Chapter 26
TWENTY-SIX:
"Pepper, baby... beautiful eyes nga."
Halakhak ang kumuwala sa bibig ko habang kyut na kyut na ginagawa ni Pepper ang sinasabi ko. Sampung buwan na siya ngayon at simula nang ipinanganak ko siya, wala siyang ibang pinaramdam sa'kin kundi kasiyahan. Sobra ko mang pinagsisisihan ang nagawa ko kay Reid, pero hindi ang pagdating ni Pepper sa buhay ko.
Naging mahirap sa'kin noon ang bumangon dahil pakiramdam ko malaking parte ng pagkatao ko ang kinuha nang iwan ako ni Reid. Masakit na hindi ko masukat kung gaano nagdusa't nagpakalugmok. Pero buti na lang, natauhan ako't nalinawanagan, na hindi napipilit ang lahat. Na kung hindi talaga para sa'yo, hindi para sayo. At hindi para sa'kin si Reid. At kaya ko rin palang mabuhay ng wala siya.
"Ma—ma..." tawag sa'kin ni Pepper na nakakatuwa kung paano niya bigkasin ang salita sa matinis na boses. Kinarga ko siya't tinitigan.
Kitang-kita ang pagkakahawig namin ng mata na tanging anyo na nakuha niya sa'kin. Yung iba mula ilong, bibig at hugis ng mukha ay namana niya naman kay Reid. Kaya sino man ay makakapagsabing anak siya ni Reid at hindi ng kung sinong lalaki na tulad sa kumalat noong tsismis.
"Ayan, christmas na rin tayo dito sa bahay." Sabi ni ate Aries na katatapos lang sa pagdedecorate ng christmas tree katulong si Xion.
Disyembre na at mas ramdam nga naman talaga na malapit na ang pasko kapag may mga dekorasyon na sa loob at labas ng bahay.
"Mukhang kailangan ko na ring magpadecorate sa shop." Sambit ko nang malala kong wala pang kadeko-dekorasyon sa bakeshop.
Lumalaki na ngayon ang sarili kong negosyo na isa rin sa nagpapasaya sa'kin. Wala rin kasi akong interes sa pagpasok sa Le Wish, kompanya na pagmamay-ari ng pamilya namin. Kaya rin nga siguro nagkakaintindihan kami ni Jarred, dahil halos pareho rin lang kami ng sitwasyon, ang kinaibahan lang, sinusuportahan ako ng sarili kong pamilya sa gusto ko di tulad niya.
"Ba't hindi ka nag-gym kahapon? Every Friday and Saturday yun di'ba?" tanong ni ate Aries.
Mula isang buwan matapos akong makapanganak, naging suki na ako ng gym, hindi lang para magpapayat kundi para na rin maging healthy. Tuluyan na rin kasi akong nahawaan ni Jarred na siyang humatak sa'kin sa mundo ng healthy lifestyle. Hanggang sa namalayan ko na lang na ganoon na rin ako tulad niya, na conscious sa mga kinakain, at pangangatawan.
"Tinatamad ako eh. Hindi ako sanay na mag-isa lang. Nitong Friday nang magwork out ako sa gym mag-isa, para akong tanga na walang kasama." Noon pa man, ako na ang tipo ng tao na hindi sanay mag-isa. Kaya nga ito ang isa sa dahilan kung bakit hindi ko mapakawalan si Reid... naging parte na kasi siya ng sistema ko, itinuring ko ng permanente sa buhay ko. Sa tinagal-tagal ko siyang naging kasama, kapartner, kasandayan sa lahat ng bagay, inakala kong panghabang buhay na iyon.
Kaya nang dumating si Reid, parang napunan ulit ang bakanteng espasyo sa tabi ko. Wala na rin kasi si Megan na isa rin sana sa inaasahan kong kasa-kasama. Bumalik na rin siya sa ibang bansa kasama si Kurt kung saan naghihintay ang trabaho't buhay nila. Ni hindi ko alam kung magagawa nilang magbakasyon ngayong darating na pasko.
"Ayun, nagkakahilig ka lang sa pagwowork-out kapag nandiyan si Jarred? Baka naman kasi hindi talaga pagpapapawis ang sinasadya mo roon tuwing kasama mo siya... Nagpapacute ka lang yata sa kanya eh."
"Sira!" tawang saad ko na ikinatawa din ni ate Aries. "Parang akala mo naman patay na patay ako sa kanya."
"Oo nga pala, buhay na buhay ka kasi sa kanya. Kaya nga parang wala kang buhay ngayong wala siya. Umayos ka Sizzy, alalahanin mong may anak ka. Masyado pa siyang bata para maulila."
"Sira ka talaga, ate. Wala akong balak magsuicide... lalo na't alam kong babalik din siya."
"At sasagutin mo na siya?" mapang-intriga niyang tanong na matagal na rin akong pinagtutulakan kay Jarred.
Tumango ako na siya na rin namang gusto niyang marinig.
"Good." Sambit niya na sumeryoso bigla ang mukha. "I'm glad that you're tougher than me."
Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kanya. Hindi ko kasi maintindihan kung para saan ang sinabi niya.
"Masaya akong masaya ka na ngayon." Pagpapatuloy ni ate Aries na seryoso pa rin. "Akala ko noon hindi mo talaga bibitawan si Reid... Natakot ako para sayo na baka tuluyan mo ng sirain ang buhay mo't magiging anak mo. Pero habang tinitignan kita ngayon na masaya at tuluyan na ngang nakabangon, at natututong magmahal muli, wala akong ibang masabi sayo kundi, ang tapang mo. Yan ang bagay na hinding hindi ko magawa noon kahit anong pilit kong paglimot kay Gian. Buti na nga lang, sinalo rin niya ako bandang huli."
"At iyon ang bagay na hindi gagawin sa'kin ni Reid, kaya nagising ako." Saad ko. Hindi ako ang taong para sa kanya. "Isang malaking sampal na pampagising ang mga sinabi mo sa'kin noon, ate Aries. Nagmatigas man ako noong una, pero unti-unti rin yon tinanggap ng utak ko."
Mas lumapad ang ngiti ni ate Aries. "Kaya nga nagpapasalamat akong dumating si Jarred sa buhay mo. Kaya kung ano man 'yang pinag-iisip mong hindi ka bagay sa kanya, nagkakamali ka. Hindi lang ikaw ang masuwerte sa kanya. Masuwerte din siya sayo. May bonus pa ngang Pepper na kasama na mahal na mahal niya at tanggap na tanggap niya. Nag-extend pa nga kay Xion eh."
Napatango ako kasabay ng realisasyong tama si ate Aries. Magsasalita rin sana ako nang biglang pumagitna sa'min si Xion.
"Did you just call me, mommy?" tanong ni Xion na iniwan ang nilalaro niyang robot nang marinig niyang nabanggit ang pangalan niya.
"No, baby." Sagot ni ate Aries sa anak niya sa magkapantay na mata. "Sinasabi ko lang sa tita Sizzy mo na kailangan na niyang boyfriend."
"Tito Jarred!" sambit ni Xion na sinipsipan ng ina. "I want my tito Jarred for my tita Sizzy!"
Napangiti na rin lang ako. Wala talagang poproblemahin si Jarred pagdating sa pamilya ko. Mukhang ako lang naman ang may problema nito sa pamilya niya na pihikan at mapang-husga.
***
Matapos ang halos kalahating oras, nabihisan ko rin si Pepper. Lagi akong natatagalan sa tuwing binibihisan ko siya, mula sa pagpili ng damit na isusuot hanggang sa pagpicture ng bawat anggulo ng kabuuan niya.
"Saan ang lakad ng Pepper namin?" Tanong ni kuya Jake na kararating rin lang. Si Pepper agad ang sinalubong niya't kinuha muna sa'kin para paliguan ng halik. Matagal-tagal na rin kasi siyang hindi nakakadalaw ng bahay. Sa San Agustin na nakapirmi si kuya Jake na mas nakafocus na lang sa Castañeda Resort at paminsan-minsan na lang siyang bumibisita dito.
Ilang minuto pa lang na karga ni kuya Jake si Pepper, umiyak na ito. Hindi pa rin kasi sanay si Pepper sa ibang tao, at dahil sa laging wala sa bahay si kuya Jake kaya hindi sa kanya masanay-sanay si Pepper.
"Ano ba naman 'tong anak mo, hindi pa rin sanay makakita ng gwapo." Birong reklamo ni kuya Jake. Binigay rin niya ulit sa'kin si Pepper para tumigil na rin sa pag-iyak.
"Ba't di mo kasi subukang dalas-dalasan ang dalaw dito sa bahay nang makabisado rin ni Pepper ang gwapo mong pagmumukha. Sabayan mo rin lagi ng pasalubong. 'Wag masyadong kuripot. Itatakwil ka ng pamangkin mo."
"At sinong nagsabing wala akong pasalubong?"
"Bakit meron ba?"
"Mamaya. Ibibili ko."
Umiiling-iling ako habang natatawa. "Kahit kailan nga naman talaga, hindi na natuto. Siguradong magwawala si Xion kapag nalaman niyang wala kang ni isang pasalubong man lang."
Napatampal sa sariling ulo si Kuya Jake na alam na alam ang sinasabi ko. Huling beses na dumalaw siya sa bahay at wala man lang na pasalubong na dala, iniyakan siya ng iniyakan ni Xion. Kaya ang ending, napilitan niya itong dalhin sa toy store. Yun nga lang, nagpabili ito ng halos lahat na makita nitong laruan kaya namulubi ng husto si kuya Jake sa loob lang ng isang araw.
"Bumili ka na ngayon kuya habang hindi ka pa nakikita ng bata. Ihatid mo na rin lang kami ni Pepper sa pupuntahan namin, para hindi na ako magdrive." May kakulitan na rin kasi ngayon si Pepper kaya medyo hirap na kong magmaneho ng kotse na kaming dalawa lang ang sakay.
"O, sige. Saan ba ang punta niyo?"
"Bibisita lang kami kay Lola Carmen." Sagot ko.
Linggo-linggo, nakagawian ko ng ipasyal si Pepper kina Lola Carmen na siyang tumitira muna ngayon sa bahay ni Reid. Sa kabila ng mga nangyari, hindi ko pinagkait si Pepper. Gusto ko pa rin naman na lumaki ang anak ko na kinikilala sila bilang kapamilya. At kung nandirito rin lang sana sa Pilipinas si Reid, paulit-ulit ko sa kanyang ipapakilala ang anak namin hanggang sa matanggap niya. Dahil wala akong ibang gusto kundi ang may kilalaning ama si Pepper sa paglaki niya. Na kahit hindi ko na mabibigay sa kanya ang buo't kumpletong pamilya tulad ng hinangad ko para sa kanya noon, meron naman siyang kumpletong magulang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top