Silent Seranade
Paano ko maipapahiwatig ang nararamdaman ko sa isang tao kung hindi niya ako naririnig?
Ano bang tamang salita ang dapat kong sabihin, kung sa tuwing nakakaharap ko na siya, ako naman itong napipipi, natutulala at natatanga?
Kailan ba nagsimula tumugtog ang awiting na ito sa dibdib ko na ako lang ang nakakarinig?
Ilang lakas ng loob pa ba ang dapat ipunin ko para sabihin sa kanya...
Mahal kita Whitney.
Paano ko ba ipapaalam sa iyo?
Paano sasabihin ng isang torpe ang nararamdaman niya kung bingi ang taong nagugustuhan niya?
Kung ano ang meron si Whitney, iyon naman ang wala ako.
Hirap akong magsabi ng totoo kong saloobin, nahihiya akong magpakatotoo sa harapan ng ibang tao. Especially that I'm always misunderstood because of my intimidating look.
Samantalang siya, napaka-expressive niya, kung hindi lang sa kapansanan niya, malamang madami siyang kaibigan. Napaka-outspoken niya. Iyon ang katangian na hinahangaan ko sa kanya, siya yung taong, ipauunawa sa iyo ang punto niya kahit pa isulat niya sa isang notebook ang buong iniisip niya dahil may mga taong mas pinipili na hindi unawain ang mga taong may kapansanan tulad ni Whitney.
She's deaf, since she was little. Naging transfer student siya noon sa school kung saan ako nag-aaral, nagulat na lang kami lahat nang magpakilala siya na ang gamit lang niya ay chalk, at sinulat niya lahat ng gusto niyang sabihin sa blackboard noon. Hindi ko pa malalaman na bingi siya kung hindi niya kaagad sinabi. Hindi naman mawawala ang mga bullies sa school, pero mabuti na lang at mas pinalibutan siya ng mga mababait na tao. Siyempre isa na ako doon.
Kinaibigan ko siya para mas maging kumportable siya sa paligid niya. Isa pa, may Nanay akong pipi, kaya, kaya kong makipag-usap sa kanya gamit ng sign language. Sa totoo lang, mas madali kausap si Nanay kaysa kay Whitney. Kasi si Nanay, naririnig niya ako, pero itong si Whitney, kahit sumigaw pa ako, wala siyang naririnig.
Kaya noong siniraan siya ng isa naming classmate, talaga namang nainis ako para sa kanya, pero mas kinampihan niya yung taong inaway siya kaysa sa akin na kaibigan niya.
College na kami, pero hindi ko alam kung bakit mas pinapaburan niya ang mga taong minsan niya lang nakakasama kaysa sa akin na taon na niyang kaibigan.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para maintindihan niya ako, lalo nga ngayon at nagkatampuhan kami.
Naramdaman kong nagvibrate ang cellphone ko kaya agad ko naman itong binuksan.
Whitney : Nasaan ka ngayon, Apol?
Apollo : Break time, kaya nasa tambayan ako.
Whitney : Sige, puntahan kita diyan.
Nakakainis.
Nakakainis dahil ilang araw nang nakalipas noong nag-away kami, pero imbis na ako ang sumuyo sa kanya, heto siya, at ako ang sinusuyo niya. Anong klaseng lalaki ba ako?
Ayoko na rin siyang pahirapan kaya sinagot ko na rin siya. Kahit na sa totoo lang, nahihiya ako at hindi ko alam kung saan magsisimulang magpaliwanag sa kanya.
Nang nakarating na siya sa tambayan namin, kinawayan niya ako.
'Hello, kamusta?' she signs.
'Hindi ka ba galit sa akin?' I signed back and see how a straight line forms at her face. 'Sorry na.'
'Okay lang,' she paused with a regretful smile, 'I understand why you reacted that way. I just don't want you to get into trouble because of me.'
Umiwas ako ng tingin, bakit ba ang dali-dali niyang sabihin ang saloobin niya? Napalunok ako at huminga ng malalim, 'Ayoko lang, napagdidiskitahan ka, masyado ka kasing mabait Whitney.'
Wala siyang sinabi sa akin kundi ang ngitian ako pabalik.
'Sungit.' she signs again making a goofy face. 'Kaya lagi kang napapa-away kasi masama ka raw tumingin.' tinawanan niya ako. Tch, cute!
'May bago akong kanta,' panimula ko para mabago ang takbo ng usapan namin, 'Gusto mo pakinggan?' Tinanguhan niya ako ng parang bata at kinuha ko ang gitara ko. Nilapat niya ang kamay niya sa gitara ko at sa dibdib ko para raw mas marinig niya ako sa paraang alam niya.
She can hear through vibrations.
Pinikit niya ang mga mata niya habang kinakanta ko ang awiting inaalay ko para sa kanya at sinimulan ko na kantahin ang Harana ng PNE.
Hindi ko alam kung bakit sa ganitong paraan ko lang naipapahiwatig ang saloobin ko sa kanya, mas magaan kasi kapag idinadaan sa kanta ang totoo kong saloobin, kaya kahit pa alam kong hindi niya ako naririnig, umaasa ako na, maramdaman niya ang sinasabi ng puso ko sa kanya.
Nang matapos ko siyang awitan, binuksan niya ang mga mata niya at hinawakan ang pulso ko sa kamay.
'Ano ba talaga ang gusto mong sabihin sa awiting iyon, Apollo?' she signs.
Lagot na, hindi ako pwedeng magsinungaling ngayon at hawak niya ang pulso ko, 'Whitney... gusto kita... matagal na...'
She smiles and signs, 'Alam ko. Hindi naman ako manhid.'
•───────•°•❀•°•───────•
Read Whitney's POV on
Pulse of Honesty.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top