Chapter 54

FIFTY-FOUR:

"Anong plano mo ngayon?" Tanong sa'kin ni Jarred na ikinalabas ng mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan. Kinailangan niya pang itabi ang sasakyan  sa gilid ng daan dahil mukhang nabahala na rin siya sa papahagulgol ko ng iyak. Kagagaling lang namin sa doktor, at di ko mapigilang malungkot sa resulta.

"You'll be fine Sizzy, don't worry." Muling sambit ni Jarred kasabay ng pagpapatahan niya sa'kin. "Tingin ko naman, di ka pababayaan ni Reid tulad ng kung paano niya kayo di pinababayaan ngayon ni Pepper--"

"Hindi..." Kumalas ako sa kanya kasabay ng mariing pag-iling. "Hindi na kailangan pang malaman ni Reid na buntis ako. Ililihim ko 'to sa kanya. Kung kailangang lumayo ako, gagawin ko. Ayokong guluhin ulit ang buhay niya."

Kumunot ang mga noo niya. "Sigurado ka ba diyan sa desisyon mo? Kasi sa tingin ko unfair para kay Reid yang gagawin mo dahil karapatan din niyang malaman. Nasa sa kanya na ang desisyon kung anong dapat niyang gawin--"

"Ano sa tingin mo ang mararamdaman ni Pamela kapag malaman niya 'to? Na nabuntis ako sa pangalawang beses  ni Reid dahil lang sa pareho kaming lasing at wala sa katinuan… Sa tingin mo maiintindihan niya yon? Sa tingin mo hindi nun mababawasan ang tiwala niya kay Reid? Sigurado akong maaapektuhan nito ang relasyon nila kahit sa anong anggulong tignan. Tapos ano? Magiging masaya ba ako na nasira ko na naman ang buhay ni Reid?" Tumigil ako saka umiling bilang sagot sa sarili kong katanungan. "Hindi. Di na kaya ng konsensya ko na maulit muli ang nangyari dati. Mas makakabuti kung lalayo ako dahil ito na lang ang alam kong pinakamatinong desisyon na gagawin ko. Naiintindihan mo naman ako di'ba?"

Matagal akong tinitigan ni Jarred na para bang nasa gitna ng pag-iisip, pero sa minutong tumango rin siya bilang tanda ng pag-unawa niya sa sitwasyon ko, pakiramdam ko mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na siyang kailangang kailangan ko ngayon.  Hindi ako nagkamali sa paglapit ko sa kanya dahil siya pa rin 'yong taong handang makinig, sumoporta at dumamay kahit anong mangyari.

"Pero mahirap magpalaki ng mga anak ng mag-isa, kakayanin mo ba?" Tanong niya na alam kong hindi para sirain ang loob ko.

Tumango ako kasabay ng matapang na ngiti.

"Then I guess, wala akong magagawa kundi pagkatiwalaan at suportahan ang desisyon mo, Sizzy. Basta't nandito lang ako anytime you need my help, huwag kang mahihiya."

"Salamat." Sambit ko kasabay ng yakap ko sa kanya. Mas lumakas na ang loob ko ngayong alam kong may tao akong malalapitan dahil parang di ko pa ito masasabi sa sarili kong pamilya sa ngayon. Hangga't maaari mas gusto kong sarilinin muna ito. "Sorry din kung mahuhuli ka na sa lakad niyo ni Jasmin dahil sa pang-aabala kong ito sayo."

"It's okay. At huwag kang mag-alala dahil hahabol pa ako sa lakad naming dalawa, basta't tigilan mo na yang pag-iiyak mo dahil nadidistract ako sa pagmamaneho." Sinunod ko na rin ang sinabi niya, kaya matapos kong huminahon at huminto sa pag-iyak, binuhay na rin niya ulit ang sasakyan at minaneho para hatirin ako pauwi.

Sa pagdating namin sa tapat ng bahay, sobra-sobra ang pasasalamat ko para kay Jarred dahil nabawasan na ngayon ang bigat ng nararamdaman ko kahit papaano.

"Pwede kang magstay sa nabili kong bahay sa San Fernando kung wala ka pang maisip na mapupuntahan. May kalayuan yon mula dito tulad ng gusto mo. Safe din naman roon." si Jarred na mismo ang nag-alok sa'kin bago pa man ako makababa ng sasakyan.

"May bahay kang nabili? Teka, doon ba kayo titira ni Jasmin kapag naikasal na kayo?"

"Oo, pero matagal-tagal pa naman kami makakalipat roon lalo na't next year pa naman ang kasal namin. Siguradong nakapanganak ka na rin naman bago pa kami ikasal, kaya doon ka muna pansamantala. Huwag mo ring alalahanin pa si Jasmin, dahil siguradong papayag rin naman yon kapag malaman niya ang sitwasyon mo." Balak ko pa sanang tumanggi pero muli akong inunahan ni Jarred. "Huwag ka ng mahihiya pang tanggapin ang alok ko lalo na't wala ng ibang taong aalok pa sayo ng libreng renta ng siyam na buwan. Doon ka na sa makakamura ka… Ano?"

Di ko akalaing magagawa ko pa palang matawa sa ganitong sitwasyon. Pero sa kabila ng birong iyon ni Jarred, ramdam ko ang sinseridad niya kaya nagawa ko ring pumayag na hindi na iniisip pa ang hiya-hiya. "Salamat ulit. Makakabawi din ako sayo."

"Pwede na si Pepper pambayad, para naman hindi na mahirapan pa si Jasmin sa panganganak lalo't alam kong mahirap rin pala ng umire--"

Nahampas ko sa balikat si Jarred dahil sa sinabi niya, pero di ko naman sinasadyang mapalakas iyon kaya pareho kaming nabigla ng ilang segundo bago natawa ng sabay. Di na rin namin namalayan na napahaba na pala ang tawa namin.

"Bumaba ka na nga ng kotse, mukhang sinasadya mong libangin ako ngayon para di ako makahabol sa lakad namin ni Jasmin. Bakit, nagsisisi ka na ngayon na pinakawalan mo pa ako?!"

Hindi na ako nag-abala pang punain ang huling hirit niya dahil mas nabahala ako sa sinabi niya tungkol sa lakad nila. "Naku, kailangan mo ng humabol roon." Natataranta man sa pagbaba ng sasakyan niya,  tiniyak kong makapag-iwan sa kanya ng halos walang katapusang pasasalamat  bago tuluyang maisara ang pinto. Hinintay kong makaalis siya bago ako pumasok sa bahay.

"Sino 'yong naghatid sayo? At saan ka galing?" Salubong sa'kin ni Reid na hindi ko inaasahang siyang aabutan ko pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto. Mapanuri ang mga mata niya sa'kin na para bang wala siyang balak alisin ang mga tingin sa'kin.

Parang gusto ko tuloy manghina sa kung paano magtagpo ang nga mata namin. Siya ang huling taong gusto kong makita sa ngayon dahil bumabalik lang ulit ang bigat na nararamdaman ko na nagpapaalala sa malaking problemang kinakaharap ko.

"Sa shop. Si ate Chloe ang naghatid sa'kin pauwi." Sagot ko kasabay ng paglagpas ko sa kanya. Balak kong dumiretso sa kwarto ko para maiwasan muna siya, pero natigilan ako sa sumunod na sinabi niya.

"Pero kotse ni Jarred ang nakita kong naghatid sayo. At si Jarred rin daw ang sumundo sayo rito kanina sabi ni manang kaya di ko maintindihan kung bakit kailangan mong magsinungaling." Mapaghinala ang tono ng boses ni Reid na mukhang iba na agad ang iniisip sa sitwasyon. "Aminin mo nga sa'kin Sizzy, pinatawad mo ba ng ganoon kadali si Jarred sa panloloko niya sayo? Nagpadala ka ba sa mga palusot niya? At huwag mong sabihing hindi mo pa siya hinihiwalayan?"

"H-hindi." Napupuno ng niyerbyos ang dibdib ko dahil hindi matapos-tapos ang pagiging-komplikado sa bagay na to. Parang siguradong-sigurado siya sa mga akusasyon at hinalang binabato niya sa'kin, pero di ko rin naman alam kung paano magpapaliwanag dahil hindi ko rin naman magagawang sabihin ang totoo o ang linisin man lang ang masamang tingin niya kay Jarred. "Hiwalay na kami. Tinapos ko na ang relasyon namin."

"Buti naman kung gano'n. Akala ko kasi magpapakatanga ka sa kanya dahil lang sa mahal mo siya." Sambit niya na nahalata kong biglang huminahon na rin ang tono ng boses. "Wag kang mag-alala, tiyak na makakalimutan mo din siya--"

"Pagod ako at mas gusto ko na muna sanang magpahinga Reid." Singit ko sa kanya sa mahinang boses dahil totoong ramdam ko ang pagod na dala na rin ng kondisyon ko at kasama na ang kakaisip ko sa mga problema. Wala akong ibang gustong gawin ngayon kundi ang lumapag sa kama at umidlip.

"Si manang? Nasaan?" Tanong ko sa kanya nang mapansin ko si Pepper na kontentong nanunuod ng nakakaaliw na video pambata.

"Pinauwi ko muna dahil mukhang hindi maganda ang pakiramdam niya. Parang magkakasakit daw siya." Paliwanag ni Reid na parang ikinapanghina ko dahil mukhang maaantala ang gagawin kong pagpapahinga dahil kailangan kong alagaan at bantayan si Pepper.

"It's okay Sizz, ako na muna ang bahalang magbantay kay Pepper. Magpahinga ka muna sa taas." Pagbuboluntaryo ni Reid na mukhang nabasa niya rin sa mukha ko ang kagustuhan kong makapagpahinga muna. Bagaman ayokong abalahin pa siya, narinig ko na lang ang sarili kong tumango at pumayag sa alok niya. Isang realisasyon din kasi ang pumasok sa utak ko, at iyon ay ang bigyan ng mahaba-habang oras si Reid na makasama si Pepper lalo na't nakaplano na ang paglayo ko kasama ang mga anak niya.

Sa pag-akyat ko ng kwarto, hindi ko na nagawa pang isipin ang mga bagay-bagay na gumugulo sa isip ko dahil sa segundong nahiga ako sa kama at pumikit ng mata, naging tuloy-tuloy ang pagtulog ko.

***

Umaga na nang magising ako. Maayos naman ang pakiramdam ko ngayon pero di nawawala ang katamarang nararamdaman na siyang dulot ng pagbubuntis ko. Napabalikwas ako ng bangon sa kabila ng katamlayan ng buong katawan ko nang mapansin ko ang oras. Maiksing idlip at pagpapahinga lang naman kasi sana ang plano ko kagabi kaso nauwi iyon sa magdamagang tulog. Siguradong malaking abala ang nagawa ko kay Reid na tiyak na hindi na nagawang nakauwi sa kanila kahapon.

Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto ng kwarto, may kakaiba akong naaamoy na buong akala ko ay dahil lang sa pagiging sensitibo lang ng pang-amoy ng nagbubuntis, pero hindi. Nang makababa ako ng hagdan, napag-alaman kong sa kusina nanggagaling ang amoy kaya napatakbo na ako para tignan.

Nawala rin naman ang kabang nararamdaman ko nang makita kong safe si Pepper na karga-karga ni Reid pero bumulantag sa paningin at pang-amoy ko ang sunog na pagkaing niluto niya.

"Sorry. Nasunog ko ang dapat agahan natin." Apologetic ang mukha ni Reid na halatang hindi magkandaugaga kung uunahin ba niyang linisin ang kalat niya, o kung lilibangin niya muna si Pepper na nakikipagsabayan sa pagmamaktol. Agad naman akong sumaklolo kaya kinuha ko na sa kanya si Pepper.

"Ako na ang bahalang maglinis niyan." pagtututol ko sa kanya nang nakita kong isa-isa niyang nilalagay sa lababo ang mga ginamit niyang kawali, sandok at plato para hugasan. "Kaya ko na yan kaya mabuti pang umuwi ka muna lalo na't baka mahuli ka sa kung anong schedule mo ngayon araw. Sorry talaga kung di ka na nakauwi kagabi, di ko kasi malaman kung bakit tuloy-tuloy ang naging pagtulog ko. Sana ginising mo ako--"

"Don't worry, wala namang problema sa'kin. Hindi naman ako nahirapan kay Pepper." Singit niya sa'kin na nagmatigas pa ng tangkang pipigilan ko siya sa pagligpit ng nagkalat na plato at kawali. "Ako na ang bahala rito tutal ako naman ang nanggulo dito sa kusina."

Kahit anong pagpipilit ko sa kanya mukhang di rin ako mananalo kaya si Pepper na lang ang kinuha ko mula sa kanya. Habang pinagmamasdan siyang naglilinis kasama na ang mga kalat na gawa ni Pepper, di ko mapigilang di mapalagay dahil di naman niya ito trabaho o obligasyon sa'min. "Reid, pwede ka ng umuwi kung gusto mo, kaya ko na ang mga yan…"

"Sandali na lang naman to at malapit ko ng matapos." sagot niya na wala talagang balak na pakinggan ako. "Sa labas na lang tayo kakain ngayong wala akong matinong nagawang agahan dito."

Sandali akong natigilan sa narinig ko. "Hindi na kailangan pa, meron naman diyang oatmeal, pwede na sa'kin yun--"

"Huwag ka ng kumontra pa Sizzy. Wala ng laman ang ref niyo at maging groceries wala na rin. Pagkatapos nating kumain, diretso na tayo mamimili ng mga groceries."

"Hindi mo na kailangan pang gawin 'to Reid. Sobra-sobra na ang pang-aabala ko sayo. At mamaya baka may lakad ka pa ngayong araw…" Sambit ko sa kanya pero parang wala man lang siyang narinig na patuloy lang sa ginagawa niyang paglilinis. Nang akala ko hindi na siya sasagot, muli kong narinig na nagsalita siya  habang tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa.

"Hayaan mo na ako na dahil hindi ito abala para sa'kin. I'm free today kaya walang problema basta't para naman kay Pepper."

Hindi ko na alam kung paano pa matataboy si Reid. Hangga't maaari ayoko sanang makasama pa siya ng matagal dahil malaking parte ng sarili ko ay nangangamba na baka malaman niya ang pilit kong tinatago ngayong sikreto tungkol sa pinagbubuntis ko.

"Pero tinatamad akong lumabas ng ganito kaaga. Medyo hindi rin maganda ang pakiramdam ko." Nauubusan na ako ng dahilan at palusot pero totoo na wala talaga ako sa kondisyon ngayong umaga para lumabas pa. Dala na rin ng pagbubuntis kaya't matamlay ang buong katawan ko na mas gustong humiga lang muna sa kama.

Napansin ko na lang na tumigil si Reid sa ginagawa at hinarap ako para tignan ng mabuti. "Bakit, may sakit ka ba? Kaya ba medyo namumutla ka?" Napahakbang pa siya palapit sakin para pakiramdaman ang temperatura ng noo ko.

"A-ayos lang ako. Okay ako." Maagap kong sagot dahil huli ko ng narealize na isang katangahan na nabanggit ko pa sa kanya ang masamang pakiramdaman ko. Ayokong magkaroon siya ng kahit na maliit na hinala sa totoong kondisyon ko. "Gutom lang to, normal lang na mamutla ako dala ng gutom…" di ko mapigilang maging defensive sa kagustuhan kong maitago sa kanya ang katotohanan, buti na lang talaga hindi niya napupuna iyon.

"O kita muna, kailangan mo na talagang makapag-agahan." Kinuha ni Reid si Pepper mula sa'kin na siyang ikinagaan-gaan ng pakiramdam ko lalo na't may kabigatan na rin siya. Nang sunod na kinuha niya ang susi ng kotse na nakapatong sa mesa, saka ko na rin lang napagtantong talo na ako sa diskusyon naming dalawa. "Halika na, kakain tayo sa labas sa ayaw mo at sa gusto."

At wala na rin nga akong ibang nagawa kundi ang sumunod sa mag-ama.

Sa minutong makasakay ako sa kotse ni Reid,  gusto kong magsisi  sa desisyon kong sumama dahil bumungad lang naman sa'kin ang hindi magandang amoy ng kotse niya. "Hindi ko gusto ang amoy ng bago mong airfreshener. Sana di ka na lang nagpalit, ang baho." di ko mapigilan ang magkomento.

Kunot-noo ang unang sagot sakin ni Reid na parang nalito kung saan nanggaling ang tanong kong iyon. "Mabaho? Pero hindi naman ako nagpalit. Sigurado ka ba sa naaamoy mo, dahil sa ilang beses na sumakay ka ng kotse ko, ngayon ka lang nagreklamo sa amoy."

Bigla nagpanic ang loob ng utak ko at pinagsisihan kong nagkomento pa ako. Mukhang isang pagkakamali talaga na sumama pa ako dahil hindi malayong malantad ko ang sarili ko nito sa kanya ng hindi sinasadya. "B-baka iba nga ang naaamoy ko. Akala ko lang yata nagpalit ka."

Binantayan ko ang reaksyon niya, at nakahinga agad ako ng maluwag nang makita kong hindi naman siya naghinala sa biglaang pagiging sensitibo ng pang-amoy ko. Mas nakafocus din kasi ang atensyon niya sa kung sino mang tinatawagan niya sa phone. Nakaspeaker mode iyon kaya rinig ko ang pagring mula sa kabilang linya hanggang sa sagutin iyon ng boses lalake. "Hello, sir Reid? Ba't napatawag po kayo?"

"Nasa restaurant ka na ba?" sambit ni Reid na mukhang mismong empleyado niya ang kausap. "Magluto ka ng pang-agahan para sa dalawang tao. I'll be there in an hour para diyan magbreakfast."

"Okay po sir."

Sa pagbaba ng tawag, saka ko lang nagawang sumingit. "Di ba pwedeng sa pinakamalapit na lang tayo kumain? Malayo-layo din kasi kung sa restaurant mo pa tayo pupunta…"

"Hindi naman traffic ngayong araw. At isa pa, pagdating natin roon, kakain na lang tayo, samantalang kung diyan lang tayo sa pinakamalapit, gano'n din naman na mag-aantay tayo sa matagal nilang pagserve ng pagkain."

Pero di ko na matagalan ang amoy ng kotse na siyang gusto kong ireklamo sa kanya pero di ko magawa. Ilang minuto pa pala ang kailangan kong tiisin na siyang mas lalo lang yatang kinasasama ng pakiramdam ko.

Napasandal na lang ako sa upuan saka pinikit pansamantala ang mga mata ko. Napamulat na lang ako ulit nang marinig kong tumunog ang phone ko. Si Jarred ang tumatawag, at hindi ko iyon masasagot ngayong nasa tabi ko lang si Reid.

Mabilis kong kinancel ang tawag at minabuti kong itext na lang si Jarred na mamaya ko na lang siya tatawagan. Mukhang may kinalaman ito sa inaalok niyang matutuluyan ko. Hindi ko alam kung pumayag ba si Jasmin, dahil kung sakaling hindi, kailangan ko ng maghanap ng ibang malayo-layong matutuluyan.

"Si Jarred ba yan?" Biglang tanong ni Reid na ikinagulat kong nakatutok ang mga mata niya sa screen ko. Pag-iling at pagtago ng phone ang initial na reaksyon ko na isa na namang katangahang ginawa ko dahil parang binigyan ko lang ng rason si Reid na magduda sa kung anong bagay.

"H-hindi." Nauutal na sagot ko. Hindi ko alam kung bakit humina ako ngayon sa pagsisinungaling at pagpapalusot. Mas lalo lang tuloy tumagal ang tingin sa'kin ni Reid.

"Ba't kailangan mong magsinungaling? Nakita ko ang caller, at malinaw na pangalan ni Jarred yon. Sabihin mo nga ang totoo Sizzy, tinapos mo na nga ba talaga ang lahat-lahat sa inyo kahapon?"

"Sabi ko naman sayo, tapos na, di'ba? Ba't ba paulit-ulit na lang yang tanong mo?"

"Dahil hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pang magsinungaling. Kahapon tinanong kita kung sino ang naghatid sayo, pero sinabi mong si ate Chloe kahit na si Jarred, tapos ngayon tinanong kita kung si Jarred ang tumawag sayo pero kinakaila mo…"

"Ayoko lang na pag-usapan pa siya o maririnig ang pangalan niya, yon lang yon. Hindi na ako nakikipag-usap sa kanya. Hindi ko nga sinagot ang tawag niya ngayon di'ba?"

"Kung gano'n, why don't you block him, nang hindi mo na rin makita pa ang pangalan niya tuwing tumatawag siya sayo?" Balik niya sa'kin na laging may punto. Ni hindi ko namalayan napapahaba na rin ang sagutan namin.

Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ni Reid, dahil kahit sino namang kaibigan, ganitong-ganito rin naman talaga ang magiging reaksyon. "Okay, I will block him right away. Hindi ko lang to nagawa dahil di ko naisip gawin." Kinuha ko ang phone ko at ginawa ang binitiwan kong salita.

Ilang beses pa kaya ako magsisinungaling sa harapan ni Reid, dahil sa totoo lang, nakakapagod na rin.

Pero kailangan. Ginamit ko ang pagbubuntis ko noon para matali sa'kin si Reid, at yon ang maling bagay na hindi ko na uulitin pang mangyari ngayon. Ginagawa ko lang ang tama sa pagkakataong ito.

"You're doing the right thing." Rinig ko na lang na sambit ni Reid na buong akala ko nababasa niya ang nasa utak ko. "Huwag na huwag kang bibigay sa gagong yon. Kung mahal ka talaga niya, hinding-hindi ka sana niya niloko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top