CHAPTER THIRTEEN
A/N: Dedicated to the first commenter.
**********
Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko sa meet-the-parents drama ni Kaito. Kasi kahit na ilang beses na siyang nagpalipad-hangin sa akin, hindi ko iyon masyadong binigyang-pansin. Sino ba namang babae ang seseryoso sa paraan niya ng panliligaw kung panliligaw ngang matatawag iyon?
"Ang sabi sa amin ni Kaito nagtapos ka ng kursong edukasyon. Bakit mo naman naisip na dito sa Japan magturo? Wala bang magandang trabahong naghihintay sa iyo sa bayan n'yo?" malumanay na tanong ng mama ni Kaito habang hinahanda namin sa kusina ang sahog sa sukiyaki. Hindi ko inasahang itatanong niya sa akin iyon kaya hindi agad ako nakasagot. Inulit niya ang tanong sa mabagal na Japanese. Inakala sigurong hindi ko iyon naintindihan.
"Mayroon naman po," magalang kong sagot. Na totoo namang mayroon nga. Nag-offer sa akin ang isang private school sa bayan namin sa Pampanga na magturo ako ng English sa grades one to three nila. Kaso nga lang ang liit ng sahod.
Gumalaw ang kilay ng ginang sa paraang parang hindi inasahan ang sagot ko kaya nagpaliwanag ako sa kanya dahil baka isipin niyang gawa-gawa ko lang iyon para hindi naman masyadong lumabas na walang oportunidad sa Pilipinas.
"Maliit lang po kasi ang sahod na ino-offer ng eskwelahang magbibigay sana sa akin ng trabaho kung kaya naisipan kong pumunta rito. May pinapaaral po kasi akong mga kapatid."
Namangha siya sa huli kong sinabi. Inulit pa iyon dahil parang hindi makapaniwala na ako ang nagpapaaral sa mga nakababata kong kapatid. Ano ra ba ang ginagawa ng mga magulang ko.
"Ako po kasi ang panganay, ma'am, kaya ako ang nagpapaaral sa kanila. Hindi po kasi sapat ang kita ng aking mga magulang."
Napatangu-tango siya at hindi na nagsalita pang muli.
Pagdating namin sa dining table natigil sa pag-uusap ang mag-ama. Napansin ko agad na napatiim-bagang si Kaito na parang may pinipigilang emosyon. Tahimik akong naupo sa tabi niya habang sinisindihan ng mama niya ang built-in stove sa mesa kung saan nakapatong ang sukiyaki pot.
"Masarap ang sukiyaki kapag may itlog," nakangiting sabi sa akin ni Mrs. Furukawa. Pinakita pa nito kung paano biyakin ang itlog at basagin ang pula gamit ang chopsticks. "Pagkakuha mo mamaya sa lutong gulay at karne, ilagay mo sa mangkok mong may itlog para lumabas ang lasa ng pagkain."
"Alam niya iyan. Huwag mo siyang tratuhing parang walang alam sa kultura natin," saway agad sa kanya ni Kaito. Humingi naman agad ng paumanhin sa akin ang ginang. Naasiwa naman ako. Palihim kong pinandilatan ang kumag. Saglit lang siyang tumingin bago tumungga ng beer.
Nang kumakain na kami may nalasahan akong hindi ko nagustuhan. Sa kagustuhang umakto nang tama sa hapag-kainan, hindi ko agad napansin na naisubo ko at nanguya ang isang dakot na shungiku. Ayaw ko pa naman ng lasa nito. Pakiramdam ko kasi'y kumakain ako ng damo. Gusto ko siyang iluwa pero nahiya naman ako dahil kaharap ko ang mama ni Kaito at palagay ko'y nakikiramdam siya sa bawat kilos ko. Hindi ko alam kung paano ko iyon mailabas nang hindi niya napapansin.
"May problema ba, Feruru-san?" tanong niya sa akin. Nahalata siguro na parang hindi ako mapakali. Napatingin tuloy sa akin pati ang mag-ama niya.
"Ano'ng nangyayari sa iyo?" halos pabulong na tanong naman ni Kaito. At nangunot ang kanyang noo.
Hindi ako makasagot. Alam ko kasing sa oras na magsalita ako'y magsisitalsikan na ang laman ng bibig ko. Napayuko na lang ako sa kanila at pinilit ko ang sariling ngumiti. As soon as I tried to smile, naubo ako at nagsitalsikan ang laman ng bibig ko. Namutla ako nang makitang nagkalat sa mesa pati na sa kandungan ko ang durog na mga gulay at karne. Mabilis akong binigyan ng tissue ni Kaito at hinagud-hagod niya ang likod ko. Ang mama naman niya'y tila naeskandalo. Nanlaki ang mga mata nito at napabulalas pa ng hindi magandang salita sa Osaka-ben (Osaka dialect).
"Hindi niya kasalanan. Lagay ka kasi nang lagay ng shungiku sa mangkok niya, e. Hindi mo man lang tinanong muna kung gusto ba niya iyon o hindi," tila paninisi pa ni Kaito sa ina.
"Pasensya na, pasensya na!" mangiyak-ngiyak kong paghingi ng paumanhin. Yumuko pa ako nang pagkababa para malaman nilang hindi ko iyon sinasadya.
Tumangu-tango ang papa ni Kaito at iniba na agad nito ang usapan para hindi ako maasiwa pero ang mama niya'y nagsalita ng ikinapanlamig ko.
"Masarap ang shungiku. Maganda pa iyan sa katawan natin. Paborito nga iyan ni Amane-chan."
Amane-chan. Ang alam ko, form of endearment ang chan. Sa simpleng pangungusap na iyon, nabatid ko agad kung gaano ka lapit sa puso ng ginang ang babaeng iyon.
"Ma," saway ni Kaito sa mahinang tinig.
"Oo nga pala, birthday na ni Amane-chan sa susunod na linggo," excited pa nitong sabi. "Ba't hindi natin siya sorpresahin? Ano kaya kung magpahanda tayo ng party dito sa bahay para sa kanya?"
"Pag-usapan na lang natin iyan sa ibang pagkakataon, mahal," malumanay na sagot ng papa ni Kaito at tinapik-tapik nito sa balikat ang asawa. Tumingin sa akin ang matandang lalaki at bahagyang yumuko. Buti pa ito. "O, kumain ka pa, Feruru-san. Heto ang karne, o." At nilagyan niya ang mangkok ko. Si Kaito nama'y inis na inis sa isang tabi. Panay lagok nito ng beer. Nang maubos ang laman ng mug, binalingan ako nito at tinanong kung tapos na raw ba akong kumain. Bago pa ako makasagot, yumuko na siya sa mga magulang at nagsabi ng "Gochisousamadeshita. (Salamat sa masarap na hapunan.)" at mabilis na tumayo.
"Let's go, Filipa. Baka maabutan pa tayo ng malakas na ulan sa daan."
Napamulagat ako. Napatingin ako sa mga magulang niya na tila nalilito. Pero naglakad na siya sa front door kung kaya napilitan na rin akong magpaalam at humabol sa kanya.
**********
"Uh-oh," narinig kong sabi ni Akio kung kaya tiniklop ko agad ang laptop.
"Ano na naman?" asik ko agad sa kanya. Para naman itong bampira. Bigla na lang sumusulpot kung kailan hindi ko siya kailangan.
"Teka, totoo ba iyong nakita ko?" tanong agad nito at pilit na binubuksan ang nakatiklop kong laptop. Hinampas ko ang kamay niya. Nagulat ako nang bigla na lang niyang damputin iyon at buksan pa.
"Kalalaki mong tao pero napakatsismoso mo!" singhal ko sa kanya. "Ibalik mo nga rito iyan!"
Maingat na nilapag ng hudas ang laptop sa mesa. Ngingiti-ngiti na siya.
"Kaya pala lumevel up ang panliligaw mo kay Feruru-sensei. Paano na ngayon iyan? For sure, alam na rin ni Feruru-sensei kung sino itong si Yamauchi-san."
Hindi ako sumagot. Itinaas ko lang ang dalawang paa at pinatong sa mesa. In-adjust ko pa ang upuan para komportable ang likuran ko.
"Pero for sure naman nakapuntos ka na ro'n kasi balita ko pinakilala mo na siya nang pormal sa mama't papa mo?" Naupo na si Akio sa isa sa mga visitor's chair sa harap ng desk ko.
"It didn't go well."
"Ang meet the parents? Bakit naman? Akala ko pinlano mo pa iyon nang husto," sabi pa ng ungas. Nakangisi pa siya sa akin ngayon. Ang sarap lamukusin ng mukha. Ganunpaman, I felt compelled to tell him the truth.
"Double uh-oh. Palagay ko mahihirapan kang makumbinsi ang mama mo na gustuhin si Feruru-sensei."
"Wala akong pakialam, okay? Wala akong pakialam sa iisipin nilang dalawa!"
"Calm down. Ito naman hindi na mabiro."
"Lumayas ka rito!" At kinuwelyuhan ko siya at kinaladkad papunta sa pintuan. Tawa nang tawa ang hudas.
"Para matuwa ka, heto pala ang latest sales report ng video games natin. Naungusan na natin ang Nintendo sa buwang ito. Tila umobra ang dinagdag nating features."
Inagaw ko sa kanya ang papel at tinulak siya palabas ng pintuan.
**********
Napa-wow kami ni Akemi nang makita namin ang bagong cover ng male magazine ng Kansai. Ang guwapo-guwapo sa picture ni Hisato Yamauchi. Hindi ko sukat-akalain na anak-mayaman siya dahil ibang-iba siya kumilos sa mga nakilala ko nang galing sa mayayamang angkan. Inisip ko pa nga na isa lang siyang ordinaryong kawani ng car manufacturing company na sinasabi niya dahil mukha siyang mapagkumbaba.
"Kung liligawan ako niyan, hindi ko na iyan pahihirapan pa," nakangising sabi pa ni Akemi. Kilig na kilig. "Paano kaya kung magkagusto sa iyo iyan, Feruru-sensei?"
Sa akin? Magkakagusto ang isang Hisato Yamauchi? Natawa ako.
"O, bakit? Ang ganda n'yo naman? Ibang-iba ang pilantik ng iyong pilik-mata. Nakadagdag sa nakahahalina n'yong hitsura. Maganda na ang hugis ng mga mata n'yo, maganda pa ang pilik-mata at eyebrows. Alam n'yo bang iyan kaagad ang napapansin naming mga Hapon sa isang tao? Paano, karamihan sa amin ay halos walang kilay tapos ga-kudlit lang ang laki ng mga mata."
"Sobra ka naman," nangingiti kong sabi. "Kung nasa Pilipinas kayo, pagkakaguluhan naman kayo ng mga kalahi ko. Nagagandahan kaya kami sa mga singkit."
Namilog ang mga mata ni Akemi. Hindi siya makapaniwala. Hindi ko sukat-akalin na ang magandang Haponesang tulad niya'y hindi aware na maganda siya.
"Magagandahan ba ang mga kalahi mo sa akin?" tanong pa nito. Nang tumangu-tango ako, napatili siya. Ganoon kami nadatnan ni Kaito. Napatingin agad ito sa nakabuklat na magasin sa harapan namin at nangunot ang kanyang noo.
"Ang alam ko, wala pang break time," sabi nito kay Akemi sabay tingin sa relos. Nataranta ang Haponesa at naghanap ng magagawa.
"Katatapos lang ng klase ko kaya narito ako sa tabi ni Akemi," sabi ko naman. Baka masita rin kasi ako.
"Kung wala kang klase, ba't hindi mo gamitin ang oras mo para maghanda sa susunod pang klase kaysa magbasa ng kung anu-anong walang kuwentang babasahin!"
Dinampot niya ang magasin sa mesa ni Akemi at saglit na pinasadahan ang centerfold kung saan nakabalandra ang topless photo ni Hisato Yamauchi bago ito tinapon sa basurahan. Pareho kaming nagulat ni Akemi. Aagawin ko pa sana iyon sa kanya, pero natapon na ng kumag.
"Ba't galit ka na naman?" tanong ko sa mahinang tinig.
"Kung ikaw ang nasa katayuan ko, ano ang mararamdaman mo kapag nag-surprise visit ka sa kompanya mo't nakitang hindi nagtatrabaho ang mga empleyado mo?"
"Oy, hindi totoo iyan, ha? Sabi ko nga sa iyo, katatapos lang ng klase ko. Itanong mo pa sa mga nanay sa visitor's lounge. Hindi pa yata nakakauwi ang mga batang tinuruan ko ngayon-ngayon lang."
"Asawa ni Feruru-sensei! Hello po!" magiliw na bati ng isang pamilyar na boses-bata. Paglingon ko nakita ko ang batang si Kaito na akay-akay ng nanay niya. Nakita kong tila nagulat ang babae sa sinabi ng anak at nagpalipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Kaito. Ang anak niya ang nagpaliwanag sa kanya.
"Mama, ito po pala ang asawa ni Feruru-sensei. Asawa ni Feruru-sensei, ang maganda kong mama," pagpapakilala pa ng bata sa ina at kay Kaito.
Biglang nagbago ang ekspresyon sa mukha ng damuho. Umaliwalas ito at nagkaroon ng kislap ang mga mata. Pagkatapos makipagkamay sa ina ng bata, napaluhod ito para pantay na ang mga mata nila ng bulinggit.
"Nag-aral ka ba nang mabuti kanina?"
"Opo! Ang dami ko nang alam na colors at vegetables! Tsaka po, tinuruan kami ni Feruru-sensei kung paano magsabi ng mahal kita sa Ingles. Sabi niya I love you daw!"
Natawa si Kaito. "Sinabi niya iyon?" Nilingon pa ako ng damuho at nginitian. May panunudyo sa mga mata.
"Ang ibig niyang sabihin, tinuruan ko raw sila kung paano sabihin ang mahal kita sa Ingles," paliwanag ko naman. Mukha kasing pinapasabi kong I love you kamo sa kanya sa tono ng pagkukuwento ng bata. "And for the record, hindi po kami mag-asawa," sabi ko pa. Sa nanay na ng bata ako nakatingin. Pinong ngiti lang ang sagot ng babae. Nangunot naman ang noo ng batang si Kaito. Napatingala ito sa mama niya bago napatingin sa akin.
"Hindi n'yo po asawa? Pero---"
"Kaito," saway ng ina.
"Hindi ba't sinabi ko na iyon sa inyo dati? Walang asawa ang Feruru-sensei."
"Pero ang sabi po---"
"Pasensya na, Feruru-sensei, Furukawa-san. Sadya lang pong makulit ang anak ko. Sige po, mauuna na po kami sa inyo."
Nang wala na ang mag-ina pinaningkitan ko ng mga mata ang damuho. Napahalukipkip pa ako at naghintay ng paliwanag niya. Tila may sinabi ito sa bulinggit kung kaya ganoon na lang ka sigurado ang bata sa mga sinabi nito kanina.
"O, ba't ganyan ka makatingin sa akin? Oo na! Alam kong ang guwapo-guwapo ko. Hindi mo na kailangan pang sabihin. May salamin naman ako sa bahay."
Lalong naningkit ang mga mata ko. Hindi ako siniseryoso ng kumag na ito, a!
"Ano ang sinabi mo sa bata?" naiirita kong tanong. Hindi ko pinatulan ang pagbibiro niya.
"Wala. Ano naman ang sasabihin ko ro'n?"
"Kunwari ka pa!" sabi ko bago tumalikod.
"Kunwari ka rin. Ang arte mo. Feeling ko sarap na sarap ka naman kanina sa pakikinig habang inuulit-ulit ng batang bigkasin na asawa mo ako."
Nilingon ko siya at tinapunan nang matalim na tingin. Kung hindi ka lang may-ari nitong eskwelahang ito, ang sarap mong hambalusin!
"O, bakit? Hindi ba totoo? Pantasya mo iyon, e. Kaya nga lagi akong natitisod dahil kung anu-anong iniisip mo tungkol sa akin."
Napamulagat ako. Say what?!
"Huwag mong ipasa sa akin ang pantasya mo!"
Hindi siya sumagot. Ngumiti lang siya. Lalong nangislap ang kanyang mga mata. Ang hayop at nilalandi na naman ako! Ayaw ko mang aminin pero kinilig ako nang sobra. Kaso nga lang, bigla na lang may sumulpot.
"Kaito-kun!" masiglang bati ng bagong dating. Suut-suot nito ang latest summer collection ng isang sikat na Japanese fashion designer. "Tama nga si Akio. Dito kita matatagpuan," nakangiting bati ni Amane at humawak agad ito sa braso ni Kaito.
Nangunot ang noo ni Kaito pero hindi naman nito tinanggal ang kamay ni Amane sa kanyang braso.
"Kung hindi tayo magmamadali, tiyak na mahuhuli na tayo. Alam mo naman ang mama ko. Ayaw na ayaw no'n na pinaghihintay."
Lumingon si Kaito sa akin just when I was about to go back to my classroom.
"I'll call you tonight. Let's have dinner together."
No'n lang ako nilingon ni Amane. May talim sa kanyang mga mata. Pero kung gaano iyon kabilis lumabas, gano'n din kabilis niyang itinago. Yumuko siya nang bahagya sa akin at bumati bago hinila palabas ng palapag na iyon si Kaito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top