Chapter 1
Simula...
"JILL, GISING NA."
Tatlong katok at malumanay na boses ng nakatatanda kong kapatid na si Kuya Jordan ang gumising sa akin.
Kinapa ko ang aking phone sa bedside table. Napaungol ako nang makita ang oras sa screen nito. 4:59 AM pa lang. 5:00 AM pa ang tunog ng alarm ko, pero nauna na si Kuya Jordan sa paggising sa akin ng isang minuto.
First day of school year. Grade 11 na ako at ang nag-iisa kong kapatid na si Kuya Jordan ay Grade 12. Sa science class siya habang ako naman ay napunta sa regular Section 3.
"Jill..." Muli ay ang malumanay na boses ni Kuya Jordan mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko.
Bago tumunog ang alarm ay dinisable ko na agad ito. "Oo, kuya! Gising na ako!" sigaw ko.
Tumayo na ako. Kinuha ko ang robe at tuwalya na naka-hanger sa may pinto ng aking closet. Lumabas na ako ng kuwarto para tumungo sa banyo na nasa may bandang kusina ng bungalow naming bahay.
Nadatnan ko si Kuya Jordan na nakaharap sa tapat ng kalan. Nagsasangag siya ng kanin sa kawali. Naka-slacks school pants na siya, may suot ng belt, pero walang pang kahit anong pang-itaas. Magulo pa rin ang basa niyang buhok na halatang bagong ligo lang.
"Maligo ka na, Jill," sabi niya sa akin. "Sabay-sabay tayong mag-almusal pagkagising nina Mommy at Daddy."
Inilapag niya ang bandehado ng sinangag na kanin sa mesa kasama ng pritong itlog at ham. Mukhang kanina pa siya naggising. Bago naligo ay nagluto na siya at naghanda ng hapag-kainan. Papasok na ako sa banyo nang mapatingin ako sa mesa. Bukod sa nakahandang almusal ay naroon na rin ang apat na baunan na may lamang kanin na at tig iisang pritong manok.
"Kuya, ako ang naka-assign sa mga baunan, di ba?" mahinang sabi ko. Toka ko iyon kaya dapat ako ang gagawa.
Dinampot ni Kuya Jordan ang mga baunan at inilagay sa apat na paper bag. Nilagyan niya ang mga iyon ng tig-iisang saging at tumbler na may lamang mineral water. Ang isa sa mga baunan na iyon ay para sa kanya, ang isa naman ay para sa akin at ang natirang dalawa ay para kina Mommy at Daddy.
Tumingin siya sa akin at ngumiti. "It's okay, Jill."
"Pero, kuya..."
"It's okay. Maligo ka na. Ako nang bahala rito." Nakangiti pa rin siya. Ngiti na mabait, ngiti ng isang mapagmahal, at perpektong nakatatandang kapatid.
Yumuko ako at tahimik na pumasok na sa banyo. Pagpasok sa loob ay nagpakawala ako ng buntong-hininga. Isasabit ko na ang tuwalya at robe sa towel holder nang mapatingin ako sa lalagyanan ko ng toiletries. Napakunot ang aking noo nang makitang may refill na ang body soap ko.
Napakalinis na rin ng banyo kahit hindi ko naman ito nalinis kagabi. Ako ang nakatoka rito pero may gumawa na sa toka ko. Pati ang basura sa trash bin ay naitapon na rin. Wala na akong gagawin.
Pagkatapos maligo ay isinuot ko ang bathrobe sa aking katawan. Ang tuwalya naman ay inikot ko sa aking basang buhok. Gising na sina Mommy at Daddy at nag-aalmusal paglabas ko ng banyo.
"Good morning, baby," bati sa akin ni Mommy.
"Good morning, My." Humalik ako sa pisngi niya at sumunod sa pisngi ni daddy.
"Kumain ka na." Itinuro ni Mommy ang aking plato na may laman ng pagkain. Ipinagsandok niya na ako.
Dumulog ako sa hapag at sabay-sabay kaming kumain. Todo asikaso sa akin si Mommy. Minsan si Daddy rin ay inaasikaso ako, kahit sa simpleng pagsasalin lang ng tubig sa aking baso. Para akong bata na hindi kayang asikasuhin ang sarili.
Nang makitang paubos na ang tubig sa baso ni Mommy ay aabutin ko sana ang pitsel, kaya lang nauna si Kuya Jordan sa pag-abot niyon.
"Thank you, Kuya," nakangiting sabi sa kanya ni Mommy.
Napayuko ako sa aking plato. Wala akong imik habang nagkukumustahan sila tungkol sa school.
"No pressure, Kuya," masuyong sabi ni Mommy kay Kuya Jordan. "Kung ano lang ang kaya mo, okay na kami roon ng daddy mo."
"Ethelinda, you know our boy is smart," boses ni Daddy na mababakasan ng pagiging proud sa anak. "He has never been pressured his whole life."
Tama naman si Daddy. Wala pang pagkakataon na nakita ko si Kuya Jordan na nag-alala sa kahit anong bagay. Lalo sa grades. Kalmado lang siya pero palaging nangunguna sa klase. Top 1 siya mula pa noong nursery. Muntik na rin siyang ma-accelerate noong nasa Manila pa kami nakatira. Lumipat lang kami ng Cavite kaya hindi naasikaso ang school niya. Pero hindi siya nahirapan kahit bagong transfer lang.
Mula grade school hanggang high school ay nasa special section na na si Kuya Jordan. Palaging pinupuri ng mga teachers at palaging isinasabak sa kung saan-saang quiz bee. Palagi siyang Rank 1 at tambak na sa bodega namin ang kanyang mga medal at trophy.
"Jill is smart, too," sabi ni Kuya Jordan na nagpahigpit ng pagkakahawak ko sa kutsara at tinidor.
Nagpatuloy ang pag-uusap habang nag-aalmusal kami sa mesa. Saka lang umangat ang aking paningin nang maiba ang topic nila.
"Oh, I remember. Second year college na pala si Harry ngayon. He's two years ahead of Jordan," ani Daddy kay Mommy.
"Oo. Kaunting taon na lang ay may architect na si Ate Eva," nakangiting sagot ni Mommy.
Si Harry ay ang step-son ni Tita Eva na kapatid ni Mommy. Byudo ang napangasawa ni Tita Eva na may isang anak na lalaki, at iyon ay si Harry. And that made Harry my step-cousin...
"Hihinto na sa pagtuturo sa Gov si Ate Eva. Masyado nang malayo ang Tagaytay sa Pinagtipunan kaya magre-resign na siya."
Tita Eva was three years older than Mommy. Dalawa lang silang anak. Parehong tubong Brgy. Pasong Camachile I. Pareho rin silang teacher ngayon sa Governor Ferrer Memorial High School sa may Brgy. Pinagtipunan, General Trias, Cavite. Noong March ay tuluyan nang lumipat ang pamilya ni Tita Eva mula sa Pascam 1 patungo sa nabili nilang property sa Tagaytay. Malayo na nga naman ang biyahe kaya kailangan na nitong mag-resign sa trabaho sa Pinagtipunan.
Tumikhim ako at hindi na napigilan ang sarili na sumabat sa usapan nila. "Pupunta si Harr—Kuya Harry sa school ngayon?"
"Oo. Ihahatid niya ang Tita Eva niyo," sagot ni Mommy sa akin.
"Uhm, wala ba siyang pasok sa school?"
"Sa next Monday pa ang pasok ng pinsan niyo."
Kaswal na tumango-tango ako. Pero ang totoo ay sa loob-loob ay hindi ako mapakali.
Pagkatapos kumain ay ito ang unang beses na hindi ako nakipag-unahan kay Kuya Jordan sa pagliligpit ng mesa. Nagmamadali akong bumalik sa kuwarto. Nag-blower ako ng buhok. Pagkatapos mag-blower ay nagplantsa pa ako ng buhok na hindi ko naman nakaugalian gawin kung sa school lang pupunta. Inabot ako ng kalahating oras.
Pagkabihis ay naglagay ako ng manipis na foundation sa mukha at nagpahid ng kaunting pink shade lip tint sa mga labi. Nakailang balik ako sa salamin bago ako nakuntento.
"Wow! My pretty baby is wearing a lip tint!" nakangiting sambit ni Mommy pagkakita sa akin.
Nahihiyang yumuko ako dahil napatingin din sa akin sina Daddy at Kuya Jordan.
"May dalaga na ako," kinikilig na sabi ni Mommy sa dalawang lalaki na nagtatakang nakatingin lang sa akin. Sa mga mata nila ay parang wala naman sila sa aking nakikitang naiba.
Nanunulis ang nguso na pumasok na ako sa backseat ng kotse namin. Katulad ng palagi ay sa backseat kami ni Kuya Jordan magkatabi. Sa harapan naman ay sina Mommy at Daddy. Si Daddy ang nagda-drive ng sedan.
Pagkahatid sa amin sa Pinagtipunan kung saan naroon ang school ay umalis din agad si Daddy dahil may seminar siya sa Manila mamaya. Si Mommy ay nauna nang pumasok sa gate dahil may meeting ang mga teachers.
Si Kuya Jordan naman ay nakatingin sa akin dahil hindi pa rin ako kumikilos sa aking kinatatayuan. "Are you waiting for someone, Jill?"
Napalunok ako bago siya sagutin. "Ah, yes, Kuya. C-classmate ko..."
"Ayaw mo bang sa bench na lang siya hintayin?"
Mabilis akong umiling. "H-hindi. Dito na..."
"Alright. Pasok na ako, ha?" Parang ayaw pa akong iwan ni Kuya Jordan pero umalis na rin dahil iniwas ko na ang aking paningin sa kanya.
Nahihiya ako dahil sa aking pagsisinungaling. Kahit maliit na kasinungalingan ay kasinungalingan pa rin. Sa isip ko ay humihingi ako ng sorry kay Kuya Jordan.
Nang wala na ang kuya ko ay kandahaba ang aking leeg sa pagtanaw sa pinapasukan ng mga tricycle at iba pang sasakyan. Maraming estudyante dahil unang araw ng pasukan. Sa dami ng tao ay hindi ko tuloy mabistahan nang maayos ang daan.
Timing naman na habang naghihintay ay bigla akong nakaramdam ng pagkaihi. Sinubukan kong tiisin pero hindi ko kinaya. Kinarma agad ako dahil sa pagsisinungaling. Nagmamadali na pumasok ako sa gate. Tumuloy ako sa CR ng mga girls na malapit sa canteen.
Nakipag-unahan ako sa bakanteng cubicle sa loob. Pagkatapos umihi ay nagpabango ako. Nakisiksik ako sa kumpulan ng mga babaeng estudyante na nag-re-retouch sa harapan ng salamin. Sinipat ko muna ang sariling repleksyon bago lumabas ng banyo.
Habang naglalakad pabalik sa gate ay panay ang haplos ko sa aking blouse at palda dahil baka nagusot. Palampas na ako sa bench nang bigla namang may bumangga sa akin. Nangudngod ang nguso ko sa kanya. Ang lip tint ko ay bumakat sa bandang dibdib ng white polo na suot niya.
"Shit!" bulalas niya sabay tulak ng malaki niyang palad sa aking noo.
Nakaramdam ako ng pagkairita. Bakit kailangan niya akong itulak sa noo?!
Gayunpaman ay handa na akong mag-sorry kahit hindi naman talaga ako ang may kasalanan. Para matapos lang ay ako na ang magpapakumbaba. Mag-so-sorry na sana ako kaya lang ay napatingin ako sa aking harapan. Hindi ako marunong magmura, pero parang bigla kong gustong matuto nang makitang may ketchup ang bandang dibdib din ng school blouse ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize na may hawak palang burger ang lalaking bumangga sa akin. Nakalimutan ko bigla ang pagpapakumbaba.
"Bakit hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo?!" sita ko sa kanya na dapat ay pasigaw, pero nakakainis dahil naka-default na yata talaga ang boses ko sa mahinahong tono.
Galit ako pero ang hinhin ng boses ko. Ewan ko ba kung bakit ang dami namang pwedeng manahin kay mommy ay iyon pang pagiging soft-spoken niya ang aking namana.
Nagpatuloy pa rin ako sa litanya. "Kumakain ka pa habang naglalakad, tingnan mo ang nangyari, nagkaroon ng ketchup ang damit ko!"
"Sorry, sorry. 'Di ko naman sinasadya. Nagmamadali kasi ako."
Humihingi siya ng pasensiya, pero wala akong makapang sincerity sa boses niya. Hindi ko alam kung hindi talaga siya sincere o sadyang maangas lang talaga ang normal na tono niya.
"Next time, tumingin ka sa dinaraanan mo," iritadong sabi ko pero sa mahinahong paraan pa rin.
Mabuti na lang at kaunti lang ang ketchup na napunta sa blouse ko. Pinunasan ko iyon ng aking dalang panyo. Tatakpan ko na lang ng mahaba kong buhok ang mantsa mamaya. Iyong mantsa naman ng lip tint ko sa polo niya ay bahala na siyang gawan ng paraan, tutal siya naman talaga ang may kasalanan.
Napakunot ang aking noo dahil hindi pa rin siya umaalis. Tiningala ko siya dahil nga sa matangkad siya. Nagsalubong ang itim na itim at makakapal na kilay ng lalaki nang mapatitig siya sa mukha ko.
Maski ako ay napatitig na rin sa kanya nang hindi ko namamalayan. This guy... He was very handsome. He possessed a pair of deep dark eyes, his eyelashes were thick and long, his nose pointed with a high perfect bridge, and his lips were red like a cherry. I couldn't tell if he put a lip tint or if his lips were just naturally red.
Mula Grade 7 ay nandito na ako nag-aral pero ngayon ko lang yata siya nakita. O siguro dahil wala naman akong pakialam sa mga estudyante rito dahil may sarili akong mundo. Saka hindi naman kasi talaga ako mahilig sa guwapo.
I blinked when his red lips slowly formed into a naughty grin.
Nagtatakang napatitig ako sa mapula niyang mga labi hanggang sa maglakbay ang aking paningin sa kanyang kabuuhan. Hindi pala clean cut ang buhok niya. Mahaba ang kanyang bangs at patilya. He also had silver earrings on both of his ears and instead of a white sando or white shirt, he was wearing a black printed t-shirt inside his school polo.
Bumaba pa ang aking paningin sa kanyang bandang paahan. He wasn't wearing a pair of black shoes but an immaculate white Nike sneakers. Ngayon nag-sink in sa akin kung anong klase siyang estudyante.
Nang bumalik ang aking paningin sa kanyang mukha ay burado na ang ngisi niya. Napalitan na ang kanyang angas ng pagtataka. Nagtataka siguro siya dahil sa aking dismayadong ekspresyon. Pero wala akong pakialam sa kahit pa mang iniisip niya dahil hindi naman siya mahalaga.
Nagbawi ako ng paningin at walang salita na nilampasan siya. Ayaw ko nang pag-aksayahan pa siya ng panahon. Ang natirang mantsa ng ketchup sa ibabaw ng aking blouse tinakpan ko ng aking buhok.
Bumalik ako sa gate. Habang naghihintay sa kinapu-puwestuhan ay nag-iisip ako ng mga puwedeng dahilan kung bakit ako naririto. Ang mga nauna ko kasing dahilan kanina ay nakakagulat na bigla ko na lang nakalimutan lahat. Bakit ganoon? Bakit bigla na lang akong nakalimot? Parang magic na na-wiped out ang laman ng isip ko.
Ilang saglit lang ay natanaw ko na ang isang kulay abo na sedan. Doon sa daan ng Prinza ito galing. Tumahip ang aking dibdib nang papalapit na ito. Huminto ang kotse sa may bandang dulo.
Mula sa driver's seat ay bumaba ang isang matangkad na lalaki na may napakaamong mukha. Nakasuot siya ng puting plain shirt at brown cargo shorts sa ibaba. Naka-tsinelas lang na kulay itim na Adidas sa paahan. Ang buhok ng lalaki ay hindi gaanong mahaba, wala rin siyang kahit anong accessories sa katawan. Simpleng porma lang na napakalinis tingnan. Ang aura niya ay mabait, matino at iyong tipong hinding-hindi gagawa ng kahit anong kalokohan.
Siya ang nagbukas ng pinto ng passenger's seat. Mula naman doon ay bumaba ang isang ginang na nakasuot ng teacher's uniform. Sabay silang naglakad patungo sa gate. Dahil maraming estudyante ang pumapasok at lumalabas sa gate ay hindi nila ako napansin. Nagtago rin ako sa tabi para talagang hindi nila ako makita.
Nang makapasok na si Tita Eva sa gate ay naglakad na pabalik sa kotse ang lalaki. Sinundan ko siya. Bago niya pindutin ang automatic car key ay lakas-loob ko na siyang tinawag. "Kuya Harry!"
Nahinto siya sa paglalakad at napalingon. Naghanap ang kanyang paningin sa paligid. Nang makita ako ay agad na gumuhit ang isang ngiti sa mapula niyang mga labi. "Oh! Hi, Jill!"
Lumapit ako sa kanya. "Hello! Nandito ka pala. Hinatid mo ba si Tita Eva?"
"Oo. Last day niya na ngayon dito sa Gov. May aasikasuhin lang siya at kakausapin ang principal niyo 'tapos uuwi na rin siya."
"Uhm, ganoon ba? Hihintayin mo ba siya?"
"Ah, no. Si Papa ang susundo sa kanya mamayang tanghali."
"Ah..." Naubusan na ako. Wala na akong maisip na sabihin.
Nag-pa-panic ang loob ko. Naba-blangko ako. Hindi ako makaisip ng topic para mapatagal ang pag-uusap namin.
"Baka mag-bell na, pumasok ka na, Jill."
"H-hindi pa! Hindi pa mag-bi-bell..." sabi ko na hindi sigurado kung anong oras na ba. Tutol ang loob ko na umalis na siya. Ilang buwan na ang nagdaan at ngayon na lang ulit kami nagkita. Hindi ko alam kung kailan na ulit ang susunod pagkatapos ng ngayon.
"May gagawin ka pa ba?" tanong ni Harry sa akin. Nasa mga mata niya na ang pagtataka kung bakit ayaw ko pa ring pumasok sa gate ng school.
"Uhm, wala." Umiling ako. "Ikaw ba? May gagawin ka?"
"Wala naman. Next week pa ang pasok namin—"
"Then dito ka muna, Harry!" nabibiglang sabi ko.
"Huh?"
Kandalunok ako dahil sa hiya. "Uh, I mean, Kuya Harry, tambay ka muna..."
Nakarinig ako ng mahinang tawa sa may bandang likod ko. Paglingon ko ay ganoon na lang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita iyong maangas na estudyante kanina.
Nakasandal ang lalaki sa pader. Nakapamulsa ang isang kamay sa bulsa ng suot na school slacks at ang kaliwa naman ay may hawak na sigarilyo na walang sindi. Nakangisi ang mapulang mga labi habang nakatingin sa akin.
Kailan pa ito roon?! Narinig ba nito ang pag-uusap namin ni Harry?!
"Do you know him, Jill?" boses ni Harry na nagpabalik ng aking tingin sa kanya.
Napangiwi ako nang makitang doon din sa maangas na estudyante nakatuon ang kanyang mga mata. "Ha? Hindi ko siya kilala!" maagap na sagot ko.
Muling tumawa iyong maangas na estudyante. Namumula ang pisngi na sunod-sunod akong umiling kay Harry.
"Hindi ko siya kilala! Hindi ko talaga siya kilala!"
Nagulat ako nang hawakan ni Harry ang aking pulso. "Ihahatid na kita sa gate niyo," kalmadong sabi niya pero ang kislap ng mga mata ay tila nag-iba.
Nagpahila naman ako. Napatitig pa ako sa mainit na kamay ni Harry na nakahawak sa aking pulso. Kung sa ibang pagkakataon ay baka lumulutang siguro ang pakiramdam ko, hindi nga lang ngayon, dahil ramdam ko na nakasunod din sa amin ng tingin iyong maangas na estudyante sa likod ko.
Nang pasimple akong sumulyap ay muntik akong mapapitlag nang makitang naglalakad na rin ito papunta sa gate. Ano bang problema nito?!
"Pumasok ka na," sabi ni Harry nang nasa tapat na kami ng gate. "Dumeretso ka na sa room mo."
"Oo..."
Tipid siyang ngumiti. "Ingat, Jill."
"Ingat din—" Ang pagsagot ko ng ngiti kay Harry ay hindi natuloy dahil may bumangga sa aking balikat.
Pagtingin ko ay ang maangas na estudyante ang dumaan. Nakangisi ito sa akin at kumindat pa bago ako nilampasan. Nanlamig ang katawan ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.
"Are you okay, Jill?" tanong ni Harry na nakakunot ang makinis na noo.
Tumango ako kahit tiyak ko na namumutla ngayon ang aking mukha.
Sinikap kong ngumiti kay Harry. "Papasok na ako. Ingat ka sa pagd-drive pabalik ng Tagaytay."
"You too, take care, Jill. 'Wag kang makikipagkaibigan sa mga estudyanteng may bisyo. Mag-aral kang mabuti." Ginulo niya ang buhok ko.
"Uhm, oo naman..." Pasimple kong tinabig ang kamay niya sa aking buhok. Ang gesture na iyon ay para lang sa mga bata, at hindi na ako bata. Next year ay eighteen na ako.
"Good. I'll be off then."
Nang umalis na si Harry ay ilang minuto pa akong nakatulala. Dahil sa pagkakaharang ko sa gate ay ilang estudyante na ang nakabangga sa akin. Kung hindi ko pa narinig ang pagtunong ng bell ay hindi pa ako matatauhan.
Ipinilig ko ang aking ulo at naglakad na ako papasok sa school. Nagtagis ang mga ngipin ko dahil sa pagkasira ng isa sanang magandang araw.
Masyadong malaki ang eskwelahang ito, hindi naman na siguro kami magtatagpo pa ng maangas na estudyante kanina. Iyong mga ganoong klase ang ayaw na ayaw kong makakasalamuha. Sana talaga ay hindi na magkrus ang landas naming dalawa.
Nagmadali na akong pumunta sa room na nakasulat sa card ko. Ang Section 3 ay nasa dulo ng ng first floor ng Grade 11 Building. Pagkarating sa room ay marami na roong estudyante. Halos lahat ng upuan ay may nakapuwesto na. Naghanap ako ng bakante at iyong banda sa likod na lang ang natitira na walang gaanong nakaupo. Umupo ako sa tabi mismo ng bintana.
Nagsipasukan na ang mga bago kong kaklase sa section na ito. Lalong umingay ang paligid. Masakit sa tainga kaya inabala ko na lang ang sarili sa pagse-cellphone. Itinext ko si Harry.
Me to Harry:
Itatanong ko lang kung pupunta ka sa amin sa Saturday? Anniversary kasi nina Mommy at Daddy :)
Alam ko namang nag-da-drive siya ngayon kaya malabo siyang mag-reply. Gayunpaman, nakatitig pa rin ako sa screen ng phone habang naghihintay.
Nakabuhos ang aking atensyon sa hawak na phone nang maramdamang may umupo sa katabi kong puwesto. Hindi ko ito pinagkaabalahang tingnan dahil wala naman akong pakialam.
Tumahimik na ang room namin dahil may pumasok ng teacher. Saka ko ibinalik ang phone ko sa bulsa. Sa pagtagilid ko para ilagay ang phone sa bag ay hindi sinasadya na masinghot ko ang mabangong amoy ng aking katabi.
Kilala ko ang scent ng cologne dahil minsan na rin iyong naging gamit ng aking kuya. Pero iba ang dating ng CK ng katabi ko. Nakakapagtaka na mas nababanguhan ako rito. Mas preskong amuyin dahil sa humahalong na bango at iba pang amoy na parang—amoy sigarilyo.
Amoy sigarilyo?! Natigilan ako. Kailan pa naging mabango sa akin ang amoy ng nicotine?!
Automatic na napaangat ang paningin ko sa lalaking tumabi sa akin. Napanganga ako at daig pa ang nakakita ng multo nang makilala kung sino siya. Ang akala kong hindi ko na ulit makikita ay nasa tabi ko ngayon. Muli ay nakita ko ang nakakalokong ngisi ng mapula niyang mga labi.
"Hi, Classmate!"
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top