Chapter 9

BAGO KA MAGBOYFRIEND, HINTAYIN MO AKO.


"Tanda niya pa kaya iyong sinabi niya sa akin? O baka hindi na..." I sighed. "Baka nga ni hindi niya na ako kilala..."


I was gently biting my lower lip while scrolling on Arkanghel's timeline. It's been a month since the last time I stalked his account. It hurt to see him. Iyong makikita ko siya sa pictures pero hindi ko naman siya magawang kausapin. Kasi ayoko. Kasi duwag ako.


Ang huling chat pa namin ay iyong pinipilit niya akong mag-video call kami, pero syempre hindi ako pumayag. Hello? Ang lusog ng pisngi ko baka di kasya sa cam.


Naulit pa iyong pangungulit niya pero hindi ko na nireply. Maski mga chat niya, inignore ko na. As in nasa ignored folder ko siya. I ignored him para hindi niya malaman na sini-seen ko ang mga messages niya. Dahil kahit ayoko na talagang mabasa, hindi ko mapigilan ang sarili ko.


Tiniis ko na hindi siya i-reply. Araw-araw siyang nagpi-PM, asking for my number, nangungumusta, nangungulit, nagpapatawa, sa huli nagpapaawa. Dumating na rin sa point na nagalit na siya pero tiniis ko pa rin.


Tiniis ko siya.


Tiniis ko siya kahit binigyan niya na ako ng ultimatum. Tiniis ko siya kahit gusto ko siyang sakalin sa last chat niya na: "Pag di mo pa ako ni-reply isusumpa ko na magiging balyena ka!"


Tiniis ko siya hanggang sa mapuno ng crying emoticons ang inbox ko. Tiniis ko siya kahit gumawa pa siya ng dummy accounts para harassin ako sa FB at reply-an lang siya. Tiniis ko.


Tiniis ko siya hanggang sa hindi na siya nangulit pa. Hanggang sa tumigil na siya. Hanggang sa hindi ko namalayang umiiyak na lang ako tuwing gabi tuwing iche-check ko ang last sent message niya sa akin na halos two years na rin ang lumipas. Malamang may bago na siyang VBF ngayon. Iyong VBF na mas maganda at syempre iyong sexy.


More than three years na mula nang mag-transfer ako ng school dahil sa paglipat namin ni Tatay Bear dito sa Bulacan. Ni dumalaw sa Cavite ay hindi ko na rin nagawa dahil sa sunod-sunod ang mga pangyayari sa buhay ko. Masyadong maraming pangyayari at isa na roon ay ang lalo kong pagtaba.


Nanaba ako lalo siguro dahil sa stress sa school, sa financial at sa pamilya kaya ako nagkaganito. Idagdag pa na nakaka-depress 'tong mga babaeng panay comment sa mga post ni Arkanghel sa Facebook. Ultimo ML updates niya, kino-commentan. Ganoon ka-hapit sila.


And why not, right? Ang laki ng igwinapo ni Arkanghel. As in sobrang guwapo niya na ngayon. Ito nga lang na tagged photo sa kanya na hindi siya prepared, guwapo na. Kahit nakanganga dahil stolen photo ito habang nasa compshop siya at mukhang di pa naliligo ay guwapo na. What more pa iyong selfie niya last prom na naka-gel ang buhok niya habang naka-tux?


Kaya nga sobrang alangan na kami...


Kahit VBF, alangan pa rin. Lalo pa kaya iyong hintayin ko siya pag ready na akong magka-boyfriend. Saka malay ko ba kung gusto niyang maging boyfriend ko? Baka nagpapahintay lang siya dahil gusto niya sabay kaming magjowa? Baka nga ganoon lang.


Sino pa ba ang magkakagusto sa akin? Hello? Haggard na mataba tapos boring pa ang buhay. Noon yayamanin pa ako, e ngayon? Dukhang mataba na.


Baka rin may girlfriend na siya ngayon. Imposibleng wala. Haliparot iyon tapos guwapo pa kaya malamang marami na iyong pinaiyak na girls. At isa na ako roon.


"Para ka na namang nalugi diyan."


Hindi ko man lang namalayang nakapasok na si Tatay Bear sa kwarto ko. Ngumuso ako. "Nalugi naman talaga tayo..."


Paika-ika siyang lumapit sa akin sa tulong ng saklay niyang gawa sa kahoy. "Paanong nalugi ba?"


Inalalayan ko siyang maupo sa tabi ko.


"Hindi tayo lugi, Baby Bear." Inakbayan niya ako. "O heto at magkasama pa rin naman tayo, ah?"


"Iyon na nga lang iniisip ko para sumaya ako." Niyakap ko siya.


Ito ang last night namin dito sa Plaridel, Bulacan. Bukas ay uuwi na kami ng Cavite. Ang akala ko na hindi na mangyayari ay mangyayari na nga bukas. Dahil naibenta na itong bahay rito sa Bulacan kaya kailangan na naming umalis.


Wala na sina Lolo at Lola kaya wala na ring dahilan para mag-stay kami rito. Masasakit na alaala lang ang nandito. Halos magkakasunod lang kasi na namatay sina Tita Rea, Lolo at Lola. Sina Tita Rea at Lolo ay parehong atake ang ikinamatay. Si Lola naman last year lang dahil sa komplikasyon.


Arkanghel, kumusta ka na ba? Sana may lakas ako ng loob na i-chat ka para ipaalam na nagtrasfer na ulit ako riyan. Baka maging classmates pa tayong dalawa. Pero syempre wala akong lakas ng loob na i-chat ka. Kapal naman ng taba ko, di ba?


Kinakabahan ako sa pagbabalik namin sa Cavite. Parang hindi ko yata kakayanin na pumasok ulit next week sa school na inalisan ko kalagitnaan ng school year noon. Mag-aapat na taon na rin pala kung susumahin. Pero wala akong choice. Hindi naman ako kayang pag-aralin ni Tatay Bear sa private school. Saka isa pa, roon sa school na iyon na ako na-enroll. Sa pakiusap at pakisuyo ni Tatay Bear ay nakapag-trasfer ako kahit mid school year na at iyon ay dahil sa tulong ni Ma'am Aguilar na head teacher doon.


"Basta Tatay Bear, pagbubutihan ko po ang pag-aaral at babawiin natin ang mga nawala sa atin."


Pursigido talaga ako. Kahit hindi na ako ang maging valedictorian, basta makatapos at makahanap ng maganda at stable na trabaho ay okay na okay na ako. Matagal ko nang isinuko ang pagiging top sa klase muna nang maghirap kami. Mas naging priority ko na ang tumulong sa bahay at kay Tatay Bear. Ako na kasi halos ang naging all around sa bahay. Kahit noong buhay pa si Lola ay ako rin ang naging tagapag-alaga sa kanya. Sabay ko silang inaalagaan ni Tatay Bear habang nagluluto, naglilinis ng bahay at naglalaba. Ako rin ang nag-aasikaso sa nagsara naming natitirang negosyo sa Bulacan. Ako lahat.


Nakapagtataka lang na nanaba ako imbes na mamayat. Hay.


"Ano ba kasi iyong nawala?" Ngumiti si Tatay Bear, ngiting hindi ko alam kung bakit nagagawa niya pa sa kabila ng mga nangyari.


Parati niyang sinasabi sa akin na okay lang kami. Na wala namang nawala dahil kasama pa rin namin ang isa't-isa. Sa kabila ng mga nangyari sa nakalipas na tatlong taon ay sinisikap ni Tatay Bear na maging matatag para sa akin.


Nang pumunta kami ng Bulacan ay roon na nagsimula ang pagbabago ng buhay namin. Sa libing mismo ni Tita Rea na nag-iisang kapatid ni Tatay Bear ay inatake rin sa puso ang lolo ko. Nang araw ring iyon namatay si Lolo. Hindi pa roon natatapos ang lahat dahil matapos ang magkasunod halos na libing nina Tita Rea at Lolo ay nalaman naming wala na pala ang mga ari-arian ng mga Alcaraz sa Bulacan.


Naibenta na lahat ng naipundar nina Lolo at Lola at maging ang tinitirahang bahay roon ay naisanla na mula nang magkasunod na magkasakit sina Tita Rea at Lolo. Ang asawa naman ni Tita Rea na si Tito Joseph ay wala na ring trabaho dahil ito ang naging bantay ni Tita Rea sa ospital sa ilang buwang pagkaka-confine ng asawa.


Papasok ako sa private school na pinapasukan ko sa Bulacan nang maaksidente si Tatay Bear sa kalsada. Wala akong kaalam-alam na nang mga oras na nagti-take ako ng exam ay isinugod na siya sa ospital. Nang umuwi ako ay saka ko lang nalaman ang nangyari. Sira ang Ford na minamaneho ni Tatay pero ang mas malala ay nacoma siya at pinutulan pa ng isang binti. Sunod-sunod na dagok sa buhay namin ang nangyari sa loob lang ng isang taon kaya halos wala na akong panahon para sa ibang bagay.


Matagal na naratay si Tatay Bear kaya wala siyang choice kundi ipagkatiwala kay Tito Joseph ang pag-asikaso ng mga naiwan naming negosyo sa Cavite. Si Tito Joseph ang namahala ng hardware namin at ilang paupahan doon. In two years ay dinadala niya lang kay Tatay Bear ang mga report kasama ng buwan-buwang allowance namin. Ang buong akala namin ay nasa ayos ang lahat kaya kampante kami. Pero ganoon na lang ang hinagpis ko nang malamang matagal ng nalugi ang hardware namin at mga maliliit na store sa palengke. Maski ang maliliit naming paupahan ay naibenta na ni Tito Joseph dahil sa pagkalulong nito sa sugal. Magsisi man si Tatay Bear sa sobra-sobrang pagtitiwala na ibinigay niya ay huli na. Hindi niya na mababago na ibinigay niya ang lahat ng papeles at buong karapatan kay Tito Joseph.


Huli na rin nang mapag-alaman namin na kaya inatake si Lolo sa mismong libing ni Tita Rea ay dahil doon nito natuklasan na matagal ng may bisyo at babae si Tito Joseph. Si Tito Joseph din ang halos umubos ng mga pundar ng matatanda. Sa galit ni Tatay Bear ay kahit hindi pa lubos na magaling at nakasaklay lang ay pinilit niyang umuwi ng Cavite para komprontahin ang bayaw. Sa kinamalas-malasan lang ay hindi na niya naabutan doon ang pakay. Umalis na ito kasama ang babae nito na roon pa mismo sa bahay namin itinira habang winawaldas nila ang pera namin.


Ilang gabi kong iniyakan ang sinapit ng mga pinaghirapan ni Tatay Bear. Ang pampalubag loob na lang sa akin ay hindi pa naibebenta ni Tito Joseph ang bahay namin sa Cavite kaya nahabol pa namin iyon. Thank God dahil may mauuwian pa rin kami.


Makikita ko na rin ulit si Arkanghel... na hindi ko alam kung kilala pa ba ako o nakalimutan na.


Kinabukasan ay maaga kaming bumyahe pauwi ng Pasong Kawayan, General Trias, Cavite. Umarkila lang si Tatay ng truck na maghahatid sa amin at sa ilang piraso naming gamit. Nakakalungkot na masaya sa pakiramdam na makauwi ulit sa lugar at sa bahay na napalapit na sa puso ko.


Nakakalungkot dahil halos wala na ang ibang gamit namin na iniwan doon. Siguro naibenta na o naitapon na ni Tito Joseph at ng kinakasama niya nang dito sila tumira. Maski ang kwarto ko ay halos hindi ko na makilala dahil wala na ang malaki at malambot kong kama. Wala na rin ang magagandang wallpaper sa dingding.


"Nagbayad ako ng maglilinis. Ayusin mo na lang ang mga gamit mo," sabi ni Tatay Bear na nakangiti. "Hay nakakamiss dito, ano?"


"Magpahinga na kayo, Tatay Bear. Napagod po kayo sa byahe."


"Ano bang napagod ka diyan?" Tumawa siya. "Ako na magtutupi ng mga damit mo sa closet. Bukas hayaan mo at bibili tayo ng bago mong kama. Kahit maliit lang pero iyong malambot."


"Baka po maubos ang pera natin pag bumili pa tayo ng bagong gamit..." Ang natitira kasi naming pera ay itinatabi namin sa bubuksan namin maliit na negosyo. Sari-sari store na plano naming pagkuhaan ng income.


"May natatabi pa naman akong bukod." Iwinasiwas ni Tatay Bear ang kamay. "At wag kang magreklamo, Susana."


Lumabi na lang ako dahil hindi naman na papapigil si Tatay Bear. Alam ko na nahihiya siya sa akin at ayoko naman siyang malungkot kapag tinanggihan ko ang gusto niya na ibili ako ng bagong kapalit na kama.


"Ikaw ang magpahinga na dahil papasok ka na bukas."


"Opo." Kinuha ko na ang maleta ko sa truck para i-ready ang uniform na susuotin ko bukas.


May uniform na ako dahil nakiusap si Tatay Bear kay Ma'am Aguilar through phone na kung pwede ay ibili ako ng uniform at ipadala sa amin sa Bulacan. Mabuti na lang talaga at magkaibigan sila.


Napangiti ako nang mai-hanger ko na ang blouse at palda na gagamitin ko bukas. Grade 8 ako, gitna ng school year na noong umalis dito at ngayong pasukan ay Grade 12 na babalik, graduating. Hindi ko akalain na rito pa rin pala ako ga-graduate.


At hindi ko akalain na hindi ako ga-graduate na nangunguna sa honor. Mataas pa rin naman ang mga grades ko pero hindi na katulad nang noon at isa pa, transferee ako. Magulo ang records at... magulo ang utak at puso.


Sa unang tapak ko sa Governor Ferrer Memorial National High School matapos ang higit tatlong taon ay para akong mauupos sa kaba. Masaya ako dahil namiss ko ang school pero kinakabahan ako. Kinakabahan ako sa makikita ko, sa makakasalubong ko.


Inagahan ko ngayon dahil gusto kong makapag-adjust muna bago dumating ang ibang estudyante. Nang makuha ko ang section ko ay bumalik ako sa bench sa labas ng canteen para tumulala muna.


Parang kailan lang, nagja-jamming kami ni Arkanghel dito. Kumusta na nga ba siya? Sino na kaya ang dinadala niya rito tuwing uwian? At sino na ba ang sinasabayan niya sa pag-uwi?


Sa tabi ko ay may student paper na naiwan ng kung sino mang estudyante. Pinulot ko iyon at binasa bilang pamatay oras.


"Jusko, Susana Alcaraz!"


Napaangat ang mukha ko mula sa binabasang student paper. Para akong maiiyak nang makilala siya. Ang unang taong tumanggap sa akin kahit isa akong maarteng mataba. Ang unang best friend ko sa balat ng lupa. Palapit sa akin si Carlyn na lalong namayat at gumanda. Rebonded ang buhok niya na hanggang balikat.


Bigla niyang tinakbo ang pagitan namin para yakapin ako nang mahigpit. "Nandito ka na ulit!"


Halos ayaw niya pa akong bitiwan kahit itinutulak ko na siya. Naiiyak na kasi ako at ayoko namang mag-iyakan kami rito dahil napapatingin na sa amin ang ibang estudyanteng dumarating.


"Miss na miss kita, Sussie! Kung alam mo lang!"


"Miss din kita..." Napapasinok na ako dahil naiiyak na talaga ako. Oo iyakin na ako ngayon. Sa dami ng pinagdaanan ko, iyakin na ako.


Nagpapadyak siya. "Bigla kang umalis! Sinabi lang sa akin ni Arkanghel noon na umalis ka! Ni wala kang iniwang contact number sa aking bruha ka! 'Tapos inactive FB mo! Di ka nagre-reply!"


Inignore message ko rin pala si Carlyn.


"Sobrang nakakainis ka!" Padyak siya nang padyak.


Inignore message ko siya dahil namimiss ko siya. Naduduwag ako na makausap siya dahil baka umiyak ako. Ayoko nang magself-pity. Baka mamatay ako sa lungkot dahil akala ko hindi na kami magkikita ulit. Ang boba ko kasi gusto ko na lang lumimot. Ang tanga-tanga ko dahil siya na nga lang iyong kaibigan na nagtyaga sa akin, pati siya tinalikuran ko pa dahil duwag ako.


"I hate you talaga!" Di siya nahihiyang magpapadyak habang parang batang umiiyak.


"Huy dalaga ka na..." biro ko sa kanya.


"Ewan ko sa 'yo! I hate you!" Pinunasan niya ang luha niya na akmang babagsak. "Akala ko ba best friend tayo? Bakit ganoon? Bakit di ka man lang nagparamdam? Sobrang worried tuloy ako sa 'yo kasi baka kinatay ka na pala roon sa Bulacan! Uso pa naman doon ang lechon!"


"Gagi!" Kahit naiiyak ay natawa ako. "Pasalamat ka di na ako pikon!"


"E bakit nga?!" Pasalampak siyang naupo sa bench na inupuan ko kanina. Nakasimangot siya habang nakatingala sa akin. "Wala na akong brainy na friend. Alam mo bang si Ruth na iyong laging top 1? Yabang niya, grabe! Tapos ako, wala nang nagtuturo at nagpu-push sa akin na mag-aral kaya ako na lang ang nagsasarili. Ang hirap! Ang hirap sobrang miss kita!"


Nagpakawala ako ng buntong-hininga saka tumabi sa kanya. "Sorry..."


"Iyon lang? Sorry? Di pwede iyon!"


Tiningnan ko siya nang mataman. "Sorry na. Alam ko na sobrang bad ko sa ginawa ko dahil parang itinapon ko na lang basta iyong friendship natin..."


"Ano bang nangyari? Sabihin mo sa akin para maintindihan ko. Di ba dapat sinasabi mo sa akin lahat kasi best friend tayo?!"


Napayuko ako. "Carlyn, hindi ko alam na babalik pa ako rito sa Cavite..."


"Sussie naman... Anong ginagawa ng social media? Magjowa nga may LDR, magbest friend pa kaya?!"


"Sobrang sakit na umalis dito..." Gumaralgal ang boses ko. Parang lahat ng tiniis kong sakit ay gustong kumawala.


Wala akong pinagsabihan na kahit sino, kahit si Tatay Bear, hindi alam kung gaano kalabag sa loob ko na umalis ng Cavite noon. Dito ako unang nagkaroon ng kaibigan. Dito ako naging masaya. Nandito si Carlyn. Nandito si Arkanghel...


"Masakit umalis dito. Pero kailangan kong sumama sa Bulacan dahil kailangan kasama ako palagi ni Tatay Bear." Suminok ako. "Akala ko makakadalaw ako rito o makakabalik pa kami ang kaso sunod-sunod ang mga nangyari. Namatay ang lolo ko na halos kasunod lang ng tita ko. Nalaman namin na wala na ang mga pundar nina lolo sa Bulacan at baon pa sila sa utang. Hindi pa natatapos ang taon, naaksidente si Tatay Bear at nacoma siya nang matagal."


Napahawak si Carlyn sa balikat ko. 


Pinigil ko ang luha ko at sinikap kong ngumiti sa kanya. "Nakaligtas naman si Tatay Bear. Okay na siya ngayon kahit pa putol na ang isa niyang binti. We're okay now."


"Nabalitaan ko nga na wala na iyong hardware niyo sa bayan."


"Naibenta ng tito ko. Pati ang mga maliliit na store namin at paupahan, wala na rin. Ang bahay na lang talaga namin ang natira sa amin."


"Paano ang kabuhayan niyo ngayon?"


Ngumiti ako. "Iyong natitirang pera namin, ibubukas ni Tatay Bear ng sari-sari store sa tapat ng bahay namin. Tapos ako? Mag-aapply ng scholarship."


"Baka like mo mag online selling, girl? Patok ngayon. Dagdag income na rin."


"Plan ko na rin 'yan para makatulong sa gastusin."


Ngumisi siya sa akin. "Kayang-kaya mong maging online seller lalo pa't may alam kong rider!"


"Rider?" Sa ngisi pa lang ni Carlyn ay kinabahan na ako.


"Yup, rider! 'Kaso mukhang kailangan mo rin munang magpaliwanag doon dahil kung nagtampo man ako sa 'yo, malamang sampung doble ang tampo nun sa 'yo!"


Nag-iwas na ako ng tingin. 


"Sussie..." Kinalabit ako ni Carlyn.


"Hmn?"


"Wala kang balak kausapin siya?"


"Ha?" Napatitig ako sa kanya kasabay ng pagbilis ng kabog ng dibdib ko.


Kahit hindi pa binabanggit ni Carlyn ang pangalan ay alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.


"Deserve din niya iyong explanation mo. Wala ka bang balak na magpaliwanag kay Arkanghel kung bakit bigla mo na lang pinutol ang communication niyo?"


Umiling ako. "Matagal na iyon, Carlyn. Limot na ako nun." May dalang kirot sa dibdib iyong sinabi ko pero nakangiti pa rin ako.


"Weh?"


"Oo nga." Tumawa pa ako para ipakita sa kanya na wala na lang talaga sa akin si Arkanghel.


"Talaga ba? Baka magsisi ka? Guwapo nun ngayon lalo!"


"Sus! 'Yan ka na naman sa guwapo-guwapo. Makakain ba 'yan?" biro ko.


"Oo. Char."


Sinimangutan ko siya. "Tara na nga sa room natin."


"Kaya nga. Mabuti sa isang section tayo. Hayaan mo ha-harassin ko iyong nakaupo sa tabi mo para lumayas para tabi na tayo ulit."


Natawa na lang ako kay Carlyn kahit pa alam kong gagawin niya talaga iyon.


Magsisimula na ang klase kaya naglakad na kami pabalik sa room namin. Hindi ako kinakabahan dahil alam ko namang hindi namin kaklase si Arkanghel. Hindi ko alam kung saang room siya pero sana wag muna kaming magkita kasi hindi pa ako handa—


"Si Arkanghel!" impit na tili ni Carlyn sabay pisil sa braso ko na yakap-yakap niya. "Arkanghel, andito na ulit si Sussie!"


Pakiramdam ko ay nanigas ang buo kong katawan nang mula sa harapan namin ay dumaan ang isang matangkad na lalaking nagtataglay ng kulay abong mga mata. Napatingala at literal akong natulala sa kanya.


Ang akala ko ay hindi siya lilingon kaya nang lumingon siya ay para akong hihimatayin sa kaba.


Intimidating, like he was so sure of himself. Siguro kasi sobrang guwapo niya lalo ngayon. Walang kwenta iyong mga pictures niya sa social media sa itsura niya sa personal. Iyong mga mga mata niya pa lang, sa sobrang lakas ng dating ay parang madudurog ka na.


"Arkanghel, si Sussie o! Nandito na ulit!"


Sinisiko ako ni Carlyn na halos mamilipit sa kilig sa gilid ko. Siya ang tumawag kay Arkanghel at hindi ko alam kung gusto ko ba siyang pasalamatan o sabunutan dahil sa ginawa niya.


Yes, it really hurt to see Arkanghel. It hurt to see how handsome he was. Parang kahit VBF o ex-VBF ay sobrang alangan na ako sa kanya. Kaya hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng lakas ng loob para batiin siya.


"Hi..." Pinilit kong ngumiti kanya kahit pa abot-abot ang hiya at kaba na nadarama ko.


Pero iyong ngiti ko ay agad ding nabura dahil tiningnan niya lang ako at pagkatapos ay tumuloy na siya sa paglalakad palampas sa amin ni Carlyn.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top