Rhythm of the Lights

ISA AKONG simpleng ballerina na madalas pinapanood sa entablado ng maraming tao.

Mula pagkabata, ito na ang nakahiligan ko.

Nagsimula ito noong niregaluhan ako nila Mama at Papa ng isang music box na may nagsasayaw na magandang ballerina kasabay ritmong pinapatugtog nito sa loob ng munting kahon.

Simula noon ay hinangad ko na ang maging ballerina.

Ilang beses na akong sumali sa iba't-ibang dance acts, ngunit kahit kailan ay hindi ako nakakuha ng lead role.

Marami sa mga kapwa ko mananayaw ang magaling sa pagba-ballet. Para masabayan ko sila, kinumbinsi ko ang sarili ko na mas pinagbubutihan pa. Nag-ensayo ako ng mabuti para mabigyan ako ng pagkakataon na ipakita ang liwanag na meron ako.

Ngunit nang natupad ang kahilingan ko na iyon, tsaka naman ako pinaglaruan ng panahon.

Habang nagsasanay kami sa theatre hall, doon nagulo ang mundo ko kung saan nilamon ng liwanag ang buong kapaligiran ko.

Dahil sa ilang oras na pag-eensayo at paulit-ulit na kapalpakan, nawalan ng pasensya ang direktor namin sa akin. Doon ako halos lamunin ng hiya lalo na at tumatak sa akin ang ilang punang nakakadismaya at nakakawalang kumpiyansa sa sarili.

Bihira na nga lang manood ang direktor namin, tsaka pa ako pumalpak na miski maliit na pagkakamali ay napupuna na niya sa akin.

Nakakaiyak sa hiya, pero kailangan ko itong bawiin.

Para sa pangarap. Para sa pangarap.

Alam ko na naman ang routine ng sayaw, ngunit may mga pagkakataon na ayaw makisama ng mga mata ko.

Minsan sa sobrang aligaga ko ay may nabubunggo pa akong co-dancer na nainis na rin sa akin.

Mamaya sigawan ako ulit ng direktor namin.

Mamaya marinig ko na naman ang nakakadismayado niyang puna sa akin.

Mamaya niyan, pagsisihan pa niya na ako ang pinili para maging lead sa ipe-perform namin sa huling buwan ng taon na ito.

Hindi ko na kaya.

Sa sobrang kahihiyan ay tumakbo ako paalis ng theatre hall nang hindi nililingon ang mga taong tumatawag sa pangalan ko.

Sa biglang pagbabago ng aking kapaligiran, ang liwanag na kaninang lumamon sa akin ay napalitan na ng nakakalunod na kadiliman.

Pakiramdam ko ay para akong dumadaan sa manipis na lagusan kung saan hindi ko makita kung saan ako dinadala ng mga paa ko.

Nakita ko ang bola ng liwanag na papunta sa kinatatayuan ko, pero kailangan pa ako nitong businahan para malaman ko na isang sasakyan pala ang nasa harapan ko.

Sa sobrang bilis ng pangyayari ay umikot ang mundo ko. Gulong-gulo ako sa nangyayari sa kapaligiran ko hanggang sa marinig ko ang ilang pamilyar na boses na nakapalibot sa akin at tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.

Pagmulat ng mga mata ko ay nasa bahay na ako.

Nakita ko ang nag-aalalang mukha ng mga magulang ko. Sinabi rin nila sa akin ang nangyaring insidente pagkatapos ko lumabas ng theatre hall.

Doon ko na lang din napagtanto na hinintay nila ako mula sa rehearsals ko at nagulat nang hindi ko sila nakita agad na naka-park malapit sa theatre arts building.

"Bigla ka na lang daw umalis sabi ng mga kasama mo sa rehearsals, tinatawag ka ng kasama mo pero hindi mo sila binalikan ng tingin." paliwanag ni mama.

"Clarisse anak, ano ba ang nangyari?" nag-aalalang tanong ni papa sa akin.

Sa totoo lang ayoko na lang sana pag-usapan pa namin iyon. Dahil muling bumabalik ang pagkadismaya ko sa sarili ko.

Matagal akong nasanay dahil alam kong kailangan kong sabayan ang mga kasamahan ko. Nang ipinagkatiwala sa akin ang lead role sa  recital namin, bakit tsaka pa ako pumapalpak?

Bakit sa isang iglap, naupos ang mga inipon kong lakas ng loob at kumpiyansa sa sarili ko nang mas mapuna ng madla ang mga pagkakamali at pagkukulang ko?

Ano ba ang nangyayari sa akin?

Hindi ba ito para sa akin?

Masyado ko bang pinipilit ang akala kong kaya kong gawin?

Madalas na akong mahilo. Pero normal lang naman dapat sa ballerina ang umikot-ikot ng naaayon sa ritmo ng musika.

Ang ilang beses kong pagkasilaw sa spotlight ay normal lang din naman. Sanayan lang naman talaga, lalo na at ito ang pangarap na pinaghirapan kong makamtan.

Ano ba ang problema?

Para sa katahimikan ng isipan ko, nakagpakonsulta ako sa isang espesyalista kasama ng mga magulang ko. Napapansin na rin kasi nila ang pagbabago sa akin. Para raw akong batang hindi makapaglakad ng maayos na nangangapa sa kapaligiran niya.

May mali ba sa akin?

Nang nagsalita na ang doktor tungkol sa resultang nahanap niya sa ilang tests, para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa balitang ibinahagi niya sa akin.

Retinitis Pigmentosa.

"Sensitive ang mga mata mo sa maliwanag, kaya mabilis kang masilaw. At kapag nasisilaw ka, ang defense mechanism ng mga mata natin ay ang pumikit. Sa situation mo, hirap ang mga mata mo na i-adjust ang vision mo kumpara sa normal." paliwanag ng doktor sa akin, "Para mas maintindihan mo, ang kundisyon mo na ito ay parang anay na-"

"Unti-unti akong binubulag mula sa loob ng mga mata ko?" mapait kong pagkumpirma sa kanya.

Bumuga ang doktor ng hangin mula sa kanyang malalim na baga, "Hindi naman agad-agad ito, hija. Nais ko lang na maging handa ka kapag dumating na ang araw na iyon."

Ito ang kabanata sa buhay ko na hindi ako handa.

Sino ba ang gustong mabulag?

Sa dami-dami ng tao, bakit ako pa ang nagkaroon ng ganitong komplikasyon?

Bakit ang daya ng panahon? Bakit kung kailan abot-kamay ko na ang pangarap ko, may pagsubok na tulad nito ang hahadlang sa akin?

Mapait na napagdesisyunan ko nang tumigil sa pagba-ballerina.

Ayoko nang ipilit ang hindi pwede sa akin, ang hindi para sa akin.

Pinaubaya ko na ang lead role sa kung sino man ang pipiliin ng direktor namin na alam kong mas higit pa kaysa sa akin.

Ayoko na, pagod na ako ipaglaban ang pangarap ko.

Pagkatapos kong magbitiw bilang isang ballet dancer, sinadya kong hindi na magparamdam sa co-dancers ko.

Nakakahiya.

Ayokong kaawaan ako ng ibang tao.

Dumating ako sa punto kung saan lahat ng gusto kong gawin ay tinigil ko na.

Kasi para pa saan ang buhay ko, kung mabubulag din naman ako sa huli?

Dumating na rin ako sa punto na ayoko na ring magpakita sa tao.

Sa tuwing lalabas kasi ako, kahit hindi ako nakatingin, alam kong pinag-uusapan nila ako kapag nakatalikod na ako.

Mula umaga hanggang gabi, nakikita ako ng mga tao na naka-shades. Payo rin kasi ito sa akin ng doktor ko para maproteksyunan ko ang mga mata ko. Ngunit nang dahil sa bigla kong pagbabago, naging katatawanan ako sa iba. Kung saan napuna nila ako na sinasanay ko raw ang sarili kong mabulag, kahit hindi naman daw ako bulag.

Nakakapagod nang magpaliwanag.

Imbis na masaktan ako sa panlalait ng iba, pinipili ko na lang na maging manhid hanggang sa mawalan na ako ng pakialam sa mundo ko.

Ilang araw pa ang lumipas noong huling beses kong binisita ang doktor ko. Hindi pa man din binabawi ang mga mata ko sa akin, pero nilamon ng kadiliman ang puso ko.

Baka nga, hanggang dito na lang talaga ako.

Baka nga suntok sa buwan ang pangarap na ninanais nais ng puso ko.

Sa paglipas ng panahon, napansin kong napapadalas ang pag-ooveertime at pag-si-sideline ng mga magulang ko simula nang nagpacheck up ako.

Ano pa ba ang pinaglalaban nila sa laban na sinukuan ko na?

Minsan, nakokonsensya na ako dahil pakiramdam ko, hindi pa man din ako bulag, pero nagiging pabigat na ako sa kanila.

Nahuli ko minsan ang mga magulang ko na nalulungkot para sa akin. Miski milagro ay hinihingi nila sa taas para lang maging maayos ako at ang mga mata ko.

Pag-asa.

Iyon ang pinanghahawakan ng mga magulang ko na matagal ko nang binitawan. Kahit imposible ay pinag-iipunan nila ang pangpagamot para sa mga mata ko.

Imposible na ako gumaling, sinabi na rin naman iyon ng doktor ko. Miski sa ilang pagre-research ko sa kundisyon ko ay sinasabing imposible na bumalik pa ako sa normal.

Ayoko nang umasa, para hindi na ako masaktan.

Ayokong panghawakan ang pansamantalang liwanag kung mapupundi rin naman ito kinalaunan.

Pwede bang paghandaan ko na lang ang panahon kung saan tuluyan nang mandidilim ang paningin ko?

Ayoko na umasa. Pagod na akong masaktan, ngunit ang lumuluhang imahe ng mga magulang ko ba ang nais kong itago bilang huling alaala na makikita ng mga mata ko na ito?

"Buksan mo ang mga mata mo, anak. Hindi ka pa bulag." Lumuluhang paalala sa akin ni mama, "Huwag mong isipin na dahil sa kundisyon mo, wala ka nang halaga sa amin. Mahal na mahal ka namin ng papa mo, Clarisse."

"Huwag mo hayaang bulagin ka ng sakit mo, Clarisse." segunda ni papa, "Hindi pa tapos ang laban, kaya lalaban tayo. Para sa pangarap mo." paalala sa akin ni papa na minsan kong kinalimutan.

Natauhan ako sa naging pag-uusap namin nang isuko ko sa kanila ang bigat ng puso ko. Humingi na rin ako sa kanila ng paumanhin at nagkomprimiso kami sa isa't-isa.

Hindi pa tapos ng laban. Susubukan ko ulit bumangon.

Oo, mabubulag ako sa hinaharap. Alam ko na ang kahihinatnan ng mga mata ko. Kung sakaling mabubulag ako bukas, sa susunod na linggo, o sa susunod na buwan, ayokong magkaroon ng 'regret' na dadalhin ko sa alaala ko.

Kung kaunting panahon na lang ang natitira para magamit ko ang mga mata ko, tutuparin ko ang mga pangarap ko sa bilang na panahong ipinahiram sa akin ng pagkakataon para makita ko ang tunay na ganda ng mundo.

Para naman kapag dumating na ang panahon at mapunta ako sa kadiliman, hinding hindi na ako maliligaw. Dahil ang liwanag ng puso ko ang magiging gabay ko patungo sa tamang landas.

Muli akong lumapit sa dance director namin sa ballet. Sa pagkakataon na ito ay tinapat ko siya tungkol sa kundisyon ko. Napagtanto ko rin na kinamusta niya ang lagay ko mula sa mga magulang ko at sa ilang malalapit kong kaibigan na minsan ko ring itinulak palayo.

Hindi ko akalain na naging bingi rin pala ako sa mga taong tunay na nag-aalala para sa akin.

Muli akong nagpakita sa mga co-dancers ko at sinalubong nila ako ng mahigpit na yakap. Ang swerte ko dahil napapaligiran ako ng mabubuting tao na tinulungan at inalalayan ako para makapagsimula ulit.

Nag doble kayod ako para patunayan sa sarili ko na hindi hadlang ang kondisyon ko sa gusto kong maatim na pangarap.

Hindi ko inaasahan na ako ulit ang inatasan na maging lead character sa Act namin sa The Nutcracker.

Noong una, nag-alangan ako dahil paano kung mapahiya ang lahat ng dahil sa palpak na tulad ko?

Tinanong ko tungkol ang desisyon ng direktor namin, "You worked hard to earn this role, Clarisse. Kaya kita madalas punain noon, ay dahil gusto kitang ma-push para mas pagbutihan mo pa. Kung alam ko lang ang pinagdadaanan mo noon, edi sana mas naalalayan pa kita ng tama." bakas ang pag-aalala at panghihinayang sa kanyang boses. "Pasensya ka na sa akin, ah?"

Matipid kong nginitian ang direktor ko at pinatong niya ang kamay niya sa aking balikat, "Own this, Clarisse." kumbinsing aniya na para bang nabasa na naman niya ang namumuong na pagdududa ko sa sarili ko, "This is your dream." nakangiting paalala niya sa akin, "Make it come to life."

Ang laki ng utang na loob ko sa mga taong hindi ako sinukuan at patuloy na naniniwala sa akin.

Magtiwala ka sa sarili mo, Clarisse. Kaya mo ito.

Sa pagkakataon na ito, lalaban ako.

Para sa pangarap.

Sinanay ko ang mga mata ko sa pagbabago at pagsunod ng liwanang sa ritmo sa malaking entablado.

Isang milagro para sa akin ang magawa ko ang akala kong imposible dahil sa kondisyon ng mga mata ko.

Pinalaya ko ang parte ng puso ko na minsan kong ikinulong at sumabay sa ritmo ng musika.

Niyanig ng iba't-ibang instrumentong umaawit ang kaluluwa ko at kasabay nito'y tila dinala ako ng bawat melodiya sa mundo kung saan ako malayang nakakapaglakbay kasama ng mga nota na nagmistulang mga lumilipad na alitaptap na nagsasayaw sa kadiliman na kasama ko.

Nakaramdam ako ng kapayapaan sa unang pagkakataon at kung ano pa man ang mangyari sa hinaharap, ito ang 'sandali' na babalik-balikan ko balang-araw.

Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ako makakakita o kung saan babawiin sa akin ang mga mata ko. Ngunit hindi ko dapat katakutan ang kadiliman.

Dahil hangga't may musika, ritmo, at liwanag sa loob ng puso ko, isasayaw ko ito at mag-iiwan ng bakas ng ilaw para hindi maligaw ang mga katulad kong minsan nang napundihan ng ilaw sa kanilang mga buhay.

- E N D -

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top