Chapter 42
FORTY-TWO
Reid's POV
Alas siyete na ng gabi nang magawa kong mailapat ang likod ko sa malambot na kama na kanina pa hinahanap-hanap ng katawan ko. Masyado kasi akong napagod sa kaninang limang oras na biyahe at idagdag pa ang walang awat na pakikipaglaro ko kay Xion at Pepper.
Habang nakahiga, nakahilig ang ulo ko sa gawing kaliwa habang nakamasid sa balkonahe kung saan kita ang magandang view. Nasa magandang puwesto kasi ang room na nireserve sa'kin mismo ni tito Richard. Kaya kahit gaano ako katamad na bumangon, ginawa ko pa rin at naglakad palabas ng glass door at pumwesto sa balkonahe. Mula sa kinatatayuan ko na ika-siyam na palapag ng hotel, kita ang mga naglalakihang pool sa baba, kung saan marami pa ring nagsiwsimming. Tanaw ko rin mula sa kalayuan ang dagat na hindi ko na ngayon marinig ang hampas ng alon, pero ramdam at amoy ko pa rin ito na para bang hinahanap-hanap na rin ng sistema ko. Mukhang nakikinita ko na ang babalik at babalik ko sa lugar na 'to para magbakasyon.
It's addicting. Hindi lang 'yong dagat, kundi ang kabuuan ng Castañeda Resort na isang paraiso.
Napahikab ako ng paulit-ulit. Kahit anong paglaban ko sa antok na nararamdaman ko, mukhang hindi ako mananalo. Kaya nagdesisyon na rin akong bumalik sa kama at muling nahiga. Namalayan ko na lang na nakangiti na pala ako. Sa loob ng ilang buwan, ngayon ko rin lang nakita ang sarili kong nakangiti bago matulog. Kung bakit? Iyon din ang tanong ko sa sarili ko... Maybe because of this place na nakakapagrelax ng sobra, or because of Pepper na awtomatikong nagbibigay saya sa dibdib ko, or because of Xion at sa kanyang kakulitan, or because of Christmas na papalapit na ilang oras na lang...or baka dahil sa binalita sa'kin ni Sizzy na silang dalawa na ni Jarred.
Napangiti ako ulit sa huling ideya. I should be happy with that thought...
At tuluyan ng bumigat ang talukap ng mga mata ko at nakatulog nang wala sa oras.
"Reid! Reid!"
Naalimpungatan ako dahil sa ingay ng katok na nanggagaling sa pinto. Hindi ko pa man 'yon nabubuksan, alam ko ng boses ni Sizzy ang tumatawag. Inaantok pa sana ako pero nawala na rin dahil sa pambubulabog niya. Wala na rin akong mapagpilian kundi ang pagbuksan siya kaya't bumangon na ako at tinungo ang pinto.
"Bakit? Dis oras na ng gabi..." galit na bungad ko na may pagreklamo. Nakalimutan kong baitan ang tono ko sa kanya at bawasan ang masamang titig. Sadyang hirap lang talaga akong baguhin ang mood ko pagdating kay Sizzy, buti na lang walang epekto iyon sa kanya. Pinasadahan lang niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa, saka nagsalita.
"Ano ba naman Reid, balak mo bang matulog magdamag?! Pasko na!" sabi niya sa bagay na muntik ko ng makalimutan. Bago pa man ako makapagsalita, walang pasabing hinila na lang niya ako bigla palabas ng room ko. Ni hindi ako nakapag-abalang ayusin ang magulo kong buhok na halatang galing sa tulog o kahit man lang ang palitan ang tsinelas kong suot napang-loob na may tatak pa na Castañeda Resort. Namalayan ko na lang na nasa elevator na kami, pababa.
Sa ilang minutong sakay kami ng elevator at naghihintay sa muling pagbukas nito sa ground floor, saka ko lang napansing hawak-hawak pa rin ni Sizzy ang kamay ko na hindi man lang nito binitawan kahit isang segundo. Nang akmang babawiin ko na ang kamay ko mula sa kanya, saka naman bumukas muli ang elevator, at muli naman kong hinila ni Sizzy palabas.
"Bilisan mo naman." Reklamo pa niya sa'kin na hindi man lang lumingon hanggang tuluyan na kaming makalabas ng hotel. Diretso lang kaming naglalakad sa buhangin na parang hinahabol ng oras.
Nakailang beses rin kaming liko sa kanan at liko sa kaliwa na ikinapagod ng mga paa ko. Nang hindi ko na makayanan ang walang katapusang paglalakad namin, magrereklamo na sana ako kay Sizzy nang hindi ko na rin nagawa dahil hindi na rin kailangan. Ilang hakbang mula sa harapan namin ay ang isang malaking mesa na puno ng mga sari-saring pagkain. Naroon din ang lahat na sina tito Richard, kuya Jake, kuya Gian, ate Aries at ang gising na gising pang si Xion at Pepper. Sabay-sabay silang bumati ng Merry Christmas.
"Halika na dito Reid, saluhan mo na kami dito sa Noche Buena." Yaya ni ate Aries na pinapakain si Xion habang si kuya Gian ang siyang kumakarga naman kay Pepper.
"Merry Christmas din sa inyo. Di ko naman akalin na ganito karami at kasarap na pagkain ang hindi ko matitikman kung nagkatong di ako nagising mula sa pagkakatulog."
"Pasalamat ka na nagtiis akong kumatok sa room mo ng paulit-ulit para lang gisingin ka." Sabi ni Sizzy na abala na ngayon sa pagsalin ng pagkain sa pinggan. Nang kukuha rin sana ako ng para sa'kin bigla niya akong pinigilan at binigay ang hawak niyang pinggan na may laman na. "Huwag ka ng kumuha, heto na 'yong sa'yo..."
Sandaling beses na tinitigan ko lang 'yon at hindi tinatanggap, kaya si Sizzy na mismo ang naglagay sa kamay ko ng plato.
"Bakit?" tanong ni Sizzy nang mapansin niya ang klase ng tingin ko. "Ayaw mo ba ng pagkaing kinuha ko para sa'yo? Yan 'yong mga paborito mo kaya 'yan 'yong nilagay ko. Bakit, may iba ka bang gusto?"
"Hindi ko na 'to mga paborito ngayon." Sagot ko kahit na natatakam pa rin ako sa mga pagkaing nasa platong hawak ko. Paborito ko pa rin ang mga iyon, hindi ko lang maamin sa kanya. Sadyang gusto ko lang magkaroon ng excuse para tanggihan ang binigay niya sa'kin. At binalik ko nga iyon sa kanya at kumuha ako ng sarili kong pinggan. "Ako na lang ang kukuha ng sarili kong pagkain."
"Hay, ang dami na nga talagang nagbago sa'yo." Umiiling-iling na sabi niya. "Letson? Gusto mo?" Hindi na niya ako hinintay na sumagot dahil kumuha na siya ilang hiwang balat. Bago pa man niya mailagay sa ulit sa pinggan ko, naiwas ko na ito.
"Huwag na." maagap kong tanggi. Unti-unti na akong naiinis sa pagtrato niya sa'kin ng ganito. Hindi ako bata at lalong-lalo na hindi niya asawa para asikasuhin ng ganito.
"Ayaw mo rin nito? Ano na lang ang kakainin mo? E allergic ka sa seafood na nakahanda ngayo—"
"Ayokong inaasikaso mo ako ng ganito. Nasaan ba kasi si Jarred para siya ang pinagsisilbihan mo ngayon ng ganito." Bulalas ko na hindi ko na napigilan.
"Namiss lang kita mahal ko. Mali bang asikasuhin at pagsilbihan kita?" sambit niya habang matawa-tawa.
Pinanliitan ko siya ng mata. "Nang-aasar ka ba? Yan ang bagay na ayokong naririnig galing sa'yo."
Mas natawa lang si Sizzy sa harapan ko. "Ang alin? Ang mahal? Mahal kita? I love you..."
"Will you stop. Sinisira mo ang pasko ko." Napipikon na sabi ko. Kung hindi ko pa pinakitang nagagalit na ako, hindi pa sana siya titigil.
"Heto naman hindi na mabiro." Nagpipigil tawang sabi niya saka sumeryoso na. "Huwag ka ng mag-alala o mandiri ng ganyan dahil pareho naman nating alam na iba na ang mahal ko. At si Jarred 'yon."
Kumikislap ang mga mata niya nang sinabi niya ang huling mga salitang iyon. Kahit papaano nakahinga ako. Pinagpatuloy ko ang pagkuha ko ng pagkain saka sumunod kay Sizzy na nakaupo na ngayon sa isang round table kung saan naroon sina ate Aries.
"Nasaan nga pala ang boyfriend mo? Ba't hindi ko siya makita?" tanong ko nang makaupo na rin ako sa tabi ni Sizzy. Sumagot siya matapos niyang lunukin ang kinakain.
"Bukas na lang daw siya makakasunod dito. Hindi na rin kasi siya makaalis sa kanila na nagkakasiyahan din ngayon."
"Ang sabihin mo, pinigilan 'yon ng magulang niya." Singit ni ate Aries na nanggigil sa inis. "Hindi kasi boto ang pamilya ni Jarred kay Sizzy, kaya mala-Romeo-and-Juliet ang relasyon ng dalawa."
Bigla kong naalala na mula sa angkan ng De Lara si Jarred na isa sa pinakamayayamang negosyante dito sa bansa. Kilala rin sila na malaki ang pagpapahalaga sa imahe nila't pangalan.
"Paanong hindi sila boto kay Sizzy?" tanong ko sa bagay na naging palaisipan sa'kin ngayon. Kung pangalan ng pamilya ang pag-uusapan, malinis at kilala na rin naman ang Castañeda. Natatandaan ko rin na walang pagtutol noon ang mga DeLera kay ate Aries na minsan ng dinate noon ng isang Toby De Lara.
"Dahil may anak ako, at kilalang ng pikot ng lalake." Sagot ni Sizzy na nagbigay linaw sa tanong ko. Kung gano'n tungkol ito sa nangyari noon... parang gusto kong sabihin sa kanyang ito na 'yong isa sa karma niya.
"Kawawa naman 'yong lalakeng napikot mo, sino ba siya?" singit ni tito Richard na naging dahilan para matawa kaming lahat.
Nagsalita din si Kuya Jake sa gitna ng mga tawa. "Who would have thought na darating ang araw na 'to na pagtatawanan lang natin ang mga nangyari noon. I can still remember kung paano ka Reid iniyakan ni Sizzy noon. Don't you know tinakasan pa kami ng babaeng 'yan dis oras ng gabi para lang puntahan ka at makiusap na huwag mo siyang iwan. Yun nga lang di ka na niya naabutan dahil lumipad ka na ng Canada."
"Who would forget that? I was there too." Sabat ni kuya Gian. "Ako ang nagmamaneho ng sasakyan kaya wala akong magawa habang pinapagalitan at inaaway ni Aries si Sizzy. Kawawa na nga 'yong tao, mas kinawawa pa."
"At Ikaw naman kasi itong konsintidor, alam niyo ng mali ang ginawa ni Sizzy, sinusoportahan mo pang ituloy ang kasal." Sabi naman ni ate Aries na si kuya Gian ang pinagsasabihan. "Kung hindi ko pa nga sinampal noon si Sizzy, baka hanggang ngayon, hindi pa 'yan natauhan."
"Kung gano'n mukhang kay ate Aries pala ako dapat magpasalamat at sa pananampal na ginawa niya kay Sizzy dahil kung hindi dahil ro'n e, hinahabol habol pa ko ni Sizzy." Pagbibiro ko na rin na muling ikinabalik ng tawanan. Naging dahilan din ang binitawan ko para sumabat si Sizzy.
"Excuse me! Kung pagchismisan at pagtawanan niyo akong lahat, parang wala ako ngayon dito. Hello?" Muli lang nagtawanan ang lahat dahil sa reaksyon niya. Nang humupa ang tawa, ang seryoso namang boses ni tito Richard ang sumabat.
"But seriously iho," nakatinging sabi sa'kin ni tito. "Salamat dahil napatawad mo na rin ang anak ko. You're a good man Reid, kaya alam mong darating ang araw na 'to na mababalik ang samahan niyo ni Sizzy bilang magkaibigan. Salamat din at sinamahan mo kami ngayon dito. Parte ka na rin ng pamilya namin dahil hindi lang sa ama ka ni Pepper kundi dahil sa matagal kana rin naming kilala. Kung hindi mo nga lang nabuko noon si Sizzy, siguradong manugang na kita ngayon."
"Dad!" awat ni Sizzy. "Pwede ba tayong magkuwentuhan ngayon na hindi nababanggit ang nakaraan? It's Christmas, kaya please, let's just talk about the present..."
At tuluyan na ngang naliko ang usapan sa kung anong mapag-uusapan ngayon na hindi na muna inuungkat ang nakaraan. Kung alam lang nila na kahit ako ay ayoko ring napag-uusapan 'yon. Naaalala ko lang kasi kung paano naiba ngayon ang kapalaran ko dahil sa pagkakamaling iyon ni Sizzy. Naaalala ko rin lang si Bianca.
Ilang minuto lang matapos ang kwentuhan at sandaling inuman kasama si kuya Gian at kuya Jake, naglakad-lakad na muna ako sa tabi ng dagat. Madilim pa ang paligid dahil alas tres pa lang ng umaga. Sinadya kong magpaa kaya ramdam ko ang malamig at basa-basang buhangin sa balat ko.
Habang naglalakad, biglang sumagi sa isip ko ang sinabi kanina ni tito Richard. Paano nga talaga kaya kung hindi ko aksidenteng nadiskubre ang kasinungalingan sa'kin ni Sizzy? Paano kung natuloy ang kasal namin na hindi nalalaman ang lahat? Siguradong mag-asawa na kaming dalawa ngayon... Masaya kaya kami kung nagkataon? Natutunan ko kaya siyang mahalin?
Tandang-tanda ko noong umagang 'yon nang malaman kong may nangyari sa'min ni Sizzy, natakot ako, pero hindi para sa sarili ko kundi para kay Sizzy. Kaya kahit na mahal na mahal ko noon si Bianca, pinili ko si Sizzy. Hindi kaya ng konsensiya kong pabayaan siya at hindi siya panagutan. Pinili ko noon ang magpakalalake at panindigan ang nagawa ko. Mahal ko si Sizzy bilang kaibigan lang, kaya kahit mahirap pinangako ko pa rin sa sarili ko noon na gagawin ko ang lahat para matutunan siyang mahalin ng higit pa roon. Handa akong buksan ang puso ko sa kanya para sa bagong pamilyang bubuuin namin... pero bago pa man mangyari 'yon, tuluyan ng sumara ang posibilidad na matutunan ko siyang mahalin.
"Reid..." napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa'kin. Si Sizzy. "Nandito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap. Baka kasi naparami ka ng inom at bigla ka na lang mawalan ng malay sa kung saan dito..."
"Hindi ako lasing. Konti lang naman ang nainom ko." Sagot ko habang nakaharap sa dagat. Pumulot ako ng bato at hinagis 'yon sa dagat. Ginaya ni Sizzy ang ginawa ko at sinubukang lagpasan pa iyon.
"Naalala mo ba siya?" tanong niya na tuloy pa rin sa pagbato.
"Sino?" tanong ko sa tanong niya. Di ko makuha ang tinutukoy niya.
Hinampas niya ako sa balikat. "Sino pa ba kundi si Bianca? Bakit may ibang babae ka pa ba?"
Sandali akong nahinto. Inalala ko kung kailan ko siya huling inisip, pero di ko maalala. Sa ilang araw na nagdaan, masyado akong preoccupied ng ibang bagay na hindi ko namamalayang nababawasan na ang pag-iisip ko kay Bianca. Siguro ngayon lang naman 'to...
"Hoy! Bakit ang tahimik mo? Magsalita ka naman..." muling sabi niya pero hindi pa rin ako umimik. Tumigil ako sa pagbato at naupo sa parte ng buhangin na hindi basa. Sumunod ulit sa'kin si Sizzy at naupo sa tabi ko. Unti-unti na naman akong naiinis sa kanya pero bago ko pa man siya mapagsabihan na iwanan na lang niya muna ako, nagsalita na siya na ikinatahimik ko.
"Iniimbitahan ako ni Jarred sa kanila sa darating na New Year. Kinakabahan ako..." pagbubukas niya.
"Is this because of his family?" tanong ko. Tuluyan ng nawala ang bumubungad na inis ko sa kanya kanina.
"Kung sa kapatid at pinsan niya, wala namang masyadong problema. Sadyang 'yong magulang niya lang talaga ang nakakatakot kaharap. The last time we met, wala man lang akong masabi kahit isang salita. Tanggap lang ako ng tanggap ng kung anong masasakit na salita mula sa kanila. Natatakot ako ng mangyari ulit 'yon."
Bumaling ako sa kanya na nakapangunot ng noo. "They insulted you? At walang ginawa si Jarred para ipagtanggol ka?"
Umiling siya. "Wala si Jarred no'n sa tabi ko. Hindi niya alam na nangyari 'yon. But he's aware na hindi boto sa'kin ang magulang niya at paulit-ulit naman niyang pinapaintindi at pinapakiusapan sila na kilalanin muna nila ako.
"Kung hahayaan mo lang na insultuhin ka nila ulit, mas mabuting huwag ka na lang pumunta. Para saan pa ang pakikisalamuha mo sa kanila kung hindi ka naman nila tinatrato ng maayos."
"Kahit na natatakot ako at kinakabahan, gusto ko pa ring subukan. Gusto ko pa ring maniwala na baka ito na 'yong pagkakataon na magbago rin ang tingin nila sa'kin." Pilit ngumingiti si Sizzy habang ang mata niya ay iba ang nararamdaman. Sa unang pagkakataon, gusto ko siyang damayan pansamantala bilang kaibigan at kalimutan muna sandali ang galit ko sa kanya.
"Don't go. Huwag ka ng magpumilit sumiksik sa mga taong ayaw sa'yo. Ang importante naman sa'yo si Jarred di'ba..."
"Importante sa'kin si Jarred kaya kailangan kong gawin 'to. Ayokong naiipit siya sa pagitan ko at magulang niya." Walang pasabing sumanday si Sizzy sa balikat ko. "Thank you Reid, dito sa pagbabalik ng pagkakaibigan natin. It means a lot."
Parang boluntaryo na rin lang na umakbay ang kanang braso ko sa balikta niya. Nang sumiksik pa siya sa dibdib ko tulad ng madalas niyang gawin noon, humawi ang buhok niya sa likod dahilan para makita ko ang batok niya kung saan naroon nakatatak ang tattoo niya. Ilang beses kong tinignan at pinagmasdan iyon dahil hindi ko na makita ang apat na letrang tattoo ng pangalan ko na pinagawa niya noong high school pa kami. Sa halip na R-E-I-D, apat na stars na ang nakatatak na tattoo sa batok niya na sinadyang pinalagay para matabunan ang nauna.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top