Chapter 45
Hindi na masakit ang aking ulo nang magising ako. Nakakabingi ang katahimikan ng paligid. Kahit ang nakasanayan kong tunog ng elisi ng electricfan ay hindi ko naririnig. Pagdilat ko ay nakapatay na ang ilaw pero may kaunting liwanag na lumalagos mula sa kurtina ng nakasaradong bintanang jalousy. Umuulan pa pero hindi na ganoon kalakas.
Bumangon ako. May taong hinahanap ang mga mata ko.
Iyong taong magdamag kong niyakap hanggang sa talunin ako ng antok. Maliit lang ang studio type apartment ko kaya mabilis ko siyang nakita. Nakaupo si Arkanghel sa sofa na nasa paahan ng kama. Totoo pa lang nandito siya.
Nakapikit siya habang nakabukaka at ang isang braso ay nakatakip sa kanyang noo. Bahagyang namang nakaawang ang mapula niyang mga labi. Kahit sa ganitong ayos, he was still so damn good-looking. Hindi ako makapaniwala habang nakatitig sa kanya.
Tiningnan ko ang sahig kung saan wala nang nakalatag na comforter. Nakaligpit na iyon. Kung ganoon, sa sofa siya natulog. Natulog lang siguro siya noong nakatulog na ako.
Umalis ako sa kama para magbanyo. Dumaan muna ako sa orocan para kumuha ng pamalit na damit. Sky blue na loose Disney shirt ang kinuha ko at saka isang stripe na pajama. Kumuha rin ako ng underwears. Marahan ang mga hakbang ko patungong banyo dahil baka magising ko siya.
Pagpasok ko sa banyo ay naghubad agad ako. Nakagat ko ang ibaba kong labi kasabay ng pag-iinit ng aking magkabilang pisngi nang marealized na wala akong suot na bra sa ilalim ng hinubad na tshirt. Pinalitan pala ako ni Arkanghel ng damit kagabi dahil nabasa ako ng pawis. Siguro inalis niya rin ang bra ko.
Natatandaan ko na sinabi niyang hindi siya tumingin, pero posible ba iyon? Paano niya ako nabihisan kung hindi siya tumingin?
Ipinilig ko ang aking ulo saka umupo para maghilamos sa balde. Ayaw kong buksan ang shower o gripo dahil baka magising siya. Saka hindi pa rin naman ako pwedeng magbasa agad dahil bukod sa nilalamig ako ay baka mabinat ako.
Sa banyo na rin ako nag-toothbrush dahil nandito naman sa loob ang toothbrush ko. Itinali ko rin ang buhok ko into a bun.
Palabas na ako ng banyo nang mapansin ang nakasabit na supot sa likod ng pinto ng banyo, katabi ng pinagsabitan ko ng tuwalya. Tiningnan ko ang laman ng supot, may disposable razor at toothbrush sa loob. Lumabas yata siya kanina para mamili. Mukhang wala pa siyang balak na umuwi.
Paglabas ko ng banyo ay tulog pa rin si Arkanghel sa sofa. Kusang huminto ang mga paa ko at mga mata ko paharap sa kanya. Paano ko kaya siya haharapin kapag nagising na siya?
Mag-uusap ba kaming dalawa? Pag-uusapan ba namin iyong kagabi? Pinagmasdan ko pa siya. Malalim ang paghinga niya kaya sa tingin ko, napuyat siya.
Okay lang kaya siya? Hindi ba siya naiinitan dahil patay ang fan?
Marahang babalik na sana ako sa kama nang biglang kumulo ang tiyan ko. Napaatras ako kasabay nang pagmulat ng kulay abo niyang mga mata.Sa akin agad siya napatingin.
"G-good morning..." nauutal kong bati. Pilit akong ngumiti.
Pupungas-pungas siyang yumuko. Nang tumayo siya ay hinagod niya ng mga daliri ang kanyang buhok. Kung hindi lang messy ang buhok at sobrang lamlam ng kanyang abuhing mga mata ay hindi mo maiisip na bagong gising siya.
Humarap siya sa akin. Walang paalam na kinapa niya ang noo at leeg ko kung mainit pa. Hindi ko na naitago ang pag-igtad ko dahil sa gulat.
"Kumustang pakiramdam mo?"
Ito, hiyang-hiya sa 'yo. Pero syempre hindi ko isinaboses iyon. Sa isip lang.
"Nagsaing ako," sabi niya saka pumunta sa maliit kong lababo kung saan nandoon cute kong rice cooker. "May ulam din dito. Bumili ako sa labas kanina. Iinitin ko kung gusto mo nang kumain."
"Hindi pa naman ako gutom," hiyang-hiyang sagot ko, 'tapos saktong pagkasabi'y tumunog na naman ang tiyan ko. Ahg kainis!
Nilingon niya ako. "Kakain ka na."
Tumikhim ako. "Mabuti may nabilhan ka ng ulam nang ganito kaaga..." pasimpleng comment ko para maiiwas ang tungkol sa hindi pakikisama ng tiyan ko.
"One pm na."
Nandilat ang mga mata ko. "Ha? Hindi nga?!"
"Matagal kang tulog."
Ihinanger ko sa likod ng pinto ang tuwalya kong ginamit saka ko siya nilapitan. "A-ako nang mag-aasikaso ng pagkain!"
"Just stay there."
Magpupumilit sana ako pero masikip ang tapat ng lababo, hindi kaya ng katawang lupa ko na makipagsiksikan doon sa kanya.
"S-sige na nga..." napaatras ako.
Pinanood ko na lang ulit siya sa pagkilos matapos buksan ang wall fan kasi baka naiinitan na siya.
"Kumain ka na rin ba?" kinalmahan ko ang boses ko nang tanungin siya.
Hindi ko alam kung ano ba kami ngayon. Ayaw kong magtunog na nag-aalala o walang pakialam. Isinakto ko lang.
"Hinihintay kitang magising."
"Ha? Sana nauna ka na..."
Tiningnan niya lang ako na parang pinararating na ang absurd ng sinabi ko.Napanguso ako at naupo sa gilid ng kama. Pinanood ko na lang ulit siya sa pulido niyang pagkilos sa kapiranggot kong kusina.
Nakatapos na siyang magsandok at maghanda ng pagkain sa maliit kong center table. Tumayo ako para lumipat sa paanan ng kama. Siya naman ay sa sofa naupo, paharap sa akin at sa pagkain.
"Ako na." Hindi na ako pumayag na pati pagsasandok ng sabaw sa mangkok patungo sa aking plato ay siya pa ang gagawa.
Tinolang manok na may sayote ang ulam namin. Pagkalagay ko ng para sa akin ay nilagyan ko rin siya sa plato niya. Tahimik kaming kumain.
Kabaliktaran namin kapag kami ni Hugo ang sabay na kumakain. Kapag kami ni Hugo, panay ngitian na parang hindi nakaharap sa pagkain. Nag-papaligsahan pa kami minsan kung sino ang mauunang makaubos dahil ang mahuhuli, iyon ang maghuhugas ng pinggan.
Kabaliktaran ngayon na si Arkanghel ang kasama ko. Hindi ako makalunok nang maayos dahil nararamdaman ko na tumitingin-tingin siya sa akin habang kumakain kami. Sa sobrang pagkailang ko, napainom tuloy ako sa baso niya.
Napanganga naman siya nang ibaba ko ang kanyang baso. Nagpatay-malisya ako at nagtuloy sa pagkain.
"Eat some more," magaang sabi niya nang makitang hindi na ako dumagdag ng kanina.
"Ayaw ko na..." angal ko nang lagyan niya ulit ako ng isang sandok ng kanin sa plato.
"'Pag di mo naubos, lagay mo sa akin," balewalang sagot niya.
Nag-iinit ang pisnging napayuko ako. Uubusin ko ito. Hindi makakaya ng hiya ko na pakainin siya ng tira ko.
Kinuha niya ang basong ininuman ko at sinalinan ng tubig at inilagay sa harapan ko. Dalawa na tuloy ang baso ko.
"Hindi ka muna papasok mamaya. Baka mabinat ka."
Hindi ako sumagot. Hindi naman nag-uutos ang tono niya, magaan nga lang iyon pero nandoon iyong pakiramdam na bawal pa ring suwayin. Tumahimik na lang ako.
Bahala na. Kapag umalis siya, papasok pa rin ako. Magbabaon na lang ako ng Biogesic pagpasok mamaya.
Pagkatapos kumain ay hindi na ako nakipagtalo sa pagliligpit. Bumalik ako sa kama at nagkunwaring magbabasa ng libro.
"Wag ka munang magbasa, mabibinat ka."
Binitiwan ko ang libro. Hindi ko rin naman maintindihan ang nakasulat doon dahil wala ako sa tamang huwisyo.
Hindi ko na alam ang gagawin. Ang awkward na tulala lang ako rito, 'tapos siya patapos na sa paghuhugas ng plato. Pagkatapos niya sa lababo, ano na? Mag-uusap na ba? Sinong unang magsasalita? Baka magpakiramdaman lang kami.
Nang matapos siya sa lababo ay tumayo agad ako. Pumasok ako sa banyo at nagtagal ng ilang minuto sa loob. Pagkalabas ko ay muntik na akong mapasigaw sa gulat nang makitang nakasandal sa may lababo na katapat lang ng pinto ng banyo.
Nakapamulsa siya sa purple niyang pajama habang matiim na nakatingin sa akin. Umiwas agad ako ng tingin at naglakad pabalik sa kama nang bigla siyang humarang.
"Sa tingin mo sa liit nitong bahay mo, makakaiwas ka sa akin?"
"Ha?" maang-maangan ko na sa ibang direksyon nakatingin. "Hindi naman ako umiiwas, ah? 'Sinasabi mo diyan?"
"Then why can't you look at me?" ang init ng boses niya na tumatama sa gilid ng aking mukha.
"Ha? Hindi, ah. Ano ka ba?"
"Sussie..."
Nanigas ang leeg ko nang sa leeg ko na mismo tumama ang mainit niyang paghinga.
"Sussie, look at me."
"B-bakit ba?" nauutal ko siyang tiningala. "Uhm, hindi ka pa ba uuwi?"
Tumaas ang sulok ng bibig niya. He seemed slightly amused.
Ngumuso ako. "Baka lang kasi hinahanap ka na ng mommy mo..."
"Do I look like a baby to you?" para siyang natatawa na hindi maintindihan.
"Baka lang naman kasi..."
Nag-ring ang phone niya na nasa sofa. Hindi niya iyon pinapansin.
"May tumatawag..."
Hindi niya pa rin pinuntahan ang phone niya.
"Sino ba iyon? Baka importante iyon..." nakangusong sabi ko.
"You've got to stop doing that," mahinang sita niya.
Hindi ko maintindihan kung para saan ang pagsaway niya. Nag-tsk siya matapos mapailing. Nang balikan ako ng kulay abo niyang mga mata ay hindi na siya nag-alis ng tingin sa akin. Hanggang sa bumaba ang tingin niya sa nakangusong bibig ko.
Umatras ako palayo sa kanya. Nakalimutan ko kung gaano kaliit ang apartment ko, at ang parteng ito ng lababo. Namalayan ko na lang na pader na ang nasa likuran ko. Kung hahakbang nang isa si Arkanghel, baka hindi na ako makagalaw rito.
"Bakit ka pumayat?" halos bulong na tanong niya.
Napalunok ako at hindi makasagot. Lalo nang humakbang siya para ikulong ako sa pagitan niya at ng pader sa likuran ko.
Ang kulay abo niyang mga mata na nasa mga labi ko ay bumaba hanggang sa aking leeg. Akala ko wala nang mas iinit sa mga tingin niya, pero mas mainit pala ang dulo ng daliri niya na ngayon ay nakadikit na rin sa balat ko.
"Wala ka nito dati..." anas niya na ang tinutukoy ay ang collar bone ko.
Hindi ako makahinga nang maayos kahit pa marahan lang naman ang pagdampi ng daliri niya sa ilalim ng aking leeg.
"Arkanghel..." hirap na sambit ko.
"Anong nangyari sa 'yo habang wala ako?"
Nang mahagilap ko ang lakas ay hinawakan ko ang kamay niya. Humihingal ako nang ilapit niya ang sarili sa akin. Dumampi ang noo ko sa ilalim ng leeg niya kaya malinaw sa akin ang ilang ulit na pag-alon ng kanyang Adam's apple.
Nanghihina ako, hindi ko magawang umalis sa pwesto ko at sa pagkakahawak ko sa kamay niya na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin binibitiwan. Siya rin naman ay nasa harapan ko pa rin. Ang isang kamay niya ay nakatukod sa pader habang nakayuko siya sa akin.
Ilang minuto kaming ganito nang maisipan niyang humiwalay. Pagkatalikod niya ay tinungo niya ang pinto kung saan naka-hanger ang tuwalya ko na ginamit kanina. Wala siyang pakialam kahit basa-basa pa iyon. Basta niya iyong hinila at pagkatapos ay walang pasabi siyang pumasok sa banyo.
Saglit lang ay narinig ko na ang malakas na lagaslas ng shower mula sa loob. Ilang minuto siya sa loob. Ang tagal na bumubuhos lang nang tuloy-tuloy ang shower. Parang balewala sa kanya kahit napakalamig ng tubig.
Paglabas niya ng banyo ay iyon pa ring isang pair ng BFF shirt namin ni Carlyn at ang purple kong pajama ang suot niya. Ayos lang naman dahil kagabi ko lang naman siya pinahiram ng damit. Malinis na malinis siyang tingnan kahit basa at gulo-gulo ang kanyang buhok. Ang tuwalya ko ay nakasampay sa balikat niya.
"Suklay?" alok ko.
Hindi ko siya naalok ng suklay kagabi nang makiligo siya. Ang pinangsuklay niya lang sa kanyang buhok ay ang mahahaba niyang daliri.
Siya na ang kumuha ng suklay na nasa ibabaw lang ng orocan. Saglit lang siyang nagsuklay. Naupo siya sa gilid ng kama ko at nilingon ako.
"Hindi pa ako uuwi."
"Bahala ka..." mahinang sagot ko.
Ngumiti siya na dahilan nang pag-iinit ng mukha ko.
Tumikhim ako. "Bahala ka kung gusto mong mag-stay. Basta boring dito. Wala akong TV and Wi-Fi..."
Dinampot ko ang phone ko at nagpanggap na may tinitingnan doon. Gusto ko lang makaiwas sa mga titig niya na nakakalunod. Hindi ko matagalan. Hindi ko kayang sabayan.
Kung saan-saan ako nakarating sa phone ko. Hanggang Playstore, nakapunta na ako. Hindi ko na alam ang aking ginagawa, hindi ako makapag-concentrate dahil alam ko ngang sa akin pa rin siya nakatingin.
Pasimple akong umusod patungo sa headboard ng kama para mapalayo sa kanya. Makakahinga na sana ako nang maayos nang tumayo siya dahil akala ko lilipat siya sa sofa, pero sa tabi ko siya lumipat. Nakisandal siya sa headboard ng kama habang nakahalukipkip.
Pinatay ko na ang phone ko.
"Bakit mo pinatay?"
Ibinalik ko ang phone sa bedside table. "Baka ma-lowbat. Nagtitipid ako sa kuryente," sabaw na sagot ko. Sabaw rin naman kasi iyong tanong niya.
Hinila ko ang kumot at nagkumot ako hanggang sa leeg habang nakaupo at nakasandal pa rin sa headboard.
"Do you want me to turn off the electric fan?"
Umiling ako na hindi sa kanya tumitingin.
"Nahirapan akong matulog sa sofa," sabi niya mayamaya.
"Ganoon ba? Di ba sa may comforter ka sa sahig dapat matutulog?"
"Hindi kita nababantayan kapag nasa sahig ako. Sa sofa, nakikita kita."
Nanuyo ang lalamunan ko dahil baka mapunta na iyong usapan namin sa nangyari kagabi. Hinahanda ko ang aking loob ko nang maramdaman ko ang paghawak niya sa aking kaliwang kamay.
"You shouldn't be living alone."
Gulat na napatingin ako sa kanya pero wala naman sa akin ang abo niyang mga mata. Sinubukan kong bawiin ang kamay ko nang lalo niyang higpitan ang pagkakahawak niya.
"'Pag umuwi ako, babalik ako rito kahit walang ulan."
"Arkanghel..." naguguluhang sambit ko.
Pinagsalikop niya ang mga daliri namin saka siya marahang pumikit. Nang dumilat siya at lumingon sa akin ay para akong nalunod sa kulay abo niyang mga mata.
"Let me take care of you again, Sussie..."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top