Chapter 27
"Culinary ka rin?" tanong ni Mel.
Mabilis namang tumango si Ikay. "Second year po."
"Tapos twenty ka na."
Tumango na naman si Ikay. "Yes po."
Nakaabang lang si Mel sa gilid ng mesa nina Ikay at Luan. Nakaupo siya sa ladderback chair at nakahambalang sa aisle. Nanananghalian nga kasi ang dalawa pero inaabala naman niya.
"Ano'ng work ng parents mo?" tanong ulit ni Mel kay Ikay.
"Driver po ang papa ko. Office clerk naman po ang mama ko."
"Oooh . . . driver saka office clerk. Asawa ko, driver din, e. Pero wala siyang sahod. Utusan ko lang siya. Tapos napagtripan ko lang pakasalan kasi . . . wala lang. Cute kasi. Di ba, Pat?"
"Hmm?" patay-malisyang sagot ni Patrick na naglilinis ng katabing mesa. "Um, yeah?"
"See?" proud pang sagot ni Mel. "Dinadala ko 'yan dito para siya yung magpunas-punas ng mesa diyan sa gilid-gilid. Kapag kasi nasa bahay 'yan, buhay-prinsipe siya roon. Ano siya, sinusuwerte? Kaya dito siya. Alipinin ko siya rito."
Napapasulyap naman si Ikay kay Patrick na may suot na apron ng Purple Plate, nakatali ang may-kahabaang buhok, at tahimik lang na nagliligpit sa mga katabing mesa.
Driver lang daw ito, sabi ni Melanie. Pero kapag tinitingnan niya ito, parang hindi lang ito mukhang driver. Ang kinis ng kutis nito at ang tangos pa ng ilong. Tuwing ngingitian sila, para bang masayang-masaya ito sa pinag-uusapan dahil sobrang tamis ngumiti. Ang sabi ni Mel, kaedad lang daw nito ang papa ni Leo, pero sa paningin ni Ikay, parang mas kaedad nito si Eugene. At hindi niya maiwasang sulyapan ito paminsan-minsan dahil angat na angat ang itsura nito sa buong café. Ang lakas ng dating nito kahit naka-apron, at literal na 'magandang lalaki' sa paningin niya.
"Co-owner po kayo rito?" inosenteng tanong ni Ikay kay Mel nang maalala ang tungkol doon dahil sa kinakaing cake.
"Ako, co-owner?" inosente ring tanong ni Mel at sinapo pa ang dibdib. "Ay, hindi! Tagaluto lang din ako rito, oo. Tambay lang ako kapag walang request o kaya kapag tapos na akong mag-bake, ganyan." Tumang-tango pa siya para papaniwalain si Ikay. "Pero co-owner, hindi. Sino'ng nagsabi niyan sa 'yo?"
"Sabi po nina Sir Rico."
"Ah . . . si Mr. Dardenne. Sus!" Naghawi pa ng hangin si Mel. "Palabiro talaga 'yon. Mahilig mag-joke. Mukha lang 'yong seryoso pero sira-ulo 'yon. Huwag kang basta-basta maniniwala sa pinagsasabi n'on. Beshiewaps ko lang ang asawa niya kaya feeling may-ari ako rito. You know? What's yours is mine." Sabay kindat.
Tumango-tango naman si Ikay sa sinabi ni Melanie.
Si Luan naman, nakangiwi lang sa naririnig na kasinungalingan sa ninang niya.
"Akala ko po, co-owner kayo, hehe." Nahihiyang naghimas ng palad si Ikay. "Nakakahiya naman po, inutusan pa po kayo ni Luan na mag-bake ng cake," pagtukoy niya sa minemeryenda nila kanina pa.
"A, gano'n talaga. Makapal ang mukha ng batang 'to, e." Kinurot pa niya si Luan kaya biglang nag-react.
"Aray, Ninang!" Nakasimangot na hinimas ni Luan ang braso niyang nakurot.
"Sorry po kay Luan."
"Ay, hindi! Wala lang 'yan, sus! 'Yang cake, leftover lang 'yan ng mga customer, ano ka ba? Libre 'yan, libre."
Lalo lang ngumingiwi si Luan sa sinasabi ng ninang niya.
"Parang wala naman pong leftover na ganito kahapon. Buo pang cake tapos hindi kinuha," naiilang na sabi ni Ikay.
"Ang usisa mo, 'no? Kainin mo na lang 'yan, huwag nang maraming tanong," sarcastic nang sabi ni Mel sabay tawa ulit. "Anyway, hindi ka jowa nito." Itinuro niya si Luan.
Mabilis na umiling si Ikay. "Hindi po!"
"Walang balak?"
"Hala!" gulat na sagot ni Ikay. Naituro tuloy siya ni Mel na may malisyosang tingin.
"Ayiieee! Hindi nag-no! Pero crush mo si Luan?"
"Ump!" Mabilis na ngumuso si Ikay sabay iling, pero namumula na ang mukha.
"Asuuus! E, ba't ka nagba-blush?" buyo ni Mel at tinusok-tusok ang braso ni Ikay. "Ayiiieee, kunwari na lang wala si Luan dito. Crush mo, hindi?"
Nakangiwi lang si Luan kay Mel habang nangingilag na si Ikay na pinamumulahan ng mukha.
"Silence means yes," buyo na naman ni Mel kay Ikay.
"Hala, hindi po . . ." mahinang sabi ni Ikay at nakanguso pa.
"Ay, hala, hindi raw!" Biglang pumaling kay Luan si Mel. "Paano 'yan, Luan? Hindi ka raw crush!"
"Ninang! Huwag mo kasing . . ."
"Anong huwag ko kasing ano?" paikot-ikot na tanong ni Mel.
Hindi na mawala-wala ang pagkabusangot ni Luan at nawalan na ng gana sa kinakain nilang cake.
"Ito kasi si Luan, hindi 'to basta-basta nambubulabog sa mga ninang niya kapag walang kailangan," kuwento ni Mel kay Ikay. "Ang inaabala nito, laging si Clark. Kaya malamang na gusto ka nito kaya nagpagawa ng cake para sa inyo."
"Ninang Mel," saway na ni Luan, nagmamakaawa na.
"Alam mo, kung bet mo si bebi gerl, deretsahin mo na agad," mataray pang sabi ni Mel kay Luan. "Paano kung may manligaw ritong iba na mas mabait? E, di basted ka na."
"Mabait na nga ako, Ninang!" naiiyak na namang sabi ni Luan at kamot-kamot na ang ulo sa sobrang inis.
"Mabait ka? Sa lagay na 'yan, mabait ka na? E, kung ibalibag kaya kita sa ilog?"
"Mabait na nga ako, Ninang!" pilit na naman ni Luan. "Para kang si Daddy, napakakulit!"
"Para ka ring daddy mo, pareho kayong topakin. Hindi ka mabait! Ilusyonado ka." Pumaling na naman siya kay Ikay at kinalabit ang dalaga. "Huwag mong boboyprenin 'tong Luan na 'to hangga't ugaling garapal pa rin, ha?"
"Ninang, kasi!"
"Anong ninang kasi ka diyan?" singhal ni Mel paglingon sa kanan niya. "Tapusin mo na 'yang cake at magtrabaho ka na! Itsura nito. Sa dinami-rami ng pagmamanahan, talagang minana mo lahat ng masamang ugali ng tatay mo. Tse!"
Tumayo na rin si Mel at kinalabit na naman si Ikay para sabihing dumeretso sa kitchen pagkatapos nitong kumain.
Tikom ang bibig ni Ikay nang tumango at pinanood na lang si Melanie na alalayan si Patrick sa trolley na tulak nito papasok ng kitchen.
Nang hindi na makita ang mag-asawa, sumulyap siya kay Luan na minu-murder na ang cake nito dahil naiinis na naman.
May gusto sa kanya si Luan.
Pansin din niya noon pang araw na nag-usap sila tungkol sa sinabi sa kanya ni Sabrina na hindi siya qualified maging girlfriend nito.
Ayaw lang niyang pansinin ang tungkol doon dahil ayaw niyang mailang kapag kasama ito. Nasa kanya pa naman ang pamasahe nito araw-araw. Hindi pa niya masabing mabait si Luan na gaya ng pagkakaunawa niya sa salitang mabait, pero nakikita naman niyang sinusubukan at ginagawa naman nito kapag magkasama sila. Bigla tuloy niyang naalala noong hinalikan siya nito. Hindi siya nakaramdam ng kaba. Wala ang malakas na tibok ng puso. Baka nga hindi niya ito gusto dahil wala ang mga senyales na iyon.
"Huwag mo na lang pansinin si Ninang Mel," sabi ni Luan na nakayuko. "Makulit lang talaga siya."
Nangangati si Ikay na magtanong kung paano siya nagustuhan ni Luan, pero ayaw na lang niyang gawing mas awkward ang buong araw nila.
Noong nakaraang linggo lang kasi, nagsisigawan pa silang dalawa dahil sa kinuha niyang pera dito. At ngayong matatapos na lang ang panibagong linggong magkasama silang dalawa, biglang gusto na siya nito. Hindi na siya sigurado kung saan ba seryoso si Luan.
Nauna siyang pumunta sa kitchen dahil binalikan na naman sila ni Mel, pero si Luan ang pakay nito.
Naiwan sa labas ang binata at naabutan naman ni Ikay si Patrick sa kitchen na may hawak nang metal bowl at may hinahalo.
Hindi talaga maiwasan ni Ikay na sumulyap kay Patrick. Kahit sa dulo ng mata niya, parang malinaw niyang nakikita ang mukha nitong kumikinang sa liwanag.
Pinaiwan lang sa kanya ng dishwasher ang kinainan niya dahil bawal siya roon sa area na iyon. May sariling rules sa dishwashing sa Purple Plate na hindi pa nasasabi sa kanya kaya hindi pa siya puwedeng basta-basta na lang maghugas doon kahit gustuhin niya.
Binalikan niya si Patrick sa kitchen table na nagmi-mix pa rin ng batter na ginagawa nito.
"Hello po."
"Hi!" nakangiting bati nito.
"Asawa po kayo ni Miss Mel?"
"Yeah! May inutos ba siya sa 'yo or anything I can help you with?"
Biglang nagduda ang tingin ni Ikay dahil sa paraan nito ng pagsasalitang kapareho ng kay Rico. "Driver din po kayo ni Miss Mel?"
"Hahaha! Kinda. Marunong din kasi siyang mag-drive. So, minsan, ako; minsan, siya ang driver," masayang sagot nito. "I overheard na driver ang daddy mo."
"Opo, driver po sa factory ng sardinas."
"Oh! That's cool."
"Nagbe-bake din po kayo?" usisa ni Ikay sa ginagawa ni Patrick na cookie batter.
"Yeah! But don't worry, I have training naman para mag-bake. Sabi ng wife ko, binibigyan daw kayo lagi ni Early Bird ng cookies every closing. And since, wala siya ngayon, I'm gonna bake cookies for you. Saka for the customers din." At saka ngumiti nang malapad si Patrick.
Ngumiti rin nang malapad si Ikay, nahawa kay Patrick. "Sino po si Early Bird?"
"Oh! Rico Dardenne. I'm sure, kilala mo siya."
"Ay, opo! Siya po yung dito lagi sa kitchen nagbabantay saka nagluluto. Asawa po ni Miss Jae."
"Yes, that's him."
Nagpatuloy si Patrick sa paggawa ng cookies at tinutulungan na siya ni Ikay sa pag-abot ng mga kailangan niyang gamit.
"Ninong din po kayo ni Luan?" usisa ni Ikay habang nanonood kay Patrick.
"Yeah. He texted Mel na gagawan ka raw ng cake and hihiramin ang horse ng baby ko."
Napangiwi si Ikay nang maalala ang tungkol sa kabayong pangako ni Luan. "Sa inyo po yung kabayo?"
"Wala akong horse," nakangiting sagot ni Patrick na busy sa pag-scoop ng batter. "Sa baby ko 'yon."
"Baby n'yo po . . . na literal na baby?" nagtatakang tanong ni Ikay.
"Hahaha! No, no, not the literal baby. Meron akong baby girl. She's seventeen na, and she's old enough to create problems. Hindi muna siya hahawak ng pet niya ngayon, but yung horse, kanya 'yon."
Palipat-lipat ang tingin ni Ikay sa mukha ni Patrick at sa ini-scoop nitong cookies. "Parang ang yaman n'yo pong magsalita. Pareho po kayong magsalita ni Sir Rico, pero mas malambing po kayo nang slight."
"Hahaha! You can learn speaking like this naman anywhere, regardless ng social status. Why did you say so? Awkward ba sa 'yo kapag nagsasalita ako?"
"Hindi naman po. Sabi po kasi ni Miss Mel, driver po niya kayo. Yung papa ko po kasi, hindi naman po ganyan magsalita."
"Oh! I see. I can speak straight Tagalog naman. Inform mo lang ako kung confusing akong magsalita para I'll adjust." Nagpagpag na si Patrick ng kamay sa apron. "All right. I have to bake this na. Ask natin ang wife ko kung ano'ng next work natin today after this."
Mabait si Patrick at ramdam na ramdam iyon ni Ikay. Magaan din itong kausap at mabilis sumagot.
Pagkatapos i-bake ang cookies, bilib na bilib naman si Ikay habang hinahanda ang pagbabalutan ng mga iyon.
"Wanna try this?" tanong ni Patrick nang abutan si Ikay ng malaking hati ng malaking cookies. Sabay pa nila iyong tinikman.
"Thank you po, Sir Pat!"
Nagusot ang mukha ni Patrick. "Huwag nang Sir Pat. Wala naman tayo sa office. Ang cringe pakinggan."
Parang kuneho lang na ngumunguya si Ikay at nag-aabang ng sasabihin ni Patrick.
"Tawag sa 'kin ng baby girl ko, Daddy Pat. You can call me Daddy Pat."
"Pero mukha po kayong bata."
Ngumiti lang nang matamis doon si Patrick at tinusok-tusok ang pisngi niya para magpa-cute. "I'm always cute. But call me Daddy Pat na lang and I'll bake special cookies for you next time."
"Puwede po?" tuwang-tuwang sabi ni Ikay.
"Yeah, of course! Bake tayo ng ibang flavor na gusto mo."
"Yehey! Thank you po, Daddy Pat."
Inilagay nilang dalawa sa cookie packs ang mga na-bake na cookies ni Patrick at nagtabi ng dalawang packs para sa kanila ni Luan. Ang iba naman ay inilagay nila sa display counter at nilagyan ng price tag sa harapan.
Nang matapos doon, hinanap na nila si Melanie para malaman ang susunod nilang gagawin. Wala masyadong customer sa hapon na iyon na nagda-dine in kaya hindi masyadong abala ang kusina.
Nakita nila sa veranda sina Mel at Luan. Nakatayo roon sa gilid si Mel at inuutusan si Luan na maglinis ng mesa—kaparehong-kapareho ng pinagawa ni Jaesie sa anak nito.
"Mommy, ano nang next na gagawin namin ni Ikay?" masayang tanong ni Patrick, akbay-akbay si Ikay sa tabi niya.
"Tapos na kayo sa cookies?" tanong ni Mel.
"Yes!"
"Natawagan na yung farm?"
"I don't think so."
"Pakitawagan ang farm. Si Leo, nandoon sa kabilang aisle, pasamahin mo. Baka magkalat na naman 'tong bunso niya kapag pinabayaan doon."
"Okay!" Tinapik ni Patrick ang balikat ni Ikay. "Come on. Call natin yung farm."
Nakatingala namang tiningnan ni Ikay si Patrick. "Sa inyo po yung farm?"
"Nope! Sa family ni Mommy Mel." Para namang bata si Patrick na inuugoy-ugoy ang sarili habang naglalakad.
"Parang ang yaman po ni Miss Mel, 'no?"
"Yeah, she's rich."
"Ang suwerte po ninyo, mayaman asawa n'yo."
"Of course!" masayang sagot ni Patrick.
"Sana po makapangasawa ako ng mayaman din," biro ni Ikay.
"If hindi mo pa boyfriend si Luan, go for him. He's not that nice, but he's rich."
"Ngek?" Nangasim tuloy ang mukha ni Ikay sa narinig.
"Hahaha! Tara, doon tayo sa may telephone. Tawagin natin ang farm para mahiram yung horse ng baby ko."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top