Chapter 22


Tikom na tikom ang bibig ni Ikay mula nang makasakay sila ng bus. Hindi mawala ang panlalaki ng mata niya sa harapan o sa kahit anong matitingnan habang inaalala ang nangyari sa library at sa tricycle.

Pero kung may isang bagay man siyang napansin sa lahat ng nangyari, iyon na malamang ang tibok ng puso niya. Inaasahan niyang kakabog iyon nang sobrang lakas, pero hindi. Kalmado lang at walang takot. Hindi rin siya natatakot. Hindi rin siya kinakabahan. Kaya nga kung puwede lang niyang sampalin ang sarili, baka ginawa na niya sa harap ng maraming tao. Maliban sa pangingilabot ng braso at batok, at sa umikot na pakiramdam sa blangko niyang sikmura, wala na siyang ibang naramdaman maliban sa pagkailang at hiya.

Ang tagal na rin mula noong nagka-boyfriend siya at Grade 10 pa lang siya n'on. Apat na taon na rin. Hindi na niya matandaan kung paano ba magka-jowa.

Nahalikan niya nang hindi sinasadya si Luan. Sinadya naman nitong halikan siya. Iniisip niya kung ano na ba ang nangyayari. Ayaw niyang i-assume na may gusto sa kanya si Luan kasi nakakahiya rito at mas lalo na sa mga magulang at ninong nito. Hindi rin niya masabi kung bakit siya nito hinalikan.

"Hey," pagtawag nito na hindi niya pinansin.

Nagpapasalamat na lang siya na laging maluwag ang biyahe tuwing pumupunta sila sa Purple Plate. Hindi niya kailangang mamroblema kung kandungin man siya bigla ni Luan.

"Ikay."

Tinusok-tusok na nito ang braso niya para lang magpapansin.

"Are you mad at me?"

Lalong kumuyom ang kamao ni Ikay na may hawak ng lunch bag.

"I thought we were even. Or not really?"

Napahugot ng hininga si Ikay, hindi alam ang sasabihin kay Luan.

"I had a short realization a while ago. Feeling ko, I've crossed a limit." Pumaling si Luan sa kanya para mas makausap pa siya na siguradong makikinig siya. "If na-invade ko ang 'privacy' mo because of what I did kanina sa tricycle, if that's inappropriate, then I need to apologize, right?"

Napapikit na naman si Ikay nang maalala ang nangyari sa tricycle. Nakagat niya ang labi nang maalala ang pakiramdam ng mahalikan ni Luan.

"Okay. I am sorry." Itinukod ni Luan ang kanang kamay niya sa sandalan ng unahang upuan para lang alalayan ang sarili sa pagyuko para lang silipin ang mukha ni Ikay. "Pero don't think na I kissed girls just because wala lang. I didn't feel bad if you kissed me. But if you felt bad because I kissed you, okay, I'll—" Dismayadong nagbuntonghininga si Luan. "I'm sorry because walang permission 'yon, and I will never do that again."

"Okay lang," mahinang sagot ni Ikay.

Lumapit pa si Luan nang kaunti para lang marinig siya. "What?"

"Sabi ko, okay lang. Huwag ka nang mag-explain."

"You sure?"

"Oo," pagtango ni Ikay.

"Bati na tayo?"

Sumimple ng sulyap si Ikay kay Luan at naabutan pang sinisilip siya nito mula sa pagkakayuko.

"Hindi pa tayo okay?" ulit ni Luan sa mas mahinahong tono.

"Okay na."

"Sure na, ha?"

"Mmm." Tumango lang si Ikay at tumitig na naman sa mga kamay niyang kuyom ang lunch bag.

Hinahanap ni Ikay ang kaba sa dibdib niya pero walang naligaw roon. Nahihiya siya, oo. Naiilang, mas lalo na. Pero kaba?

Nakababa sila ng bus na sinusubukang kalimutan ni Ikay ang nangyari para lang makapag-focus siya sa trabaho. Pagbaba nila, yakap lang niya ang lunch bag ni Luan na mabigat-bigat pa dahil hindi pa naman 'yon nabubuksan mula nang isara iyon ni Leo nitong umaga.

Pagdating sa Purple Plate, sinalubong agad sila ni Jaesie sa counter. Namamaywang ito at sinusundan sila ng tingin.

"Good afternoon po, Miss Jae," matamlay na bati ni Ikay.

"Bakit matamlay ka?" seryosong tanong ni Jae, sunod ang tingin kay Ikay na papalapit. "May sakit ka ba?"

Marahang umiling si Ikay. "Wala po, Miss Jae."

Lumipat ang tingin ni Jaesie kay Luan. "What happened?"

"Hmm . . . wala pa kaming lunch, Ninang," inosenteng sagot ni Luan.

"Lunch lang ba?"

Nagkibit-balikat lang si Luan bilang sagot. Kahit din kasi siya, hindi alam ang isasagot dahil ang sabi naman ni Ikay ay okay na silang dalawa.

"Bag mo," alok ni Luan at inalis na rin ni Ikay ang backpack na suot. "Are you sure, okay ka lang, Ikay?"

Tumiim lang ang mga labi ni Ikay saka siya tumango. Iniabot niya kay Luan ang bag para ilagay nito sa office ni Jaesie. Pagpunta niya sa kitchen, nakakrus ang mga braso ni Rico nang salubungin siya sa pintuan pa lang.

"Someone's sad today. What happened, young lady?" usisa agad ni Rico nang harangin si Ikay.

Tumikom pang lalo ang bibig ni Ikay at nakayukong nagkutkot ng kuko.

"Wala ka bang sasabihin? Huhulaan ba naming lahat kung bakit malungkot ka ngayon?" pabirong tanong ni Rico.

"Hindi naman po. Ano lang . . ." Napalingon sa kanang gilid si Ikay, hindi alam ang sasabihin.

"Nag-away kayo ni Luan?"

"Hindi po."

"Family problem ba?"

"Hindi rin po."

Inalalayan na ng kanang palad ni Rico ang likod ni Ikay para papuntahin ito sa lugar na maayos na makasasagot si Ikay. Pumunta pa sila sa likod ng Purple Plate na malawak na damuhan na ang paglabas at may ilang halaman na nasa paso.

"Ano'ng nangyari? If hindi ka aamin, hindi ka magwowork today."

Napahugot tuloy ng hininga si Ikay sa panakot sa kanya ni Rico. Matunog ang paglunok niya at nagkutkot na naman ng kuko habang nakayuko.

"Ano po . . ."

"Hmm?"

"Nakakahiya po kasi," pasulyap na sabi niya kay Rico.

"It's okay. I'll listen, I won't judge."

Napasimangot nang kaunti si Ikay, pero mapilit talaga si Rico kaya napaamin siya sa takot na hindi makapagtrabaho.

"Ano po kasi . . . aksidente ko po kasing nahalikan si Luan kanina." Numakaw na naman ng sulyap si Ikay kay Rico para lang makita ang reaksiyon nito.

"Oh. Okay? Then? Ano'ng nangyari after that?"

"Sabi niya, huwag ko na lang daw isipin. Tapos pagsakay namin sa tricycle, para daw patas kami, hinalikan niya rin ako."

Doon na napahugot ng hininga si Rico sabay buga. Namaywang pa at nakangiwing tiningnan si Ikay.

Natahimik tuloy ang dalaga.

"So, what are you feeling right now?" tanong na lang ni Rico. "Galit ka ba kay Luan because of that?"

"Hindi naman po."

"Why are you upset?" seryosong tanong ni Rico.

"Sorry po, hindi ko po talaga alam ang isasagot," nakangusong pag-amin ni Ikay. "Pero hindi po ako galit kay Luke. Okay naman po kaming dalawa."

"If that so, then ayokong ganyan ka at magtatrabaho ka. Kung makabasag ka sa kitchen dahil wala kang focus, magagalit lang sa 'yo ang asawa ko. Better kung magpahinga ka na lang ngayon kung hindi ka okay."

"Sorry po, sir. Hindi ko na lang po iisipin."

"Nag-lunch ka na ba?"

"Hindi pa po."

"Mag-lunch ka muna."

"Opo. Sorry po talaga, sir."

Nanliliit na si Ikay para sa sarili niya. Pinagagalitan na naman kasi siya. Pero hindi naman nagagalit si Rico base sa tono nito. Para ngang tinatanong pa nito kung ayos lang ba siya kasi kung hindi, ayos lang din dito kung hindi muna siya magtatrabaho.

Pero hindi puwede 'yon. Wala siyang sasahurin kung wala siyang trabaho.

Doon siya pinakain ni Rico sa kitchen. May maliit na bilog na mesa roon at isang upuan para sa kanya lang. Binigyan siya nito ng pagkain sa plato at kutsara't tinidor.

"Si Luke po?" tanong agad niya.

"Kakausapin ko muna siya. Eat your lunch."

"Okay po." Napayuko na lang si Ikay at napatingin sa chicken cordon bleu na may mashed potato pang nalulunod sa gravy.

Samantalang naiwan naman si Luan sa labas at kinokompronta na ni Jaesie.

"Ano na namang nangyari?"

"Wala akong ginagawa! Si Ninang Jae, ayaw maniwala," naiiritang reklamo ni Luan sa ninang niyang namamaywang sa kanya. Pinaupo siya nito sa blangkong upuan sa may veranda para lang kastiguhin.

"Ano'ng nangyari kay Ikay?" tanong ni Jaesie.

"She's sad."

"Because?"

"Because—" Natigilan si Luan nang sumulpot ang ninong niya sa tabi ni Jaesie. Namamaywang na rin ito at mukhang manenermon ang tingin. "I didn't do anything wrong," depensa agad niya kay Rico.

"Hinalikan mo raw si Ikay."

Napasinghap tuloy si Jaesie at napandilatan ang asawa.

"Really?" Nanlalaki ang mata ni Jaesie nang balingan si Luan. "Really, Luke Anakin?" Mula sa pamamaywang, nagkrus ng mga braso si Jaesie.

"She kissed me first!" depensa ulit ni Luan. "But that accidentally happened. I told her, okay lang. Huwag na niyang isipin. But she was sad pa rin. Kaya I kissed her na lang din para fair kami. Kaso sad pa rin siya."

"Alam mong mali ang ginagawa mo, tama?" sarcastic na tanong ni Jaesie.

"Nag-sorry na 'ko, Ninang Jae! I promised na next time, magpapaalam na 'ko na iki-kiss ko siya para hindi na siya ma-upset."

"Oh my god," pabuntong-hiningang sabi ni Jaesie sabay sapo sa noo.

Nakangiwi lang si Rico at hindi alam kung maiinis o matatawa. "So, may plano ka for a next attempt."

"Yeah," confident pang sagot ni Luan. "But, like I said, with permission na."

"You can't just kiss anyone, Luke Anakin Scott," sermon ni Jaesie.

"Ikay is not just anyone," proud na sagot ni Luan. "Kilala na siya ni Daddy. Na-meet na niya si Mama saka si Kuya. Kilala na rin siya ni Ninong Clark. I like Ikay. I told her I like her pero gusto raw niya ng hindi guwapo at mayaman. Although, I didn't kiss her just because I like her. I kissed her kasi she felt guilty for kissing me without notice. So, if guilty rin ako, hindi na siya magi-guilty kasi same na kami ng ginawa."

"Dapat talaga, ibinigay na lang 'to kay Clark, e," biglang sabi ni Jaesie kay Rico nang hindi makasagot sa logic ni Luan. "Bakit si Eugene, hindi naman ganyan, Da? Ano ba? Kompleto ba yung vitamins nito noong baby 'to?"

"Baka nasa development stage pa lang. Kids do these stupid shits sometimes," sabi rin ni Rico, ipinauunawa pa sa asawa ang nangyayari.

"Kayo ang mag-usap. Hindi pa kami tapos ng anak mo, baka madamay pa 'yan," pagsuko ni Jaesie.

Buntonghininga na lang ang naisagot ni Rico sa sinabi ng asawa bago ito umalis. Namaywang na lang siya habang nakatingin kay Luan na naghihintay ng bagong sermon.

"Nag-lunch ka na ba?" tanong ni Rico.

"Magla-lunch kami ni Ikay."

"Hindi kayo magla-lunch nang sabay. Dito ka lang."

Kumunot agad ang noo ni Luan. "Ninong! Hindi puwede! Sabay dapat kami!"

"No," mariing tutol ni Rico sa reklamo ni Luan. "Ikay's not feeling well dahil sa ginawa mo. Paano magwo-work ngayon si Ikay niyan?"

"I'll do her work na lang. Doon na lang ako sa kitchen, doon na lang siya sa counter. Pero sabay kaming magla-lunch."

"Nagla-lunch na siya ngayon."

"Nge? Sabay dapat kami! Ninong!" Tumayo na agad si Luan pero sinalubong ni Rico ang dibdib niya bago pa siya makatuloy ng lakad.

"Ayoko nitong ginagawa mo," seryoso nang sabi ni Rico. "Wala ka sa playground."

"I'm not playing," katwiran ni Luan. "Gusto ko lang maglunch kasama si Ikay."

"If you're playing with Ikay's feelings, you better stop."

"I'm not playing with Ikay's feelings. Since when did I play with anyone's feelings?"

Napatingin sa malayo si Rico at napaisip din doon. Wala kasi itong kilalang babae na pinagtripan ni Luan.

"Fine," pagsuko ni Rico pero dinuro pa rin si Luan. "But first warning ko 'to. Don't hurt anyone's feeling. Hindi ka pinalaki ng daddy mo para lang manakit ng iba."

"I'm not, and I won't!" Mabilis na kinuha ni Luan ang lunch bag niya at tinakbo agad ang kitchen para maabutan si Ikay sa pagkain nito.

At tama nga ang sinabi ng ninong niya. Kumakain na nga ito sa may sulok pero hawak lang ang kutsarang may laman, marahan ang pagnguya habang nakatulala.

Dumeretso siya sa dulo ng mga galvanized rack kung saan ito hindi makakaabala sa mga nagtatrabaho.

"Ikay."

Naalerto agad si Ikay at napahinto sa marahang pagnguya. Napaupo pa nang maayos at nagulat na makita siya.

"Luke."

"Sabay na tayo mag-lunch."

"Wala kang lunch . . ."

"Hindi ko pa nakakain ang luto ni Daddy." Ibinaba agad ni Luan ang lunch bag at inilabas ang mga laman n'on. "Si Ninong Rico kasi, ang daming tanong."

Nasa lunch box na may 2-layer compartments pa ang baon ni Luan. Chicken fillet rin na hiniwa-hiwa na at may nakalagay na teriyaki sauce sa maliit na tub. May hiniwa-hiwang gulay rin sa gilid ng kanin at sa ilalim na compartment ay omelet naman at sausage. May nakahiwalay pang fruit salad sa maliit na container at fruit juice sa tetra pack.

"Wala kang upuan," puna ni Ikay.

"It's okay. I can eat pa rin naman."

"Gusto mo, ikuha kita ng upuan?"

"Huwag na. Baka pagalitan ulit ako ni Ninong. Tinakasan ko lang siya, e."

Matipid ang ngiti ni Ikay nang magpatuloy sa pagkain. Pero kahit matamlay pa rin siya, kahit paano ay bumilis na rin ang pagkain niya para masabayan si Luan na nakatayo lang.

Nauna pa ring matapos ang binata kahit nauna si Ikay sa pagkain. Hindi nga lang na-enjoy ni Ikay ang request niya dahil hindi sila pareho ng pagkain ni Luan. Pero kahit paano, nabawasan na rin ang pagkailang niya.

Sabi ni Rico, doon daw muna si Ikay sa counter dahil baka makabasag siya sa kitchen. Nagpalit tuloy sila ng role ni Luan at ito ngayon ang nasa loob. Ang gagawin niya ay buhatin lang ang tray at dalhin sa customer bago ulitin ang order nito.

Hindi tuloy maiwasan ni Rico na sundan ng tingin si Luan na kinakabisado ang mga dapat kunin kahit hindi pa talaga pamilyar sa mga dapat ibigay sa barista o kahit sa mga kitchen assistant na nandoon.

"Puro slices lang ba during weekdays, Ninong?" usisa na ni Luan. "Di ba, may mini cakes kayong sine-serve?"

"Kapag nandito lang si Ninang Mel mo available 'yon."

"Who's baking these cakes if wala si Ninang Mel?"

"Si Ninang mo pa rin. Madaling-araw siyang nagbe-bake kasama si Ninong Pat mo."

"And until supply last na lang?"

"Yes, why?"

"What about the cookies na nare-receive namin ni Ikay? Gawa rin ni Ninang Mel?"

"Yung cookies, gawa na namin nina Cyrine dito sa kitchen."

"Oh, okay."

Tinapos na ni Luan ang paglagay ng slice ng cake sa clamshell container at pinindot ang bell para tawagin si Ikay.

"Regular iced chocolate and one slice of vanilla cake."

Matipid ang ngiti ni Ikay nang pumunta sa window para kunin ang order. Ang lapad ng ngiti sa kanya ni Luan kaya napangiti na lang din siya nang mas malaki kahit kaunti. Kumindat pa ang binata kaya lalong natawa si Ikay nang kunin ang tray na may order.

Kahit nalilito minsan sa dadamputin, iniwasan ni Luan ang magkamali, hindi dahil takot siyang mapagalitan ng ninong at ninang niya, pero para hindi mapagalitan si Ikay dahil hindi ito ang naroon sa kitchen.

Tinanong na rin niya ang lahat ng pangalan ng mga gamit doon para makabisado niya kung sakaling maulit mang makabalik siya sa kusina.

Natapos ang shift nila ni Ikay na walang naging problema sa café kaya nakahinga nang maluwag si Luan dahil walang napagalitan sa kanila.

At gaya ng nakasanayan, tuwing uwian, inabutan ulit sila ni Rico ng 250 pesos at tig-isang pack ng cookies.

"Dito n'yo na ilagay para hindi kayo maraming dala," sabi ni Rico na siya pang naglagay ng cookies sa lunch bag na dala nina Luan.

"Ninong, nandito si Ninang Mel bukas, di ba?" tanong agad ni Luan.

"Yeah, why?"

"Pagagawa akong cake para may meryenda kami ni Ikay."

"Huy!" sita agad ni Ikay sa kanya.

Nakangiwi lang si Rico nang i-zipper ang lunch bag.

"Kayo ang mag-usap ng ninang mo. Here."

Si Ikay na ang kumuha ng lunch bag. "Thank you po, Sir Rico."

"Ingat kayo pauwi, ha?"

"Yes po, sir. Salamat po ulit. Ba-bye po sa inyong lahat!" paalam ni Ikay. Inaya na siya ni Luan para makalabas na.

"Luan," pagtawag ni Rico nang may pagbabanta.

"Yeah, yeah. Bye, Ninong!"

Lumabas sina Luan at Ikay sa Purple Plate na baligtad na ang tipikal na reaksiyon mula noong mga nakaraang araw. Si Luan ang may malapad na ngiti at si Ikay naman ang hindi madapuan ng tuwa pero hindi rin naman masama ang timpla.

"Tomorrow, wala ka palang pasok, 'no?" sabi ni Luan na naglalakad na naman paatras para makausap nang nakaharap si Ikay.

"Oo nga," sagot ni Ikay sa mababang boses.

"Ako, may pasok ako tomorrow."

"Paano 'yon, wala kang pamasahe?" tanong ni Ikay.

"Hindi ako puwedeng pumunta sa school agad kasi gagawin ko sana muna yung butter saka sauce ko sa bahay."

"Hmm." Napaisip agad si Luan sa solution para sa problema nila sa schedule. "Pero papasok ka sa Purple Plate bukas?"

"Siyempre. Pero tanghali pa 'yon, e. Di ba, morning class ka?"

"Oo nga. Ano na lang . . ." Saglit pang nag-isip si Luan.

"Text na lang kita bukas."

"Paano pamasahe mo?"

"Ako'ng bahala. I can manage."

Matipid lang na ngumiti si Ikay at dumeretso na sila sa highway para pumara ng bus. At gaya sa unang araw, pahirapan na namang makahanap ng upuan, pero sa pagkakataong iyon, wala na talagang puwedeng maupuan kahit wala pa namang nakatayo.

"Once nakuha ko na ang salary ko, ilalabas ko ulit ang bike ko para hindi ka na tatayo sa biyahe," pangako ni Luan kay Ikay.

"Okay nga lang," sabi ni Ikay.

Tinanong agad sila ng konduktor kung saan bababa. Matapos magbayad ni Ikay ng nakahanda na niyang pamasahe sa maliit na bulsa ng backpack, eksaktong may bababang pasahero na galing sa bandang unahan ng bus.

"Luke, upo ka na doon," alok ni Ikay.

Sabay silang pumunta sa tapat ng blangkong upuan pero imbes na si Luan ang maupo, pinaupo niya roon si Ikay at pinakandong dito ang laptop bag. Humawak agad siya sa metal bar sa itaas ng bus at nginitian si Ikay na gulat ding nakatingin sa kanya.

"Dapat ikaw ang naupo," sabi pa ni Ikay na hindi makapaniwalang siya ang nandoon sa upuan.

"I'm fine. Hindi mo naman abot itong handle, e." Inalok ni Luan ang isang kamay niyang walang hawak kay Ikay.

"Hold me. Baka mawala ako, papagalitan ka ng daddy ko."

"Eh?" Hindi na tuloy naiwasan ni Ikay ang matawa sa sinabi ni Luan. Pero saglit niyang tinitigan ang kamay nito na nakaabang at napasuko na rin. "Sige na nga. Baka wala ka pa." Hinawakan na lang din niya ang kamay ni Luan at hindi iyon binitiwan habang nasa biyahe.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top