Chapter 16

SIXTEEN:

"Ready na ba ang lahat?" tanong ni Reid na halatang hindi mapakali.

Pare-pareho kaming puyat na hindi magkaugaga sa pagplano't paghanda ng proposal niya ngayong mag-uumaga. Malapit nang mag-alas sais kaya medyo sumisilip na ang liwanag.

Walang kaalam-alam si Bianca na kanina pa kaming nasa kanilang bakuran na nag-aayos para sa mangyayaring proposal. Malaya kaming nakakagalaw sa bahay dahil sa kasabwat namin ang mga kasambahay ni Bianca.

Naka-set na ang mesa't paligid na ginawan namin ng paraan para lang maging romantic. Pinaghirapan namin ang bawat detalye sa tulong ng bulaklak, petals, candle light na maganda ang kinalabasan.

"It's all perfect." Sagot ni Kurt na buo ang suporta kahit pa tulad din siya ni Megan na hindi ganoon kasang-ayon sa planong ito ni Reid.

"Sakaling tumanggi si Bianca sa proposal mo Reid, magcelebrate pa rin tayo after this." Dagdag ni Megan na hindi pa rin maitago ang pagiging bitter. Makailang ulit rin siyang nagrereklamo kanina pa na madalas kong masiko sa tagiliran.

"Goodluck Reid." Singit ko bago pa man makapagdagdag si Megan nang kung anong pang patutsada. "Alam kong isang malaking Yes ang magiging sagot ni Bianca."

Hindi ko alam kung paano ko nasabi ng nakangiti ang mga katagang iyon dahil kung ang tunay na nilalaman ng loob ko ang magsasalita, kabaliktaran nito ang sasabihin ko.

"Puntahan ko na si Bianca sa loob. Maghanda na kayo." Anunsyo ni Reid na agad na ring kumilos papasok ng bahay.

"Ano kaya mo pa?" baling sa'kin ni Megan na hindi nawawala ang pag-aalala sa'kin. "Umuwi na lang kaya tayo at iwan na natin 'to. Hindi mo na kailangan pang masaksihan ang mangyayari—"

"Megan, huwag mo na akong isipin," maagap na tutol ko sa kanya. "Kailangan pa tayo ni Reid. Mabuti pa magsihanda na tayo dahil ilang minuto lang lalabas na sila..."

Hindi ko na binigyan pa ng pagkakataon si Megan na muling magrason. Binigay ko na sa kanya ang mikropono habang ang guitara ay kay Kurt para sa pagkantang gagawin nila na kasama sa surpresang gagawin. Habang ako ay puwesto na rin sa pinakagilid bitbit ang camera na siyang kukuha ng video ng mangyayaring proposal.

Sa oras na bumukas na ang pinto at sumulpot na nga si Bianca at Reid, nagsimula na rin kaming kumilos at gawin ang kanya-kanyang papel na dapat naming gampanan.

Nasa kay Bianca ang focus ko ng camera kaya kitang-kita ko ang surpresang mukha niya nang makita ang napakaromantikong bakuran niya ngayon. Nakakailang ulit na tingin siya kay Reid sa nagtatanong na reaksyon.

"Whoah. Para saan 'to?" gulat pa ring tanong ni Bianca na nauwi rin sa kinikilig na tawa. "Naisip mo talagang gawin ang lahat ng 'to?"

"Bakit hindi? Gusto ko lang siguraduhing hindi ka maghahanap ng iba sa Canada. Gusto ko lang siguraduhing akin ka lang..." Sambit ni Reid na siyang naging hudyat ng mga susunod na mangyayari.

Mas lalo kong pinagbutihan ang pagkuha ng video sa minutong lumuhod na si Reid at nilabas ang sing-sing na siyang pinagpantasyahan kong sana para sa'kin. Halong gulat at pagkasurpresa ang umusbong na reaksyon mula sa mukha ni Bianca. Sandali siyang natahimik na walang masabi sa pagkabigla.

Hindi ko alam kung paano ko napanatili ang magandang kuha at anggulo ng camera habang may kung anong kumakawalang matinding pait at sakit sa dibdib ko. Maging ang luha ko ay hindi na rin nagpaawat sa kabila ng matindi kong pagpipigil na hindi ito kumuwala.

Hanggang dito na lang ba talaga ang nararamdaman ko para kay Reid? Dahil kung Oo, parang ang hirap pala talaga tanggapin. Parang ngayon ko pa lang gustong magsisi sa pinalagpas ko na pagkakataon... Nakakapagsisi na wala akong ginawang pagkilos noon na gumawa ng paraan para magustuhan din ako ni Reid. Mukhang tama si Megan... dapat pinaglaban ko ang kung anong nararamdaman ko.

Pinahid ko ang tumutulo kong luha at muli kong binalik ang tingin ko sa kanilang dalawa. Tulad ni Reid, hinihintay ko rin ang magiging sagot ni Bianca na hindi ko mahulaan ang tinatakbo ng isip.

Alam kong mali pero hindi ko mapigilang pumikit at mapadasal ng ilang ulit na sana tumanggi na lang si Bianca... na sana hindi pa huli ang lahat sa'min ni Reid... na magkaroon lang ako ng kahit na maliit na tyansa, gagawin ko na ang lahat para ipaglaban ang sarili kong narararamdaman.

"Reid, p-parang... parang ang aga naman yata para... magpakasal." Sagot ni Bianca na nakitaan ko ng pag-aalinlangan. Dinidinig na ba ang dasal ko? Pinagbibigyan ba ako ng tadhana?

"Pero dito rin naman tayo papunta diba?" balik ni Reid sa nangungumbinsing tono. "Alam ko sa sarili kong ikaw ang babaeng mapapangasawa ko, at ikaw rin naman diba?"

"Of course. Mahal kita, Reid. Pero ang sinasabi ko lang naman, baka hindi pa 'to ang tamang panahon. Dahil masyado pang maaga. We're too young for this."

"Wala akong nakikitang mali sa edad natin. Hindi na rin naman tayo ganoon kabata para sa bagay na 'to. Hindi na tayo teenagers. I am ready... Kaya na nating harapin 'to kung gugustuhin natin."

"But I'm not yet ready..." maagap na sagot ni Bianca na nagpabagsak ng mukha ni Reid.

"Are you saying No?" sambit ni Reid sa mahinang tinig. Kahit ako makapagsasabi na may disappointment sa mga mata nito.

"I'm not saying no. My answer is yes, pero hindi ngayon, bukas o sa darating na buwan o sa susunod na taon. Siguro after six, seven or eight years." Paliwanag ni Bianca na ang tanging gusto rin lang ay ang maintindihan siya ni Reid. "Kaya mo ba kong hintayin?"

Hindi ko alam kung paanong natanggihan ni Bianca ang alok na kasal sa kanya ni Reid, dahil kung ako lang sana ang tatanungin, hindi ako magdadalawang-isip na bumitaw ng Oo. Hindi sa nagdududa ako sa pagmamahal ni Bianca kay Reid dahil alam kong meron naman talaga... ang sa'kin lang, mukhang kung titimbangin kung sino sa'ming dalawa ang mas nagmamahal, ako 'yon.

Tumayo na rin si Reid mula sa pagkakaluhod saka tinignan sa mata si Bianca. Nakita kong lumiwanag ulit ang mukha niya na parang wala ng anumang iniinda. "Oo naman. Ikaw at ikaw lang naman ang gugustuhin kong pakasalan."

Inggit muli ang namuhay sa kaloob-looban ko. Si Bianca na ang pinakamasuwerteng babae ngayong araw na ito. Bagay na parang ang hirap bawiin sa kanya.

"Pwede bang suotin mo pa rin 'to?" sambit ni Reid na tinutukoy ang sing-sing na hawak-hawak pa rin niya. "Para naman malinaw sa kahit na sinong lalakeng lalapit sa'yo na taken ka na... na sa'kin ka lang."

Tango lang ang naisagot ni Bianca habang malapad ang mga ngiti niya. Nang sininulan na ni Reid ang pagsuot sa kanya ng sing-sing, parang gustong-gusto kong tumutol. Pakiramdam ko kasi para sa'kin talaga iyon...

-------REID&BIANCA------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top