Chapter 32

THIRTY-TWO

Sinalubong kami ni lola Carmen pagdating namin sa bahay. Tuwang-tuwa na naman siya nang makita niya si Pepper.

"Andito na naman ang magandang apo ko..." nangingiting bati ni lola sabay halik kay Pepper. Napansin din niya si Xion nang bigla itong sumingit at nagmano sa kanya. Natuwa agad si lola sa bata dahil sa likas na pagiging magalang nito na hindi na naghihintay pang pagsabihan. "At sino naman itong kagwapong batang ire?"

"I'm Xion Castañeda po, lola. You are beautiful din po lola." Maagap ding sagot ni Xion na siya na mismong nagpapakilala sa sarili niya't may kalakip pang pambobola. Alam na alam na din talaga niya kung paano sasagot at kukunin ang loob ng isang tao. Paano pa kaya kapag binata na ang batang ito.

"Aba'y hindi lang pala magalang, nagsasabi rin ng totoo ang bata." Humahalakhak ng tawa ang pagkakasabi ni lola Carmen na pinsil-pisil pa ang pisngi ni Xion sa sobrang tuwa. "Gustuhin ko mang makipagkuwentuhan sa batang ire aba'y hindi muna pwede dahil mamamalengke muna ako at si Linda."

Kahit may katandaan na si lola Carmen, halatang malusog at malakas pa rin ang kanyang pangangatawan. Naaalala ko tuloy sa kanya si Nana na kaparehong-pareho rin niya na mataas lagi ang enerhiya kahit sa anong bagay.

Ilang sandali lang, umalis na din si lola Carmen kasama ang katulong nilang si Linda. Wala si Emma sa bahay dahil may lakad rin daw kasama ang mga kaibigan. Kaya kami rin lang ang naiwan sa bahay kasama si Reid.

"Xion, I have plenty of car toys. Do you want to play ?" tanong ni Reid kay Xion na awtomatikong tumango ng sunod-sunod. "Let's go to my room then." Yaya ni Reid bago lumingon sa'kin, "Sa kwarto ko mo na rin ihiga si Pepper."

Tulog pa rin si Pepper sa braso ko simula pa noon sa biyahe. May kabigatan na rin si Pepper ngayon kaya ramdam ko na rin ang pangangalay. Nang nauna ng umakyat si Reid at Xion sa hagdan, sumunod na rin ako sa kanila.

Pagpasok ko pa lang ng kwarto ni Reid, napako na ang atensyon ko sa kabuuan ng apat na sulok na ngayon ko rin lang nakita matapos ang lumipas na taon. Halos walang pinagbago sa ayos nito. Naalala ko tuloy ang mga kalokohan naming magbabarkada dito noong highschool pa lang kami. Sa tuwing hindi pwede tumambay sa bahay ni Megan at Kurt, dito kami nagkukulong para manood ng movies, nag-iisip ng pranks, plano at kung ano mang maisipan naming gawin.

Mula sa ayos ng kwarto, napunta ang tingin ko sa picture ni Bianca at Reid na naroon pa rin sa dati nitong kinalalagyan sa ibabaw ng drawer katabi ng kama niya. At sa tabi mismo ng picture frame na iyon ay ang dalawang sing-sing, na siyang engagement ring na dapat para kay Bianca. Muli't muli, naalala ko ang nagawa kong kasalanan kay Reid.

"Wow! That's your toy car collection?!" sambit ni Xion na umagaw sa atensyon ko. Ibinigay sa kanya ni Reid ang tatlo nito na kulay red, black at white.

Noon pa man, talagang hilig na ni Reid ang mangolekta ng car toy. Ni hindi nga niya iyon nilalaro o pinahahawak man lang kay Caleb at Kurt. Sadyang masaya na siyang nakadisplay iyon sa kwarto niya. Kung ipagdamot niya ito noon ay akala mo mga ginto iyon na hindi pwedeng hawakan. Kaya nga nakakagulat na ibinibigay niya ang ilan nito kay Xion para paglaruan.

Mula kay Xion bumaling sa'kin si Reid na awtomatikong nawawala ang ngiti tuwing ako na ang kaharap niya.

"Sa kama mo na ilapag si Pepper." Utos ni Reid na laging mapangdikta ang boses pagdating sa'kin. "Mamayang gabi rin, gusto kong ako ang katabi niya pagtulog. Pwede rin dito si Xion kung gusto niya, pero ikaw doon ka sa guest room matutulog."

Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tumango. Dapat asahan ko ng mangyayari lagi ang ganito. Dapat masanay na ako sa ganitong pakikitungo sa'kin ni Reid.

Sinunod ko rin agad si Reid sa inutos niya. Dahan-dahan kong inihiga si Pepper sa kama ng maingat. Tinapik-tapik ko ang hita niya para siguraduhing hindi siya magigising.

Nagsimulang mangulit ng pagyaya si Xion na maglaro sila sa labas na agad din namang pinagbigyan ni Reid. Naiwan akong nagbantay kay Pepper sa kwarto. Habang walang magawa, hindi ko mapigilang mapunta ang tingin ko sa katapat ko lang na larawan ng dalawang taong pinaghiwalay ko. Ako lang naman ang sumira sa relasyon nila. At mukhang habang-buhay kong dadalhin ang bigat na pagsisising ito.

Nilapit ko ang kamay ko sa drawer at inabot ang dalawang engagement ring. Napatitig na lang ako roon at saka napaisip.

Kung hindi lang siguro ako pumagitna sa kanila, siguro masaya pa rin sila... Kung nakontento lang sana ako sa pagkakaibigan namin ni Reid, sana magkaibigan pa rin kami. Bakit ko kasi nagawa iyon? Bakit hindi ko inisip na pwedeng humantong ang lahat sa ganito? Bakit hindi ko na lang kinalimutan noon ang nararamdaman ko kay Reid? At naghintay ng tamang lalake para sa'kin...

Sa gitna ng mga katanungan ko, napunta ang tingin ko kay Pepper na parang siyang kasagutan sa lahat ng question marks sa buhay ko? Isang realisasyon, na kung hindi nangyari ang maling desisyon ko noon, wala akong Pepper ngayon. Ang isang anghel na nagbibigay buhay sa'kin sa araw-araw. Siya 'yong nagpapatama ng lahat ng kamaliang nagawa ko.

Ibabalik ko sana ulit ang dalawang sing-sing sa kinalalagyan nito nang parang walang anu-ano'y dumulas na lang ito mula sa kamay ko't nahulog at gumulong sa sahig.

Para akong hinahabol ng kaba sa minutong hindi ko nahabol ng tingin ang isa kung saan ito napunta. Ginalugad ng mata ko ang sahig pero hindi ko agad makita. Kasing kulay rin lang kasi nito ang tiles kaya mahirap ding hanapin lalo na kung sumuksok ito sa ilalim ng mabigat na closet.

Sinubukan kong hilahin ang malaking closet ni Reid pero para akong mauubusan ng lakas at mapuputulan ng ugat sa paghatak nito. Ni hindi man lang ito natinag at nanatili lang sa pwesto. Kahit anong panungkit ay hindi rin kumasya. Sa paglipas pa ng oras na wala pa rin akong nagawa, unti-unti na akong kinakabahan sa pagbabalik ni Reid. Siguradong iinit na naman ang ulo niya sa'kin.

Natigil ako sa ginagawa ko nang biglang nagising si Pepper. Kinarga ko siya para patulugin ulit at muling hiniga sa kama. Ipagpapatuloy ko sana ang panunungkit ng singsing nang biglang may pumasok sa kwarto. Nakahinga naman ako agad ng si lola Carmen lang pala iyon at hindi si Reid. Mukhang kanina pa siya nakabalik mula sa pamamalengke at mukhang nakapagluto na rin.

"Iha, baba ka muna para mananghalian. Ako muna ang magbabantay sa apo ko." Tumabi na si lola sa hinihigaan ni Pepper kaya wala na rin akong nagawa. Gusto ko sanang tumanggi dahil sa balak ko pang hanapin yong nahulog singsing pero mukhang hindi naman ako pagbibigyan ni lola na hindi ako kumain. "Iha, sige na... kain ka muna. Kumakain na rin doon si Reid at Xion."

"Opo." Pumayag na rin ako. Pinagdarasal ko na lang na hindi muna umakyat si Reid sa kwarto niya at huwag muna sana niyang mapansin na nawawala ang isang sing-sing hangga't hindi ko pa 'yon nahahanap.

"Tita, Tita, Tita..." tawag sa'kin ni Xion na sumalubong sa'kin sa pagbukas ko ng pinto. Kinuha niya ang kamay ko't hinila. "Let's eat!"

Wala na rin akong nagawa kundi ang magpatangay sa kanya. Hindi niya binitawan ang kamay ko hanggang sa marating namin ang dining area kung saan naroon na nakapwesto si Reid.

"You sit here beside me tita." Tinutukoy ni Xion ang bakanteng upuan sa pagitan nila ni Reid. Kung naorient ko lang talaga ng maayos si Xion, hindi ito mangyayari... pero paano ko naman sasabihin sa bata? Na huwag niya kaming pagtabihin ni Reid dahil hindi naman talaga kami bati? Siguradong gugulhin ko lang ang pag-iisip ng bata.

"Ikaw na lang ang sa gitna Xion." Saad ko kay Xion na agad rin namang sumunod. "Kumain ka ng marami huh."

Sa buong oras na magkakasama kaming tatlo sa hapag-kainan, walang ni isang palitan ng salita na nangyari sa pagitan namin ni Reid. It's either ako ang kausap ni Xion o si Reid ang kausap ni Xion. Kaya parang si Xion lang talaga ang dahilan kung bakit may ingay na nangyayari sa paligid namin.

Bago man kami matapos sa pananghalian, sumulpot si Inigo sa harapan namin. Mukhang siya na ngayon 'yong klase ng taong madalas mangapit-bahay. Nagbago na nga talaga siya. Pero kung pagbabago rin lang naman ang pag-uusapan, mas malaki ang pagbabagong meron ngayon kay Reid na hindi makikita sa pisikal kundi sa paano niya ako pakitunguhan. Ibang tao na siya sa paningin ko. Ni hindi na ako maging komportable sa harap niya kahit man lang isang segundo. Nilamon na siya ng galit sa'kin.

"Looks like patapos na kayong mananghalian. Makikikain ako." Sambit ni Inigo na pumwesto na agad sa tapat ni Reid. Napansin din niya si Xion nang makaupo na siya. "O, may bata pala dito, what's your name?"

"Xion." Maikling sagot nito na dinugtungan ko na rin lang. "Pamangkin ko. Anak ni kuya Gian at Ate Aries."

Sandaling naputol ang pag-uusap namin nang magpaalam din siya sa amin na babalik na siya sa sala para ipagpatuloy ang nilalaro niya.

"Naku. Hindi pa ako magaling sa bata. Sa paggawa pa lang ng anak ang alam ko at hindi sa pagpapalaki ng bata." Sambit ulit ni Inigo bago sumubo ng pagkain.

"Sira ka talaga. Hindi naman 'yan kailangang pag-aralan, dahil kapag nandiyan na 'yan, awtomatiko na matututo ka na lang." komento ko na ikinangisi niya.

"Ah, kaya pala ang galing mo na Reid. Pwedeng-pwede ka na ngang gumawa ng panibago." bato naman ni Inigo kay Reid. Parang umiba ang pakiramdam ko sa papupuntahan ng usapang pagpapamilya. Pero kahit gano'n naghintay ako sa reaksyon ni Reid.

"Kung babalikan ako ng kapatid mo, bakit hindi?" seryosong sagot ni Reid na parang sinasadyang paringgan ako. Muli't muli nabubuhay ang kasalanan ko.

Naramdaman din naman agad ni Inigo ang bahagyang pagpihit ng temperatura sa paligid namin. Siya na mismo ang gumawa ng paraan para hindi 'yon lumala. "Darating na nga pala nextweek ang Fiancée ko. Makikilala mo na rin siya, Sizzy."

"Talaga?! Wow. I can't wait to meet her." Sagot ko na pilit ang ngiti para lang hindi masabing apektado ako sa kanina. "Sino ang kasama niya? Pamilya niya?"

"Hindi muna niya kasama ang pamilya niya. Sandali lang naman muna siya dito dahil babalik rin siya ulit sa Canada para tapusin ang dapat niyang ayusin roon. Ngayon lang na Christmas."

"Kung gano'n siya lang mag-isa ang pupunta dito? First time ba niya dito sa Pilipinas?"

"First time nga niya. May kasama naman siya. Si Bianca."

Parang bawal na salita ang pangalang iyon na nagdulot ng katahimikan sa parte ko at sa parte ni Reid. Hindi ko na tuloy alam kung paano pa magrereact matapos ang kakaibang ihip ng hanging dala ni Bianca.

"You should see her too." Biglang singit ni Reid na mapakla ang ngiting ibinibigay sa'kin. "Makapal naman ang mukha mo kaya kayang-kaya mong makipagtitigan kay Bianca na para bang walang nangyari..."

"Reid." Suway agad ni Inigo na ipinagpapasalamat kong nakapagpatigil sa mga susunod pang sasabihin ni Reid.

"Excuse me." Sambit ni Reid na tumayo at umalis sa harapan namin.

Naiwan ako kay Inigo na hindi ko alam ang sasabihin. Ito ang pangalawang pagkakataong nasaksihan na naman niya ang pagkapahiya't pagkatigalgal ko sa harapan ni Reid. Ni hindi ko na naman alam kung paano ko isasalba ang sarili ko sa awkward na sitwasyon kong ito.

"Huwag ka na lang magpaapekto sa mga sinabi ni Reid. Sayo niya binubunton ang sisi dahil hanggang ngayon hindi niya matanggap na wala na talaga silang tiyansa ni Bianca."

"Dahil ako naman talaga ang dapat sisihin. At naiintindihan ko 'yon. Dapat lang sa'kin 'to. Kung sa ganitong paraan ko pagbabayaran ang nagawa ko kay Reid kailangan kong tanggapin yon."

"No, Sizz. You don't deserve this. Hindi tama ang ginagawa sa'yo ni Reid. Oo, nagkamali ka, nakagawa ka ng desisyon na ikinasira ng relasyon nila. Pero kung matibay talaga ang relasyon nila, kung sila talaga ang para sa isa't isa, sana sila pa rin hanggang ngayon... pero hindi."

Hindi ko alam kung bakit pumapanig sa'kin si Inigo kahit malinaw na ako 'yong mali. "Pinikot ko si Reid. Niloko ko siya. Ginulo ko ang tahimik nilang relasyon. Ako ang naging dahilan ng paghihiwalay nila. Sila pa rin hanggang ngayon kung hindi dahil sa'kin..."

"Nagkabalikan sila..." Sambit muli ni Inigo na nagpatigil sa'kin ng ilang sandali. "Nagkabalikan silang dalawa noong sumunod si Reid kay Bianca sa Canada. Pero di rin nagtagal ang relasyon nila. Maraming nangyari sa napakaikling panahon. Si Bianca ang unang bumitaw, at nakahanap siya ng iba. At iyon ang bagay na hindi matanggap ni Reid... Kaya sa'yo pa rin niya gustong isisi ang lahat."

Hindi ko alam kung anong sasabihin. Hindi ko alam kung dapat bang mabawasan ang bigat sa dibdib ko dahil sa sinabing iyon ni Inigo. Kung may isang siguradong nararamdaman man ako, yun ay ang nananatiling simpatya ko para kay Reid.

"Don't be too hard on yourself Sizzy. Huwag mong saluhin lahat, na para bang okay lang sayo ang tratuhin kang ganito ni Reid. Kaibigan din kita kaya ko sinasabi sa'yo 'to."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top