Chapter 51
"START."
Tila naumid ang dila ko nang magkaharap na kami ni Arkanghel. Nasa kama kami, nakasandal ako sa headboard nang maupo siya sa tabi ko. Tatayo sana ako para sa sofa kami pero nakalapit na siya.
"Anong pag-uusapan?" may sumilip na ngiti sa mapula niyang mga labi.
Itinaas ko ang aking paningin at sinalubong ang mga mata niya. Sinimulan ko sa unang tanong, "Bakit ka pumupunta rito?"
Gusto ko talagang malaman kung bakit at para saan ang lahat ng ginagawa niya. Gusto kong malinawan dahil ang labo-labo.
Nalilito pa rin ako kahit pa sinabi sa akin Art na ang tungkol sa engagement ay para lang sa merger ng kompanya, na walang relasyon si Arkanghel sa fiancée niya, at may kanya-kanya silang buhay. Gusto ko pa ring malaman ang nararamdaman ni Arkanghel.
Matagal siya bago nagsalita. Tumingin siya sa akin nang taimtim sa mga mata. "Because I missed you."
"How about you family? Pumili ang mga magulang mo ng babaeng para sa 'yo." Your fiancée.
Namungay ang magagandang uri ng abuhing mga mata ni Arkanghel habang nakatunghay sa mukha ko. "Sussie, hindi sila ang magdedesisyon sa buhay ko."
"A-ano ang plano mo sa akin?"
"I want to take care of you again."
"Nakikipagbalikan ka ba sa akin?" diretsang tanong ko kahit kinakabahan sa kanyang isasagot.
Nagulat ako nang ngumiti siya. "What do you think?"
Hindi ako makapagsalita at nagsimulang pangiliran ng luha ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya.
"Hey, why are you crying?" Bigla naman siyang nag-panic. Umusod siya sa akin at hinawakan ako sa mukha.
Hindi ko na mapahinto ang mga luha ko. Marahang tinabig ko ang kanyang kamay. "Arkanghel, ang tagal mong nawala..."
"And I am back now. Sa 'yo na ulit, Sussie..."
"Ang tagal mong wala... Ayaw ko nang hintayin ka kasi alam kong nasaktan kita... Pero katulad mo, nasaktan din ako..." suminok ako. "Nasaktan din naman ako..."
"I know that..." Ikinulong niya ng malalaki niyang palad ang aking mukha at hinalikan ako sa aking noo. "I know that. I'm sorry..."
Napahikbi ako lalo sa masuyo niyang tono. Imbes na tumahan mas naiyak pa ako. Gusto kong umiyak nang umiyak tapos patatahanin niya ako. Katulad noon. Katulad dati.
Gusto ko na ulit iyong Arkanghel ko. Miss na miss ko na iyong Arkanghel ko.
"Tahan na..." Pinahiran niya ng daliri ang mga luha ko sa pisngi. "Tahan na, ha? Mag-usap tayo, sabihin mo sa akin lahat ng gusto mong sabihin, I will listen..."
Tumango ako habang patuloy pa rin sa pag-hikbi.
"Tahan na... Tahan na..." alo niya sa akin.
Siya na ulit ito. Siya na ulit.
"Hey, tahan na, ha?" Hinalikan niya ako sa noo. "Tahan na..."
"Iyong ginawa natin, a-ano iyon?" Nag-iinit ang aking mukha sa hiya sa aking tanong.
Hinila niya ako pahiga at ikinulong sa kanyang mga braso. Imbes sagutin ay niyakap niya ako, magkadikit ang aming pisngi kaya naramdaman ko na nakangiti siya.
"Tahan na..." Hinagod niya ang likod ko.
"Mga kamay mo."
"What?" Yumuko siya at tiningnan ako.
Kahit luhaan ay tinaliman ko ang mga mata ko. "Akina mga kamay mo."
Ibinigay niya naman sa akin ang mga kamay niya. Hinubad ko ang suot kong hair tie. Hinawakan ko siya sa magkabilang pulso at ibinuhol iyon sa kanya nang dalawang ikot.
"Hey..." alma niya nang marealized ang ginawa ko.
Lalo kong tinaliman ang mga tingin ko sa kanya. "Bawal mong alisin 'yan kung gusto mong matulog dito sa kama ko." Pinunasan ko ang mga luha ko sa mukha pagkatapos ay sumiksik ako sa leeg niya.
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. "Okay, okay."
Dahil nakatali ang pulso niya, ako ang yumakap sa kanya. May luha pa rin sa mga mata ko. Hindi man ganoon kalinaw kung ano kami, sapat na muna iyon sa ngayon. Masaya na ako na kasama ko na ulit ang Anghel ko.
"Can I just kiss you at least?" bulong niya sa punong-tainga ko.
"Hindi. Matutulog na tayo." Lalo akong sumiksik sa kanya.
Hindi naman na siya nangulit pa, and I admired him for being patient with me.
Nakatulog kami na yakap ko lang siya. Masarap ang pakiramdam ko after sleeping peacefully beside him. Wala akong kulang na nararamdaman at maayos ang aking tulog. Kahit si Arkanghel ay mukhang naging maganda ang pagtulog sa magdamag.
Nagising ako nang umaga ma may dumidikit sa ilong ko. Napadilat ako at nakitang idinidikit ni Arkanghel ang dulo ng matangos niyang ilong sa akin.
Nakangisi siya at pati sa pisngi ko ay ikinikiskis niya ang kanyang ilong. Magulo ang buhok niya pero hindi naman siya mukhang bagong gising kasi ang fresh at ang guwapo niya pa rin. Parang never talaga siyang nakaranas maging haggard sa buong buhay niya.
Kahit naman noong nasa Cavite pa kami, kahit problemado siya sa grades niya at sa kinilala niyang parents, ang fresh-fresh pa rin niya. Kahit pa nga noong palagi siyang puyat nang magsimula siyang mag-trabaho sa gabi, fresh at guwapo pa rin siya palagi. Minsan naiinis na nga ako sa kanya dahil doon.
"Anong iniisip mo?" nakangising tanong niya.
Kapag ganitong nakangisi siya ay bumabalik talaga ang naughty Arkanghel na kilala ko noon at sandaling nawawala ang seryosong Arkanghel na nakilala ko ngayon. Hindi ko alam kung sino roon ang pinakagusto ko, siguro pareho.
Inirapan ko siya bago pa siya mag-isip ng kung ano. "Wala. Inalis mo ba iyong tali sa pulso mo?" Hinanap ko agad ang mga kamay niya.
Itinaas niya iyon at ipinakita sa aking naroon pa rin ang hair tie na inilagay ko. Napanguso ako nang makitang isang buhol na lang iyon at hindi na dalawa.
"Inalis mo 'yan, ano?!"
Umiling siya na nakangisi pa rin ang mapulang mga labi.
"Iyong totoo?" paghuhuli ko
"Hindi. Niluwagan ko lang kasi ang sikip," katwiran niya na ang cute lang. Hay, ang hirap.
Nag-beep ang phone ko na nasa bedside table sa mismong tabi ko. Wala sana akong balak i-check iyon pero ayaw akong tantanan ng abong mga mata ni Arkanghel. Dinampot ko na lang ang phone para tingnan. May 2 messages.
Nang tingnan ko ang reaksyon ni Arkanghel ay hindi na siya nakangisi. Nakatingin na lang sa akin habang nakataas ang isa sa makakapal na kilay.
Tinap ko ang screen ng phone para buksan ang unang message.
Handsome Artemi:
Pakigalaw ang baso, Susana.
"Mana 'to sa 'yo," bulong ko na sinulyapan siya.
"Malala 'yan."
"Iba sabi niya. Mas mabait daw siya."
Inilapit niya ang mukha sa akin. "Kanino ka maniniwala?"
Umatras naman ako at inirapan siya. "Sa kanya."
Ibabalik ko na ang phone sa gilid ko nang magsalita siya.
"You still have one unread message."
Wala tuloy akong nagawa kundi i-open na rin ang isang message. Kinakabahan ako dahil this time ay talagang nakatingin si Arkanghel sa screen.
Gorgeous Hugo:
Nagkape ka na?
Biglang inagaw ni Arkanghel ang phone sa akin. "Kakain ka muna, bago ka magka-kape."
"Akina..." binabawi ko ang phone sa kanya pero ang sama ng tingin niya.
Nauna na siyang tumayo sa kama. Inalis niya na ang tali ko sa kamay niya. Inipit niya ang phone ko sa ilalim ng unan. "Tayo na. Mamalengke na tayo."
Lumabi ako. "Oo na!" Tumayo na rin ako. Seryoso iyong mukha niya kaya hindi na ako nagsalita.
Nagtali ako ng buhok at nagtoothbrush sa lababo habang si Arkanghel ay nasa banyo. Paglabas niya ay katatapos ko lang.
"Tinapon mo na ba iyong toothbrush na iniwan ko?" Basa ang buhok at mukha niya habang nagkalkal siya sa cupboard.
Tinulungan ko siyang maghanap. "Hindi. Baka kasi hanapin mo, pabayaran mo pa sa akin." Inirapan ko siya nang ibigay ang toothbrush niya na binalot ko ng plastic.
"Good. Mahal ito, 'di mo afford."
"Magkano naman?"
"One million kisses."
"Baliw..." Pigil ang ngiti na ako naman ang pumasok sa banyo.
Naghilamos ako at lumabas na rin. Paglabas ko ay naabutan ko siyang nagliligpit ng pinaghigaan namin. Naaaliw na pinanood ko siya sa pagtutupi niya ng kumot. Pantay na pantay ang tupi niya kahit pa ang pagpatong niya ng mga unan.
Hindi ko nasupil ang aking ngiti. Ganitong-ganito rin siya noon kapag naaabutan ko siya sa bodega namin. Masinop siya sa lahat ng gamit.
Nang maramdamang may nakatingin ay huminto siya. Nilingon niya ako. "Tara na?"
Nakangiti akong tumango. "Tara."
Magkasama kaming pumunta sa talipapa para mamalengke, bagay na never ko talagang na-imagine na mangyayari. Habang naglalakad ay para lang akong nakalutang at paminsan-minsa'y hindi pa rin makapaniwala.
Since wala akong ref, mga prutas lang at ulam para ngayong araw ang binili namin. Siya ang may bitbit. Ayaw niya akong pagbitbitin.
Hinayaan ko si Arkanghel na mamili. Bumili siya ng kalahating kalabasa, isang tali ng malunggay, isang balot ng gata at mga pangrekado.
"Ginataang kalabasa na may malunggay," sabi niya sa akin habang nagbabayad sa tindera. Siya ang nagbayad sa lahat. Five-hundred pesos 'tapos hindi niya na tinanggap ang sukli.
"Alam mo kung paano lutuin iyon?" Hinihintay ko siyang bumili ng iba o kaya pangsahog pero hindi na siya bumili. Nag-aalala ako kasi alam kong hindi siya kumakain ng gulay.
"Yeah. Tinuruan ako ni Mama noon."
Nakagat ko ang aking labi sa pagbanggit. Ang tinutukoy niyang mama ay ang kinilala niyang ina sa Cavite. Ang tita ni Isaiah.
"Umuwi ka raw sa PK..." naalala kong itanong habang naglalakad kami sa talipapa.
"Oo. Tatlong beses na since umuwi ako ng Pilipinas."
"Kumusta ang mama at papa mo roon?"
"Okay lang sila. Malala na nga lang ngayon ang hika ni Papa. Hindi ko na siya pinagta-trabaho."
"Ang mama mo?" nanantiya kong tanong. Hindi ko kasi alam kung okay na sila ng kinilala niyang mama.
"Okay naman. May times lang talaga na badtrip siya," casual ang pagkakasabi niya at mukha namang walang problema.
"Okay lang kay Ma'am Ingrid na pinupuntahan mo sila?"
"Mukha namang okay lang." Dumampot siya ng isang tali ng sitaw sa nadaanan naming tindahan. "Dagdagan natin nito?" baling niya sa akin.
"Bahala ka. Ikaw naman magluluto..."
"Ikaw naman ang kakain."
'Sabi ko na nga. Ngumuso ako at nagpatiuna nang maglakad. Pagkabayad niya sa sitaw ay sumunod na rin siya sa akin.
Siya nga ang nagluto pati pagsasaing, siya. Pagkauwi namin ay diretso agad siya sa lababo para ayusin ang mga pinamalengke namin.
"Bakit hindi mo ginagamit iyong rice cooker ko?" curious na tanong ko dahil ang aking maliit na kalan na naman ang ginamit niya. Nagtagal tuloy siya sa pagsalang ng ulam dahil hinintay niya pang maluto ang kanin.
"Mas sanay ako."
Hindi na ako kumibo. Napapansin ko nga na may mga habit pa rin siya noon na hindi niya pa rin nakakalimutan kahit pa iba na ang estado niya sa buhay ngayon.
Wala siyang hugasin matapos makaluto dahil inaagad niya sa lababo ang lahat ng ginamit sa pagluluto. Siya rin ang naghain bandang 11:00 am. Maaga kaming kumain dahil ito na rin ang almusal namin.
"Ayaw mo ba kahit sitaw?" tanong ko dahil sabaw lang ang tinitira niya.
"Nakain na ako ng kalabasa," simpleng pagmamalaki niya saka sumandok ng kalabasa. Dinurog niya iyon sa kanin niya saka isinubo.
Pumalakpak naman ako. "Wow!"
Naiiling na natatawa naman siya.
Hindi naging tahimik ang pagkain namin ngayon. Pinupuri ko siya kapag sumusubo siya ng gulay, proud na proud naman siya na sasandok ulit. Para kaming bumalik sa panahon noon sa Cavite bago kami magkahiwalay.
Naging magaan ang pagkain namin. Walang nangyaring ilangan. Hanggang makatapos ay nakangiti ako at palagay ang loob ko. Nang ligpitan na, parang may pag-uusap na magkatulong kaming nagligpit. Walang bangayan, walang iwasan.
Ako na ang pumuwesto sa lababo dahil naligo na siya. May tumawag sa kanya, may meeting yata or something na kailangan niyang puntahan.
"Sikapin mong makatulog kung papasok ka mamaya," bilin niya habang nagsusuklay ng buhok.
Tumango ako at tinulungan siyang ayusin ang kwelyo ng suot niyang long sleeve button-down polo.
Bago umalis ay hindi ako nakaiwas nang halikan niya ako sa labi. Hindi ko alam kung gaano katagal, basta habol ko ang aking paghinga nang bitiwan niya ako.
Nang wala na siya ay nahiga ako sa kama. May ngiti sa mga labi. Hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng nangyari mula kagabi. Hindi ko tuloy alam kung magagawa ko ngang makatulog.
Nagbeep ang phone ko na nasa tabi. Dinampot ko ito para lang lalong mapangiti sa aking nabasa. Hindi galing kay Handsome Artemi or Gorgeous Hugo. Iba ang naka-save na pangalan niya. Hindi ko alam kung kailan pinalitan. Hindi ko napansin.
Sexy Aki:
I miss you.
Sa tagal nang panahon na lumipas, ngayon na lang ulit, ngayon na lang ulit ako nagpigil ng tili. Para akong nasisiraan ng bait na namaluktot sa ibabaw ng kama.
Parang ako ulit iyong matabang Sussie noon na hindi mapakali. Iyong Sussie na masaya dahil sa Arkanghel niya.
Mas lalo na akong nahirapang makahanap ng tulog. Sinikap ko na lamang na makatulog para makapasok na mamaya. Bandang 2:00pm nang nakatulog na ako. Katulad noon, ginamit ko ang masayang pakiramdam para maging productive.
Inagahan ko ang gising para maaga akong makapasok sa trabaho. Umpisa ng shift ay binuhos ko ang aking sarili sa pagko-calls. Sinikap kong walang mali para makabawi.
First break nang ipatawag ako ng Team Leader. "Lutang ka kaya ang dami mo ring bagsak sa Q.A. Hindi ka dating ganito. Maayos ka before. What the hell happened to you, Sussie?"
Napayuko ako. Mabait naman ang supervisor ko, talagang pressured lang siya sa trabaho kaya hindi ko siya masisisi kung bakit nagagalit siya kapag may mga empleyadong pasaway na katulad ko.
"Kung may problema, dapat iwan mo 'yan sa bahay. Kapag nasa work ka na, dapat ibang tao ka na."
"I'm sorry, TL."
"Ayusin mo, Sussie. Sayang e. Sayang ka." Tinapik niya ako sa balikat. "Go back to your station."
Sinikap kong mag-render ng OT para makatulong sa kulang na log in hours ng team. Three-hours OT ako. Antok na antok at pagod na pagod ako pagkatapos. Tyempo pa na queuing at puro irate ang customers sa morning kaya bangag ako nang mag-out. Pero masaya ako na kahit paano, nakabawi ako.
Paglabas ng office ay rush hour na. Nahirapan akong makasakay agad kaya anong oras na akong nakarating sa Lifehomes. Nag-tricycle na lang ako papasok kahit pa bungad lang naman ako. Pagliko ng street ay natanaw ko agad ang kotse ni Arkanghel na nasa labas ng building kung saan naroon ang aking apartment.
Pagbukas ko ng pinto ng tinutuluyan ay nadatnan ko ang isang matangkad na lalaki na prenteng nakaupo sa sofa. Nakapikit siya kaya mas naging kitang-kita ang mahahaba niyang pilik-mata.
Black long sleeve button-down polo at grey slacks ang suot niya. Naka-medyas lang at messy ang kanyang buhok. Sa harapan naman niya, sa may center table, nakapatong ang leather wallet, hinubad na necktie at specs niya.
"Paano ka nakapasok?" Though alam ko na ang sagot. Of course, may dup key na siya ngayon.
Dumilat siya at tumingin sa akin. "You're here."
"Hindi, picture ko lang 'to." Hinubad ko ang suot kong plain black doll shoes at inilapag ang shoulder bag sa mesita.
Ngumiti lang naman siya. Nakakapanibago pa rin pero unti-unti, parang nagiging normal na sa akin na makita siya rito sa apartment ko. Kahit naman siya, parang komportable na rito.
"Dumaan lang ako. Papasok ako sa office ."
"Dumaan?" Ang layo ng QC dito para daanan niya itong place ko.
Sumalampak ako sa gilid ng kama at itinaas na ang aking mga binti. Sa pagod ay hindi ko na inisip na galing ako sa labas at mapolusyon pa ang aking suot.
"Hindi ka ba magpapalit muna?" tanong niya nang mapansing ready na akong mahiga.
"I'm tired."
Tumayo siya sa sofa at lumapit sa akin. "Do you need a mouth to mouth resuscitation?"
"Ayaw..." iling ko na nakalabi.
"Do you want me to help you change?"
Hindi na ako nakasagot dahil pinahiga niya na ako. Hinayaan ko naman siya sa gagawin . Nang kalasin niya ang butones ng jeans ko ay pigil-pigil ko na lamang ang aking paghinga. Hinila na niya pahubad ang jeans at kinumutan niya agad ako pagkatapos.
Pinisil niya ang ilong ko. "Stop staring like that."
"Bakit?" inosenteng tanong ko.
"Basta."
Nagulat ako nang tumabi siya sa akin.
"Akala ko ba aalis ka na?"
"Later." Kinuha niya ang kamay ko at nilaro ang aking mga daliri.
"Antok na antok na ako, Arkanghel..." Gusto ko pa sana siyang makausap o titigan pero tinatalo na talaga ako ng pagod at antok.
Masuyo niyang hinaplos ang pisngi ko. "You can sleep now."
"'Sara mo pinto pag alis mo..." sabi ko na nakapikit na.
"Mamaya na ako aalis pag tulog mo."
Tumagilid ako sa kanya at yumakap. "Baka magusot damit mo." Inaalala ko ang damit niya pero ang higpit naman nang pagkakayakap ko sa kanya.
"It's fine." Yumakap din siya sa akin. "It's fine. Sleep now, Sussie."
Nakatulog ako agad dahil siguro iyon ang hinahanap ng aking katawan.
Mahigit limang oras din yata akong nakatulog dahil hindi na pagod ang aking pakiramdam nang magising. Komportable ako sa pagkakahiga at masarap ang tulog, ni hindi ko namalayan ang pag-alis ni Arkanghel kanina.
Sinubukan kong bumangon pero mabigat ang aking isang balikat. Namamanhid din ang gawing sikmura ko na tila may nakapatong na kung ano.
Sinipat ko kung ano ito. Patay ang ilaw kaya ang galing lang na lumalagos na liwanag mula sa lamppost sa labas ng bintana ang nagsilbing pangtanaw ko sa paligid. Dim man ang ilaw ay malinaw kong nabistahan ang dahilan kung bakit hindi ako makabangon.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat sa lalaking katabi ko sa kama. "Arkanghel?" nagtatakang sambit ko sa pangalan niya.
Akala ko umalis na siya kanina. Akala ko kailangan siya sa office at may meeting pa siya. Bakit nandito pa siya?
"Arkanghel, bakit nandito ka pa?"
Hindi siya gumising. Para siyang pusa na sumiksik sa gilid ko. Ang mukha niya ay nasa leeg ko.
Umusod ako nang bahagya saka inabot ang matangos niyang ilong at mariin iyong pinisil hanggang sa hindi siya makahinga.
Doon na siya napilitang magising. "Hey!" Kandahabol siya sa kanyang paghinga nang bitiwan ko.
Lumabi ako. "Bakit nandito ka? Akala ko may meeting ka sa work kanina."
"Nainggit ako sa 'yo, ang sarap ng tulog mo." Saka siya muling sumiksik sa akin.
"So hindi mo pinuntahan iyong meeting mo?"
Umiling siya at lalo pang sumiksik.
"May pasok ako. Kailangan ko nang maligo."
"Sama..."
Hindi ko napigilang matawa sa pagiging clingy niya. "Sa work ko?"
Hindi siya sumagot. Nakayakap pa rin siya sa akin habang nakasiksik.
Hinaplos ko siya sa ulo. "Arkanghel, kailangan ko na talagang pumasok." Gustuhin ko man siyang makasama pa, kailangan ko na talagang tumayo para mag-ready sa work.
Naghintay ako ng ilang minuto bago siya humiwalay. Nauna siyang bumangon at ginulo ang kanyang buhok. Nang tingnan niya ako ay halatang antok pa ang abo niyang mga mata.
"Gusto mo bang mag-stay muna rito?" tanong ko dahil nakakaawa siya. Parang gusto niya pa talagang matulog.
"No. Ihahatid kita."
Napangiti ako. "Ikaw ang bahala."
Hinintay ako ni Arkanghel na makaligo at makapag-ayos. Pagkatapos ko ay nakapagluto na siya ng kanin at tortang itlog na may kamatis. Ako na ang naghugas ng pinagkainan dahil may tumawag sa kanya.
Sakto na matapos akong maghugas ay pumasok siya sa pinto. Gusto ko sana siyang tanungin kung sino ang tumawag pero nahiya naman ako.
Naupo siya sa gilid ng kama at tumingin sa akin. "Do you want to ask me something?"
Lumapit ako sa kanya nang hindi nagsasalita. Hinila niya ako sa kamay at napaupo ako sa kandungan niya.
"Hmm..." Ibinaon niya ang mukha sa aking leeg. "Amoy Safeguard..."
Itinulak ko ang ulo niya. "Arkanghel..."
"What?" malambing na tanong niya.
"Paano kapag nalaman ng parents mo ang tungkol sa atin?" There, naitanong ko rin ang bumabagabag sa akin.
Bumuntong hininga ako. Iniisip ko ang parents niya, sina Sir Ala at Ma'am Ingrid. Mababait ang parents niya at napatawad na nila ang tatay bear ko, pero ibang usapan ang tungkol sa amin ni Arkanghel. Kahit sinong magulang ay hindi hahayaang mapunta lang sa kung sino ang anak nila. Lalo na kung ang anak ang tagapagmana ng negosyo ng pamilya.
Iba na si Arkanghel ngayon. Mayaman na siya, tagapagmana at kilala. Mas nababagay na siya sa mga kauri lang rin nila... like his fiancée.
I almost forgot about his fiancée. Pumait bigla ang panlasa ko. Sa sobrang saya ko, nakalimutan ko na may ibang babae na pinili ang mga magulang niya para sa kanya. Ang babae ring iyon ang magiging susi para sa merger ng kompanya nila at ng isa pang malaking kompanya.
"Arkanghel, hindi ka ba natatakot na malaman ng parents mo?" pangungulit ko dahil parang wala siyang pakialam. "Ikaw ang panganay, ikaw ang inaasahan nila sa negosyo..."
Nakatingin lang siya sa akin at pinapanood lang akong magsalita.
"Arkanghel naman, paano kung itakwil ka nila?" nag-aalalang tanong ko.
Tumaas ang isang kilay niya.
"Paano kung alisan ka ng mana?"
"Kaya mo naman siguro akong buhayin."
Napatanga ako sa kanya dahil ang kalmante niya lang talaga.
"Don't think too much, Sussie." Ngumiti siya at pinisil ang pisngi ko. "Kung mawalan ako ng trabaho, we can do online selling again. We can do that. Just like before. Ikaw ang tindera and I'll be your delivery boy."
Umawang ang mga labi ko. Hindi ko alam kung seryoso siya o nagbibiro.
"Kung wala ka nang itatanong..." Ang abo niyang mga mata ay bumaba sa mga labi ko na bahagyang nakabuka. Nang mag-angat siya ulit sa akin ng paningin ay may kakaiba na sa kislap ng mga ito. "Can I ask you to do something for me?"
"Arkanghel!" singhap ko nang may maramdaman sa kandungan niya na kinauupuan ko.
"Call your boss," paos ang boses na sabi niya. "Tell him you'll be late."
Napapikit na lamang ako nang kargahin na ako ni Arkanghel papunta sa gitna ng kama.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top