EPILOGUE

Kahit sobrang sakit na ng tiyan ko, pinigilan ko ang humiyaw nang todo dahil nakita kong mas pinapawisan pa nang malapot si Kaito. Naawa ako kay Akio dahil ito ang nasigawan niya nang todo para bilisan pa ang pagpapatakbo sa kotse. Pagdating namin sa ospital, may kasabayan akong buntis na nakipag-agawan sa akin sa dumating na stretcher. Nagalit siyempre ang mister kong sobrang mainitin ang ulo. Nagkatulakan pa sila ng asawa ng babae.

"Kaito, ano ba?" galit kong sigaw sa kanya nang napag-alaman kong hindi naman pala talaga para sa akin ang stretcher na iyon. Heto't paparating pa lang ang akin.

Habang halos hindi magkandaugaga sa kakahingi sa amin ng paumanhin ang paramedics ng ospital ako na mismo ang humiga ng sarili ko sa stretcher. No'n lang sila parang naalimpungatan na heto pala at may pasyente silang dapat na aatupagin. Habang tinatakbo ako sa delivery room, hawak-hawak ni Kaito ang isa kong kamay.

"You'll be all right, love, you'll be all right," sabi pa niya. Sa gitna ng matinding paghilab ng tiyan, hindi ko napigilan ang mapangiti dahil itong asawa ko great pretender talaga. Kanina pa siya nagkukunwaring matapang pero heto't namumutla na sa takot at kaba.

"Malayo pa ba?" daing ko. "Hindi ko na kaya!" 

Kasabay ng pagsigaw ko'y may parang sumabog sa ano ko. Natilamsikan pa ang ibang paramedics. Pumutok na pala ang water bag ko! Nakita iyon ni Kaito at nataranta siya. Lalo pang namutla. Nang akmang ipapasok na ako sa delivery room, sinabihan ko na siyang huwag nang sumama dahil baka lalong sumama ang kanyang pakiramdam.

"I want to be there! I want to witness my child's birth!" pagpupumilit niya.

Hindi na hinintay ng paramedics na pumayag ako. Binigyan na lang nila ng scrub si Kaito at pinagbihis para makapasok din siya sa delivery room.

"Kaito, bwisit ka! Walanghiya ka!" sigaw ko sa pamamagitan ng pag-ere. Ang kaninang disposisyon kong maging kalmado at matapang para hindi kabahan si Kaito ay nawalang parang bula. Mas nanaig sa akin ang mayroon akong pagbuntunan ng sobrang sakit at hapdi na nararamdaman ko nang mga sandaling iyon. Pakiramdam ko kasi'y sasabog na at magkagutay-gutay ang ano ko sa ibaba.

"Ere pa, misis. Malapit na. Nakikita na namin ang ulo ng bata," sabi ng doktora.

"Gusto kitang sipain, Kaito! Bwisit ka! Pinapahirapan mo ako!" Kasabay no'n kinurot ko na ang braso ng damuho. Wala naman siyang kibo.

Abala ako sa nararamdaman, hindi ko namalayan na namumungay na pala sa kaba ang singkit niyang mga mata. Pag-iyak ng bata dahan-dahan ding lumuwang ang paghawak niya sa kamay ko at natumba na lang siya sa gilid ng hospital bed.

**********

"It's a boy!" masayang anunsiyo ng doktora sabay tapik sa puwet ng bata. Pagkakita ko kay beybi na puno ng dugo, nanlambot ang mga tuhod ko't nagdilim pati ang aking paningin. Nakahiga na rin ako sa isang kama nang ako'y magising. Kaagad kong hinanap ang aking mag-ina.

"They're both safe," masayang balita ng nurse, nakangiti. Tsinek niya ang vital signs ko bago ako pinayagang bumaba ng kama.

"I want to see them!" sabi ko agad.

Maghintay daw muna ako saglit at titingnan muna niya kung puwede nang mabisita ang mag-ina ko. Hindi na ako nagpaiwan sa silid. Lumabas ako. Sa hallway malapit sa delivery room may naghihintay doong lalaki. Ito ang asawa ng isang buntis na muntik ko nang masuntok kanina. He looked so worried. Dala na rin marahil ng katuwaan ko dahil mayroon na akong baby boy pagkatapos ng dalawang sunud-sunod na anak na babae, nagawa ko na siyang batiin. Nang napag-alaman kong Pinay din ang misis niya, nanatili muna ako roon para kausapin siya.

"Ako nga pala si Furukawa---Kaito Furukawa." Bahagya akong yumuko sa harapan niya. Yumuko rin siya sabay pakilala sa sarili.

"Otsuji tomoshimasu. Ryu Otsuji." Yumuko rin siya bilang pagtugon sa pagbati ko.

"Kumusta, pare? Nakapanganak na ba ang misis mo?"

"Hindi pa nga, e," nag-aalala niyang sagot at napasabunot pa sa buhok. "Kanina pa siya nagle-labor."

"Panganay n'yo ba ito?"

"Hindi. Panglima na namin at palagay ko'y panghuli na rin. Hindi ko na kakayanin pa kung mayroon pang sumunod." At napahinga ito nang malalim.

"I feel you."

"Nakapanganak na ba ang sa iyo?"

"Oo. Naka-lalaki na rin ako sa wakas," tuwang-tuwa ko pang balita. Napangiti siya.

"I'm hoping for a girl this time para may kapatid ding babae ang panganay namin. Pulos lalaki kasi ang tatlo niyang nakababatang kapatid."

"Furukawa-san?" tawag sa akin ng nurse.

"Sige, Otsuji-san. See you, around," pamamaalam ko. Halos takbuhin ko na ang private room kung saan dinala si Filipa. Hindi mailalarawan ang kagalakang nararamdaman ko nang mga oras na iyon.

Nang masilayan ko na ang anak naming lalaki, tumulo ang luha ko. Pinagtawanan ako ni Filipa.

**********

Napa-double take ako nang makita kung sino ang pumasok. Pati si Tita Chayong ay natigil sa paglalaro kay Hideki. Napakurap-kurap pa kami pareho.

"Ano ba kayo! Si Roselda ito!" Tumatawa pa ang bruha. Siyempre naman, kilala namin siya. Makakalimutan ko ba naman ang babaeng sumagip ng buhay ko? Pero ano'ng nangyari at bakit --- huwag niyang sabihing magmamadre na siya!

"May pupuntahan ka bang recollection ngayon, Mother Superior?" si Tita Chayong naman.

Napangiti na ako at binistahang mabuti ang suot ni Ate Roselda. Itim ang maluwang na palda niya at ang pang-itaas nama'y kulay puti na turtle neck sweater. Kabaliktaran ng mga sinusuot niya dating mini-skirts na halos singit lang ang natatakpan at spaghetti strap blouses na halos nipple lang ang hindi naipapakita.

"Kayo naman, parang hindi na nasanay sa akin."

"Talagang hindi sanay!" halos sabay naming sagot ni Tita Chayong.

Ang tamis ng ngiti ni Ate Roselda. Ngiting parang may ibig sabihin.

"Strikto kasi si Nonoy. Ayaw niya ng mga maiikling suot."

"Nonoy?" Nagsabay na naman kami ni Tita Chayong. Parehong nangunot ang noo namin.

Bago makasagot si Ate Roselda, may narinig kaming tatlong mahihinang katok at sumilip ang isang maamong mukha. Medyo nahiya pa siya nang nagtanong sa akin kung ito nga ba ang kuwarto ni Mrs. Filipa Furukawa. Hindi ko na siya nasagot dahil biglang lumingon si Ate Roselda at sa nagagalak na boses ay bumati sa lalaki. Nagkatinginan uli kami ni Tita Chayong.

May kaitiman nang kaunti ang sinasabing Nonoy pero ang guwapo ng mukha! Naaalala ko sa kanya si Robin Padilla noong ito'y sa kasagsagan pa ng pagiging action star niya sa pelikulang Pilipino. Pati si Tita Chayong ay hindi nakapagsalita. Nakatingin lang ito sa lalaki. Nakanganga.

"Tita Chayong," untag ko rito sa mahinang tinig. "Kung may langaw na dumaan, napasok na sa bunganga n'yo. Stop staring."

Parang nahiya si Nonoy nang ipinakilala na sa amin ni Ate Roselda. Panay ang kamot nito sa ulo. Napag-alaman naming dati pala itong kasintahan ni Ate Roselda. Nagkahiwalay sila nang kapwa tinedyer pa dahil parehong mahirap ang pamilya. Napilitan kasi ang kaibigan kong sumama sa kapitbahay na recruiter ng mga Japayuki para iahon sa kahirapan ang pamilya. Dahil doon nagrebelde raw ang nobyo. Nakipagtanan sa iba. Heto nga at mayroon nang tatlong dalagitang anak at hiwalay na sa kinakasama. Ang dating recruiter ni Ate Roselda rin ang nagpasok kay Nonoy sa construction sa Higashi Osaka kung saan siya nagtatrabaho ngayon. Ito rin daw ang naging tulay para magkita silang muli.

Nang saglit na lumabas si Nonoy para mag-CR, inulan namin ng biro si Ate Roselda.

"Paano iyan, Ate Roselda? Hindi ka na makakabili ng Hermes niyan."

"Wala na akong pake sa Ermeyz-Ermeyz na iyan, Pipay! At least ito, anaconda!" At humagalpak ito ng tawa. Pinangunutan ko siya ng noo. 

"Akala ko ba nagbagong-buhay na rin iyang dila mo, hindi pala!"

Natigil lang kami sa biruan nang pumasok si Kaito at Akio. Hindi gaya noon, binabati na ni Kaito si Ate Roselda. Nakikipagbiruan na rin ito rito. Nang makaharap niya si Nonoy at napag-alamang nagbabalak silang magpakasal ni Ate Roselda, inalok niya ito ng trabaho sa construction company ng pamilya.

"Naku, Pogi! Tenk yu! Domo arigatou!" Hinalikan pa si Kaito sa pisngi. Natawa naman ang asawa ko. Ngingiti-ngiti lang sa kanila si Nonoy.

**********

Naputol ang masayang pagsasalu-salo namin sa ikaapat na buwan ni Hideki nang mag-flash sa TV ang resulta ng pinaka-kontrobersyal na kaso ng dekada---ang pagkakasangkot ng dating socialite na si Amane Takahashi at ng asawa nitong si Yamauchi-san sa kasong fraud na isinampa ng Furukawa Group of Companies. Napag-alaman na noong kapanahunan na nobyo ng socialite ang asawa ko'y mayroon na raw itong itinayong pekeng kompanya na ang tanging produkto ay mga pambabaeng accessories. Hiningan nito ng malaking investment ang biyenan ko. Dahil nga inakala ng matanda na magiging manugang naman niya ito balang-araw, hindi na nito pinag-isipan pa ang project proposal na sinumite ng babae. Nagbigay agad ito ng halos kalahating bilyong yenes para panimulang kapital. Ang halagang iyon ay nadagdagan pa nang matuloy ang engagement ng dalawa. Lingid pala sa matanda, simula't sapol palang ay may iba nang kinakalantari ang hitad---si Yamauchi-san. At hindi totoo ang sinasabi nitong kompanya. Ang lahat ng iyon ay gawa-gawa lamang para makapanghuthot ng pera sa matandang Furukawa. Ang bruha rin ang nagdala kay Yamauchi-san sa F&K English School para sana umakit sa akin nang mapag-alaman nitong may iba nang kinahuhumalingan ang dating nobyo.

Magaan sana ang loob ko kay Yamauchi-san pero nang mapag-alaman kong planado ang pagkikita namin pati na ang balak sana nitong panliligaw, nabwisit din ako sa kanya. Ang pinakapinanggigilan ko sa lahat ay ang pagpanggap nilang hindi sila marunong mag-English. Ang gunggong na Yamauchi-san at sa Pennsylvania State University pa pala nag-aral ng business! Doon sila nagkakilala ng malanding si Amane. Pareho palang matatas nang magsalita ng English ang dalawang manloloko noong mga panahong nag-enroll sila sa F&K English School. Siguro pinagtawanan nila akong dalawa sa tuwing nagkikita pagkatapos ng klase namin. Gusto ko silang tirisin!

Pareho ang reaksiyo namin ni Tita Chayong. Halos ay maglundagan kami sa tuwa nang binabasa ang hatol sa dalawa. Na-distract lang ako sa pinapanood ko dahil umiyak nang umiyak si Hideki. Inagawan pala siya ng pacifier ng Ate Hitomi niya, ang magdadalawang taong gulang kong anak na babae.

"Hitomi, ano ba!"

Itinakbo ng bruhita kong anak ang pacifier ng baby brother niya. Hahabulin ko sana ito pero napabalik ako sa harapan ng telebisyon nang may pasabog pang kaso laban kay Amane. Siya pala ang nagpasunog noon sa omise ni Tita Chayong sa Ibaraki! Siya at ang kalaguyo niyang si Yamauchi-san. My God!

"Sinasabi ko na nga ba!" sigaw ni Tita Chayong. Napukpok nito ang center table. Gumalaw ang maliit na plato na kinalalagyan ng isang hiwa ng cake na kinakain ni Chiaki. Nagulat ang limang taong gulang kong anak at sa sobrang gulat ay napaiyak siya.

"Sorry, baby. Hindi para sa iyo iyon," natatawang sabi ni Tita Chayong. Nilapitan niya ito at hinagkan sa ulo. Iyon ang nadatnan ni Kaito. Nag-iiyakan ang dalawang bata habang nagpapahabol naman si Hitomi.

**********

Kompleto sana ang ligaya kung nabubuhay pa si Sakamoto-san at nakikita ko ring binabasahan siya ng parusa para sa kaso niyang embezzlement, theft, at general breach of trust. Ang kaso namatay ang matandang hukluban ilang buwan matapos siyang mabaril ng mga pulis. Inakala ko noon, tulad ng dalawa niyang bodyguards ay makaka-survive rin siya. Hindi pala. Pero at least nakabawi kami ni Filipa sa bwisit na Amane at gagong Yamauchi-san na iyon. Okay na rin ang labinlimang taong pagkakakulong. Para sa dalawang taong mapagmataas, malaki na ang maidudulot ng pagkakabilanggo nila. Madawit nga lang ang pangalan nila sa mga kasong kinasangkutan ay malaking dagok na para sa kanila na nasanay na tinitingala ng lipunan, how much more iyong makulong pa nang tuluyan? Ganunpaman, nakita kong tila hindi lubusang ikinatuwa iyon ni Papa. Nang matapos ang pagbasa sa kaparusahan ng dalawa, lumabas agad ito ng courtroom sa tulong ng dalawang private nurses na siyang sumakay sa kanya sa dala niyang electric wheelchair. Wala kaming kibuan hanggang sa makarating ang sinasakyan naming Mercedes-Benz SUV sa condo unit namin ni Filipa. Pagkatapos magpasalamat sa driver ng pamilya, binalingan ko si Papa.

"Hindi ho ba kayo dadaan sa mga apo n'yo?" tanong ko.

"S-saka na."

Hindi na ako nagpumilit. Tahimik na lang akong bumaba ng sasakyan.

Sa pintuan pa lang ng condo namin, narinig ko na ang komosyon sa loob. Pagpasok ko nang tuluyan, nadatnan kong umiiyak si Chiaki at Hideki habang si Hitomi nama'y ngumingisi na parang nakaisa sa hindi kalayuan.

"Papa!" sigaw ni Chiaki. Binitawan nito ang hawak na tinidor at naglambitin sa akin. Tumakbo rin sa akin si Hitomi at yumakap sa binti ko. Sinalubong naman ako ni Filipa ng halik sa pisngi.

"Naparusahan na rin pala ang bruha," sabi sa akin ni Tita Chayong. "Mabuti't wala na tayong alalahanin pa ngayon. Buti nga sa kanya!"

Tumango ako. "Napanood n'yo pala."

"Oo. Kapapakita lang sa TV."

Sinilip ko si Hideki sa kuna niya at binuhat.

"Ba't umiiyak ang bebe ko?" tanong ko rito.

"Pinaiyak na naman ng bruha mong anak na si Hitomi. Ano pa nga ba?" sumbong naman ni Filipa. Hinalikan ko ang baby boy sa pisngi. Ngumiti siya sa akin at tumahan na. Yumakap pa sa leeg ko na parang sabik na sabik na makita ako.

Hinila ni Filipa mula sa pagkakayakap sa binti ko ang makulit na si Hitomi at hinawakan ito sa magkabilang balikat.

"Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyong maging mabait ka sa younger brother mo, ha?"

Hindi ito sumagot, pero nagpipigil ng pagtawa. Sinimangutan ito ng nanay niya. Tumalikod ako at napangiti. Kapag ganoong nanloloko ang bata, naalala ko ang aking kamusmusan. Kamukha siya ni Filipa, pero parang ako talaga siya noong bata pa. Sutil at may pagkatuso pa.

"Kapag sinasabihan ka ng mama, magseryoso ka. Loka-loka itong batang ito, a," narinig ko pang sabi pa ni Filipa sa anak namin. Bumungisngis naman si Hitomi.

Pangangaralan pa sana ito ni Filipa kaso tumunog ang telepono. Napatingin doon ang asawa ko. Binigay ko muna sa kanya si Hideki at sinagot ang telepono. Si Mama. Binalitang nakarating na ng bahay si Papa. Pagpasensyahan ko na lang daw kung bakit parang hindi nito ikinatuwa ang kinalabasan ng kaso. Huwag daw akong magdamdam. Gano'n lang daw talaga dahil matagal na panahon ding itinuring nito na parang tunay na anak si Amane. Mahirap daw iyong burahin sa puso't isipan sa kabila ng nagawa ng babae sa aming pamilya.

"Nalungkot ba si Papa?" tanong agad ni Filipa sa akin nang maibaba ko na ang telepono. Na-sense kong tila may himig ng pagdaramdam ang boses niya. Nilapitan ko siya't inakbayan.

"Wala iyon. Nalungkot lang siguro sa kinalabasan ng lahat." Hinagkan ko pa ang sentido niya. Hindi na umimik pa si Filipa. Tumayo na lang ito at pinaghele si Hideki para makatulog uli. Kinandong ko si Hitomi habang pinupunasan ang mukha ni Chiaki na ngayo'y punung-puno na ng chocolate cake. Si Tita Chayong nama'y nagtungo sa pintuan para tingnan kung sino ang dumating na bisita. Nang marinig itong tumatawa, napalapit din kami ni Filipa sa pintuan kabuntot ang dalawang batang babae.

"Bikkurishita!" nasabi ko sa pagkagulat.

**********

"Magkakilala kayo?" tanong ko kay Kaito dahil nagkumustahan agad sila ng lalaking bisita na tila matalik na magkaibigan.

"Ako nga pala si Ryu Otsuji. Pinay din ang asawa ko," pagpapakilala sa akin ng lalaki. Katulad ni Kaito, matangkad din ito. At guwapo. Hmn. May taste talaga kaming mga Pinay.

Mayamaya pa, lumitaw ang sinasabi niyang maybahay at ang apat nilang anak. Isang batang babae na siguro'y mga siyam na taong gulang at tatlong cute na cute na batang lalaki na nag-eedad lima hanggang dalawang taong gulang.

"Ikaw pala iyong Mara Otsuji na sinasabi nitong asawa ko na kasabayan kong nanganak sa ospital," masaya kong bati sa babae. Katulad ko'y medyo may pagka-morena rin siya. Hindi halata na lima na ang anak niya. Nainggit tuloy ako. Mayroon pa kasi akong natirang extra fat sa tiyan dahil sa panganganak ko kay Hideki four months ago samantalang siya'y seksi na uli.

"Pagpasensyahan n'yo na iyang regalo namin," sabi nilang mag-asawa sabay abot ng isang malaking package. Kalilipat lang daw nila sa building na iyon at nagdala sila ng regalo sa amin gaya ng nakaugalian ng mga Hapon kapag mga bagong lipat – nagbibigay ng kung anu-ano sa kapitbahay.

Inusyuso agad nila Chiaki at Hitomi ang nasabing package. Pinakilala namin sila sa mag-anak. Napansin kong biglang nahiya ang makulit kong anak nang lumapit na ang tatlong batang lalaki. Nagtago pa ito sa likuran ko. Si Chiaki nama'y cool lang.

Nang makaalis na ang mag-anak, kinantiyawan namin ni Tita Chayong si Hitomi.

"Ampopogi ba ng mga kapitbahay natin?" tanong ko pa habang lumuluhod sa harap niya. Nagtakip ng mukha si Hitomi at napabungisngis.

"Ano ba! Ang bata-bata pa ng anak mo'y kung anu-ano na'ng nilalagay mo sa kukote niya!" asik ni Kaito sa akin. Nakasimangot pa't naniningkit ang mga mata.

Nagtinginan kami ni Tita Chayong at nagtawanan. Pareho kaming tiningnan nang masama ni Kaito.

WAKAS 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top