga ilang tao rin kaming nakasabay at kasalukuyang abala sa pag-kuha ng picture ng magandang view. 


"Hello po sa inyo mga Ma'am at Sir." Napatingin kami sa lalaking lumapit sa amin. "Sa ngayon po, hindi pa po natin pwedeng akyatin ang lighthouse dahil may inaayos pa po sila sa loob." 


"Sayang! 'Yan pa naman ang sadya namin dito, Kuya." Nakanguso si Sophie. Kahit ako ay medyo na-disappoint. Maganda sana sa taas. 


Hindi naman namin pwedeng ipilit na kahit sandali lang kami sa taas, kaya wala kaming nagawa kung hindi ang sulitin nalang ang view dito sa baba at tanawin ang lighthouse. 


"Sa susunod talaga na babalik ako rito, susulitin ko 'yang lighthouse na 'yan." Parang may sama pa ng loob si Darrel na hindi siya nakakuha ng picture sa taas. 


Napatingala ako para tingnan ang lighthouse. Sa susunod na babalik ako rito, masisilayan ko rin ng buo ang islang 'to mula sa taas ng lighthouse na 'yan. 




...

Ang sumunod naming destinasyon ay sa Mahatao kung saan makikita ang kilalang Chawa Viewdeck. Kulang trenta minutos din ang byahe namin. May isang lugar pa kaming papasyalan sa Basco, pero mamaya nalang pagbalik namin dahil do'n na rin ang early dinner namin. 


"We're here!" Si Vanessa ang nagbukas ng pinto sa side namin. Pumasok ang malamig na simoy ng hangin. Hindi pa man ako tuluyang nakabababa, tanaw na tanaw ko na kung gaano kaganda ang view. 


Napatakip ako sa bibig ko nang tuluyan na akong makalabas. "Wow..." Hindi ko maiwasang hindi mapangiti sa nakikita ko. 


Ang kulay asul na dagat na tila ba ito ang nagsisilbing repleksiyon ng maliwanag na kulay asul na kalangitan kasama ng mga puting ulap. Ang berdeng mga damo at ilang halamang nasa magkabilang gilid ng hagdanan sa baba. As a digital artist and graphic designer, hindi ko sina-suggest na pagsamahin ang mga bright colors tulad ng berde at asul, pero sa nakikita ko ngayon. Napaka-ganda pala. 


Huminga ako ng malalim para langhapin ang malamig at sariwang hangin. Kung ganito lang sana ang araw-araw kong nakikita. Kung sanang sa tuwing pagod na ako at gusto ko nalang magpahinga, sana gano'n lang kadaling puntahan ang lugar na 'to para makapag-recharge. 


Inilabas ko ang phone ko at kinuhanan ang magandang view. Ito na yata ang pinaka-paborito kong lugar. 


Napalingon ako nang marinig kong tumikhim si Darrel. Napakunot ako nang makita siyang nakataas ng kilay. Dahil kilalang kilala ko na siya, alam kong may gusto siyang sabihin sa akin. 


Tiningnan ko muna ang mga kasama naming patuloy sa pagbaba ng hagdanan. Tiningnan ko ulit si Darrel na nakahalukipkip at nakatingin lang sa akin na parang hinihintay niyang magsalita ako. 


"Wala akong baong tsismis, okay? Tiyaka isa pa, magkasama tayo simula pa kahapon." Natatawa kong sabi. 


Umikot ang mga mata niya, "Nag-usap kayo ni Santino kahapon 'di ba?" 


Napakunot ako, "Oo. At bakit mo naitanong?" Kasama kasi namin siya sa poolside kahapon. 


Napabuntong-hininga si Darrel, "Actress ka girl? Kailan ka pa natutong maglihim sa 'kin?" 


Napakunot na naman ako, "Anong lihim ba ang sinasabi mo? Alam mo para kang ewan. Tara na nga lang do'n." Hinila ko ang kamay niya, pero hinila niya ako pabalik sa pwesto ko. 


"Ano bang----"


"Nakita ko si Arc kahapon." Natigilan ako sa sinabi niya. Diretso ang tingin ni Darrel sa mga mata ko na parang may gusto siyang marinig mula sa akin kaya naman umiwas ako. 


Rinig ko ang pagbuntong-hininga niya kaya napatingin ako sa kaniya. "Alam mo ba kung bakit siya nando'n sa hotel?" 


Natawa ako, "Bakit ko naman aalamin kung ba't nando'n siya?"


Masama bang mag-hotel sila ng girlfriend niya o kung ano pa man ang ginagawa nila rito? Choice naman nila 'yon. 


"Alam mo, wala ka pang sinasabi, pero nababasa ko na 'yang nasa mata mo." 


Inirapan ko si Darrel. Pinanlaki ko pa ang mga mata ko at inilapit ang mukha ko sa kaniya, "Bakit ba lagi ni'yong napapansin ni Sophie 'tong mata ko? Ano bang nakikita ni'yo na hindi ko nakikita?" 


Kinutusan ako ni Darrel kaya napalayo ako sa kaniya at napahaplos sa noo ko. "Si Arc ang photographer at videographer ng kasal ng pinsan ni Chase, hindi ba nasabi sa 'yo ni Lagmar?" 


Photographer? Umiling ako. 


"Arche Callisto Salviez mo, isa ng freelance photographer SLASH videographer."


Napabuntong-hininga ako. "Bakit mo ba sinasabi sa akin na parang kailangan kong malaman?" 


Napataas ang kilay niya, "Bakit, hindi ba?"


"Hindi ko naman kailangan ng update tungkol kay Arc. Iniisip mo bang hanggang ngayon, Darrel hindi parin ako moved on sa kaniya?" 


Nakatingin lang si Darrel sa akin na parang binabasa na naman ang nasa isip ko mula sa mga mata ko. Sa halip na iwasan ang tingin niya ay pinantayan ko ito. Siya ang talo kaya siya ang unang kumalas. 


"Nag-aalala lang ako sa 'yo, babae. Baka kasi kapag nakita mo siya bigla nalang----"


"Nagkita kami sa viewdeck ng hotel kahapon."


Namilog ang mga mata niya, "Weh? Gaga, true ba? Anong sabi? Anong reaksiyon niya?" 


Kung sa mga librong binabasa ko o sa mga drama series, may pa-slow mo effect ang eksenang 'yon, pero dahil nasa realidad kami, tingin ko hindi magandang lagyan 'yon ng gano'ng effect. 


"Nag-hi lang kami sa isa't isa. 'Yon lang." Hindi ko na binanggit ang tungkol sa jacket dahil siguradong hindi na ako titigilan nitong si Darrel. 


"'Yon na 'yon?" 


"Ano pa nga ba? Kailangan ba magyakapan kami? Kailangan bang tumalon ako sa harap niya at sabihing natutuwa akong makita siya after five years? Gano'n ba?" 


Muling umikot ang mga mata niya, "Tanga mo talaga."


"Aba't ano na namang ginawa ko't naging tanga na naman ako?" 


"Unang kita ulit, dapat nilandi mo na agad." 


Napabuntong-hininga nalang ako. Kaya ako napapahamak dahil dito sa hindi na kailanman nagbagong advice ng baklang 'to. Tinalikuran ko siya't sumunod na sa mga kasama namin sa baba. 


"Hoy, gaga, sandali!" 


"Bahala ka riyan!" 


"Gaga, ang gwapo ni Arc, hindi ba talaga bumalik 'yong feelings mo sa kaniya no'ng nagkita kayo?" Pahabol niya habang sumusunod sa akin sa pagbaba sa hagdanang bato. Napairap tuloy ako sa kawalan dahil sa sinabi niya.


"Mas gumwapo kaya siya ngayon. Tumangkad pa. May girlfriend na kaya 'yon?" Tumigil ako't hinarap siya. Nagpamewang ako. 


Ngumisi siya ng nakaloloko, "Ay bruha? Sinabi ko lang na may girfriend, humarap ka agad."


"Alam mo puro na naman Arc 'yang bukambibig mo. Pwede bang itikom mo? Past is past. Tapos na 'yon." 


"O bakit, defensive ka?" Humalukipkip siya kaya naman humalukipkip din ako, "Kasi masiyado kang malisyoso." 


"Hoy, kayong dalawa! Ano bang ginagawa ni'yo riyan?!" Napatingin kami kung nasaan sina Ate Marga. 


Inirapan ko si Darrel, "Manahimik ka, bakla, baka masabunutan kita." Nauna na akong bumaba pero nadismaya ako nang biglang sumigaw si Darrel.


"ARCHE CALLISTO SALVIEZ!! IKAW PARIN DAW, SABI NG GAGANG HINDI MARUNONG LUMANDI!!" 


Napatingin ako sa paligid ko. Bwiset na baklang 'to, masiyadong agaw-pansin. 


"Dali na, guys, grouphie na tayo!" Si Sophie ang may hawak ng selfie pad. 


"1, 2, 3, say Arche!!" Mabilis kong sinabunutan si Darrel na nasa tabi ko lang kasabay ng tunog ng camera. 


"T*ng ina, babae, tatanggalan mo ba ako ng anit?" Pahaplos-haplos pa siya sa bunbunan niya. 


"Isa pa, guys!!" 


"1, 2, 3, say----"


"Chee----" Uunahan ko na dapat si Sophie nang, 


"Say, Salviez!!" - Yohan


Hindi ko maabot si Yohan para sana sabunutan siya dahil matangkad siya at nasa likod siya ni Darrel kaya tiningnan ko nalang siya ng masama, pero hindi man lang nakuha sa tingin. 


Siniko ako ni Ate Marga matapos kaming nag-grouphie, "Ikaw ah, anong mayro'n sa inyo no'ng first love mo?" 


Kanina lang si Santino ang bet nila, ngayon naman ay si Arc na naman ang bukambibig nila. Napapikit nalang ako ng mariin. "Ate Marga, wala po----"


"Hindi panlabas na anyo ang basehan ko sa salitang gwapo,  Ae, pero no'ng nakita ko 'yong si Arche...Infairness, na-impress ako sa hitsura niya. Natural at literal na gwapo." 


So, nakita rin niya si Arc sa hotel? 


"Guys! Let's go, bi-biyahe pa tayo pabalik ng Basco." 


Napabuntong-hininga nalang ako. Sa halip na mas ma-enjoy ko ang view parang hindi na dahil sa naging bukambibig na naman ng mga kasama ko si Arc. 


"Ayos ka lang, Ae?" Naabutan ako ni Kle na naglalakad pabalik ng sasakyan. Ako kasi kanina ang nahuli, hindi ko napansing nakasunod pala siya sa akin. 


Tumango ako, pero parang hindi naging sapat para sa kaniya ang sagot ko. 


"Alam ng lahat na moved on ka na kay Arc, kaya tingin ko, ayos nalang para sa kanilang bigla-bigla kang inaasar sa kaniya. Hindi ba 'yon naman ang sinabi mo? Na moved on ka na sa first love mo?" 


Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong napabuntong-hininga. "Hayaan mo, magsasawa rin sila." 


Si Klearine ang pinaka-concern sa tuwing nababanggit si Arc simula noong huling pag-uusap namin sa Lakwatsero. Si Kle kasi ang nakakita at nakarinig ng usapan namin ni Arc noon kaya alam niya lahat. Nakita niya kung paano ako umiyak at madurog sa harapan ng taong minahal ko. 


Ito ang ayoko sa lahat. Flashback memories. 


Hindi ba pwedeng kapag tapos na, automatic nalang na hindi maalala ng utak natin? 




...

Past 6 PM na nang makarating kami sa huling destinasyon namin. Dinaanan pa kasi namin ang ilang mga souvenir stores bago kami nakarating dito sa Fundacion Pacita. Nagpa-reserved kami rito para sa early dinner para naman mas ma-experience namin ang Batanes. 


Mula sa napaka-nature friendly na location ng botique hotel na 'to hanggang sa inihanda nilang pagkain, wala akong ibang masabi kung hindi wow. Vintage ang dating ng lugar, pero ang classy ng binibigay nitong aura sa mga guests. Malapit ang table namin dito sa bintana kaya tanaw na tanaw ang magandang view sa labas. 


"Oh, my! Mayro'n pa yatang silang pa-background music para sa mga guests." Excited na komento ni Sophie. 


Napatingin ako sa bandang harapan namin. Sakto lang ang layo nito mula sa table namin. May isine-setup silang mga gamit na mukhang para sa live performance. 


"Sh*t ang sarap. Babalik talaga kami rito ng jowa ko." Komento ni Ate Marga. Napangiti ako. Sulit ang early dinner namin. Ang sarap kasi talaga ng menu nila lalo na ang dessert naming Halo-Halo Espesyal. Sayang, wala kasing milk tea. 


Pagkatapos kong kumain ay nagpaalam muna akong pupunta ng CR. Sumabay na rin si Ate Marga. 


Habang nasa cubicle pa si Ate ay chineck ko muna ang phone ko. Email kaagad ang una kong binuksan. Hindi ako nagkamaling may mensahe akong natanggap kanina mula sa isa sa mga kliyente kong nagpapagawa ng logo ng business niya. Ito ang maganda sa pagiging freelancer, hawak mo hindi lang ang oras mo kung hindi pati ang lugar mo. 


Binuksan ko ang telegram app ko para i-message ang client ko para i-update siya tungkol sa on process na project naming dalawa regarding sa logo niya. 


Pagkatapos kong mai-send ang message ko ay nakatanggap ako ng tawag mula sa unknown number. Napakunot ako. Wala naman akong inaasahang parcel ah. Hindi ko ugaling sumagot ng mga number lang unless may inaasahan akong parcel na parating o scheduled call mula sa client kaya naman pinatay ko 'to. 


Pagkalabas ni Ate Marga ay nag-vibrate na naman ang phone ko. Napabuntong-hininga ako. 


"Hanggang dito yata kinukulit ka ng mga kliyente mo." Komento ni Ate habang naghuhugas ng kamay. "Sagutin mo muna kaya." Dugtong niya bago pa ako makapagsalita. 


"Sunod na lang ako sa table, Ate." Paalam ko. Tumango naman siya kaya lumabas na muna ako para sagutin ang kanina pa ring ng ring na phone ko. 


"Yes, hello?" Kalmadong bati ko.


"Luh, may pa-gano'n?" Napakunot ako nang marinig ko ang pamilyar na boses sa kabilang linya. Tiningnan ko ulit ang unregistered number mula sa screen bago ko itinapat ito sa tainga ko. 


"Santino?" 


"Yes, mother? Ako nga po, mother." 


Napairap ako sa kawalan. "Ano na namang trip mo at tumawag ka?" Walang ganang tanong ko. 


"May nakalimutan akong sabihin sa 'yo kahapon----"


"Kung manti-trip ka lang, Santino, sinasabi ko na sa 'yo----"


"Seryoso kasi 'to, Ae. Ano kasi----"


"Are you done?" 


Natigilan ako nang marinig ko ang malalim at pamilyar na boses mula sa linya ni Santino. 


"Sandali lang 'tol...Sige na, Ae, mamaya na  nga lang." 


Ibinaba ko ang phone. Huminga ako ng malalim at inayos ang sarili ko bago bumalik sa loob. 


Palapit na ako sa table namin nang marinig ko ang pagtugtog ng gitara. Mukhang tama si Sophie, may live band yata talaga. 


Napangiti ako nang mahimigan ko ang kantang 'Magbalik'. Ang galing ng palo ng daliri ng gitarista sa bawat string ng gitara. Fingerstyle ang ginagawa niya base sa naririnig ko. Ang tagal na rin simula no'ng huling panood ko ng live singing performance. 



Di na alam ang gagawin
Upang ika'y magbalik sa'kin
Ginawa ko naman ang lahat
Bakit bigla na lang naghanap
 ♪



Ang ganda ng boses ng babae. Tumigil ako malapit sa table namin nang masilayan ko ang live performance. Babae ang bokalista at lalaki naman ang gitarista na bahagyang nakatungo sa gitarang hawak niya. 



Hindi magbabago
Pagmamahal sa iyo
Sana'y pakinggan mo
Ang awit ng pusong ito
 ♪



Tulad ng mundong hindi
Tumitigil sa pag-ikot
Pag ibig di mapapagod
Tulad ng ilog na hindi
Tumitigil sa pag agos
Pag ibig di matatapos
 ♪



Ayoko ng palaging nagto-throwback, pero itong nakikita ko ngayon, this really brings back old memories. 'Yong mga ala-alang minsan ng naging pinakamasayang bahagi ng buhay ko. Ang kumanta sa harap ng mga tao at tumanggap ng mga request songs nila. Ang sarap lang sa pakiramdam...Nakaka-miss din pala ang humawak ng mikropono, damhin ang kanta at hayaang madala ng nota ang emosyon mo. 


Napasasabay ang ulo ko sa bawat kalabit ng gitarista sa string. Teka...bakit pamilyar ang eksenang 'to? 


Natigilan ako nang biglang nag-angat ng tingin ang lalaking gitarista. 



♪  Alaala'y bumabalik
Mga panahong nasasabik
Sukdulang mukha mo ay
Laging nasa panaginip
 ♪



Nagtaasan ang lahat ng balahibo ko sa katawan sa lamig ng boses niya. Hindi ko na maalala kung kailan ko huling narinig ang boses niya. Limang taon na rin simula no'ng huli ko siyang makitang nakahawak ng gitara. 



Bakit biglang pinagpalit
Pagsasamaha'y tila nawaglit
Ang dating walang hanggan
Nagkaroon ng katapusan
 ♪



Pakiramdam ko ay may kakaiba sa loob ko nang makita ko kung paano tumingin ang babae kay Arc matapos niyang kantahin ang ikalawang verse bago ang pre-chorus. Bakit ang bigat sa pakiramdam? Nadadala yata ako masiyado sa kanta. 


Gusto ko ng umalis sa kinatatayuan ko, pero hindi ko magawa dahil parang awtomatiko na itong naipako. 


Sa dami ng eksena na pwede tayo ulit magkita, bakit sa ganitong paraan at pagkakataon pa, Arche Callisto? 


Mabilis ang kalabog ng dibdib ko nang magtama ang mga mata namin ni Arc nang simulan niya ulit ang kumanta.



♪  Hindi magbabago
Pagmamahal sa iyo
Sana'y pakinggan mo
Ang awit ng pusong ito 



Diretso ang tingin niya sa akin at pakiramdam ko ay sobrang lapit ng mga 'yon sa mga mata ko. Tandang-tanda ko ang pakiramdam na 'to. Sa ganitong paraan ako lalong nahulog sa kaniya noon. Ang tumitig sa mga mata niyang tila hinihipnotismo ang mga mata ko at pilit nitong kinukuha ang loob ko. 



Kaya pala pamilyar. Ganito ang eksena bago ka mahulog sa taong hindi ka kayang saluhin gaano man kalalim o kataas ang pagkakahulog mo. 



♪ Tulad ng mundong hindi
Tumitigil sa pag-ikot
Pag ibig di mapapagod


Tulad ng ilog na hindi
Tumitigil sa pag agos
Pag ibig di matatapos 



Pakiramdam ko ay nagbalik lahat sa akin ng ala-alang matagal ko ng iniwan sa nakaraan. Tapos na 'yon at hindi na binabalikan pa, pero heto ako't hindi mapigilang magbalik sa mga ala-ala na parang kahapon lang nangyari. 


Mabilis akong tumalikod at naglakad palayo nang magpalakpakan ang mga tao. Natigil ako sa paglalakad nang mapagtanto kong basa ang pisngi ko. Seryoso ba 'to? Limang taon na ang lumipas tapos iiyak lang ako ulit ng ganito? Gaguhan ba 'to? Mariin kong pinunas 'to, pero bago pa man ako tuluyang makahakbang paalis, natigilan ako nang marinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko.


"Aelia." 


Nilunok ko ang parang bagay na nakabara sa lalamunan ko at huminga ako ng malalim bago ako humarap sa kaniya dala ang natural kong ngiti. "Hi, Arc." 


"Are you...okay?"


"Okay lang ako. M-masakit lang 'yong tiyan ko." Hinawakan ko ang tiyan ko para magmukhang totoo ang palusot ko. Nasaan na ba 'yong mga kasama ko? Wala pa ba silang balak umuwi? 


"Ayos ka lang ba talaga?" Tanong niya ulit. 


"Okay nga----"


"Arc, may----oh sorry." Napatingin ako sa babaeng kasama niya. Siya ang tinutukoy kong babaeng bokalista. Hindi ko maiwasang pasimple siyang tingnan mula ulo hanggang paa. Gan'to pala ang taste ng isang Salviez. 


"Wait...you look familiar." 


Napakunot ako nang ituro ako ng babae. "I don't think so. Nagkita na ba tayo dati?" Tanong ko. Hindi ako nakikipag-kompetensiya sa pagi-english dahil sadyang marunong lang akong mag-english at kapag feel kong mag-ingles, magi-ingles ako. 


"I think...I saw you sa-----"


"I think we have to go, Camille. May lakad ka pa 'di ba?" Tiningnan ko si Arc na biglang napakamot sa batok niya. So hindi man lang niya ipakikilala ang GF niya? Kung sabagay, ano ba ang pake ko? 


"Oh, sorry, oo nga pala, tumawag sila sa bahay." Saktong biglang tumunog ang phone ng babae. "I'll take this. Hintayin nalang kita sa kotse." Paalam niya. Ngumiti pa siya sa akin. Buti nalang napipigilan ko ang sarili kong umirap. Friendly 'yarn 'te? 


"She's Camille." 


"Ah, GF mo." Patango-tango ako habang nakatingin sa papalayong babae. Ibinalik ko ang tingin ko kay Arc. Napakunot ako nang mapansin siyang nakangisi, "Anong nakakatawa?" 


"No, she's not my girlfriend. Girl-friend, yes, with dash." 


Napairap ako. Ano kayang pinagkaiba nun? 'Yon din naman. At ano bang ipinaglalaban ng lalaking 'to at nagpapaliwanag pa? Hinihingi ko ba ang paliwanag niya? Hindi naman 'di ba? 


"Sige na, alis na. Sundan mo na 'yong babae mong kaibigan, baka maburyo 'yon kahihintay sa kotse." Pagtataboy ko sa kaniya. 


"This is our second time meeting each other after five years. I think, we need to catch up?" Hindi man lang niya pinansin ang sinabi ko.


"Catch up?" Sarkastiko akong natawa, "Catch up para saan? Para halungkatin 'yong past?" Pabirong tanong ko, pero hindi ko maiwasang hindi maging sarkastiko. Bakit kasi may pa-catch up, catch up pa siyang nalalaman? 


"You changed a lot, Aelia...Is there something wrong about asking how my former vocalist is doing now?" 


Mabilis ang kabog ng dibdib ko sa sinabi niya. Hindi ko maitanggi sa sarili kong apektado ako sa binitawan niyang salita. 


"Can we meet tomorrow?" 


Napaawang ang bibig ko sa sunod niyang sinabi.


"May ibabalik ka pa sa 'kin 'di ba?"


Napatikhim ako at napaiwas ng tingin. "Ah 'yong jacket. Mamaya ibabalik ko.


"I guess I'd be late tonight. Bukas nalang." 


"Ba't saan ka pupunta?" Maagap na tanong ko. Hindi sumagot si Arc at nang mapagtanto ko ang tanong ko ay pakiramdam ko gusto ko nalang maglaho na parang usok. Anong klaseng tanong 'yon, Aelia?! Pake mo ba kung saan siya pupunta? 


"Ihahatid ko lang si Camille tapos may daraanan lang ako sandali." Halata ang ngisi sa labi niya na mas lalong nagpainit sa pisngi ko. Bwiset ka, Aelia. Ipinapahiya mo na naman ang sarili mo sa kaniya! 


"I'll see you tomorrow, Aelia." 






























Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top