"Luke!"
Napaayos agad ng tayo si Luan mula sa pagkakasandal sa metal bar na harang ng waiting shed. Naitago agad niya ang phone bago pa mai-send kay Ikay ang text kung nasaan na ito at bakit ang tagal.
Alas-nuwebe pa lang ng umaga pero balak na nilang dalawang umalis ng school.
"Yung dalawang kasama mo?" tanong ni Luan paglapit ni Ikay.
"Si Nica, sinundo agad ng boyfriend niya. Si Santi, uuwi muna para i-check yung sample ng lulutuin niya para sa Saturday. Pero babalik daw ulit siya rito sa school mamayang hapon." Inabot agad ni Ikay ang laptop bag kay Luan nang abutin iyon ng binata.
"Ikaw, babalik ka pa?" tanong ni Luan.
Mabilis na umiling si Ikay. "Magre-retype ako ng recipe ko para sa Saturday. Pinagpasa lang kami ni ma'am ng hard copy ng presentation namin tapos pina-dismiss na kami. Sa Friday na ulit kami papasok."
"So, wala kang pasok bukas?"
Masayang umiling si Ikay. "Wala! Kaya makakapag-practice akong magluto bago ang Saturday."
"Ah . . ." Napatango na lang si Luan kahit may kaunting pagkadismaya roon. Dalawa pa naman ang exam niya bukas at late na ang 10 a.m. exam niya. Ibig sabihin, tanghali pa rin siya makakauwi kahit pa ano'ng gawin niya.
Naglakad na ang dalawa palabas ng campus. Sasakay na ulit sila ng bus, pero nagpasabi na agad si Ikay na gagawa na naman siya ng copy ng recipe para sa Saturday kaya asahan na ni Luan na hindi siya tatambay at mauupo maghapon.
Bitbit ni Luan ang laptop bag sa kaliwang kamay habang hawak naman ng kanang kamay niya ang kamay ni Ikay. Halatang hindi siya mapakali dahil ilang beses din niyang pinisil-pisil ang kamay nito nang wala namang dahilan.
"Um . . . Ikay?"
"Bakit?"
"Puwede akong pumunta sa inyo bukas?"
Mabilis na napatingala sa kanya si Ikay, nanlalaki ang mga mata. "Bakit ka pupunta?"
"Siyempre, para kasama kita pag-uwi, di ba?"
"Gagi, hindi puwede. Ano ka ba?"
"Di ba, may pasok naman papa mo n'on?"
"May pasok nga, pero kamag-anak din kasi namin yung mga kapitbahay namin. May tindahan yung tita ko sa tapat ng bahay namin, e bantay 'yon lagi doon. Hindi ka puwede sa bahay kasi magsusumbong 'yon kay Papa."
Napapanguso na lang si Luan dahil hindi siya pinayagan ni Ikay na dumalaw sa bahay nito. Gustuhin man sana niyang ayain si Ikay sa bahay ng Ninong Rico niya para doon ito magluto, pero wala naman doon ang ninong niya ngayon.
"Si Ninang Mel pala, nagtuturo sa culinary school. Pero baking kasi," biglang bawi ni Luan. "Ay! Pero baka puwede pa rin doon magluto ng steak kasi kitchen talaga doon!"
"Gagi, nakakahiya. Hindi naman ako estudyante doon."
"Hindi 'yan! Mabait naman 'yon si Ninang Mel. Te-text ko muna siya ta's ask ko kung puwedeng doon ka magluto. Free na yung gas range tapos free use pa sa kitchen equipment."
"Culinary school 'yon, tangek. May bayad 'yon."
"Ako magbabayad."
"E? 'Wag na! Wala ka pa ngang pamasahe, e."
"Merong iniwang allowance si Kuya Eugene kaya may pera naman ako pambayad. Sige na, bukas lang naman, e."
"'Wag na. Sa bahay namin, libre pa."
"E, hindi nga kasi ako makakapunta sa inyo. Doon ka na lang kaya sa bahay namin magluto?"
"Ayoko sa bahay n'yo magluto. Baka pagalitan na 'ko ni Sir Leo, nangingialam ako ng mga gamit sa kitchen niya. Last time, pinagalitan ka na nga, e."
"Paano kita pupuntahan bukas?"
"'Wag ka munang pumunta. Review ka na lang muna."
"Kahit sa labas ng village, bawal?"
Napapakamot na lang ng ulo si Ikay. "Magkikita naman tayo sa Friday. One day lang naman, ano ka ba? Saka magte-text naman ako."
Nakasimangot pa rin si Luan, ayaw tanggapin ang ganoong setup nila. Hindi na lang siya nagsalita dahil wala pa siyang naiisip na remedyo sa schedule nila ni Ikay.
Habang nasa bus sila, tahimik pa rin si Luan at pinag-iisipan nang mabuti kung paano makikita kinabukasan si Ikay dahil nga wala itong pasok at siya ay meron.
Sobrang lapit na nga lang ng bahay nito sa kanila, at kung sino pa ang sobrang lapit, iyon pa ang hindi puwedeng puntahan na lang basta. Pinagalitan na siya ni Ikay, at kapag umulit pa siya ng isa, baka lalo pa itong magalit gaya ng papa nito.
"Ikay."
"Bakit?"
"Kita tayo bukas. Kahit doon na lang sa may school sa Belmont. May milk tea house naman doon, di ba? Yung katabi ng sakayan ng tricycle."
"Magre-review ka pa, di ba?"
"Oo nga. Kahit 15 minutes lang, tapos uwi din ako. Kain lang tayo."
Napapangiwi naman si Ikay dahil mapilit talaga si Luan. Nakakailang dahilan na ito, nakukulitan na rin siya. "Sige na nga. Pag-uwi mo, text mo na lang ako, abangan na lang kita doon sa milk tea house."
"Yes!" Napasuntok agad si Luan sa hangin dahil napapayag niya si Ikay.
"Pero 15 minutes lang, ha? Kasi hindi ako nagpaalam na aalis bukas, e. Baka tanungin ako ng tita ko kapag nakita ako sa labas."
"Okay!"
Sa totoo lang ay hindi ramdam ni Ikay na boyfriend na niya si Luan. Para kasing walang nagbago sa mga ginagawa nila dahil ganoon na sila noon pang nakaraang limang araw.
Kung may bago man sa pakiramdam niya, iyon na malamang ang takot sa papa niya. Galit pa rin kasi ito kay Luan, at ngayon, boyfriend na niya. Wala tuloy siyang magagawa kundi magtago kung ayaw niyang mapagalitan.
At gaya kahapon, doon na naman siya tatambay kina Luan. Pero bago sila umuwi, bumili muna sila ng meal sa fast food dahil ayaw na ngang mangialam ni Ikay ng kusina ni Leo. Kung natatakot na siya sa Papa niya, mas dapat siyang matakot kay Leo dahil hindi naman niya ito kaano-ano at nakikitambay lang naman siya sa bahay nito.
Nasa kuwarto ni Luan ang dalawa, nasa sahig sila nakaupo at nakapatong sa maliit na table ang mga kinakain nila.
"Ang nice daw ng presentation ko, sabi ng mga classmate ko," kuwento ni Ikay. "Sobrang ganda kasi talaga ng gawa mo. Mas maganda nga lang for me yung soft copy kasi may animation. Sa hard copy kasi, wala."
Anong lapad na naman ng ngiti ni Luan dahil pinupuri siya at ang gawa niya ni Ikay. "If mahaba lang ang time or at least a week ago pa natin ginawa, baka mas maganda pa ang nagawa ko," pagyayabang ni Luan. "But for a rush project, that's okay na rin."
"Hmp!" Sasabihin sana ni Ikay na mayabang si Luan kaso baka magalit sa kanya kaya hindi na niya itinuloy.
Natahimik silang dalawa habang kumakain. Paminsan-minsang nagpapalitan ng ulam para makatikim ng magkaiba nilang pagkain at tatahimik ulit.
Magaan ang pakiramdam ni Luan kapag kasama niya si Ikay. Mas lamang ang pakiramdam na hindi nga siya mag-isa. Kaya iniisip pa lang niyang wala ito bukas, nauunahan na siya ng lungkot kaya inuunahan na rin niya bago pa niya iyon maramdaman bukas.
Pagkatapos na namang magsabay magsepilyo ng dalawa, nagsimula na ng review niya si Luan habang ginagawa naman ni Ikay ang recipe niya para sa Sabado. Gustuhin mang gawin iyon ni Luan ay wala naman siyang alam sa kung ano ba ang gagawin kaya inawat na siya ni Ikay at sinermunan na namang mag-review na lang ng sarili nito lalo pa't mas mahirap ang courses niya.
At dahil hindi makakaupo nang maayos si Luan sa study table dahil magiging abala si Ikay, sinabihan niya itong doon sila sa gaming area niya sa likuran ng study area para nga raw "malaki ang space." Kahit pa di-hamak na mas malawak ang space sa study area nito para kay Ikay.
Hayun tuloy silang dalawa at nagsisiksikan sa bear couch nitong hindi ganoon kataas sa sahig at nakikitabi sa mga stuffed toy na nakakalat doon. Nakaupo si Luan at nakasandal sa couch, nakalatag ang magkabila niyang binti sa gilid para bakuran si Ikay. Nasa mismong harapan naman niya ito, yakap-yakap niya ang baywang habang tutok ito sa laptop.
Ang usapan, magre-review siya. Pero may hawak man siyang e-book reader, nakatuon naman ang mga mata niya sa ginagawa ni Ikay. Iyon ang pinag-aaralan niya imbes na sarili niyang reviewer.
Pero kahit nanonood lang siya sa tina-type ni Ikay, hindi pa rin niya malaman kung paano iyon naging exam. Instruction kasi ang ginagawa nito at kung paano nga talaga magluluto ng steak gaya ng pag-init ng pan, paglagay ng asin at paminta sa karne, at kung ano-ano pa.
"Ikay."
"Hmm," sagot nito, tutok pa rin sa laptop.
"Di ba, girlfriend na kita."
"Oo nga. Bakit?"
"Di ba, may endearment ang mga mag-boyfriend-girlfriend?" tanong ni Luan. "Puwede kitang tawaging babe?"
Napangiwi agad si Ikay. "Yuck! Tunog babaero ka diyan."
"Ngi?" Napasimangot naman si Luan at nailapag na ang reader na hawak niya. "Love? Si Daddy, tawag niya kay Mama, Love."
"Siyempre, asawa niya kaya 'yon."
"Baby?"
"Ikaw dapat ang tinatawag na baby, hahaha!"
"Hoy!" sita ni Luan.
"Hahaha!" Lalo lang natawa si Ikay.
"Mahal?" tanong ni Luan. "Si Ninong Clark, tawag niya kay Tita Sab, Mahal, e."
"Huwag mo munang isipin 'yan kasi hindi ka pa okay kay Papa," paliwanag ni Ikay. "Paano kung madulas ang dila mo? E, di nahuli tayo."
"E, sweet kasi 'yon . . ." napapangusong depensa ni Luan.
"Makipagbati ka muna kay Papa tapos isip tayo niyan, ha?" sabi ni Ikay.
Hindi nakaimik si Luan. Ayaw kasi niyang makipagbati, pero wala rin siyang magagawa. At ang gusto niya, kapag makikipagbati siya, isasama niya ang daddy niya o kahit ang kuya niya.
Napapabuntonghininga na lang si Luan at napayakap kay Ikay mula sa likod habang nakatunghay sa balikat nito, pinanonood ang tina-type nito.
"Tapos ka nang mag-review?" tanong ni Ikay kahit tutok sa ginagawa. "Matatapos na ako rito."
"Magre-review na lang ako sa school bukas. Nandoon sa computer sa school yung software na gamit namin. Hindi ko 'yon mare-review ngayon."
"Sure, ha?"
Tumango lang si Luan at isinubsob ang mukha sa balikat ni Ikay. Ang bango pa rin nito. Amoy na amoy ang tamis ng gamit nitong shampoo. Saglit siyang natahimik doon at paidlip na sana nang may maalala.
"Ikay," tawag niya at nakabaon pa rin ang mukha sa balikat ng kayakap.
"Bakit?"
"Hatid kita bukas sa school."
"Wala nga ako sabing pasok bukas. Si Luke, makulit. Sa Friday pa."
"Ay, ako pala yung may pasok bukas." Pabalik sana sa saglit na idlip si Luan nang maalala na wala nga pala siyang pasok tuwing Friday.
Pumasok lang siya noong nakaraang linggo para samahan si Ikay sa library kahit wala naman siyang klase.
"Hala, wala pala akong pasok sa Friday," sumbong niya kay Ikay nang silipin ang mukha nito.
"Pahinga ka na lang muna kasi pareho naman na tayong may pasok sa Saturday. Final exam naman na 'yon."
"Sa Friday, hatid na lang kita sa school, ha?" alok agad ni Luan, sinisilip ang mukha ni Ikay.
"Oo, bahala ka. Basta, text mo ako kung nasaan ka para mapupuntahan din kita."
"Okay." Lalo tuloy humigpit ang yakap ni Luan kay Ikay nang isubsob ulit niya ang mukha sa balikat nito.
Ang tahimik sa kuwarto, mahinang ingay lang ng keyboard ang naririnig ni Luan. Inaantok lang siya lalo sa katahimikan. Nilalaro-laro lang niya ang marahang pagkamot sa baywang ni Ikay hanggang sa bahagya niyang itaas ang chef's uniform nito at pisil-pisilin ang malambot na parte ng baywang nito.
"Luke, 'wag mong anuhin 'yang bilbil ko," sermon ni Ikay.
Natawa nang mahina si Luan. "Ang cute nga, e."
"'Wag kang magulo. Patapos na 'ko rito, lalo akong magtatagal, sige ka diyan."
Patuloy lang sa pagpisil si Luan sa baywang ni Ikay para magpapansin dito. Dinampian niya ito ng magaang halik sa balikat at paisa-isang dumampi ang mga iyon na palaro-laro lang para mangulit kay Ikay. Ang kaso, hindi pa rin siya nito pinapansin.
"Mag-Alt-Tab ka na lang para hindi mo na i-hover yung cursor sa mga tab," turo niya kay Ikay nang mapansin ang kanina pa nitong ginagawa.
"Hindi ako marunong, sorry naman."
Tinawanan lang iyon nang mahina ni Luan at umabot na ang dampi ng halik niya sa leeg ni Ikay.
"Luke, 'wag ka muna makulit kasi," naiirita nang sita nito.
Natatawa pang lalo si Luan dahil naiinis na nga niya si Ikay.
"'Pag hindi ko 'to natapos, isusumbong talaga kita kay Sir Leo," babala ni Ikay.
"Tapos ka naman na yata, e. Nag-uurong ka na lang ng mga image."
"Pero hindi pa rin tapos kasi may ginagawa pa rin ako. Eto talaga . . ."
Saglit lang na nagpaawat si Luan. Ilang minuto pa niyang pinanood si Ikay sa ginagawa nito pero bumalik na naman siya sa pangungulit nang maburyong sa katahimikan.
Pabiro niyang kinagat ang malambot na parte ng tainga nito kaya mabilis itong napakibit dahil sa gulat.
"Luke!" hiyaw ni Ikay, hawak ang tainga niya. "Ang kulit mo na, pramis."
"Pansinin mo na kasi ako." Inuntog-untog pa ni Luan ang noo sa balikat ni Ikay.
"Mamaya nga, tatapusin ko lang 'tong ginagawa ko. Ano ba 'yan?" naiinis na sabi ni Ikay at binalikan ang tinatapos niyang recipe. "Tahimik ka muna diyan para matapos ako agad."
Napapanguso na lang si Luan at bumalik sa pagkakayakap kay Ikay. Tumahimik na nga lang talaga siya hanggang matapos ito.
Akala ni Ikay ay mangungulit pa rin si Luan kahit napagsabihan na niya, pero natahimik nga talaga ito kaya nakaramdam naman siya ng guilt dahil baka nasobrahan siya ng sermon dito. Iba pa naman ang intindi nito sa mga bagay-bagay. Nang matapos siya sa recipe niya at naisalin na iyon sa flash drive, nagtanong agad siya rito.
"Puwede ako magpa-print dito o doon na lang sa office ng daddy mo?"
Matipid ang ngiti ni Luan nang ituro ang kabilang area kung nasaan sila.
"Galit ka?" tanong pa ni Ikay.
Umiling lang si Luan.
Nangunot tuloy ang noo ni Ikay dahil ang tahimik pa rin ni Luan. Kahit nang kunin nito ang laptop niya para ilipat sa kabila ay wala pa rin itong imik.
"Sorry na," pasensiya agad ni Ikay kahit wala pa namang sinasabi si Luan.
"Okay lang," sabi ni Luan, nanunulis pa rin ang nguso.
Natatawa tuloy si Ikay. "Papansinin na kita kasi tapos na ako. Ipi-print na lang 'yan."
Naupo siya sa kama at pinanood si Luan na asikasuhin ang pinapa-print niyang recipe. Limang page lang naman iyon kasama ng mga listahan ng ingredients na may pictures.
Pag-upo ni Luan sa gaming chair nito, pumaling agad ito paharap sa kanya.
"Punta ako sa inyo bukas, ha?" ulit ni Luan.
"Doon nga sa school," ulit din ni Ikay.
Tumango si Luan at ngumiti. "Puwede ka i-kiss?"
"Ha?" gulat na tanong ni Ikay.
"Papaalam na ako para hindi mo 'ko pagalitan."
"Pfft! Hahaha!" Ang lakas ng tawa ni Ikay at nakangiting tumango kay Luan.
"Yes!"
Nanlaki agad ang mga mata ni Ikay nang bigla siyang dambahin ni Luan.
♥♥♥
Nakatulala si Ikay sa kisame ng kuwarto ni Luan, iniisip kung ano na nga ba ang nangyayari sa buhay niya sa mga sandaling iyon.
Nanghingi kasi ng kiss si Luan. Pinagbigyan naman niya.
Wala naman sanang problema sa kiss . . . pero biglang napunta sa leeg . . . at nagtanggal ng T-shirt si Luan . . . at biglang wala na siyang uniform . . . at may ginawa na silang hindi nila dapat ginawa.
Nang maalala ang nangyari, napangiwi na naman siya dahil sa naghalong kaba at pressure.
Patay na talaga siya sa papa niya.
Iniisip pa niya na baka katawan talaga niya ang habol ni Luan. At pagkatapos nitong makuha ang virginity niya ay hindi na siya nito papansinin. At paniguradong iiyak siya araw-araw habang dinadamdam ang nangyari.
Bigla siyang napatingin dito, sa mukha nitong mahimbing na natutulog at nakadantay sa nakahayag na itaas ng dibdib niya, sunod sa braso nitong nakayakap sa tiyan niyang kumot na lang ang panakip.
Parang hindi naman.
Nagsisimula na siyang mag-overthink. Hindi niya rin madedepensahan na pinilit siya ni Luan dahil nagtanong naman muna ito kung okay lang ba sa kanya ang gagawin nila. Tumango naman siya para sabihing oo. Nadala na siya ng sitwasyon, hindi na siya nakaatras.
Sa imagination niya, ginigising na niya ito at hawak sa balikat habang niyuyugyog para lang itanong kung nakuha na ba nito ang habol nito sa kanya para puwede na silang magkalimutan habang maaga pa. Ayaw na niyang masaktan at paasahin kasi second year college pa lang siya at ayaw pa niyang mamatay sa heartbreak nang ganoon kaaga.
Ang usapan, matutulog sila pagkatapos n'on. Pero si Luan lang ang nakatulog, siya ay gising pa rin at iniisip ang napakaraming bagay.
Binibilang na nga niya ang mga hakbang na gagawin kapag nagising na si Luan. Naaalala pa naman niya ang kuwento ng mga kaklase niya na dina-dump ng mga nakaka-sex nito pagkatapos n'on.
Kapag nagising 'to at hindi ako nito pinansin, magkalimutan na talaga kaming dalawa.
At kapag pinansin naman siya pero cold na ito...
Hindi ko rin siya kakausapin nang maayos, akala niya, ha.
At kapag maayos naman ang pagkausap nito pero hindi na nagpakita kinabukasan...
Never mo na 'kong makikita, 'raulo ka. Umayos-ayos ka talaga, sinasabi ko sa 'yo, Luke Anakin. Kapag yumaman ako, pupunta ako sa ibang bansa at babalik ako sa Pilipinas para maghiganti sa pamilya mo.
Hindi talaga nakatulog si Ikay kahit pa ang sarap ng tulog ni Luan sa katawan niya.
Naabutan na lang sila't lahat ng alarm para makauwi siya pero hindi pa rin nawala ang sama ng tingin niya rito habang iniisip kung kailan siya nito iiwan.
Pag-ingay ng phone ni Luan, umuungot pa nitong inabot ang phone sa nightstand. Tiningnan agad ni Ikay ang wallpaper nito kung ibang babae ba ang naroon o kaya sexy animé o babaeng naka-bikini. Ganoon kasi ang wallpaper ng mga kaklase niyang lalaki. Puro mga sexy ang makikita.
"Gusto ko pang matulog," reklamo ni Luan na basag ang boses.
Pagsunod ni Ikay ng tingin sa phone ni Luan, nakagat agad niya ang labi para mapigilan ang pagngiti dahil picture nilang dalawa ang wallpaper nito na nakasakay sila sa kabayo at pareho silang nakangiti.
Hep!
Bumalik ang masamang tingin niya kay Luan. Baka pakitang-tao lang nito ang wallpaper. Kahit pa wala naman siyang sinabi na iyon ang gawin nitong wallpaper. Kahit pa cute na pink bear ang wallpaper niya sa phone at wala man lang siyang kakopya-kopya ng picture nilang dalawa ni Luan samantalang meron ito.
Ayaw niyang magpakakampante. Masyado pang maaga para magsalita. Baka nagbago na ang ihip ang hangin at hindi na ito gaya noong bago pa may mangyari sa kanila. Baka hindi pala talaga siya nito mahal!
"Uwi ka na?" tanong pa nito.
Ang sama ng tingin ni Ikay kay Luan. "Oo, bakit, may magagawa ka ba, ha?" maangas niyang tanong dito.
Sumimangot naman si Luan at isinubsob ang mukha sa leeg ni Ikay. "Puwede dito ka na lang sa akin forever?"
Biglang napalitan ang masamang mood ni Ikay ng pigil na ngiti dahil sa kilig.
"Mahal mo pa 'ko?" tanong ni Ikay, nagpipilit magsungit.
Napalayo tuloy si Luan at nagtataka sa tanong niya. "Of course! Bakit may pa?" Dinampian agad niya ng mabilis na halik si Ikay sa labi saka sa pisngi bago ibinaong muli ang mukha sa leeg nito. "Bukas ka na uwi, ta's sabihin mo na lang sa mama saka papa mo, may overnight kayo ng friends mo," utos ni Luan.
Hindi agad makasagot si Ikay. Nate-tempt na siyang gawin nga iyon dahil gusto niyang makampante na may mababalikan pa siya kay Luan matapos ng nangyari sa kanila.
Pero mas lalo naman siyang walang mababalikang pamilya kung uunahin niya si Luan. Kung hindi man siya nito piliin, mas okay nang piliin pa rin siya ng pamilya niya.
"Hindi puwede," malungkot na sagot ni Ikay. "Magagalit si Papa. Hindi ako nagpaalam."
Ang bigat ng buntonghininga ni Luan at hinalikan na lang sa pisngi si Ikay. "Sige na nga. Next time, papaalam na lang ako para sa 'yo kahit pagalitan ako ng papa mo."
Alam ni Ikay na imposibleng mapapayag ni Luan ang papa niya, pero kinilig pa rin naman siya sa sinabi nito. Alam niyang kayang-kaya ni Luan na sumugod sa kanila, pero alam din niyang hindi nito gagawin kapag sinabi niyang hindi puwede.
Nakikiramdam si Ikay sa kilos ni Luan. Ready na nga ang pangmalakasan niyang litanya na isa siyang strong, independent woman at kaya niyang mabuhay nang wala ang binata kaya kung past time lang ang tingin nito sa kanya, not her loss.
Iyon lang, paano niya naman masasabi ang boss-leveling lines niya kung kanina pa siya tinatanong ni Luan tungkol sa mga gamit at kailangan niya?
"Wala nang ibang ipi-print?" tanong nito matapos iayos sa folder ang recipe ni Ikay.
"Wala na."
"Yung phone mo, naalis na sa charger?"
"Nasa bag na."
"Yung laptop, nabalik na ba sa bag?"
"Okay na, nandito na sa 'kin."
"What else . . . ?" Himas-himas ni Luan ang baba para isipin kung ano pa ang dapat gawin o dalhin ni Ikay pauwi.
"Okay na. Uuwi na 'ko," sabi ni Ikay.
Napasimangot na naman si Luan. "Sure ka, ayaw mong mag-overnight?"
"Hindi nga puwede. Tatawagan ako ni Papa, gusto mong ikaw sumagot?"
"Okay lang. Kakausapin ko siya."
Napabawi agad si Ikay. "Hindi, 'wag na! Next time na lang talaga." Mabilis siyang tumayo bago pa magbago ang ihip ng hangin at hindi siya pauwiin ni Luan.
Nakikiramdam pa rin si Ikay. Imbes na isipin niyang sana ay mahalin pa rin siya ni Luan matapos ang nangyari sa kanila, mas inisip pa niyang magpakita na ito ng tunay na kasamaan ng ugali nito para makalayo na siya habang maaga pa.
At iniisip niya iyon habang magka-holding hands sila, bitbit ni Luan ang laptop bag niya, at sinasabi nito kung anong oras ito pupunta bukas para makapag-ready ito ng pasalubong sa kanya galing sa school.
Pagsakay tuloy nila ng tricycle, takang-taka na si Luan kung bakit kung matahin siya ni Ikay ay para siyang pumatay ng napakaraming tao.
"What?" tanong pa ng binata.
"Pag-uwi ko, ano na ang gagawin mo?" nagdududang tanong ni Ikay.
"I'll eat dinner kina Tita Sab. Review. Ite-text kita kasi bawal ang call, sabi mo. Then I'll sleep na."
Numinipis pang lalo ang mga mata ni Ikay habang nagdududa kay Luan. "Makikita pa ba kita bukas?"
"Of course! Pag-uwi ko nga, sa milk tea house tayo, di ba?"
"Paano ako makakasigurong babalikan mo pa 'ko?" nanunukat na tanong ni Ikay.
"Um . . ." Nagduda na rin si Luan. "What do you mean by that?"
"After ba nito, girlfriend mo pa 'ko?" mapagdudang tanong ni Ikay.
"Um, yeah? Are you breaking up with me? Wala pa tayong 24 hours, Ikay!"
"Baka ikaw! Plano mo na. Sabihin mo na agad habang maaga pa."
Napatingin tuloy si Luan sa relo niya. "No, it's already late na. 6:38 na kaya."
"Hindi, tangek! Ibig kong sabihin, habang hindi pa tayo super matagal na gaya ng ex mo."
"Gaya ng ex ko?" gulat na tanong ni Luan. "What's the relevance?"
"Kung makikipag-break ka na, makipag-break ka na para hindi na 'ko iiyak."
"I won't!" tanggi ni Luan, salubong pa ang kilay. "No breakup, okay? I'm all good. I'll wait for you tomorrow sa milk tea house. 'Wag ka na magalit. Kiss na lang kita."
Kahit nakabusangot si Ikay, hindi naman siya tumanggi sa forehead kiss na bigay ni Luan sa kanya.
"Text kita mamaya bago ako matulog, ha?" paalala ni Luan habang yakap si Ikay sa gilid. "Dapat kasi soundproof na lang yung room mo para puwede kitang tawagan, tsk!"
Nakakarami nang assurance si Luan na magkikita pa naman sila bukas, pero hindi pa rin talaga matahimik ang pakiramdam ni Ikay. Natatakot kasi siyang baka gaya si Luan ng mga campus guy sa kanila na kiss and tell na nga, mga babaero pa.
Nang makauwi si Ikay sa kanila, sinabi agad niya sa sarili na kapag walang good night text si Luan sa kanya, hindi siya tutuloy bukas sa milk tea house.
Good night text na lang 'yon! Baka pagmakaawaan ko pa!
Kaya kahit ang mama niya, napansin ang masungit niyang itsura habang naghahapunan sila.
"Iyanne, nasa harap ka ng pagkain, ganyan ang mukha mo," sita ng mama niya.
"Sorry po, Ma," matamlay na sagot ni Ikay.
"May nangyari ba?"
Umiling lang siya.
"Wala pa namang sinasabi ang papa mo tungkol kay Luke. May umaway ba sa iyo sa school?"
"Wala po, Ma. Yung isa ko lang pong classmate, ayaw lang pong makipag-cooperate sa group project namin," pagsisinungaling niya rito.
Buntonghininga lang ang naisagot ng mama niya sa sinabi niya.
Ayaw talagang mawala ng anxiety niya. Wala pa naman siyang pasok bukas. Para tuloy gusto na lang din niyang pumasok kahit wala siyang klase para lang mabantayan ang gagawin ni Luan.
Pero sayang ang pamasahe kaya bahay pa rin talaga. Di bale nang magka-anxiety siya basta walang gastos.
Nakabalik na lang siya ng kuwarto na iyon pa rin ang iniisip niya.
Sa dami ng dahilan ni Luan para iwan siya, hindi na niya mahanap ang mga dahilan para piliin siya nito.
Cute lang naman siya. May personality naman siya, pero hindi kasi siya mayaman. Nagba-bus lang siya. Walang brand ang backpack niya. Binili lang sa pharmacy ang cologne niya. Yung shampoo niya, naka-sachet lang. Wala siyang kayang ipagmalaki kay Luan. Waiting na nga siya sa big revelation ng mama at papa niya na ipinaampon lang pala siya sa mga ito dahil anak talaga siya ng bilyonaryong hindi pa ready i-reveal sa madla ang unica hija nila.
Iniisip pa lang niya ang tungkol sa bilyonaryo part, naaalala na niyang may lending company sina Luan na kumikita ng milyon-milyon kada araw—hindi buwan, hindi taon. Araw.
"Hnng!" Nagpapadyak si Ikay sa kama dahil sa inis. "Bakit ba kasi hindi ako anak ng mayaman?!"
Para kay Ikay, biggest insecurity na niya iyon mula nang makilala niya si Luan at mga taong nakapaligid dito.
Ramdam talaga niyang mahirap lang sila kapag kasama niya ang mga malalapit na tao kay Luan. Hindi man lahat ay minamata siya, pero hindi pa rin maiwasang ma-insecure siya dahil hindi niya kayang abutin ang buhay na meron ang mga ito.
Halos ayaw na nga niyang silipin ang phone dahil iiyak talaga siya kapag walang text si Luan.
Ayaw niyang makitang wala itong sabihin man lang matapos ang nangyari sa kanilang dalawa.
Kaya nga patulog na siya nang binuksan ang phone para lang sana mag-set ng alarm. Ang kaso, hayun at tadtad na pala siya ng notification galing kay Luan.
Hi, Ikay!
Nag-dinner ka na kami nina Tita Sab.
Ano dinner mo? Kami Thai cuisine tonight.
Si Tita kasi, nag-crave ng pad thai.
Busy ka?
I'm home na ulit!
Review time!
Mag-sleep ka na ba?
I'm going to bed na.
Good night, Ikay! See you tomorrow!
I love you, Ikay koooo
Pigil na naman ang tili ni Ikay nang yakapin ang phone niya at magpagulong-gulong sa kama dahil sa kilig. Kung hindi lang siya maririnig ng mama at papa niyang nasa kabilang kuwarto lang, malamang na kanina pa siya tumitili roon.
Ramdam ni Ikay na mahal pa rin siya ni Luan, pero ayaw pa rin niyang mag-dive sa feelings na iyon dahil pakiramdam din niya ay mas masasaktan siya kung mas lalo siyang aasa sa mga ipinakikita nito sa kanya.
Kasi kahit pa mahal siya nito, hindi pa rin n'on mababago ang katotohanang mayaman ito at mahirap pa rin sila.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top