Chapter 48

FORTY-EIGHT

Nakakailang balikwas na ako sa kama pero di ko pa rin magawang makatulog. Sadyang masyadong maraming nangyari ngayong araw na 'to kaya masyado pa ring aktibo ang utak ko na hindi pa rin magawang matahimik.

Muli akong napatingin sa digital clock ng phone ko. Mag-aalas dose na ng hating-gabi pero di pa rin ako dinadalaw ng antok. Sinubukan kong mag-online para sana tignan si Megan, Caleb or Kurt kung pwede ang alin man sa kanila ang makachat, kaso wala. Hanggang sa may nagpop-out na lang na message sa screen ko. Di ko inakalang si Reid iyon.

Reid: O, gising ka pa? Overthinking again?

Agad akong sumagot.

Me: Can't help it. Kahit anong pilit kong pagpikit, di talaga ako makatulog.

Komportable na ulit ako kay Reid. Maling-mali ang ginawa kong pagbunton ko sa kanya ng inis at sisi. Matapos ang nangyaring pag-uusap namin kanina, narealize ko na siya at siya rin lang ang taong masasandalan ko.

Me: ikaw? Ba't gising ka pa?

Ilang segundo rin akong naghintay sa sagot ni Reid pero wala ng mensaheng nanggaling mula sa kanya. Ilang minuto pa, narinig ko na lang na nagriring na ang phone ko.

"Si Jarred, dinalaw ka na ba niya kanina?" bungad sa'kin agad ni Reid sa kabilang linya.

"Hindi eh." Sagot ko sa mababang tono. Hindi ko alam kung bakit di nakapunta si Jarred gano'ng sabi nito pupuntahan niya ako. Hindi ko rin tuloy alam kung hanggang ngayon ay nasa Batangas pa siya. Wala na rin kasi akong natanggap na tawag o text mula sa kanya. Gusto ko man siyang tawagan para tanungin, pero nagdadalawang-isip ako. "Mas mabiti na rin siguro na hindi siya pumunta rito dahil parang wala pa akong mukhang maihaharap sa kanya."

"Sizzy, don't say that..." Balik agad sa'kin ni Reid. "Don't feel bad on yourself dahil hindi rin naman 'yan makakatulong." Ito rin 'yong eksaktong sinabi niya sa'kin kanina. Gustuhin ko man siyang sundin pero di ko magawa.

"Sinusubukan ko naman pero ang hirap. Ang hirap humarap kay Jarred ng ganito. Paano kung malaman niya? O kung hindi man niya malaman, parang ang hirap pa rin dalhin ang ganitong sikreto. Parang di kaya ng konsensiya ko –pero di ko naman kaya na sabihin sa kanya ang ang nangyari... Paano kung di niya ako maintindihan? Paano kung magalit siya sa'kin? Paano kung hiwalayan niya ako nang dahil doon..." Halos di na ako huminga sa pagsasalita. Maging sarili ko ay di na maawat ang bibig ko sa paglabas ng kung ano mang alalahanin ng utak ko.

"Ssh..." pagpapatigil sa'kin ni Reid. "I know what you feel. I've been there. Pakiramdam ko I was so tortured kinabukasan nang malaman kong may nangyari sa'tin noon..."

"I'm so sorry..." putol ko sa kanya sa pag-ungkat niya ng nakaraang pagkakamali ko. "Siguro, karma ko na rin 'to. Nangyayari sa'kin ngayon ang ginawa ko sa'yo noon..."

"Stop blaming yourself. Sizzy, stop and just listen to me." Pagpapatigil muli sa'kin ni Reid sa mas mala-awtoridad na boses. Sinunod ko ang sinabi niya at nanahimik ulit ako. "Are you still there?"

"Nakikinig na ako." Sagot ko. Naghintay ako sa muling pagsasalita ni Reid, pero wala akong narinig na kahit ano. Tanging background na ingay lang ang naririnig ko sa kabilang linya tulad ng yabag ng paa na parang naglalakad siya, saka pagbukas at pagsara ng pinto.

"Reid? Nandiyan ka pa ba?" tanong ko hanggang sa musika naman ang naririnig ko. "Hello?"

"Makinig ka muna sa music para marelax ka." Sabi niya saka nilakasan ang musika. Fix you ng coldplay ang kasalukuyang tumutugtog, ang paborito kong kanta. Aangal sana ako sa kanya, pero sinara ko na lang muli ang bibig ko at sinunod na lang ang sinabi niya.

Napahiga ako sa kama at patuloy na nakinig. Wala pa yata sa kalagitnaan ang kanta nang mapapikit ako para mas damhin ang tugtog. Hanggang sa di ko namalayang, nakaidlip na pala ako.

"Sizzy! Sizzy!"

Nagising ulit ako dahil sa ingay na nanggagaling sa nakabukas ko pang phone. Tamad na boses ang pinangsagot ko. "Nakatulog na pala ako Reid na hindi ko namamalayan."

Pasara na naman ulit sana ang mga mata ko nang muling magsalita si Reid.

"Nandito ako ngayon sa labas ng bahay niyo." Sabi nito na siyang tuluyang nagpagising sa patulog ko ng isip.

"Ngayon? Sa labas? Pero bakit?" naguguluhang tanong ko. Hindi ko rin kasi alam kung nagbibiro lang siya para pagtripan ako.

"Lumabas ka." Utos ni Reid na hindi ko na rin pinagdudahan. Tuluyan na akong napabangon ng kama at napalabas ng kwarto. Tahimik na ang buong bahay nang lumabas ako.

Naabutan ko si Reid sa mismong gate. Naghihintay na pagbuksan ko siya.

"Anong nakain mo at napapunta ka dito?" bungad ko sa kanya. Sa pagbukas ko ng gate, siya naman itong umatras para may kunin sa kotse saka bumalik lang ulit. May hawak siyang paperbag na binigay sa'kin. "Ano 'to?"

Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya dahil binuksan ko na iyon. Tatlong turtleneck na damit iyon at dalawang scarf. Halatang mga bagong bili iyon dahil sa price tags na hindi pa na tatanggal.

"Para hindi ka na masyadong mag-alala sa pagkikita niyo ni Jarred. Alam kong hindi niyan mabubura ang nangyari, but atleast, mababawasan niyan ang pagiging paranoid mo." Nakapamulsang sabi ni Reid.

Sandali akong napaisip kung bakit niya ginagawa ito, bakit kinailangan pa talaga niyang magbiyahe ng ganitong oras papunta sa'kin para lang dito... hindi ko na kailangan pang lumayo ng pag-iisip sa kasagutan, dahil siya pa rin ang Reid na dati kong kilala na maaasahang kaibigan at parang nakababatang kapatid ako kung ituring.

"Thank you. At sorry na din sa pagdadrama ko sayo. Nag-alala ka pa tuloy."

"Anything for you." Sagot niya na hindi ko alam kung bakit parang biglang hindi ako naging matapang na salubungin ang mga mata niya. Madali kong binawi ang mga tingin ko sa kanya saka ngumiti na lang.

"Gusto mo bang pumasok muna? Coffee? Or midnight snack?" alok ko. Tatalikod na sana ako para pumasok na hindi hinihintay ang sagot niya nang bigla niyang inabot ang pulsuhan ko.

"Actually may dala akong coffee. Nadaanan ko kasi ang isang bukas na coffee shop, kaya bumili na ako." Sabi niya na tinalikuran ako para kunin ang dalawang kapeng tinutukoy niya. Inabot at pinahawak niya muna sa'kin iyon saka umakyat sa ibabaw ng sasakyan niya.

"Ano namang gagawin mo diyan?" paninita ko sa kanya na napakadaling nakaakyat. Kinuha niya ang dalawang kapeng pinahawak niya sa'kin saka ipinatong sa bubongan ng sasakyan.

Humarap muli siya sa'kin saka inilahad ang dalawang palad niya. "Come here..."

Tatanggi sana ako pero di niya ako binigyan pa ng pagkakataon dahil siya na mismo ang umabot ng kamay ko. Wala na rin akong nagawa kundi ang magpatangay sa kanya. Nang makasampa ako sa ibabaw ng kotse, binalik niya sa'kin ang kape ko.

"Hindi ka ba nababahalang magasgasan natin ang kotse mo?" tanong ko matapos humigop ng mainit pang kape.

"May mga bagay na mas mahalaga kaysa dito..." tanging sagot niya na hindi ko alam kung hugot ba iyon o kung ano. Nagkibit balikat na lang ako at ginaya siya na nakaupo na ngayon sa bubong ng kotse.

"Ano naman ang gagawin natin dito?" Humigop ulit ako ng kape na nakakatulong para di ako masyadong makaramdam ng lamig. Tanging manipis na t-shirt at manipis na pajama rin lang ang suot ko.

Walang sagot akong narinig kay Reid. Nakatingala lang siya sa itaas habang pinagmamasdan ang mga tala, hanggang sa di ko namalayang ginagawa ko na rin ang ginagawa niya.

"Bakit mo ako nagustuhan noon?" tanong ni Reid na bigla na lang inungkat ang nakaraan. Nang natagalan ako sa pagsagot, nilingon niya ako. "I'm just curious, kaya sagutin mo na lang ang tanong ko."

Sumagot ako na nasa mga tala ang atensyon ko. "Ewan ko. Ang natatandaan ko lang, sa simpleng crush lang naman nagsimula, hanggang sa lumalim na lang nang mas naging close tayo lalo na nang magsialisan na sina Caleb, Kurt at Megan. Kasabay rin niyon ay ang pagkakagulo sa pamilya ko, kaya pakiramdam ko ikaw na lang ang meron ako noong mga panahong 'yon. Hanggang sa nasanay ako na ikaw na lang lagi ang kasama ko kaya ayun, ikaw na rin lang ang ginusto kong makatuluyan noon..."

"Ang galing mo pa lang magtago ng feelings. Ni hindi ko alam na patay na patay ka noon sa'kin..." singit ni Reid na ikinabaling ko sa kanya.

"Paano ba naman kasi, ikaw din itong patay na patay kay Bianca. Buhos ang atensyon mo sa kanya. At nasaksihan ko kung paano ka mag-effort makuha lang siya... 'yun nga lang, I ruined everything. Kaya hindi rin kita masisisi kung gaano mo ako kagalitan noon. Actually, hindi na nga ako umasa pa noon na magkakaayos pa tayo, kaya salamat na lang dahil napatawad mo na ako. At heto, magkaibigan na ulit." Bumangon ako para humigop muli ng kape. "Marami akong nagawang pagkakamali noon. If I could just turn back time, buburahin ko 'yong naging feelings ko sa'yo noon. Yun lang naman kasi ang puno't dulo nito..."

Napabuntong hininga ako. At ganoon din si Reid na ginaya lang ako saka biglaang nagsalita.

"Huwag." Rinig kong sabi niya na malinaw na pagtutol niya sa huling sinabi ko. "Pepper wouldn't be here kung di rin dahil roon. Kaya huwag kang magsalita ng ganyan."

Nang nilingon ko siya, may kung anong intensidad ang mga mata niya na hindi rin ako sigurado dahil hindi ganoon kaliwanag sa pwesto namin. Binalik ko ang tingin ko sa kalawakan, sa nagkikislapang mga bituin.

"Sabi ng taong tinalikuran ang pagiging ama niya noong pinagbubuntis ko pa lang si Pepper." Birong dugtong ko na hindi ko inakalang seseryosohin niya.

"Yan ang pinakapinagsisisihan ko sa nagawa ko noon." Sambit ni Reid sa mahinang boses na biglang nagbago ang tono. Nang lumingon ako sa kanya, nahuli ko siyang nakatitig sa'kin. Hindi ko alam kung bakit parang nailang ako na salubungin ang mga tingin niya.

"Huwag kang mag-alala, hindi kita sisiraan kay Pepper. Hindi niya malalaman na minsan mo siyang kinaila at tinakbuhan." Panibagong biro ko.

"Hindi naman si Pepper ang inaalala ko dahil sa kabila ng nangyari, naitama ko pa rin ngayon ang pagiging ama ko sa kanya..." Bigla siyang tumigil para bumangon at humigop ng kape niya. Muli niya akong tinignan matapos 'yon. "Paano nga talaga kung natuloy ang kasal at nagkatuluyan tayong dalawa noon?"

Hindi ko alam kung bakit bigla na lang lumitaw ang tanong niyang iyon. Pero sinagot ko pa rin. "Siguradong hahantong din tayo sa hiwalayan dahil hindi pwedeng iisa lang ang nagmamahal."

"Paano kung natutunan pala kita noong mahalin?" muling bato ni Reid na parang hindi nauubusan ng what ifs na tanong.

"Siguro, tatlo na ang anak natin." Nangingiting sagot ko na puno ng biro. Napabaling tuloy sa'kin si Reid na napangiti na rin.

"And their names would be Ginger and Clover." Mabilis nitong dugtong na parang matagal na iyong nakareserve sa utak niya. "And I would name our fourth child, Ace. Para naman may lalake din tayo."

Napatigil na ako sa pagngiti dahil bukod sa nalalayo na ang usapan namin, parang ang awkward ng ipagpatuloy. "Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko sa kanya dahil parang wala na itong pakialam sa oras.

Napansin ko ang mahabang pagkatahimik ni Reid bago siya sumagot. "I want to stay longer, pero kung inaantok ka na at gusto mo ng matulog, aalis na ako."

"Hindi ka pa ba inaantok? Ba't parang ayaw mo pang umuwi?" tanong ko sa kanya.

"Kung alam mo lang..." bulong na sabi niya na hindi nakawala sa pandinig ko.

"Ang alin?" tanong ko.

"Ang dahilan kung bakit ayoko pang umuwi." Sagot niya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko sa napakaseryosong paraan.

"Ano nga ba?" kunot noong tanong ko.

"Don't ask me that question, baka mapilitan akong aminin sa'yo." Makahulugang sagot niya na ikinanlaki ng mga mata ko.

"Aminin? May sinisekreto ka ba sa'kin?" kuryusidad lang ang pumuno sa utak ko. "May babae ka ba sa bahay mo? Pinagtataguan mo kaya di ka makauwi?"

Kinatok niya ang ulo ko. "Kung may babae man ako, I wouldn't be here."

Biglang tumayo si Reid para bumaba ng sasakyan. Umangat ang palad niya na naghihintay sa pagkilos ko tulad ng pagbaba niya pero tumigil ako sandali. "Kung gano'n, ano nga bang dahilan mo? May ibang problema ka ba? Gusto mo bang pag-usapan o ikuwento sa'kin?"

Tinitigan niya ulit ang mga mata ko tulad ng madalas na ginagawa niya kanina pa. "Maybe some other time. I have a feeling na hindi ko rin naman matatago 'to ng matagal."

Mas lalo akong naintriga. Magtatanong pa sana ako para mapilitan siyang magsabi pero bago ko pa man maibuka ang bibig ko, hinila na niya ang kamay ko saka hinapit ang bewang ko. Sa loob ng tatlong segundo nailapag na niya ako paalis sa kotse ng walang kahirap-hirap.

"Pumasok ka na sa loob. " utos niya na nakapamulsa. Sa isang iglap, bumalik ang mala-awtoridad niyang personalidad na madalas niyang gamitin noong mga panahong galit pa siya sa'kin. Wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod, pero nakakailang hakbang pa lang ako nang bigla ko na lang naramdamang hinapit ako ni Reid. Sunod ko na lang na nalaman, hinahalikan na niya ako.

Awtomatikong bumilis ang tibok ng puso ko na marahil na rin siguro sa pagkabigkla. Ilang segundo ang pinalipas ko bago ko siya nagawang itulak. "Reid, ano ba?!"

Bakas sa mukha ko ang pagtataka kung bakit bigla na lang niya yon ginawa. Sa pagkakaalam ko hindi naman siya lasing kaya di ko maintindihan kung bakit na lang…

"I don't know what's happening to me, Sizzy…" sambit ni Reid na mas nagpabilis pa lalo sa nararamdaman kong pagkabog ng dibdib ko. Parang alam ko na kung saan papunta ang mga susunod niyang sasabibin. "Di ko na maintindihan ang sarili ko simula nang may nangyari sa'tin… Di ko na alam kung ano 'tong nararamdaman ko sayo…"

Di ako makapagsalita sa naririnig ko mula sa kanya. Totoo ba 'to? May nararamdaman na ba talaga sa'kin si Reid?

Sinalubong ko ang mga mata niya at nakita ko kung paano niya ako tingnan. Parang di ako makahinga sa mga titig niya. Di na matigil ang pagkabog ng dibdib ko na para bang sadyang lumulukso sa mga pangyayari ngayon. Sa sandaling namayani ang katahimikan sa paligid namin, nilapit ulit ni Reid ang mukha niya sa'kin na nagbabadya muling halikan ako. Marahan ang paglapit niya na para bang tinatanya niya ako't binibigyan ng pagkakataong umatras at iwasan ang halik.

Sa maikling segundong wala pang papalapit ang distansiya ng mga mukha namin, gustong-gustong sumara ng mga mata ko at tanggapin ang paparating na labi niya, pero hindi yon ang ginawa ko.

"I'm sorry, Reid." sambit ko na ikinatigil niya at ng dapat mangyari. Mahirap para sa'kin ang sabihin ang mga katagang iyon pero nanlaban ako sa dinidikta ng sarili kong pag-iisip. Ayokong makagawa ulit ng pagkakamali. "May boyfriend ako. Ayokong gawin 'to kay Jarred. Mahal ko siya."

Nakita ko kung paano bumagsak ang mukha ni Reid na para bang nasaktan ko siya ng husto sa mga sinabi ko. Para tuloy gusto kong bawiin ang kung ano mang binitiwan kong salita, pero di ko ginawa. Puno ako ng pag-aalinlangan at katanungan kung bakit ako ngayon nagkakaganito. Bakit napapadalawang-isip ako? Bakit nasasaktan na naman ako? Bakit ang hirap?

"I'm sorry." sambit ni Reid na umatras ng isang hakbang palayo sa'kin. Sa segundong ginawa niya 'yon, bakit parang gusto ko siyang pabalikin sa tabi ko. Gusto ko siyang hawakan at huwag hayaang umalis. Ano bang nangyayari sa'kin.

"Confused lang siguro ako." dagdag niya na di na makatingin ng diretso sa mga mata ko. "Just forget everything I said."

May kung anong bumara sa lalamunan ko matapos niyang sabihin iyon. Tumango ako kahit ang hirap. Ayokong kalimutan o burahin na lang yong mga sinabi niya kanina. Yon yong mga katagang matagal na hinintay kong marinig mula sa bibig niya noon pa man… pero bakit kasi ngayon lang? Bakit hindi noon?

Sa oras na tinalikuran na ako ni Reid para umalis, napakuyom ako ng kamay ko sa pagpipigil na huwag kumilos pahakbang para habulin siya. Paulit-ulit kong dinikta sa utak ko na tama lang ang ginagawa kong desisyon. Maling-mali ang habulin ko siya. Nabibigla lang siguro ako o naguguluhan sa ngayon kaya nakakapag-isip ako at nakakaramdam ng mga bagay na di tama. Pero bakit ganito kahirap? Bakit ako nasasaktan na parang katulad na katulad ng sakit na naramdaman ko noon nang iwan niya ako.

Sa sandaling makaalis na ang kotse ni Reid, saka lang nagsilabasan ang mga luha ko na wala na namang paawat ngayon sa pag-iyak. Ginawa ko ba talaga ang tama?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top