CHAPTER 13 : INVADE
#SAT9S
CHAPTER 13 : INVADE
Naka-indian sit ako sa bench at nilalaro ang sintas ng aking sapatos. Mainit ang sikat ng araw. Buti na lang at malalim ang naupuan ko. Natatakpan ito ng mga naglalakihang puno. Sa labas lang ito ng gymnasium at tanaw ko pa rito ang magkakaibang courts na ginagamit para sa ibang sports activity.
May iilan akong estudyante na natatanaw. Simula na ang summer class three weeks ago. Maraming nagsummer kaya parang regular na araw lang din rito sa university. Kung meron mang nakakapanibago sa parte ko, hindi na ako nagpupunta ng gymnasium. Wala akong nakikitang players. Maski ang mga staff ng basketball team. Lahat ng trabaho ko bilang SA ay nasa department muna. Nakabakasyon ang buong team at next month pa naman ang try-outs kaya may libreng oras ako.
Huminga ako ng malalim at pumikit. Pinag-iisipan ko kung hihilingin ko sa dean na ibalik ako sa department para do'n na lang magtrabaho at humanap na lang ang papalit sa akin bilang assitant ng Manager. Marami namang SA na pwede pumalit sa akin. Mas maganda siguro kung lalaki ang papalit sa akin.
Kung bakit ko ito iniisip ay hindi ko mapagtanto. Napailing na lang ako sabay hilamos sa aking mukha. Kailangan kong magfocus sa pag-aaral. Hindi ko 'yon magagawa kung sobrang distracted ako sa pagtutuon ng atensyon sa buong team. Inaamin kong may mga pagkakataong natatakot ako pumalya sa maintaining average ng mga SA at mapaalis ako. Pag nangyari 'yon, sa'n ako kukuha ng pang-tuition at allowance? Third year na ako at mas dapat kong pagbutihin. Kailangan kong magfocus pa lalo.
"Ano ba namang buhay 'to. . ." Usal ko. Napailing na lang ako.
Kinuha ko ang aking backpack. Tinignan ko ang aking wristwatch kung oras na ba para sa susunod kong klase. Mayro'n pa akong fifteen minutes.
Nag-summer na ako para kung sakaling hindi man matuloy ang pag-alis ko sa basketball team, may partida na ako sa ibang na-advance kong subjects.
Binabaybay ko ang Quad nang biglang may humawak sa braso ko. Gulat akong napalingon.
"Kristine." Napahinga ako ng malalim. "Nakakagulat ka naman."
"Hindi mo sinabing magsasummer ka." Nakangiti niyang sabi.
"Biglaang desisyon lang naman. Ikaw rin?" Napatingin ako sa kanyang suot. Naka-civilian siya at hindi naka-uniform. Walang suot na school ID.
Umiling siya. "May pinuntahan lang ako. Saan ang klase mo?"
Nginuso ko ang kalapit na building. "Third floor."
Naalala ko ang sinabi niya sa aking tsismis tungkol kay Rhea Marval. Mariing itinanggi ni Ren 'yon at sinabihan pa akong huwag na maniwala ulit.
"Uy, sige. Dito na ako." Bumitaw siya sa akin ngunit agad kong hinawakan ang braso niya. Muli siyang napatingin sa akin. Huminga ako ng malalim at inihanda ang aking sarili para tapatin siya.
"Kristine, yung tungkol sa sinabi mo kay Rhea Marval. Naaalala mo pa ba 'yon? Nung nasa terrace tayo nina Leo."
Kumunot ang kanyang noo at sandaling tumitig sa akin na tila inaalala ang eksaktong eksena. Nang maliwanagan ay napatango siya.
"Ahh, 'yon. Yung tsimis na nabuntis siya?"
Tumango ako. "'Yon nga."
"Bakit? Anong meron sa kanya? Na-confirm mo na ba?"
Hilaw na ngiti ang iginanti ko sa kanya. "Hindi totoo 'yon."
"Kanino mo nalaman?" Interesado niyang tanong.
"Hindi na importante. Kawawa naman kasi yung tao. Wala na nga rito, natsitsismis pa. Tsaka, sa tingin mo ba gano'n siya?"
Nagkibit-balikat si Kristine. "Hindi na kasi napigilan ang pagkalat ng balitang 'yon nung nawala siya but it's good to know that isn't true. Mabait naman 'yon si Rhea."
Bahagya akong natawa. "Gano'n naman talaga, eh. Pag hindi lang pumasok, nabuntis na agad? Karaniwan na 'yang mga tsismis na ganyan para sa mga babaeng biglang nawawala."
Natawa na lang din si Kristine at napailing. "Gano'n na nga. By the way, congrats nga pala sa team. Ang galing nila. Nag-champion ulit tayo sa wakas."
Naghiwalay na kami ni Kristine pagtapos no'n pero parang nagflashback sa akin ang lahat nang banggitin niya ang pagkaka-champion namin. Birthday ko pa nung araw na 'yon. Doble ang saya ko sa saya ng buong team. Bahagyang nabawasan nang mabasa ang text ni Ren.
Hanggang ngayon, hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Walang ideya sila Ervis kung saan. Basta ang alam nila ay may flight si Ren. Hindi ko nakumpirma kung papunta bang ibang bansa o rito lang sa Pilipinas. Nabagabag ako sa sinabi niyang emergency. May nangyari kayang masama sa girlfriend niya.
Alam kong wala dapat akong pakialam sa mga gano'ng bagay pero nakababaliw ang curiosity ko sa misteryosong relasyon ng dalawa. Nakasasakit ng ulo at umaabot pa sa puntong naiisip kong imaginary na lang ang Rhea at baliw lang talaga si Ren. Ang tindi, di ba?
Lumipas ang isang linggo at tila bagot na bagot ako pag naka-duty ako sa department namin. Nagbibilang ng kung ilan ang nagpetition per subject. Nakakaurat. Mas mahirap talaga ang trabaho bilang assistant ng team pero hindi ako inaantok ng ganito. Nakababagot rito sa department. Inaantok ako sa sobrang dali ng trabaho. Parang babagsak na ang ulo ko sa desk. Tinakip ko sa aking mukha ang mga papel at humikab.
Biglang may naglapag ng kape sa harap ko at umupo sa aking tabi. Inagaw niya sa akin ang mga papel at binasa 'yon.
"George, papapagalitan na naman tayo ng mga kapwa natin SA pag wala tayong natapos na trabaho. Puro ka hikab dyan." Puna ni Jasmine na siyang partner ko sa trabaho rito sa department.
Nagkaro'n kasi pag-shuffle sa mga SA dahil nadagdagan kami ngayon. Si Jasmine ay Management student pero dito siya na-assign sa department namin.
"Nakakaantok talaga." Kinuha ko ang kape niya at hinipan 'yon bago sinimsim. Tinignan niya ako at napailing.
"Akin 'yan."
"Bili ka na lang ulit."
Inilalad niya ang kanyang kamay. "Pengeng pambili."
"Wala kong pera rito. Libre mo na sa akin 'to."
"Mambuburaot ka na nga, kuripot ka pa." Sabi niya habang binabasa ang mga papel.
Hindi ko siya sinagot. Sa araw-araw ba namang pang-aasar ng mga players sa akin, parang normal na lang marinig sa ibang tao pag pinupuna nila ako na buraot at kuripot. I won't deny truth. Gipit ako, eh.
Ilang araw pa ang lumipas, nabuburyo na kami ni Jasmine sa department. Do'n ko napagtanto na kung ganito lang rin ang mangyayari sa akin pag nakipagpalit ako ng trabaho sa ibang SA, masmabuting huwag na umalis ng team.
Kaya naman ng bumalik sila Coach Dren at ilang players sa bakasyon ay may pumalit na sa akin sa department. Inaasar-asar ko pa si Jasmine.
"Hala ka. Mamamatay ka na sa kaboringan dito, Jasmine Matias." Sabi ko sa kanya habang tatawa-tawa.
"Ewan ko sayo, George. Kainis ka. Nang-iiwan ka." Paingos niyang sabi na mas lalong nagpatawa sa akin.
Wala pang practice ang team pero paniguradong magiging busy ako dahil nalalapit na ang try-outs. Ilang araw na lang ang nalalabi.
"I miss you, Manager!" Niyakap ako ni Marco. Halos hindi ako umabot ng balikat niya at naipit ang ilong ko. Pinagpapalo ko siya dahil naamoy ko ang matapang na amoy ng kanyang pabango at mahilo-hilo ako.
"Ang baho mo! Pinipi mo pa ilong ko. Bwisit!" Sigaw ko.
Ang alam ko ay galing siyang palawan. Sa likod niya ay sina Nathaniel at Trav. Si Nathaniel, pinuntahan ang Mama niya sa Singapore. Ito namang si Trav, nagpakasarap sa Maldives. Rich kid talaga ang mokong.
Iniladlad ko ang kamay ko at tinaasan sila ng kilay. "Pasalubong ko?"
Tinawanan lang ako ng tatlo. Iningusan ko sila. Habang nakatitig ako sa kanila ay parang hindi sila kompleto sa paningin ko. Napabuntong hininga ako. Parang ang laking kawalan talaga ni Leo at Ervis.
Nagsimula ang try-outs. Sunud-sunod na dumating ang mga players galing bakasyon. Dumadalaw-dalaw rin sina Ervis at Leo sa amin.
"Kumusta, Manager?" Bati sa akin ni Leo. Sasagot sana ako nang may umakbay na naman sa akin. Napairap ako dahil alam kong si Ervis 'yon.
"Grumaduate na't lahat, wala pa ring pinagbago. Gustong-gusto mo talaga na sinasampayan mo ako, 'no?"
Ngumisi lang sa akin si Ervis. "Kumpleto na ang team?"
Umiling ako at tumingin sa side court kung saan nagkukumpol-kumpol ang mga players.
"Sino na lang ang kulang?"
"Si Ren." Humalukipkip ako at tumawa naman si Ervis sabay tapik sa aking likod. Mabuti na lang at bumaling si Leo kina Coach.
"Ayos 'yon, ah? Ang haba ng bakasyon. Siya ang pinakaunang umalis tapos siya rin ang pinakahuling dumating."
Hindi na ako nagsalita. Sa pasukan pa naman ang training ng mga players kaya hindi kailangang apurahin ang pagbalik ni Ren. Baka nag-e-enjoy pa kasama ang girlfriend niya.
"Iniisip mo, 'no?"
"Wala akong iniisip." Tamad kong pagtanggi. Syempre, hindi ko 'yon aaminin kay Ervis. No way. Mang-aasar lang 'to.
"Talaga lang, ha?" Mapanukso niyang tugon. "I told you, huwag ka na umasa ro'n."
Binalingan ko siya at pinanlisikan ng mata. "Hindi. Ako. Umaasa. Sa. Kanya." Hiwa-hiwalay ang pagbigkas ko para maintindihan niya.
Nilinaw ko na sa sarili ko 'yon nung umalis siya. May parte talaga ng damdamin ko na parang attach sa kanya pero alam ko ang limitasyon ko. Napagtanto ko na hindi mapipigilan ang paghulog ng damdamin sa isang tao at kung meron man akong pinanghahawakan na hindi ako makasisira ng relasyon ay ang paninindigan ko na hindi ako gano'ng klaseng babae.
Hinahangaan ko lang siya dahil mukhang mahal na mahal niya ang girlfriend niya. That's what I really admire about. May priority at mukhang inilagay niya sa pedestal si Rhea Marval.
Hindi ako umaasang gagawin niya sa akin 'yon. Kung mayro'n man akong gustong mangyari, sana ay may natitirang lalaki pa sa mundo na tulad niya at hihilingin ko na mapunta sa akin ang lalaking 'yon para maranasan ko maging priority ng ibang tao.
Napangiti ako sa kawalan. Huwag na magpaka-ipokrita. Sinong babae ang ayaw makarao'n ng isang tulad ni Ren Delgado? Paulit-ulit kong itinatak sa isipan ko na hindi na kailangang umasa sa kanya. Hahayaan ko ang aking sarili na magustuhan siya pero never akong aasa.
Naranasan ko na 'yon kay Oliver at ayoko na ulitin pa.
Last two days of enrollment at isang linggo bago ang pasukan, naghiyawan ang mga players habang kausap ko si Coach Dren. Nang bumaling kami ni Coach ay nakita namin ang paglapit ni Ren sa mga teammates at nakipag-apir. Nagtatawanan ang mga ito at narinig ko pa ang pangangantyaw nila Marco.
Kung dati ay laging simple ang suot niya. Ngayon ay masyado siyang maporma. Naka-black polo shirt at grey pants. Ang medyo may kahabaan niyang buhok nung umalis siya ay clean cut na ngayon. Kitang-kita ang pagtuwa sa kanyang mukha. Walang bakas ng stress at mukhang na-satisfied talaga sa bakasyon niya.
"Unang umalis, huling dumating! Palakpakan 'to!" Sigaw ni Nath. Nagpalakpakan ang mga baliw na players at nag-bow pa kay Ren. Tumawa lang ang lalaki.
"Saang lupalop ka ba ng mundo pumunta? Grabe ka naman, pre. In-indian mo kami nung victory party." Sabi naman ni Orly.
"Hindi matiis ang girlfriend. Nagpakasarap ka ba, pre?" Sabat ni Marco.
Nagtawanan silang lahat at tinukso si Ren. Ngiting aso lang ang iginanti nito. Nang bumaling siya sa amin ni Coach Dren. Napaiwas agad ako ng tingin. Tila naging weirdo na naman ang pakiramdam ko. Huminga ako ng malalim at hinarap si Coach.
"Coach, una na po ako." Pagpapaalam ko.
Bago pa makatango sa akin si Coach ay nasa tabi na naman si Ren.
"Hi, Coach." Bati nito kay Coach Dren. Ngumiti si Coach Dren at tinapik ang balikat ni Ren.
"Ang tagal mong nawala, ah. How's your vacation?"
"Ayos naman po." Sagot nito sabay baling sa akin. "Nice to see you again, Manager."
Hindi ko mapigilang mapaingos. "Ewan ko sayo. Nang-i-indian ka pala."
Natama silang dalawa ni Coach Dren. "Sorry na."
Napailing ako. Nagpaalam ulit akong muli kay Coach Dren at umalis na. Nang makalabas ako ng gymnasium ay sumandal ako sa pader at pinunasan ang namamawis kong noo. Bumuntong hininga ako. Parang bigla akong nablanko. Ilang minuto akong nanatili ro'n para bawiin ang aking huwisyo.
May epekto talaga. Napailing ako at inumpog ang aking ulo sa pader. Pumikit ako. George, ba't ba laging magkahiwalay ang isip at damdamin mo? Taliwas sa nangyayari ang gusto mong mangyari.
Ngayon, kasalanan ko pa ba?
"Manager."
"Ay, manager!" Napadilat ako kasabay ng aking pag-igtad. Nakita ko na lang si Ren na nasa harap ko at nakapamulsa. Bahagyang nakangiti sa akin.
"Sorry kung nagulat kita."
"Talagang nagulat mo ako! Kainis ka!" Napahawak ako sa aking dibdib. Mukhang magkakasakit pa ako sa puso. Letse. Nililito na nga ang damdamin ko, mukhang gusto pa akong patayin ng walang hiya.
"Sorry na nga." Ngumiti siya ng masmalawak sa ngiti niya kanina. Patamad ko siyang tinignan. "Iimbitahan lang kita para mamaya."
"What for?"
"Wala lang. Sa bahay. Kasama ang mga players tsaka yung mga bagong pasok sa try-out."
"Wow naman. Hindi mo pa nga ata nakikilala yung mga 'yon tapos isasama mo agad. Ayos ka talaga."
"That's going to be my chance to know them. Sumama ka, ah? Tinext ko rin sina Ervis at Leo. Sasama raw sila."
"Tss. All-boys." Pabulong kong asik sa kanya. Bahagya siyang tumawa. Inalis niya ang kanyang kamay sa pagkakasuksok sa bulsa ng kanyang pantalon at humalukipkip.
"Galit ba sa akin? Ang sungit mo, eh."
Pinanlakihan ko siya ng mata. "Ba't ako magagalit? Masungit lang, galit na? Saka, lagi naman akong masungit. Hindi ka pa nasanay."
"Ang tagal kong nawala, eh. Ang akala ko babait ka na."
"Mukha masama sa paningin mo-" Natigil ako sa pagsasalita ng guluhin niya ang buhok ko. Nang huminto siya ay naaasar tinaas ko ang buhok ko at akmang sisigawan siya. "Hoy! Anak ka ng-"
Pero likod na lang niya ang naabutan ko. "Hintayin ka namin mamaya. Gagamitin raw yung van nila Kenedic at kotse ni Trav. See you, Manager."
Napatulala na lang ako hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Tiim bagang akong naglakad patungong department. Gusto ko sumigaw dahil pakiramdam ko ay mapupuno na naman ako ng frustrations ko.
Naiinis ako dahil akala ko ay napanindigan kong ayaw ko na sa mga lalaki simula nung ginawa sa akin ni Oliver pero alam kong hindi maiiwasan dahil ito yung klase ng trabahong pinili ko para sa sarili ko. I love basketball pero ito pa ata ang maglalagay sa akin sa alanganing sitwasyon.
Na-handle ko naman ang damdamin ko nung wala pa siya. Kung tutuusin, malaki ang possibility na mahulog ako sa isa sa mga players pero hindi nangyari 'yon. Not until he came.
Hindi talaga ako umaasa pero ba't kasi sa lahat ng players ay siya pa? Pwede namang kay Trav na kasing misteryoso niya. Pwedeng kay Ervis dahil ito ang naging pinaka-close ko sa lahat. Pero si Ren. . .
Mapapamura na lang talaga ako. Ba't ako nahuhulog sa mga taong may girlfriend na? Ayokong gawin kay Ren ang pagpapakatangang ginawa ko kay Oliver.
Ang sarap murahin ni Kupido. Sana naman ay i-straight niya ang baluktot niyang pana para ndmdn tumama sa tamang tao at ma-in love ako sa taong masasabi kong para sa akin talaga. Nakakadalawa na siya.
Sinundo ako nina Ervis sa dorm. Napairap ako ng makita na van ni Kenedic ang sasakyan namin. Naalala ko tuloy yung nangyari nung birthday ni Ervis.
"Di ba dapat masaya ka na kasi nandito na siya? Ba't nakabusangot ka pa rin?" Natatawang tanong ni Ervis bago sumakay ng sasakyan. Kinurot ko ng pino ang braso niya at napahiyaw siya sa sakit.
"Manahimik ka na, ha! Naiirita ako kanina pa! Huwag mo na dagdagan!" Pinanlakihan ko siya ng mata bago padabog na binuksan ang pinto ng kotse. Sumigaw si Kenedic na nasa harapan.
"Hoy, hinay naman! Kotse mo ba 'to?" Sigaw niya sa akin.
Muntik pa kaming mag-away pero umawat na agad si Kenedic at Nathaniel na nasa harapan.
"Talaga naman. Wala bang pagkakataon na mag-uusap kayo at hindi kayo magbabangayan?" Walang ganang tanong ni Ervis.
"'Yan kasing-" Tinakpan ni Ervis ang bibig ko at hindi na niya 'yon binitawan hanggang sa marating namin ang bahay ni Ren.
Pagdating namin ro'n ay nagsi-set up na sila ng table sa garden. Nag-iihaw sina Marco ng barbeque. May binubuhat namang case ng beer sina Orly. Natanaw ko si Ren na nag-uutos sa kanilang katulong.
"Ren, pare!" Tawag ni Nath sa kanya at agad itong lumingon.
Umiwas ako ng tingin at ngumuso. Tumitig ako ro'n sa barbeque na iniihaw ni Marco.
"Manager, kararating mo lang pero pagkain agad ang tinitignan mo." Narinig kong komento ni Ren habang papalapit siya.
Hindi ko mapigilang mapatingin sa kanya. Nakangisi siya ng nakakaloko. Nagpalusot na lamang ako dahil ayoko makipagtitigan sa kanya.
"Nagugutom na ako."
Tinungo ko ang mga lutong barbeque at kumuha ng dalawang stick ro'n. Nagreklamo pa si Marco at inambaang tutusukin siya ng stick pag hindi niya ako binigyan. May narinig pa akong tumawa sa likuran ko.
Nagpakabusog ako nung gabing 'yon habang ang mga lalaki ay maiingay sa labas at nag-iinuman. Inaasikaso naman ako nung isang katulong nila Ren at kung anu-ano ang binibigay sa akin sa kusina. Sasabog na ata ang sikmura ko pero gusto ko pa.
"Pwede pala ang babae sa team ninyo?" Sabi ni Manang Luz.
"Hindi naman po ako official na kasama sa team. Assistant po ako nung Manager nila."
"Gano'n ba? Narinig ko kasi silang Manager ang tawag sayo. Akala ko tuloy ay Manager ka na talaga, eh kabata-bata mo pa." Natatawang sabi nito.
Sumabay sa kanyang pagtawa ng medyo alanganin. "Hindi po. Assistant lang po ako."
"Pero marunong ka rin magbasketball?"
Tumango ako habang nginunguya ang lasagna roll.
"Parehas pala kayo nung girlfriend nung alaga ko."
Natigilan ako sa pagnguya at tinitigan si Manang Luz. For the nth time, may narinig na naman ako tungkol kay Rhea Marval galing sa ibang tao. Ang mas ikinagulat ko pa ay ang nalaman ko.
"Marunong din po magbasketball ang girlfriend ni Ren."
Proud na tumango ang katulong at parang lumubog ako sa kinauupuan ko. Hindi makapaniwala. Mukha siyang mahinhin.
"Magaling ang batang 'yon. Nung nandito pa siya dati, si Ren pa ang kalaban. Magkababata kasi ang dalawang 'yon. Mahal na mahal ng alaga ko."
Magkababata? Tapos ngayon ay magsyota na? Ano nga ulit ang tawag do'n? Childhood sweethearts?
"Sayang nga lang at hindi na sila magkasama ngayon." Nanghihinayang na dagdag pa nito. Nasa gano'ng pag-uusap kami nang pumasok si Ren.
"Ya, padala naman po ng tubig sa labas. Kukuha po akong ice."
Tumango si Manang Luz at kumuha ng pitsel sa ref. Mabilis itong lumabas. Pagtapos ay si Ren naman ang tumungo ng ref para kumuha ng cube ice. Nagpatuloy naman ako sa pagkain.
"Mukhang nagkukwentuhan kayo ni Yaya."
"Oo. Ikaw pa nga ang topic namin." Balewala kong sagot at hindi siya tinitignan.
Sinara niya ang ref at tumingin sa akin.
"George. . ."
Natigilan ako sa pagsubo at lumingon sa kanya.
"I don't want to invade your feelings but I've been thinking about this since I left. . ." Kumunot ang kanyang noo. "May gusto ka ba sa akin?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top