CHAPTER 8 : LOOK UP
#SAT9S
CHAPTER 8 : LOOK UP
Tila nagdilang-anghel si Ren. Hindi man kami pinalad nung first game, sunod-sunod naman ang nakuha naming panalo. Natapos ang elimination na ka-tie namin sa standing ang dating nag-champion na isa lang rin ang talo. Nakapasok kami ng Quarterfinals na may advantage at isang panalo lang ay lumusot agad kami sa semis. Nagdiwang ang buong team dahil kami ang unang nakapasok at naghihintay na lang ng kalaban. Lalo na't bihira kaming mapunta sa tuktok ng standing.
"Cheers!"
Nagkakatuwaan na ang mga players. Nang gabing nakalusot kami sa semis, hindi nila inalintana ang pagod. Pinagbigyan ng coaching staff ang mga players na magkaro'n ng after-party. Malaking bagay na sa amin ang makapasok sa semis. Malaking partida sa ibang team ang pagbabago namin ng routine ngunit naging maganda ang resulta no'n sa parte namin.
Hindi matanggal ang ngiti ko habang pinapanuod ko sila. Kumuha rin ako ng cocktail at sinimsim 'yon.
"Lady's drink ka lang dapat, Manager." Paalala nung isang player.
"Marunong ako uminom." Sagot ko para tantanan niya ako. Saka, gusto ko rin mag-celebrate. Masaya ako para sa buong team. Saka ko na iisipin ang goal naming makapasok sa Finals at magchampion.
Nagtungo ako sa table kung saan malayo sa mga players. Tahimik akong uminom. Maiingay ang mga lalaki at nagtatawanan sila sa mga biro ng coaching staff. Napapahagikgik rin ako. Bumubuhos ang positive vibe mula sa kanilang lahat. Susulitin na namin 'to dahil paniguradong bukas ay seryosohan na naman ang pagpapractice.
Malaki ang chance na makalusot kami sa Finals. Mas nakampante ako ngayon kaysa last year. Sana nga ay magtuloy-tuloy ang magandang laro na pinapakita ng team.
"Hi, George."
Napaangat ako ng tingin. Umupo sa tabi ko si Lyra Albo. Anak ni Coach Dren. Parte rin siya women's basketball team ng university. Hindi nakalusot ng semis ang team at hanggang 5th place lang.
"Hello." Tipid kong sagot at bahagyang ngumiti.
"Akala ko hindi ka makakasama ngayon."
"Pwede ba naman 'yon?"
Natawa siya. "Yeah, right. Paborito ka nga ni Papa."
Ngumuso ako sabay sulyap kay Coach Dren. "Parang hindi naman."
"He does. Naisip ko nga na kung hindi dahil sayo, hindi magpupursigi ang buong team. Takot ata silang lahat sayo. Paano mo nagagawa 'yon?"
Nagkibit ako ng balikat at pinagmasdan ang mga players. "Hindi naman siguro dahil sa takot nila sa akin kaya nagpupursigi sila. Magagaling na sila noon pa man. Mas nag-improve lang sila ngayon."
"Pero nakaka-amaze si Ren Delgado." Sabi ni Lyra na nakapagpatigil sa akin. "Imagine, ilang linggo lang ang practice with the whole team bago ang liga pero nakapag-adjust na agad siya. He's very effective. May confidence sa shooting. He knows when to stay behind our big men as a support. Ang ganda ng stats niya. Magkapantay na nga sila ni Kenedic. Plus, he's gaining popularity."
Sumang-ayon ako kay Lyra. Hindi sa binubuhusan namin ng puri ang isang partikular player pero sa maraming crucial play, si Ren ang nagliligtas sa amin sa last minute. Ilang tao na ata ang napapaiyak niya sa mga buzzer beater shots na nagpapanalo sa amin. Sa napakaraming pagkakataon na natatambakan kami ng kalaban, siya ang hinuhugot ni Coach Dren at pinagkakatiwalaan ng mga players para pumuntos. Nakakahabol kami at nananalo. Hindi pa niya kami binibigo simula nang una siyang ipinasok ni Coach Dren nung second game namin. Ang maganda pa sa kanya, never ko siyang nakitang nagyabang.
He's gaining popularity, yes. Sa ganda ba ng pinapakita niyang performance, paanong hindi? Maski sa ibang university, hindi na ako magtataka kung kalat na kung sino siya.
"Lumalakas ang opensa dahil sa kanya. After all, changing the system isn't a bad idea."
"I can see that. Nakakaproud talaga pag nananalo team and that makes me very proud of my father. Sana makapasok tayo ng Finals, 'no?" Excited nitong sabi.
"That's the next goal." Kumuha ulit ako ng cocktail. Inalok ko si Lyra ng isa at tinanggihan niya 'yon.
Nang ma-bore ako ay lumipat ako sa table nila Ervis. Nagkukwentuhan ang mga ito. Nakikinig lang ako at tahimik na umiinom. Hindi ko na namalayan ang pag-uwi ng mga staff at ibang players. Medyo nahihilo na rin ako pero patuloy ako sa pag-inom. Kailan ba ako huling uminom? Hindi ko na matandaan.
"Manager, tama na 'yan. Tipsy ka na." Bumaling ako sa kanan ko dahil do'n ko narinig ang boses ni Ren. Ginigising na rin niya si Marco na mukhang nakatulog na sa upuan. Si Ervis at ang dalawang rookie namin ay nakayupyop sa upuan. Si Kenedic ay namumungay na ang mata.
Napangisi ako. Mas matibay pala ako kaysa sa mga 'to, eh. Lumingon muli ako kay Ren. Mukhang siya lang ang hindi nagpakalango ngayong gabi at nasa huwisyo pa.
"Manager, alam mo ba kung saan ang bahay ng mga 'to?"
Mariin akong pumikit at dinilat ng malaki ang aking mata pagtapos. Umiling ako bilang sagot.
"Ba't hindi na lang sa dorm niyo?"
Napabuntong hininga si Ren. "Okay."
Tumayo ako at hinanap kung nasa'n ang backpack ko. Panay ang hawak ko sa mga upuan. Nang makita ko 'yon ay agad kong sinukbit 'yon sa aking balikat.
"George, uuwi ka na?" Tanong ni Kenedic.
"Oo." Sagot ko habang hinihilot ang gitna ng aking ilong. Nanlalabo na ang paningin ko.
"Sino ang kasama mo?" Tanong pa nito.
"Kaya ko umuwi mag-isa."
"Ano sasakyan mo?"
"Eh di jeep!"
"Gabi na, Manager. Saka, lasing ka." Hindi ko na alam kung sino ang nagsabi no'n. Lumakad ako at napatid ng paa ng upuan. Napamura ako nang lumagapak ako sa sahig.
"Manager, ayos ka lang?" Parang mula sa malayo ang mga boses nila. Hindi na lang muna ako tumayo. Pinapaalpas ang hilong nararamdaman.
May nagtayo sa akin ngunit hindi ko alam kung sino. Hindi ko na maidilat ang mga mata ko. Tila ang bigat-bigat no'n kaya nanatili na lamang ako na nakapikit. Hanggang sa tuluyan na akong nakatulog sa sobrang kalasingan.
Nagising ako sa na nasa isang hindi pamilyar na kwarto ako. Tila pinupukpok ng martilyo ang aking ulo pinilit kong bumangon. Kinabahan ako dahil hindi ko na suot ang damit ko kagabi. Napalitan ito ng t-shirt at pajama.
"Shit." Napahawak ako sa aking noo at pilit na inaalala ang nangyari kagabi. Nakapasok kami sa semis. . .may after party. . .uminom ako. . .hindi ko na alam ang kasunod!
Hinanap ko ang pintuan at akmang lalabas na ako nang makita kong may nakahiga sa sofa. Si Kenedic!
Kumunot lalo ang aking noo. Nasa dorm ba nila ako? Pero hindi mukhang dorm ng university ang kwartong 'to. Ba't nandito si Mortejo? Hotel ba 'to? Parang nenerbyusin ako.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan para lumabas. Saka ko lang napagtanto na hindi 'to hotel kundi bahay. Ang tanong, kaninong bahay? Saka, ba't nandito ako?
Bumaba ako ng staircase. Elegante ang bahay at maganda ang interior. Mukhang bahay 'to ng isa sa mga players.
Nang nasa baba na ako, nakarinig ako ng tawanan. Sigurado akong ang mga players 'yon. Naririnig ko ang pamilyar na boses ni Ervis at Marco.
Natunton ko sila sa dining area. Napatingin silang lahat sa akin. Ngumuso naman ako nang magngisihan sila.
"Good morning, Manager." Sabay-sabay nilang bati. Lima lang sila at pare-parehas na nagkakape. Si Ervis ay gulo-gulo pa ang buhok at halatang kakagising lang. Topless siya at naka-pants. Katabi niya si Marco na suot pa rin ang damit niya kagabi. Ang dalawa naming rookie na sina Orly at Jeoff ay nakasando at boxers. Nasa tapat sila ni Ervis at Marco. Si Ren ang nag-iisang nakatayo at nakasandal sa sink. Nakasuot faded blue t-shirt at pajama.
"Mukha ka palang babae sa umaga, Manager." Sabi ni Marco. Bahagyang tumawa ang nakarinig. Matalim na tingin naman ang pinukol ko sa kanya.
"Anong gusto mo, Manager? Coffee?" Tanong ni Ren.
Umiling ako. "Tubig na malamig na lang."
Pinaupo ako nina Orly sa kanilang tabi. Inabutan ako ni Ervis ng tubig.
"Nasa'n tayo?" Tanong ko sa kanila.
Nginuso nila si Ren. "Bahay niya."
Napanganga ako. "B-ba't tayo nandito?"
"Hindi ko sila kayang buhatin lahat papuntang dorm." Sagot ni Ren matapos sumimsim ng kape.
"Eh, ako?" Tinuro ko ang aking sarili.
Natawa ang mga players. Ngumisi lang si Ren. Talagang nawalan ng dugo ang mukha ko. Mukhang may ginawa akong kahiya-hiya.
"Natumba ka kagabi tapos sinukahan mo ang kotse niya." Sagot ni Ervis. "Sinukahan mo rin ang damit mo pati ang polo ko." Naiiling siya.
"Dapat ihahatid ka namin sa dorm mo pero walang tao ro'n. Hindi namin mahanap yung susi mo."
Wala nga pala si Liza ngayon dahil umuwi sa magulang niya. Yung susi ko, iniiwan ko lang sa doormat. Natural, hindi nila alam 'yon!
"S-sinong nagbihis sa akin?"
"Si Ren!" Seryosong sagot ni Ervis. Napasinghap ako at humagalpak naman ang tatlo sa mesa. Napatingin ako kay Ren na umiiling. Binalinan kong muli si Ervis na yumuyugyog na ang balikat.
"Huwag niyo kong pinaglololoko! Isasaboy ko 'yang mga kape sa mukha niyo!" Ang kaninang namumutla kong mukha ay pulang-pula na.
"Joke lang, Manager. Hindi naman namin alam kung sino nagbihis sayo. Baka nagbihis ka mag-isa." Sabat ni Orly na nagpatawa na naman sa mga unggoy at dahil katabi ko lang siya, madali ko siyang nasabunutan.
"Pinabihisan kita sa katulong namin." Sagot ni Ren na may kung anong kinukuha sa ref.
"Eh, ba't nasa iisang kwarto kami ni Mortejo?" Tumaas ang aking kilay.
"Ewan. Baka ginapang ka."
Tinuro ni Marco si Ren. "Akala mo mabait 'to? Mukha lang 'tong hindi gumagawa ng kalokohan pero mas matindi pa 'yan sa amin. Nagising kami na magkakapatong at sigurado akong siya ang may sala!"
Tinawanan lang siya ni Ren. Hindi ko naman alam kung maniniwala ako kay Marco. Parang hindi naman magagawa ni Ren 'yon.
"Fuck." Sabay-sabay kaming napalingon kay Kenedic na kagigising lang. "Ba't nakatali ang paa ko?"
Naghagalpakan na naman ang mga lalaki sabay turo kay Ren na mukhang inosente.
"Na-fifty shades ka niya sa katulong nila, pre!" Sigaw ni Ervis.
Puro mura ang naimutawi ni Kenedic sabay tinuro-turo si Ren na nawala ang pagkainosente. Nagalitan ng nakakalokong ngisi ang ngiti niya. Ang hirap talagang basahin ng taong 'to.
Habang walang katapusan ang kwentuhan nila. Nangahas ako maglibot sa bahay ni Ren. Sa sala ako unang napadpad at tumambad sa akin ang malaking flatscreen tv. Sa gitnang bahagi ng kisame ay chandelier. May mga paintings sa tabi. Malaking bookshelf, sofa set, round table na gawa sa marmol, drawer na may mga portraits at frame sa ibabaw. Wala sa loob na napatingin ako ro'n.
Mayro'n doong litrato si Ren na kasama ang isang may edad na lalaki. Must be his Dad. May isa siyang baby picture ro'n. Karamihan ay si Ren at ang natitiyak kong girlfriend niya. Picture sa prom at graduation na magkasama sila. Ang tagal na pala nila kung gano'n. Kung sila pa rin hanggang ngayon, umabot na sila ng ilang taon.
"Manager."
Napalingon ako kay Ren. Medyo nahiya dahil umabot ako hanggang dito.
"Pasensya na. Napadpad ako rito."
"No big deal." May dala siyang damit. Nang makita niyang nakatitig ako ro'n ay inabot niya 'yon sa akin. "Para makapagpalit ka. Hindi ko kasi napalabahan yung damit mo."
"H-huwag na. Ako na lang maglalaba."
Tumango siya. "Okay. Ipapabalot ko na lang."
Napatitig ako sa damit. "K-Kanino 'to?" Tinignan ko ang mga 'yon at nakita kong pambabae 'yon. May kapatid ba siyang babae?
Ngumiti siya. "Sa girlfriend ko."
Sinikap kong huwag mapawi ang ngiti. Tumango ako at tinuro ang mga pictures.
"I see. Siya ba yung girlfriend mo?"
"Yeah." Tumagal ang tingin niya ro'n at huminga ng malalim.
"Ang ganda niya." Stop it, George.
"I know." Pabulong lang ang pagkakasabi niya pero parang may sumabog na kung ano sa loob ng sistema ko.
"Anong pangalan niya?" Para na akong tanga. Daig ko pa ang imbestigador kung magtanong at alam kong nakakahiya pero may parte ng utak ko na may gustong malaman kaya hindi ko tinigil ang pagtatanong.
"Rhea. Rhea Louisse. Soon to be Delgado." Ngumisi siya.
Bahagyang nanlaki ang mata. "E-engaged na kayo?"
Umiling siya. "Not yet. But I'm sure with her."
Mahal niya talaga. Halos mapatulala na lang ako sa kanyang mukha. He's proud. Nararamdaman at nakikita ang kasiguraduhan sa kanyang mukha. Na parang walang makakatibag sa kanila. Isang bagay na hindi basta-basta makikita sa isang lalaki. Gusto ko umiwas ng tingin pero hindi ko ginawa dahil gusto kong matauhan ako.
"Nasa'n siya?" Ang pinakatanong ko noon pa man. Ilang buwan na ang lumipas. Natapos na ang first sem at matatapos na naman ang second sem na hindi ko siya nakikita. Ba't hindi siya nanunuod ng laban ni Ren? Kahit sa practice, wala? Ba't hindi ko na sila nakikitang naglalakad ng magkasama sa hallway? Magka-iba na ba sila ng school? Nasa ibang lugar ang girlfriend niya?
Ilang beses ko na kinastigo ang sarili ko kung bakit gusto ko 'yon malaman gayong wala akong karapatan. Walang akong nahanap na valid na sagot. Talagang gustong-gusto ko lang malaman.
Nanatiling tahimik si Ren sa mahabang sandali kaya nakaramdam ako ng panlalamig. Nabawi ko ng wala sa oras ang aking tanong.
"Sorry. Mukhang sobrang personal na."
Ngumiti lang siya sa akin. "Ayos lang. Matagal na rin nung may huling nagtanong sa akin ng tungkol sa kanya."
Hindi ko alam kung ba't parang naging mabigat ang atmosphere. Kinabahan ako. May nangyari ba sa girlfriend niya kaya hindi sila magkasama ngayon? Sa hindi malamang kadahilanan ay sobrang na-guilty ako.
Ba't kasi napakausisera mo, George?
"Uhm, sige. Sorry ulit. Pagamit ng shower, ah? Saka, salamat dito. Ibabalik ko rin."
"Huwag na. Wala ng magsusuot niyan." Sagot niya sabay talikod. Mas lalo akong naguluhan.
Ano ba talaga ang nangyari?
Do'n na kami nag-lunch. Mamayang alas dos ay may practice na sila. Pare-parehas muna kaming uuwi sa dorm bago pumunta sa gymnasium. Hindi ako masyado nakapag-concentrate sa practice nila dahil sa naging usapan namin ni Ren. Nagkakandabuhol-buhol ang mga ideya ko at natatakot ako sa takbo ng pag-iisip ko.
Kung tutuusin ay hindi ko na problema 'yon pero hindi ko maiwasang maintriga. Hindi ko pa rin naman siya gano'n ka-close. Walang masyadong nagbago sa pagtrato namin sa isa't-isa. May hangin sa pagitan namin at masyado siyang casual. Hindi ko siya kayang barahin tulad ng ibang mga players. Parang may reservation.
Kinabukasan ay nalaman namin kung sino ang aming makakalaban. Ang first runner up nung nakaraang liga. Ang naglaglag sa amin nung nakaraang taon. Lahat kami ay tila nakaramdam ng deja vu.
Si Ren lang ang kampante dahil hindi pa niya nakakaharap ang mga 'yon. Para sa akin ay advantage namin ang confidence niya at kung walang butas ang kalaban namin para sirain ang laro niya, makakaya na ulit naming makatungtong sa Finals.
"George, sana manalo tayo, 'no?" Sabi sa akin ni Liza kinagabihan. Busy ako sa pagbabrowse sa aking cellphone. "Pansinin mo naman ako, hoy."
"Mananalo tayo."
"Ipagdadasal ko talaga 'yan! Ang tagal na nating hindi nakakakuha ng championship."
"Huwag ka istorbo, please. May ginagawa ako." Masungit kong tugon.
"Taray mo naman, 'te!" Pairap niyang sabi. Inirapan ko rin siya pabalik.
Nalaglag sa mukha ko ang aking phone nang magring 'yon. Napamura ako ng malutong at tinawanan ako ni Liza ng malakas. Inabot ko ang aking libro sa side table at ibinato sa kanya. Mabilis siyang nakailag sabay sabi ng, "Karma."
Nang makita ko kung sino ang tumawag, sinagot ko 'yon ng pasigaw.
"Hatdog ka naman, Celine! Napakaganda talaga ng timing mong mang-istorbo!"
"Wow naman, friend. Napaka-warm mo naman. Sarap mong iprito."
"Gaga ka. Ano bang tinawag mo? I swear, babalatan kita ng buhay pag nagkita ulit tayo."
"Na napaka-imposible dahil hindi mo naman ako dinadalaw. Ako pa ang sumasadya sayo para magkita tayo at kung hindi ko pa sasabihing libre, hindi kita mapapasamang patay-gutom ka."
"Lakas makalait, ah? Mas sexy ako sayo, balyena!" Akmang papatayin ko na ang tawag nang sundan niya ang kanyang sinabi.
"Wanted ka rito! Ang daming naghahanap sayo."
"Sino?"
"Pumunta rito ang tita mo-"
"Murahin mo. Sabihin mo patay na ako. Payuhan mong magpakamatay na siya."
Natawa si Celine. "Sira ka. Napag-utusan lang ata yun ng Papa mo na tuntunin ka. Iyon ang sabi niya, eh."
Natigilan ako. Si Papa? Hinahanap ako ni Papa? Nakakatawa.
"Huwag ka na tumawag ulit kung 'yan lang ang ibabalita mo sa akin." Matabang kong sabi. "O, ano? May kasunod pa ba? Ibababa ko na 'to."
"Meron pang isang naghahanap sayo."
"Sino?"
"Oliver raw."
Natigilan ako. Nang sa wakas ay pumasok na sa utak ko ang sinabi ni Celine. Nai-end ko kaagad ang tawag sabay mura.
"May problema, girl?"
"Wala!"
Humiga ulit ako sa kama. Tumawag ulit si Celine pero na-cancel ko agad 'yon. Inalis ko sa aking isipan ang tinawag ni Celine at nagpatuloy sa aking ginagawa.
Tinitigan ko ng mabuti ang profile ni Rhea Louisse Marval. Talagang nangalkal pa ako sa fb para makita ang profile niya. Nagpapaka-stalker na ako para ma-satisfy ko ang aking sarili sa impormasyon.
Hindi active ang account na 'to pero hindi rin naka-private kaya nakilala ko kaagad na siya yung girlfriend ni Ren. Ilang buwan ng walang posts. May mga pictures kaya agad ko siyang nakita. Halos lahat ay kasama niya si Ren.
Kinagat ko ang aking labi habang tinitignan ang pictures nila. Wala akong nahanap na sagot sa aking tanong kung nasa'n siya at ano ang nangyari sa kanila Ren. Mas lalo lang akong naguguluhan.
Binasa ko ang mga old posts niya. Ang pinakahuli ay. . .
'Hope we're strong enough. Be strong for me.'
Inumpog ko ang aking ulo sa screen ng cellphone ko. Nagkasakit ba siya? Naaksidente? Nagbakasyon? Nabubwisit na ako sa pinaghalong frustration at curiosity.
Kinagat ko ang aking kuko at tinignan muli ang picture nilang dalawa ni Ren na magkasama. Ito yung nakita kong wallpaper ni Ren months ago.
Lumipat ako sa profile ni Ren. Yes, we're friends. Hindi naman siya yung tipong post ng post.
Bumangon ako at sumandal sa headboard. Stalker na ba talaga ako ngayon?
Hinahanap ko sa aking sarili kung bakit ko 'to ginagawa. I don't hate them. I don't have plans. I must admit that I feel something for Ren pero hanggang do'n lang 'yon. Kahit hindi ko sila masyadong kilala at hindi ko alam ang istorya nila, parang ang sarap nilang subaybayan.
I look up to him. Gano'n rin sa girlfriend niya. She's someone I won't be able to replace. Someone I won't be able to replicate. I know it.
Nasa gano'ng ayos ako nang makita ang post ni Ren na nagpakaba sa akin.
'Lawren Harris Delgado : Curiosity kills.'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top