Chapter 20
TWENTY:
Ilang linggo na lang, kasal ko na. Nahabol namin sa maiksing panahon na isang buwan na maisaayos ang mga paghahanda sa nalalapit na kasal.
"Ang ganda naman ng bride!" bulalas ni Megan sa pagsukat ko ng wedding gown.
Nang makita ko ang sarili ko sa salamin, nilagpasan ko ang tuwang nararamdaman ni Megan. Umusbong ang luha sa mga mata ko habang pinagmamasdan ko ang sarili kong repleksyon suot ang puting wedding gown na pinapangarap ng bawat kababaihan. Tamang-tama lang ang hapit nito sa katawan ko na hindi pa halata ang umbok ng tiyan ko.
"Malapit na akong maging Mrs. Alvarez." Bulong ko sa sarili habang hindi ko maalis ang mga mata ko sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwala na malapit na akong maikasal sa tanging lalakeng nagugustuhan ko.
"At malapit na rin kayong magkaroon ng baby Alvarez na mas kinapapanabikan ko." Sabi ni Megan na nasa likod ko lang. "May naiisip ka na bang pangalan?"
Napangiti ako nang maalala ko noong isang araw ang pangungulit ko kay Reid tungkol sa gusto naming ipangalan. Halos umabot sa isang daan ang nailista naming pangalan, pero hanggang sa ngayon wala pa kaming mapagkasunduan.
"Ang weird ng mga pangalang naiisip ni Reid kaya parang nagsisi ako sa pangungulit sa kanya." Sagot ko na matawa-tawa. "Alam mo bang pinagpipilitan niya ang mga pangalang, cookie, pepper, sugar, atom, zero, nickel..."
"Sana lang hindi yan maging dahilan para hindi matuloy ang kasalan. Sayang naman ang wedding gown mo ngayon, mahal din 'to." Natatawang biro ni Megan.
"Masyado ko siyang mahal para pakawalan pa." Balik ko sa seryosong mukha. "Ngayon pa ba na lumalaki na ang pag-asa kong magugustuhan na rin niya ako..."
Sa lumipas na buwan, walang ibang pinaramdam sa'kin si Reid kundi ang pag-alaga. Parang napaka-espesyal ko na sa kanya ngayong hindi na kaibigan kundi ina ng magiging anak na ang papel ko sa buhay niya.
Walang araw na hindi ako tinatawagan ni Reid para kumustahin kung okay ba ako, kung anong pagkain ang gusto ko, kung nakakatulog ba daw ako. Wala akong masabi sa kung paano siya mag-effort masiguro lang na maayos ako at ang anak namin.
"Kung gano'n, huwag mo na siyang hayaan pang makuha ulit ni Bianca. Bakuran mo ng makailang ulit kung kinakailangan."
Napansin ko ang kakaibang pag-aalala sa mukha ni Megan na parang may hindi sinasabi sa'kin. "Bakit ganyan ang mukha mo..."
"Kasi... nalaman ko kay Kurt na bumalik na daw si Bianca galing Canada kaninang umaga lang—"
"Ba't hindi mo sa'kin sinabi kanina pa?!" Sa isang iglap nabalot ng pangamba ang dibdib ko. Mabilisan kong hinubad ang wedding gown na suot ko at nagbihis. "Pupunta ako ngayon kay Reid."
Natuloy ang pag-alis ni Bianca papuntang Canada kinabukasan matapos ang proposal sa kanya ni Reid. Wala pa siyang alam sa pinagbubuntis ko. Ang alam lang niya ikakasal na kami ni Reid dahil yon lang tanging binigay na rason niya kay Bianca nang makipaghiwalay siya sa over the phone. Kung nandito man ngayon si Bianca, siguradong hihingi siya ng mas malinaw na paliwanag mula kay Reid. O baka mas sobra pa roon.
"Huminahon ka nga Sizzy." Pagpipigil sa'kin ni Megan nang akmang aalis na ako. "Hindi ka naman siguro magagawang talikuran ni Reid dahil lang sa pagdating ni Bianca. Tandaan mong mas may laban ka sa kanya dahil sa pinagbubutis mo. Magtiwala ka kay Reid."
Alin man sa mga sinabi ni Megan ay walang nagawa para kumalma ako. Hindi ko mapigilang mag-isip pa rin ng kung anu-ano. Hindi maalis ang pangamba ko... na baka sa isang iyak lang at paki-usap ni Bianca, baka bumigay na si Reid... baka iwanan na niya ako... baka hindi na matuloy ang kasal.
Paano ko magagawang magtiwala na magiging maayos ang lahat kung alam ko sa sarili kong malaki ang tiyansang gumulo ang lahat dahil lang sa pagbabalik ni Bianca.
"Gusto mong samahan kita?" paghahabol sa'kin ni Megan nang hindi ako nagpapigil sa kanya.
"Hindi na kailangan. Kaya ko na 'to." Pagsisiguro ko sa kanya bago ako tuluyang pumasok sa kotse at pinaadar ito.
Habang nagmamaneho ako, pinilit kong magpakahinahon kahit na umaapaw ang emosyon ko. Dapat hindi ako magpakapraning tulad ng sabi ni Megan. Kailangan kong pagkatiwalaan ang pinangako sa'kin ni Reid na hindi niya ako iiwan. Pinaglalabanan niya iyon ng sobra-sobra. Sa huli, ako pa rin ang pipiliin niya.
Unti-unting bumalik sa pagiging positibo ang pananaw ko pero agad ding nawala ulit nang marating ko ang bahay ni Reid. Natigilan ako sa paghakbang papasok nang marinig ko ang boses ni Bianca.
"Hindi ko kailangan ng sorry mo. Ang kailangan ko, paliwanag kung bakit sa isang iglap hihiwalayan mo ako na ang tanging dahilan ay pakakasal kana... At kay Sizzy pa talaga?!"
Garalgal ang boses ni Bianca habang nilalabas ang lahat ng sama ng loob niya habang tinatanggap lang iyon ni Reid.
Gusto kong humakbang palapit sa kanila pero parang nawalan ako ng lakas. Ako ang sumira sa relasyon nila. Ako ang dahilan kung bakit sila parehong nahihirapan at nasasaktan.
"I'm sorry..." tanging nasambit ni Reid na paulit-ulit. Mukhang hindi niya nagawang ipagtapat kay Bianca ang lahat kasama na ang pinagbubuntis ko na pinakarason ng magaganap na kasal.
"Please, Reid... Hindi ang sorry mo ang kailangan kong marinig. Lumipad ako pabalik dito para malaman mula sayo ng harap-harapan kung bakit... Ilang linggo lang naman akong nawala tapos ikakasal ka na?! Sa pagkakaalala ko, sa'kin ka nagpropose... pero bakit... bakit Reid? Dahil ba sa hindi ako pumayag na pakasalan ka agad-agad? Kaya naghanap ka ng iba? Ganoon ba ako kabilis palitan?!"
Mula sa kinatatayuan ko, biglang parang nagkaroon na ako ng lakas ng loob na lumapit sa kanila. Awtomatikong masamang tingin ang pinukol na tingin sa'kin ni Bianca na sinabayan niya ng panunugod. Bago pa man niya ako maabot, pumagitna si Reid para gawing pangharang ang sarili niya.
"Paano niyo nagawa sa'kin 'to! Pinagkatiwalaan ko kayo! Hindi ko kayo pinag-isipan ng kung ano, pero wala akong napala sa inyo kundi pang-aahas at panloloko!" patuloy lang ang pagsigaw ni Bianca habang pilit pa rin ang panunugod.
Sa kabila ng pagpoprotekta sa'kin ni Reid, nagawa pa ring maabot ni Bianca ang hibla ng buhok ko na ikinasigaw ko sa sobrang sakit.
"Bianca stop it! Buntis si Sizzy!" sigaw ni Reid na tanging nagpatigil sa pananakit at pagwawala ni Bianca.
Hindi siya agad nakapagsalita kasabay ng parang natutulalang reaksyon. Mula sa'kin, lumipat ang tingin niya kay Reid. "Sabihin mo nga... hindi mo ba talaga ako minahal? Narealize mo na lang bigla na, si Sizzy pala ang mahal mo, gano'n?"
Nanatiling kiyom ang bibig ni Reid na parang naglalaban kung dapat pa ba niyang bigyan ng kasagutan si Bianca o hayaan na lang niyang isipin na tama ang iniiisip nito.
"Umakyat ka muna sa itaas, Sizzy." Biglang utos sa'kin ni Reid na hinihinging iwan ko muna silang dalawa. Nag-alinlangan ako noong una, pero hindi rin ako nakaligtas sa mapang-utos na tingin ni Reid na sinunod ko rin.
Hinintay ni Reid na makaakyat ako sa kwarto bago niya hinarap muli si Bianca. Pero kahit na malayo na ako sa kanila, siniguro kong naririnig ko pa rin ang pag-uusap nila.
"Believe me, Bianca, ayokong saktan ka—"
"Pero nasasaktan mo na ako. Sa minutong nakipaghiwalay ka sa'kin na walang masyadong paliwanag at dahilan, nasaktan mo na ako. Nang malaman kong pakakasal ka na, nasaktan mo na ako. Ngayong nalaman kong buntis si Sizzy at magkakaanak na kayo, sobra-sobrang sakit ang nararamdaman ko. At wala ng mas sasakit pa kung malalaman ko sa'yo ngayon na hindi totoo ang lahat na pinaramdam mo sa'kin noon..."
"Bianca, mahal kita. Wala akong ibang minahal kundi ikaw."
Sumikip ang dibdib ko sa sinabing iyon ni Reid kahit na matagal ko na iyong alam at paulit-ulit ko na ring naririnig.
"At mahal mo rin si Sizzy gano'n ba? Pareho mo kaming minahal? Pinagsabay?"
"Wala akong nararamdaman kay Sizzy. Pero kailangan ko siyang pangatawanan. Maniwala ka't sa hindi, hindi ko ginusto 'to."
Hindi ko na pinansin pa ang kung ano mang kirot na umusbong muli sa dibdib ko. Pinasok ko 'to kaya dapat lang na tiisin ko 'to.
"Anong ibig mong sabihin?" rinig kong tanong ni Bianca.
Kinuwento ni Reid kung paano kami nalasing at nagising na lang na may nangyari sa'min. "...kaya kailangan ko siyang pangatawanan."
"Pakakasalan mo siya kahit na hindi mo siya mahal? Dahil lang sa nabuntis siya? Magagampanan mo naman ang pagiging ama kahit na hindi mo siya pakasalan..."
Umusbong ang kaba ko sa sinabing iyon ni Bianca. Natatakot ako sa malaking posibilidad na makumbinsi niya si Reid na iwanan ako.
Parang gusto kong kumilos mula sa kinatatayuan ko para lang patigilin si Bianca at magmakaawa kay Reid... pero sa minutong handa na akong gawin iyon, narinig ko si Reid na muling nagsalita.
"Kailangan kong magpakalalake, panagutan, at pakasalan si Sizzy. Dalawa kaming nagkamali, at dalawa rin kaming dapat humarap nito."
"Pero mali pa rin! Magpapakasal kayo kahit na hindi niyo mahal ang isa't isa?" mas lalong naging mapagkumbinsi ang bitaw ni Bianca. "Maiintindihan naman siguro ni Sizzy, kailangan lang natin ipaintindi sa kanya—"
"I'm sorry Bianca... Hindi ko 'to kayang gawin sa kanya. She doesn't deserve this."
Wala ng mas luluwag pa sa dibdib ko sa sandaling narinig ko mismo sa bibig ni Reid ang mariing pagtanggi niya kahit na alam kong hanggang ngayon pinaglalabanan pa rin niya na hindi bumigay.
"Kung gano'n, hahayaan mo na lang na magkaganito tayo?" tanong ni Bianca sa pahinang boses. "Mas pinipili mo si Sizzy kaysa sa akin? Mas gugustuhin mong siya ang makasama mo kaysa ako na pinangakuan mo ng kasal?"
"Mas pinipili at iniisip ko ang kinabukasan ng inosenteng bata na gusto kong bigyan ng buong pamilya na hindi nararanasan ang naranasan ko. I'm really sorry Bianca. Mahal na mahal kita, pero kailangan kong putulin ang kung ano mang namamagitan sa'tin"
Wala akong ibang sunod na narinig kundi mahabang katahimikan, kaya hindi na ako nakapagpigil na lumabas ng kwarto at bumaba ng hagdan. Nakita ko na lang si Reid na mag-isa na lang na nakatayo na nakatitig sa pinto.
Gusto ko siyang yakapin at pawiin ang kung ano mang lungkot at sakit na nararamdaman niya, pero bago pa man ako makalapit sa kanya, napansin na niya ang presensiya ko.
"Okay lang ako." Sambit ni Reid na inunahan na ako. "Huwag na lang natin pag-usapan pa ang kung ano mang nangyari kanina."
Napatango na lang ako at wala ng ibang nasabi pa. Tinigil ko na rin pag-aalala ko, dahil malinaw na maayos na ang lahat na naaayon sa panig ko.
Kahit na malaki ang kinalaman ko sa gusot na nangyayari, nilunok ko na ang lahat na konsensiyang namumuhay sa dibdib ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top