Chapter 23
TWENTY-THREE:
Wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak ng umiyak matapos ang nangyaring pangongompronta sa'kin ni Reid. Naiwan akong humahangos ng iyak nang datnan ako nina Megan, Kurt at Caleb. Lumipas muna ang minuto bago nila ako napakalma at nagawa ko ring sagutin ang katanungan nila.
"Iiwan na ako ni Reid... Hindi na matutuloy ang kasal... At hindi ko alam kung kakayanin ko 'to..." sambit ko habang hindi pa rin nauubos ang mga luha sa mata ko na tuloy-tuloy rin lang ang buhos.
Kumalas si Megan mula sa pagkakayakap sa'kin para salubungin ang tingin ko. "Huwag ka munang mag-isip ng ganyan. Hindi ka iiwan ni Reid... Babalikan ka niya at ang magiging anak niyo."
Tuloy ang paniniguro sa'kin ni Megan na magiging maayos lang ang lahat. Maniniwala na sana ako nang biglang sumingit si Caleb na wala sa mukha ang katulad na pangongonsinte ni Megan.
"Pwede ba, Megan! Hindi 'yan ang mga salitang dapat marinig ni Sizzy. She has to know na maling-mali ang ginawa niyang pagpapa-ikot kay Reid! At kung ako din naman siya, hinding-hindi ko rin itutuloy ang kasal."
Humarang si Megan na agad namang sinita si Caleb. "Ano ka ba, Caleb, hindi ito ang oras para pagalitan o sisihin mo si Sizzy. Kita mo naman kung gaano siya nasasaktan—"
"Kung nasasaktan man siya ngayon wala siyang ibang masisisi kundi ang sarili niya." Putol agad ni Caleb na bumaling din sa'kin para sabihin ng direkta ang gusto niyang iparating. "Alam ko na noon pa man kung gaano mo kagusto si Reid... at kung ako rin ang tatanungin, boto ako sa'yo. Pero Sizzy, maling-mali ang ginawa mo. Sana inisip mo man lang ang mararamdaman ni Reid. Dahil higit sa'yo, siya ang mas nasasaktan—"
Muling hindi hinayaan ni Megan na ipagpatuloy ni Caleb ang mga balak pa niyang sabihin. "Please, Caleb... not now."
"Isa ka pa, Megan!" Tuluyan ng nabaling kay Megan ang galit ni Caleb. "Sa pangongonsinte mong 'yan ang dahilan kung bakit nagkakaganito si Sizzy. O, baka naman ikaw mismo ang nagtulak sa kanya para magawa niya ang mga bagay na iyon kay Reid...?"
Napapuwesto na si Kurt sa gitna ng dalawa na nakahanda ng awatin ang dalawa. Pero bago ko pa man masaksihan ang tuluyan nilang pagkakagulo, nagmadali na akong umalis sa harapan nila. Patakbo kong tinungo ang palabas na pinto makalayo lang sa kanila, bitbit pa rin ang mabigat na nararamdaman ko.
Wala akong ibang gustong gawin kundi ang hanapin si Reid. Sa kabila ng nangyari at mga salitang binitiwan niya sa'kin, umaasa akong mapapatawad niya pa rin ako at magagawa niya ulit akong balikan.
Nagmamadaling sumakay ako sa nakaparada kong kotse. Matapos kong mabuhay ang makina, natigilan ako. Hindi ko alam kung saan ko susundan si Reid. Bigla't bigla, nabaling ko ang lahat ng inis ko sa manibela na paulit-ulit kong hinampas ng sarili kong mga kamay.
"Sizzy!" Narinig ko na lang na awat sa'kin ni Megan na mabilis na pumasok ng sasakyan at pinigilan ako sa ginagawa ko.
"Megan, tulungan mo akong hanapin si Reid. Kailangan ko siyang makausap. Kailangan kong—"
"Babalikan ka rin ni Reid, Sizz." Paniniguro sa'kin ni Megan na laging handa akong suportahan sa lahat ng kahibangan ko. "Sa oras na makapag-isip-isip siya, babalik at babalik siya sa'yo ng magiging anak niyo. Nangako siya sa'yo hindi ba... nangako siyang hindi niya kayo iiwan ng magiging baby niyo."
Unti-unti na naman akong huminahon. Sa isang iglap nakalimutan ko ang mga mabibigat na salitang natanggap ko mula kay Caleb at Reid.
Sa huli nakumbinsi rin ako ni Megan sa kabila ng pagpupumilit kong hanapin si Reid. Siya na rin ang nagmaneho para maihatid ako sa bahay. Pinilit kong magpakalakas kahit na pinanghihinaan ako ng loob. Inisip ko na lang na magiging maayos din ang lahat para lang mapanatag ko ang sarili ko.
***
Kinabukasan sa pagmulat ko ng mata, sobra-sobra ang pagdarasal ko na sana bangungot lang ang lahat na nangyari kagabi... na sana bumalik na sa ayos ang lahat... na sana tama si Megan na tutuparin pa rin ni Reid ang ipinangako niya sa'kin... Pero ganoon pa man, hindi ko pa ring mapigilang mag-alinlangan. Kahit gaano pa ako kapositibong tao, nabubura ang natitira kong pag-asa sa tuwing naaalala ko ang eksaktong salitang iniwan sa'kin ni Reid.
"Kumusta ang bride natin ngayon?" bungad sa'kin ni Kuya Gian pagkalabas na pagkalabas ko ng sarili kong kwarto. Ngiti lang ang sinagot ko sa kanya kahit na walang kahit na anong bahid ng saya ang dibdib ko. Paano ko sasabihin sa kanya na hindi na ako dapat pang tawaging bride, na tinalikuran na ako ng lalakeng pakakasalan ko dahil sa nalaman niyang pinikot ko siya.
"Okay ka lang Sizzy?" muling tanong ni Kuya na para bang napakadaling nabasa ang kung ano mang bigat na dinadala ko. "May nangyari ba?"
Umiling ako bilang sagot kasabay ng isang ngiti para itago sana ang kasalungat na nararamdaman ko pero binigo ako ng sarili ko. Sa kabila ng pagpipilit kong magpanggap ng maayos, lumitaw pa rin ang totoo. Tinraydor ako ng mga mata ko na naglabas na lang ng mga luha na walang pasabi.
Nangangambang lumapit sa'kin si kuya Gian. "Sizzy, bakit?! May nangyari ba?!"
"Wala kuya. Wala 'to." Tanggi ko kahit na wala na rin namang saysay ang pagtatago ko.
Mas lumapit pa sa'kin si kuya na hindi kumbinsido. Inangat niya ang nakayuko kong mukha at sinalubong ang tingin ko. "Sabihin mo sa'kin ang totoo..."
Muling dumaloy ang luha mula sa mata ko na tuluyan ng hindi na nagpapigil pa. Bigla't bigla bumigay na rin ako. "H-hindi na tuloy ang kasal ko... umurong na si Reid sa kasal namin... "
Napasubsob ako sa dibdib ni kuya kasabay ng mahinang hikbi. Hanggang sa naramdaman ko na lang ang maagap na pagkalas niya sa'kin para salubungin ang mga tingin ko.
"Mapapatay ko ang gagong 'yon!" tigis bagang na banta ni kuya habang awtomatikong nakahanda na ang nakakiyom niyang kanang kamao. Parang ano mang oras handang-handa na siyang sugurin si Reid para totohanin ang binitiwan niyang salita.
Maagap ang pagpipigil na ginawa ko sa kanya. "Huwag kuya, please... Huwag mong saktan si Reid. Wala siyang ginawang masama sa'kin—"
"Walang ginawang masama?! Sapat na ang ginawa niyang pag-urong sa kasal para matikman niya ang sukdulang galit ko!"
Hindi ito ang inaasahan kong reaksyon mula kay kuya Gian. Bigla akong natakot para kay Reid.
"Ako ang may kasalanan..." pag-amin ko sa takot kong si Reid ang sumalo ng lahat ng galit ni kuya. "Wala talaga kaming relasyon ni Reid bago pa man ako mabuntis. Hanggang kaibigan lang talaga ang tingin niya sa'kin."
"Sinasabi mo bang, isang aksidente ang kung ano mang nangyari sa inyong dalawa?"
"Hindi." Sagot ko na mas ikinalito ni kuya. Aangal pa sana siya nang hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon. Wala na talaga akong mapagpipilian pa kundi ang ipagtapat sa kanya ang lahat. "Hindi aksidente dahil— dahil si—sinadya ko. Sinadya kong may mangyari sa'min habang lasing na lasing siya. P-pinikot ko siya."
Nakita ko ang hindi makapaniwalang reaksyon mula sa mukha ni kuya. Nakailang-beses siyang nagtangkang ibuka ang bibig para magsalita pero muli rin iyong sumara para bang hindi alam kung anong sasabihin. "Nagawa mo 'yon, Sizzy?"
Tumingin ako sa mga paa ko para iwasan ang disappointment na nakikita ko mula sa kanya.
"Mahal ko siya. Sobra. Kaya nagawa ko ang bagay na 'yon. Noong araw na nagpropose siya sa girlfriend niya, sobra akong nasaktan... at wala akong ibang hinangad na sana... ako na lang 'yong babaeng pakasalan niya."
"...Inisip ko na lang na baka magustuhan rin lang naman niya ako... na baka matutunan din niya akong mahalin..."
"...at hindi malayong nangyari nga iyon kung hindi lang sana niya natuklasan ang totoo..." Hindi ko na naipagpatuloy pa ang sinasabi ko nang tuluyan na akong nadaig ng pag-iyak ko.
Naramdaman ko na rin lang ang marahang paghatak sa'kin ni kuya palapit sa kanya para bigyan ako ng yakap at mapagpapakalmang mga tapik sa likod. Walang sumbat o pagpapangaral. Wala siyang ibang ginawa kundi ang patahanin ako na para bang naiintindihan niya ang pinanggagalingan ko.
***
Hindi ko alam kung ilang oras akong nag-iiyak sa braso ni kuya Gian. Sunod ko na lang na nalaman, nagising na ako sa sarili kong kwarto at wala na si kuya sa tabi ko. Mukhang sa kanya ko nabuhos ang lahat ng luhang naipon sa likod ng mga mata ko na magang-maga na ngayon. Maging ang ilong ko ay barado na rin dala ng kaiiyak.
Ang cellphone ang unang bagay na naalala kong tignan na nakaipit lang sa ilalim ng unan ko. Five miscalls mula kay Megan ang nadungawan ko na pitong minuto pa lang ang nakalilipas ang huling ring. Agad ko siyang tinawagan pabalik. Matapos ang dalawa hanggang ikatlong ring, sinagot rin niya.
"Sizzy..." bungad niya na nasa tono ang pag-aalala. "Si Reid, mukhang may balak siyang umalis ng bansa para sundan si Bianca."
Muli't muli, nanikip na naman ang dibdib ko kasabay ng nagbabadyang paglitaw ng mga luha na hindi pa pala nauubos.
Lumuwag ang hawak ko sa cellphone dahilan para mabitiwan ko't nahulog sa sahig. Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa matapos ang narinig kong balita mula kay Megan.
Isa lang naman kasi ang ibig sabihin ng balak na pagsunod ni Reid kay Bianca, at iyon ay ang tuluyan na niya akong iiwan. Wala ng kasal na magaganap. Wala na ring ama ang magiging anak ko. Paano na?
Muli akong humagulgol na parang hindi ko kakayanin ang lahat ng ito. Pakiramdam ko daig ko pa ang isang talunan. Sinira ko ang buhay ko. Sinira ko ang tingin sa'kin ni Reid. Sinira ko ang tingin sa'kin ng mga tao. Nilagay ko ang sarili ko sa ganitong sitwasyon... sa ganitong kahihiyan. Ano pa bang maipagmamalaki ko? Anong ipapaliwanag ko sa magiging anak ko? Anong mukhang ihaharap ko sa sarili kong pamilya at sa mga tao?
Matamlay ang buong katawan ko na inabot ko ang malapit na drawer mula sa'kin at kinuha mula doon ang isang bote ng gamot. Hindi ako sigurado sa ginagawa ko pero tuloy-tuloy lang ang kamay ko sa pagbuhos ng mga capsule na gamot sa nag-aabang kong kaliwang palad.
Napapikit ako. Alam kong hindi ko dapat 'to gawin, pero paano kung ito na lang ang natatanging bagay na magbibigay sa'kin ng solusyon...
Muli kong hinanda ang sarili ko sa pagsubo ng lahat ng gamot na nasa palad ko, pero bago ko pa man magawa may isang kamay na humawi niyon dahilan para magsilaglagan sa sahig ang bawat piraso nito.
Galit na mata ni kuya Gian ang nakipagtitigan sa'kin. "Are you that stupid para tapusin ang buhay mo Sizzy?!"
Nakakabingi kung paano niya ako sigawan na hindi ko rin naman masisisi.
"Tigilan mo na 'to Sizzy! Sa tingin mo makakatulong ang gagawin mo? Nahihibang kana ba?!"
"Si Reid lang ang gusto ko. Siya lang naman." Sambit ko saka lumuhod para damputin isa-isa an gang nagkalat na gamot sa sahig. Nang tangkang isusubo ko ulit, muli akong naagapan ni kuya.
"Kuya, kung ayaw mo akong magpakamatay, kumbinsihin mo si Reid, Kuya Gian. Sabihin mong pakasalan niya ako!" pagmamakaawa ko sa kanya. Gulong-gulo na ako. Si Reid na lang talaga ang tanging makapagbibigay ng direksyon sa buhay ko.
Mas humakbang pa palapit sa'kin si kuya na parang biglang nawala ang galit sa mukha niya at napalitan n pag-iintindi. Kitang-kita ko rin kung paanong parang nasasaktan din siya sa pinagdaraanan ko. "I will, Sizz. Matutuloy ang kasal niyo. Don't worry."
May assurance sa kung paano iyon sinabi ni kuya, hindi dahil sa iyon ang gusto kong marinig kundi dahil sa iyon talaga gagawin niya.
Si kuya Gian ang uri ng kapatid na handang gawin ang lahat kahit pa ang pagsasakripisyo na minsan ko na ring nasaksihan noon kay ate Aries. Kaya kahit papaano, napanatag ako sa binitiwan niyang pangako.
Mahigpit ang binalik kong yakap kay kuya pero agad din akong bumitaw nang mapansin ko ang paglitaw ni ate Aries mula sa pinto. Saka ko rin lang naalala na ngayon nga pala ang dating niya para sana dumalo sa kasal ko.
"Let me talk to her." Mahinang pakiusap ni ate Aries na pinagbigyan naman ni kuya Gian, pero hindi siya umalis.
Sa kabila ng matinding lungkot, sakit at halo-halong pait na nararamdaman ko, nagawa ko pa ring ngumiti nang makita ko si ate. Pakiramdam ko nakakita ako ng taong mas makakaintindi sa akin. Dahil alam kong pinagdaanan rin niya ang pinagdaraanan ko ngayon.
Mabilis akong humakbang para yakapin si ate at sinubsob ko ang mukha ko dibdib niya na parang bata. At roon, muli kong pinakawalan ang mahabang hagulgol.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top