Chapter 25


Susunduin ni Leo ang "nililigawan" ng bunso niya.

Nagbigay naman ng malinaw na plano si Luan. Magpapakabait nga raw muna ito bago ligawan si Ikay. Conditional na nga para sa kanya ang manligaw, pero may condition pa ang anak niya bago pa ang stage na iyon. Hindi na tuloy siya sigurado kung matutuwa ba sa takbo ng utak ng bunso o lalo lang maiinis.

Mabait si Ikay, kung siya ang tatanungin. Kung ano-anong tawag pa ang ginawa ni Clark at ni Eugene para lang kompirmahin ang tungkol sa dalaga.

Hindi ito nagsinungaling noong sinabi nitong driver ang ama at office clerk ang ina. Parehong minimum wage earner, may mga record pa ng utang at mga hinuhulugang gamit sa bahay. Hindi lang nito naidagdag na sideline ng ina ni Ikay ang magluto ng binalot na ulam sa mga katrabaho nito sa araw-araw. On-call na mekaniko at electrician naman ang ama nito na rumaraket tuwing Sabado at Linggo kapag natawagan. Kahit may mga utang, walang bad record na lumabas sa background investigation nila at iyon ang importante.

Mula nang lumaki ang anak niyang napakabihirang matuwa sa tao, matagal na nilang tinanggap ni Kyline na basta masaya ang anak nila sa babaeng mapipili ni Luan, wala na silang pakialam kung ano ang estado sa buhay ng babae.

Napakapihikan ni Luan sa babae at sa kaibigan. Bihira pa itong makiusap pagdating sa usapang girlfriend. Unang beses sa dalawampung taong anak niya ito, unang beses niyang makita ang bunso niyang tuwang-tuwa dahil lang may bago na itong kaibigang babae—at hindi lang basta kaibigan kundi nagugustuhan pa.

Wala siyang balak hadlangan ang bibihirang kasiyahan ni Luan kaya nga kahit labag na labag sa kalooban, sinundo pa talaga niya si Ikay sa bahay nito sa Belmont.

Nasa loob ng isang village ang bahay nina Ikay. Nalaman niya ang address nito noon pang una itong nag-apply ng trabaho sa kanila. Kompleto pa siya ng records maging ng latest medical exams nito kahit pa sa Purple Plate ito nagtatrabaho.

Madaling mahanap ang lokasyon at pangalawang liko lang iyon pagpasok sa entrada ng village. Huminto ang sasakyan niya sa gilid ng kalsada. May mababang gate doon at mahabang dilaw na bakod na may mga nakasabit pang sinampay na pinatutuyo sa railing. May second floor ang bahay kung tutuusin. May door bell siyang pinindot sa gilid ng gate kaya masasabi niyang mariwasa kahit paano ang pamumuhay ng mga ito.

Inayos pa ni Leo ang suot na casual na black collared shirt at pinagpag ang formal white trousers na ipinares niya rito. Hindi naman siya tipikal na nagsusundo ng nililigawan ng anak niya. Unang beses kahit pa hindi iyon ang unang beses na may makikilala siyang nililigawan ng anak. Noong si Eugene pa ang may girlfriend, hinahayaan lang niya ito. Iba nga lang ngayon sa bunso.

Maya-maya pa'y nagbukas ng pinto ang isang babaeng masasabi niyang mas bata pa kaysa sa kanya nang ilang taon. Tinitingnan pa lang niya ito, masasabi niyang parang ilang taon lang din ang tanda nito sa panganay niya. Nakasuot ito ng bulaklaking sando at palda na hanggang sakong ang haba. Nakaipit ang kalahati ng buhok sa ibabaw at nakalugay na ang ibaba. Masasabi niyang nanay iyon ni Ikay dahil malaki ang pagkakahawig ng dalawa sa ibang anggulo.

"Good morning," bati agad ni Leo.

"Good morning din po. Ano po'ng kailangan nila?"

"Dito ba nakatira si Iyanne Kaye?"

Mabilis na lumapit ang babae sa may gate at hinawakan ang patusok na design n'on habang titig at nakatingala kay Leo.

"Sino po sila?"

"I'm Leopold Scott." Mabilis na dinukot ni Leo ang wallet sa likurang bulsa at kumuha roon ng calling card. "Here."

Matipid naman ang ngiti ng mama ni Ikay nang abutin mula sa gate ang card na bigay ni Leo. Napamulat ito at napataas ang magkabilang kilay bago ibinalik sa kanya ang tingin. Nanlalaki pa ang mata nito pero nagtatanong din iyon sa kanya.

"Sa lending company po ba kayo? Bakit po ninyo hinahanap ang anak ko?"

"Ah! Sorry, susunduin ko sana siya."

"Bakit ho?" kinakabahan nang tanong ng babae.

"Mahal, sino 'yan?"

Napalingon ang mama ni Ikay sa may pintuan ng bahay. Doon din napatingin si Leo at lalo pa siyang tumayo nang deretso nang makita ang ama ni Ikay—na napakadaling sabihin dahil mata at labi pa lang nito, kuhang-kuha na ng anak.

"May naghahanap kay Ikay. Sa lending," sagot ng babae.

"Lending? Bakit?" tanong ng asawa nito.

Napahugot tuloy ng hininga si Leo dahil mukhang manunugod ang lalaking tingin niya ay kaedad lang niya.

"Magandang umaga sa inyo," panibagong bati ni Leo sa ama ni Ikay. "I'm Leopold Scott."

"Ano'ng kailangan n'yo sa anak ko?" matigas na tanong ng lalaki.

"Susunduin ko sana si Ikay," magalang na sagot ni Leo.

"At bakit susunduin?"

"Um . . ." Napapaisip na tuloy si Leo kung paano ba sasabihin ang pakay niya. "Yung anak ko kasi, ipinasusundo siya."

"Anak mo?" Nagkrus pa ito ng mga braso at nanunukat na ng tingin. "Mahal, papasukin mo nga."

Binuksan naman ng babae ang gate para makapasok si Leo sa loob. Kitang-kita tuloy ang pagkakaiba ng mga taas nila dahil hanggang dibdib lang ni Leo ang mama ni Ikay at hanggang balikat lang niya ang papa nito.

"Bakit mo susunduin ang anak ko?" pag-iimbestiga ng papa ni Ikay. "May utang sa inyo?"

"A, wala naman," mabilis na sagot ni Leo. "Ang totoo niyan—"

"Sir Leo!"

Sabay-sabay pa ang tatlo sa paglingon sa pintuan. Nakita nila roon si Ikay na gulat na gulat na nakatingin kay Leo na nasa bahay nila.

"Hala, ano'ng ginagawa n'yo rito?" tanong ni Ikay.

"Kilala mo 'to?" tanong ng papa ni Ikay sa kanya.

♥♥♥

Tahimik lang si Leo sa sofa kung saan siya pinaupo. Ilang beses na rin siyang tumanggi sa alok ng mga ito na inumin at pananghalian. Nakaupo naman sa hiwalay na upuan ang papa ni Ikay at ang mama nito sa pang-isahang sofa.

"Bale, ang anak n'yo, propesor sa school ni Ikay," pag-ulit ng papa ni Ikay sa kasasabi lang ni Leo.

"Yes," simpleng sagot ni Leo. "Panganay ko 'yon. Baka maging prof din siya ni Ikay pagdating ng susunod na taon sa financial management."

"Ah . . ." Magkasabay pang pagtango ng mag-asawa sa kanya.

"Siya ho ba ang nagpapasundo?" tanong ng papa ni Ikay.

"A, hindi. Yung bunso ko," sagot ni Leo.

"Na propesor din."

"A, hindi rin. Kaparehong estudyante rin ni Ikay."

"Kaklase niya?"

"Hindi rin. Iba ang kurso ng bunso ko."

"Lalaki?"

Asiwang tumango si Leo at bumuga muna ng hangin bago sumagot. "Oo. Lalaki."

Nasukat na naman tuloy siya ng tingin ng papa ni Ikay.

"Susunduin n'yo ang anak ko dahil sinabi ng anak n'yo," sabi pa nito.

Gustong-gusto nang sakalin ni Leo si Luan sa mga sandaling iyon dahil hindi niya alam kung paano ba susunduin si Ikay habang naroon ang mga magulang nito.

"Mabait naman ho ang anak ko," labag sa loob na depensa ni Leo.

Nanlaki tuloy ang butas ng ilong ni Ikay at nangunot pa ang noo habang nakikinig sa likod ng mama nito.

"Nag-aaral 'yong mabuti. Dean's lister, valedictorian since Grade 1, nagtatrabaho rin siya ngayon sa coffee shop ng ninong niya. Mabuting bata. Mahal na mahal ang mama niya."

Nangangasim na ang mukha ni Ikay dahil sobrang kalmado ni Leo sa pagpapaliwanag tungkol sa anak nitong madalas nitong awayin—malayong-malayo sa sigawan sa opisina nito noong magkasama ang mag-ama.

"Nililigawan ho ba niya ang anak ko?" deretsahang tanong ng papa ni Ikay na nakapagpaangat ng ulo ni Leo at nakapagpaderetso sa kanya ng pag-upo.

"Masyado pang maaga para sagutin 'yan at gusto kong anak ko ang luminaw tungkol sa bagay na 'yan para sa kanila ni Ikay," mabilis na sagot ni Leo at kuyom na ang kamao para ipaglaban ang katwiran niya.

Tumikom ang bibig ng papa ni Ikay at tumango-tango. "Kung susunduin mo ang anak ko, saan mo siya dadalhin?"

"Ah! I forgot." Sa wakas ay naging kampante na rin si Leo sa isasagot. "Lumapit—" Napatingin si Leo kay Ikay na halatang kinakabahan sa sasabihin niya. "'Yong kumare ko kasi, may coffee shop at kailangan nila ng staff. Ang sabi ko kay Ikay, kung gusto niya ng libreng training para sa kurso niya, puwede siya roon sa kumare ko. Ngayon, nandoon din ang anak ko nagtatrabaho. Silang dalawa, doon sila nagtatrabaho as kitchen assistant bilang training na rin."

"Ito ba ang sinasabi mong pupuntahan mo dapat ngayon?" tanong ng papa ni Ikay sa anak.

"Yes, Pa," nahihiyang sagot ni Ikay na nakayuko.

"Tapos pinasusundo ng anak mo ang anak ko," ulit na naman ng papa ni Ikay kay Leo.

"Magsasabay kasi sila sa pagpasok. Ang pakiusap ng bunso ko, isabay na lang si Ikay para hindi na bibiyaheng mag-isa ang bata dahil walang kasama. Kaysa sumakay pa ng bus at gumastos, susunduin ko ang anak ninyo, susunduin ko ang anak ko sa eskuwela dahil may pasok siya ngayon, saka ko sila ihahatid doon sa café ng kumare ko sa Pasay."

"Saan ho ba kayo umuuwi?"

"Diyan lang kami nakatira sa West."

"A . . . malapit lang din dito. Isang tricycle lang."

"Iyon nga." Tumango-tango naman si Leo.

"Anong oras uuwi ang anak ko?" tanong ulit ng papa ni Ikay.

"Iyan ay hindi ako sigurado sa kumare ko, pero ang usapan namin, bago magdilim, nasa biyahe na ang mga bata para makauwi nang maaga."

"Kayo rin ang magsusundo at maghahatid sa anak ko pauwi?"

"Ah—" Balak nang sabihin ni Leo na bumibiyahe ang anak niya at si Ikay pauwi pero baka lalo lang siyang tanungin ng papa ni Ikay at hindi ito payagan. "Susunduin ko pa rin silang dalawa ng anak ko. Kung kinakailangang ihatid ko rito pauwi ang anak ninyo, ihahatid ko siya pauwi para lang hindi kayo mag-alala. Kukunin ko rito ang anak ninyo nang ligtas, iuuwi ko siya sa inyo nang ligtas."

Napatango-tango naman ang papa ni Ikay sa sinabi ni Leo. "Mabuti na hong nagkakaintindihan tayo. Payak lang ang pamumuhay namin, pero hindi ko ho basta-basta pinababayaan ang anak ko. Ama ka rin. Alam kong naiintindihan mo 'ko."

"Naiintindihan ko."

Bumuga ng hangin ang papa ni Ikay at nagpagpag ng tuhod. "Ikay, magbihis ka na." Tumayo na rin ito pagkatapos.

"Thank you, Pa." Nahihiyang tumango si Ikay at mabilis na umakyat sa second floor.

Pumunta sa kusina ang papa ni Ikay. Naiwan naman sa sala ang mama ni Ikay na nakangiti kay Leo. Pilit naman ang ngiti ni Leo rito.

"May-ari ho kayo ng lending company?" tanong pa nito.

"Yes," simpleng sagot ni Leo.

"Mukha kayong mayaman."

"Sapat lang," matipid na sagot niya rito.

"Pero may kotse kayo saka mukha kayong mayaman. Nililigawan ng anak ninyo ang anak ko?"

"Ang anak ko na ho ang magsasabi. Hindi rin kasi ako sigurado sa sagot."

"Magpapakilala ba sa amin ang anak ninyo?"

"Kung seryoso siya, magpapakilala siya sa inyo," tugon ni Leo. "Sa ngayon ay nasa school pa siya dahil may morning class kaya ako ang nandito ngayon para magsundo kay Ikay."

"Mabuti't napapayag kayo ng anak ninyong kayo ang magsusundo sa anak ko. Mukhang napaka-busy n'yong tao. Naabala pa yata kayo sa pagpunta rito sa amin."

"A, hindi naman. Sabado naman at walang opisina. Bihira lang din namang makiusap ang anak ko kapag may mga ganitong sitwasyon na hindi sakto sa schedule niya."

"May nababanggit sa amin si Ikay na lagi niyang kasama tuwing papasok. Hindi ko lang inaasahan na anak n'yo 'yon. Inyo ang kotseng dala ninyo?"

"Yes, akin 'yon."

"Bakit laging sakay ng bus at jeep ang anak ko at anak ninyo?"

"Ah . . ." Pilit ang ngiti ni Leo nang mabanggit ang tungkol doon. Talagang masasakal na niya ang anak niya sa nangyayari sa kanya ngayon. "Sa katunayan . . . sinasanay ko kasi ang anak kong nakikita at nao-observe ang paligid. Kung paano at gaano kahirap mag-commute, kung gaano kahirap kumita ng pera. 'Yan, kaibigan niya si Ikay, nararanasan niya ang hirap, mas nagiging humble siya na hindi porke may pera kami o may kotseng magagamit, dapat abusuhin niya. Iba pa rin kapag pinaghihirapan ang isang bagay."

Napangiti naman sa kanya ang mama ni Ikay kahit pa hindi rin niya alam ang pinagsasabi niya rito. Alangan namang sabihin niyang pumayag siyang parusahan ng kumare niya ang bunso niya dahil sa katigasan ng ulo nito.

"Nararamdaman kong napakabait n'yong ama, Mr. Scott . . . "

"Kailangan," sabi na lang ni Leo na sinsero na ang ngiti.

". . . at sigurado akong napakabait din ng anak ninyo."

Nabasag agad ang ngiti ni Leo sa idinugtong ng mama ni Ikay sa sinasabi nito.

"Napakababait na bata ng mga anak ko, Mrs. Ercia. Wala kang itulak-kabigin."

Kung posible lang ang paghaba ng ilong gawa ng pagsisinungaling, malamang na mula Las Piñas, nasa Cavite na ang ilong ni Leo.

"Ma, uwi po ako nang maaga," paalam ni Ikay pagbaba nito ng hagdanan.

Tumayo na si Leo at nagpagpag ng pantalon. Naka-T-shirt lang na fitted si Ikay at denim jeans. Suot ang backpack nito na lagi nitong dala. Dumeretso pa muna ito sa kusina at nagpaalam sa papa nito bago bumalik sa sala.

"Mag-ingat ho kayo sa biyahe, Mr. Scott," paalala ng mama ni Ikay kay Leo.

"Maraming salamat," simpleng sagot ni Leo at hinintay si Ikay na lumapit sa kanya.

"Alis na po tayo, Sir Leo."

"Tara na," sabi niya kay Ikay at nilakasan pa niya ang boses para marinig mula sa kusina. "Aalis na ho kami, Mr. Walang sagot sa kusina pero ang mama na ni Ikay ang tumanggap ng paalam saka sila hinatid sa may gate.

Pagsakay na pagsakay sa kotse, anong lalim ng pagbuga ng hininga ni Leo at nakasimangot na nag-start ng sasakyan.

"Ang bait n'yo kanina, Sir Leo. Para kayong may sapi! Grabe, sobrang professional talaga. I'm so proud of you talaga, sir!" bilib na bilib na sabi ni Ikay.

"Kayo talaga ng anak ko! Nanggigigil ako sa inyo," naiinis na sabi ni Leo at pinaandar na ang sasakyan.

"Ihahatid n'yo po ako mamaya?" excited na tanong ni Ikay.

"Wala akong choice. Nangako na 'ko sa papa mo," masungit na sagot ni Leo.

Pero kahit ganoon, tumili pa rin si Ikay at tuwang-tuwa sa sinabi ni Leo. "Libre pamasahe! Yehey!"

Dalawa lang naman dapat ang anak ni Leo, pero sa mga sandaling iyon, parang nararamdaman niyang magiging tatlo na.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top