CHAPTER 19 : MEET AGAIN

#SAT9S



DEDICATED TO : ALEXA CHANCE



CHAPTER 19 : MEET AGAIN


Isang taon. Isang taon kong hindi nakita si Ren pagtapos no'n. Nawala siyang parang bula bagama't nagawa pa niyang makapagpaalam sa iba, sa akin ay hindi na. Hindi ko alam kung anong klaseng pagpapaalam ang nangyari sa pagitan niya at mga players pero nalaman ko na lang na tuluyan na siyang nawala sa team. Opisyal na in-announce ni Coach ang pag-alis niya ngunit wala itong binanggit na rason.


"It's for his own good, I guess. Kung tungkol sa injury niya sa balikat, kailangan nating intindihin at irespeto 'yon." Paliwanag ni Coach.


Ngunit parang pantakip lang ang rason na 'yon. Alam ko ang extent ng injury ni Ren. It will eventually heal at hindi 'yon tatagal ng isang taon. Ngunit tila bumenta sa karamihan ang rason na 'yon. Bumenta sa lahat maliban sa akin.


Isang linggo ang lumipas magmula nung umalis siya, narinig ko ang pag-uusap usap ng mga players at ang komento ng mga ito sa pag-alis ni Ren.


"Sayang pero gano'n naman talaga. Baka magpapa-opera pa 'yon kaya gano'n." Sabi ni Marco. "Magaling si Ren at gumagaling ang buong team pag maganda ang laro niya kaya talagang nakapanghihinayang."


"We didn't even see him. Nagtext lang. Ayon lang." Naiiling na sabi ni Nathaniel na parang naghahanap pa ng masmalalim na rason ngunit hindi 'yon isinasatinig.


"Hayaan niyo na. Magpapakita rin 'yon kung gusto niya." Singit ni Trav habang nagdidribble ng bola.


"Baka may problema lang na personal?" Umupo si Orly si bench at kumuha ng bottled water.


"May problema man siya o wala, personal man o hindi, hindi dapat nakadepende ang buong team sa kanya. Nakaya na nating manalo ng wala siya. Nakapanghihinayang? Oo, pero hindi natin dapat indahin ang pagkawala niya. We have few games left and we should stand as a team even without him."


Pagtapos sabihin 'yon ni Kenedic ay nag-shoot siya sa three point area at walang kahirap-hirap na pumasok 'yon sa net. May parte ng utak ko na gustong magprotesta sa kanyang binitiwang mga salita pero napagtanto kong tama ang punto niya. Hindi dapat indahin ng buong team ang pagkawala ni Ren.


Pero ako, hindi ko pinahalata sa lahat na ininda ko 'yon. Ininda ko dahil alam kong may kinalaman ako sa biglaan niyang pag-alis. Ininda ko dahil baka 'yon ang naging hakbang niya para lumayo sa akin. Ininda ko dahil ako lang ang nakaaalam ng totoong rason at natakot na naman akong mag-open up sa iba. Ininda ko dahil kahit pinaalam niya sa akin ang gusto niyang mangyari, parang biglaan pa rin ang dating sa akin.


Napailing na lang ako sa takbo ng pangyayari. Parang panaginip na naging isang bangungot. Nang magising ako ay parang gusto ko pang itanong sa aking sarili kung totoo ba ang mga nangyari. Totoo bang may Ren Delgado na dumating sa buhay ko?


Napangiti na lang ako ng mapait. May mga tao sigurong gano'n. Magiging importante ng ilang araw ngunit sa huli ay mawawalang parang bula ng walang paa-paalam. Ang biglaan niyang pagkawala ay nakatatabang sa damdamin ko. Ayoko siya hanapin ngunit may mga pagkakataong pumapasok siya sa isip ko at napapapikit na lang ako ng mariin.


Nang magsummer at nakapasok muli kami sa Finals, as usual ay malaking bagay na 'yon sa team. Nagkaro'n ulit ng party at dumalo ang former players para sumuporta at i-congratulate lahat ng bumubuo sa team. Dumalo si Ervis at nagkaro'n kami ng pagkakataong makapag-usap tungkol kay Ren.


"Alam mo ba kung ba't siya biglaang umalis?" Tanong nito.


Umiling na agad ako bilang sagot. Ayoko umamin sa kahit kanino at sa tingin ko'y hindi na dapat ipagsabi ang nalalaman ko. Sasarilinin ko na lang 'yon.


"Talaga?" Nanunuri pa ito. Naningkit ang kanyang mata sa pagsipat ng magiging reaksyon ko. Hindi ako tumingin sa kanyang mata dahil sa pangambang baka makita niyang nagdedeny na naman ako.


"Hindi talaga." Flat kong sagot.


"Pero nagpaalam siya sayo?"


Umiling ulit ako. Kumunot ang noo ni Ervis. "Ba't naman hindi? 'Di ka naman naiiba sa mga players. Di ba nga medyo close na kayo dati?"


"Hindi kami close. Hindi ko alam kung ba't hindi niya naisipang magpaalam ng maayos. It doesn't really matter."


"But he texted his teammates. Imposibleng hindi ka tinext?" Naguguluhan niyang tanong.


Nagpakawala ako ng naiiritang paghinga. "Ervis, wala nga okay? Hindi siya nagpaalam sa akin. Huwag mo na ako kulitin. Iyon ang totoo."


Nag-walk out ako sa usapang 'yon. Bago matapos ang party ay nilapitan ulit ako ni Ervis at nag-sorry sa pangungulit na ginawa.


Pinagpasalamat ko na hindi na 'yon naulit pa dahil natakot akong bumigay. Kung pinilit ako ni Ervis na sabihin ang totoo ay baka nga nasabi ko. Buti na lang at tinodo ko ang pagpipigil.


Hindi nagchampion ang team. We're all devastated nang mag-tie ulit kami sa Finals at makuha muli ng Blitz ang kampeonato na tatatlo lang ang lamang. Masakit 'yon para sa buong team at hindi maiwasang makarinig ng komento mula sa mga kapwa namin mag-aaral. Naungkat muli ang pagkawala ni Ren.


"Kung nandito si Ren Delgado, baka natambakan natin 'yan."


"Shit! Ang laki talagang kawalan no'n! Sayang. Nakapagback-to-back sana tayo."


Kulang na lang ay takpan ko ang tainga ko para hindi sila patulan. Masakit sa parte ko na marinig 'yon mula sa kanila. Ginawa ng team ang lahat ng kanilang makakaya para maiangat muli ang university namin sa larangan ng basketball. Masakit sa tainga na makarinig ng mga gano'ng klaseng komento gayong nakinuod lang naman sila at wala silang naiambag sa team. Ininda rin 'yon ng mga players at tila namanhid na lang sila sa huli.


"Hindi kawalan si Ren. Huwag na hanapin ang taong wala naman talaga. Kayo maglaro." Parinig ko nang minsang hindi ko mapigilan ang sobrang frustration.


Natahimik ang mga nasa likod ko. Pairap akong umalis. Halo-halo ang nararamdaman kong emosyon. Hindi ko na alam kung ano ang nangingibabaw hanggang sa nakaramdam na lang ako ng sakit sa aking dibdib nang marating ko ang dug-out at nakita kong nakayuko lahat ng mga players.


Kinain ko rin ang mga sinabi ko kanina. Kawalan si Ren. Malaking kawalan. Ang sakit lang aminin.


Mabilis na naka-move on ang lahat pagtapos ng masakit na pagkatalo. Nakikisabay lang ako sa takbo ng pangyayari. Naging abala ako sa natitirang araw ng summer bago magsimula ang huling taon ko sa kolehiyo.


Minsan, hindi talaga maiwasang maisip siya. Hindi talaga nawawala yung sakit. Hindi man kasing tindi nung una ay nando'n pa rin. Bumabalik sa isipan ko yung huling pagkakataong nakita ko siya. Nung ipagtanggol niya ako sa galit nung babaeng nagngangalang 'Shai' na pinsan pala niya.


"She's here, Ren! Your girlfriend is here!"


Nang isigaw iyon ng babae ay tila pinanlamigan ako ng katawan at bumaba sa talampakan ang lahat ng dugo ko. Nanginig ang tuhod ko at tila mapapaupo ako sa lupa.


Sinabi na ni Ren na wala kaming ginagawang masama ngunit ba't ganito ang pakiramdam ko? Pakiramdam ko ay may mali. Mali ang lahat ng 'to. Mali ako. Pakiramdam ko ay may naagrabyado ako kahit hindi ko gusto.


Tila naman itinulos sa kinatatayuan si Ren habang pinagmamasdan ang babaeng kaharap na namumula sa galit. Kung kanina'y gustong-gusto ko lumaban, ngayon ay tila ako papanawan ng malay.


"Hindi mo alam, di ba? Ang galing mo kasing maghanap ng iba! Busy ka sa babaeng 'yan habang may isang tao na umaasa sa presensya mo!" 


Naiiyak na si Shai. Nagtaas baba ang kanyang dibdib at tinuro-turo niya kaming dalawa ni Ren.


"Bilib na bilib ako sayo, Ren. Bilib na bilib ako sa relasyong meron kayo ni Rhea. Pero ba't may ganito? Ba't ganito? Sino siya? Ano 'tong ginagawa mo? Niloloko mo si Rhea ng patago at iniisip mo bang hindi niya malalaman? Ang kapal mo naman!"


Umawang ang bibig ko sa sinabi niya. What? Napatingin ako kay Ren at nakatiim ang kanyang bagang. Pulang-pula ang mukha sa pagpipigil ng galit. Nakakuyom ang magkabilang kamao.


"Don't jump into conclusion! Hindi ko siya niloloko! Wala akong niloloko. Ilang beses ko bang sasabihin 'to sayo?"


"Then, ano?" Pagak na tumawa ang babae. "Nagpapakasarap ka rito gayong nagpapakahirap si Rhea sa-"


"Shit! You don't understand, Shai!" Tinuro ako ni Ren. "Wala siyang kasalan. She's just a friend. Magsorry ka sa kanya!"


"What?" Usal ng babae na nakapagpabalik sa inis na nararamdaman ko. Kinagat ko ang aking labi. "Over my dead body."


Nagpuyos ang kalooban ko at hindi ko mapigilang mapahakbang. Tiim bagang kong sinalubong ang nag-aapoy niyang tingin. "Then, I'll make your body dead."


Hinila ko ang dulo ng buhok niya at sinampal rin siya ng malakas. Rinig ko ang pagsinghap niya. Nahawakan niya na rin ang buhok ko nang pumagitna si Ren sa amin at pilit kaming pinaglalayo. Itinulak ako ni Ren sa likod habang yakap naman niya ang babae na umiyak na ng tuluyan. Tinabig ko patalikod ang buhok kong nagulo sa akmang pagsabunot sa akin ni Shai. Nanggagalaiti ako at gusto kong lagasin ang buhok niya.


"Tama na, Shai, please. Tama na." Pabulong ngunit mariing sambit ni Ren sa babae na umiiyak sa dibdib niya. Maya-maya ay tinulak siya nito at sinampal rin. Napahawak si Ren sa kanyang pisngi.


"Pinagtanggol mo siya pero hindi mo ako pinagtanggol sa kanya. Anong klase kang pinsan?" 


So, pinsan ni Ren ang babaeng 'to?


Tinuro niya ulit ako. Nagsalubong muli ang paningin namin ng babae. Tinumbasan ko ng galit ang emosyon sa kanyang mga mata. Hers was disgust and disappointment. 


"At 'yan ang pinalit mo kay Rhea? My God, Ren! My God! Don't make me hate you too much!" Sigaw nito bago kami tinalikuran.


Sinundan ko na lang siya ng tingin. Ang lakas na natira sa akin ay tila nilipad ng hangin nang lingunin ako ni Ren. Kitang-kita ko ang pagod sa kanyang mata. Nag-init ang akin at napapikit na lang. Tumulo ang maiinit na luha na naipon ro'n. Napailing ako. Hindi ako makapagsalita. Ang sakit na marinig 'yon sa taong hindi ko kilala.


"I don't know what to say." Mahina niyang sabi. "I never expected this to happen."


"Sino bang may gusto nito?" Umiwas ako ng tingin at pinunasan ang aking pisngi. "Ginusto mo ba 'to?"


Marahan siyang umiling. "Never."


"Ako rin, Ren. Ako rin." Napailing ako. "Alam mo lahat, di ba? We even had a deal. Didistansya na nga, eh. Hindi ko alam na may gano'n. Hindi ko alam na mangyayari 'to. God knows how much I tried to stop. Ren, I don't deserve to be slapped. Wala akong ginagawa. Hanggang kailan ako sisihin ng mga taong hindi ko kilala at hindi ako kilala? Tell me, ilan pa ba sila? Nang makapaghanda naman ako next time. Hindi yung ganito."


"I'm sorry. Walang gustong umintindi. Hindi ko alam kung ilang beses pa akong magpapaliwanag." Napahawak siya sa kanyang noo at tumingala. "I have to go."


Iyon ang huli naming pag-uusap at pagkikita. Ang bigat sa dibdib pag naaalala ko 'yon. Wala akong balita sa kanya. Deactivated ang account niya sa social media mula pa nung maaksidente siya at hindi niya na 'yon binalik.


Ang balita ko ay hindi na siya nakapag-take ng Finals. Hindi niya natapos ang huling sem ng third year. Ewan ko kung ano ang nangyari. Walang nakaalam kung nasaan na siya ngayon. Matapos niyang magtext sa mga teammates niya ay hindi na ma-kontak nila Marco ang numero ni Ren. Naisipan pa nga raw ng mga ito na puntahan si Ren sa bahay nito ngunit wala na raw ito ro'n. Ang sabi ng katulong ay maagang nagbakasyon. Nang tanungin ng mga ito kung saan ay hindi raw alam ng katulong.


Maraming tanong patungkol kay Ren. Ngunit sa lahat ng tao ay ako ata ang pinakamaraming naipon. Simula nang makilala ko siya hanggang sa umalis siya ay nanatiling hindi nasagot. Nadagdagan lang at lalong dumami.


Minsan iniisip ko kung ano ang nangyari sa kanila ni Rhea. Nagkaayos kaya sila? Sana. Sa tuwing naiisip ko kasing hindi ay kinakain ako ng konsensya.


Pwede pala talaga 'yon, 'no? Alam mong wala kang ginawang masama pero pag konektado ka sa problema ng isang tao, kahit wala ka namang kinalaman ro'n ay magiguilty ka pag may nangyaring hindi nararapat.


Pasukan na ulit. Ito ang huling taon ko sa kolehiyo. Umalis ako bilang assistant ng manager at nagpapalit na lang ng duty sa department namin. Dinahilan kong kailangan ko na magfocus sa pag-aaral at hindi na pwede ang mabigat na trabaho. Gusto kong magkaro'n ng maraming time sa sarili ko at sa mga dapat kong aralin. Ayoko na maranasan ang stress na naranasan ko last year.


"Nang-iiwan si Manager." Naiiling at nakasimangot na sambit ni Marco. Tinawanan ko lang siya.


"Sorry. Graduating, eh." Pagdadahilan ko.


"Sus. Gusto mo lang talaga kaming iwan." Sigaw ni Nathaniel.


Tinukso pa ako ng mga players na tila ba may hinanakit sa pakikipagpalit ko ng duty.


"Hay, wala talagang forever!" Sigaw ni Orly na nagpatawa sa amin.


Binato ko siya ng ballpen at nasapul siya sa braso. "Ang corny mo!"


Nalulungkot rin naman ako pero kung meron man akong na-realize sa mga nangyari sa akin, 'yon ay bitawan ang isang bagay na kahit gustong-gusto ko ay ito naman ang dahilan kung ba't nakalilimutan ko na ang sarili ko. I have to let go. Importante sa akin ang team pero paano ako makapagbibigay ng importansya sa iba kung hinuhuli ko ang sarili ko?


Naging maayos ang first semester para sa akin. May konting pressure dahil next sem ay practicum na. Nakakapagbonding na kasama si Celine. Nagrereklamo ang gaga dahil hirap na hirap daw siya sa internship niya.


"Ginusto mo 'yan, eh." Tinatawa-tawanan ko siya.


"Gusto ko nga kaya lang tuyo't na utak ko, girl." Reklamo niya. "Maiba ako. Nakapag-usap na ba kayo ng parents mo? May pumunta na naman ulit sa bahay. Kapatid mo raw. Hinihingi ang number mo."


Nagkibit balikat ako at hindi sinagot ang tanong ni Celine. May nagtext nga sa akin dalawang araw na ang nakalilipas.


09********* : George, Mama 'to. Kailan ang graduation mo, nak?


Hindi ko ni-replyan. Nakabibitter naman kasi. After four years? Gano'n ang bungad sa akin? Though, naaawa rin naman ako kay Mama pero parang tumigas ang puso ko sa kanila. Nabuhay ako sa loob ng apat na taon na walang suporta mula sa kinikilala kong pamilya. Kaya nga nagtataka ako kung parte pa rin ba ako ng pamilyang 'yon.


Hindi ko pa sila gustong harapin. Kung haharap man ako sa kanila, gusto ko ay nasa maayos na estado na ako at tapos na ako sa pag-aaral para wala na silang masasabi sa akin. Kahit papaano, nagawa ko mabuhay ng wala sila. Hindi na masakit pag itinakwil ako ulit.


Sumapit ang second semester. Mas naging busy na ako at mas isinubsob ang sarili sa practicum at research. Sa sobrang busy ko ay hindi ko na namalayan ang papalapit na graduation. Isang linggo na lang pala.


Huminga ako ng malalim. Ang summary ng isang taon ko mula nang mangyari 'yon ay masyadong mabilis at maikli dahil paulit-ulit lang ang nangyayari. Normal at ordinaryo. Gano'n pa man, mas gusto ko na ang ganito dahil pag normal ang takbo ng bawat araw ko, ang ibig sabihin no'n ay nasa tahimik ako. Walang masyadong problema. Malayo sa gulo.


"Manager." Mula sa pagkakasubsob ng ulo ko sa desk ng library ay napaangat ito. Nasa harap ko sina Marco at Trav na parehong nakangiti sa akin, si Kenedic na palinga-linga sa paligid at si Nathaniel na pupungas-pungas pa.


Kinusot ko ang aking mata. "Oh?"


"Ganyan ba pag-graduating? Patulog-tulog na lang? Eto rin si Nathaniel, kanina tulog. Hinila lang namin dito."


"Gago. Ang ibig sabihin no'n, puyat sa requirements." Sinubsob ni Nathaniel ang ulo niya sa desk.


"Gumagawa ka ng requirements? Ulol. Maniwala kami sayo." Patawa-tawang sabat ni Marco.


"Ulol ka rin, pre. Hindi ka kasi makakagraduate. May fifth year pa kayo tapos mukhang maeextend pa. Batugan ka kasi." Mukhang mainit ang ulo ni Nathaniel.


Pinagtawanan lang siya nung tatlo at pinalo-palo sa likod. Sinaway pa sila ng librarian dahil ang iingay. Inirapan ko naman sila. Mga istorbo.


"Ba't ba kasi nandito kayo?"


"Tatanungin ka lang namin kung anong balak mo sa graduation mo? Manlilibre ka ba?"


"Baka may panlibre." Napakamot ako sa aking ulo.


"Sama ka na lang sa party sa bahay." Humihikab na sabi ni Nathaniel. "Pagtapos ng graduation. May lakad ka ba no'n?"


"Wala. Hindi nga pupunta parents ko, eh." Nakapangalumbabang sagot ko.


Sabay-sabay na kumunot ang noo nila. Si Trav ang naglakas loob na magtanong. "Ba't naman?"


Nagkibit balikat na lang ako. "Independent."


Ginulo ni Nathaniel ang buhok ko. Pinalo ko naman ang kamay niya. "Kaya idol ka namin, eh."


Sumapit ang graduation. Ang bilis ng pangyayari. Bumalik sa isipan ko ang pinaghirapan ko sa loob ng apat na taon. Magtatapos na ako ngayon. Magaan sa pakiramdam pero may bahagyang lungkot. Wala naman akong ibang pag-aalayan ng pagtatapos ko sa kolehiyo kundi ang sarili ko. Achievement ko na 'to. At least, maipagmamalaki ko sa lahat na naitaguyod ko ang sarili ko ng mag-isa.


Sa party ni Nathaniel ay maraming tao. Sa sobrang dami ay mapagkakamalang open house-cum-bar ang pool area. Nagkakatuwaan ang lahat. Masaya ako nung una pero nang kalaunan ay inantok na ako at na-bore. Wala naman kasi akong kakilala rito kundi ang mga players.


May nagsigawang mga lalaki at akala ko ay may nag-aaway. Nagpalinga-linga ako sa pinanggalingan ng sigawan na ngayo'y may hiyawan at tawanan na. Anong meron?


"Anong nangyayari?" Tanong ng babae sa likod ko. Binalewala ko na lang at baka nagkakatuwaan lang ang mga kalalakihan. Kumuha ako ng nuts sa table at paisa-isang nginuya 'yon. Maya-maya ay magpapaalam na ako kina Nathaniel para umuwi.


Biglang may humila sa braso ko at napamura pa ako dahil nagsilaglagan ang mga nuts na hawak ko. Nakita kong si Orly 'yon. Binatukan ko siya.


"Ano ba naman 'yan, Orly? Ba't bigla-bigla kang nanghihila?"


Siniksik niya ako sa mga nagkukumpulang lalaking nagtatawanan. Nang malingunan ako ng mga players ay lumaki ang mga ngisi nila.


"Dito na pala si Manager."


"Ano ba 'yo-"


Nabitin sa ere ang sasabihin ko nang makita kung sino ang kausap nila. Umawang ang bibig ko. Napatulala ng matagal. Ngumiti ang kaharap ko. What the hell?


"We meet again, Manager." Nakangiti niyang bati.


Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayong nasa harap ko muli si Ren Delgado. Pagtapos ng isang taon. . .


Shit. Siya ba talaga 'to?


Mas pumusyaw ang kulay niya. Walang masyadong nagbago maliban sa kanyang balat. Nang huli kaming magkita ay clean cut ang buhok niya ngunit ngayon ay hinayaan niyang humaba 'yon. Medyo pumayat rin siya pero mas tumangkad.


Pabirong isinara ni Nathaniel ang bibig ko at do'n ako natauhan. Nagtawanan silang lahat. Pati si Ren.


Nagagawa niya pa rin akong tawanan kahit isang taon na ang nakalipas?


Close kami? Letse.


Hindi sya hiniwalayan ng mga players. Ako naman ay nakatulala sa isang tabi. Umalis sya ng walang pasabi pero ngayon ay susulpot na parang kabute. Matindi.


"Kausapin mo naman si Manager." Tinulak nila si Ren papunta sa akin. "Nagtampo ata 'yan kasi kami tinext mo pero sa kanya, hindi ka man lang nagpaalam." Natatawang sabi ni Marco.


"Hoy! Walang gano'n! Hayop ka, Marco!" Pinanlakihan ko siya ng mata. Nakangiti lang si Ren malapit sa akin ngunit ang ngiting 'yon ay hindi umabot sa kanyang mga mata.


Iniwan nila kaming dalawa. Pumailanglang ang napaka-awkward na aura. Napatikhim na lang ako. Sumandal si Ren sa pader. May hawak siyang beer-in-can. Hindi ko na maintindihan ang pagkabog ng dibdib ko. Pinagsalikop ko ang aking mga kamay. Ang tanging maririnig lang sa salas ay ang paghinga naming dalawa at ang malakas na tugtog na tumatagos mula sa pool area.


Nang umupo siya sa katabing upuan ay napayuko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hayop. Ba't ba ganito? Kakalbuhin ko talaga sila Marco mamaya.


"Congrats, Manager. Graduate ka na." Wika niya sa malalim na boses. Nagbago ang timbre. Mas naging panlalaki.


Napatikhim ako. "Congrats din."


Magka-year lang naman kaming dalawa kaya paniguradong naka-graduate na rin siya.


Kumunot ang noo niya. "Congrats saan?"


"Grumaduate ka na rin, di ba? 4 years lang din course mo."


Ngumiti siya pagtapos ay yumuko. "Nag-stop ako."


"Ha?"


Tumango-tango siya na parang kinukumbinsi akong maniwala. "Nag-stop ako nung umalis ako last year."


Napatulala ako sa kanya. Hindi makapaniwala. "Bakit?"


Nagkibit balikat siya. Sa ngiti niya ay bumabakas ang lungkot. Walang saya. Walang kabuhay-buhay. Anong nangyari sa kanya sa loob ng isang taon kung hindi siya nag-aral?


"Ang akala ko kasi may mapapala ako." Tumawa siya ng pagak. "Akala ko, may mas mahalaga pa ro'n kaya huminto ako pero wala akong napala."


Napaiwas ako ng tingin sa kanya. Kumakabog ng malakas ang dibdib ko sa kaba. Hinuhulaan ko kung ano ang nangyari.


"May. . .nangyari ba?"


Natahimik siya. Mas lalo akong kinabahan.


"Ano bang nangyari sayo? Nag-adik ka ba?" Patuya kong sabi para gumaan ang usapan.


"Sana nga nag-adik na lang. Baka may napala ako." Biro niya sabay lagok sa beer.


"May pinagdadaanan?" Hula ko.


"Napagdaanan. Past tense." Tugon niya habang nakatingin sa sahig.


"B-broken-hearted?"


Hindi na naman siya sumagot. Napahinga ako ng malalim. Mas tumindi ang kaba ko. Parang ayoko malaman ang sagot.


"No choice." Bulong niya. "I know my own faults but. . ." Napailing siya. "I don't deserve to be broken like this."


Napanganga ako. No way. . .


"Y-You. . ." Lumunok ako. "And Rhea broke up?"


Tumingin siya sa akin. Nang magtama ang aming paningin ay nakita ko ro'n ang pagod, sakit at iba pang emosyon na hindi ko matukoy. Hanggang sa magsalita siyang muli ay nakatulala lang ako sa kanya.


"She broke up with me."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top