04
04: Payment
"Sino 'yang bago mong kaibigan?" pangungulit ni Niko.
"Basta nga."
Mahina niya akong binatukan, "Baka mamaya kung kani-kanino ka naman bumabarkada ha?!" naiinis na tanong niya.
Narinig ko naman ang pagtawa nila Terrence at Kuya Axel sa gilid. Palabas na kami ng canteen pero etong si Niko ay patuloy pa rin ang pangungulit sa akin.
"Huwag mo naman ipahalata masiyado ang pagseselos mo pre. Minus points 'yan sa mga babae," pang-aasar ni Terrence.
"Pass sa halata bro," pagdagdag pa ni Kuya Axel.
Mabilis namang hinawi ni Ate Cleo ang mga kamay nila at pumagitna sa amin, "Hep hep hep! Tigilan ninyo nga ang panggigisa sa alaga ko. O siya, ki-kidnapin ko na muna 'tong si Diana dahil magr-resume na ang volley."
"Maya-maya pa naman ang game nami—"
Hindi na natapos ni Kuya Axel ang sasabihin niya nang samaan siya ng tingin ni Ate Cleo at nilayo na ako sa kanila. Thank God.. or more like Thank Ate Cleo.
Na-hotseat naman ako masiyado roon! Kung mangulit sila ay parang masama na ang pagkakaroon ng bagong kaibigan ngayon e.
"Kaya pala naka-blush on at lipstick ang ate mo.." bulong ni Ate Cleo sa akin, nang-aasar.
Namula na naman ako. "N-nakita ko lang kasi sa drawer ko, Ate! Sayang naman kung h-hindi ko gagamitin," pagpapalusot ko.
Tinawanan niya ako at mahinang kinurot sa bewang. Halatang hindi naniniwala sa akin.
"Dalawang taon mo 'di napapansin pero all of the sudden lumabas sa drawer mo?" natatawang tanong niya. "Lokohin mo na sila pero h'wag ang Ate Cleo mo, Dianna!" pagdagdag niya habang nakaakbay sa akin.
Napasimangot ako. Hindi na ako kumibo ulit at tahimik na naglakad papunta sa venue. Wala naman na akong takas dahil alam niya na, hindi nga lang niya alam kung sino.. siguro?
Kung kilala niya naman paniguradong hindi matatahimik ang bibig niya. Pero dahil wala pa naman siyang nababanggit, mukhang wala pa siyang idea.
Sana nga.
Ganoon lang din ang naging routine namin para sa game na 'to. Salitan lang kami na nagp-picture sa taas at baba. May ilang mga beses na muntik na ako matamaan ng bola pero dahil kakambal ko yata ang swerte ay hindi pa naman ako natuluyan.
Magaling ang setter at libero ng nasa right side kaya hindi na ako nagtaka nung nanalo sila para sa unang set na.
Nagkaroon ng ilang minutong break bago mag-resume ang second set. Pero sa set na 'to, halos hindi na magka-score ang parehas na grupo. Umaabot yata ng tatlong minuto para lang maka-score dahil parehas ng attentive ang mga players at lagi nilang nas-save ang mga tira.
Hanggang sa umabot na ang laro sa fifth set. Tie ang parehas na grupo kaya nagkaroon pa ng another set, pero sa set na 'to ang unang maka-15 points ang siyang mananalo hindi tulad sa first four sets 25 points ang kailangan.
"Championship na ba, Ate?" pagtatanong ko.
She nooded. "Na-disqualify kasi 'yung dalawang grupo kahapon kaya iilan na lang ang maglalaro. Tatapusin na nila ngayon para bukas ay ibang sports na lang ang maglalaro tulad ng basketball."
Tumango-tango naman ako. Ilang saglit pa ay nagsimula na uli ako kumuha ng litrato. Masiyado ko kasing na-enjoy ang panonood. Sinubukan kong kumuha ng larawan uli sa audience, izinoom ko iyon sa bandang baba ngunit agad natigilan nang may mapansing pamilyar na mukha.
Zion. Anong ginagawa niya rito. Kasama niya uli sila Kuya Axel at Niko na iba na ang damit. Mukhang tapos na ang laro nila.
"Coke mo oh," nakasimangot na salubong ni Kuya Axel kay Ate Cleo.
She smiled sweetly, "Thank you pre," nang-aasar na tugon niya.
Sinamaan lang siya ng tingin ni Kuya at padabog na tumabi sa kaniya. Natawa naman kami parehas.
Magkasing-edad lang si Ate Cleo at Kuya Axel kaya ganiyan silang magbardagulan. Mukha ngang may something sa kanila e, hindi lang offically inaamin.
Sumunod naman si Niko at walang sabi na inabot ang tubig sa akin. Kinuha ko iyon at binuksan para makainom nang kaunti. Tumabi naman si Niko sa akin.
Nakalagay ang mga bag namin ni Ate Cleo sa katabi naming upuan. Pinagpapatungan din namin 'yun ng camera kapag nagb-break kaya useful iyon, kaya lang ay inupuan na ni Kuya Axel at Niko 'yun kaya bahagya akong napasimangot.
Sa kaliwa ko naman ay may isang vacant na seat, doon umupo si Zion habang si Terrence ay sa tabi ni Kuya Axel.
Zion - Me - Niko - Ate Cleo - Kuya Axel - Terrence
Ganiyan ang naging upo namin. Muli akong napatingin sa kaliwa ko, kay Zion. Umiinom din siya ng tubig. Nung ibinaba ko ang bottled water ko ay may napansin pa akong isang bote ng tubig sa gilid niya.
Magkatabi lang kami kaya sobrang naamoy ko ang pabango niya. Naka-tshirt na siya ngayon at hindi na jersey. Mukhang nagpalit nga sila bago pumunta rito.
"Kumusta ang game mo?" pasimpleng tanong ko.
"Ayos lang," matipid na sagot niya.
"Panalo?"
Hinihintay ko na sumagot siya pero tumango lang siya sa akin. Siya naman ang nagsusungit? Aasarin ko pa sana nang parehas kaming napatingin sa bottled water na nasagi niya. Buti na lang ay hindi niya pa iyon binubuksan dahil paniguradong mababasa 'yung nasa harap namin.
"Ba't kasi dala-dalawa pa 'yang tubig mo?" natatawang tanong ko.
Kumamot siya sa ulo. "Para sa'yo dapat 'yung isa.." bulong niya at bahagyang lumapit sa tenga ko. "Kaso naunahan ako.." napapaos na dagdag niya habang pasimpleng sumulyap kay Niko na nasa tabi ko.
Pinigilan ko ang sarili na mapangiti. Mabilis akong umiwas ng tingin sa kaniya because deep inside, I feel like the butterflies in my stomach are dancing nonstop.
Mahina siyang natawa sa reaksyon ko. God. Nagpapaulit-ulit ang boses niya sa akin!
"Nasaan na pala 'yung gatorade ko?"
Siniko ko naman siya at pinanlakihan ng mata. Gusto niya ba akong ibuking kila Ate Cleo?!
"What?" tumatawang sabi niya.
Napansin ko namang napatingin si Niko sa tabi ko, nagtataka. "Anong pinag-uusapan ninyo?" he asked.
Pasekreto kong kinurot si Zion sa gilid niya.
"A-ah.. t-tinatanong ko lang kung nanalo ba sila," sagot ko, bahagya pa akong ngumiti para hindi siya maghinala ng kung ano.
Napatango naman si Niko at hindi na nagtanong pa. Habang ako ay sinamaan ng tingin si Zion, pero siya naman ay ngingisi-ngisi lang sa tabi ko.
Dahil sa ginawa ni Zion ay hindi ko na uli na-enjoy ang panonood. Baka kasi mamaya may sabihin na naman 'to! Buong set tuloy ako nakasimangot at sinamasaan siya ng tingin. Pa'no kasi ay tatawa-tawa siya kapag nakikita ako!
Matapos ang game ay bumaba na muna kami ni Ate Cleo para mag-picture. Habang ang ibang journalist doon ay bahagyang nagi-interview sa nanalo.
"Diana, capture the shot," nakangiting sabi ni Ate Cleo.
Bahagya akong nagulat ngunit nabawi rin agad iyon. Big deal iyon dahil ang litrato ko ang mailalagay sa main page ng sports category kung sakaling volley ang magiging feature nito.
Huminga ako ng malalim at ngumiti. Tumingin ako sa formation nila bago tumingin uli sa camera. "One, two, three, smile!"
Kumuha pa ako ng litrato at mas inayos ang angle. Ilang take pa ang ginawa ko bago tumigil.
"Congratulations!" pagbati ko sa kanila.
"Congratulations!" si Ate Cleo.
Nagpasalamat sila sa amin at kinuha na sila ng sports writing journalist namin para mas detalyadong ma-interview. Nakangiti ako kahit na naglalakad! Napansin naman 'yun ni Ate Cleo kaya bahagya siyang natawa at kinurot ang pisngi ko.
"Oh, sinong hinihintay ninyo riyan? Si Santa Claus?" pang-aasar ni Ate Cleo kila Kuya Axel dahil para silang mga bata na naghihintay doon sa gilid.
Agad naman silang bumaba ng marinig iyon at sabay-sabay kaming lumabas.
Pumunta muna kami sa main building para mag-sign out sa attendance. Sumunod din sila Kuya Axel dahil wala na rin naman daw silang gagawin.
Naunang pumirma si Niko at sinundan ko lang iyon.
"Dinner?" narinig kong mahinang tanong ni Kuya Axel kay Ate Cleo.
Napatingin naman ako. Ay sus, luma-love life rin pala 'tong si Ate, kunyari pa. Natawa ako nang makitang umastang nag-iisip si Ate Cleo habang si Kuya Axel ay sinasamaan siya ng tingin.
"Sagot ko, Cleo. Huwag ka na umarteng nag-iisip," dagdag ni Kuya Axel.
"Para mo namang sinasabing wala akong pera!"
"Meron ba?" nang-aasar na tanong ni Kuya Axel.
Inirapan siya ni Ate Cleo. "Wala nga pero ba't mo pa sinasabi!"
Kahit ako ay natawa na lang sa kanilang dalawa. Tinapos ko ang pagpirma sa attendance at nagpaalam na sa dalawang love birds. Paglabas ko ay kaagad na inabot ni Niko ang bag ko pati 'yung camera.
Pinat niya ulo ko. "Ingat! Una na 'ko," pagpapaalam niya.
Sa Gate 1 kasi ang daan niya habang ako ay sa Gate 2. Kumaway pa siya paalis kaya kinawayan ko rin siya.
Binaba ko rin 'yun nang maalalang narito pa nga pala si Terrence at Zion. Anong tingin 'yan Terrence? Napailing ako dahil may mapanukso siyang tingin sa akin. Mukhang isa siya sa shipper namin ni Niko.
"Uh.. una na rin ako?" nahihiyang pagpapaalam ko sa kanila.
"Saan ka ba, Diana?" tanong ni Terrence.
"Sa Gate 2 ang daan ko."
"Parehas pala kayo ni Zion 'e! Sumabay ka na sa kaniya palabas," dagdag niya.
Oh great. I mean, 'di naman ako nagre-reklamo. Ba't naman ako magre-reklamo diba? Pero hindi ba awkward..
Ba't naman ako maa-awkward? Hindi ko nga naramdaman kahapon 'yun e. Tsaka, magsasabay lang naman kami palabas. Hindi ko alam kung ano-anong pinag-iisip ko ngayon pero itinigil ko na lang muna 'yun. Kasalanan kasi 'to ni Zion na napakaingay kanina!
Sumilip si Zion sa loob kung nasaan sila Kuya Axel. "Magpapaalam lang ako kay Axel tapos sabay na tayo lumabas," sambit niya habang may malokong ngiti sa akin.
Nilakihan ko naman siya ng mata at bahagyang siniko. Siraulo talaga 'to!
"Tara, sabay na tayong pumasok. Aayain ko na rin 'tong si master umuwi dahil mukhang ine-enjoy ang bebe time nila," sabi ni Terrence.
"Magd-dinner daw sila 'e.." singit ko.
Napabitiw si Terrence sa door knob. "Naknampucha talaga 'tong si master! Hindi man lang nagsabi sa'kin, edi sana ay nakauwi na ako!" kunwaring naiinis na sagot ni Terrence.
Malakas siyang kumatok sa pinto at binuksan iyon. Sinamaan siya ng tingin ni Kuya Axel pero hindi siya nagpatalo at sinamaan din ng tingin ito.
"Hindi ka man lang nagsabi na may date ka! Sana'y nakauwi na ako," nakasimangot na sigaw ni Terrence.
"Umuwi ka na gago! Nasa akin ba ang paa mo?!" sigaw pabalik ni Kuya Axel.
Natawa naman ako sa kanila. Buti na lang at walang tao sa room kaya hinahayaan lang sila ni Ate Cleo na magsigawan.
"Talaga pakyu! Bastedin ka sana ni Madam Cleo!" aniya at tumatakbong umalis. Sa Gate 1 rin pala ang daan niya.
"Una na rin ako pre," mahinahong sabi ni Zion.
Kunwaring nag-salute pa silang dalawa. "Sige pre, ingat.. oh, ba't nandito ka pa, Anna?" nagtatakang tanong ni Kuya Axel.
Napatingin din si Ate Cleo sa akin. Hindi ko alam kung tama ba 'yung nakikita ko pero malapad siyang nakangiti sa akin.
"A-ah.. sabi kasi ni Terrence sa Gate 2 rin lalabas si Zion k-kaya pinasabay na ako sa kaniya," pagpapaliwanag ko. Pinigilan ko na mautal dahil masiyado akong mahahalata!
Tumango naman si Kuya Axel. "Ay oo nga, sa gate 2 rin 'yang si Zion. Sige na, umuwi na kayo, at baka gabihin 'yang si Anna."
Bahagya ring lumapit si Ate Cleo sa amin.
"Ingatan mo 'yang alaga ko ha. 'Pag 'yan may galos bukas, lagot ka sa'kin, Zion," nagbabantang sabi ni Ate Cleo.
Namula naman ako. "Ate, para mo naman akong ipinapaubaya!"
Parehas silang natawa. Wala naman na silang sinabi pa at pinauwi na rin kami. Tahimik kaming naglakad palabas.
Saglit lang ang tinagal noon at malaput na kaming makapunta sa sakayan. Kailan pa naging malapit ang sakayan ko? Parang two minutes lang kami naglakad!
"Dito ka ba?" he asked.
Tumango ako. Wait, hindi ba siya rito sasakay? Muli akong napalingon sa kaniya.
"Ikaw ba?"
Tinuro niya naman ng sakayan sa kabila. "Doon pa," he answered.
Kailangan niya pang tumawid uli at maglakad kaunti papunta sa sakayan nila.
"Taray naman, may taga-hatid pa ako," nang-aasar na sabi ko. "Sige na, pumunta ka na roon at baka gabihin ka rin ng uwi," nakangiting sagot ko.
Umiling siya. "Kapag nakasakay ka na lang."
Pabiro ko siyang hinampas. "Hindi ka naman kakagatin ni Ate Cleo kapag kinagat ako ng lamok dito 'no!"
"Hihintayin ko lang na makasakay ka, tas aalis na rin ako, Diana."
I pursed my lips. As our eyes locked, a smile sunddely played on our lips. Kahit na simpleng salita lang ay parang nakiliti na ang buong pagkatao ko.
Tahimik lang kami na naghintay ng jeep. Pero sa loob ng oras na 'yun ay parang may fireflies na nagpalibot sa amin. Kami lang ang sakop ng liwanag, at parang kami lang ang tao na naghihintay.
Nang matanaw ko ang jeep na sasakyan ko, mabilis kong binuksan ang bag at may kinuha roon.
Iniabot ko sa kaniya ang gatorade na binili ko kanina at cookies na gawa ni Mommy.
"My payment.. for the sweet tanghulu yesterday."
Actourine 🌿 | 04
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top