CHAPTER THIRTY

Inakala kong okay na ako dahil pinakawalan naman ako ng mga pulis at matiwasay na binigay kay Kaito. Mali pala ako. Kinabukasan ay naging panauhin namin sila. May dala-dala na silang warrant of arrest. Pormal na raw akong kinasuhan sa salang pagnanakaw.

Pagdating sa detention center, pinasok ako sa isang silid at tinanong ng dalawang pulis. Tinandaan ko ang bilin ni Tita Chayong. Hindi ako nagsalita. Mahirap nang may masabi ako at ma-misinterpret nila. Kahit sapilitan daw nakuha ang confession ay may halaga iyon sa korte nila. Maaari niyon madiin ang akusado.

"Nihongo wakaranai no?" (Hindi ka ba nakakaintindi ng Nihongo?) Nang hindi pa rin ako sumasagot, sinabihan nito ang kasama na papasukin na ang interpreter para magkaintindihan kami. Mayamaya pa may dumating na lalaking puti. Ito ang nagsalin sa Ingles ng mga sinabi ng pulis pero nanatiling tikom ang aking bibig. Napakamot-kamot na lamang sila ng ulo.

Mayamaya pa, dumating na si Kaito kasama ang abogado ng pamilya. Naghain na raw sila ng counter affidavit at pansamantalang nakapagpiyansa para sa kalayaan ko. Napasimangot ang dalawang pulis nang mabasa ang dalang memo ng abogado. Napilitan silang pakawalan ako.

Napayakap agad ako kay Kaito sa tindi ng pasasalamat. Umiyak pa ako sa balikat niya. Masuyo niyang hinagud-hagod ang aking buhok at hinagkan niya ako sa noo gaya ng lagi niyang ginagawa.

"Don't worry. Hindi ka nila masasaktan habang nabubuhay ako. Tahan na at uuwi na tayo."

**********

"Paano ngayon iyan? Naunahan ka na nila. Baka itong kaso na balak mong dalhin sa korte laban sa kanila'y sasabihin nilang gawa-gawa mo lang para makaganti sa nangyari sa asawa mo? Isasantabi mo ba muna ang paghahabla sa kanila?" sunud-sunod na tanong ni Akio.

"No way! Matagal ko na dapat ginawa ito. Dapat noong nadiskubre kong may kinalaman sila sa pananabotahe sa construction projects ng kompanya ay dinala ko na sila sa korte. Disin sana'y walang ganitong kaguluhang nangyari. Nadamay pa si Filipa!"

Natahimik si Akio. Hindi na ako niloko-loko gaya ng nakagawian. Alam niya sigurong sukdulan ang galit ko nang mga sandaling iyon. Lalo pa iyong nagatungan dahil dumating ang messenger dala-dala ang ni-request kong kopya ng CCTV mula sa D&G. Sabay naming pinanood ni Akio ang footage kung kailan naganap ang nakawan. Gaya ng kutob ko, pasimpleng nilagay ng isa sa mga sales associate ng D&G ang kuwintas at cardigan sa bag ni Filipa nang malingat ito saglit.

Tinawagan ko agad ang abogado at sinabihang hawak ko na ang pruweba na hindi nagsisinungaling ang asawa ko. Ang tanong na lang ngayon, sino ang nag-utos sa gunggong na sales associate na iyon? Hindi naman pupwedeng kagagawan niya lang iyon mag-isa. Wala siyang motibo para ipahiya nang ganoon si Filipa. Pwera na lang kung sadya siyang mapangmata sa mga dayuhan galing sa mahirap na bansa.

Pagkatapos kong makausap ang abogado, nag-ring naman ang cell phone ko. Ang imbestigador. He sounded desperate. Gusto niyang makipagkita ako sa kanya sa lalong madaling panahon. Nagpaalam agad ako kay Akio at pinuntahan ko siya sa Minami-Senri Park. Inalam ko ang napakaimportante niyang balita na hindi na makakapaghintay sa scheduled meeting namin sa susunod na linggo.

"Heto na Boss ang mga katibayan kung paano nilustay ng Sakamoto-san na iyon ang pera ng isa sa mga kompanya n'yo. Listahan iyan kung kailan at saan niya winidro ang winaldas niyang salapi na nakatalaga sana sa operatonal expenses ng manufacturing firm n'yo. Kinasabwat niya ang accountant at finance officer n'yo para maisagawa niya ang mga plano."

Napakuyom ang mga palad ko nang mapagtanto na matagal na pala kaming niloloko. Umabot kumulang dalawang daang milyong dolyar ang nanakaw sa amin sa loob ng limang taon.

Ang kasunod na dokumento ay ang ugnayan ng walanghiya sa ina ni Amane. May kasama pa iyong mga litrato ng pasekreto nilang pagtatagpo sa mga love hotels. Parang gustong bumaliktad ng sikmura ko nang makita silang halos nakahubad sa kama. Gano'n pala kapag matanda na'y gumagawa pa rin ng milagro. Nakakadiri!

Natawa nang bahagya ang imbestigador nang bigla na lang akong napayuko at nagsuka sa gilid ng isang Cherry Blossom.

"Sobrang mahilig ang Sakamoto-san na iyan. Ang daming babae niyan---bata, matanda, dalaga man o may asawa. Sinisilaw niya ang mga ito sa dami ng kanyang pera."

Kaya naman pala halos ay ipagduldulan niya ako kay Amane at gawan pa niya ng paraan na maisagawa ang peke naming kasal. Siguro may usapan sila ng ina ni Amane na oras na maging ganap na Furukawa ang babae ay uunti-untiin na nila ang lahat na pag-aari namin. Kung bakit hindi natunugan ni Papa na gusto lamang siyang lansihin! Bakit gano'n? Nagalit ako sa ama ko.

"Matagal nang may kutob ang papa mo sa mga pinaggagawa ni Sakamoto-san subalit nanaig ang pagiging sentimental niya. Alam mo naman siguro na isa sa mga naunang empleyado ng construction business n'yo ang manyak na iyon? Ginawa siyang presidente ng manufacturing firm n'yo hindi dahil magaling siya kundi sa kadahilanang naging parang best buddy siya ng papa mo simula't sapol."

"Iyon nga ang masakit. Kung sino pa ang lubos na pinagkatiwalaan ay siya pa ang nanloko nang ganito."

"Oo nga pala. Mag-ingat ka sa Brazilian na iyon. Palihim siya kung tumira."

**********

"Hulaan n'yo kung ano iyan!" nakangising sigaw ni Ate Roselda pagkapasok niya sa condo namin. Tinaas niya ang dala-dalang shopping bag at nagmodel-modelan pa papunta sa sala kung saan naroon sina Tita Chayong at Chiaki. Hinaplos-haplos nito ang pisngi ng bata at maingat na nilapag sa harapan namin ang dala-dala niya.

Napailing-iling ako sa kadramahan ng loka.

"Obvious ba? Hermes bag lang naman iyang dala mo," sabi ko. Nakalabi.

"Korak! Ermeyz Barking iyan, Pipay!"

Napangiti na ako. Nawala na ang lahat ng mga inaalala ko kanina pa. Maging si Tita Chayong ay natawa rin. Inakala lang ni Ate Roselda na natuwa kami para sa kanya. Patuloy ang kuwento niya kung gaano ang hirap niya sa pagkuha ng nasabing Hermes Birkin sa Paris. Pero hindi sa nakakalulang presyo nito na mahigit labing-isang libong dolyar o sa hirap ng pagkuha niya sa bag ako napakunot-noo kundi sa sinabi niyang papang na nagregalo sa kanya nito. Pamilyar ang pangalan ng lalaki. Narinig ko na ang pangalang Yuya Sakamoto noon, e. Hindi ko lang matandaan.

Napabilib kami ni Tita Chayong kay Ate Roselda nang mapag-alaman naming mahigit kumulang isang daang dolyar ang nalustay sa kanya ng matandang Hapon sa pagliwaliw nila sa Europe. Nang tinanong namin ang sekreto niya, nilabas lang ng bruha ang maputi at makinis niyang hita sabay kindat sa amin.

**********

Pagdating ko ng condo, tulog na ang mag-ina ko. Narinig ko rin ang hilik ni Chayong-san sa kabilang silid. Maingat akong nahiga sa kama katabi ni Filipa. Naramdaman siguro ang presensya ko, napabalikwas siya. Nang ipatong ko ang isang hita sa kanyang baywang ay napaungol siya ng ungol-tulog. Hinagkan ko ang kanyang leeg. Naramdaman ko ang pangangapa niya sa tagiliran ko. Napahagikhik ako nang makapa niya ang kanina pa namumukol sa harapan ko.

"Kaito?" tanong niya sa inaantok na boses.

"Sino ba sa akala mo?" pamimilosopo ko.

"Ba't ngayon ka lang? Naghapunan ka na ba?"

"Hindi pa nga. I'm so hungry."

"Ba't hindi mo ako ginising?"

Babangon sana siya pero pinigilan ko gamit ang binti.

"Sabi mo gutom ka? Ayaw mo bang ipaghain kita?"

Ngumisi ako sa kanya. "Gusto," sabi ko.

"O, e hayaan mo akong bumangon. May natira pang adobong manok sa ref. Iinitin ko iyon para sa iyo."

Siniksik ko ang mukha sa leeg niya at kinagat-kagat iyon. "Iba ang gusto kong kainin," bulong ko sa kanya. Kasunod no'n ay pinagapang ko ang isang kamay sa maseselang bahagi ng kanyang katawan. Tinabig niya iyon at pinaningkitan ako ng mata. Inginuso pa niya si Chiaki na himbing na himbing na natutulog sa tabi niya. Dali-dali akong bumangon at kinarga ang bata. Nilipat ko ito sa kuna niya at dinambahan ang nagulat na si Filipa. Hindi na siya nakapalag nang siilin ko ng halik sa labi.

**********

Paggising ko kinaumagahan, wala na si Kaito sa tabi ko. Ang tanging alaala lang ng mainit at maalab naming pinagsaluhan ay ang mga bakas ng pagkagat niya na ngayo'y naging isang parang pasa na. Ang dami no'n sa magkabila kong hita. Nang maalala ko kung ano ang pinaggagawa niya sa simbolo ng pagkababae ko, nag-init agad ang aking mukha. Naramdaman ko ring bigla na lang iyong namasa-masa. Bago pa uli madarang ang katawan, bumangon na ako at naligo. Pinunasan ko rin si Chiaki at pinalitan ng suot. Nang pareho na kaming nakabihis, lumabas kami ng kuwarto.

Nakanganga lang si Tita Chayong sa harap ng telebisyon. Naintriga ako. Nakipanood ako sa palabas sa TV at bigla akong napatakip ng bunganga. Bakit nakaposas sina Amane at Yamauchi-san? Naupo na ako sa gilid ni Tita Chayong at nilakasan pa ang volume ng telebisyon.

"Shit! Oh, shit!" sabi ko with matching facial expression. Pinandilatan ako ng matanda. Inagaw niya sa akin si Chiaki at nilayo pa ang tainga nito.

"Bakit nakaposas ang dalawa?"

"Napag-alaman daw na kasabwat sila sa pananabotahe sa kompanya ni Furukawa-san."

Dahil parehong galing sa isang prominenteng pamilya pinagpiyestahan sila ng mga journalists. Napakislot ako nang bigla akong binanggit ng bruha sa sagot niya sa isang tanong ng reporter. Naghihiganti lang daw sa kanila si Kaito dahil pinaghihinalaan sila na siyang mastermind sa shoplifitng allegation sa D&G.

"Ang sinungaling mo! Walanghiya ka!" naiinis kong sabi sa bruha.

Umiyak si Chiaki. Pinandilatan uli ako ni Tita Chayong sabay tayo at isinayaw-sayaw ang bata. Hindi pa tapos ang balita, may nag-doorbell. Nang silipin ko iyon sa monitor ng CCTV nakita ko ang isa sa mga empleyado ng Banzai Studio. Naging estudyante ko siya noong nagtuturo pa ako sa F&K English School.

"Magandang umaga, Ferreru-sensei," magalang niyang bati sa akin. Natuwa naman ako't naalala pa niya ako. Pinatuloy ko siya sa loob, pero tumanggi siya. Nandoon lamang daw siya para sunduin ako. Pinapatawag daw ako ni Kaito.

"Bakit hindi siya tumawag? Hindi naman niya ako kailangan pang ipasundo sa iyo. Kaya ko naman siyang puntahan mag-isa."

Ngumiti ang lalaki. "Ayaw po niya kayong mag-commute. Siya nga sana ang susundo sa inyo rito kaso hindi niya maiwan ang meeting niya ngayon. May mga kausap kasi siyang investors ng kompanya."

"Saglit at magpapaalam lang ako sa tiyahin ko."

Pumasok na rin ako sa kuwarto at nagbihis uli. This time pinili ko ang niregalo sa akin ni Kaito noong kaarawan ko --- ang Monique Lhuillier floral print A-line dress. May kutob kasi akong espesyal ang pagdadalhan sa akin ng damuho.

Nang papalabas na ng Ibaraki-shi ang sasakyan namin, saka ako kinabahan. Ganunpaman, pinilit kong maging kaswal lang ang pagtatanong sa mama kung saan niya ako dadalhin. Kunwari nananabik akong malaman kung ano ang surprise sa akin ni Kaito. Hindi ako sinagot ng kumag. Hinuli lang nito ang mga mata ko sa salamin sa harap at nginitian. Lalo akong pinangambahan.

**********

Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Ate Roselda sa pinagdalhan sa akin ng mama. Binalaan niya ako sa pamamagitan ng tingin na huwag magpahalatang magkakilala kami.

"Bosing, ito na ho ang asawa ni Kaito-san," pakilala sa akin ng lalaki nang makaharap namin ang isang matanda na nakasuot lamang ng puting pajama at itim na bathrobe. Parang tsimenea ang bunganga nito sa sunud-sunod na pagbubuga ng usok ng tabako.

"Maligayang pagdating, Firipa-san," nakangisi nitong pagbati. "Kaya naman pala nahuhumaling sa iyo si Kaito-kun. Ang ganda mo pala sa personal at ang kinis pa." Pinangilabutan ako nang dumila-dila pa ito sa labi habang sinasabi iyon. Napatirik naman ang mga mata ni Ate Roselda. May sinesenyas ito sa aking kalahati lang ng hinliliit. Nang mapagtanto ko kung ano ang ibig niyang sabihin muntik na akong matawa. Sinimangutan ko siya tuloy.

"Ako nga pala si Yuya Sakamoto." At nilahad ng matanda ang kanyang kamay. Yuya Sakamoto? Siya ang maperang kalaguyo ni Ate Roselda?

"Iyong nadaanan ninyong palayan mga limang kilometro ang layo rito ay pag-aari ko lahat. Sa akin din ang magarang gusali na katabi nitong mansyon. Kung hindi mo naitatanong, presidente ako noon ng Furukawa Cement Manufacturing Company," pagyayabang pa.

Tama! Narinig ko siya noon pa kay Kaito habang kausap niya si Akio sa telepono. At naalala ko pa, galit na galit si Kaito habang pinag-uusapan nila ni Akio ang taong ito.

"Ang dinig ko mahal na mahal ka ni Kaito-kun,. Tingnan nga natin kung hanggang saan ang pagmamahal na iyan." At tumawa ito nang ala-diyablo bago niya ako iniwan sa isang silid. Minanduan niya ang isang tauhan na itali nang maigi ang mga paa ko't kamay.

Pinanghinaan ako ng loob nang iwan nila ako sa madilim na silid. Wala ako halos may maaaninag. Pakiramdam ko maraming ipis at daga roon. Maisip ko pa lamang sila ay nanginginig na ako sa takot. Iidlip ko na lamang sana ang lahat nang makarinig ng pag-ingit ng pintuan.

"Ako ito, Pipay. Huwag kang maingay," bulong sa akin ni Ate Roselda habang tinatanggal niya ang pagkakagapos sa dalawa kong kamay. Nang tuluyan na akong makalaya, ginapang namin patungo sa pintuan. Bubuksan na sana niya ang pinto nang bigla itong bumukas. Lumagapak sa kanang pisngi ko ang isa niyang kamay. Sinigawan pa ako nito sa lenggwaheng hindi ko alam, pero pakiramdam ko'y gawa-gawa niya lang. Nang inalam ng tauhan ni Sakamoto-san ang nangyari mabilis na nagpaliwanag si Ate Roselda. Nagdala raw sana siya ng pagkain, pero kinagat ko raw ang kanyang kamay.

Inilawan ng lalaki ang silid gamit ang flashlight para tsekin ito pero bago pa nito mabuking na walang dinalang pagkain doon, pinaghahampas na ito ni Ate Roselda ng dala-dalang dos por dos hanggang sa humandusay ito sa sahig. Nang wala nang malay ang mama, maingat kaming lumabas doon. Nakailang hakbang lang kami palabas ng mansyon nang may maramdaman kaming malamig na metal na nakatutok sa aming mga leeg.

"Saan kayo pupunta?" tanong ng dalawang singkit. Pinabalik kami sa loob. Nanginig ako sa takot.

"Huwag kang matakot, Pipay. Magtiwala ka lang kay Lord," sabi ni Ate Roselda sa ngarag na boses. Nakita ko siyang pumikit. Humuhulas na ang make up niya sa tindi ng pawis. Alam kong nagtatapang-tapangan lang siya pero sagad hanggang buto rin ang nerbiyos.

"Boss, itinakas ng babae n'yo ang bihag!" sigaw ng isang mama sa likuran niya.

Pagkakita ni Sakamoto-san kay Ate Roselda, umigkas ang kamay nito. Halos tumiklop ang tuhod ng kaibigan ko sa tindi ng impact sa kanyang pisngi. Sasampalin sana siya ulit ng matanda pero nagmakaawa ako. Sa pisngi ko tuloy dumapo ang mabigat nitong kamay.

"Dalhin na ang mga iyan sa likod-bahay! Barilin n'yo sila pareho!"

Nanghina ang tuhod ko. Naisip ko ang beybi ko at si Kaito. Nagmakaawa na naman ako sa matanda.

"Si Pogi! Dumating si Pogi!" anas ni Ate Roselda. Excited siya.

Nang iangat ko ang mukha nakita ko ang pagdating ng pamilyar na Lamborghini. Natuwa ako pero nahalinhinan din agad iyon ng takot. Dalawa na kami ni Kaito na nasa panganib ngayon. Paano na lang kung pareho kaming mapaslang? Paano na ang anak namin?

Bumaba si Kaito sa sasakyan at kalmadong lumapit kay Sakamoto-san. Ni hindi niya ako tinapunan ng tingin. Binitawan kami bigla ng mga tauhan at kay Kaito naman nakaamba ang armas nilang apat.

"Bravo! Sinasabi ko na nga bang tutubusin mo ang magaling mong asawa, e! O, ano? Payag ka na ba sa pakiusap ko sa iyo noong isang linggo? Kalayaan ko kapalit ng kaligtasan ng iyong pinakamamahal na kabiyak? Itong traidor na haliparot lamang ang ipapatay ko imbes na iyang asawa mo!"

Tumango si Kaito. May ibinigay itong kasulatan sa matanda na ikinangiti ng huli. Sumenyas ito sa mga tauhan na pakawalan na ako. Tinulak anaman ako ng apat na mama papunta sa asawa ko at sinambilat nila palayo roon si Ate Roselda. Napakapit ako sa mga binti ni Sakamoto-san. Nakiusap akong pakawalan na rin niya ang kaibigan ko.

"Aba at gusto pang magserbisyo sa akin ng pinakamamahal mong asawa. Ginugutom mo marahil ito." Matalim na tingin ang pinukol ni Kaito sa matanda at pilit akong itinayo.

"Hindi ako aalis dito kung hindi ko kasama si Ate Roselda!"

"Huwag matigas ang ulo, Pipay! Umalis ka na rito!" sigaw naman ni Ate Roselda habang kinakaladkad siya palayo.

Binangon uli ako ni Kaito at hinila paalis roon. Nang makalayo kami nang kaunti kay Sakamoto-san bigla na lang itong napahandusay sa sahig. Hawak-hawak nito ang duguang dibdib. Nang makita ko iyon, hindi na ako nagpahila pa kay Kaito. Nauna pa ako sa kanya palayo roon. Halos gumagapang na lang kami sa damuhan patungo sa kotse dahil bumalik ang mga tauhan at nagpaputok sila sa hindi nakikitang kalaban. Nang iangat ko saglit ang ulo nanlaki ang mga mata ko sa dami ng nagsibagsakang tao ng matanda. Nadaganan pa nila si Ate Roselda. Nang makita kong halos puno ng dugo ang naka-exposed niyang hita hindi ko na inalintana ang panganib. Tinakbo ko siya.

"Shit! Filipa!"

Hinabol din ako ni Kaito. Noon na nagsilabasan sa pinagkublian nila ang kasamang pulis ni Kaito. Inispeksiyon nila ang buong kabahayan. Inalis din nila ang dalawang mama na nakadagan kay Ate Roselda at pinulsuhan ito.

"Buhay pa ang babae. Dalhin iyan sa ospital ngayon din," mando ng isang pulis sa kasama.

"Buhay pa? Buhay pa si Ate Roselda?"

Nang tumango ang pulis, nagdilim naman ang paningin ko. Hindi ko na nakayanan ang tensyon.

Paggising ko, nasa loob na ako ng gumagalaw na sasakyan at may masuyong kamay na humahaplus-haplos sa buhok ko.

"Thank God, you're awake now!"

Hinawakan ko at hinaplus-haplos ang pisngi ni Kaito para siguraduhing hindi ako nananaginip.

"Salamat at niligtas mo ako."

"May bayad ito. Hindi ito libre," nakangisi niyang sagot sabay kindat.

"Baliw!" sabi ko. Pero excited na ako sa nais niyang kabayaran.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top