Chapter 11
Walang kaide-idea si Ikay sa gagawin sa Purple Plate maliban sa puwede naman siyang maghugas ng mga baso at plato. Nakapag-baking na sila, pero hindi niya kayang gayahin ang sarap ng bine-bake sa café na 'yon. Hindi rin siya marunong magtimpla ng kape na ginagawa roon maliban kung tuturuan siya ng halo para sa menu.
Alam na niyang owner sina Leo at Clark ng lending application na kilala niya, pero iyon nga ang problema—wala siyang alam sa lending. Kaya naman dinala siya ni Clark sa Purple Plate, na kahit paano naman ay may puwede siyang gawin dahil food and beverage servicing ang papasukin niya.
Nae-excite si Ikay dahil sobrang warm talaga ng pakiramdam sa loob ng café. Wooden ang mga upuan at white ang mesa. Ang tanging purple lang na nakikita niya ay ang table numbers na nasa gitna ng mesa kasama ng ibang mga nakalagay roon gaya ng tissue at bulaklak para sa centerpiece.
"Nandiyan yung mag-asawa?" bungad ni Clark sa counter. May babae roong nagka-cashier.
"Good afternoon, Sir Clark, sa office po."
"Thank you!"
Kilala ni Ikay ang owner ng Purple Plate. Si Jaesie Rosenthal-Dardenne. Napapanood niya sa TV ang mga commercial nito at ilang TV show guestings tungkol sa paggawa ng kape at business talks. Huling segment na napanood niya ay sa mismong coffee farm nila ng asawa nito ang tour at gumawa pa ng kape kasama ng host.
Nagkaroon pa nga ng house tour doon sa segment kung saan sobrang laki ng mansiyon kung saan ito nakatira at bilib na bilib ang host sa paglibot sa bahay nito.
Pero hindi malaki ang branch na iyon ng Purple Plate sa Roxas Boulevard. Gaya rin ng ibang branch na sapat lang ang laki para mag-accommodate ng seventy customers sa first and second floor.
Nasisilip lang ni Ikay ang kitchen area sa likod ng counter bago sila dumaan sa hallway na nasa gilid nito. Sa dulo ay may pinto at si Clark na ang unang nagbukas n'on.
Office lang talaga ang loob at hindi ganoon kalaki. Ang dami ring laman na cabinet at puno ang dingding ng mga frame ng iba't ibang permits at picture pati certificates. May office table sa gitna at gray couch sa kaliwa para sa mga bisita. Iniisip ni Ikay na parang mas friendly pa ang mood ng opisina ng abogadong napuntahan niya dati kaysa roon.
"Bayaw!" sigaw ni Clark sa lalaking nagsasalansan ng folder sa gilid. Nakatalungko ito at may binabasa habang nakaupo sa sakong nito.
Napaawang naman ang bibig ni Ikay dahil sa nakikita.
"Come on, Clark. Puwedeng hindi sumigaw," bored na sagot ng lalaking nakasalubong ni Ikay ang tingin. "Oh! Visitor. Hi!" Mabilis itong tumayo nang deretso at nawala lang ang sumaglit na ngiti nang malipat ang tingin kay Luan. "Parang may idea na 'ko sa ipinunta n'yo rito." Dumeretso ito ng lakad papuntang office table at doon inilapag ang folder na hawak. "I see an unfamiliar face. I'm Rico," pakilala nito.
Na-starstruck na si Ikay, malapad lang ang ngiti at hindi na nakaimik. Sobrang laking tao ni Rico, pero mas malaki pa rin sa tingin niya si Leo. Mukhang foreigner ang kaharap ni Ikay at hindi niya maiwasang titigan ito sa mga matang iba ang kulay.
"You are . . . ?"
"Oh my gosh!" Pigil ang ngiti ni Ikay nang magtakip ng bibig. "Hello po! I'm Iyanne Kaye po. Pero puwede n'yo po akong tawaging Ikay." Nagmamadaling lumapit si Ikay kay Rico para makipagkamay.
"Ikay. Ang cute naman ng name mo."
Ngiting-ngiti naman si Ikay nang kamayan siya ni Rico. Kitang-kita ang laki ng pagitan ng sukat ng mga kamay nila.
"Sir, nakikita ko po kayo sa TV! Kasama n'yo po si Miss Jaesie! Ang guwapo-guwapo n'yo po lalo sa personal."
"Hahaha! I know," natatawang sagot ni Rico.
"Bakit ako, walang ganyang greeting?" reklamo pa ni Clark.
"You're not familiar." Napatango-tango na lang si Rico habang sinusukat ng tingin si Ikay. Sunod niyang inilipat ang tingin kina Clark nang bitiwan ang dalaga. "What's up?"
"Kailangan ng work niyan," sabi ni Clark. "Kinuha ni Eugene para sa office, walang experience, culinary student."
"Oh! I see." Tumango ulit si Rico at itinuro si Luan na may sariling dimensiyon sa kinatatayuan nito. "And how about that kid?"
"May atraso 'to sa 'min ng daddy niya kaya punishment niyang bantayan 'yan," pagnguso ni Clark kay Ikay.
"Punishment means?"
"Bigyan mo ng work. Same kay Coco."
Napasimangot agad si Rico at napabuntonghininga sabay pamaywang. Nakatuon ang tingin nito kay Luan na saka lang siya tiningnan nang mabanggit ang salitang work.
"Akala ko, okay na n'ong nabigyan mo ng work. Haay," panibagong buntonghininga ni Rico at itinuro ang itaas. "Nasa itaas sina Jae and Coco. Doon mo dalhin si Luan," utos nito kay Clark.
"Ayoko kay Ninang Jae!" reklamo agad ng binata.
Nagkapalitan ng tingin sina Clark at Rico.
"Kay Jae na," sabay pa nilang sinabi.
♥♥♥
Hindi first time na makakapasok ni Ikay sa Puple Plate Café, pero first time niyang makakapasok sa working area nito. Kasama niya si Rico at ito ang nagtu-tour sa kanya sa loob.
"This is the first and original branch of Purple Plate. Twice na itong nare-renovate kaya mukha pa ring bago, but this exact shop is already 22 years old."
"Wow . . . sobrang tagal na niya, sir," bilib na bilib na sagot ni Ikay.
"Mas okay sana kung ang asawa ko ang magtu-tour sa 'yo, pero pagagalitan pa kasi n'on sina Luan."
"Makikilala ko po ba si Miss Jaesie, sir?"
"Of course," nakangiting sagot ni Rico. "Siya ang owner, you should. Sa kanya tayo manghihingi ng approval para magka-work ka rito. Nakiki-work lang naman ako rito kaya doon tayo dapat magpaalam sa may-ari."
"Hala, sir, excited na 'ko!" tuwang-tuwang sabi ni Ikay.
Unang pinuntahan nila ang freezer na maraming rack. Puno iyon ng mga laman at inisa-isa ni Rico ng paliwanag ang mga laman n'on.
"Every Tuesday and Thursday, we offer different kinds of pasta and bread. Weekends ang puro pastries and cakes. The rest of the week, kung ano lang ang nasa menu, 'yon lang ang ino-offer namin like waffles and pancakes na kayang gawin kahit ng hindi professional chef."
"Sir, buti meron kayong ganitong kalaking ref dito. Hindi 'yong maliit na freezer lang. Sa school kasi namin, ganito rin, e."
"Decision ni Jaesie na hindi mag-rely sa smaller equipment, which is a good idea rin kasi mahirap magtambak ng maraming maliliit na ref sa kitchen kung marami kang ilalagay."
Lumipat sila sa stockroom para sa mga sako ng beans. Katabi lang iyon ng back door na malawak na space ang labas.
"Hindi ka pa hired," paalala ni Rico, "pero io-orient na kita para kapag tinanong ka ni Jae, familiar ka na sa lahat."
"Thank you po, sir!"
Itinuro ni Rico ang mga sako na naka-stack sa mga rack. "Ang iba rito, kami ang producers. May galing sa Batangas, may galing sa Laguna, may galing sa Cordillera. May ibang beans na ino-order pa namin abroad, 'yon ang mga nasa special menu."
"Sir, ang sarap po ng kape n'yo sa Purple Plate, promise," kuwento ni Ikay. "Meron pong branch na malapit sa school namin! Doon po kami minsan umiinom ng kape kapag po may budget."
"Oh! That's good to hear."
"Sir, kung magkaka-work po ako rito, ano po kaya 'yon?"
"Hmm . . . staff? Server? Hindi ka pa kasi puwede sa dishwashing. May special instructions kasi kami sa dishwashers kung paano ba huhugasan ang mga basong ginagamit dito."
"Puwede po ba akong magluto or mag-bake?"
"Hmm . . . sa baking, may pasok ka ba sa weekends? Kasi kung luto, ako ang magga-guide sa 'yo. Pero kung baking, doon tayo sa pastry chef namin. Gusto mo bang pumasok every day?"
Sabay na lumabas ng stockroom ang dalawa at dumeretso ulit sa labas ng kitchen.
Napangiwi si Ikay sa tanong ni Rico. "Medyo malayo po kasi rito sa school namin."
"Same ba kayo ng school ni Luan?"
"Yes po. Pero sa engineering po kasi siya. Sa culinary institute po kasi ako. Mga limang hall po ang pagitan, isang ikot po ng tricycle, gan'on."
"Then I'll ask his father na lang din, sabihin kong isabay ka na kung papasok kayong dalawa rito."
"Ngi?" gulat na sagot ni Ikay. "E, sir, ang sungit ni Luke!"
"Masungit siya sa lahat, so normal lang 'yon."
"Wala bang ibang option, sir?" Napakamot tuloy ng ulo si Ikay.
"Puwede kang mag-commute. Every Saturday kasi, nandito ang pastry chef namin saka asawa niya. Kami naman ni Jae ang wala," paliwanag ni Rico. "If okay ka sa weekends, sila ang magma-manage dito sa buong café. Gusto mo bang mag-work kahit weekends?"
Napaisip naman doon si Ikay. "Mga magkano po kaya ang sasahurin, sir?"
"Not sure. Why? Into experience ka ba sa school or into salary?"
Nahihiyang nagkibit-balikat si Ikay. "Aminin ko na, sir, for salary po talaga. Hindi ko na po kasi kayang bayaran ang student loans ko."
"Where are your parents? Kasama mo pa ba?"
"Yes, sir. Yung papa ko po, sir, driver po ng truck sa factory ng sardinas. Yung mama ko po, office clerk sa coconut association. Medyo hirap po kami sa finances kaya po nagbakasakali ako kay Sir Eugene. E, hindi raw po ako qualified."
"Oh . . . I see, I see." Napatango-tango agad si Rico. "So, it was Eugene who took you kina Leo."
"Yes po."
"But you knew Luan."
"Si Luke po?"
"Yeah."
"Yes po. Gina-gangster po kasi ako niyan, ninakaw ko raw po ang pera niya."
"Did you?" nanghuhusgang tanong ni Rico kaya dumepensa agad si Ikay.
"Hoy, sir, hindi, a!" sagot agad ni Ikay. "Nagastos ko 'yong pera pero kapag sumahod po ako, babayaran ko rin po."
"Ah . . . ginastos mo."
"E, hindi niya kasi kinuha agad. E di, ginastos ko."
"That's not right."
Napanguso tuloy si Ikay. "Alam ko naman, sir, kaya nga po ako naghahanap ng trabaho para mapalitan ko ang nagastos ko."
"Hmm, reasonable enough to have a job. Pero mali pa rin ang ginawa mo."
Napakamot na lang ng ulo niya si Ikay dahil sa sermon ni Rico.
"Sige, hintayin na lang natin sila rito kasi kapag sumama pa tayo sa itaas, pati tayo, pagagalitan ng may-ari," sabi ni Rico at doon muna sila tumambay sa counter para mag-abang ng mga customer.
♥♥♥
Ramdam na ramdam ni Luan na pinagtutulungan siya ng mga ninong niya. Umamin na si Ikay na ninakaw nga nito ang sahod niya pero hindi pa rin siya pinatatakas sa atraso niya.
"Sana dinala mo na lang ako kay Kuya," reklamo ni Luan nang makaakyat sila sa second floor ng Purple Plate.
Ayaw na ayaw ni Luan na nakikita si Ninang Jae niya. Kung mahilig siyang makipagmatigasan sa daddy niya, ibang lebel ang Ninong Rico at Ninang Jae niya lalo sa usapang pera. Dito lang sa mag-asawa niya nasasabi na napakabait pang tao ng daddy niya.
Naabutan nila si Jaesie na nasa sulok ng second floor, doon sa may railing. Nakahalukipkip at binabantayan ang nag-iisang staff ng Purple Plate na naglilinis doon ng mesa—ang nag-iisang anak nito. Pinarurusahan lang naman nila dahil matigas ang ulo.
Unico hijo nina Ronerico at Jaena Dardenne si Connor Dardenne. Bata pa lang ito, sanay na sanay na itong lumalabas sa iba't ibang commercial ng produkto ng kompanya ng pamilya nila. Pero hindi isang ad endorser ang nakikita ngayon ni Luan kundi isang bus boy na nag-iimis ng mga patak ng kape at pinag-inuman sa isang blangkong mesa sa second floor.
Magkaedad lang si Connor at ang panganay ni Clark, pero ramdam niyang hindi talaga sinasanto ng mga Dardenne ang mga anak nila.
"'Yong upuan," malakas na utos ni Jaesie. May mahinang dabog namang inurong ni Connor ang upuan papasok sa ilalim ng bilog na mesa.
Guwapong binata si Connor, matangkad din. Madaling mapansin dahil hindi tipikal ang mukha. Iba ang puti ng balat nito, at mas namumula kapag naiinitan ng araw imbes na umitim. Natural din ang pagka-light brown ng buhok na medyo wavy. Literal na magkahalo ang kulay ng mata—alanganing halo na may parte lang na berde at may parteng kulay tsokolate. Hindi pantay ang kulay kaya madaling makita tuwing madaraanan ng liwanag. Matangos pa ang ilong at eskuwalado ang panga. May tatlong butas ang tainga na walang hikaw sa mga oras na iyon. Nakasuot ito ng purple polo bilang uniform na naka-tuck sa denim jeans. Maliban sa itim na digital watch, hindi na niya makita ang iba pang bracelet nito. Pinatanggal marahil ng nanay dahil nagtatrabaho.
"Ninang Jae," pagtawag ni Clark.
Nalipat sa kanila ni Clark ang tingin ni Jaesie. Wala pa mang sinasabi ang ninong ni Luan, nagbuntonghininga na ang babae.
48 years old na ang ninang niya, pero hindi mababakas sa ganda ng mukha nito ang edad. Isa sa pinakamagagandang ninang niya si Jaesie at aminado siya roon. Mas matangkad pa nga siya, pero nalalakihan siya rito. Kasintangkad din lang halos ng mama niya, pero iba ang laki ni Jaesie kaysa sa mama niya. May kung anong confidence siyang napupuna sa ninang niya na pinagmumukha itong malaki lalo sa malayuan.
Mayaman ang Ninang Jaesie niya, pero iba sa yaman na meron ang Ninong Rico niya. At iyon ang ayaw na ayaw niyang ginagamit nito para manermon. Self-made millionaire ang ninang niya. Galing sa middle class family, alam ang hirap kaya alam din kung paano magpahirap. Sa kasalukyan, biktima nito ang sariling anak. Ayaw niyang binabarkada si Connor dahil sa mama nito. Terror ang ninang niya, walang anak-anak dito kaya mas lalong walang itong amor sa kanyang ni hindi man lang nito kadugo.
"Nakipag-away na naman ba 'yan kay Leo?" tanong agad ni Jaesie kay Clark, pero kay Luan nakatingin.
"Ano pa ba?" sagot ni Clark.
"Ano'ng ginagawa niyan dito?"
"Pinagbigyan ko, umabuso. Detention muna siya ngayon. May kasama pa 'tong isa. Babae."
"Si Ramram?"
"Hahaha!" Ang lutong ng tawa ni Clark. "Good girl muna si Ramram ngayon. Hindi na raw niya ilalabas ang Ferrari niya sa EDSA."
"Dapat lang, 'no! Mukha bang madaling manghuli ng kabayo sa EDSA?" katwiran agad ni Jaesie tungkol sa anak ng kumare niya. "Ano'ng atraso n'ong isa?" dagdag na tanong niya.
"Naghahanap ng work. Dito pinadala ni Leopold."
"Sino ba 'yon?"
"Ampon ni Eugene."
"Ampon?" gulat na tanong ni Jaesie at nagbitiw na ang mga braso saka lumapit sa kanila. "Ilang taon na 'to? Minor?"
Napapahugot ng hininga si Luan habang nakangiwi. Kapag talagang naglalakad ang Ninang Jae niya, para itong modelo na nakakita ng masasampal at gusto nang sugurin.
"Hahaha! Ang sabi ni Leo, twenty years old. Wala akong record, kanina ko lang nakilala," sagot ni Clark.
Dinuro lang ni Jaesie ang anak na bitbit ang lalagyan ng mga nagamit nang baso at platito. "Dalhin mo na agad 'yan sa kitchen. Huwag kang magdadabog, ibabawas ko ang mababasag sa allowance mo."
"Mama!" naiiyak na reklamo ni Connor.
"Mama ka diyan. Bilisan mo, maglilinis ka pa sa ibaba."
Napapailing na lang si Luan sa itsura ni Connor. Nakikini-kinita na niya ang parusa niya sa kamay ng Ninang Jae niya. Ni hindi nga rin niya matandaan ang atraso niya sa daddy niya, maliban sa usapang pera.
Pagbaba nila, naabutan nila sina Rico at Ikay na nag-uusap tungkol sa kung paano gagamitin ang cash register.
"Ayan na pala ang boss natin," biglang sabi ni Rico pagdating ni Jaesie, nakabuntot naman sina Clark at Luan.
Bored ang tingin ni Jaesie kay Ikay na ang lapad ng ngiti.
"Good afternoon po, Miss Jaesie!" masayang bati ni Ikay. Biglang napatakip ng bibig niya at pulang-pula na ng mukha. Saglit pa niyang tiningala si Rico na nasa tabi niya. "Hala, sir, ang ganda po ng asawa n'yo."
"As always," proud na sagot ni Rico.
Nagkrus na ng mga braso si Jaesie, nginingiwian ang binatang kasama ni Clark at ang dalagang kasama ni Rico.
"Dalawa silang papasok dito sa Purple Plate?" tanong pa ni Jaesie nang ituro nang salitan ang dalawa.
"Yeah," sabay ring sagot nina Rico at Clark.
"For what reason?" tanong ni Jaesie at nagtaas siya ng mukha sa asawa at bayaw niya.
"Work," sagot ni Rico.
"And punishment," dugtong ni Clark.
"Work because?" pag-iimbestiga ni Jaesie.
Tinapik nang marahan ni Rico ang tuktok ng ulo ni Ikay para utusan itong sumagot.
"Ay! Ako po ano . . ." mabilis na sagot ni Ikay. "Need ko po talaga ng work. Pambayad po sa student loans ko. Kahit mag-bus po ng table, okay lang po sa akin! Basta may work."
Napakibit lang ng balikat si Jaesie sabay lingon kay Luan. "And what about the punishment?"
"She stole my salary," mabilis na sagot ni Luan sabay duro kay Ikay.
Kahit gustong sumagot ni Ikay at sigawan si Luan, hindi na niya tinangka. Pinagalitan na kasi siya ni Rico at sinabi nitong dapat akuin niya ang mali niya.
Nalipat tuloy ang tingin ni Jaesie kay Ikay. "Ninakaw mo?"
"Nahulog niya po kasi sa library 'yong envelope na may lamang pera," paliwanag ni Ikay.
"So, nasa iisang school lang kayo."
"Yes po, pero magkaibang hall."
"Nasaan ang pera?"
"Isasauli ko naman po dapat 'yon pero hindi niya po kasi ako gustong makita."
"Liar," mabilis na sagot ni Luan.
"Tinext kita!"
"I don't even know you. Bakit kita re-reply-an?" masungit na sagot ni Luan.
"Pero kasalanan mo pa rin kaya nawala ang pera mo!"
"Pero ginastos mo pa rin ang pera ko kaya nawala."
"Tahimik!" sigaw ni Jaesie nang awatin ang dalawa. "Kay Ninong Clark mo ba 'tong salary galing?" tanong niya kay Luan.
"Yes," pairap na sagot ni Luan.
"Magkano ang kinuha mo?" tanong ni Jaesie kay Ikay.
"2k po."
"2,865!" mabilis na kontra ni Luan.
"2.8?" tanong ni Jaesie. "Anong work 'to?"
"Encoding dapat saka programming," sabad na ni Clark. "Encoding lang ang ginawa. Five hours ang usapan, one hour lang ang ipinasok. Ang binayaran ko, 'yong time na pinasukan niya."
"Why do I have to work anyway?" naiiritang tanong ni Luan. "May pera ako."
"Uh-huh?" sarcastic na sagot ni Jaesie, tumatango-tango pa. "At saan galing ang pera mo?"
"Kaya nga may work sina Daddy, di ba? Para may pera ako. Come on, guys! Why do I have to work kung may work naman sila?!"
Napahimas na lang ng noo nila sina Rico at Clark sa sobrang stress sa lumalabas sa bibig ni Luan.
"Grabe ka talaga," sabi agad sa kanya ni Ikay, nandidiri ang tingin. "Kung ako si Sir Leo, hindi talaga kita bibigyan ng pera. Ang kapal ng mukha mo, friend."
Napapangiwi na lang si Jaesie sabay buntonghininga. Doon pa lang, nakapagdesisyon na siya.
Pagturo niya kay Luan, hinarap niya agad si Clark. "Paki-freeze ng account nito."
"Ninang!" hiyaw agad ni Luan na puno ng pag-aalala.
"May pera ka, di ba?" sagot ni Jaesie kay Luan. "You have your options: magwo-work ka rito sa Purple Plate kung gusto mong ibalik ang pera ng parents mo o gamitin mo ang pera na meron ka gaya ng sinasabi mo."
"You can't decide for me! Hindi papayag si Mama!"
"We'll see," proud na sinabi ni Jaesie at itinuro si Ikay. "At ikaw, doon ka sa office ko. Mag-usap tayo."
"Okay po, Miss Jaesie!" maagap na sagot ni Ikay at sinulyapan pa si Luan na problemado sa desisyon ng ninang nito.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top