CHAPTER TWENTY-TWO

A/N: Pasensya na sa mga nag-aabang ng update ng When I Love at Now or Never, tatapusin ko muna itong Sukiyaki bago mag-update doon para makapag-pokus ako.

**********

Lumapit na ako kay Tita Chayong kahit nanginginig ang tuhod. Tiningnan niya ako nang masama at pabalibag na sinara ang pintuan. Napaatras ako sa lakas ng impact no'n at nilingon ko si Kaito na ngayo'y nagsisimula nang magbihis.

"Kasalanan mo ito, e!" bulyaw ko sa kanya.

Nagtaas siya ng kilay and he looked at me lazily. Nanggigil na naman ako. Nilapitan ko siya't hinampas ng unan. Sinalag niya iyon. I was expecting him to get mad because I know he doesn't like it when I get violent. Pero nakita ko siyang nakangisi lang habang iniiwasan ang mga paghampas ko. Nang maagaw na niya ang unan, nagawa pa niya akong asarin.

"Paano na iyan? Alam na ng tiyahin mong nagkukunwari ka lang ng pagsusuplada sa akin pero ang totoo niyan ay hindi mo rin ako ma-resist?"

"Hayop ka! Alam mo ba iyon? Hayop kang hudas ka!"

Naiyak ako sa galit, hiya kay Tita Chayong, at pangamba na rin sa maaaring gawin sa aking ng tita ko. Samantalang ang gunggong ay parang hindi apektado.

"Make up your mind. Hayop ako o hudas?" Nagawa pang ngumisi uli ng demonyo. Gusto ko tuloy dukutin ang singkit niyang mga mata.

"Wala lang sa iyo ang lahat dahil lalaki ka naman, e! Iniisip mong pabor pa sa iyo ito. Hindi mo man lang inisip kung ano ang iisipin sa akin ng tita ko. Palibhasa sarili mo lang ang iniitindi mo."

Nagseryoso na ang damuho. "Look, if that's what you were thinking, then you shouldn't have let this thing to happen again. Ginusto mo rin, e. You could have rejected my advances, but you welcomed it with open arms. Ano'ng magagawa ko? I'm just a normal guy. At mataas ang libido."

Inirapan ko siya.

"Dapat nga, ako pa ang kabahan. Aba, baka pipikutin n'yo na akong magtiya nito."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.

"Hindi ba't uso pa rin sa inyo ang shotgun wedding? Baka nga at this time ay pinplano na ni Chayong-san ang kasal natin."

"Hoy! Kahit tutukan pa ako ng machine gun, hindi ako pakakasal sa iyong hudas ka! Ang feeling mo rin, ano?"

Humalakhak siya at nauna pa sa aking lumabas ng kuwarto. Nang wala na siya, nagpalakad-lakad ako. Hindi ko alam kung kaya ko nang harapin si Tita Chayong. Sigurado akong kakalbuhin ako no'n. Ilang beses na niya kasi akong nireto sa mga kaibigan niyang Hapon tapos umayaw-ayaw ako kahit na inalok ako ng kasal, tapos heto't nagpaano na lang bigla sa lalaking lagi ko pang inaaway.

Makaraan ang ilang sandali, may narinig akong mahihinang katok sa pinto. Napalunok ako nang ilang beses. Umusal muna ako ng isang munting dasal bago ko pinagbuksan ang panauhin. This time, kalmado na ang hitsura ng tita ko. Malungkot nga lang, pero at least hindi na siya mukhang mapanganib.

"Tita---ano po kasi---" Hindi ko alam kung paano ako magsisimula sa pagpapaliwanag.

"Mahal mo siya?" Mahina at malumanay ang boses ni Tita Chayong.

Napayuko ako.

"Mahal mo nga siya." Napabuntong-hininga siya at maingat niyang pininid muli ang pinto. Hindi na siya nakipag-usap sa akin nang gabing iyon.

**********

"Ano'ng ibig mong sabihing pupunta ka ng Pilipinas? Nahihibang ka na ba? Ang dami-dami nating problema ngayon! Banzai Studio's recent video games are not earning much tapos lalayasan mo kami rito?"

"Kaya mo lahat iyan. I trust you," sabi ko lang kay Akio sabay tapik sa kanyang balikat.

"Kaito, sandali! Hoy! Kararating mo lang dito, a. Saan ka na naman pupunta?"

"I'll be back in an hour."

Hindi na ako nagpapigil pa kay Akio kahit sinundan niya ako hanggang sa elevator. Talak siya nang talak, pero hindi ko pinansin lahat iyon. Abala ang isipan ko sa mga pangyayari kamakailan. Ang dami kong dapat ayusin. Kailangan ni Chayong-san ng proteksiyon. Sigurado akong may gagawin na namang masama sa kanya ang kalaban. Dapat mapasakamay na niya ang papeles ng unit kung saan nilipat ang kanyang omise bago pa man ng biyahe ko patungong Pilipinas. Speaking of which, I need to talk to Attorney Hirai. Mainam ding maayos ko ang kakailanganing security ng mag-tiya habang wala ako sa Osaka.

Kapapasok ko lang sa kotse ko nang tumunog ang cell phone ko. Dinukot ko ito sa bulsa. Nang makita kong si Papa lang ang tumawag, initsa ko ito sa katabing passenger's seat. Pinik-ap naman ng built-in rusuban denwa (answering machine) ng CP ang tawag niya kaya narinig ko ang galit na galit niyang boses.

"May nakapagsabi sa aking nahuhumaling ka na sa Pilipinang iyon at tuluyan mo nang kinalimutan si Amane-chan! Nababaliw ka na ba? Hindi ba't sinabihan na kitang okay lang sa akin ang pakikipag-fling sa ibang lahi basta pakakasal ka pa rin sa isang Haponesa? Hinahamon mo ba ako?"

Sinulyapan ko ang cell phone at ngumisi. Parang nakikita ko na ang pag-aapoy ng bumbunan ni Papa. Natitiyak kong sa mga oras na iyon ay nandoon din sa tabi niya si Mama at humahagud-hagod sa kanyang likuran.

"Tawagan mo ako agad! Kailangan nating mag-usap!"

Pagdating ko sa eskwelahan sa Suita, nabwisit ako sa sumalubong sa aking balita. Hindi raw pumasok si Filipa. Mga dalawang araw na raw. Hindi rin daw ito sumasagot sa mga tawag ni Akemi-chan.

"Ba't hindi mo agad pinaalam sa akin ito?"

Nanginig sa takot si Akemi. Hindi na ito nakasagot. Napamura ako nang malutong. Tinawagan ko muna si Attorney Hirai na makipagkita ito sa akin sa lalong madaling panahon, bago ako bumalik sa sasakyan. Lalo akong naimbyerna nang pagdaan ko sa bahay nila Chayong-san sa Takatsuki ay napag-alaman ko sa tsismosa nilang kapitbahay na walang tao sa loob. Umalis daw ang magtiya. Napaderetso ako sa omise kahit alam ko na ang kasagutan.

**********

Halos nailabas ko na ang lahat ng kinain ko pero hindi pa rin matigil-tigil ang pagduduwal ko. Nanlulupaypay na ang mga tuhod ko't braso. Wala na akong lakas. Sa huling pagduwal ko sa toilet bowl, may nag-abot sa akin ng isang baso ng maligamgam na tubig. Pag-angat ko ng paningin, nakita ko ang mukha ni Inang na tila nag-aalala.

"Ilang araw ka nang ganyan, anak."

Alam kong nagdududa na siya sa akin, pero hindi niya pa rin ako sinita. Palagay ko nga alam na niya ang nangyayari sa akin.

"Sobra sigurong stressed out ang ate. Baka hindi pa rin niya matanggap na napauwi siya ni Tita Chayong nang wala sa oras."

Umalis na ng banyo ang Inang at sinundan niya ang nakababata kong kapatid sa kusina. Narinig ko silang nag-usap tungkol kay Tita Chayong. Nagtanong ang Inang kong nakatawag na raw ba ang tita namin. Nang maalala ko siya, nalungkot na naman ako. Nang dahil sa akin ay nagulo ang buhay niya sa Osaka. Kailangan tuloy niyang umalis sa lugar na itinuring na niyang pangalawang tahanan. Marahil ay nanggigigil na iyon sa akin ngayon. Ayaw na ayaw pa naman no'n ng buhay sa rural areas ng Japan. Ang lungkot doon, e. Kaso nga lang, kailangan niyang umiwas sa gulo. Kailangan niyang sundin ang papa ni Kaito dahil kung hindi mapipilitan daw itong gawin ang lahat ng makakaya mapaalis lang ito ng Japan for good.

Tutulungan ko sana si Sylvia, ang kapatid ko, sa pagluluto ng almusal pero pagkalanghap ko pa lang sa piniprito niyang daing, napatakbo na naman ako ng banyo at nagduwal na naman nang nagduwal.

"Ano'ng nangyari kay ate, 'Nang?" narinig kong tanong ni Sylvia kay Inang. Walang sinagot doon ang nanay namin. Ganunpaman, alam ko nang alam niya ang tunay na dahilan ng pagsama ng pakiramdam ko dahil nang tumingin siya sa akin pagbalik ko ng kusina may ibayong lungkot na sa kanyang mga mata.

"Aling Lena!" tungayaw ng kapitbahay namin. Nakahiga na ako no'n sa maliit na papag sa kuwarto sa itaas. Bumangon ako at tinaas ang kahoy na tungkod ng bintana naming yari sa pinagtadtad na kawayan. Nakita kong tumatakbo papunta sa amin si Aling Delia. Sa may bandang unahan naman may nakita akong mama na nakasombrero na naglalakad sa pilapil. May kasama siyang mga bata na biglang nagsipagyuko sa katatawa nang mahulog ang lalaki sa binabagtas na pilapil.

Nagtititili sa ibaba ng bahay si Aling Delia. Excited itong hindi mawari. Napailing-iling ako. Kahit kailan ang OA talaga ng matandang iyon. Malamang may nasagap na naman itong tsismis.

Sinara ko na ang bintana at nahiga nang muli. Papikit na uli sana ako nang tinawag ako ni Inang. Pinapababa niya ako ng bahay. Tumagilid ako't nagkunwaring tulog na. Mayamaya pa'y pumanhik ito at bahagya akong tinapik sa puwet.

"Bumaba ka muna."

"Hmn," ungol ko kunwari.

"Bumaka ka, ha?" sabi pa niya at lumabas na ito ng kuwarto ko. Napilitan akong bumangon. Hindi pa ako nakabababa ng papag, narinig ko nang nagkakagulo sa sala ng bahay at mukhang napauwi nang maaga mula sa bukid si Tatang. Nangunot tuloy ang noo ko. Kahit may sakit ang Itang, hindi mo mapapauwi iyon nang maaga. Laging madilim na kung lisanin no'n ang bukirin namin.

Pagbaba ko ng bahay, nasagot lahat ang katanungan ko. Rumigidon kaagad ang puso ko nang magtama ang paningin namin ng lalaking bumagabag sa isipan ko nang nakalipas na tatlong buwan. Ang kulay puti niyang Prada shirt ay may mantsang putik. Ganun din ang gilid ng pantalong maong niya. Siya pala kanina ang nahulog sa pilapil na pinagtawanan ng mga bata.

"Ang sabi niya siya raw ang may-ari ng school na pinagtatrabahuhan mo dati sa Osaka, anak. Tama ba iyon?" tanong ni Itang sa akin sa mahinang tinig. Medyo nahiya pa ito nang sumulyap sa bisita. Naalangan siguro sa hitsura dahil bukod sa walang sapin ang kanyang mga paa'y may punit ang t-shirt at shorts niyang suot.

Kinabahan naman ako. Bakit siya narito? May nangyari ba kay Tita Chayong sa Japan?

"O-opo. Siya nga po," sagot ko na lang at kay Itang ko pinokus ang tingin.

"Naku, Pipay! Ang guwapo-guwapo pala ng bosing mo! Ba't ka pa umalis doon?" nakikilig na sabat naman ni Aling Delia.

Ang tanda na'y malandi pa rin. Hindi kataka-takang pito ang anak at iba-iba pa ang tatay. May pruweba nga.

"May kailangan daw siya sa iyo," sabi naman ng nanay ko. "Hindi ka raw nagpaalam sa kanya nang umuwi ka rito sa atin. Totoo ba iyon?"

Napakamot-kamot ako sa ulo. Paano ko ba ipapaliwanag sa kanila ang totoong nangyari noon sa aming magtiya? Basta na lang may dumating na dalawang mama sa bahay namin sa Takatsuki at minanduan kaming lisanin ang Osaka ora-orada dahil kung hindi matotodas daw kaming magtiya nang wala sa oras. Binigyan nila ako ng ticket pauwing Pilipinas samantalang pinapalipat nila sa isang liblib na pook sa Japan ang Tita Chayong ko sampo ng kanyang mga alaga. Hindi na nila kami binigyan pa ng pagkakataong makatanggi. Wala kaming nagawang magtiya noon dahil nang sumilip kami sa labas ng bahay, may mga kasama pang mukhang goons ang dalawa. Later na lang namin napag-alaman na kagagawan pala iyon ni Furukawa-san, ang ama ni Kaito. Buti nga kamo ako lang ang pinauwi at hindi pati ang tiyahin ko. Kung nagkataon siguro'y nakalbo ako ni Tita Chayong. Nasa Japan na kasi ang buhay no'n. Marahil kapag pinauwi iyon, magmimistula iyong isda na inahon sa dagat.

"Mahabang kuwento, 'Nang," sagot ko na lang.

"Gusto kitang makausap," bigla na lang ay sabi ni Kaito sa Nihongo. Napasulyap sa kanya ang mga magulang ko't kapatid. Kahit hindi ko iyon isinalin sa salita namin, tila nakuha pa rin iyon nila Inang at Itang dahil bigla na lang nilang inayang umalis ang lahat ng mga naroroon sa sala namin para makapag-usap kami ni Kaito.

Nang kami na lang dalawa, na-conscious ako. Heto ako't naka-daster ng kulay asul na may tastas pa sa dulo samantalang ang kaharap ko'y naka-designer jeans at t-shirt pa. Nahiya tuloy ako't naputikan din ang Nike shoes niyang limited edition pa yata.

"Maupo ka," sabi ko at minuwestra ang kawayan naming sofa. Umupo naman siya agad. Umingit ang upuan at medyo gumalaw-galaw pa. Napalingon si Kaito sa mga paa nito. Ako nama'y natakot na baka bumigay ang upuan.

"Ba't bigla na lang kayong umalis ng Osaka nang hindi nagpapaalam sa akin?" tanong niya. Medyo mainit na agad ang ulo.

"Ba't kailangan pa naming magsabi sa iyo? Hindi ka naman namin kaanu-ano."

Napatiim-bagang siya at tinitigan niya ako nang matalim. Sinalubong ko iyon. Ang tapang naman ng damuhong ito. Nasa amin na nga'y, nagmimistula pa ring hari.

"Alam mo bang pinahirapan n'yo akong magtiya?" galit niyang sabi sa akin.

Nagtaas ako ng kilay.

"Kailangan ko pang mag-hire ng imbestigador para lang malaman ko kung saan itong inyo at masiguro ko ring ligtas ang tiyahin mo sa Fukui!"

"Inutusan ka ba naming gawin iyon? Tsaka bakit nagpuputok ang butse mo? Dapat nga nagpasalamat ka pa dahil wala ka nang alalahanin pa. Ano pa ang habol mo sa akin? Nakuha mo na ang gusto mo? Kumbaga, nakapagbayad na rin kaming magtiya sa kabutihan na pinakita mo sa amin noon. Amanos na tayo."

"Iyan ang akala mo."

Nangunot ang noo ko.

"Ang ibig mong sabihin may utang pa kami sa iyo? Hoy, para malaman mo, birhen ako nang makuha mong hayop ka! Malaki ang halaga no'n, baka hindi mo lang alam. At ilang beses mo pa akong ikinama! Ngayon, maniningil ka pa sa amin?" galit na galit kong sagot sa mahinang tinig. Lumingon pa ako sa bandang kusina para siguraduhing wala sa paligid ang sinuman sa pamilya ko. Susko, tatadtarin ako ng itak ni Itang kapag narinig niya ang mga pinagsasabi ko.

Inakala kong magagalit si Kaito, pero hindi. Ngumiti ang demonyo. Tumayo ito mula sa kinauupuan at lumuhod sa harapan ko. Nasa pang-isahang upuang kawayan kasi ako. Nataranta ako nang hawakan niya ang magkabilang armrest ng upuan.

"Oo, narito ako para maningil. At gusto ko muna ng downpayment." Pagkasabi no'n bumaba ang mukha niya sa mukha ko at dinampi niya ang mainit na labi sa labi ko. Napasinghap ako. Hindi ko iyon inasahan. Nang hindi ako nagprotesta, diniin niya ang mga labi ro'n at siniil na ako ng halik.

"Anak, ba't di mo alukin ng maiinom ang---"

Naitulak ko si Kaito nang marinig ang boses ni Itang. Napaupo si Kaito sa magaspang na sementong sahig. Narinig ko naman ang pagsinghap ng tatang ko sa kabiglaanan. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa. Sa sobrang takot at hiya, nag-panic ako. Ang una kong naisip ay magkunwaring hinimatay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top