Chapter 24

TWENTY-FOUR

Dumoble ang pamamaga ng mga mata ko kinabukasan sa muling paggising ko. Nailabas ko na yata ang ang lahat ng bigat na dinadala ng dibdib ko dahilan para lumuwang na ito ngayon kahit papaano lalo na ngayong alam kong narito lang si ate sa tabi ko na handa akong damayan.

"Eat more, Sizz." Sabi sa'kin ni ate Aries na katabi ko sa hapagkainan. Ito ang unang beses na kompleto ulit kaming pamilya sa agahan matapos ang dalawang taon.

"Lagi mong isipin na dalawa na kayo ng baby na kumakain." Dagdag niya kasunod ang paglagay niya ng maraming kanin sa plato ko na hindi ko na rin natanggihan pa.

"Oo nga naman." Nakangiting pagsang-ayon ni Dad na bumaling kay ate. "Buti naman Aries nandito kana. Alam mo namang lahat kami dito, lalake... ikaw ang mas may alam para asikasuhin ang bunso natin. Lalo na kapag nanganak na si Sizzy."

Biglang tumikhim si kuya Jake saka nagsalita. "See, Aries? Hindi mo na kailangan pang bumalik ng States. Mas kailangan ka dito."

Biglang kumunot ang noo ko matapos ang narinig ko. "Babalik ka pa ng States?"

May tampo agad sa kung paano ko tignan ang kapatid ko. Akala ko kasi, buo ang suporta niya sa'kin ngayon... na hindi niya maiisip na umalis ngayong nasa ganito akong sitwasyon na kinakailangan ko siya.

Tumango si ate saka sumagot. "May naiwan akong trabaho roon..."

"You can work here." Agad na sangga ni Daddy na pareho ko rin lang na mariing tumututol. "Pwede ka naman sa kompanya, or tumayo ng sarili mong business. You don't need to—"

"I have to." Apologetic ang mukha pero parang final na ang desisyon niya na wala ng sinuman ang makakapagpabago pa. "Masaya ako sa trabaho ko roon."

Tuluyan ng nagbago ang timpla ko. "So, mas pinipili mo ang trabaho mo doon kaysa sa'min?"

"No, Sizz. Hindi sa gano'n. Hindi ko lang talaga—"

"Kelan mo naman planong umalis?" muling ratsada ko sa hindi magandang tono na pumutol sa pagpapaliwanag niya.

Hindi siya agad nakasagot kaya sumingit si kuya Jake na mukhang may alam sa pag-alis niya. "One week lang daw siya."

"One week?!" taas kilay na pag-uulit ko. Mas lalong sumama ang tingin ko kay ate. Ni hindi man lang ba niya maramdaman na kailangan ko siya? Na higit pa kaninoman, siya ang inaasahan kong hindi ako iiwan ng ganito na lang...

"Sizzy," suway sa'kin ni kuya Gian na ngayon rin lang nagsalita. "Intindihin na lang natin si Aries. Wala tayong magagawa kung maikling panahon lang siya pinayagan sa trabaho niya."

Intindihin? Wala akong balak na gawin 'yon.

"Trabaho nga lang ba ang dahilan?" makahulugan ang tinging ibinigay ko sa kanya. At alam kong alam niya ang ibig sabihin niyon.

Bago pa man ako siya makasagot, tumayo na ako na hindi tinatapos ang kinakain. Mabilis akong pumanhik pabalik ng kwarto ko.

Ilang sandali lang, bumukas din ang pinto kasabay ng pagpasok ni ate na sumunod din sa'kin.

"Sizzy,"

"Tungkol pa rin to kay kuya, right?!" salubong ko sa kanya na sagot lang naman sa iniwan kong tanong sa kanya kanina.

Kahit hindi niya sabihin o ikaila pa niya, alam na alam kong si kuya Gian ang dahilan.

"Dahil parin sa kanya, kaya hindi mo magawang manatili dito! Right?!" pagpapatuloy ko.

"No, it's not.."

"Pwede ba, Ate. Tayong dalawa na lang dito, kaya pwede mo ng aminin na hanggang ngayon hirap ka pa ring kalimutan si Kuya Gian. Kaya ang paglayo ang parati mong solusyon. Dinadahilan mo lang ang trabaho."

"Nakalimot na ako, Sizz. Nakapagmove-on na ako."

"Really?!" muling tumaas ang kilay ko. "Then why can't you stay here? Huwag mong sabihing dahil sa trabaho, dahil kung tutuusin meron din niyan dito kung gugustuhin mo lang. So, why can't you stay?"

"Sizz, kung gusto mo.. Pwede kang sumama sa'kin sa States. Ako ang bahala sa'yo. Wala kang dapat ipag-alala sa pagpapalaki ng bata..."

"What?!" Tinignan ko siya na hindi makapaniwala.Wala akong balak na sumama sa kanya.

"Sizz, Alam mo bang nakikita ko sa'yo ngayon ang sarili ko noon. At alam kong kayang-kaya mo ring magsimula ng panibagong buhay. Hindi mo kailangang itali ang sarili mo kay Reid. Sa kaso mo, kailangan mo ng bitiwan ang nararamdaman sa kanya, dahil wala rin 'yang papupuntahan..."

Walang anuman sa sinabi niya ang tinanggap ng utak ko.

Hinaplos ko ang maliit pang umbok sa tiyan ko. "Mahal ko siya at hindi ko bibitawan 'yon. Magkakaanak na kami, at alam kong magiging daan 'to para matutunan niya akong mahalin."

Lumapit sa'kin si ate Aries at niyakap ako. "Alam kong mahirap sumuko lalo na kung alam mo sa sarili mo na umaasa ka pa. Pero kailangan, kahit masakit. Pero mas masakit kung pinagpilitan mo ang sarili mo sa di naman dapat. Hindi ka diyan magiging masaya..."

"Ate Aries," tinignan ko siya sa mga mata. "Masaya kaba ngayon, ate? Sumaya ka ba matapos mong piliing isuko noon si kuya Gian?"

Parang nakuha ko rin agad ang sagot sa tanong ko nang makita ko ang biglang pag-iba ng mukha niya kasabay ng pag-usbong ng sarili niyang luha na mismong siya ay parang hindi rin niya iyon inaasahan.

Tumapang ang mukha ko at humakbang palayo sa kanya. "Paano mo nasasabi sa'king isuko si Reid, kung ikaw nga ay hindi naging masaya sa desisyon mo, ate. Sinuko mo si kuya, pero after years, heto ka pa rin... Hindi ka pa rin masaya!"

"Masaya ako, Sizz. Kung pinilit ko siyang pinaglaban, pareho kaming hindi magiging masaya. Naging masaya ako sa naging desisyon ko. At alam kong magiging masaya ka rin kapag ginawa mo 'yon."

Hindi ko na siya magawang paniwalaan pa. "Alam ko ang mas makakapagpasaya sa'kin. Kailangan kong ipaglaban si Reid kahit hindi niya ako mahal. Dahil kailangan siya ng magiging anak namin. At 'yon ang kaibahan ko sa'yo ate Aries. May pinanghahawakan ako."

"Maniwala ka Sizz. Hindi solusyon ang itali sa'yo si Reid. Sa oras na makuha mo na siya tulad ng gusto mo, doon malalaman na hindi makukompleto ang buhay mo nang dahil lang sa kasal. Nakabuo ka nga ng pamilya, pero miserable naman. Dahil araw-araw tatapat sa mukha mo ang katotohanang hindi ka niya mahal."

May kung anong parang matalim sa salitang binitiwan ni ate na tumurok ng direkta sa dibdib ko. Sariling luha ko naman ngayon ang nagsilabasan na hindi pa pa rin pala maubos-ubos.

"Yon ba ang realisasyon na nalaman mo nang nagpropose ka kay kuya Gian?" Humakbang ako papunta sa drawer at kinuha ko ang video-cam at binigay sa kanya.

Kuha 'yon noong nagpropose siya kay kuya Gian sa rooftop ng gabing 'yon dalawang taon na ang nakakaraan. Buong kuha, simula ng lumuhod siya at ipinakita ang sing-sing at nagmakaawa para sa Oo ni kuya.

"Nasa sa'yo na siya ate..." patuloy ko. Alam na alam ko ang nangyari dahil nasa likod ako ng pagtulong sa pagpopropose niya noon kasama si Reid at kuya Carl. "Napilitan nga si kuya, pero hindi mo ba naisip na pwedeng pagkakataon na 'yon na binigay sa'yo para gamitin mo para matutunan ka niyang mahalin.. Pagkakataon na sinayang mo dahil pinanghinaan ka. Dahil naduwag ka. Para mo na ring pinamigay ang pagmamay-ari mo na."

"Sizz,"

Hindi ko siya hinayaang magsalita. "Gagayahin ko ang pagmamakaawa mo para lang makuha ang isang taong pinakamamahal ko, pero hinding-hindi ko gagayahin ang ginawa mong pagsuko at paglayo. Lalaban ako, para sa sarili ko at sa magiging anak ko. Ikakasal ako kay Reid at mamahalin din niya ako."

"Gaano ka kasigurado na mamahalin ka ni Reid? Paano kung hindi?"

"Yan ba ate ang mga tanong mo sa sarili mo noon?" Laging may bweltang sagot ako sa sa bawat pangungumbinsi niya. "Kung ganun, magkaiba tayo.. Dahil mas malakas ang paniniwala ko sa Oo. Minsan kailangan mong maniwala ng sobra na mangyayari ang imposible."

"Ginawa ko 'yon para kay Gian, at hindi para sa sarili ko. Minsan na rin akong naging makasarili tulad ng nangyayari sa'yo ngayon. Pero mas maluwag pa rin sa dibdib kung palalayain mo ang isang tao para mas sumaya siya."

"Saan ngayon napunta ang pagsasakripisyo mo, ate?" Muli kong bwelta pero di ko na rin siya hinayaan pang sumagot. "Lumabas ka na, ae at iwan mo na muna ako. Magpapahinga lang ako." Malamig na utos ko.

"Okay." Sukong saad niya na parang napagod na rin sa pakikipagsagutan sa'kin.

Sa oras na nakalabas na siya ng kwarto ko, muli akong napaiyak. Mukhang nagkamili ako sa pag-iisip na magiging kakampi ko si ate Aries. Buong akala ko maiintindihan niya ako, na mauunawaan niya ang pinanggagalingan ko, pero hindi. Wala siyang ibang ginawa kundi ang kumbinsihin akong, bitawan at kalimutan na lang si Reid, bagay na napakahirap gawin. Ni hindi ko alam kung paano sisimulan o kung paano gagawin... Natitiyak kong hindi ko kaya. Hindi ko kakayanin na mawala siya sa buhay ko.

Siguro may magagawa pa naman ako para balikan ako ni Reid. Kilala ko siya, at hindi malayong makumbinsi ko pa siyang balikan ako. Kung kailangan kong magmakaawa at lumuhod ng paulit-ulit, gagawin ko. Sa huli, alam kong hindi rin naman niya ako matitiis lalo na ang magiging anak namin.

***

Kinagabihan, nakapagdesisyon akong puntahan si Reid. Pumuslit ako palabas ng bahay habang tulog na ang lahat para siguradong walang sino man ang tututol sa binabalak ko. Ang tanging nasa isip ko lang ay ang makita at makausap si Reid habang may panahon pa.

Malalim na ang gabi nang marating ko ang bahay niya. Hindi pa ako ganoon kahanda sa kung anong mga sasabihin ko sa kanya para makumbinsi siya, kaya inipon ko na lang lahat ng lakas ng loob na meron ako.

Matapos ako magtawag ng ilang beses sa mismong gate ng bahay, bumukas din iyon. Pero hindi si Reid ang nagbukas sa'kin kundi si lola Carmen na ngayon ko rin lang ulit nakita.

"Sizzy, iha... Gabing gabi na, ba't ka pa napasugod dito?" puno ng pag-aalala ang boses nito. Alam na rin siguro niya ang buong katotohanan sa hindi matutuloy na kasal, mula sa pamimikot at panlolokong ginawa ko sa apo niya. Pero kahit na ganoon, nagawa pa rin nitong magmalasakit sa'kin. "Pasok ka muna sa loob dahil ang lamig dito sa labas..."

"Si Reid po, gusto ko sana siyang makausap..."

Biglang natahimik sandali si lola Carmen na parang hindi alam kung anong sasabihin sa'kin.

"Lola, tulungan niyo po akong makausap siya. Alam kong masama ang nagawa ko sa kanya—"

"Wala na si Reid, iha." Putol niya sa'kin na ikinabigla ko.

"Ano po?!" Ayokong isipin na ang pag-alis ng bansa ang tinutukoy ni lola.

"Lumipad na siya ng Canada kaninang umaga." Sagot nito na hindi na nagpaligoy-ligoy pa. "Sorry, iha... Maging ako ay wala na ring nagawa sa desisyon niya."

Napakapit ako kay lola ng mahigpit dahil sa biglang panlalambot ng tuhod ko. Ayokong irehistro sa isip ko ang katotohanang tuluyan na akong iniwan ni Reid.

"Paano ang anak namin?" mahinang sambit ko kasabay ng luhang nagsilabasan sa mga mata ko.

"Iha..." niyakap ako ni lola Carmen para pakalmahin ako pero wala man lang 'yon epekto. Ni hindi nabawasan ang mabigat na nararamdaman ko.

Sunud-sunod na ang naging pag-iyak ko na humahangos dahil sa sobra-sobrang sakit na parang di ko kakayanin ang katotohanang iniwan na ako ni Reid. Halos maghalumpasay na rin ako sa labas na hindi matanggap ang nangyayari.

Nakita ko pagkataranta ni lola Carmen na hindi na alam kung anong gagawin sa'kin, pero tuloy pa rin ako sa paghagulgol na parang walag bukas. Pakiramdam ko parang hindi ko na pagmamay-ari ang katawan ko na hindi ko na rin mapatigil sa pag-iiyak. Kung hindi pa siguro dumating ang mga kapatid ko, baka hindi ko na nagawang makabalik pa ng bahay. Sinakay nila ako sa kotse para iuwi. Tuloy-tuloy pa rin ako sa pag-iyak na hindi ko na mapatigil.

"It's okay Sizz..." pagpapatahan sa'kin ni ate Aries habang nakasubsob ako sa dibdib niya. "Makakalimutan mo din siya. Hindi mo na siya kailangan pang hintayin sa buhay mo."

Nagpanting ang tainga ko sa narinig ko. Agad rin akong kumalas sa pagkakayakap ko sa kanya. Ayokong sundin o tanggapin ang mga sinabi niya.

"Ngayon masaya ka na siguro Ate Aries!" mapaklang sabi ko. "Masaya ka dahil tingin mo tama ka, tingin mo napatunayan mong tama ka! Pwede kana ring bumalik sa States. Umalis kana dahil walang kasalang magaganap."

"Sizzy," maagap na awat ni kuya Jake na nasa tabi ko rin. "Walang gustong patunayan si Aries. Pare-pareho lang kaming naghahangad ng ikabubuti mo."

"Mabuti ba ang lagay ko ngayon?! Hindi. Wala na si Reid. Wala na ang ama ng magiging anak ko! Miserable na ang buhay ko!"

Bigla na rin lang tumigil ang sasakyan. Sinadyang tinigil ni kuya Gian ang kotse na siyang nagmamaneho. Nababahalang lumingon siya sa'kin. "Sizzy, don't ever think of that."

"At Huwag na huwag mong iisiping miserable, dahil magsisimula palang magkaroon ng saysay ang buhay mo sa oras na lumabas na ang anak mo." Dagdag ni ate Aries.

Pero parang walang rumehistro sa utak ko. "Ano ba ang alam mo, Ate?! Wala siyang ama... Walang ama ang anak ko. At wala kang alam sa eksaktong nararamdaman ko! Dahil hindi pareho ang pinagdadaanan ko sa pinagdaanan mo. Magkakaanak ako, at hindi mo alam kung gaano kahirap na hindi ko mabibigyan ng buong pamilya ang anak ko..."

Nakita ko ang pagtaas ni ate ng kamay na parang akmang sasampalin ako, pero napigilan lang siya ni kuya Jake.

Biglang tumalim ang tingin niya sa'kin saka nagsalita. "How sure are you na magkakaroon ng buong pamilya ang anak mo kapag maikasal kayo ni Reid?" Parang unti-unti na akong napapagod sa pagpapaintindi sa kanya, pero hindi mahahalata sa taas ng boses ko dala ng galit. "Ikaw rin nga lang ang may kasalanan kung bakit ka humantong sa ganyan. Mabubuo ba 'yan kung hindi mo siya pinikot?! Maiintindihan ko pa kung aksidente lang 'yan, pero hindi. Sinadya mo!"

"Pareho niyong magagampanan ang pagiging ama't ina kahit hindi kayo matali sa isa't isa kung gugustuhin mo. Kaso, masyado kang naghabol kay Reid para humingi sa kanya ng kasal na hindi niya mabibigay... Kaya 'yon, parang ikaw na rin ang nagtulak sa kanya na iwan ang pagiging ama niya! Ngayon, nasa sa'yo na ang desisyon kung gusto mong maging miserable ang buhay mo. Wag mo lang kakalimutan na kapag pinili mong maging miserable, kasama ang magiging anak mo na magiging miserable!" Mula sa mataas na boses, kumalma din siya, pero naroon pa rin ang diin sa kung paano siya magsalita. "'Wag na 'wag mo ring iisipin na alam na alam mo ang lahat sa buhay ko."

Matapos niyang sabihin iyon, walang sabing bumaba ng sasakyan si ate Aries na napasama ko ang loob ng husto.

Bigla't bigla, pumasok na rin sa utak ko ang bawat salitang binitiwan niya na para bang nagmarka na ngayon sa pag-iisip ko.

Habang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang mga sinabi iyon ni ate Aries, tuloy-tuloy rin ang paghimas ko sa umbok ng tiyan ko.

"I'm sorry, baby kung naging mahina man ako. Hindi na mauulit. Mabubuhay ka –tayong dalawa kahit wala ang ama mo. Kakayanin natin 'to. Kakayanin ko 'to... para sa'yo!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top