Chapter 28
Aliping-alipin ni Mel si Luan sa café habang namamapak naman ng cookies sina Patrick at Ikay sa may counter, naghihintay na sagutin ang tawag para sa farm ng mga Vizcarra.
"Dady Pat, yung cookies n'yo mas matamis kaysa sa gawa ni Sir Rico," pansin ni Ikay sa nginunguyang cookie.
"Because I'm sweet," nakangiting sagot ni Patrick. "And Rico didn't like sweets. Ayaw niya ng maraming sugar sa ginagawa niya."
"Oooh. Pero masarap naman pareho. Mas matamis lang yung gawa n'yo saka maraming choco chips."
"Next time, we'll do lemon bars." Ngumiti na naman nang malapad si Patrick.
Mabilis na tumango roon si Ikay at pinagtuunan ng pansin ang cookie na hawak.
Ilang sandali pa, sumagot na ang kabilang linya kay Patrick.
"Hi! This is Patrick, nandiyan si Lolo Jose?"
Nakatitig lang si Ikay kay Patrick na sumesenyas sa kanya ng OK sign.
"Yeah. Si Gaia, nasa farm? Or kung may available na—yeah. Short tour lang, yes. Dadaan kami mamaya, may kasama kaming visitor. Kasama si Luan. Yes. All right, thanks!"
Ibinaba na ni Patrick ang tawag at nginitian ulit si Ikay. Inayos niya ang ilang takas na buhok sa mukha at inipit sa tainga.
"Okay! Prepare ka na, we will go na sa farm," balita ni Patrick.
"Hala! Pero may work pa po kami ni Luan!" gulat na sabi ni Ikay.
"I don't think Mel will like you working here. Not that she doesn't like you and Luan, but ayaw lang niya ng may babantayan. After all, hindi naman kayo nagwo-work dito. Naka-detention lang si Luan and you're his guardian for now. Wait here. Kukunin ko lang si Luan sa asawa ko."
May trabaho dapat sila, pero maliban sa pagtulong kay Patrick, wala pang mabigat na trabaho ang ibinibigay kay Ikay.
Hindi sigurado si Ikay kung okay lang bang hindi siya nagtatrabaho kahit dapat na may ginagawa siya. Pagbalik ni Patrick, akbay-akbay na nito si Luan na nakayuko lang at nakabusangot na naman.
"Leopold!" malakas na pagtawag ni Patrick, at napalingon si Ikay sa kaliwang direksiyon kung saan papalapit si Leo na namumulsa pa.
"Ano na namang atraso niyan?" tanong agad ni Leo tungkol sa anak.
"Palayasin ko na raw kayo rito, sabi ni Mel," natatawang sabi ni Patrick.
"Hindi na 'ko nagulat," sagot ni Leo.
"Okay na sa farm. Hindi puwede si Gaia, pero nasa field naman daw sina Roshan saka Java," sabi ni Patrick.
"Puwede na basta kabayo," sabi na lang ni Leo at kinuha ang anak niya kay Patrick. "Akin na nga 'yang makulit na 'yan. Baka kalbuhin pa 'yan ni Mel."
"She's almost there doing that," sabi ni Patrick at binalingan si Ikay na nanonood lang sa kanila. "Come here. Alis na kayo ni Tito Leo."
Napangiwi naman si Ikay sa 'Tito Leo.' Hindi niya makita ang sariling tatawagin nang ganoon si Leo.
Lumapit na si Ikay sa kanila at si Patrick na ang kumuha sa bag niya na isinabit niya sa gilid ng kitchen rack.
Ang dami pang sinabi ni Patrick na hindi naintindihan ni Ikay dahil tungkol na raw sa kotse kaya dumistansya na siya at tumabi kay Luan na nakasimangot pa rin.
"Pinagalitan ka ng ninang mo?" tanong ni Ikay.
"Yeah."
"Bakit daw?"
"Basta. Lagi naman niya akong pinagagalitan." Inaya na nito si Ikay sa labas para doon hintayin si Leo.
Nakailang lingon si Ikay sa loob ng café, nag-aalala dahil wala pa silang alas-tres doon pero aalis na sila.
"Hindi ba tayo pagagalitan ni Sir Rico saka ni Miss Jae kasi aalis tayo nang maaga?" usisa na naman ni Ikay kay Luan.
"Si Ninang Mel ang may gustong umalis na tayo, e," katwiran pa ni Luan. Nakailang hawi na siya ng buhok niyang napapawisan na.
Lumabas na rin si Leo at mag-isa na lang ito. Itinuro nito ang sasakyang nakaparada sa gilid ng Purple Plate para utusan silang sumakay na roon.
"Sir Leo, bakit aalis na po tayo?" tanong ni Ikay nang maglakad na palapit sa sasakyan.
"Pinalalayas na tayo ng mga bantay diyan ngayon," sabi na lang ni Leo at inutusang sumakay na ang dalawa para makaalis na sila.
Nag-uusisa si Ikay pero halatang walang may balak sumagot sa kanya nang eksakto. Pagdating sa sasakyan, pinauna na siyang sumakay si Luan sa backseat. Ang akala niya, ito naman ang sa passenger seat sa harapan, pero nagulat siya nang tumabi ito sa kanya. Kaya nga pagsakay ni Leo, nilingon agad sila nito.
"O, sino'ng may sabing diyan ka maupo?" sermon ni Leo sa bunso.
"Hindi kami kasya ni Ikay sa harap," chill na sagot ni Luan, nagkrus pa ng mga braso.
"Oo nga. E, bakit nandiyan ka nga?" ulit ni Leo.
"Para tabi kami!"
"Bumaba ka, lumipat ka rito sa harap," mahigpit na utos ni Leo.
"Ayaw!"
"Anong ayaw? Hindi ko kayo ihahatid sa farm, sige ka lang."
"Daddy!"
"Daddy-Daddy ka diyan! Baba!"
"Ano ba 'yan?" dabog ni Luan at wala nang nagawa dahil hindi rin naman siya makakapunta roon kasama si Ikay kung walang maghahatid sa kanila.
Nakasimangot na naman siya nang padabog na binuksan ang pinto ng backseat.
"Itong batang 'to, 'pakatigas ng ulo," naiinis na ring sabi ni Leo habang sinusundan ng tingin ang anak niya na lumilipat ng upuan.
Pagbukas nito ng pinto sa harap, nagdabog na naman ito. "Kapag kayo naman ni Mama naghahalikan, hindi naman ako nangingialam, a!"
"Aba, punyeta ka talagang bata ka." Sinalubong tuloy ni Luan ang palo ni Leo pag-upo niya sa shotgun seat.
"Daddy!" Himas-himas na tuloy ni Luan ang braso niya at nakasimangot na naman sa daddy niya.
"Kasal kami ng mama mo! Ikaw, kasal ka na ba?" paalala ni Leo.
"E, paano n'yo 'ko nagawa dati kung kasal na kayo? Kinasal kayo, marunong na 'kong magsulat ng ABC!"
Kuyom ni Leo ang kamao nang panggigilan na namang batukan ang anak niya. "Araw-araw na lang akong naha-highblood sa 'yong bata ka! Dapat talaga, pinamigay na lang kita dati pa!"
Masama pa rin ang loob ni Luan na hindi sila tabi ni Ikay, pero mas masama ang timpla ni Leo dahil hindi talaga patatapusin ni Luan ang away nila nang hindi umiinit ang ulo niya.
Tahimik lang si Ikay sa backseat at nakikiramdam. Kung tutuusin, wala naman siyang alam sa pamilya ni Luan maliban sa family picture na naroon sa bahay ng mga Scott. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ni Luan sa ikinasal ang mga magulang nito noong marunong na itong magsulat. Ang dami-dami na tuloy niyang naiisip.
Anak ba sa ibang babae si Eugene dahil mabait ito pero kamukha ni Leo? Anak ba sa ibang tatay si Luan? Pero tingin niya, tunay itong anak. Kamukha nito ang ina at kaugali naman ng ama.
Hindi alam ni Ikay kung saan sila pupunta. Hindi na nagpansinan ang mag-ama sa harap. Tumanaw na lang tuloy siya sa bintana ng sasakyan habang nasa biyahe.
Araw-araw ang biyahe niya, pero hindi siya pamilyar sa daan kung saan sila papunta. Paglampas nila ng toll way, bumiyahe na sa kung saang daan ang sasakyan nila. Ang dami nilang dinaanang residential house at ilang palengke, pero ilang minuto mula sa huling palengke, blangko na ang mga daan dahil puro palayan na. Lumiko sa kaliwa ang sasakyan at pumasok sa malaking gate. Sandaling hinarang ng guard pero pinatuloy rin pagkatapos i-check ang sasakyan mula sa labas.
Doon na mas lumapit si Ikay sa bintana dahil may mga nakikita na siyang baka at kambing sa gilid ng kalsada na puro na damuhan.
"Sir Leo, malapit na po ba tayo?" excited na tanong ni Ikay.
"Nandito na tayo," sagot ni Leo.
"Hala! Totoo po?" Bilib na bilib naman si Ikay nang tumanaw ulit mula sa bintana ng sasakyan. Pagkatapos ng malawak na damuhan, pumasok sa panibagong gate ang sasakyan nila at doon na mas namilog ang bibig ni Ikay.
Sa tabi ng kalsada, may rose garden na silang nadaraanan. Napuputol lang ang pagtanaw niya dahil sa mataas na hedge bilang bakod ng mga halaman.
"Sir Leo, para tayong nasa amusement park!" tuwang-tuwa na sabi ni Ikay. "Ang ganda ng garden, o!"
Walang sinabi si Leo, hinayaan lang si Ikay na mag-enjoy sa mga nakikita nito.
Bihirang makapunta sa pasyalan si Ikay. Wala rin naman sa barkada niya ang nakakapag-aya sa ganoon maliban tuwing Pasko. Pero malayo pa ang Pasko kaya mas lalong bumilib si Ikay.
Paglampas nila sa rose garden, mahabang damuhan na naman. Pero malayo pa lang, tanaw na ni Ikay sa gilid niya ang malaking ancestral house doon.
"Hala, ang ganda ng bahay . . ." mahinang sabi ni Ikay at tinitingnan ang estruktura mula sa malayo.
"Dati, diyan kami nagbabakasyon," kuwento ni Leo. "Ngayon, hindi na puwede diyan kasi marurupok na ang kahoy. Hindi na rin magandang tapakan ang sahig."
"Sayang naman," nanghihinayang na sabi ni Ikay.
Pagliko nila sa kaliwang kalsada, napalipat sa kabilang bintana si Ikay para lang matingnan sa malapitan ang panibagong hardin.
"Sir Leo, ang ganda ng fountain, o!" masayang sabi na naman ni Ikay at tinuro-turo pa ang cherub fountain sa kabila ng mga mababang hedge sa gilid ng kalsada. "Ang daming magagandang lugar . . ."
Biglang naalala ni Ikay ang sinabi ni Leo na nandoon na raw sila sa farm kung saan manghihiram ng kabayo—farm ng Ninang Mel ni Luan.
"Sir Leo, kina Miss Mel po ba 'to lahat?" usisa ni Ikay.
"Oo, bakit mo natanong?"
"Wow . . ." Iyon lang ang nasabi ni Ikay habang nakatingin sa gilid ng kalsada na may napakahabang harang na halaman. "Ang yaman po pala talaga ni Miss Mel."
Pero hindi niya iyon naramdaman. Ni hindi niya masasabi sa biglang tingin na mayaman si Mel noong unang kita niya. Maliban sa maganda ito, wala na siyang napansin sa aura nito. Hindi ito nakakatakot, hindi siya rito kinabahan o nangilag man lang. Naiilang lang siya sa pang-uusisa nito dahil halatang mahilig sa tsismis, pero hindi niya masabing ubod ito ng yaman.
Masasabi niyang sobrang humble nitong tao. Hindi man lang siya nito minata noong sinabi niyang driver ang papa niya. Sa lawak at ganda ng mga nakikita niya, nanliliit siya sa mga inamin niya rito. Ayaw man niyang maliitin ang trabaho ng mga magulang niya, pero siguradong kulang pa ang limang taon para lang makaipon ang mga ito pampagawa ng hardin man lang sa tapat ng bahay nila.
Pagkatapos ng mahabang bakod na halaman, kahoy na bakod naman ang kasabayan nila sa daan at doon na napahawak sa bintana si Ikay dahil may dalawang kabayong nasa labas at naroon sa gitna ng malawak na damuhan.
"Luke, may kabayo na!" excited na sabi ni Ikay at nilingon si Luan na halos tumuwad sa sandalan ng upuan para lang makita ang itinuturo ni Ikay sa bintana.
"Where?" tanong pa ni Luan.
"Ayun, may brown saka merong parang dalmatian!"
"Dalmatian?" nalitong tanong ni Luan. "Daddy, may dalmatian ba na horse sina Ninang Mel?"
"Ewan ko sa inyong dalawa. Maghanap kayo ng dalmatian horse diyan," napapailing nang sabi ni Leo at iniliko sa kaliwa papasok ng barn ang kotse niya.
Paghinto na paghinto pa lang ni Leo ng sasakyan katabi ng mga traktora, nagbukas agad ng pinto si Luan at bumaba.
"Ikay, tara na, bilis!"
"Saglit, wait!"
Bored na bored naman ang tingin ni Leo kay Ikay at kay Luan na nakalimutang kasama siya. Paglabas ni Ikay ng sasakyan, naiwan na siya roong mag-isa, hindi na siya hinintay.
Samantala, tuwang-tuwa naman si Luan na yakag-yakag si Ikay doon sa gitna ng damuhan para lang malapitan ang puting kabayo na may batik, ang tinawag ni Ikay na dalmatian.
"Hala, ang laki niya sa personal!" napapangangang sabi ni Ikay nang mabagalan ang lakad para lang matingnan nang maigi ang kabayo.
"Sa Gaia, mas maganda rito," kuwento ni Luan. "I used to play with her kasama si Damaris."
Natahimik si Ikay nang titigan lang si Luan.
"Si Damaris yung anak nina Ninang Mel. Yung may-ari kay Gaia," mabilis na paliwanag ni Luan nang mapansin ang nanunukat na titig ni Ikay.
"Ah . . ." matamlay na sagot ni Ikay at sinipa-sipa na lang ang damuhan.
"Childhood friends kasi kami kasama nina Cheese. Crush niya si Cheese, pero si Coco talaga yung gusto ni Ninang Mel para sa kanya. Si Coco yung anak ni Ninang Jae. Nakita mo na siya sa Purple Plate, right?" sunod-sunod
na kuwento ni Luan.
"Oo," simpleng sagot ni Ikay.
"Wala akong gusto sa kanya, promise." Nagtaas pa ng kanang kamay si Luan.
"Wala naman akong sinasabi," mataray na sabi ni Ikay at inirapan pa si Luan.
Ilang saglit pa, nakarinig na sila ng pagpadyak sa lupa. Sabay pa silang napalingon sa kanan, at napanganga na naman si Ikay nang may nangangabayo roon. At hindi lang basta nangangabayo, babae ang nakasakay. Nakaitim na sando, naka-denim jeans, at boots. Hinahangin ang itim na itim na buhok nito at nagtakip na lang si Ikay ng bibig para hindi pumasok sa bibig at ilong niya ang alikabok na gawa ng paglapit ng itim na kabayo sa kanila.
Para itong kumikinang sa liwanag ng araw. Napakakintab ng balat at buhok ng kabayo.
Ang lakas ng kalabog ng dibdib ni Ikay at kulang na lang, bumagsak siya sa lupa sa sobrang pagkamangha sa nakikita. Tingalang-tingala pa siya nang lumapit sa kanila ang babaeng nasa kabayo.
Kahit hindi na siya magtanong, masasabi niyang anak iyon ni Patrick dahil malaki ang pagkakahawig ng dalawa.
Kunot ang noo nito at tinataasan silang dalawa ng kilay. "I can't believe na hihiramin n'yo ng girlfriend mo si Gaia," sabi nito at napapalunok na lang si Ikay dahil ang lambing ng boses nito kahit matapang at nagtataray.
"I thought, bawal kang sumakay kay Gaia ngayon?" sagot ni Luan at nagkrus pa ng mga braso.
"Sasakay ako sa pet ko any time I want to."
"Pahiram ng horse."
"Hiramin n'yo si Java." Itinuro nito ang brown na kabayo sa malapit.
"Bakit hindi puwede si Gaia?" tanong pa ni Luan.
"Bumili kayo ng kabayo n'yo. Not my pet." May puwersa nitong tinapik sa gilid ng leeg ang itim na kabayo at tumakbo na naman ito nang mabagal. "Hi, Uncle!" bati nito kay Leo na papalapit pa lang saka pinatakbo nang mabilis ang kabayo para libutin ang buong kuwadra.
"Hintayin natin si Lolo Jose," paalala ni Leo na naghanap na ng tambayan niya sa gilid ng barn. "Siya raw ang mag-aalalay sa inyo kay Java."
Natatahimik naman si Ikay habang sinusundan ang babaeng nakasakay sa kabayo.
"Grabe, ang ganda niya . . ." namamanghang sabi ni Ikay na hindi maisara ang bibig.
"She's Damaris."
"Para siyang animé!" dagdag ni Ikay. "Para siyang 3D na tao!"
"She looks like a doll, but that's all. Masungit kasi 'yan. Mabait lang 'yan kay Carlisle. But the rest, sobrang sinusungitan niya."
"Grabe, ang gaganda saka ang guguwapo n'yo namang lahat . . ." nadidismayang sabi ni Ikay. "Nakasando lang siya, o. Tapos parang wala pa siyang makeup."
"Mas pretty ka pa rin," sabi ni Luan sabay ngiti.
"Mas maganda siya. Mukha pa siyang mabango." Ibinalik ni Ikay ang tingin kay Damaris na sakay pa rin ng kabayo nito at namamasyal doon. "Ta-try ko nga ring pumorma ng ganyan, para kasing ang ganda." Nai-imagine na tuloy ni Ikay ang sarili niya habang nakatingin sa babaeng nakasakay sa kabayo.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top