31

31st Piece Theme: Bulong ng Puso.
©PMBPoemOriginal (2022)



Intro!!
Isa, dalawa, tatlo.
Pumikit ka at huwag akong titigan nang todo.
Lumapit ka at aking ibubulong ang mga salitang tinatago ng aking munting puso.

---

Narito akong muli
Nagsusulat ng tula para sa 'yo
Nagbabaka-sakali na sa pagkakataon na ito ay mapakinggan mo
Nilalaman ng puso kong naduduwag dahil sa iyo
Iniisip kung matatanggap mo ba itong pag-amin ko sa 'yo, magiging tayo kaya?

Pinagmamasdan kita, ang bawat ngiti sa labi mo ay nagbibigay ng saya
Sa munti kong puso, parang timang na tumatawa
Sa mga biro mo at kuwentong nakahahalina

Ang iyong presensiya ang nagsisilbing inspirasyon
Ikaw ang aking tinta, panulat at aking papel; Ang pangunahing paksa sa akdang aking inilalathala.
At sa dulo, pipilitin na tayong dalawa ang nakatalaga.

Subalit dumating ang oras na kinatatakutan ko.
Dumating ang taong pinapangarap mo
Ang kuwento na tayong dalawa sana ang bida ay tuluyan na ngang naglaho
Nagbago ka. Nanlamig ang dating nagbabaga.

Aamin na sana ako naudlot pa.
Walang imik habang nakatingin sa gawi ninyong dalawa.
Pansamantalang mananahimik na muna at sasaktan ang sarili sa katotohanan na aking nakikita.

Ibubulong ko na lang ba sa hangin itong aking pagtingin?
Titingala sa langit, hihiling sa mga bituin
Mananalangin na sana'y matupad
Itong aking minimithiin, na ikaw at ako ay maging tayo sa dulo.

Hangad ko ang kasiyahan para sa 'yo
Wala akong pinagsisisihan, nanghinayang lang sa mga oras na sana nasabi ko man lang sa 'yo itong nararamdaman ko.

Maligayang araw ng mga puso, mahal ko.







Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top