CHAPTER 17 : WHITE LIE

#SAT9S




DEDICATED TO : GINA ROSE GATCHALIAN




CHAPTER 17 : WHITE LIE




Hanggang sa matapos silang mag-usap ay nanatili ako sa pintuan. Hindi ko na magawang lumabas. Titig na titig ako kay Ren. Naghahanap ng sagot sa kanyang mga mata. Ang mga emosyong nakita ko sa kanya kanina ay biglang naglaho. Hindi ko alam kung namalik-mata lang ako sa nakita ko o agad niyang naitago. Blanko na ang kanyang mga mata at hindi ko na naman siya mabasa.


Ibinaba niya ang kanyang phone. Binitiwan ko ang seradura at humarap sa kanya ng nakakunot ang noo. Humakbang akong muli papalapit at tiim bagang siyang tinignan.


"Ano bang balak mo?"


Tinignan niya lang ako ng walang nagbabago sa kanyang emosyon.


"Hindi mo sinabi sa girlfriend ang tunay na lagay mo? Nagsinungaling ka pa?" Hindi makapaniwalag sabi ko. Nawalan na ako ng pakialam kahit wala akong karapatan.


"Hindi mo na kaso 'yon." Flat niyang sabi.


Hindi ko alam kung ba't nanggigil ako. Gusto ko siyang sakalin. Huminga ako ng malalim para ma-extend ng konti ang pasensya ko.


"Alam ko. Ikaw rin naman, di ba? Nangingialam ka rin. Pinigilan ba kita?" Patuya akong tumawa. "Ang sabi mo sa akin, hindi ka tulad ng iba pero sa narinig ko kanina, wala naman palang pinagkaiba. Bilib na bilib pa naman ako sa relasyon niyo ng girlfriend mo pero nakadidisappoint kang boyfriend. Nagawa mong magsinungaling, eh wala na nga siya rito?"


"Sino ka ba para pagsabihan ako sa mga bagay na wala ka namang kinalaman?" Inaasahan ko na maiinis siya pero nanatiling blanko ang kanyang mukha. "Ayokong mag-alala siya-"


"Oh, cut the crap!" Tumawa muli ako. "Kahit sino pa ang nasa sitwasyon mo, natural na lang na mag-alala sayo. Girlfriend mo 'yon."


"Hindi mo maiintindihan." Pag-iwas niya ng tingin.


"Eh di ipaintindi mo!"


"Hindi ako sayo magpapaliwanag."


Halos mapasigaw na ako sa gigil sa kanya. "Akala ko ba logical ka mag-isip? Eh, ba't parang 'bobo moves' 'tong ginagawa mo?"


"Did you ever heard the word 'white lies?'"


"Kahit pa rainbow pa 'yan, lies pa rin 'yon! Nakakaawa naman ang girlfriend mo."


Pagtapos kong sabihin 'yon ay bumaling siya sa akin. Naningkit ang kanyang mata at halata ro'n ang galit. Hindi ako nagpatalo sa pinapakita niyang emosyon. Wala akong pakialam kung magalit siya basta maipamukha ko sa kanya ang mali niya.


"Tingin mo ba gusto ko 'tong nangyari sa akin? Tingin mo ba gusto kong mag-alala siya? Mas maganda pa nga ata na makita kitang umiiyak kaysa makarating sa kanya ang nangyari sa akin. Hinding-hindi mo 'yon maiintindihan dahil hindi ikaw ang babaeng mahal ko."


Sandali akong natigilan. May umatakeng sakit sa dibdib ko. Tila ito kinukurot ng pino. Pinilit kong huwag bumakas sa aking mukha ang sakit. Hindi ko gustong makita niya na nasaktan ako sa ginawa niya.


Nakita ko ang cellphone niya sa kama. Hinablot ko kaagad 'yon bago pa niya maisip ang gagawin ko. In-slide ko 'yon pero may password kaya natigilan na naman ako.


"Hay, ang epal mo naman." Napahawak siya sa kanyang ulo na tila sumakit 'yon. "Ba't ka ba nakikisawsaw? Nagsisimula na akong mainis sayo."


Tinapon ko sa kama niya ang cellphone. "Sorry, ha? Nakaiirita kasi yung mga narinig ko kanina."


"Di sana lumabas ka na lang." Pumikit siya at nagbuntong hininga. "Yes, I lie pero hindi 'yon para sayo kaya huwag kang apektado."


Namula ang mukha ko at napaawang ang aking bibig. "Nakaka-offend ka na talaga, ah! Alam ko naman 'yon, ba't kailangan mo pang ipagsigawan? Nakakainis ka! Ang sabihin mo, hindi mo maamin yung totoong rason kung ba't ayaw mong malaman niya ang pagkakaaksidente mo."


"Kung merong mang ibang rason, wala ka na ro'n at hindi mo na kailangang problemahin pa 'yon." Humiga siya sa kama at tumingin na lang sa kisame. "We're friends, George, pero hindi kita binigyan o ang sinuman ng karapatan para pakialaman ako."


Nang ipikit niya ang kanyang mata ay mas lalo akong nagngitngit. Tila ako sasabog sa pagkainis kay Ren. Padabog kong binuksan ang pinto at malakas na kumalabog 'yon nang isarado ko.


Sumakay ako ng elevator at sumandal ako sa pinakadulong bahagi. Tila nawalan ako ng lakas. Nagngingitngit ang kalooban ko. Alam ko ang punto niya pero hindi niya tinanggap ang punto ko. Nakaiinis rin ang pagsasalita niya tila ba pinapamukha pa niya sa aking wala akong pakialam.


Oo nga naman, George, ano ba ang pakialam mo? Concern ka? Kanino? Kay Ren? Kay Rhea? Sa relasyon nila? That's not your concern anymore! 


But I can't help it. Hindi ko kasi matanggap na ang tinitingala kong klase ng relasyon ay may butas rin pala. May flaws.


Napaupo ako sa waiting area dahil tila lumutang na naman ang pakiramdam ko. Hindi malaman kung saan nagmula ang sakit na kumakain sa sistema ko ngayon. Dahil ba sa mga sinabi ni Ren? Tama ang ilan sa mga 'yon pero hindi ba niya kayang sabihin 'yon sa ibang paraan? Kating-kati akong gumanti. Parang kahit murahin ko siya ng milyong beses ay hindi  'yon magiging sapat para sa akin.


May klase pa dapat akong papasukan pero nawalan na ako ng gana. Dumiretso ako ng dorm para maagang magpahinga. Ilang minuto na akong nakatulala sa dingding nang dumating si Liza.


"Oh? May problema ka na naman ba, George? Favorite ka talagang bigyan ng trials ni Lord." May halo pang-aasar na sabi niya. Hindi ko siya tinignan. Kinuha ko ang aking phone sa backpack ko at humilata sa kama. Nilingon ako ni Liza. "Oy, pansinin mo naman ako!"


"Mainit ang ulo ko. Huwag mo na painitin pang lalo." Matabang kong tugon. Umirap sa akin si Liza.


"Lagi naman, eh. Pwede na nga ata magprito dyan sa ulo dahil lagi kang galit." Sumalampak siya sa kanyang kama. "I-share mo kasi 'yang mga problema mo. Kaya lagi kang stress dahil mahilig kang magsarili."


"Ewan ko ba. Ugali ko na, eh." Wala sa loob kong sagot.


"Madali lang baguhin 'yan kung gusto mo."


"Eh, hindi ko gusto. Bakit ba?" Nabahiran ng inis ang aking tono.


"Na sayo talaga ang problema. Buti nga natatagalan pa kitang kausap, eh." Naiiling niyang sabi. Tinapunan ko siya ng masamang tingin. "O, tignan mo? Mag-a-ala super sayan ka na naman? Tss. Alam mo, George, hindi masama magbago lalo na kung for the better rin naman."


"Sapakin kaya kita dyan? Ba't pa ako magbabago? Para i-please ka? I don't need you."


Tinaasan ako ng kilay ng gaga. "I don't need you, too. Pero baka dumating talaga yung araw na wala ng lalapit sayo kasi ganyan ka. Kaya wala kang boyfriend, eh." Kinuha niya ang towel sa drawer at inirapan na naman ako. Aba, nasarapan! "Dyan ka na nga."


Napanganga na lang ako nang pumasok si Liza sa banyo. Ba't ang 'hard' sa akin ng mga tao ngayon? Ang sarap nilang sungalngalin sa semento.


Niyakap ko ang unan. Kunot noo kong tinignan ang screen ng cellphone ko. Hinahanap ko ang profile ni Ren. Balak ko kasing mag-wallpost ng mura para sa kanya. Nabwisit talaga ako sa mga pinagsasabi niya sa akin kanina.


Ngunit hindi ko na mahanap ang profile niya. Naka-deactivate siguro. O baka naman naka-block ako? Letse siya.


Hinagis ko na lang sa kung saan ang aking phone at sinikap na kumuha ng tulog kahit hindi pa ako inaantok.


Kinabukasan, maaga ang practice ng team. May bagong rotation na ginagamit si Coach Dren. Alam na 'yon ng mga dating players pero nangangapa ang mga baguhan. Nang matapos ang practice game ay disappointed ang iba sa naging resulta ng practice ngayong araw.


"Iba pa rin pag nandito si Ren." Naiiling na sabi ni Orly na sinang-ayunan ng mga teammates nito. Napabuntong hininga na lang ako.


"Maganda naman ang pinakita niyo ngayong araw. Nag-a-adjust pa naman tayo." Though, hindi pumapanig sa amin ang bilang ng araw dahil konting tulog na lang ay liga na. Naging busy ako at pinili kong magfocus sa mga dapat kong gawin ngunit may mga pagkakataon talagang sumasagi sa isip ko si Ren.


One time, sa kagustuhan kong mawala siya sa isip ko, wala akong ginawa kundi pumunta ng CR at bulungan ang sarili ko ng kung anu-ano.


"George, hindi siya importante, okay? Walang kwenta 'yon kaya huwag mo na isipin, hmm?" Tinampal-tampal ko ang aking pisngi at huminga ng malalim para ibalik ang confidence.


Tatlong araw bago ang opening ceremony, nabalitaan naming nakalabas na siya ng ospital. Narinig kong nag-uusap sina Marco, Nathaniel, Orly at Trav. Hindi ko na sana bibigyan ng pansin pero bigla akong tinawag ni Nathaniel.


"Manager!"


Kunot-noo akong lumingon sa direksyon nila. Apat silang nakaupo sa bench. Si Kenedic ay nakatayo sa tabi at nagpapaikot ng bola sa kanyang hintuturo.


"Dapat sumama ka sa amin kahapon. Nilabas namin si Ren. Foodtrip." Nakangising dagdag pa nito.


Napairap na lang ako. Ang tingin talaga sa akin ng mga walang hiya ay PG.


Sa araw ng opening ay nagulat ako nang madatnan si Ren na nakikipagtawanan sa mga players. Nagtipon-tipon kami sa PE department bago sumakay sa bus. Sasama kaya siya sa amin?


Mukhang okay naman na siya. Mabilis na naghilom ang mga sugat niya. Hindi na masyadong halata ang mga pilat niya sa mukha. Ang tanging bakas na lang ng pagkakaaksidente niya ay ang naka-cast niyang braso.


Nang mapatingin siya sa direksyon ko ay kinapa ko ang inis na naramdaman ko nung huli kaming nag-usap. Hindi ko na iyon mahagilap. Kusang nalusaw.


Nakarating kami sa arena. Tahimik lang ako sa likod. Bukas pa ang laban namin pero mahalagang kompleto ang lahat sa opening.


Hindi na ako sumama sa dug-out. Papunta na sana ako sa naka-assign seat na para sa akin nang makasalubong ko si Ren na may hawak na gatorade.


Hindi ko mapagpasyahan kung dededmahin ko ba o ano. Kung lalagpasan ko na lang siya para makaiwas o babarahin ko para makaganti man lang kahit papaano.


Nang ngumisi siya ay parang bigla akong nainis. Tinaasan ko siya ng kilay.


"Anong nginingisi-ngisi mo dyan?" Tinuktok niya sa ulo ko ang hawak niyang gatorade. Pinanlakihan ko siya ng mata. "Ano ba?"


"Gusto ko lang mag-sorry."


Napatulala ako sa kanya ng ilang segundo. Hindi makapaniwala. Bahagya pa akong natawa dahil naisip kong nantitrip na naman ang siraulong 'to. "Ha?"


"Hindi ko na uulitin." Nilagpasan niya ako. "Bye."


Pagtapos no'n ay tila lumutang na naman ang pakiramdam ko. Nagsimula at natapos ang opening ceremony na wala akong masyadong naintindihan. Hanggang sa makauwi kami sa kanya-kanya naming dorm ay nasa isipan ko pa rin ang 'sorry' niya.


Nagsorry siya. Walang dinugtong na dahilan. Hindi sinabi kung para saan. Hindi ko matukoy o sincere ba siya sa pagkakasabi no'n o trip na naman niya ako. Hirap na hirap naman akong basahin ang mga kilos niya. 


Nairaos namin ang unang laban. Nanalo kami na may tatlong lamang. Sumabay naman ang pagrereview ko sa nalalapit na exam pero gulong-gulo pa rin ang utak ko at tila hindi ko kayang pagsabayin ang lahat ng 'to.


Kaya napagpasyahan kong i-consider ang sinabi ni Liza na dapat kong ilabas 'to. Dapat kong pakawalan ang mga bumabagabag sa akin para hindi ako mawala sa focus.


Nakasalubong ko si Ren sa corridor. Pinagpasalamat kong mag-isa lang siya. Humarap ako sa kanya at bumwelo para sabihing gusto ko makipag-usap. Nakakunot naman ang kanyang kilay na parang nagtataka sa kinilos ko.


"Let's talk." Iyon lang tinalikuran ko siya. Hindi ko siya nilingon. Hindi ko nasiguro kung sinundan ba niya ako. Nang makita ko siya sa tabi ko ay nakahinga ako ng maluwag.


Umupo kami sa bakanteng bench. Una ay walang naglakas loob na magsalita. Nakatingin siya sa akin ng matiim. Ako naman ay nakatingin sa aking kamay. Maingay ang paligid ngunit tila walang nakapapansin sa aming dalawa. Kinagat ko ang aking labi bago nagsalita.


"Hindi ako mapakali. Gulong-gulo na naman ako. Kasalanan mo 'to." Hindi siya nagsalita ngunit nanatiling nakatitig sa akin. "Y-yung tungkol sa sorry mo-"


"Naghahanap ka ng dahilan para ro'n?" Ako naman ang natahimik. Humugot naman siya ng malalim na paghinga bago nagpaliwanag. "May mali ako at na-offend kita. Yun lang 'yon."


Tumango-tango ako. "Hindi ko alam kung ba't big deal sa akin. Ilang araw na ang lumipas pero naiisip ko pa rin kaya pinasya ko na kausapin ka."


"Parehas naman tayong may mali." Pumangalumbaba siya. "Kahit na sinong babae, hindi magugustuhan ang sinabi ko sayo pag sila ang nasa posisyon mo. Even Rhea. She'll get mad."


"Buti naman alam mo." Natawa ako. "Ang akala ko kasi hindi mo marirealize 'yon. Ang hangin mo kasi."


Ngumisi siya. "Sumisimple ka ng bawi, ah?"


"Halata ba?"


Ngumuso siya at pinaningkitan ako ng mata. "Pero ikaw, hindi ka nagsorry sa akin." Natigilan ako at muling napatitig sa kanyang mukha. "I won't demand for it pero sana next time, matutunan mo lumugar para hindi ka nasasaktan at hindi maiisip ng ibang tao na gawan o sabihan ka ng masama."


Parang may sumuntok sa aking dibdib at nasaktan ako sa sinabi niya. Mapait akong ngumisi. Oo nga pala, hindi ko ugali ang magsorry lalo na sa mga taong may atraso sa akin. Kahit ako pa ang mali, hindi ko 'yon sasambitin. Masyado ko atang iwinawagayway ang pride ko.


Ganito talaga pag ilang beses ng natapakan, itataas at itaas ko ang aking sarili para hindi na ako maagrabyadong muli. Ang disadvantage, ako ang nakakasakit. Sadya man o hindi sadya.


Nilapag niya ang bottled water sa bench at pilit 'yong binuksan gamit ang isang kamay. Inagaw ko 'yon sa kanya at binuksan. Nilapag ko ulit 'yon sa bench at tinulak sa kanya.


"Sabi mo magaling ka sa lahat ng bagay pero 'yang pagbukas lang ng bote, hindi mo kaya. Weak." Inasar ko siya para mawala ang awkward at madramang topic.


Ngumisi siya ng nakakaloko. "Hintayin mo lang gumaling ang balikat ko. Kahit magpasuntok ka pa sa akin."


Pinanlakihan ko siya ng mata. "Eh, kung ikaw ang suntukin ko?" Tinawanan niya ako. Inilingan ko na lang siya.


Naging okay kami pagtapos ng usapang 'yon. Naasar at napipikon niya ulit ako. Nakakanuod siya ng practice ng team. Minsan ay nagbibigay pa siya ng technique sa kapwa niya player. Ang hirap lang sa kanya ay may pagkamatigas rin ang ulo. Sa kagustuhan niyang makatulong sa team ay napupwersa ang balikat niya. Hindi niya pinapakita 'yon sa iba, maski sa akin. 


Pero isang araw ay nadatnan ko siyang humihinga ng malalim sa labas ng gymnasium habang nakahawak sa naka-cast niyang braso.


"Anong nangyari sayo?" Kahit alam ko na kung ano.


Umiling siya at umiwas ng tingin sa akin. "Na-stretch lang ang muscle."


"Hindi ma-i-stretch kung hindi matigas ang ulo mo." Tumabi ako sa kanya. "Patingin."


Tinaasan niya ako ng kilay. "Ayoko. Wala kang alam dito. Baka pilayan mo lang ako lalo."


Inirapan ko siya. "Kahit gustong gusto ko 'yang ideya mo, hindi ako pumapatol sa mga weak."


Tinanggal ko ang cast sa balikat niya. Nagprotesta pa siya. "Teka, teka! May alam ka ba dyan?" Napamura pa siya.


Hinilot-hilot ko ang braso niya at dahan-dahan kong inangat 'yon. Nakangiwi ang mukha niya. "Sabihin mo kung masakit."


"Masakit."


"Ang OA mo. Wala pa naman akong ginawa." Diniinan ko ang pagkakahawak sa bandang itaas ng braso niya. "Masakit?"


Hindi siya umimik. Nang mapansin kong relax na ang muscles niya, ibinalik ko ang cast. Kunot noo namang nakatitig sa akin si Ren.


"Ba't may alam ka ro'n? Kasama ba 'yon sa pinag-aaralan mo?"


Gusto ko sanang banggitin na PT ang dati kong course pero pinigilan ko na lang ang sarili ko. Hindi niya na kailangang malaman 'yon.


"Salamat." Usal niya. Iniwan ko siya ro'n ng walang pasabi.


Nangangamba na naman ako para sa aking sarili. Ngayong nagkaayos na naman kami, parang ang hirap na namang dumistansya. Dapat pala magkaaway na lang kami para may rasong huwag siyang pansinin.


Malapit na matapos ang sem at sa pagkakaalam ko, uuwi ang girlfriend niya rito. Saan kaya 'yon galing?


Hay, George, ayan ka na naman. Nangingialam ka na naman. Tama na.


Habang nalalapit ang Finals, hindi naiiwasang mag-usap muli kami ni Ren. Napapadalas. Magaan na ang atmosphere sa pagitan naming dalawa. Pag sumasakit ang braso niya, hindi niya ipapakita sa mga kapwa niya players pero pag ako ang nakapansin, hindi niya na nagagawang tumanggi.


"Samahan mo ako sa doktor." Sabi niya.


"Ba't ako pa? Ang dami mong yaya, ah? Wala ka bang friends? Ayaw mo bang malaman nila na weak ka?" Patuya kong sabi.


"Pumayag ka na. Daming satsat."


"Ayoko! Baka ma-issue ako!"


Pero napapayag niya rin ako. Ewan ko kung bakit sobra ang pamimilit niya. Sinamahan ko siya ngayong araw sa therapist niya at sinisermunan siya nito dahil hindi niya sinunod ang doktor.


"I told you. Hindi dapat pinipressure ang balikat mo. Ikaw rin. Imbis na magaling na in two months. Baka ma-extend pa." Sabi ng doktor.


Hindi siya nakapagsalita at tumingin. Pinanlakihan ko siya ng mata. Nanatili siyang tahimik hanggang sa niyaya niya ako kumain. Hindi ako tumanggi. Pagkain 'yon, eh. Pero siya, nahalata kong walang gana.


"Anong iniisip mo?" Tanong ko bago sumipsip sa coke.


"Nag-iisip kung kailan gagaling ang balikat ko." Sabi niya habang tinutusok-tusok ang karne sa plato. "Paano nga ba kung ma-extend?"


Inirapan ko siya. "Kung hindi matigas ang ulo mo, magaling na 'yan."


"Kailangan magaling na ako bago matapos ang sem." Wala sa loob niyang bulong.


Natigil ako sa pagkain. Na-realize ko ang rason kung ba't tila nag-aapura siyang gumaling. "Kasi darating ang girlfriend mo?"


Tinignan niya ako pabalik at ngumiti. "Ayoko lang mag-isip pa siya pagbalik niya."


Hindi na lang ako nagtanong kahit puno na naman ako ng curiosity. Hanggang ngayon, kahit masasabi kong close na kami, pinanindigan niyang huwag sabihin sa akin ang rason kung bakit wala rito si Rhea at ba't ayaw niyang ipaalam sa girlfriend niya ang lagay niya. Sarap kutusan.


"So, anong gagawin mo pag nadatnan ka niyang ganyan? Gagawa ng alibi? Mukhang magaling ka naman ro'n, eh."


"Masteral na ko ro'n." Natatawa niyang sabi.


"Ngayon, sino kaya ang hindi tatanggapin sa langit?"


Natahimik siya ng ilang minuto. Nang sumulyap ako sa kanya ay may lungkot sa kanyang mga mata. Agad naman akong nagtaka. Minsan ko lang mabasa ang emosyong pinapakita niya. Anong meron sa kanya't pati ata ako ay naaapektuhan.


"Nagdadrama ka?" Wala sa loob kong tanong.


"Nag-iisip lang. . ."


"Ng ano?"


"Tungkol sa mga bagay-bagay. Tungkol sa sarili ko." Ngumisi siya at bahagyang tumawa ngunit walang buhay 'yon. "Minsan lang ako maguluhan at pag nangyayari 'yon, ibig sabihin malala na talaga."


Ngumuso ako. "Hindi na lang ako magsasalita. Ayoko na magtanong." Ako na lang mismo ang umiwas para wala siyang masabi.


"I think. . .kailangan ko lumayo sayo." Nabitawan ko ang hawak kong kubyertos nang sabihin niya 'yon. "Iyon yung sasabihin ko sayo kaya sinama kita."


Napaiwas ako ng tingin. May napipipi ang kaloob-looban ko. Umiling-iling si Ren habang binitiwan ang pinakarason kung ba't kailangan niyang lumayo na nagpawindang sa akin ng sobra.


"Wala naman tayong ginagawa. Malapit lang tayong dalawa pero. . ." Pumikit ng mariin si Ren. "Pakiramdam ko niloloko ko si Rhea."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top