Vicissitude
SIMPLE LANG naman ang kwento ng buhay ko.
Nagsimula ako sa wala at hinubog mula sa imahinasyon ng ating tagalikha. Biniyayaan niya ako ng dalisay na kaluluwa at malusog na pangangatawan. Pinamahagian niya rin ako ng iba't-ibang kulay kung saan lahat sila ay pwede at malaya kong maramdaman.
Pagmulat ng aking mga mata sa mundo kung saan marami ang naghihintay sa akin, ako'y lumuha at umiyak. Tanong ko pa sa sarili ko noon, "Bakit ako nandito?"
Sa araw-araw na naka-kasama ko ang mga tao sa paligid ko ay unti-unti ko silang nakilala. Isa raw akong biyaya mula sa aming tagalikha na ipinagkaloob sa dalawang mananampalataya. Mula sa kulay ng kanilang mga mata, makikita ang ningning ng mga bituin sa alapaap kasama ng mga dyamante kung saan nila ito minina sa kadiliman ng kanilang mga buhay.
Mula nang tumatak sa kaluluwa ko ang papel na meron ako sa buhay nila, isa lang ang naging hangarin ko noong ako'y musmos pa lamang. Ang pamilya na meron ako ay hinding-hindi mawawalan ng kasiyahan, pagkakaisa at pag-asa.
Ang layunin ko sa buhay na ito ay bigyang kaalwanan, hamon at aral ang mga taong nais mahandugan ng simpleng regalo na madalas na gumuguhit sa kanilang mga labi. Walang oras akong inaksaya at sa tagal ng panahon ay pinagbutihan ko ang misyon na meron ako sa kanilang mga buhay. Dasal ko sa aming taga-likha na sana ay walang magbago.
Tumuntong ako sa wastong gulang kung saan inosente pa ako sa kulay ng mundo. Sa bilis ng panahon, masasabi kong mainipin ang oras kung saan palagi itong nagbabago. Araw, buwan, at ilang taon pa ang lumipas; hindi ko mawari kung bakit ang layunin ko ay unti-unti ng nauupos na apoy sa natutunaw na kandila.
Bakit kailangan kong ipaalala sa kanila ang papel ko sa kanilang buhay?
Bakit dumating kami sa punto kung saan kailangan ko pa humingi ng isang minuto para ako'y kanilang pagmasdan?
Bakit dumating ang araw kung saan pati ang kaarawan ko ay madali nilang nakalimutan?
Hindi ako magsasawang ipagmalaki, irespeto at mahalin sila ng walang pasubali. Maaaring hindi sila perpekto, ngunit sa kanlungan nila ako lumaki.
Nang dumating ang unos, bakit sila napagod?
Pareho nila akong binitawan at iniwan akong durog.
Masyado ba akong makasarili para panghawakan ko ang basag na salamin na inaasahan kong bubuo sa akin? Ano ang dapat kong gawin para muling buuin ang ngiti sa aking labi?
Sa buhay kung saan pinabayaan ko silang baliktarin at paikutin ang mundo ko, ngayon kung kailan ako'y nagkakandaliko-liko bakit parang kasalanan ko pa kung bakit ako nagbago?
Sa tuwing haharap ako sa salamin, hindi ko na makilala ang sarili ko. Madalas akong lumuluha hanggang sa mga mata ko'y natuyo, "Anong nangyari sa iyo?" lagi kong tanong, "Masaya ka pa ba?" miski ang mukha sa salamin ay pumikit sa realidad na meron siya.
Ang sabi nila, 'mahal nila ako,' pero hindi ko naman akalain na ito ay may hangganan.
Sana ay pwede kong paikutin, baliktarin at iliko ang oras. Nang sa gayon ay maiwasan kong maligaw ng landas.
Sana'y mas maaga kong natutunang kilalanin ang sarili ko. Bakit huli na ang napagtanto ko ang tunay na halaga ko sa mundong ito?
Habang abala akong pasayahin ang buhay ng iba, bakit nakalimutan ko ang karapatan kong maging masaya?
Regalo ako ng ating tagalikha sa tahanan kung saan ako hinubog ng panahon. Ngunit kaaya-aya bang maging regalo ko sa Kanya ang katauhan ko ngayon, na nalunod sa samu't-saring pintura kung saan hindi ko na mailarawan ng maayos ang sarili ko sa tuwing kaharap Siya?
Sa nag-iisang buhay na meron ako, ano ang pwede kong ihandog para sabihin na karapat-dapat ako sa pangalawang pagkakataon?
Sa buhay na wala akong kontrol, sinuko ko sa Kanya ang lahat ng meron ako.
Muli ay nagsimula ako sa wala, pero sa pagkakataon na ito ay hawak-hawak ko ang sarili kong pintura. Mula sa wala ay bubuo ako ng sarili kong obra.
Pagpapatawad, pagtanggap at pagmamahal ang pangunahing kulay ng aking ipininta.
Mula sa limamput-apat na na parisukat na bumubuo sa kabuuan ng isang bloke, nakabuo ako ng isang bagay na magsisilbing bagong simbolo ng hamon, pagbabago at pangalawang pagkakataon.
Ito ang simple kong buhay na minsan ay nagiging komplikado sa mata ng ibang tao. Ngunit kung mapagbibigyan na ako'y maging bahagi ng inyong buhay, asahan ninyong pagkakalooban ko kayo ng kasiyahan, hamon at aral na pwede ninyong ihalintulad at maging inspirasyon para makulayan ninyo ang sarili ninyong buhay.
Katulad ko, maaaring hindi mo rin kontrolado ang takbo ng iyong buhay. Sa mundong mabilis magbago, sa isang kisapmata ay pwede kang maligaw ng landas katulad ko.
Ngunit hangga't alam mo kung nasaan ang puso at kaluluwa mo, kahit saan ka man dalhin ng mga paa mo alam mo ang daan pabalik sa iyong pinanggalingan.
Isa lamang akong laruan na nagbibigay aliw, hamon at aral sa iba.
Makikita ninyo ang kabuuan ng aking imahe mula sa isang kahon. Malaya ninyo itong paikutin, baliktarin at iliko ang ilang bahagi ng katawan nito sa iyong nais.
Huwag ninyo sana ito agad sukuan kung mahirapan man kayong unawain ang munting bloke na hawak ninyo sa inyong mga kamay. Oras ang puhunan at pang-unawa ang inyong sandata. Babalik rin ang lahat sa simula, kayo'y magtiwala lamang.
Maraming salamat kahit pa isa lamang akong retaso na dumaan sa buhay ninyo.
Maraming salamat sa pagkakataon na naging parte kayo ng buhay ko.
Maraming salamat dahil sa likod ng mga pagkakataon na ako'y umikot, bumaliktad at lumiko, babalik at babalik pa rin ako sa simula na magsisilbing pangalawang pagkakataon at panibagong kabanata ng buhay ko.
Isa kang regalo sa mundong ito at kahit pa ika'y magbago hinding hindi iyon magbabago.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top