Chapter 16
Mabilis lang ang panahon. Bukod sa wala naman masyadong ganap dahil pagkatapos ng foundation day namin ay dumaan na ang undas, bored na bored na ako sa buhay ko.
"Hoy, kanina ka pa tulala diyan!" suway ni Arianne sa 'kin kaya inirapan ko siya.
"Hindi niyo ba nabasa yung shared post ko kagabi? Sabi ko, tatahimik na 'ko. I'm a changed woman now."
Gusto kong humagalpak ng tawa dahil sa nakangiwing itsura ng mga kaibigan ko.
"Pinagsasabi mo diyan? Mukha kang nakahithit," sabi ni Cassia kaya ako naman ang napangiwi.
Sabog lang talaga ako. Actually, sobrang drained na 'ko matapos ang intramurals and foundation day. Feeling ko nga, pinatapos lang yung events na 'yon bago pinaramdam sa 'kin kung gaano kabugbog ang pakiramdam ko.
"Anyway, nakita niyo na yung decoration sa plaza kanina?" tanong ni Vera na inilingan ko naman.
Hindi ako galang tao kaya hindi ko alam kung anong ganap sa plaza. Kung gumagala naman, basta kasama ko ang mga kaibigan ko.
"Kahit hindi ka na umiling. Alam na naming hindi mo alam, Pauline."
Inismiran ko si Cassia. Kailangan pa bang ipamukha?
"Uuwi nga pala ako sa 'min pag December," imporma ko sa kanila.
Bukod sa namimiss ko na ang kamalig namin ay narinig kong uuwi rin daw si Jay sa December. Alam kong nagpaalam na kami sa isa't isa pero gusto ko rin naman siyang makita at maka-bonding kahit papaano.
Hindi na sila nagsalita kaya napabaling ako sa mga pumasok sa classroom namin.
"Wala si Miss Alajar kaya pwede na raw tayong umuwi," wika ni Megan kaya nakaramdam naman ako ng excitement.
"Nice! Kanina ko pa gustong humilata at matulog!"
"Kailan mo ba 'di nagustuhan ang matulog, Pauline?" basag sa 'kin ni Ivan na inirapan ko naman.
Si Ivan? Ayun, si Ivan pa rin. Wala namang nagbago sa kanya bukod sa mas lumalalim na ang nararamdaman ko na ikinakatakot ko.
"Uy, daan muna tayo sa plaza!" aya nina Rianne na sinang-ayunan naman namin.
Minsan lang naman kaya bakit hindi na lang sumama?
***
Malapit lang naman ang Seven Eleven sa university namin, kayang lakarin kaya mabilis kaming nakapunta. May mga schoolmates pa kaming naabutan sa labas ng Seven Eleven. Mababa na ang araw dahil palubog na ito at klasik na senaryo lang naman ang makikita tulad sa mga napapanood ko.
"Bilhin niyo na mga bibilhin niyo," sambit ni Zacharael, kaibigan nila Ivan na sumama sa 'min sa pagpunta rito.
Mabilis naman akong pumunta sa junkfood section at kumuha ng malaking tsitsirya pagkatapos ay pumunta na ako sa inumin at naabutan ko pang nagpapa-picture ang iba sa kanila.
"Picnic ba 'to?" dinig kong tanong ni Cassia.
"Oo," sagot ni Megan. "Hanap na lang tayo ng pwesto sa plaza."
Hinintay ko munang matapos kuhanan ng picture si Ivan bago ako lumapit sa kanila at kumuha ng inumin ko.
"Uy, papicture tayo rito!" aya ni Rianne na nakatayo sa bilog na salamin na binansagang selfie mirror ng squad na laging natambay rito sa Seven Eleven.
Lumapit na kami sa kanya at nagsimulang kumuha ng litrato. Four shots lang naman. Pagkatapos ay dumeretso na kami sa counter para magbayad. Pero nagulat ako nang kuhanin ni Vera ang dala kong pagkain at nilagay 'yon sa braso ni Ivan na ngayon ay puno na ng mga binili namin.
"Mukha ba 'kong muchacho ng tropahang 'to?" iritado ang boses niya.
"Kareerin mo na para hindi lang 'mukha'," asar ko sa kanya.
Nginitian ko lang siya nang kinunotan niya 'ko ng noo. Nawalan din siya ng choice kaya ginawa na niya. Mabilisang punch lang naman kaya nakaalis din kami kaagad. Pero ang simangot sa mukha niya, hindi na nawala.
"Mukhang inapi yung kaibigan niyo rito," puna ni Vera na ikinatawa ng mga tropa niya.
"Hayaan mo 'yan. 'Yan na yung normal na mood niya," sagot ni Quiroz dahilan para humagalpak kami ng tawa.
Sinamaan siya ng tingin ni Ivan. "Salamat, pre, ha?"
Dahil malapit lang naman ang plaza rito ay nakarating kami kaagad. Naghanap lang kami ng pwesto sa malaking field at doon pabilog na umupo. Nilapag din namin ang mga softdrinks at tsitsirya sa malinis na field bago nagsimulang kumain.
"Laro tayo." Inilapag ni Zacharael ang dala niyang bote na nagpataas ng kilay ko.
"Saan niyo kinuha 'yan?"
"Lagi naming dala 'yan," sagot niya.
Napangiwi ako. Mukhang laging naglalaro ang mga ito sa department nila ah.
"Ano naman ang lalaruin?" tanong ni Vera.
"E 'di ano pa nga ba? Kundi ang walang katapusang—"
"Truth or dare!" sabay-sabay na wika nilang magkakabarkada.
Gusto kong matawa. Truth or dare? Hindi naman halatang mahilig sila larong pambata.
"Wala na bang iba?" singit ko.
"May maisasuggest ka?"
Napangiwi ako sa sinabi ni Ivan. "Wala."
"Okay na 'yan para naman makilala pa natin ang isa't isa," sagot ni Arianne.
Nagkibit-balikat na lang ako. Okay, fine. Truth or dare na kung 'yon ang gusto nila.
Dumudukot ako ng chips nang paikutin nila ang bote at tumama sa 'kin ang nguso samantalang ang kabilang dulo ay kay Ivan tumapat.
"Truth or dare?" tanong niya.
Siya ba ang magtatanong? Jusko, hindi ko na talaga alam ang larong 'to.
But for the sake of the game, I answered him. "Truth."
Kumuha muna ako ng coke at inimnan ito habang nag-iisip siya ng itatanong. Wag lang sanang favorite color kasi sa totoo lang, hindi ko rin talaga alam.
Pero parang wala namang particular? Hindi naman ako pihikan.
"May boyfriend ka na ba?"
Halos ibuga ko sa pagmumukha niya ang iniinom kong coke. Narinig ko naman ang pagsipol ng mga kaibigan namin. Syempre, wala naman silang iisipin kundi kung gaano ka-interesting ang larong 'to. Hanggang doon lang naman talaga.
Pero shit? Kailangang siya talaga ang magtanong?
Sana pala, favorite color or ulam na lang.
"Wala."
"Weh?" pasaring nila na inismiran ko.
"Hindi halata," komento ni Elijah.
Nagkibit-balikat lang ako. Kasalanan ko bang maganda ako kaya tingin niya, meron na?
"Masakit man ang katotohanan pero 'yan ang realidad ng kaibigan namin." Tinapik-tapik pa nina Vera ang balikat ko kaya siniko ko sila.
Hindi na lang manahimik eh.
"E crush, meron ka?" tanong ni Quiroz kaya kinunotan ko siya ng noo.
"Akala ko ba isa lang ang magtatanong?"
Umiling si Rianne. "Paikot tayo, Pauline."
Halos magdugo ang labi ko sa kakagat nang magtama ang paningin namin ni Ivan. Mukhang naghihintay rin siya ng sagot. At dahil tunog hinuhuli ako ng tanong na ito ay iba ang sinagot ko.
"May hinihintay ako," bitin ko.
Kumunot ang noo nila. "Sino? Feed us the deets!"
Inirapan ko sila. "Hanggang doon lang. At saka noon 'yon. I mean . . . nung nakaraan. Pero ngayon, wala na."
Para pa silang nadismaya sa sagot ko. Pero kung kaibigan siguro nila ang binanggit ko, hindi nila 'ko tatantanan ng mga pang-aasar.
Bumaba na agad ang tingin ko sa tsitsirya nang marinig kong pinaikot na nilang muli ang bote.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top