Chapter 28
TWENTY-EIGHT:
"Reid, please mag-usap tayo..." nagawa ko muling mailabas ang boses ko sa kabila ng pananaboy na mga tingin na binibigay sa'kin ni Reid.
Humakbang ako papunta sa kanya pero bago pa man ako makalapit muli siyang nagsalita.
"At ano naman ang pag-uusapan natin ngayon? Iisa-isahin ba natin lahat ng mga nagawa mo sa'kin noon? Mula sa pagpapaikot at panloloko mo, hanggang sa kung paano mo sinira ang magagandang nangyayari sa buhay ko? Tahimik ngayon ang buhay ko Sizzy, huwag mo na ulit guluhin pa."
Kailangan kong tiisin, lunukin, at tanggapin ang lahat na masasakit na salitang matatanggap ko sa kanya dahil may karapatan siyang saksakin ako ng mga nakakasugat na birada niya.
"I'm sorry." tanging nasabi ko. Ito lang ang tanging salitang kaya kong sabihin sa lahat ng nagawa ko sa kanya.
"Sorry? Sa tingin mo mabubura niyan ang lahat ng nangyari? Sa tingin mo mababalik ng sorry na 'yan si Bianca? Wala na Sizzy. Tinanggal mo sa'kin 'yong karapatan kong lumigaya. Ni hindi ko na nga alam kung paano pa mabuhay ng parang normal. Miserable na ako ngayon, Sizzy... thanks to you!"
Mula sa matinding galit, nakita ko ang matinding lungkot sa mga mata ni Reid. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong pinagdaanan niya sa nagdaang taon, pero habang tinitignan ko siya ngayon, sigurado akong hindi naging madali sa kanya ang lahat.
Humakbang palapit sa'kin si Reid na nagtatagis bagang muli sa galit. Isang dangkal lang ang lapit ng mukha niya sa'kin kaya kitang kita ko kung gaano niya ako kamuhian. "Kung inaasahan mong mapapatawad kita ng ganoon na lang, nagkakamali ka. Hindi ko kayang ibigay sa'yo 'yon."
Ramdam na ramdam ko ang bawat pait sa likod ng mga salita ni Reid, dahilan para umapaw na rin ang emosyong kanina ko pa pinipigilan. Unti-unting lumalabo ang paningin ko dala ng naiipong luha sa mga mata ko.
"Hindi ko rin namang inaasahang patatawarin mo ako, Reid. Alam ko kung gaano kahirap iyon para sa'yo. Ang sa'kin lang naman, sana... 'yang galit mong 'yan sa'kin, sana manatili lang na para sa'kin at hindi madamay pa ang anak natin. Wala siyang kinalaman sa kasalanan ko sa'yo."
Binantayan ko ang reaksyon ni Reid pero walang emosyon akong nakita mula sa kanya. "Wala akong anak sa'yo."
Parang hiniwa ang dibdib ko sa sinabi niyang iyon. Ito ang bagay na kinatatakutan ko. Tuluyan ng tumulo ang mga luhang pinakawalan na rin ng mga mata ko sa sobrang bigat.
"Meron. At ipapakilala ko siya sayo ng paulit-ulit hanggang sa matanggap mo siya." Napakahirap ipagpilitan sa isang tao ang isang bagay na ikinaaayawan niya, pero kagaya ng ipinangako ko sa sarili ko, pagtatiyagaan ko 'to at hindi susukuan alang-alang kay Pepper. Mabuti na rin na nangyayari 'to ngayong maliit pa siya't wala pang isip nang hindi niya masaksihan kung paano siya itakwil ng sarili niyang ama.
"Kasama ko siya ngayon." Muling sabi ko habang nananatili pa ring walang kaemo-emosyon ang mukha.
"Pwede ba Sizzy, huwag ka ng gumawa pa ng kung ano-anong paraan para lang makapasok kang muli sa buhay ko, dahil kahit anong gawin mo, hinding-hindi kita babalikan. Kaya umalis ka na't isama mo na rin 'yang anak mo. Hanapan mo na rin siya ng bagong ama, dahil wala kang mapapala sa'kin."
Nanikip ang dibdib ko sa kung gaano kahirap sanggain ang masasakit na salitang nilalabas ni Reid. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kakayaning magpakatatag sa pakikiusap sa kanya.
"Ikaw ang ama niya. At wala akong ibang gustong mangyari kundi ang lumaki siyang may kinikilalang ama na tanggap siya't hindi kinamumuhian." Pagpapatuloy ko sa kabila ng pagmamatigas niya. "Reid, hindi ko hinihiling na makipagbalikan ka sa'kin... ang pinagpapakiusap ko lang ay ang kilalanin mo rin siya."
Humakbang palayo sa'kin si Reid. Umiiling iling siyang sumagot. "Umalis ka na."
Nang tangkang iiwan na ako ni Reid para pumasok sa loob, mabilis ko siyang pinigilan. Hawak ko ang braso niya nang biglang pumutok ang ingay ng batang umiiyak. Pareho kaming napalingon sa kotse na siyang pinanggagalingan ng nagwawalang iyak. Gising na si Pepper.
Mula sa kotse, lumabas si kuya Jake karga ang umiiyak na si Pepper. Pilit itong kumakawala sa pagkakakarga ng tito niya. Mabilis akong lumapit at kinuha siya.
"Sssh... baby it's okay. Mama's here." Patuloy ang pagpapatahan ko kay Pepper na humahangos ng iyak. Masyado kong nabuhos ang atensyon ko sa kanya kaya nakalimutan ko na si Reid. Kaya hindi ko inaasahan nang makita ko pa siya na nakatayo pa rin sa kung saan ko siya iniwan.
Tahimik na nakatitig lang si Reid kay Pepper na para bang pinag-aaralan ang mukha nito. May kung anong gulat na rumehistro sa reaksyon niya na mukhang kumbinsidong anak niya nga ang batang karga ko. Kamukha niya si Pepper kaya sa isang tingin lang niya dito, alam kong maniniwala agad siya.
"Si Pepper nga pala, anak natin." Saad ko na bumasag sa tahimik na pagmamasid ni Reid sa bata. Maging siya ay mukhang nagulat sa pagkabigla niya.
Medyo tumahan na si Pepper, pero nagtatantrums pa rin.
"Mukhang gutom na si Pepper. Tatlong oras na ang nakakaraan ng huling dede niya ng gatas." Paliwanag ko kahit hindi naman nagtatanong si Reid. Wala pa rin kasi itong imik. Hindi ko na rin makita ang linya ng guhit sa noo niya o ang nanggagalit na mga mata.
"Uuwi na kami." Pagpapaalam ko kay Reid. Wala akong balak ipagpatuloy ngayon ang pagmamakaawa ko sa kanya habang karga si Pepper. "Babalik na lang siguro ulit kami dito ni Pepper bukas."
Hinintay ko ang pagtutol mula sa bibig ni Reid, pero walang lumabas na kahit ano na mukhang nangangahulugan lang na payag ito.
Nagbago na ba ang isip niya? Nakumbinsi ko na ba siya? Handa na niyang tanggapin at kilalanin si Pepper bilang anak niya?
Wala akong ideya sa kung anong tumatakbo sa isip ngayon ni Reid, pero base sa pananahimik niya, mukhang ganoon na nga...
***
"Teka totoo ba ang sinabi mo? Nandiyan na sa Pilipinas si Reid? At nagkaharap na kayo?" sunod-sunod ang mga tanong ni Megan sa kabilang linya ng ibalita ko sa kanya ang nangyari lang kanina. Kahit na malayo na siya't busy madalas, hindi pa rin naman namin nakakalimutang magkamustahan sa video call.
"Kung gano'n wala ka ring alam sa pagdating niya dito?"
"Wala eh. Pero baka si Kurt may alam hindi lang sinasabi sa'kin."
Simula ng masira ang pagkakaibigan naming dalawa ni Reid, hindi na rin naging ganoon kabuo ang samahan naming magkakaibigang lima. Para kaming nahati. Si Megan sa panig ko, at si Caleb at Kurt naman kay Reid. Pero hindi ko naman masisisi ang dalawa, dahil kahit saang anggulo tignan, ako naman talaga ang mali.
"Ano bang nangyari sa pagkikita niyo?" tanong ni Megan.
Kinuwento ko lahat ng detalyeng nangyari mula sa galit at pananaboy sa'kin ni Reid hanggang sa pananahimik nito ng makita si Pepper. Kailangan ko ang opinyon ni Megan na isa rin sa nakakakilala kay Reid. "Ano sa tingin mo, Megan?"
"Base sa kwento mo, sa tingin ko walang ibang eksplenasyon roon kundi lukso ng dugo. Kahit gaano pa nagpapakatigas yang puso ni Reid sa'yo, lalambot at lalambot din yon pagdating sa anak niya. And that's a good thing. Yun din naman ang gusto mo di'ba?"
"Oo naman." Nakumbinsi na rin ako kahit papaano na isang magandang senyales na rin ang nangyayari ngayon, hindi man sa buhay ko, pero sa buhay ni Pepper.
"I'm sorry ulit Sizz. Kung hindi ako naging masamang impluwensiya sa'yo noon, hindi sana 'to manyayari." Hindi ko na mabilang kung pang-ilang beses na 'tong paghingi sa'kin ng tawad ni Megan na paulit ulit ko rin na namang sinasagot ng iisang kasagutan.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yong, wala kang kinalaman dito Megan. Sarili kong kagustuhan, kagagawan at desisyon ang nangyari."
"Sana mapatawad ka na rin ni Reid," muling sabi niya. "Sana mawala na yong galit niya sa'yo at nang maging buo na rin ulit tayong magkakaibigan. Namiss ko na rin kasi 'yong tayo. Na kahit malalayo sa isa't isa, nagagawa nating magkita-kita at magsama-sama sa isang tawagan."
"Ako rin naman." Tanging nasabi ko. Walang araw sa isang linggo na namimiss ko ang pagkakaibigan namin. Nakatiwang-wang na ngayon ang chat group namin na isang pruweba lang ng nanlalamig na relasyon namin bilang magkakaibigan.
"Huwag kang mag-alala, Sizz, maaayos din ang lahat. At mukhang si Pepper ang magiging daan ng pagkakaayos niyo... at baka rin ng pagkakabalikan niyo."
Kunot-noo ang agad na naging balik ko kay Megan na siyang reaksyon ko sa huling sinabi niya. "Yan ang bagay na malabong mangyari, Megan!"
"Bakit hindi?" balik din niya agad na sumulpot agad ang kakulitan. "Posible pa rin naman 'yon. Simgle siya. Single ka. May anak kayo—"
"Tumigil ka na nga. Aware ka ba na ginagawa mo na naman ngayon ang bagay na hininhingi mo lang ng tawad kanina?" pagpapaalala ko sa kanya.
"Pasensiya. Forever shipper niyo akong dalawa e. Kaya di ko talaga mapigilan."
Napabuntong hininga na lang ako. Kaya hindi ko makuwento-kwento sa kanya ang tungkol kay Jarred dahil alam kong siya ang numero unong magwewelga.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top