CHAPTER 9 : FALL

#SAT9S


I CREATED A NEW GROUP FOR AMAZONS. DISREGARD THE OTHER ONE. THIS IS THE NEW GROUP : KHIRA1112 STORIES


-



CHAPTER 9 : FALL


Nakatulala ako sa practice game. Ilang beses ako pinagalitan ni Coach dahil hindi ko nasusundan ang performance ng mga nakasalang na players.


"Sorry po, Coach."


Medyo mainit ang ulo ni Coach Dren kaya nasermunan ako. Pinilit ko magfocus sa practice. Nang matapos 'yon ay lumapit sa akin ang ilang players.


"Napagalitan ka ni Coach kanina, ah? Bakit?" Tanong ni Leo habang umiinom ng tubig sa harapan ko.


Huminga ako ng malalim at binura ang nakasulat sa cardboard.


"Wala."


"May problema, Manager?" Biglang sumulpot si Ervis na naghuhubad ng kanyang jersey. Umiling na lang ako bilang sagot.


Iniwan ko sila ro'n na nagtataka. Wala ako sa mood para sagutin ang mga tanong nila. Napatingin ako sa aking wristwatch. Alas kwatro palang pero tapos na ang practice. Bukas na ang laban ng team. Gusto ko magpahinga ng maaga.


Pakiramdam ko ay hinang-hina ako ngayong araw. Hindi sa literal na paraan pero parang nakawawalang gana ang araw na 'to. Siguro dahil sa tawag ni Celine kagabi. Siguro dahil hindi ako masyadong nakatulog sa sobrang pag-iisip ng mga bagay na wala namang maitutulong sa akin. Kung ako ang masusunod, hindi ako manunuod ng practice ngayon at magkukulong na lang sa dorm hanggang sa malinawan ako.


Tinali ko ang aking buhok at pinunasan ang pawis sa aking leeg at batok. Uminom ako ng malamig na tubig para mahimasmasan ngunit walang epekto 'yon. Napilitan akong pumunta ako ng washroom para maghilamos.


Matagal akong napatitig sa repleksyon ko sa salamin pagtapos ay napapikit. Naalala ko ang pakiramdam na 'to dati. Gulong-gulo rin ako ng nga panahon na 'yon at parang bumalik sa akin ang lahat. Parang may sign na mangyayari ulit ang kinabibwisitan kong pahina ng nakaraan ko.


Paglabas ko ng washroom ay siya ring paglabas ng mga players sa shower room. Bihis na silang lahat at ang iba ay naka-uniform na. Meron pang mga nag-aalburoto.


"Kung hindi lang Finals nung isang major ko, hindi ako papasok." Sabi nung rookie namin.


"Buti nga sayo isa lang. Tatlo akin ngayon. Nakakatamad. Wala pa naman akong alam ro'n." Lumingon sa akin si Jeoff at nagulat siyang nasa tabi lang niya ako. "Uy, Manager. Wala kang pasok ngayon?"


Umiling ako. 


"Ahh, una na kami, Manager. May klase pa kami." Tinanguan ko lang sila bilang tugon saka naglakad palayo. Naririnig ko pa ang mga bulungan nila.


"Ano kayang nangyari kay Manager? Mukhang lutang, eh."


"Kaya nga napagalitan ni Coach kanina. Hayaan mo na. Babalik rin 'yan sa normal. Iyan pa."


"Pero nakakapanibago siyang makitang ganyan."


Huminga muli ako ng malalim. Ako rin ay naninibago. Hindi naman ako ganito kaya alam kong malaki agad ang pasanin ko.


Natigilan agad ako nang makita si Ren na nag-aayos ng kanyang backpack sa bench. Mabilis niyang sinukbit 'yon sa kanyang likod at akmang aalis na. Mayro'n siyang binabasang libro.


Nabagabag akong lalo. Alam niya kayang nang-i-stalk ako o nagkataon lang na 'yon ang na-post niya at tagos sa buto ang tama sa akin?


Hindi ko napigilan ang tawagin siya.


"Ren!"


Huminto siya at lumingon. Nakataas ang dalawang kilay nung una ngunit agad na kumunot ang noo nang makitang ako ang tumawag sa kanya. Mas lalo akong kinabahan. Tumigil siya paglalakad at hinintay ako lumapit. Patakbo akong tumungo sa kanya.


"Wait lang." Kinuha ko ang bag kong nasa kabilang bench at kinuha ro'n ang damit na pinahiram niya sa akin. Inabot ko 'yon sa kanya. "Salamat dyan. Ibabalik ko na."


"Sabi ko, kahit hindi na." Huminga siya ng malalim sabay kuha no'n sa akin.


"Hindi naman sa akin 'yan. Ayokong mag-keep ng hindi akin. Salamat ulit."


Tumango-tango siya. "You're welcome."


"Uhm, Ren. . ." May itatanong sana ako ngunit itinikom ko na lang ang aking bibig. Kumunot muli ang kanyang noo. Pilit akong ngumiti sabay iling. "Nevermind."


Ngumiti siya sa akin at sumaludo. "Una na ako, Manager. May finals pa ko ngayon."


"Goodluck." Tumalikod na rin ako nang umalis siya. Kinuha ko na ang aking bag para makaalis na rin. Biglang may umipit sa leeg ko at napasinghap ako. Pinalo-palo ko ang braso ni Ervis.


"Ano na namang nasa isip mo, Manager?" Bulong niya. Siniko ko ng malakas ang tiyan niya at napadaing siya sa sakit. Pinakawalan niya agad ako.


"Ano ba?" Asik ko sa kanya.


"Ang tigas talaga ng ulo mo?" Tinuro niya ako sabay iling. "Sinabihan na kita pero parang pinadaan mo lang sa tainga mo."


"Wala naman akong ginagawang masama." Inirapan ko siya.


"Wala o wala pa?"


Pinaningkitan ko siya ng mata. "Ano bang tingin mo sa akin? Nagpapadala sa damdamin? Suntukin kaya kita?" Tinalikuran ko siya.


"Hindi naman sa gano'n, Manager." Sinundan niya pa rin ako. "Nag-aalala lang ako dahil baka mas lumalim 'yang nararamdaman mo at masaktan ka lang sa huli."


Tumigil ako sa paglalakad at huminga ng malalim. Humarap ulit ako sa kanya.


"Ervis, kung dumating man 'yang pagkakataon na 'yon, wala kang karapatang pagsabihan ako. Saka, tingin mo ba, aabot ako sa puntong 'yon?"


Hindi ko na siya hinintay sumagot. Tinalikuran ko siya nang walang paalam. Naiinis ako sa mga taong ma-opinyon na parang pag-aari nila ako, ang utak ko at ang damdamin ko. Masmarunong pa sa akin. Hindi naman nila ako kilala. Ang sasarap murahin.


Nakauwi ako sa dorm. Mukhang naglinis si Liza. Inihagis ko na lang sa sahig ang backpack ko sabay bagsak ng katawan sa kama. Itutulog ko na lang ang buong maghapon.




"George!" May yumuyugyog sa akin. Umungol ako sabay subsob ng aking mukha sa kama. Ngunit hindi talaga tumitigil ang gumigising sa akin. "George! Umayos ka nga!"


Itinihaya niya ako sa kama pero hindi ko dinilat ang aking mga mata. Gusto ko ituloy ang tulog ko at ayoko maputol ang panaginip. May naramdaman akong kumakalas ng sapatos ko. Do'n nagising ang aking diwa. Pinilit ko dumilat para silipin 'yon.


"L-Liza?"


"Ano ka ba naman, George! Kalilinis ko lang ng dorm natin pero ikaw, wala kang ibang ginawa kundi magkalat! Basta mo na lang tinapon sa sahig ang backpack mo. Sumalampak ka dyan sa kama nang hindi tinatanggal 'yang maduming rubber shoes mo! Babae ka ba talaga?" Nanggagalaiti niyang sabi. Natanggal niya na ang isa at hinila na lang sa paa ko ang kapares no'n.


"Anak ng-" Muntik ko na siyang sipain. "Ang sakit, ah!"


"Ewan ko sayo! Hindi ka naman naglilinis pero ang tigas talaga ng mukha mong magkalat!"


Kinuha ko ang aking unan at tinakip ko sa aking ulo. "Ang ingay mo naman! Nakakainis ka!"


"Ewan ko sayo, George! Sana hindi ka na makahinga!" Sigaw niya pabalik. Hindi na ako sumagot at pinilit matulog ulit. Ano nga ulit yung panaginip ko kanina?


Ilang segundo rin akong nasa gano'ng ayos nang may maamoy akong pagkain. Inalis ko ang unan sa aking mukha at sinilip ang ginagawa ni Liza. May dala pala siyang pizza.


Bumangon ako sa kama at pumunta sa dining namin.


"Hindi mo naman sinabi na may dala kang pasalubong. Sana hindi kita inaway." Kukuha sana ako ng isang slice pero pinalo niya ang aking kamay. "Aray naman!"


Pinanlakihan niya ako ng mata. "Ang kapal mo talaga, 'no? Basta pagkain." Pairap niyang sagot.


"Pahinga ako." Kumuha na ako ng isa at mabilis na kinagatan 'yon sabay ngisi sa nanggagalaiting si Liza.


"May bayad 'yan!"


"Bibigyan kita ng ticket sa laban bukas." Sabi ko sabay kagat ulit sa pizza.


Napaupo siya nang wala sa oras sabay yugyog sa braso ko. Ang lakas namang mangyugyog ng bwisit na 'to.


"Talaga, ah? Walang bawian 'yan, ah? Aasa ako."


"Oo na." Kumuha pa ako ng isang slice.


"Ang takaw mo naman." Komento niya at kumuha na rin ng isang slice. "Dati ko pa gusto manuod ng live pero laging wrong timing paglaban natin. Crush ko pa naman yung isa ro'n."


"Sino?"


"Si Trav!" Parang may umilaw na lightbulb sa mukha niya at tila kumikislap na bituin ang kanyang mga mata.


"Ahh. Matino-tino 'yon."


"Talaga? Close kayo, di ba? I-reto mo naman ako!" Pamimilit niya sabay yugyog na naman sa akin. Malakas kong tinabig ang kanyang braso at pinandilatan siya ng mata.


"Isa pang yugyog sa akin, puputulin ko 'yang braso mo."


Ngumuso siya at bumulong-bulong. Kumuha ulit ako ng isang slice ng pizza. Pangatlo ko na 'to.


"Sabi mo matino-tino naman si Trav pero parang konti lang nagkakagusto sa kanya. Sabagay, sobrang misteryoso naman kasi ng lalaking 'yon kaya hindi siya masyadong napapansin." Kinuha ni Liza ang pangalawang slice niya. Binilisan ko ang pagnguya para makakuha ulit ako ng isa pa. "Yung mga ka-blockmate ko kasi may gusto ata ro'n sa bagong player. Eh, hindi ko naman kilala. Mga papalicious lang ang natatandaan ko. Si Trav, Kenedic, Ervis. Sama mo na si Marco at Leo. Pero yung Ren Del. . .del. . .ewan. Basta, Ren 'yon! Benta 'yon sa mga blockmate ko."


Natigil ako sa pagnguya sabay titig ng matagal kay Liza.


"May alam ka ba sa Ren na 'yon? Kwentuhan mo naman ako, oh. Para bida-bida ako sa mga blockmates ko." Ngumiti siya sa akin ng napakatamis. Inirapan ko siya.


"Wala akong alam tungkol sa kanya." Half truth, half lie. May alam ako pero basic information lang. Saka, ako nga 'tong napakaraming tanong tungkol sa taong 'yon pero hanggang ngayon ay wala pa ring nakukuhang magandang sagot.


"Imposible ka! Assistant ka ng team!" Pagpipilit ni Liza. "Ano? Sige na! May girlfriend ba 'yon?"


"Hindi ko nga alam!" Asik ko sa kanya. "Salamat sa pizza." Gusto ko pa sana pero nawalan ako ng gana. Badtrip talaga 'tong si Liza.


"Maldita ka talaga! Nakakainis." Pasaring sa akin ni Liza na binalewala ko na lang.



Sumapit ang semis game. Unang laro kami  para sa araw na 'to. Puno na agad ang arena at nasa VIP nakaupo ni Liza. Tuwang-tuwa ang loka nang makitang nasa pinakaunahan kami at kaharap lang namin ang bench ng mga players.


"Thank you, George! Lilibre kita ulit ng pizza mamaya. Oh, my God!" Sigaw niya habang kinukunan ng palihim si Trav na nagshu-shoot ng bola sa court.


Winawagayway ko na ang placard ko na may nakasulat na 'Mavens Go for 1-0' at sabay kaming sumisigaw ni Liza nang magsimula ang game. First five sina Leo, Marco, Ervis, Nathaniel at Kenedic.


"Go, Mavens! Whooo!"


Hindi makapuntos sa depensa namin ang Wizards nung first quarter pero tatatlo lang ang lamang. Napapaos na kami ni Liza kakasigaw at kaka-cheer. Patalon-talon pa kaming dalawa na parang naloloka.


Nang pumasok si Trav nung second quarter ay halos mangisay sa kilig ang katabi ko.


"Trav, bebe! Galingan mo! Maka-shoot ka lang ng isa, magpapaanak na ako sayo!" Sigaw ng gaga. Napahaglpak ako ng tawa sabay hampas sa kanya nung placard.


Nang matapos ang second quarter ay pito na ang lamang namin sa Wizards. Napatingin ako sa likod ni Ren na nag-i-stretching. Hindi pa siya pinapasok sa game.


Lumamang kami ng hanggang isang dosena nung sumapit ang third quarter pero bago pa maubos ang oras ay nakahabol ang Wizard at unti-unting nabawasan ang lamang namin hanggang sa maging dalawa na lang. Lumuwang ang depensa at napakaraming turn-overs. Nagkaro'n ng 8-0 run. Kinabahan kami bigla. Natahimik ang side namin at nagsusumigaw na ang mga taga-kabilang university. Napapamura na ang ilan sa mga players at halata na sa kanilang mukha ang frustration.


"Shit, George! Nakahabol!" Niyuyugyog na ako ni Liza.


Huminga ako ng malalim. May tiwala ako kay Coach. Hindi pwedeng maulit ang last year. Hindi pwedeng hanggang semis lang ulit kami. Hindi ako makapapayag na ang maglalaglag sa amin ngayon ay ang team na naglaglag rin sa amin nung nakaraang taon.


Nabuhayan ako ng loob ng ipasok si Ren nung mag-4th quarter. Mukhang hindi lang ako dahil naghiyawan ang mga nasa side namin nang pumasok siya sa court.


"Kill them, Ren!"


"Paulanan na 'yan ng tres!"


"Ipasok mo kami ulit sa Finals."


Iyon ang mga sinisigaw nila. Siniko ako ni Liza.


"Siya ba yung Ren? Ren Del. . .gado." Nakangangang sabi ni Liza.


Hindi ko siya pinansin. Tahimik akong nagdasal na sana ay maganda ang laro ni Ren. Kailangan naming manalo. . .


Hindi pa ata nag-iinit sa kamay niya ang bola ay nag-three point na siya sa courtside. Nagpasigaw kaming lahat. Nagkayakapan pa kami ni Liza habang tumatalon-talon. Pati ang mga players ay napatayo at napasigaw ng "Yes!"


Ngunit bumabawi ang kalaban at hindi na kami nakalamang ng masmataas sa apat. Pigil hininga kaming lahat ng sumapit ang last two minutes. Na-foul out si Marco at nag-cramps naman si Ervis. Foul trouble sina Nath at dalawa naming rookie. Wala kaming big man kundi si Leo.


Si Kenedic at Ren ang nagpaangat sa amin sa last minute. Tatlo lang ang lamang at sampung segundo na lang  ang natitira. Nasa kalaban ang bola. Nag-tres ang Wizard at napapikit na lang ako sabay takip sa aking mukha. Huwag na sana mag-OT dahil paniguradong lagas na ang player namin at malabong manalo pa kami!


Nang magsigawan ang mga nasa side namin ay saka lang ako dumilat. Sumablay ang Wizards. Panalo kami. Pasok na ulit kami sa Finals. Napahawak ako sa aking bibig. Oh, my god . . .


Niyakap ako ni Liza. "Panalo tayo, George!"


Medyo naluluha na ako sa saya. Finally, nagbunga yung pinaghirapan namin. Isa na lang ang dapat naming harapin para makakuha muli ng championship at maiangat ang bandera ng university.


Pinagmasdan ko ang buong team na nagtatatalon sa court. Masaya sila. Masaya ako para sa kanila. Huminga ako ng malalim at ngumiti. Siguradong magpapaparty na naman ang mga 'to. Ang pakiramdam ay para na rin kaming nag-champion.



Dinala ko si Liza sa dug-out dahil gusto raw nitong makapagpapicture sa mga players. Isa lang ang pass ko kaya pinauna ko na siya. Kukunin ko lang yung isa pa sa van namin.


Nasa parking lot na ako at natatakanaw ko na ang van nang may humablot sa braso ko.


"George."


Kinabahan ako pagkarinig na pagkarinig ko palang ng boses na 'yon. Nanlaki ang mata ko nang makita kung sino ang humablot sa aking braso. Hindi ako nakagalaw ng ilang segundo. Nablanko ako. Hindi nakapagsalita. Hindi nakapalag.


"George, mag-usap tayo."


"Oliver. . ." Sambit ko sa pangalan niya. The name, itself, gave me a great impact. Para akong nauntog ng malakas sa solid na bato. Ngunit sa pagkauntog na 'yon ay natauhan ako.


Malakas kong tinabig ang braso niya at nakawala ako. Umatras ako at napaupo sa sementadong parking area ngunit mabilis ring tumayo para tumakbo. Hindi man lang ako nakadalawang hakbang at halos yakapin niya na ako.


"George, please."


Umiling-iling ako. Natatakot ako. Gusto ko umiyak ngunit kagaya ng maraming pagkakataon na gusto ko maglabas ng emosyon, tila may barrier ang mata ko na nagpipigil sa paglabas ng luha.


"Bitawan mo ako." Mahina ngunit mariin kong sabi.


"Mag-usap tayo. Kahit isang beses lang. Isang beses lang." Pagmamakaawa niya. Hysterical akong umiling. Nakita ko ang t-shirt niyang suot at napamura ako.


Ba't hindi ko naalalang sa kalabang university siya nag-aaral at malaki ang chance na magkita kami dahil fan siya ng basketball? Putangina.


"Ayoko sabi! Bitiwan mo ako!"


"I'm sorry. Alam kong galit ka-"


"Gago ka pala, eh. Alam mo na nga, ba't nagpakita ka pa? Ba't hinahanap mo pa ako?" Sigaw ko sa kanya. Binuhos ko ang aking lakas para itulak siya at nagawa ko 'yon.


"Gusto ko magsorry-"


"Hindi ko kailangan ng mga bagay na walang silbi lalo na kung galing sayo."


"George, naman. . ." Nabasag ang kanyang tono.


Nanlaki ang mata ko at bahagyang natawa. "Huwag mo kong iyakan! Ang kapal naman talaga ng mukha mo para mag-inarte ngayong ako yung. . ." Nabitin ang aking sasabihin.


Ayoko na alalahanin 'yon. Ayoko na sana. Humiling ako ng napakaraming beses para huwag na maalala 'yon pero nakakagago talaga an' tadhana.


Oo, never ako nagka-boyfriend kaya walang mag-aakala na nakaranas na ako ng sakit na pampuso pero ang patunay ng bawat sugat sa dibdib ko ay ang lalaking kaharap ko ngayon.


Gusto ko siya saktan kagaya nung ginawa niya sa akin pero hindi ko ginawa dahil kahit binitawan niya na ako noon, hindi ko pinagkailang minahal ko pa rin siya.


Iyon ang hindi ko matanggap. Nagmahal ako ng gago. Nagmahal ako ng taong paasa at walang isang salita.


Tinalikuran ko siya. Muli niyang hinakilat ang braso ko pero hindi ko na siya hinayaang mahawakan ako ulit. Sinapak ko siya ng isang beses na may kasunod na sampal at kalmot. Dumugo ang kanang labi niya at may bakat ng kalmot ko ang kanyang pisngi pero wala na akong pakialam. Kulang pa 'yan. . .kulang pa 'yan. . .


Hindi siya lumaban at hinayaan niya lang ako. Iiwan ko na sana siya pero hinawakan niya ulit ang kamay ko.


"George. . ."


Iwinasiwas ko 'yon. Mabilis akong tumakbo palayo. Kahit malayo na ako ay tinatawag niya pa rin ang pangalan ko. Do'n lang ako napaiyak. Naninikip ang dibdib ko. Parang pinipipi. Dinudurog ng pino.


Papasok na ako sa van nang mabunggo ako sa isang katawan.


"Manager?"


Nanlaki ang mata ko. Muntik na ako mapamura.


"Ren?" Umiwas agad ako ng tingin para hindi niya makita ang pag-iyak ko. "Ba't ka nandito?"


 Umatras ako para tumakbong muli ngunit pinigilan niya ang braso ko. Wala na akong natitirang lakas para lumaban. Shit, ba't kasi nakiua niya pa ako? Sa lahat ng taong pwedeng makakita sa akin, ba't si Ren pa?


"May kinuha lang ako. Naiwan ko ang phone ko."


"Ahh, gano'n ba? Sige, una na ako."


"Umiiyak ka." Natigilan ako. Hindi iyon tanong. "Pinagtripan ka na naman ba ng mga players?"


Umiling na lang ako. "Nagmamadali ako."


"Georgia." Mariin niyang sabi. "Bakit ka umiiyak?" Napunta ang kanyang tingin sa likod ko.


"George." Napasinghap ako. Nang lumingon ako ay nasa likod na si Oliver. Sinundan niya pa rin ako! Mabilis akong humarap kay Ren. Nanghihina na ako.


"I-Ilayo mo ako sa kanya." Pabulong kong pabor. "Please. Ilayo mo ako."


Bigla akong kinaladkad ni Ren sa kung saan. Namalayan ko na lang ay tumatakbo na kami. Napatingin ako sa likod. Humahabol si Oliver. Oh, my God!


"Bilisan mo pa!"


Halos madapa na ako sa klase ng paghila ni Ren. Ilang tao ang nabunggo at tinulak namin. Nakapara agad siya ng taxi sa highway at sumakay agad ako. Sumunod siya. Napatingin ako sa bintana. Mas nanlaki ang mata ko nang makitang pinupukpok na 'yon ni Oliver.


"Bilisan niyo po, Manong." Utos ni Ren.


Umandar na ang taxi pero nanatili ang tingin ko sa mukha ni Oliver. May pagsusumamo at bahagyang galit na tinitimpi. Sinisigaw ang pangalan ko.


Napapikit ako ng mariin. Sinubsob ko ang aking mukha sa palad ko. Tila tinutusok ng karayom ang dibdib ko. Bumabalik na naman sa akin ang lahat.


Marahang hinaplos ni Ren ang aking likod.


"It's okay. Wala na siya." Marahan niyang sabi.


I got chase by the guy who broke me. I escaped with the guy I admire. Kung sa tingin niyo ay swerte 'yon, mumurahin ko kayo ng paulit-ulit. Hindi ako swerte kundi  ubod ng malas. Oliver made me fall back then and I'm on the verge of falling for Ren now but these guys aren't that ideal. Sila yung tipo ng lalaki na hindi ako sasaluhin pag nahulog ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top