1st Star: Memory
"Anak, lisanin mo na ang lugar na ito! Hindi na nakakabuti sa iyo na manatili ka dito!"
"Papa, kailangan mo ba itong gawin sa akin?"
Tumulo ang maiinit na luha sa mga mata ng dalaga. Agad nabatid ng kanyang ama ang ibig niyang sabihin.
Mahigpit niyang niyakap ang anak at sinabing, "Pansamantala lang ang pagpunta mo doon, anak. Kapag naayos na ang lahat, ako na mismo ang pupunta sa iyo para sunduin ka. Maniwala ka sa akin."
"Papa..."
Ramdam niya ang mahigpit na yakap ng ama. Kung pwede lang pigilan ang oras ay sana nagawa na niya ito.
"Humayo ka na bago ka pa nila mahuli!"
Agad siyang pinakawalan ng ama. Napakasakit sa kanyang kalooban na talikuran ito at hindi na muling sulyapan.
"Umalis ka na!"
Sa huling sandali, binigyan niya ng huling sulyap ang ama. Dama niya ang sama ng loob nito. Maaring ito na nga ang huli nilang pagkikita.
Hindi niya alam kung anong mangyayari pagkatapos ng kanyang pag-alis.
Tumakbo na siya sa isang napakahabang daanan. Ang tangi niyang pinanghahawakan ay ang pangako ng kanyang ama.
"Ako na mismo ang pupunta sa iyo... Maniwala ka sa akin."
---
Bigla siyang nagising mula sa kanyang pagtulog. Agad na tumambad sa kanya ang kadiliman ng buong kwarto. Kasing-dilim ito ng kawalan na lumulunod sa kanya mula nang napunta siya dito.
Papa, kumusta ka na? Bakit di mo pa ako sinusundo?
Maya't maya niyang napapaginipan ang ama. Ngunit iisa lang ang panaginip, ang huling araw ng kanilang pagkikita.
Kung totoo man na nagbibigay pahiwatig ang mga panaginip, ano kaya ang nais iparating nito?
Buhay pa kaya ang kanyang ama? Sana man lang ay nasa maayos siyang kalagayan.
Gustuhin man niyang isipin na maayos ang lahat, di pa rin niya matanggal ang mga pangamba na baka hindi na silang muling magkita pa. Baka wala na siyang tahanan na mauuwian.
Tumagilid ang dalaga sa kanyang higaan at napayakap sa unan. Wagas na tumulo ang kanyang mga luha kasabay ng biglang pagbuhos ng ulan sa labas.
Umiyak man siya, alam niyang wala pa rin siyang magagawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top