Chapter 45


Sem break na at sa dami ng plano ni Luan para sa kanila ni Ikay, nakikita na niyang malabo talagang mangyari ang kahit ano sa plano niya.

Mas naging mabigat pa sa kanya na wala na ngang pasok, wala pa siyang pera. At dahil wala ngang pasok, wala ring dahilan para bigyan siya ng pera.

Lunes na Lunes, wala ang mga magulang niya sa bahay. Ang dahilan naman ay sobrang valid dahil nasa planta si Kyline at nagmamando dahil may parating na bagong machine sa araw na iyon. Si Leo ay kailangang um-attend ng meeting sa main corporate building para sa follow-up ng result ng business meeting sa Singapore; kasama pa nito ang Ninong Clark niya bilang mga CEO at COO ng kompanya.

Umaasa siyang may iniwan na pera sa kanya pero walang pasabi. Kaya nangapitbahay agad siya dahil baka may patago roon sa Tita Sab niya.

"Wala."

"Tita Sab, baka meron," malungkot na sabi ni Luan nang sundan ito ng tingin.

"Hindi kita anak para bigyan kita ng pera, okay?" mataray na sabi ni Sabrina, paikot-ikot sa kusina, buhat ang kaserolang may laman na bagong lutong macaroni.

"Baka may patago si Daddy o kaya si Kuya."

"Nakauwi na sila, a? Bakit magpapatago pa sa 'kin?" Sumunod na naman ang tingin ni Luan sa kanya nang bumalik siya sa sink para maghugas ng kamay.

"Tita Sab, kahit one thousand lang?"

"Naku, Luan, tigilan mo 'ko. Yung mga anak ko nga, never kong narinig na humingi ng pera sa 'kin."

"Kay Ninong Clark naman kasi sila humihingi."

"Then find your Ninong Clark! Alam mo naman palang sa kanya humihingi, sa akin ka pa nanlilimos."

"Hindi ako nanlilimos," naiinis na sagot ni Luan.

"Whatever. And if pinarurusahan ka ng daddy mo because you're being mean and all, you deserve that," mataray na sabi ni Sabrina sabay ikot na naman sa kusina para kumuha ng iba pang ingredients sa lulutuin. "Baby ka pa lang—bulol ka pa lang—paulit-ulit ka nang tinuturuan ng Ninong Clark mo kung paano maging mabait."

Napapakamot na lang ng ulo niya si Luan dahil pati ang Tita Sab niya, may sermon din sa kanya.

"There were so many times na sinubukan kang turuan ng daddy mo ng lesson, pero hindi ka matiis-tiis kasi baby ka niya," sunod-sunod na paliwanag ni Sabrina na nakaharap na sa kalan para magtimpla ng sauce.

"Hindi mo naman ako mage-gets, Tita Sab, e."

"Anong hindi mage-gets?" kontra agad nito. "Baka nga mas ma-gets pa kita! Si Mum, naghigpit din sa 'kin 'yon. Sa sobrang walang-wala akong pera, na-experience kong tumira dito—dito sa bahay na 'to nang hindi pa kami kasal ng ninong mo. Dahil lang wala akong matakbuhan."

Napakamot na naman ng ulo niya si Luan at sinundan na naman ng tingin si Sabrina na umiikot na naman sa kusina.

"And don't start me with that hindi ko mage-gets," dugtong ni Sabrina. "Nagkaroon din ako ng boyfriend na palamunin at mahirap. Gumastos ako nang sobrang laking pera sa kanya kasi"—gumawa pa siya ng finger quote—"mahal ko nga siya. Binilhan ko pa siya ng condo. Binilhan ko pa siya ng kotse. Wala silang pera. Poor lang siya. Mahal ko siya kaya ginagastusan ko siya."

Gusto sanang sabihin ni Luan na ang tanga ni Sabrina pero naalala niya ang ginagawa niya kay Ikay.

"Hindi ko na nga ginawang big deal na nanghingi ng laptop sa 'yo 'yong girlfriend mo, kasi sabi naman ni Clark, safe naman daw. Hindi ka naman daw huhuthutan ng kung ano-ano."

"Kami naman ang nanghingi ng laptop, hindi naman si Ikay," depensa ni Luan.

"Kaya nga . . ." sarkastikong tugon ni Sabrina. "Pero paano 'yan? Wala kang pera. So, wala ka nang pera, hindi ka na niya boyfriend? Hindi ka na niya mahal?"

"Mahal pa rin ako ni Ikay," masungit na sagot ni Luan at masama na ang tingin sa bungangera niyang tita. "Gusto ko lang siyang puntahan kahit doon sa school malapit sa kanila."

"E, di puntahan mo! Bakit nandito ka pa?"

"Wala nga kasi akong pamasahe saka wala akong pangkain naming dalawa."

Namaywang si Sabrina, hawak ang panghalo ng macaroni sa isang kamay. "See that? Wala kang pera tapos gusto mo palang makipag-date kaya sa akin ka manghihingi."

"Hindi naman ako sa 'yo manghihingi kung bukas yung office sa kabila."

"A, so wala ka lang talagang choice kaya nandito ka, hmm? Ginagawa mo akong option diyan sa katangahan mo." Binalikan nito ang niluluto. "Kung gusto mong makipag-date, mag-work ka para may pera ka. Huwag kang tatamad-tamad. Ang Ninong Clark mo, mas mayaman pa 'yan kina Papa Ferdz, alam mo ba 'yon? May sarili 'yang pera. Hindi 'yan asa sa magulang. Nakabili 'yan ng bahay gamit ang pera niya kasi nag-work siya. Kung nagawa 'yon ng Ninong Clark mo na kapareho mo lang din ng field, bakit ikaw, hindi mo magagawa?"

Isa sa mga dahilan kaya ayaw ni Luan na dumadaan sa bahay ng Ninong Clark niya ay dahil siguradong maaabutan niya ang Tita Sab niya at raratratin na naman siya ng kung ano-anong sermon na kaya nitong mahugot sa utak nito.

Nakatapos na lang itong magluto pero ang hinihingi niya kahit isanlibo, hindi pa rin nito naibibigay.

"O, kumain ka. Baka sabihin ng daddy mo, hindi kita binibigyan ng pagkain," sabi ni Sabrina nang lapagan si Luan ng isang plato ng pasta. "Yung daddy mo, noong wala akong pera, pinakain din ako n'on kahit sobrang sungit n'on."

Malalim na buntonghininga at kinain na rin ni Luan ang bigay ng Tita Sab niya dahil nagugutom na rin siya.

Masarap ang cheesy pasta ng Tita Sab niya, hindi niya naman itatanggi. Isa iyon sa mga paborito niyang meryenda kapag nangangapitbahay siya.

"Sina Cheese?" usisa niya habang sumusubo.

"Nandoon sa Mamila nila," sagot ni Sabrina na nagsasalin na ng niluto sa disposable aluminum na lalagyan.

Hindi na nagdugtong pa ng sinasabi si Luan. Alam na niya iyon. Kapag naroon ang mga kinakapatid niya sa Lola Diyosa niya, ibig sabihin, "nagtatrabaho" ang mga ito. At paniguradong umalis ang dalawang anak ni Sabrina nang wala man lang kasama dahil nasa bahay ang ina ng mga ito. Iniisip pa lang niya na nakakaalis ang dalawang mas bata pa sa kanya, na-o-offend na siya dahil siguradong may mga pera ang mga ito.

Going sixteen at fourteen pa lang sina Cheese at Rex pero kapag naroon ito sa Lola Diyosa nila, binibigyan agad ang dalawa ng gagawin doon. Minsan ay tumutulong sa opisina para mag-sort ng mga file si Cheese at mag-review ng kung ano-ano si Rex. Minsan ay magmamasahe lang ang dalawa sa lola nila at makikipagkuwentuhan at reward na ng mga ito ang pera pagkatapos gawin ang mga "trabaho" nito.

Naisip tuloy niya na baka may trabaho rin para sa kanya kung pupunta siya roon.

"Tita Sab."

"Ano?"

"Pupunta ka kay Lola Diyosa?"

"Why?"

"A-ask ako if may open na job position sa kanila. Sasabay sana ako para libre lang pamasahe."

Masamang tingin lang ang natanggap niya kay Sabrina, pero bago pa man siya matapos sa kinakain, nagpasabi na ito na sumabay na siya dahil dadalhin nito ang niluto sa mansiyon ng mga Dardenne.

Nagkaka-text pa rin sila ni Ikay, pero hanggang doon lang ang kaya nilang magawa sa ngayon. At gaya nga ng plano ng dalaga, nagtayo nga ito ng maliit na tindahan ng meryenda at nagpatinda sa tita nito sa katapat na bahay.

Hindi nga raw papayag si Sabrina na libre lang ang lahat kung kaya't ginawa niyang part-time assistant si Luan bilang bayad sa paghatid niya sa mansiyon.

Bitbit ni Luan ang mga babaunin ni Sabrina papunta sa ina nito at hindi na siya nagreklamo dahil wala naman siyang magagawa, at mas lalong wala siyang magagawa kung hindi na ito papayag na sumabay pa siya.

At dahil sinasagad na rin ni Sabrina ang pang-aalipin kay Luan, ginawa pa niya itong driver.

"Hi, Kuya!" sagot nito sa naka-loudspeaker na phone.

"Kasama raw ni Mum yung tatlong makukulit."

"It's okay. Hindi naman sila makulit kapag kaharap si Mum," sagot ni Sabrina na sa kotse na nagme-makeup. Panguso-nguso pa sa harap ng salaming nasa dashboard habang nag-a-apply ng mapulang lipstick.

"Nasa biyahe ka na?"

"Yeah. Driver ko si Luan."

Mabilis na gumilid ang tingin ni Luan kay Sabrina na busy sa paglalagay ng mascara.

"Um-hmm? And why are you two together?"

"Kakausapin daw ni Luan si Mum. I told him na wala nang free sa mundo kaya kung gusto niya ng ride papunta sa Makati, mag-work siya."

"And he agreed?"

"He's driving right now. Say hi kay Kuya," utos ni Sab.

"Hi, Ninong Rico," bored na bati ni Luan at ibinalik ang tingin sa daan.

"Oh. I can feel the desperation right now," sabi ni Rico.

"Hahaha! He is desperate. Manghihingi na nga ng work kay Mum."

"Ah . . . all right, I see. Ingat kayo sa biyahe, Sabby. Nandoon na si Coco, susunod na lang kami ni Jae mamaya."

"Okay! Bye, Kuya!"

Pakiramdam ni Luan, pinagtatawanan siya ngayon ng mga ninong at ninang niya dahil pinaghihigpitan siya ni Leo. Galit din sa kanya ang kuya niya dahil nalaman na nito ang gusto niyang mangyari sa kanila ni Ikay. Pero hindi pa rin iyon alam ng mga magulang nila kaya hindi niya alam kung ano ang plano ng kapatid niya.

Pagdating sa mansiyon, gulat na gulat ang mga staff at maid doon nang makitang si Luan ang tagabuhat ni Sabrina ng mga dala nito. Ang tanging buhat lang ng babae ay ang handbag nito habang pakembot-kembot pa sa paglakad sa hallway.

"Momskie!"

Sabay na napalingon sina Sabrina at Luan sa kanan at hindi na sila magtatanong kung sino ang sumigaw dahil isa lang naman ang tumatawag kay Sabrina ng ganoong pangalan.

Nag-jogging naman palapit sa kanila si Cheese, at may dala itong malaking gunting. Nakasuot din ito ng malalaking gloves na may lupa pa.

"Kasama n'yo si Mum?" tanong ni Sabrina.

"Yes po!" masayang tugon ni Cheese. "Nagga-gardening kami today."

"Si Coco?"

"He's digging the garden right now. Ililipat daw po ni Mamila yung mga roses niya diyan sa harap ng pergola."

"Kasama n'yo si Mayumi?"

"Naghe-help po si Rex kay Papa Ric sa second floor. He's fixing his office table yata and file cabinet."

"Okay. Yung meryenda n'yo, nandiyan na."

"Yehey! I'll tell Coco," masayang sabi ni Cheese at palukso-lukso na namang pumunta sa kabilang direksiyon na pupuntahan sana nito bago pa makasalubong sina Sabrina.

"Dalhin mo na 'yan sa kitchen, then kausapin mo na si Mum," utos ni Sabrina kay Luan kaya sumunod agad ang binata.

Sa bahay ng mga Dardenne, ganoon lagi ang naaabutan ni Luan. Lahat ng tao roon, kumikilos. Lahat, may trabaho. Ultimo ang mga may-ari ng bahay, abala. Si Cheese, kita niya sa mukha nito na hindi ito nagrereklamo kung paghukayin man ng lupa kasama ang pinsan nito.

Dumeretso agad siya sa garden para lang makausap ang Lola Diyosa niya at naabutan niya itong prenteng nakaupo, umiinom ng tsaa, at pinanonood ang mga apo nito na magkalkal ng lupa at maglipat ng mga bulaklak na may ugat pa.

"Good morning, Lola Diyosa," matamlay niyang bati rito at nagmano agad siya paglapit. Nakataas agad ang kilay nito sa kanya nang maupo siya sa katabing upuan nito.

"May kailangan ka?" tanong agad nito, wala nang paligoy-ligoy.

Himas-himas ni Luan ang palad habang nahihiyang payuko-yuko. "Wala kasi akong pera, Lola."

"Then?"

"Magtatanong po sana ako kung may job opening kayo."

"Ayoko ng tamad," deretsahang sagot ng lola niya. "Kung makakaapekto lang sa operation ang pagiging inactive mo, magha-hire na lang ako ng mas efficient na employee."

"Magsisipag naman po ako, Lola," mabigat sa loob na paliwanag ni Luan.

"Dapat bang maniwala ako sa sinasabi mo matapos ang lahat ng pagtakas mo sa responsibilities na ibinigay sa 'yo noon?"

Napahugot ng hininga si Luan at inihanda na niya ang sarili sa mas matinding sermon galing sa pinakamahigpit na lola nila.

"Nanghingi ka rin ng work noon kay Clark. But what did you do? Sa five hours na work, one hour ka lang pumapasok. Ang reason mo? Dahil natapos mo ang work sa one hour lang. When in fact, ang natapos mo lang ay isang task. The rest ng trabaho, pinabayaan mo na."

Lalo lang napayuko si Luan at gusto na niyang pagsisihan ang ginawang iyon noon.

"Sisimpleng five-hour job, hindi mo pa nagawa nang maayos. Hindi naman mabigat ang work na ibinigay sa 'yo. Hindi rin executive job. Hindi managerial para ma-stress ka. Mas mabigat pa nga ang trabaho ng electrician kaysa sa ginawa mo. Bakit kita bibigyan ng trabaho kung hindi ka qualified bilang empleyado?"

Gustuhin man niyang sumagot pero wala siyang makapang salita para kontrahin ang lola niya. Nahihirapan siyang makipagtalo rito at gusto ring iwasang pataasin ang presyon nito dahil matanda na rin.

"Matanda ka na. Tumatanda ka na. Hindi ka puwedeng laging ganyan mag-isip," dugtong ng lola niya. "Kailan ka magiging responsable? Kapag wala na sa 'yo ang lahat? Magsisipag ka ngayon dahil wala kang pera. Hanggang kailan ka magsisipag? Kung pasasahurin kita ngayong araw, bukas ba, magiging masipag ka pa rin? Kung sa susunod na buwan na kita pasasahurin gaya ng ibang empleyado, tatanggapin mo ba 'yon na wala kang kikitain sa isang buong araw kahit pa nagtrabaho ka naman?"

Nakagat ni Luan ang labi at napaisip sa sinabi ng lola niya. Hindi talaga niya alam ang gagawin, basta gusto lang niyang magkapera.

"Gusto kong mag-isip ka nang hindi lang para sa ngayon," mahigpit na sabi ng lola niya. "Wala kang kaplano-plano sa buhay. After graduation, ano na ang gagawin mo? Aasa ka sa daddy mo? Paano kung mawala ang daddy mo isang araw? E, di wala ka na rin."

Hindi na alam ni Luan kung pumunta ba talaga siya roon para sa trabaho o para lang masermunan.

"Kung gusto mo ng trabaho, bibigyan kita ng chance para magkatrabaho," sabi ng lola niya dahilan ng pag-angat niya ng ulo. "Pero hindi ako gaya ng ninong mo na magiging mabait sa 'yo. Tatawagan ko si Viggo, dadaan ka sa regular application gaya ng ibang applicant. Kung hindi ka papasa, hindi kita tatanggapin. Hindi ako magbabayad ng tao para lang maging sakit ko sa ulo, naiintindihan mo ba?"

Tumango na lang si Luan. "Yes po, Lola."

"May pera ka ba pagpunta rito?"

Umiling agad si Luan. "Wala po. Ipinag-drive ko lang si Tita Sab bilang bayad."

"Good. Tulungan mo sina Carlisle para makauwi ka pa sa inyo. Ayoko ng tamad dito sa bahay ko. Kumilos ka na."

"Opo, Lola."

Ramdam ni Luan na maraming galit sa kanya na malapit sa pamilya nila. Galit din sa kanya ang Lola Diyosa niya, pero hindi gaya ng galit na meron ang kuya niya.

Tumulong siyang mag-ayos ng garden kasama sina Cheese at Coco. Inabot na sila ng tanghali nang matapos.

Akala niya ay tapos na ang trabaho niya, pero pinapunta pa siya sa office ng lola niya para lang mag-ayos ng computer nito. Pinag-ayos din siya ng unit ng Lolo Ric niya, maging ang iba pang computer sa mansiyon, pinaglinis din siya.

Kaya pagdating ng hapon, binigyan siya ng perang nasa envelope base sa oras na nagtrabaho siya. At hindi iyon ganoon kalaki. Sakto lang ding pamasahe kung magbu-book siya ng car service.

Sa sobrang busy niyang mag-ayos ng computer, hindi niya napansin na nasa mansiyon na pala ang Ninang Jae at Ninong Rico niya kanina pa at pauwi na rin.

"Ninong Rico," tawag niya rito. Nilapitan pa niya ito sa nakaparadang Subaru at hinihintay ang mag-ina nito na nasa loob pa.

"Hmm?" himig nito nang lapitan niya.

"Tuloy pa ba yung work ni Ikay sa Purple Plate?"

Umiling agad si Rico. "Ni-request na ni Eugene na kung magkaroon man ng work si Ikay, baka . . ." Sinadyang putulin ni Rico ang sinasabi. "Baka doon siya somewhere na related sa course niya."

"Puwede ko po ba siyang samahan?"

"I don't think so," mabilis na sagot ni Rico. Mabilis na bumakas sa mukha ni Luan ang lungkot sa balita ni Rico. "Alam kong gusto mong samahan si Ikay to help her," sabi nito at tinapik siya sa balikat. "I know that. More than anyone else, mas nakaka-relate ako diyan dahil si Ninang Jae mo, araw-araw kong tinutulungan because her business is her life. It's her passion. Doon siya masaya, doon niya nararamdaman na may worth siya hindi lang bilang asawa o bilang mama ni Connor."

Nakagat ni Luan ang labi dahil pakiramdam niya, lalo nang nawawalan ng pag-asang magkasama pa ulit sila ni Ikay.

"Pero never akong nag-rely kina Mum o kay Dad para lang i-support si Jaesie," dugtong ni Rico. "She's not the first option ng parents ko for me. Hindi siya galing sa mayamang pamilya, may sarili siyang pangarap na gustong ma-achieve, binubuhay niya ang sarili niya. So if you want to help Ikay to bring out the best in her or if you want to give her a decent life or a decent future, learn to be independent first."

Napatitig si Luan sa mga mata ng ninong niyang hindi siya pinagagalitan gaya ng iba kahit pa tunog sermon din ang sinasabi nito.

"Kasi kung hindi mo siya kayang suportahan, pareho lang kayong lulubog. May pangarap si Ikay. Hindi niya deserved na masira ang pangarap dahil lang hindi mo siya kayang suportahan nang sarili mo lang."

Napayuko na lang si Luan dahil sa sinabi ng ninong niya.

"If you want to be with Ikay, patunayan mo na kaya mo siyang i-support nang hindi nagre-rely sa ibang tao. Because if you can't do everything for her sake, pumili na lang siya ng ibang mas deserving sa kanya kasi hindi ikaw 'yon."


♥♥♥


Ayaw man ni Ikay ang desisyon ng mga magulang niya, pero nirespeto na lang niya iyon dahil nakipag-ayos naman na raw si Eugene sa mga ito.

Nasa tita niya siya noong dumalaw ito at tumutulong sa pagbabalat ng rekado para magkaroon siya ng kaunting pera sa araw na iyon. Hindi man lang niya ito naabutan o kahit man lang ang pagdalaw nina Luan sa kanila.

Magka-text pa rin sila ni Luan at ramdam niya ang sama ng loob nito na hindi man lang sila nakakapagkita. Kahit din naman siya ay masama ang loob, at sa isip niya ay puwede na ngang maghanap ng iba si Luan dahil para sa kanya, tapos na ang meron sila. Ayaw na niyang magalit ang papa niya at gusto na lang niya ng tahimik na buhay.

Pero mapilit si Luan. Sinabi nito na kapag may matinong trabaho na ito, araw-araw na itong dadalaw sa kanya kahit pa magalit ang papa niya tuwing makikita ito. Ni hindi ito nagmintis bumati at mag-I love you; umaga, tanghali, at gabi—na ni minsan ay hindi niya natugunan man lang.

Hindi niya alam kung bakit mahal pa rin siya nito kahit parang wala nang pag-asa ang kanilang dalawa. Natatakot na nga siyang mag-boyfriend ulit dahil baka maulit na naman ang bawat pag-iyak niya dahil sa galit ng papa niya.

Tanggap na niyang malabo na ang kanila ni Luan, pero ikaapat na linggo pa lang na hindi sila personal na nagkikita ay dinalaw siya nina Rex at Clark. Pinapunta pa siya sa fast food na malapit sa school sa labas lang ng village nila para makausap siya.

Unang beses niyang makitang nagtabi ang mag-amang Rex at Clark at naniniwala na siyang magkamukha nga ang dalawa. Iisa lang ang hulma.

Nakaakbay si Rex sa daddy niya habang panguya-nguya ng fries si Clark.

"'Musta?" tanong ni Clark nang ialok din kay Ikay ang binili niyang fries dito.

"Okay lang po," malungkot na sagot ni Ikay.

"Meron ka bang morning sickness?" tanong ni Clark.

"Po?" Nalito naman si Ikay.

"Naduduwal? Nahihilo? Cravings?"

"Para saan po?"

"Baby Yum, samahan mo si Ate Ikay sa restroom," utos ni Clark.

"All right." Tinapik ni Rex ang balikat ng daddy niya at ulo lang ang iginalaw para utusan si Ikay na sundan siya.

Litong-lito naman si Ikay kung ano ba ang meron at kinakausap siya ng mag-ama. Sinamahan siya ni Rex sa restroom at nagulat siya nang abutan siya nito ng kung anong bagay. Nanlaki ang mga mata niya nang pregnancy test kit iyon.

"Hala!" Pinandilatan lang niya si Rex na ngumunguya pa ng chewing gum habang nakakrus ang mga braso sa kanya.

"Go ahead," utos nito.

"Bakit may ganito?" tanong niya nang itaas ang kit.

"Told ya. We were expecting na preggy ka. But if not, good for you. But if you are, hindi naman kami maghihintay na five years old na ang baby mo bago pa namin siya makilala. So, go na." Itinuro nito ang loob ng restroom. "Wish ka munang mag-negative."

Akala ni Ikay, nanti-trip lang ang mag-ama hanggang sa makakita siya ng two lines sa PT at lumabas siyang tulala mula sa restroom.

Buntis siya. At iniisip pa niyang wala pa namang next week na inaasahan niyang magkakaroon siya.

Bumalik sila sa table nila na chill lang si Rex at umakbay na naman sa daddy nito.

"Positive," balita ng dalaga.

Akala ni Ikay ay magugulat si Clark, pero bigla itong umaktong naiiyak pa pero masaya. Maarte pa nitong pinaypayan ang mata gamit ang mga nakapilantik na mga daliri.

"Oh my God! Magiging lolo na 'ko!" pigil na hiyaw nito. "Hashtag blessing!"

"Daddy, mamaya ka na mag-hashtag diyan," sermon ni Rex. "Let's go to the next mission."

"Next mission?" tanong ni Ikay na hindi pa nga nakaka-recover sa nalaman.

"Dude, we're proactive here," sabi agad ni Rex. "You mate with Kuya Luan, and we're not expecting a hamster from you. Positive ang pregnancy test, so we need to take you sa specialist na to confirm kung preggy ka nga sa baby niya."

"Tama, tama," pagsang-ayon ni Clark na para bang si Rex ang may pakana kaya naroon sila.

"Don't worry, confidential itong checkup," disclaimer ni Rex. "We're not announcing it like we're announcing a birthday party. We'll take it slow para hindi ma-stress ang lahat."

"Tama, tama," ulit ni Clark at tumango-tango pa. "Ano next na gagawin, Boss?" tanong niya sa bunsong anak.

"Sa clinic na tayo."

"Clinic!" pag-cheer ni Clark sa susunod nilang destinasyon.

Nawiwirduhan na si Ikay sa kilos ng mag-ama. Hindi na niya alam kung sino ba ang mas matanda sa dalawang ito dahil mas sinusunod pa ni Clark ang sinasabi ni Rex.

Pumunta sila sa clinic ng ob-gynecologist na malapit lang din sa bahay nina Ikay. Pinagsuot pa siya ng face mask at sombrero para lang hindi siya makilala pagpasok doon.

Nababalisa na si Ikay, at mas lalo pa siyang nabalisa nang kumpirmahin na mismo ng babaeng doktor na buntis nga siya at hindi pa madaling mapapansin dahil ilang linggo pa lang ang fetus.

"Huwag mo munang sabihin sa parents mo," paalala ni Clark. "Kami na ang bahala. Sundin mo na lang ang advice sa 'yo ng doktor."

Dumating na nga ang inaasahan nilang balita at wala nang nagulat kina Eugene pero paniguradong magugulat si Leo sa malalaman nito.

Pinag-iisapan na nila ni Clark kung paano ba aaminin kay Leo ang ginawa ni Luan. Hindi pa nito pinanonood ang security footage sa bahay dahil madalas sa madalas ay si Clark ang gumagawa n'on. Wala rin naman kasing inaasahan si Leo na mangyayari sa loob ng bahay niya. Madalas ay laging sa labas.

Kaya nga noong pinapunta nila sa sala ang lahat para sa balita, ilang beses nang nagkapalitan ng tingin sina Clark at Eugene para ihanda ang sarili sa reaksiyon ni Leo.

"Kapag kayong dalawa ang nagpapatawag, alam ko nang sasamâ ang loob ko," paunang salita ni Leo.

"Goods 'yan, 'tol. Ayaw naming ma-shock ang buong buhay mo sa sasabihin namin," biro ni Clark.

"Punyeta ka," sabi ni Leo na hindi nila alam kung biro ba o talagang nagsisimula na itong mainis.

Nakaupo sa single-seat sofa si Leo. Si Luan naman sa mahabang sofa katabi ang mama niya. Nakatayo naman sina Clark at Eugene na may importante nga raw na sasabihin.

"All right," pabuntong-hiningang panimula ni Eugene. "Puwede kayong magalit sa amin ni Ninong Clark because late na naming ia-announce ito, but we were anticipating this last month pa."

Tutok naman si Leo sa sinasabi ng anak.

Patango-tango naman si Clark.

"Buntis si Ikay," balita ni Eugene.

Napasinghap silang lahat kasama si Clark. Hindi nito inaasahan ang biglang balita ni Eugene.

"Gene, nag-expect pa 'ko ng mahaba-habang monologue, ano ba 'yan?" reklamo ni Clark. "Bubuwelo pa lang, e! Inatake mo agad!"

Natatawa tuloy na napakamot ng ulo si Eugene.

"Ano ngayon kung buntis si Ikay?" tanong ni Leo.

"Si Luan ang tatay, 'tol," sagot ni Clark.

Napasinghap si Kyline at napatakip ng bibig. Pero si Leo, dahan-dahang lumipat ang matalim na tingin sa bunsong anak na nakasalubong din ang tingin niya.

"Pina-checkup namin ni Rex kahapon. Nandiyan sa office ang result," sabi ni Clark. "Kaya nga—hwoy!"

Napailag silang lahat nang bigla na lang sapakin ni Leo si Luan habang tutok pa sila sa sinasabi ni Clark.

Sa sobrang gulat ni Luan, napasandal siya sa sofa habang hawak ang pangang unti-unting ginagapangan ng sakit. Pinandidilatan niya si Leo na nanlilisik ang mga mata sa kanya.

"Ano na namang kagaguhan 'tong ginawa mo, Luke Anakin!" galit na galit na sigaw ni Leo, halos maglabasan ang litid niya sa leeg at noo.

"Dada!" awat ni Eugene at hinawakan na sa balikat si Leo, humarang na rin siya sa harapan nito para hindi na makalapit pa kay Luan.

"Hindi ka pa absuwelto sa ginawa mo no'ng nakaraan, nagdagdag ka pa ng panibago!" dagdag ni Leo, duro-duro na ang bunsong inaalalayan naman ni Kyline sa pagkakaupo.

"'Tol, kumalma ka," awat na rin ni Clark.

"Paanong kakalma?!" gigil na tanong ni Leo kay Clark, minamata na rin ang kumpare. "Nakabuntis! Si Ikay pa! Inayos na ni Eugene 'yang putang-inang problema niya sa pamilya ni Ikay, may panibago na naman! Putang ina!" Sinipa ni Leo ang sofa kung saan siya naupo at hinihingal na tinapunan ng matalim na tingin ang bunso.

"Dada, calm down," pakiusap ni Eugene. "We're working on it, okay? Nandito na tayo. May baby na. All we can do is to give support kay Ikay."

Napaupo na lang gawa ng panghihina si Leo at takip-takip ng mga palad ang mukha dahil sa panlulumo.

"Plan namin ni Ninong Clark na pumunta today kina Ikay, to settle everything—financial, the schedule, yung schooling ni Ikay, legalities, everything. Mas magsa-suffer siya sa consequences nitong situation kaya pine-prepare ko na rin ang resolution kung sakali mang magalit ang family niya sa 'tin. May karapatan silang magalit at dapat i-accept natin 'yon," paliwanag ni Eugene.

Dumating na ang inaasahan ni Luan. Magkaka-baby na sila ni Ikay. Pero hindi gaya ng inaasahan niya talaga, ramdam niya ang galit ng lahat sa sitwasyon.

Walang may gustong mabuntis si Ikay at kasalanan niya ang lahat.

Sa sobrang galit ng papa niya, ni ayaw siya nitong pasakayin sa sasakyan nito. Wala tuloy siyang nagawa kundi doon sa sasakyan ng kuya niya sumakay para lang makasama papunta kina Ikay.

Gusto lang niyang makasama nang matagal si Ikay, pero lalong lumalabo ang gusto niya dahil sa napili niyang sagot sa problema.

Pagdating kina Ikay, umiiyak na ito nang maabutan niya at masama ang tingin sa kanila ng papa nito. Mas lalo na sa kanya.

Nasa unahan na sina Eugene at Clark, para bang hinaharangan na sila sa likod bago pa magkainitan ang sitwasyon.

"Magandang hapon, madame!" masayang bati ni Clark, pilit pinagagaan ang sitwasyon. Nag-alok ng pakikipagkamay sa mama ni Ikay. "I'm Clark Mendoza, simpleng mamamayan ng bansang Pilipinas. Nakuwento na yata ako ni Ikay sa inyo. Sa akin galing ang laptop niya."

"Ah . . . magandang araw din ho," tugon ng ginang at kinamayan din si Clark.

"Ano hong name n'yo?" tanong ni Clark kahit alam naman na niya ang sagot.

"Katalina."

"'Ganda naman ho ng name n'yo."

Napangiti na lang nang kusa ang mama ni Ikay dahil sa sinabi ni Clark. Pagbitiw nila ng mga kamay, nalipat ang tingin ni Clark sa papa ni Ikay na ramdam talaga niya ang galit kahit sa tingin pa lang. "Magandang hapon po, boss." Sumaludo na lang si Clark kaysa mag-alok ng pakikipagkamay.

Pare-parehong nakatayo lang ang buong pamilyang Scott doon sa sala, at dahil walang nag-alok sa mga Ercia na umupo na sila, wala ring nagtangkang maupo sa kahit sino sa kanila.

"Nagtiwala ako, Sir Eugene, dahil tao kang tumapak dito sa pamamahay namin, tao rin kaming nakipag-usap sa 'yo," pigil ang galit ng papa ni Ikay, kuyom-kuyom ang kamao.

"Ako na ho ang humihingi ng pasensiya para sa kapatid ko," magalang na paumanhin ni Eugene.

"Pasensiya?" galit na tanong ng papa ni Ikay. "Pasensiya na naman? May magagawa pa ba 'yang pasensiya mo kung buntis na ang anak ko?!"

Walang nagsalita sa mga Scott. Tanging iyak lang ni Ikay ang naririnig nila matapos ang sinabi ng ama nito. Niyakap lang ito nang mahigpit ng ina para patahanin.

Nakiramdam sina Eugene. Nangingilid na rin ang luha ng papa ni Ikay na halatang masama ang loob dahil sa balita. At tanggap nila ang galit nito dahil gaya nga ng sabi ni Eugene, karapatan nitong magalit.

"Boss, eentrada na ako, ha?" pagbasag ni Clark sa katahimikan. "Para ho makapag-share din ako, anak ho ako ng doktor, nag-take din ako ng caregiving, ilang baby at soon-to-be mother na rin ang naalagaan ko"—inakbayan niya agad si Eugene—"ako rin ang nagpalaki sa guwapong batang ito. Lumaki naman siyang mabait, magalang, at marespetong tao like me. Kaya kung pag-aalaga lang naman, wala kayong itulak-kabigin sa amin. Expert na expert, god-tier, beyond par!"

Napaiwas agad ng tingin si Leo dahil sasaluhin na naman siya ni Clark sa problema niya.

"Ang amin, buntis na si Ikay, hindi na natin mababago 'yan. Hindi naman natin puwedeng ipa-abort," dugtong ni Clark sa paliwanag. "Kaya nga nandito kami kasi magte-take kami ng obligation kay Ikay. Nabuntis siya nitong bunso ng kumpare ko, obligasyon naming panindigan ang bata. Nagpa-checkup na kami kahapon. Healthy naman siya. Okay naman ang result ng ultrasound. Binigyan na siya ng reseta, susuporta na lang kami."

Tahimik man ang ama ni Ikay pero kita sa mga mata nito ang galit kay Luan.

"Legally, ang plano namin, ikakasal—"

"Walang ikakasal," putol ni Leo sa sinasabi ni Clark.

"Dada," tawag ni Eugene nang lingunin ang ama.

"'Tol," saway na rin ni Clark nang lapitan si Leo. Pero desidido ito. Kita sa mata nito na seryoso ito sa sinasabi.

Deretso ang tingin ni Leo sa mga mata ng papa ni Ikay. "Kung sustento lang, wala kaming reklamo sa sustento. Bibilhin namin lahat ng kailangang bilhin. Babayaran ang dapat bayaran. Kung aalagaan si Ikay, walang problema. Kung kinakailangang puntahan namin siya rito o bigyan siya ng sariling nurse, e di gawin. Pero hindi ako boto sa kasal."

"Gano'n lang 'yon?" galit ding tanong ng papa ni Ikay. "Bubuntisin ng anak mo ang anak ko tapos tatakbo kayo sa responsabilidad n'yo?"

"Walang tatakbo sa responsabilidad dito," mahigpit na sagot ni Leo. "Gaya mo, ama rin ako. Hindi ako tumatanggi sa kasal dahil ayoko sa anak mo. Tumatanggi ako dahil kung ako ang tatay ni Ikay, hindi ako pipili ng ganitong tao para sa anak ko!" Nilingon pa niya si Luan para dikdikin ng daliri ang sentido nito. "Kung talagang seryoso siya kay Ikay, panindigan niya! Paghirapan niya! Susuporta kami kay Ikay, pero kung gusto niyang makita ang anak mo, gumawa siya ng paraan!"

"Daddy . . ." natatakot nang tawag ni Luan. Niyakap na siya ni Kyline para awatin din.

"Kung gusto niyang makita ang anak mo, magbayad siya ng checkup. Kung hindi siya magbabayad, wala siyang karapatang makita ang anak mo at anak niya. Magtrabaho siya! Kung susuko siya, wala siyang karapatang pakasalan ang anak mo. Kung nabuhay si Ikay nang wala siya, mabubuhay si Ikay nang wala siya. Kung magpapakaama siya, panindigan niya. Dahil kung iresponsable lang din naman ang tatay ng anak ni Ikay, huwag na silang magsama." Turo-turo ni Leo ang dibdib para magpaliwanag. "Alam ko ang pakiramdam bilang anak na sira ang pamilya. At hindi ako papayag na makukulong si Ikay sa kasal para lang masabing pinanindigan siya. Kung handa na sila, papayag ako. Pero ngayon? Walang ikakasal! Kung gusto ng kasal, magpakatino muna 'tong gagong 'to bago 'yan mangyari para wala tayong problema."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top