Kabanata 11
Kabanata 11
Magulang
Buhat buhat ko si Keanu habang naghihintay sa labas ng kwarto ni Rain. Chine-check pa ang kalagayan niya. Wala akong magawa kundi manalangin.
Buti nalang din at nahablot ko ang cellphone ko sa side table kaya natawagan ko pa si Trigger. Pina-lock ko yung bahay saka pinakuha ko na ng mga damit ni Rain.
"Nanay, is Kuya ok?" Tanong sa akin ni Keanu. Nakasabit ang braso niya sa leeg ko habang sinisilip niya ang loob ng kwarto.
"He's ok!"
Ilang minuto lang din ang dumating si Trigger. Alam kong natataranta na din siya pero hindi niya pinapakita sa amin. Nilapitan niya kami saka binuhat mula sa akin si Keanu.
"Tinawagan ko sina Mommy, papunta na sila dito." Tumango nalang ako sa sinabi niya.
Hindi ako mapakali. Lumabas ang Doctor kaya lumapit agad kami ni Trigger. Nakatulog na sa braso niya si Keanu.
"Normal naman ang lagnat ng pasyente so far..."
Thank You, Lord!
Malalim akong nakahinga, kanina pa pigil hininga ang ginagawa ko. Hindi ko yata kakayanin kapag may masamang mangyari sa anak ko.
Pinapasok ako sa loob habang si Trigger ang kinakausap ng Doctor. Umupo ako sa upuan sa gilid ng kama ni Rain, ang sabi ng Doctor ay gigising na din daw siya maya-maya.
"Baka daw ilang araw pa si Rain dito sa hospital..." bungad ni Trigger nang makapasok siya sa loob ng kwarto.
Nilingon ko siya, "Hindi ko alam kung anong gagawin ko, Trigger."
Nilapag niya si Keanu sa tabi ni Rain. Umupo siya sa tabi ko saka niyakap. Naubos na yata ang luha ko kaya kahit gustong gusto kong umiyak ay wala nang lumalabas.
"Ang gawin nalang natin ngayon ay alagaan si Rain..."
Ilang minuto lang din ay dumating na sina Mommy. Pumunta din sina Ghine kaso saglit lang dahil may pasok pa sila bukas. Naiwan si Ales at mga gabi na daw siya uuwi.
"Ayoko sana sabihin to sa iyo ngayon kasi siyempre nasa ospital ang anak mo..." huminto si Ales sa kaniyang sinasabi. Inisip niya pa kung sasabihin ba niya sa akin o hindi.
"Ano ba iyon?"
"K-kasi... h-hinahanap ka ni Ma'am Gen. Pero kung ako sa iyo, Irene? Magquit ka nalang sa trabaho natin..."
Tinignan ko siya. Mukhang kinausap siya ni Trigger para pilitin akong umalis ng trabaho.
"Aalis din naman ako. May sakit si Rain ngayon kaya mas kailangan namin ng pera,"
"Irene, alam ko namang kayang kaya niyo ang bill. Isipin mo din ang kalagayan ng mga anak mo. Imbes na ikaw sana ang maghahatid-sundo sa kanila galing school pero nasa office ka, ikaw sana ang kasama nila sa bahay maghapon pero nandun sila sa Nanay mo. Irene, hindi habang buhay nandyan ang magulang niyo..."
Napatingin ako kay Trigger na nakatingin sa akin mula sa labas. Buhat niya ang tulog na si Keanu na nakasabit sa balikat niya.
"So, sinasabi mo din na hindi ako nagiging asawa't magulang sa mga anak ko?"
"Hindi naman sa ganun, Irene... ang sa akin lang, mas magagampanan mo ang pagiging magulang kung nasa bahay ka lang."
I don't think so. Hindi naman dun nasusukat ang pagiging magulang at asawa kasi para sa kanila lang din naman ang ginagawa ko. Kaya ko naman, eh. Hindi ko naman hahayaan ang sarili ko na palamunin lang sa bahay.
"Ales, hindi mo ako naiintindihan..."
"Siguro nga Irene, hindi. Kasi hindi naman ako magulang. Pero hindi din maganda na itinatago mo sila."
Umiling ako. Mali sila. Tama ako kasi kailangan talagang magtrabaho ng mga magulang para sa pamilya. Kung kaya ni Trigger magtrabaho, edi kaya ko din, hindi ba?
Hindi ko na siya pinansin hanggang sa makauwi siya. Kakausapin ko nalang si Trigger, ipapaintindi ko sa kaniya ang hindi nila maintindihan.
"I'm fine, Nanay... let's go home na po..."
Nang magising si Rain ay iyan agad ang sinabi niya. Gusto na niyang umuwi dahil wala naman na daw siyang sakit.
"Baby, ang sabi ng Doctor mo, ilang araw ka pa daw dito." Sabi ko habang hinahaplos ang noo niya.
Sumimangot siya, "Ayoko ko pong maiwan mag-isa dito..."
"Sinong nagsabi na maiiwan kang mag-isa dito?" Kunot noo kong tanong.
"Di ba po may work kayo ni Tatay? Kapag umuwi na ako, makakasama ako kay Keanu sa bahay nina Lola. Dito, baka maiiwan lang ako mag-isa..."
Tumawa si Mommy habang nagbabalat ng mansanas, "Hindi ka iiwan ng Nanay mo. Hindi sila papasok para bantayan ka."
Natahimik ako. Kailangan kong pumasok bukas dahil hinahanap daw ako ni Ma'am Gen. Ano nga ba ang dapat kong unahin?
"Talaga, Nanay?" Masayang tanong ni Rain.
"K-kasi baby... kailangan si Nanay bukas sa work niya. Pero uuwi naman ako ng maaga!" Ngumiti ako.
Napawi naman ang ngiti niya saka nag-iwas ng tingin. Saktong dumating si Trigger na may dalang mga prutas, nilapag niya iyon sa table. Lumapit naman si Keanu na umiinom ngayon ng chuckie.
"O bakit umiiyak?" Kunot noong tanong ni Trigger.
"Eto kasing si Irene, papasok daw bukas sa trabaho. Ayan, nagtampo..." sagot ni Mommy.
Napatingin sa akin si Trigger. Umigting ang panga niya. Kitang kita ko ang galit at disappointed niyang mukha.
Bumaling siya kay Rain, "Si Tatay, magbabantay sa iyo bukas..."
"Hindi mo po ako iiwan?"
"Hindi ka iiwan ni Tatay. Kaya kumain ka na..." inabot niya ang mansanas na binalatan ni Mommy.
Bakit ako ang nagmumukhang masama? Ang hirap namang magpaintindi sa mga taong ayaw umintindi.
"I love you, Tatay..."
Sa pagkasabi ni Rain, pakiramdam ko nilalayo na niya ako sa kaniya. Sinubukan kong tignan siya pero iniiwas niya sa akin ang kaniyang mukha.
"Irene, alam mo kung ano ang mali mo." Panimula ni Mommy nang makalabas kami ng kwarto para makapagusap.
"Hindi naman para sa akin ang pagtatrabaho ko, Mommy..."
"Kahit na. Ang asawa mo, ni minsan hindi nagdalawang isip tuwing mga anak niyo na ang pinaguusapan."
Wala na talaga akong kakampi. Masama na akong asawa at magulang. Hindi nila makita kung para kanino ko ginagawa ang mga iyon.
Kinabukasan ay pumasok pa din ako. Kitang kita ko ang tingin sa akin ni Rain. Nang magpaalam ako sa kaniya ay hindi niya ako pinansin.
"Magusap tayo mamaya, Trigger..."
Bahagya siyang natawa, "Wala namang nangyayari sa paguusap natin, Ineng... hindi ka din naman nakikinig."
"It's because tama ako-"
"So, mali kami?" Ngumisi siya ng sarkastiko. "Irene, tumanggap ka din ng mali mo."
Hindi na ulit kami nagusap hanggang sa maihatid niya ako sa building. Gulat pa na tumingin sa akin si Ales nang makita niya ako.
"Akala ko hindi ka papasok!"
"Hinahanap ako ni Ma'am Gen, diba? Kaya bakit hindi ako papasok?"
Umiling lang siya sa reaction ko. Maging siya ay naiinis na din sa akin. Seriously?
Ako ba talaga ang mali?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top