Tiara's Lost Crown
Lumaki ang batang si Tiara sa isang masaya at buong pamilya. Lahat ng hilingin niya sa kanyang mga magulang ay kanyang nakukuha.
Isang prinsesa ang turing sa kanya at wala na siyang mahihiling pang iba. Ngunit sa likod ng akala niyang perpektong pamilya, isang katotohanan ang tinatago tago sa kanya ng kanyang mga magulang na siyang dahilan kung bakit tuluyan nang nasira ang koronang akala niya'y handog sa kanya ng pinakamamahal niyang ama at ina.
Paano maibabalik ang koronang isinangla ng munting prinsesa para sa kahilingan na sana'y panaginip lang ang lahat?
Ano nga ba ang koronang pwedeng bumuo sa pagkatao ng isang tao?
•───────•°•❀•°•───────•
Isang alaala na mula sa simpleng larawan ang binabalikan ng isang binibini na gawa ng kanyang estudyante para sa kanya.
Halos pareho nito ang mga larawang iginuhit niya noong siya ay bata pa.
Noong naniniwala pa siya sa mga fairytales na binabasa at pinapanood niya.
Noong naniniwala pa niya si Santa Claus na bumibisita sa kanilang bahay tuwing hatinggabi ng pasko.
Noong naniniwala pa siya na ang tooth fairy na kumukuha ng ngipin niya sa tuwing nabubungi siya at pinapalitan ito ng barya para ito ay ilagay niya sa kanyang piggy bank.
At ang paniniwalang kapag ikaw ay mabuting bata, anuman ang hilingin mo sa kumukutitap na bituin sa langit ay matutupad.
Simple lang ang buhay noong kabataan niya. Masaya na siya sa maliit na bahay na tinitirhan nila noon kasama ng pamilya niya na buong puso niyang pinapahalagahan, kahit pa minsan ay napapagalitan at napapalo siya ng kanyang ina dahil sa katigasan ng ulo niya. Ngunit salamat sa kanyang ama, kahit papaano ay nababalanse nito ang pagdidisiplina sa anak kahit pa nasasabihan ito ng kanyang asawa na baka lumaking suwail ang kanyang anak sa minsang pagkunsinti nito sa kanya.
Prinsesa. Iyon ang buhay ng batang babae sa piling ng kanyang mga magulang. Iyon ang buhay na kanyang natatamasa. Lahat ng damit, sapatos, laruan ay nakukuha niya bago pa niya ito hingiin sa kanyang mga magulang.
Mahal na mahal niya ang kanyang mga magulang at punong-puno ng inspirasyon ang kanyang buhay para mas pagbutihan pa sa eskwela para sila'y kanyang mapangiti sa paraang alam niya. Mahilig siyang gumawa ng iba't-ibang klase ng larawan base sa mga nakikita niya sa kanyang kapaligiran, sa isang kumpas lang ng kanyang lapis, marami na ang mabubuo niyang hugis sa loob ng puting papel na kinalaunan ay unti-unti ng magkakaroon ng kulay.
Mula sa langit, ulap, araw, bundok, sapa, bukirin, bahay, sa mga alagang hayop hanggang sa simpleng tao na namumuhay doon na hugis parihaba, tatsulok, bilog at iba pa.
Kakaiba talaga mag-isip ang mga bata.
Napaka-creative nila.
Para sa kanila maganda na ang ganitong larawan. Isa na itong obra sa mga mata niya kasama ng pangkulay nito gamit ng krayola, pastel at watercolor. Makalat ang proseso ng pagguhit, madumi at oras ang nilalaman nito para makita ang kabuuan ng isang larawan sa sa buong potensyal nito. Para sa anim na taong gulang, ang isang oras ay sapat na para maibigay nito sa natatanging lalaki na tinitingala niya bago ito umalis sa trabaho.
Ngunit hindi tulad ng nakasanayan, ang larawang binigay niya sa kanyang ama ay mula sa kanyang panaginip na hindi niya maipaliwanag. Siguro ay mula na naman ito sa mga cartoons na napapanood niya, ano pa nga ba ang masasabi ng kanyang ama sa kanya kundi, "Magaling anak. Salamat."
Inutusan ng ina ang bata na magpalit na ng damit na inihanda ng kanyang ina sa kwarto ng kanyang anak at dali-daling sinunod ng batang babae ang kanyang ina bago pa ito mapagalitan. Natawa ang ama sa inasal ng anak dahil makikitang takot na takot ang batang mapagalitan ng kanyang ina. Muli niyang tiningnan ang larawan na iginuhit ng anak para sa kanya.
Isang eroplano na halos lahat ng tao ay naka-parachute, hindi mawari ng lalaki kung sila ba ay nag sa-skydiving or may diperensya sa eroplano kaya lahat ng tao ay naka-parachute. May nakalagay na pangalan sa ilang tauhan na halatang kilala ng lalaki. Ang asawa niya, ang anak niya at siya. Ang mag-ina niya ay nakasabit sa makulay na parachute, samantalang siya ay walang parachute pero siya ay hawak-hawak ng kanyang pamilya. Sa totoong buhay, imposible namang makayanan siyang buhatin ng mag-ina niya.
Hindi niya maintindihan ang larawan bagkus ay nagkaroon siya ng pag-aalinlangan sa larawan at iniisip kung ito ba ay premonisyon ng bata o kung anuman. Ipinakita niya ito sa kanyang asawa at tinanong kung ano ang pagkakaunawa ng asawa nito sa iginuhit ng anak nila para sa kanya sa araw ng pag-alis niya.
Malamya siyang nginitian ng kanyang asawa at mula sa mata ng isang ina isa lamang ang ibig sabihin ng larawang iginuhit ng kanilang anak para sa kanyang ama, "May parachute kami kasi kami lang ang hindi nakakalipad. Para sa anak mo, ikaw ay superhero niya. Parang kang si Peter Pan. Dahil lagi ka nga naming inihahatid sa airport kung saan sumasakay ka sa eroplano. Mataas ang expectations sa iyo ng anak mo dahil lagi kong sinasabi sa kanya na kaya ka umaalis ay dahil gusto mo siyang mabigyan ng magandang buhay. Na ayaw mo siyang maghirap tulad ng naranasan natin noong mga bata pa tayo at noong mga panahong tayo pa ang sinasandalan ng kani-kanyang pamilya natin." bahagyang umiwas ng tingin ang babae sa kanyang asawa at mapait na ngumiti, "Ikaw ang kauna-unahang lalaking minamahal ng anak mo na alam ko na minsan mo nang hiniling na huwag pa sana siyang lumaki, pero mabilis lang ang panahon at hindi natin hawak ang oras para pigilan lumaki ang anak natin."
Niyakap ng katahimikan ang mag-asawa hanggang sa sinalubong sila ng batang babae na may ngiti sa kanyang labi at sinabing, "Family Day is my favorite day!"
Inayos ng ina ang kanyang sarili para ayusan ng buhok ang kanyang anak samantalang ang ama na tinitingala ng kanyang anak ay palihim na iitinago ang larawang iginuhit sa kanya ng kanyang anak sa itaas ng makulay na cabinet ng bata kung saan hindi niya ito maaabot.
Sa mata ng bata, tila naging fairytale ang araw na ito dahil kasama niya ang kanyang pamilya na kumain sa labas, maglaro at sumakay ng iba't-ibang rides. Tulad ng nakasanayan ay lahat ng hingiin niya sa kanyang mga magulang ay nakukuha niya lalo na ngayon ay magiging Ate na siya dahil sa hiniling niya sa mga magulang niya na magkaroon ng kapatid dahil sa natutuwa siyang makita yung mga classmates niya sa school na kalaro ang kani-kanilang mga kapatid. Ang iba naman ay ma kani-kanilang ate at kuya kung saan nakikita ng bata kung paano protektahan ng mas nakakatanda ang kanyang nakababatang kapatid.
Wala nang mahihiling pa ang batang sabik na makita ang kanyang kapatid pagkaraan ng ilang buwan dahil hindi pala madaling gumawa ng bata na akala niya ay binibili lang ang mga ito sa mall tulad ng mga laruang binibili sa kanya ng kanyang mga magulang.
Kulang ang isang araw para sa bata na hinihiling niya na sana ay hindi na umalis ang kanyang ama, pero kailangan dahil sa trabaho nito. Mahigpit na yakap ang ibinigay ng bata sa kanyang ama bago ito tuluyang tumalikod at pumasok na sa loob ng airport.
Bihira makita ng bata ang ama niya na umiyak sa harapan niya sa tuwing aalis ito para magtrabaho; ngunit sa pagkakataong ito, hindi alam ng bata kung bakit hindi niya nakitang lumuha ang ama niya. Baka dahil sinusubukan lang ng ama niya na magpakatatag sa harapan ng mag-ina niya. Dati ay hinahalikan ng ama niya ang ina niya sa labi, ngayon ay sa pisngi na lang. Miski ang ina niya ay hindi niya nakitang lumuha ngayon at paalis na ang kanyang asawa.
Sadyang iba lang talaga kapag ikaw ay matanda na. May emosyon silang hindi maintindihan ng bata. Pero para sa bata, kung ano ang nararamdaman niya sa panahong iyon ay hindi niya maitago sa kanyang pagluha dahil sa aalis na naman ang kanyang ama at ilang buwan pa uli bago sila magkita.
Tulad ng nakasanayan, ang batang nasa labas ng airport kasama ng kanyang ina ay kumaway kahit pa hindi na ito nilingon ng kanyang ama.
Dumaan ang ilang araw, linggo, buwan at taon. Laging naghihintay ang bata sa pagbabalik ng kanyang ama.
Wala pang internet noon kaya halos mapudpod ang kamay niya sa kaka-sulat ng liham at pag-rerecord ng mensahe gamit ng blank tapes para ipadala iyon sa kanyang ama.
Ilang papel na rin ang ginagamit niya sa pagguhit ng larawan para pasayahin ang kanyang ama na nagtatrabaho sa malayo. Lagi niyang sinasabi sa kanyang mga sulat o tape recordings na magpapakabait siya para hindi maging sakit ng ulo kay ina, para na rin hindi sila mag-away sa tuwing pinapalampas lang ng kanyang ama ang pagiging pasaway niya sa harapan ng kanyang ina. Lahat ng pinayo sa kanya ng kanyang ama bago siya umalis ay sinunod niya dahil ayaw niyang madismaya ang kanyang pamilya sa pagpapalaki nito sa kanya.
Buwan buwan nagpapadala ang bata ng liham kasama ng ilang litrato nila magkapatid na kinukuhanan ng kanilang ina pero minsan lang silang nakakakuha ng liham mula sa kanyang ama.
Baka busy si ama. Iyon na lamang ang pagunawa ng bata na siyang kinakapitan niya sa tuwing nangungulila siya sa kanyang ama.
Ilang taon pa ang lumipas ngayon ay limang taong gulang na ang kapatid ng babae, sa hindi inaasahang pangyayari na sa paglalaro nilang magkapatid na maaksidente ang pinaka-iingat ingatan niyang kapatid. Dugo at pag ngawa lamang ang pumapaligid sa bata na ngayon ay karga karga ang kapatid nito papuntang ospital. Pinakiusapan siya ng kanyang ina na huwag umalis sa tabi ng kanyang kapatid dahil kailangan niyang tumawag sa taong tutulong sa kanila.
Naging successful man ang operasyon ng kapatid ng babae, pero ang kabayaran pang pinansyal nito sa ospital ay hindi kaya bayaran ng kanyang ina. Kasama ng bata ang kanyang lola at pinapatahan ito. Para sa batang babae, isa itong kabiguan bilang nakakatandang kapatid. Punong-puno siya ng pagsisisi sa nangyari sa kanyang kapatid na sana ay hindi na lang sila naglaro sa labas ng bahay nila.
Ilang oras and lumipas at mula sa pintuan ng kwarto ng kapatid ng babae ay pumasok ang nag-iisang lalaki na akala niya hindi na niya makikita pang muli. Ang kanyang ama.
Niyakap niya ito ng mahigpit at tulad ng nakasanayan ay niyakap rin siya ng kanyang ama pabalik ngunit nang magtama ang kanilang mga mata, tila may bago sa kanyang ama na hindi niya maipaliwanag.
Dumating na ang araw ng paglabas ng kanyang kapatid mula sa ospital at sa unang pagkakataon, ang akala niyang ama na minamahal niya at tinitingala ay binagsakan siya ng samut-saring bato na halos ay hindi siya makabangon. Noong tinanong siya ng kapatid niya kung sino ang taong tinatawag ng ate niya na 'ama' ay wala siyang maisagot dahil parang hindi na anak ang turing nito sa kanila, kundi isang bagahe na wala siyang choice kundi ang buhatin ito.
Sa unang pagkakataon, nalaman ng batang babae na hindi na plano pang bumalik ng kanyang ama sa kanila dahil may iba na itong kinakasama. Na ayaw na niya sa kanyang asawa at ang tanging koneksyon lang nito sa kanila ay ang usaping pang pinansyal dahil kung hindi niya ito maibibigay, sasampahan siya ng asawa ng kaso sa korte.
Mula sa oras na iyon, ang pantasya ng batang babae na may buo siyang pamilya ay nabasag na parang isang marupok na porselana sa sahig kung saan nakikita niya ang pira-pirasong parte nito na pilit niyang binubuo sa puso niya.
Nabuo sila ng kapatid niya mula sa pagmamahalan ng mga magulang nila, iyon ang alam niya. Pero bakit ngayon, wasak na wasak ang puso niya sa nakikita niya na naging sitwasyon ng kanyang pamilya na mahal na mahal niya?
'Isa ba siyang pagkakamali?' Tanong niya sa sarili, 'Bakit mas masarap pakinggan ang kasinungalingan kaysa tanggapin ang katotohanan na matagal ng wasak ang pamilya na akala niya ay mabubuo pa sa pamamagitan ng pagkakapatawaran? Kung ang Diyos nga nagpapatawad, bakit ang tao hirap nila iyon ibigay sa kapwa nila? Lalo na sa taong pinangakuan nila ng panghabang-buhay? Ito ba ang totoong kulay ng pagmamahal?' samu't saring katanungan ang gumugulo sa isipan ng batang ngayon ay lumuluha mag-isa sa kanyang kwarto kung saan naririnig niya ang sumbatan ng kanyang mga magulang.
Ilang dasal at luha ang mataimtim niyang binulong sa langit, 'na kung may Diyos man, sana isa lamang itong masamang panaginip. Sana ay magising na siya at pagkagising niya; babalik na ang lahat sa dati.'
Pero kahit ano pa ang mangyari, ang kasalukuyan ang siyang sumasalubong sa kanya pagmulat ng mata niya sa umaga.
Sa unang pagkakataon, ang kahilingan na hinihingi niya sa mga magulang niya ay hindi napagbigyan at ang buong pamilya na lagi niyang ipinagmamalaki sa mga kaklase niya ay isa na lamang pantasya na binuo niya mula sa nakaraang hindi niya mabitawan.
Mula sa pagiging prinsesa, siya ay bumagsak sa putikan kung saan walang kasiguraduhan kung sila ay makakakain ng tatlong beses sa isang araw. Naging batayan ang pera sa antas ng kanilang buhay at dinaig pa nila ang mga pulubing namamalimos sa pagmamahal at pag-aalaga ng taong tinatawag nilang ama.
Salot at pabigat, iyon ang tawag ng mga tao sa puder ng kanyang ama. Hindi alam ng batang babae kung bakit hindi naging patas ang mga taong mapangmata sa kanila. Mapagkumbaba niya itong tinanggap kahit masakit. Na mula sa mga pinsan niya sa puder ng kanyang ama ay kilala nila ito bilang mapagmahal at galante na tito sa kanila; ngunit sa kanyang mga anak ay halos barya lang ang binibigay nito sa kanila.
Ang pag-aabot ng pera ay kailangan pang pirmahan na para bang nag-wiwithdraw ka sa bangko. Isa na palang transaksyon ang pagiging magulang sa anak. Ilang taong tiniis iyon ng batang babae hanggang sa sana ay magtatapos na siya ng kolehiyo ngunit sa hindi inaasahan ay muli silang binitawan ng kanyang ama na para bang isang laruan na sawa na siyang paglaruan.
Sa isip ng dalaga, 'Bakit ba ang dali-dali para sa kanya na bumitaw? Bakit ang dali-dali sa kanya na sabihing ayaw na niya sa amin kung dugo at laman niya kami?' gustuhin pa man niyang panghawakan ang amang nakilala niya sa nakaraan niya pero sadyang hindi na babalik pa ang ama na sobra niyang minahal ng lubos.
Matinding depresyon, ito ang tahimik na sakit na dinadala ng puso niya hanggang sa tuluyan na siyang bumigay. Para na lang maibsan ang bigat na nararamdaman niya, naisipan na lang niyang tapusin ang buhay niya sa paraang hindi na niya mararamdaman pa ang sakit na tagos hanggang kaluluwa nito na halos hindi na siya makabangon.
Ngunit isang anghel ang pumigil sa kanya sa katauhan ng nakababata niyang kapatid na hinawakan siya at niyakap at bumulong na, "Ate, huwag mo akong iwan." ang munting boses na iyon ay ang pinanghahawakan niya para magpatuloy pa kahit na sobra na siyang nasasaktan. Sa mata ng nakababata niyang kapatid, nagkaroon ulit siya ng dahilan para magpakatatag at pinangakong na iyon na ang una at huling beses siyang makikita ng kapatid niya na mahina.
Kung hindi sila kaya alagaan ng kinikilala nilang ama, niyakap ng dalaga ang minsang pinangako ng kanyang ama sa kanya noong siya'y bata pa. 'Hinding hindi ko ikaw susukuan, anak pangako. Mahal na mahal kita.'
Muli siyang bumangon para sa kanyang kapatid sa tulong na rin ng mga taong hindi siya iniwan mula sa hirap at ginhawa. Mahirap pero wala namang ibang paraan kundi ang buhatin ang sarili mong bigat para magpatuloy sa agos ng buhay.
Unti-unti ay binitawan ng dalaga ang bigat ng nakaraan niya para magsimula ulit, para sa kinabukasan ng kanyang buhay kasama ng mga tunay na taong hindi siya sinukuan mula pa noong nalugmok siya sa kadiliman ng buhay niya; hanggang sa ngayon kung saan mas kilala na niya kung sino talaga siya at kung ano ang rason niya sa nag-iisang buhay na meron siya sa kasalukuyan.
Nagawa niya nang mahalin ang sarili niya na hindi na umaasa pa sa ibang tao. Nagawa niyang tanggapin na hindi lahat ng bagay ay kontrolado niya, at hindi sa lahat ng pagkakataon ay makukuha mo ang gusto mo sa buhay. Dahil ang lahat ng bagay sa mundo ay pinaghihirapan at pinagsusumikapan bago mo maramdaman ang tunay na tagumpay sa buhay na ikaw mismo ang nagtaguyod para sa sarili mo.
"Ate Tiara!" bati sa kanya ng nakababata niyang kapatid, na kumakaway nang magtama ang mga mata nila mula sa labas ng eskwelahan kung saan nagtatrabaho ang binibini.
Nginitian niya ang kapatid niya at nilapitan, "Anong ginagawa mo dito, di'ba may pasok ka pa?"
Hindi inaasahan ni Tiara na may ipapatong ang kapatid niya sa kanyang ulo at binati ng "Happy Birthday Ate Tiara."
Aminado ang mukha ni Tiara na nakalimutan niya na kaarawan niya ngayon, kaya natawa na lang siya sa harapan ng kapatid niya na ngayon ay mas matangkad na kaysa sa kanya.
Binilinan siya ng kapatid niya na huwag alisin ang koronang nakapatong sa ulo niya hanggang sa dumating sila sa destinasyon nila.
"Saan naman tayo pupunta Tyson?" nasanay kasi ang dalaga na kahit sa fast-food sila kumain, dahil nadagdagan lang naman siya ng isang taon sa araw na ito para mag-celebrate ng wala sa budget. Hindi rin naman sumagot ang kapatid nito sa naging tanong nito sa kanya hanggang sa tumigil ang kotse sa isang lugar na hindi pamilyar si Tia.
Unti-unting lumiwanag ang paligid at sinalubong siya ng mga mahahalagang tao na mula noon at hanggang ngayon ay itinuturing siyang kapatid at kapamilya.
"Happiest birthday, Tiara!"
Hindi maiwasan ni Tia ang maluha na may ngiti sa kanyang labi dahil itong eksena sa harapan niya ngayon ay ang debut na hindi niya narananasan noong siya ay labing walong taong gulang pa lamang. Makikita na mula sa venue ay talagang pinagplanuhan ito ng mga kaibigan at iilan niyang kamag-anak.
Hindi man buo ang pamilya na kinalakihan niya, ngunit ang kapalit naman noon ay ang mga taong sama-samang binuo ang kastilyo ng tahanan kung saan punong puno ito ng pagmamahal nila sa kanya.
Sa mata ng kapatid ni Tia na si Tyson, kahit pa ibinubuhos ni Tia ang lahat para sa kapatid niya dahil sa kagustuhan niyang maranasan ng nakababata niyang kapatid ang kaginhawaan na natamasa at hindi nito naranasan dati nang dahil sa unos na nangyari sa pamilya nila; iisa lamang ang hinihiling ni Tyson ngayon para sa Ate niya na ngayon ay 35 taong gulang na. Ngayon at nakikita niya ang Ate niya na kasama ng maraming tao mula sa malayo at katabi ng kanilang ina ay taimtim siyang humiling sa langit.
'Sana po mapagbigyan ni Ate ang sarili niyang maging masaya at sana hindi na alalahanin pa kung may tao siyang madidismaya kung siya man po ay magkakamali sa buhay dahil hindi naman palagi ay dapat siyang sumunod sa kung ano ang iuutos sa kanya. Sana ay mapagbigyan ako ng Ate ko na tulungan siya sa pangarap niya na binitawan niya para sa akin.'
Mula sa kanyang tabi ay nilapitan siya ng binata na matagal nang may pagtingin sa Ate niya, na naisantabi ni Tia nang dahil sa mga priyoridad nito sa buhay at dahil na rin sa mga insecurities at pag-aalangan ni Tiara na kapag nagmahal siya; baka matulad lang din siya sa kanilang ina na iniwan at sinukuan ng kanyang ama.
"Kuya, huwag mong paiiyakin ang Ate ko ah." seryosong banta ni Tyson sa binata, "Huwag ka rin sana mapagod sa kanya."
"I've been proving her wrong ever since Ty." Tumingin ang binata kay Tia, "Oras at pagkakataon lang mula sa kanya ang hinihintay ko."
Tyson chuckled, "Malakas ang tama ni Ate sa iyo kung alam mo lang," Tinanguhan niya ang binata at kinumbinsi na lapitan ang Ate niya, "Pagkakataon at oras lang din ang hinihintay niya Kuya Pao."
Nakumbinsi ni Tyson ang binata hanggang sa lakas loob nitong nilapitan si Tia.
Nagulat ang dalaga nang makita niya ang first love niya na si Paolo.
Sa isang tabi, narinig ni Tyson mula sa kanyang ina ang mga katagang, "Ngayon ko lang siya nakita ngumiti ng ganyan Ty, ganyang ganyan ang Ate mo noong ngumingiti siya sa ama ninyo."
'Ito ang korona na ayaw kong alisin ni Ate sa kanyang buhay.' ani Tyson sa kanyang isip at hiniling na sana ay hindi mawala ang mga kumikinang na dyamante sa mata ng ate niya habang nakaukit dito ang malawak na ngiti sa kanyang labi.
-WAKAS-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top