Chapter 17
"Weh? Totoo?"
"Oo, tangek. Grabe talaga, gusto kong tumili kanina, kaso nakakahiya kasi! Minamanyak na 'ko, titili pa 'ko, parang tanga!"
"Eeeehh!" Si Santi na tuloy ang tumili para sa kanya.
Ikinuwento agad ni Ikay ang nangyari sa bus at ang ginawa ni Luan para tumigil na ang manyak na humawak sa buhok niya.
"So, bati na kayo?" usisa ni Nica.
"'Yon lang, hindi pa," dismayadong sagot ni Ikay. "Wala, may punishment pa rin siya sa parents niya. Kung makahingi nga sa 'kin ng pera, parang binubuhay ko siya, nakakaloka!"
"Pero, ano'ng itsura ng bahay nila? Mansiyon?"
Gusot ang labi ni Ikay nang umiling. "Hindi, beks. Parang mas malaki pa nga yung bahay namin. Ang simple lang talaga nila, pramis. Yung papa nga niya, napagkamalan ko pang janitor saka guard!"
"Bakla ka! Buti hindi ka pinagalitan!" sermon ni Nica at hinampas pa ang braso ni Ikay.
"Pinagalitan ako, siyempre. Pero mabait sila, super. Saka yung mama niya, sobrang bait. Akala pa n'on, jowa ko yung anak niya."
"Eh? Bakit?" tanong ni Santi. "Kasi sinundo mo?"
"Oo. Tapos tinanong ako kung pinupuntahan ako ni Luke sa kitchen lab, e pinupuntahan naman talaga ako, di ba?"
"Sinumbong mo? Sinabi mong tine-terror ka ng anak niya?"
"Hindi, beks! Kinilig pa kasi dinadalaw nga ako ng bunso niya! Grabe talaga! Hindi ko alam kung paano aamin na nanguha ako ng pera, umoo na lang ako."
"Oo, bakla, umoo ka na lang. Kung malaman pa n'on na ginastos mo yung pera ng anak niya, baka lalong magalit sa 'yo."
Napanguso si Ikay dahil may punto rin ang sinabi nina Santi. Pinagalitan na nga siya ng mga ninong ni Luan, what more ang mama nito?
"Ay, pero super ganda ng mama ni Luan," kuwento na naman ni Ikay. "Ang sexy niya, bakla. As in, akala ko pa, kabit ni Sir Leo! Ang kinis, shet! Hiyang-hiya ang balat ko, 'te, pramis. Saka ang babango nila doon. Ang lambing pa ng boses ng mama niya, saka ang sweet. Sabi pa nga, tawagin ko siyang Mama. E paano ko siya tatawaging Mama, hindi ko naman jowa yung anak niya?"
"E di, jowain mo para problem solved!" sabi ni Santi.
"Gagi! As if namang papatulan ko yung masungit na 'yon, e ngayon pa nga lang, stressed na 'ko sa kanya. Imagine kung jojowa ka ng humanized stress, di ba?"
Sabay-sabay silang napabuntonghininga sa sinabi ni Ikay. Aminado rin kasi silang tatlo na nakaka-stress naman talaga si Luan dahil sa kasungitan nito.
"Pupunta pa ba tayong library? Huwag na lang kaya?" tanong ni Nica.
Sabay-sabay silang napatingin sa clear cup na pinaglagyan ng halo-halong fishball, kwek-kwek, at kikiam na tanghalian na nila.
"Kailangan kong pumunta, gagi," sabi ni Ikay. "Nasa akin pamasahe pauwi ni Luke."
"Ay, oo nga pala, bakla. Ayusin mo buhay mo diyan. Tandaan mo: anak ng rich family 'yan. Kapag napahamak 'yan, tsugi ka talaga."
"Huwag mo na ngang ipaalala!" sermon niya kay Nica. "Baka ipa-kidnap ako ng pamilya n'on kapag hindi nakauwi 'yon nang buhay."
"Ikaw, Santi? Library ka?"
Mabilis na umiling si Santi. "Deretso na ako sa bahay. Gagawa na ako ng samples ng recipe ko. 'Te, the struggle is real, 'tang ina. Ang hirap talagang i-perfect yung syrup, nagke-candy talaga siya pagkatagal."
Tumayo na silang tatlo para umalis sa tinambayan nilang kainan.
"Doon muna kami sa bahay nina Santi," paalam ni Nica. "I-try naming gumawa ng ibang recipe ng kanya."
"Bakit naman kasi steak pa yung akin?" reklamo ni Ikay.
"Kung regular beef lang 'yan, kahit maghapon pa tayo sa kitchen, ayos lang," sabi ni Santi.
"Una na kami ni Santi? Chat mo na lang kami if may recipe ka nang mura para tulungan ka namin sa paggawa," paalam ni Nica.
"Sige, ingat kayo. Chat na lang ako," paalam ni Ikay at naghiwa-hiwalay na sila ng daan.
May gagawin na ang dalawa niyang kaibigan samantalang wala pa siya.
Pumunta na agad siya sa library. Magre-research siya ng tungkol sa recipe niya, sa origin n'on kung saan niya nakuha ang idea, at kailangan pa niyang gumawa ng kung ano-anong infusion. Maliban pa roon, hindi rin niya alam kung paano sisimulan ang menu planning na project niya dahil individual task iyon para sa kanila. Meron na siyang nagawang draft sa notebook sa tulong din nina Nica at Santi, pero ita-type pa niya iyon para maipa-print. Paano niya masisimulan ang pagta-type kung may work na rin siya?
Nasi-stress na naman tuloy siya.
Pagdating sa library, wala na siyang nagawa kundi titigan ang libreng computer doon para makapag-research siya.
Saka lang nagsi-sink in sa kanya ang mga frustration niya sa buhay habang nakatitig doon.
Alas-onse na ng umaga. Nakakaramdam na siya ng gutom. Nagsabi na si Eugene kay Jaesie tungkol sa pagtulong sa menu niya, pero wala namang nababanggit si Jaesie na tutulungan siya. Ayaw na lang niyang umasa roon dahil hindi naman siya kilala ng mga ito para tulungan agad.
Iniisip na niya kung saan siya kukuha ng pera pambiling karne para makapag-try siya ng lulutuin kahit isa o dalawang beses man lang. Wala pang sahod. Wala pang pera ang mga magulang niya para hingan niya.
Gusto niyang pumasa sa finals niya. Pero hindi niya alam kung ano ang sisimulan kasi paano siya makakapagsimula, wala siyang pera, wala siyang gamit, wala siyang paglulutuan kung wala sa school, wala siyang ibang mahingan ng tulong.
Napapahugot siya ng hininga at hindi naiwasang mamuo ng luha niya habang nag-iisip.
"Hoy."
Mabilis siyang napaayos ng upo at napahawi ng mata. Pero kahit nahawi na niya, may pumatak pa ring kasunod.
"Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala."
Nakita ni Ikay sa gilid ng mata niya si Luan pero hindi niya ito pinansin. Kung sisingilin pa siya nito sa kinuha niyang pera, hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya.
"Umiiyak ka ba?" tanong pa nito.
"Sana sumahod tayo agad," sabi na lang ni Ikay, nanginginig na ang labi at pasinghot-singhot.
"Bakit? 'Problema?"
"Wala pa 'ko n'ong sa recipe ko para sa finals." Naghawi na naman ng luha niya si Ikay. "Bakit kasi ang mahal-mahal ng wagyu?"
"Wagyu lang, iniiyakan mo na."
"E, mahal nga kasi," naiiyak na sermon niya kay Luan. "Palibhasa ikaw, may pambili ka. Manghingi ka lang sa daddy mo, ayos na, kasi may pera kayo. Kami, wala kaming pera."
"Fault ko ba kung wala kayong pera? Bakit nagagalit ka sa 'kin?"
"Nagagalit ba 'ko sa 'yo, ha?" Napahagulhol na lang si Ikay at tinakpan ng magkabilang kamao ang mukha para magtago ng iyak.
Ang sama ng loob ni Ikay pero hindi niya kayang sisihin ang mga magulang niya. May pera naman sana sila, pero hindi iyon para sa mga project na gaya ng project niya. Pambayad sa bahay at bills, pambili ng pagkain sa araw-araw, pamasahe pa ng mga ito papasok sa trabaho . . . ayaw na niyang dumagdag pa sa gastos ng mga ito sa tuition niya.
Mabilis siyang nagpunas ng mukha at huminto sa pag- iyak. Pulang-pula pa ang pisngi at ilong niya nang tumayo at nagpagpag ng damit.
"Tara na, magtatrabaho pa tayo," aya na lang niya kay Luan kahit gusto pa niyang umiyak.
Hindi naman alam ni Luan ang gagawin. Wala naman kasing nakakaiyak sa wagyu kaya hindi niya maintindihan kung ano ba ang iniiyakan ni Ikay.
Napansin ni Luan na tahimik lang ito nang maglakad sila papuntang terminal ng tricycle na katabi lang din mismo ng library sa bandang kaliwang kalsada. Sinusulyapan niya ito kasi tulala lang sa daan nila hanggang makarating sila sa highway.
Pumara ito ng dumaraang bus na kakaunti lang ang laman at naunang maupo sa pandalawahang upuan. Doon na naman ito tumabi sa bintana kaya wala na naman siyang pagpipilian kundi tumabi rito sa puwestong siguradong masasangga siya ng daraan.
"Saan kayo?" tanong ng konduktor at hindi alam ni Luan ang isasagot. Itinuro lang niya si Ikay na tahimik lang ding kumukuha ng pera sa wallet.
"Sa may Complex lang po sa seaside, dalawa," sabi ni Ikay at nagbigay ng isandaan sa konduktor. Sinuklian siya nito kasama ng pinunit na ticket nila at saka siya bumalik sa pagkakasandal sa bintana para mag-emote.
Napapangiwi naman si Luan dahil hindi niya talaga makuha ang dinadrama-drama ni Ikay.
"Bakit mo kailangang umiyak sa wagyu lang?" sumbat niya rito.
Ang sama tuloy ng tingin ni Ikay sa kanya. "Wagyu lang? Sa 'yo, lang lang yung wagyu, kasi may pambili ka. Pam-finals ko 'yon. Kapag hindi ako nakapag-exam, wala akong grade." Nagsimula na namang maiyak si Ikay. "Yung mga classmate ko, may lulutin na. May ingredients na sila. Ako, kahit pampa- print ng menu ko, wala ako. Nagsusulat lang ako sa notebook para makasabay ako kasi yung mga classmate ko, may mga laptop. Ikaw, hindi mo mararanasan 'yon kasi binabarya lang ng daddy mo yung isanlibo. Tatlong araw na trabaho na 'yon ng papa ko pero binibigay lang ng papa mo kasi hindi naman 'yon mabigat sa inyo . . ."
"Hindi ko fault kung mahirap lang kayo."
"Tumahimik ka na lang! Tumahimik ka na lang . . ." Nagsumiksik si Ikay sa sulok para humagulhol sa sama ng loob.
Lalo namang nagtaka si Luan. Hindi naman kasi talaga niya kasalanan kung mahirap sina Ikay. Iyon ang gusto niyang sabihin dito pero nagagalit ito sa kanya kaya lalo niyang ikinatataka.
"Hindi naman maso-solve ng pag-iyak mo ang pagiging mahirap n'yo."
Ang sama ng tingin ni Ikay kay Luan dahil sa sinabi nito. "Wala ka talagang empathy sa iba kahit kailan . . . ang sama ng ugali mo . . ."
"E, totoo naman. Kung iiyak ka, yayaman ba kayo?"
"Masama bang umiyak, ha?!" Lalo pang humagulhol si Ikay. "Napu-frustrate ako kasi wala akong pang-exam. Gusto ko lang magka-grades. Gusto ko lang maka-graduate. Kasi hindi kami mayaman. Kailangan kong mag-aral nang mabuti para hindi kami ganitong—mahirap!"
"Pero wagyu? Iiyak ka lang sa wagyu?"
"Huwag mo na nga akong kausapin! Nakakainis ka na!" gigil na sigaw sa kanya ni Ikay bago ito nagsumiksik na naman sa sulok.
Napairap na lang si Luan dahil hindi talaga niya maiintindihan ang iniiyak ni Ikay. Umiiyak ito dahil sa wagyu at sa kahirapan ng pamilya nito. Maiintindihan pa sana niya kung naipit ang kamay nito sa tricycle, pero hindi.
Di-hamak na mas malapit ang school nila sa Purple Plate. Isang sakay lang ng bus dahil dadaan ang ruta sa service road na umiikot sa Pasay.
Mugto ang mga mata ni Ikay pero alerto pa rin siya sa bababaan nila. Unang beses niya iyong bababa sa lugar na hindi naman niya madalas na napupuntahan.
"Dito na tayo," matamlay na sabi ni Ikay at kinalabit lang si Luan saka siya tumayo kahit umaandar pa ang bus. Napatayo na lang din si Luan kahit pa alanganin ang balanse niya.
"Bakit ba kasi tayo tumatayo agad, hindi pa naman humihinto ang bus?" reklamo ni Luan.
"Kumilos ka na lang. Ang dami pang sinasabi," reklamo rin ni Ikay. "Manong, doon lang po sa Complex." Itinulak niya si Luan para doon sila makapuwesto sa tapat mismo ng pinto.
Pagbukas, bumaba na agad ang dalawa at nilakad na lang ang papuntang Purple Plate.
"Kapag nakita ka ni Ninang Jae, sabihin mo agad na iniyakan mo yung wagyu. Baka pagalitan ako n'on, ako pa sisihin sa itsura mo."
"Wala ka talagang consideration!" sermon ni Ikay. "Hindi mo ba kayang magbigay ng sympathy sa ibang tao, ha? Tanga siguro yung ex mo para habulin ka pa!"
"Pinuntahan ka ba niya?"
"Pinuntahan ako no'ng isang araw, di ba?"
"Kanina, pinuntahan ka?"
"Nasa library nga ako, di ba? Paano niya 'ko pupuntahan?"
"Kapag pinuntahan ka, sabihin mo sa 'kin."
"Kayo ang mag-usap! Pati ako, dinadamay. Pakialam ko ba sa inyo?"
Nagmartsa na papasok si Ikay nang makarating sa Purple Plate. Doon pa lang sa may counter, nakita na agad sila ni Rico na naglilista ng kung ano sa clipboard nito.
"O?" gulat nitong sita sa kanila ni Luan. "Are you crying?" Lumipat agad ang tingin ni Rico sa binata sabay pamaywang.
"Umiyak siya dahil sa wagyu! I'm innocent!" depensa ni Luan.
"Ano'ng ginawa ni Luan sa 'yo?" nagdududang tanong ni Rico kay Ikay.
Mabilis na umiling ang dalaga. "Wala po. Wala po siyang kasalanan."
"See?" proud pang sinabi ni Luan.
Dismayado si Rico nang ilapag ang clipboard na hawak sa counter. "Bakit ka umiiyak? What happened?"
"Wala lang po kasi akong pang-exam next week. Wala pa po akong recipe."
"Walang pang-exam? Tuition fee?"
"Bayad na po 'yon. Wala lang po akong recipe pam-finals. Steak po kasi yung napunta sa 'kin. Wala po akong pambiling steak. Hindi pa po ako nakakagawa ng recipe . . ." Sabay hagulhol na naman ni Ikay nang maalalang wala pa siyang nagagawa sa pang-exam niya.
"She's crying over a wagyu steak," sumbong pa ni Luan. "Is that even a problem? E di, bumili siya. Meron naman sa meathouse n'on, duh?"
Napangiwi na lang si Rico dahil hindi rin niya makita ang problema maliban sa budget na paniguradong wala si Ikay. "All right, I'm getting the picture here." Nilapitan na niya si Ikay at inakbayan. "Put your things sa office ng Ninang mo, then go back here. Kukuha ka pa ng orders," utos ni Rico kay Luan.
"Tsk!" Napakamot na lang ng ulo niya si Luan at dumeretso na sa opisina ni Jaesie.
Tangay-tangay naman ni Rico si Ikay na hikbi nang hikbi at nagpupunas pa rin ng mata.
"Don't cry. Gagawa tayo ng paraan, okay?" pag-amo ni Rico sa dalaga. "Ano yung kailangan sa exams mo?"
"Magpapa-print pa po ako ng menu. Ire-retype ko po yung nasa notebook ko saka gagawan ng presentation . . ." Umiiyak na paliwanag ni Ikay.
"Okay, retype, print . . . what else?"
"Magluluto po kami sa Saturday ng nabunot naming category. Steak po yung akin . . . wala po akong pam-practice magluto kasi mahal yung steak."
"Oh . . . hmm, I see." Napatango-tango na lang si Rico at inuunawa ang iniiyak ni Ikay. "We'll wait kay Clark. Ang alam ko, magbibigay siya ng laptop sa 'yo? I'm not sure if dito niya dadalhin or kukunin mo sa office nila ni Leo, but it's already available. Wait na lang tayo ng update sa kanya."
Mabilis na napaangat ng tingin si Ikay kay Rico. "Wala po akong pambayad sa laptop."
"Ibibigay," pag-ulit ni Rico. "Wala kang babayaran. It's just a laptop, hindi naman house and lot."
Hindi alam ni Ikay ang sasabihin dahil bagong kilala pa lang niya ang mga ito. Alam niyang wala lang ang laptop para sa mga ito, pero wala rin naman siyang makitang dahilan para bigyan siya nito ng ganoon.
"The steak? Maybe we can work on it. It's just meat. If wala kang pambili ng karne, we'll buy para makagawa ka ng recipe na sinasabi mo."
"Wala po akong pera."
"Bigyan mo 'ko ng recipe, we'll buy everything."
"Ibabawas po ba 'yon sa sasahurin ko?" nakatingalang tanong niya kay Rico.
"Nope. Hindi naman siguro aabot ng one million pesos ang recipe mo."
"Hala, sir, hindi po!" sagot agad ni Ikay.
"If not, then we'll cook it." Si Rico na ang bahagyang nagpahid ng basang pisngi ni Ikay at tinapik-tapik ito sa ulo para patahanin. "Maghilamos ka muna and wash your hands. You can cry for a while, but you can't cry the whole time. Sorry sa disclaimer, pero need nating i-reschedule ang breakdown. Just tell me if you can't work, we'll take a break."
"Okay po. Sorry po sa abala, sir."
Pumunta sa washroom si Ikay at nakita ang mukha niyang pulang-pula. Paiyak na sana siya pero pinigil agad niya kasi baka pagalitan na siya ng mga manager doon.
Nangako si Rico sa kanya ng laptop at ingredients, pero ayaw muna niyang panghawakan iyon. Ginastos na niya ang pera ni Luan. Hindi na muna siya dapat umasa sa pangako ng mga ito dahil sa ginawa niyang pangunguha ng pera.
Hinanap niya agad ang bag niyang ipinatong niya sa gilid ng kitchen table kanina. Paglabas niya, wala na ito roon.
"Hala, yung bag ko . . ." paiyak na namang hanap ni Ikay.
"Nasa office ni Ninang," sagot ng lalaki sa labas ng kitchen area. "You're crying over a steak? Sobrang babaw mo naman."
"Tumahimik ka na nga lang!" singhal na naman niya kay Luan. Tumawid pa siya ng tingin sa gilid ng pinto para matanaw ito sa window kung saan kinukuha ang orders.
"Ninong Rico," tawag ni Luan mula sa may counter. "I'm hungry na! Wala akong pera."
"Wala kaming pasta ngayon. O-order ako ng meal."
"Si Ikay, hindi pa kumakain kaya umiiyak."
Napaurong agad si Ikay, kahit ang iyak niya, dahil sa sinabi ni Luan. Wala naman siyang sinasabing ganoon.
'Pinagsasasabi nito?
"Gusto ko ng steak. Ribeye, garlic butter, pan-seared, medium, both," dugtong ni Luan.
Nanliit agad ang mga mata ni Rico at sinukat ng tingin si Luan. Nakipagsukatan din ng tingin ang binata.
"You know na hindi available for delivery ang order mo, right?" nagdududang sabi pa ni Rico.
Nakangising itinuro ni Luan ang likuran niya habang nakaharap kay Rico. "Open ang kitchen, Ninong. I have faith in you."
"Pfft—hahahaha!" Ang lakas ng tawa ni Rico dahil sa sinabi ni Luan. Napapailing na lang siya at unti-unting nawala ang ngiti. "Pambihira ka talagang bata ka. Hindi ko na alam kung kanino ka ba talaga nagmana."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top