Underneath The Sun
Nang pumatak ang Marso sa kalendaryo, magsisimula na ring uminit ang mga araw na sakop nito.
Inaakay ko ang aking bisekleta patungo sa bahay nina Bella labing apat na kabahayan ang agwat mula sa amin.
Palagi akong gumigising nang maaga at naglalaan ng sapat na oras para maghintay sa tapat ng bahay nila nang sa ganoon ay sabay na kaming papasok sa eskwelahan.
Iisa lang ang paaralang pinapasukan namin. Walong taon na kaming magkakilala ni Bella at masasabi ko na isa siya sa pinaka matatalik kong kaibigan.
Nang makarating na ako sa tapat ng bahay nila, ang susunod kong gagawin ay ang hintayin siyang lumabas.
Nakita ko ang pagbukas ng gate ng bahay nila at nakangiti akong sasalubungin si Bella.
"Magandang– uh... m-magandang umaga po tita Anne..." hindi si Bella ang lumabas sa gate. "Papasok po ba si Bella?" Muli kong sambit na malapad ang ngiti at singkit ang mga mata.
Nakasuot ng corporate attire si tita Anne, ang mama ni Bella. Mukhang papasok na ito sa opisina.
"Naku hijo, mukhang matatagalan pa si Bella at may inaasikaso pa siya sa loob. Mauna ka na sa eskwelahan at baka mahuli ka pa sa klase ninyo."
"Sige po tita, hihintayin ko nalang po siya."
"Sigurado ka ba?"
"Opo." Nakangiti kong tugon.
Halos naghintay ako ng kalahating oras sa tapat ng bahay nila. Ipinarada ko muna sa tabi ang bisekleta at umupo sa bakanteng bench malapit sa kanila.
Muling bumukas ang gate nila at lumabas doon si Bella na nagmamadali habang bitbit ang mga libro pati na ang kanyang bag. Nakasuot siya ng uniporme namin sa eskwelahan at paldang lampas tuhod. Balot ang mga kamay niya ng mga bracelet at noon pa man alam kong paborito niya ang magsuot ng ganoon.
"Hinintay mo pa talaga ako? Dapat nauna ka na. Na-late ka tuloy nang dahil sa akin."
Lumapit ako sa kanya at tinulungan sa mga librong muntik nang mahulog sa kanyang mga bisig.
"Ayos lang. Ikaw lang naman itong palagi akong pinaghihintay. Pero okay lang, sanay na ako sa iyo." Pabiro kong giit.
Wala na kaming magagawa at late na talaga kami. Pasado alas otso na ng umaga.
"Ikaw ang lalaking kilala kong pinaka-korni. Tumigil ka nga!" Nakatanggap ako ng ismid mula sa kanya.
Inilagay ko ang mga librong bitbit niya sa basket na nakalagay sa unahan ng aking bisekleta. Gulo pa ang buhok niya at halatang sinuklay ng mabilisan.
Inayos ko ang buhok na nakasayad sa kanyang mukha at inilagay iyon sa likod ng kanyang tainga.
Napapangiti nalang ako sa tuwing makikita siyang ganoon. Marami nang nagbago sa kanya. Maganda na siya noon, mas gumanda pa siya ngayon.
Nagsimula na siyang umangkas at inalalayan ko siya sa pagkakaupo.
"Ready ka na?" Tanong ko at agad naman siyang tumango.
Habang nagmamaneho ako, naramdaman ko ang mga braso niyang mahigpit na pumulupot sa baywang ko para kumapit dahil dadaan na kami sa pinaka-mabakong kalsada patungo sa aming eskwelahan.
Napapangisi ako kapag ginagawa niya iyon. Hindi ko alam pero bumibilis ang tibok ng puso ko roon.
"Sa likod ka na dumaan. Hindi na tayo papapasukin ng guwardya dahil late na tayo." Nagsalita si Bella sa aking likuran at agad kong ikinambyo ang manibela sa kaliwa. Lumiko kami at dumaan sa likod ng paaralan kung saan kami pumapasok.
Ilang beses na naming ginagawa ang ganito. Lalo na sa tuwing male-late kaming dalawa.
"Hubarin mo ang sapatos mo. Madudumihan itong uniporme ko." Sabi ko at agad naman niyang ginawa.
May taas na dalawa't kalahating metro ang bakod sa likod ng eskwelahan. Gumawa kami ng maliit na bangkuan para may tungtungan subalit hindi iyon sapat para hindi ko siya tulungang makaakyat.
Hinawakan ko ang kamay niya at inalalayan siyang sumampa sa likuran ko. Umapak siya sa aking balikat at nararamdaman ko ang panginginig ng mga binti niya.
"Subukan mong tumingala, Solomon. Sasapakin kita." Minsan nalilimutan ko iyon pero agad naman akong pumipikit at umiiwas ng tingin.
"Ang bigat mo, Bella. Ang lakas-lakas mo kasing kumain!" Napapangiwi ako sa bigat niya lalo na noong inapakan niya ang ulo ko.
"Manahimik ka d'yan!" Asik niya.
Nang makasampa na siya ay ako naman ang tutulungan niyang makaakyat.
Inilahad niya ang kanyang kanang kamay patungo sa akin habang mariing nakakapit ang kaliwa sa bakal.
Napatigil ako habang nakatingala sa kanya. Lalo na noong hinangin ang buhok niya kasabay nang pagpikit-pikit ng kanyang mga mata.
Hindi ko maintindihan subalit biglang bumibilis ang tibok ng puso ko sa kanya. Ito ba ang epekto kapag magkasama kaming dalawa?
"Hoy, Solomon! Hindi ka ba aakyat? Bahala ka at iiwanan na kita!"
"Sandali lang naman..." inabot ko ang kamay niya at sumampa sa bakal na nakausli sa pader. Mabilis akong sumampa, magkahawak ang aming mga kamay at sabay na tumalon sa loob.
**
"Hoy kayong dalawa... umamin nga kayo? Magkaibigan lang ba talaga kayo?" Prangkang tanong sa amin ni Ivy nang mapansin niyang nakahawak si Bella sa siko ko habang naglalakad kami palabas ng eskwelahan.
Agad naman niyang inalis ang pagkakahawak sa braso ko.
"Ano ka ba Ivy? Ano bang klaseng tanong iyan, malamang magkaibigan lang kami!" Sagot niya.
Tahimik lang akong naglalakad.
Alam kong wala kaming relasyon ni Bella bukod sa pagiging malapit na magkaibigan. Pero bakit may kirot akong naramdaman ng itanggi niya iyon? Magkaibigan lang naman talaga kami pero bakit ganito ang nararamdaman ko?
Hawak-hawak ng isang kamay ko ang manibela ng aking bisekleta at itinutulak ito habang naglalakad.
Palagi kaming sabay umuuwi ni Bella subalit sinabihan niya akong dumaan muna kami sa convenience store malapit sa eskwelahan.
Agad siyang dumiretso sa fridge at hinanap ang paborito niyang inumin. Ang strawberry flavored milk drink na agad na ikinalungkot niya nang wala siyang mahanap no'n.
"Talagang uunahan mo pa ako?" Tanong niya nang makitang hawak ko ang paborito niyang milk drink. Nakahanap ako kanina sa kabilang fridge at nag-iisa nalang ito.
"Syempre ibibigay ko ito sa iyo subalit sa isang kondisyon?"
"Ano?"
"Huwag ka nang magpapa-late bukas."
"Sus! Iyon lang pala, walang problema. Akin na iyan." Hinablot niya sa akin ang milk drink na iyon.
Kapwa kami tahimik habang nagmamaneho ako. Sumasabay ang pagaspas ng hanging sumasalubong sa amin.
Nang dumaan kami sa maliit na tulay kung saan matatanaw mo ang malawak na ilog at ang kulay kahel na araw mula sa paglubog nito. Makikita mo rin ang ganda ng repleksyon nito sa tubig.
Ayokong tumingin doon. Kailangan kong magpokus sa pagmamaneho at hindi dapat maakit sa makapigil-hiningang tanawin.
"Siguro, kung mamamatay man ako bukas. Gusto kong panoorin ang paglubog ng araw kasama ang taong pinakamamahal ko."
Panandalian ako napahinto sa pagpadyak. Nang sabihin niya ang tungkol sa bagay na iyon, kinabahan ako at hindi ko maipaliwanag ang mararamdaman ko.
Alam kong palabiro at masiyahin si Bella. Pero noong lumabas sa bibig niya ang mga seryosong salitang iyon, hindi ko magawang makahinga ng maayos.
Naging tahimik lang ako hanggang sa nakarating na kami sa tapat ng bahay nila. Nagpaalam na ako sa kanya at muling nagmaneho papunta sa bahay namin.
Hindi ako makatulog noong sumapit ang gabi. Iniisip ko pa rin ang tungkol sinabi niya kanina.
**
Ganoon pa rin at walang pagbabago ang nakasanayan naming ginagawang dalawa.
Hihintayin siya sa tapat ng bahay nila, ihahatid siya papasok, maghihintay sa labas ng eskwelahan at muli siyang ihahatid pauwi ng bahay nila ng ligtas.
Mas doble ang pag-aalaga ko sa kanya. Gusto ko siyang protektahan sa abot ng aking makakaya.
Habang tumatagal mas lalong akong nahuhulog sa kanya. Kaswal lang siya pagdating sa akin, palagay at napagsasabihan minsan ng problema pero iba na ang dating niyon sa akin. Habang mas nakakasama ko siya ng matagal, mas lalo akong humahanga hindi lang sa ganda niya kung hindi pati na sa mabait at masiyahin niyang personalidad.
Nagtatawanan lang kami kapag inaasar kaming dalawa sa estado ng relasyon namin. Palaging itinatanggi ni Bella ang tungkol doon at sinasabing magkaibigan lang kami... na totoo naman.
Minsan kapag may kailangan siyang tapusin sa library ay hinihintay ko pa rin siya sa labas ng eskwelahan kahit na inaabot na iyon ng hating gabi. Mas nagiging matiyaga at mahaba ang aking pasensya kapag seguridad na niya ang pinag-uusapan. Kaya ko namang maghintay ng matagal basta't magkasama kaming uuwi.
Napadalas din ang paglabas-labas namin lalo na noong nalaman naming masaya palang maglakad-lakad sa parke mula sa dulo ng bayan.
Naghanap din kami ng iba pang convenience store para lang sa paborito niyang milk drink.
Napapadalas na rin kaming pumasok ng late at umaakyat sa bakod sa likod ng eskwelahan. Hindi ko alam pero unti-unti na talaga akong nahuhulog sa kanya.
Hindi ko alam kung anong mahika ang mayroon siya at sa tuwing magkasama kami, para akong lumulutang sa ulap. Iyong saya at ligayang nadarama ko sa tuwing malapit kami sa isa't isa. Iyong kuryenteng nagkukunekta sa aming dalawa. Hindi ko maintindihan at hindi ko maipaliwanag ang lahat ng iyon.
Iniisip ko rin ang mga posibilidad na maaaring mangyari kapag aking ipinagtapat ang nararamdaman ko para sa kanya.
Paano kung hindi niya ako gusto?
Paano kung hanggang kaibigan lang ang tingin niya sa akin?
Paano kung masira ang matagal nang pagkakaibigan namin dahil lang sa lintek na nararamdaman kong ito?
Ayoko. Ayokong mangyari ang mga bagay na iyon.
Kahit hindi niya alam. Kahit ako lang ang nakakaalam. Itatago ko ito sa kanya kahit na mahirap para sa akin.
**
Nagdaan ang mga araw ay unti-unti na akong naninibago sa aking mga nakasanayan.
Madalas nang hindi pumapasok sa eskwelahan si Bella. Gusto kong alamin kung ano ang nangyayari sa kanya.
Walang tao sa bahay nila kahit na ilang katok at doorbell na ang ginawa ko.
Hindi ako sumuko. Naglalaan ako araw-araw nang mas maagang oras para hintayin siyang lumabas sa bahay nila at muli kaming sabay na pumasok. Araw-araw akong naghihintay. Araw-araw akong umaasa na lalabas siya sa kanilang bahay at muli kaming sabay na papasok. Subalit wala. Miski anino niya ay hindi ko nakita roon.
Kahit ang mga kaklase namin ay walang alam tungkol kay Bella. Nagtataka na rin sila at nag-aalala.
Halos dalawang linggo siyang nawala. Ngunit nabuhayan ako nang muli siyang magpakita sa akin.
"B-bella... k-kumusta ka na?" Nanumbalik ang saya at galak sa akin.
Ngumiti lang siya sa akin. Napansin kong naka-uniporme siya at handa nang pumasok muli.
"Halika na, umangkas ka na. Sabay na tayong papasok." Nakangiti lang ako sa kanya.
Inakay niya ang bagong bisekleta palabas sa kanila.
"Nagpabili ako kay mama para matuto akong mag-bisekleta." Agad siyang sumakay rito at sabay kaming pumasok ng eskwelahan.
Nakatingin lang ako mula sa likuran niya. Hindi ito ang Bella na nakilala ko. Masyado siyang tahimik at matipid kung sumagot.
Miski sa eskwelahan ay hindi na kami gaanong nag-uusap at nagtataka na ang ilang mga kaklase namin.
Maraming nagbago sa kanya simula nang dumating ulit siya mula sa pagkawala ng ilang linggo. Parang bagong bersyon na ng Bella ang nakakasama ko ngayon. Ibang-iba siya kumpara dati.
Naninibago ako at naguguluhan.
"Huwag mo na akong hintayin, may gagawin pa kasi ako." Malamig ang tono ng boses niya.
Gusto kong gawin pa rin ang nakasanayan ko dati. "Hihintayin na kita Bella, wala naman akong gagawin sa bahay. Basta kapag tapos ka na nandito lang ako sa labas."
Ngumiti siya sa akin.
Naghintay ako roon. Halos limang oras. Subalit wala nang Bella ang nagpakita sa akin.
Umuwi akong mag-isa na madilim ang daan. Malaki ang ipinagbago niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
Nanatili pa rin akong masiyahin at hindi naiilang sa mga kinikilos niya. Makulit pa rin ako tulad ng dati at palagi siyang kinakausap.
Minsan nalang kaming magkasabay sa pagpasok dahil nauuna na siya. Mayroon na kasi siyang sariling bisekleta at hindi na niya kailangan ng tulong ko para samahan at ihatid pa siya.
Noong araw na binigyan ko siya ng paborito niyang milk drink.
Doon na ako nakutuban na may kakaiba nang nangyayari kanya nang tanggihan niya ito.
Palihim kong inalam kung bakit siya biglang nagbago. Lalo na nang pakikitungo sa akin at sa iba. Minatyagan ko siya at parang akong pribadong imbestigador na sinusundan siya.
Noong pauwi na siya ay ginawa kong sumunod kung saan siya papunta. Nagtaka ako noong hindi siya dumiretso sa kanilang bahay, hindi sa parke o sa convenience store na palagi naming pinupuntahan.
Nagtungo siya sa isang ospital. Nagpatuloy pa rin akong sundan siya.
Pumasok siya sa isang kwarto kung saan kasama niya ang mga magulang niya sa loob at isang doktor.
Bumibilis ang tibok ng puso ko.
Lumipas ang mga sumunod na araw ay may napansin ako kay Bella. Marami siyang sugat sa kanyang braso at pulso na agad naman niyang tinago gamit ang mga bracelet niya.
Pinaghahabi-habi ko ang mga nasaksihan ko. Subalit hindi ko pa rin mabuo kung ano ang nangyayari kay Bella.
**
Habang tumatagal mas lalong nag-iiba si Bella mula sa mga dati nitong ginagawa. Pumapasok siyang makapal ang make-up at mapulang-mapula ang labi. Nagpagupit siya ng buhok at palaging nakasuot ng bonet.
Hindi na siya ang Bella na nakilala ko.
"B-bella, pwede ba tayong mag-usap?" Tanong ko sa kanya ng magkasalubong kami sa corridor.
"Pasensya ka na, nagmamadali kasi ako." Tanggi niya na palagi niyang dahilan para iwasan ako.
Nag-aalala ako para sa kanya.
Nakita ko si tita Anne noong saktong break time namin na lumabas ng principal's office.
Nagkasalubong kami sa daan.
"Tita Anne..." tawag ko sa kanya.
"Oh, hijo, kumusta ka na?"
"Maaari ko po ba kayong makausap?" Wala nang paligoy-ligoy pa.
"Ano pong nangyayari kay Bella?" Direkta kong tanong sa kanya.
Panandalian itong napahinto at napahinga ng malalim. Napansin ko rin ang mabilis na pagtulo ng luha sa kanyang mata.
"Hijo, gusto ko mang kay Bella mo malaman ang lahat pero alam kong itatago niya ito sa iyo."
Hinawakan niya ang kamay ko at patuloy ang pag-agos ng luha sa kanyang mga mata.
"Ma'am excuse me po, ang anak niyo po, si Bella isinugod sa clinic."
Hindi ako makagalaw at mabilis ang kabog ng dibdib ko.
"Ano?!"
Mabilis na tumakbo si tita Anne sa clinic ng eskwelahan para tingnan si Bella. Sumunod ako sa kanya pati na noong dinala siya sa ospital.
Nagdugo ang ilong niya sa eskwelahan kanina. Nanghina ang katawan niya at nag-collapse sa daan.
Doon ko nalaman ang lahat. Na may leukemia si Bella at matagal na siyang may sakit noon pa man.
Ang paliwanag sa akin ni tita Anne, mas lumala na ang sakit niya at binigyan na siya ng taning ng doktor.
Tinanggap na nila iyon. Matagal na. Ang gusto lang nila ay sulitin ni Bella ang mga araw na natitira para sa kanya. Na gawin ang gusto nito bago man lang mawala sa mundo.
Habang nakahiga si Bella sa hospital bed ay nakatitig lang siya sa akin. Mayroon nakasalpak na oxygen mask sa parteng ilong at bibig niya.
"B-bella, bakit hindi mo sinabi sa akin?"
Napansin kong tumulo ang luha sa mata niya.
"A-ayokong mag-alala ka sa akin. Ayokong isipin mong mahina ako kaya tinago ko sa iyo ang sakit ko."
"Akala mo ba hindi ko malalaman? Sana kung sinabi mo sa akin noon, mas naalagaan kita." Hindi ko na napigilang umiyak sa harapan niya.
"Lahat ginawa ko para hindi mo malaman. Ayokong magbago ang pagtingin mo sa akin nang dahil lang sa sakit na mayroon ako."
"Akala mo ba hindi ko maiintindihan iyon? Bella, mahal kita, gagawin ko ang makakaya ko para alagaan ka. Hindi ka ba naniniwala sa milagro? Maaari ka pang gumaling!" Hinawakan ko ang kamay niya.
"Tinago ko sa iyo ang sakit ko... matagal na. Nagsusuot ako ng bracelet para hindi mo makita ang mga karayom na tinusok sa akin, nag-make-up at nag-lipstick ako para hindi mo mahalatang maputla na ang mukha ko at nagsuot ako ng bonet para hindi mo mapansing nalalagas na ang mga buhok ko. Lahat ng iyon itinago ko para hindi ka mag-alala sa akin. Dahil ikaw ang pinaka-importanteng tao na nakilala ko at habang-buhay kong panghahawakan ang mga pagmamalasakit mo sa akin. Noon pa man gusto na kita higit pa sa kaibigan. Ayoko lang na humantong tayo roon at pumasok sa isang relasyon tapos malalaman mong hindi na pala ako magtatagal. Maraming babae riyan, Solomon. Mas malakas, mas maganda at mas matalino kumpara sa akin."
Kapwa kami may luhang tumutulo sa aming mga pisngi.
"Pero, Bella, ikaw ang gusto ko! Hindi mo naman mauutusan ang puso kong magmahal ng iba dahil kahit na anong mangyari, sa iyo lang titibok ito."
Mas mahigpit ang hawak ko sa kamay niya.
**
Nanghihina na si Bella habang lumilipas ang mga araw.
Subalit sinabi niya kay tita Anne ang gusto niyang mangyari bago siya mawala.
Naalala ko noon ang sinabi niya...
"Siguro, kung mamamatay man ako bukas. Gusto kong panoorin ang paglubog ng araw kasama ang taong pinakamamahal ko."
Tinulungan ko si tita Anne para mangyari ang huling hiling ni Bella bago siya mawala. Pumunta kami sa ilalim ng tulay kung saan matatanaw mo ang ganda ng ilog habang ang kulay kahel na araw ay lumulubog.
Nakaupo siya sa wheelchair habang nakasuot ng hose na nakakunekta sa kanyang ilong.
"Sobrang ganda..." hindi makapaniwala niyang sambit.
"Dinalhan kita ng paborito mong milk drink." Ngumiti ako sa kanya at ibinigay iyon.
Mula sa aming likuran ay naroroon si tita Anne na pinanonood kami mula sa tapat ng lumulubog na araw.
"Sinabi ko noon sa iyo na kung mamamatay man ako bukas, gusto kong panoorin ang paglubog ng araw kasama ang taong pinakamamahal ko. Tinupad mo iyon, Solomon."
"Para sa iyo, Bella. Gagawin ko ang lahat." Giit ko.
Huminga siya ng malalim.
Napansin ko ang pagtulo ng dugo sa kanyang ilong. Para itong gripo na mabilis na gumapang pababa ng kanyang bibig at tumulo sa kanyang damit.
"Maraming salamat sa lahat-lahat. Hinding-hindi kita malilimutan. Palagi mong tatandaan, Solomon..."
Mahigpit ang kapit ko sa kanyang kamay habang pinapakinggan ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig na parang musika.
"M-mahal... na mahal... kita."
-Wakas-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top