Chapter 42

"HUY, TAHAN NA. TAGAL MO NANG NAIYAK."


Nandito kami ni Hugo sa loob ng apartment ko. Magkatabi kami sa sofa at kanina niya pa ako inaalo. Siya ang nagpasok sa akin dito kanina. Siya ang naghanap ng susi sa bag ko, siya rin ang naglusot sa keyhole dahil nga sa umiiyak ako.


"Laki-laki na, iyakin." Itinaas niya ang mukha ko saka niya tinuyo ng mga daliri niya ang luha sa aking pisngi. Hindi na kinaya ng panyo niya dahil kanina pa iyon basang-basa. Iyong laylayan naman ng t-shirt niya, basa na rin dahil naipunas na rin niya sa akin kanina.


Hindi talaga ako iyakin pero kapag umiyak ako, mahirap naman akong patahanin. Pati ako mismo, nahihirapang patahanin ang sarili ko.


"Tahan na, ha? Isa pang iyak mo, kokotongan na kita riyan." Ang dahan-dahan ng boses niya na medyo paos.


Sobrang pag-aalala niya siguro kaya hindi niya na alam ang gagawin kung paano ako patatahanin kaya pati siya, naiiyak na rin.


"Ikaw kasi, bigla kang naninigaw..." sisinok-sinok na sumbat ko sa kanya. Iyong sigaw naman talaga niya ang nakapag-trigger sa akin kanina.


"Nag-sorry na nga ako e."


Tiningnan ko siya. Magulo ang buhok niya kakagulo niya roon mula pa kanina. Wala na rin sa ayos ang t-shirt niya dahil nang wala na siyang maipunas sa mga luha ko ay pati laylayan niyon, naipampunas niya na rin sa akin.


"Tahan na nga sabi." Inayos niya ang buhok ko na bahagyang nagulo. "Tahan na, ah? Kotong ka talaga sa akin."


"Kanina mo pa sinasabi 'yan pero umiiyak pa rin naman ako saka hindi mo pa rin ako kinokotongan," nakalabing sabi ko pero tumigil na ako sa pag-iyak. Sa wakas.


"Wala kong lakas e." Sumimangot siya. "Alam mo namang di pa ako nag-aalmusal."


Oo nga pala. Wala pa siyang kain tapos magta-tanghali na ngayon.


Nagpunas ako ng mukha gamit ang mga palad ko. "Anong gusto mo? Okay na ako. Paghahanda kitang food."


"Oh? May pagkain ka?"


Tumayo ako. "Wala. Ibibili kita sa labas."


"'Wag na. Ako na." Tumayo rin siya. "Ayusin mo na lang muna sarili mo. 'Ligo ka tapos hintayin mo ako. Saglit lang ako."


Hindi ko na siya pinigilan nang lumabas siya ng apartment ko. 


Nang wala na si Hugo ay pumasok na ako sa banyo. Hinubad ko ang mga suot ko at inilagay sa nakasaradong timba na lalagyanan ko ng marumihan. Kukusutan ko iyon mamaya bago ako pumasok sa trabaho.


Matagal pa naman siguro si Hugo bago bumalik kaya nagbabad muna ako sa shower. Tumingala ako sa rumaragasang tubig habang nakapikit. Hindi na ako umiiyak pero mahapdi pa rin ang mga mata ko.


Kanina ay halos maubos na ang tubig sa aking katawan sa kakaiyak ko pero ngayon hindi ko na maaalala kung bakit ba ako umiyak? Basta masakit ang dibdib ko, iyon lang ang naaalala ko.


Para kasi akong nakakulong sa isang kahon na ayaw kong labasan. Para akong takot na takot na masaktan kaya ako nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Parang gusto ko na lang na habangbuhay na ganoon, iyong walang pakiramdam. Iyong walang nararamdaman. Ang kaso, sa isang hindi inaasahang pangyayari, biglang nagkaroon ng butas ang kahon.


Hindi ko matanggap na sa isang iglap, nakakaramdam na naman ako.


Ilang minuto na akong nakatingala sa shower nang may kumatok sa pinto ng banyo. "Hoy, ang tagal mo!"


Napalingon ako sa pinto. Ang bilis ba niya o sadyang hindi ko na namalayang nagtagal na ako sa pagsa-shower?


"Saka bakit di ka nagla-lock! Lintek paano kung may biglang pumasok?" Sermon siya nang sermon mula sa labas ng banyo.


Nakalimot nga ako sa oras. Ang balak ko sana ay saglit lang magsha-shower para mapagbuksan ko agad siya ng pinto pagbalik niya, ang kaso hindi ko na nga nai-lock ang pinto, nagtagal pa ako sa banyo. Ayan, hindi tuloy siya matigil sa kakasermon.


Mabilisan akong nag-shampoo ng buhok at nagsabon ng katawan. Nagbanlaw ako agad saka pinihit pasara ang shower. Nang hinahanap ko na ang tuwalya ay saka ko lang naalala na hindi nga pala ako nakapagdala kanina.


"Hindi ka pa ba tapos diyan?!" Kinatok niya nang malakas ang pinto. "Hoy papasukin na kita nag-aalala na ako, ah!"


"Tapos na ko!" tarantang sagot ko saka hinanap sa sampayan ang tuwalya. Napatampal ako sa noo ko nang maalalang wala nga pala akong nabitbit na tuwalya pagpasok dito.


"E bat di ka nasagot? Lintek!"


High blood na naman ang itlog na ito, ibig sabihin okay na siya.


"Nakalimutan ko iyong tuwalya," mahinang sabi ko.


"Ano?!" sigaw niya dahil mahina ang boses ko.


Napahugot muna ako ng paghinga bago sumagot nang malakas. "Iyong tuwalya, naiwan ko riyan sa labas!"


"Nasaan ba? Bakit kasi di mo dinala?!"


"Nakalimutan ko. Pakikuha!" Wala na akong choice kung hindi ipaabot sa kanya kaysa lumabas akong hubo't hubad dito.


"Iyong naka-hanger dito sa gilid ng pader?"


"Oo!" Nagtanong pa e iyon lang naman ang nag-iisang tuwalya na naka-hanger. Iyon din iyong ilang beses niya nang nagamit, pero syempre nilabhan ko agad noong ginamit niya.


Mayamaya ay kumakatok na siya. Binuksan ko nang maliit ang pinto saka hinablot sa kamay niya ang tuwalya ko. Itinapis ko agad iyon sa aking katawan bago lumabas ng banyo.


"Di ko type mga paninda sa labas kaya nagtake out na lang ako sa Jollibee," sabi niya nang hindi tumitingin sa akin.


Nasa center table ang paperbag na may lamang take out food. Siya naman ay nakatayo lang at nakatalikod sa akin.


"Sige, mauna ka nang kumain." Tumalilis ako sa may orocan ko saka kumuha ng isusuot. Loose na t-shirt at pajama ang pinili ko. Inipit ko roon ang mga undies saka ako bumalik sa banyo.


Paglabas ko ulit ng banyo ay nakatayo pa rin siya at nakatitig sa take out food na binili niya. Para siyang tanga na hindi gumagalaw.


"Bakit hindi ka pa kumakain? Gutom ka na, di ba?"


Saka niya lang ako tiningnan nang alam niyang nakapagbihis na ako. "Hinihintay kita."


"Okay lang ako." Naupo ako sa maliit kong sofa at tiningala siya.


"Bakit? Dahil kumain ka na?" Hindi nanunumbat pero ang lakas magpalungkot ng tono niya. Parang hindi rin niya sinasadya kaya nang makitang natigilan ako ay nag-iwas siya ng paningin.


Hinila ko siya sa kamay para mapaupo siya sa sofa katabi ko. "Kakain na rin ako. Nagutom ako sa pagsa-shower."


"Wag na, kulang sa akin ito." Hinila niya ang paperbag.


"'Wag kang madamot baka maempatso ka," biro ko. Inunahan ko siyang alisin ang laman ng paperbag.


Dalawang yum burger, dalawang order ng spaghetti at dalawang chocolate drinks ang mga pinamili niya. Hinati-hati ko na iyon para sa aming dalawa. Mayamaya lang ay tahimik na kaming kumakain.


Madalas na itong mangyari kahit noong college days namin. Sanay na akong kumain na kasama siya. Mula nang maging close kami, hindi na ako naiilang na makasama siya sa pagkain.


Kahit noong college days sa Cavite, madalas siyang pumupunta sa bahay na may dalang take out food. Wala siyang pinipiling oras, kahit madaling araw, tanghali o hating-gabi. Basta kapag feel niyang mang-istorbo, dadating siya. Pero tuwing dumarating siya ay hindi niya nakakalimutan ang pasalubong na pagkain. Minsan nga, kasabay pa naming kakain si Tatay Bear.


"Matutulog ka pa ba?" tanong niya pagkatapos nguyain ang Yum Burger.


Napalingon ako sa kanya. Iniisip niya pa rin siguro iyong sinabi ni Arkanghel kanina. Knowing him, hindi niya iyon makakalimutan.


Nilunok ko muna ang spag sa bibig ko bago siya casual na sinagot. "Oo naman. Alam mo namang tulog is life."


Dinampot niya ang tissue sa mesita saka inabot sa akin. "Punasan mo bibig mo."


Kinuha ko naman ang tissue at ipinunas sa bibig ko habang nakatingin siya sa akin. Nang matapos akong magpunas ay niiling na nagbawi siya sa akin ng mga mata. "Meron pa. Ayusin mo naman punas mo."


"Yes, sir!" sarkastikong sagot ko.


Pagkatapos kumain ay magkatulong kami sa pagligpit. Siya ang naglabas ng basura. Pagbalik niya ay naabutan niya akong nakaupo sa gilid ng kama at nananalamin sa hawak kong compact mirror.


"Hoy okay ka na?" Kinabalit niya ako sa ulo.


Hinampas ko ang kamay niya. "Oo kaya pwede ka nang umuwi." Inirapan ko siya.


Naupo siya sa tabi ko. "Mamaya na pag sure na ako na di ka na iiyak."


"Hindi na nga."


Tinitingnan ko ang itsura ko sa salamin. Ngayon ko nakita ang pamumugto ng mga mata ko. Pati ang mukha ko, parang namaga. Kahit kasi pumayat na ako, siopao pa rin ang pisngi ko.


"Inorderan pala kita ng pagkain mo para mamaya. Paid na 'yun. Mga 5:00pm darating. Bago ka pumasok sa work, kumain ka muna."


Isinara ko ang compact mirror at ibinato sa sofa. "Di ka na dapat nag-abala. Ikaw na nga riyan ang bumili ng brunch e."


"Sus. Small thing."


"Hugo..." mahinang tawag ko sa kanya.


"Hmn?" Nakatingin siya sa mukha ko.


"Uwi ka na."


Pinakatitigan niya ang mukha ko.


I looked at his face and yawned. "Antok na ako."


"Okay." Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko. He was smiling but his smile didn't reach his eyes.


Gusto ko na rin talaga siyang umuwi para makapagpahinga siya at makapag-isip-isip. Alam ko na na-stressed ko siya nang husto ngayong araw na ito.


Tumayo na siya at dinampot ang phone at wallet niya sa mesa. "If anything happens, call me."


Tumango ako. Wala naman akong naiisip na pwedeng mangyari para tawagan ko siya. Pero tumango na rin ako para mapanatag siya.


Tumayo ako at pinagbuksan siya ng pinto. "Thank you."


"Thank you saan?" Nakataas ang isang kilay niya nang tanungin ako. Huminto siya sa paglabas ng pinto.


"Basta."


Natatawang lumabas na siya. "Okay, welcome."


"Welcome saan?"


"Basta rin."


"Umuwi ka na!" Inakma ko nang isasara ang pinto.


Nang tumalikod na siya papunta sa kotse niya ay saka ko na itinuloy ang pagsara sa pinto. Sinigurado kong hindi ko nakalimutang i-lock. Bumalik na ako sa kama para maghanap ng tulog.


Kahit kaunting tulog lang, okay na sa akin. Basta maipahinga ko lang ang utak at puso ko, okay na. Naging swerte naman ako dahil matapos ang ilang pagbibiling-baliktad sa kama ay nakatulog na ako.


Gabi na ako nang nagising. Hindi agad ako bumangon hanggang sa dumating ang pina-deliver na pagkain ni Hugo.


Around 6:00pm ay nagtutuyo pa lang ako ng buhok sa tuwalya. Kung dati ay ganitong oras, paalis na ako, ngayon ay ni hindi pa ako nakakapagsuklay. Parang bigla na lang akong naging makupad.


Pagkabihis ko ay 6:45 pm na nang tumingin ako sa wall clock. Hindi ako iyong tao na nali-late, kaya disappointed ako sa sarili. Umabsent na nga noong critical working day kaya na-tagged akong NCNS kahit nag-call in, tapos ngayon, mukhang mali-late ako.


Sandalas ang pinili kong isuot dahil mukhang magiging maulan ang panahon. Umulan na naman kasi kaninang tanghali kaya posibleng uulan na naman mamaya.


Paglabas ko ng pinto ay natigilan ako nang makitang nakaparada sa tapat ang kotse ni Hugo.Kailan siya dumating? Nakasandal siya sa hood ng kotse niya at basa-basa pa ang kanyang buhok. Mukhang pagkaligo ay dumiretso siya agad dito.


He glanced at his midnight black wristwatch to check the time. "Tsk! Mali-late ka na, Susana!"


Humakbang ako palapit sa kanya. "Bakit ka nandito?"


"Hatid kita sa work."


"Hindi na."


Kinuha niya ang shoulder bag ko at sinukbit sa kanyang balikat. "So sayangin na lang natin pagbyahe ko rito?"


Pumasok na ako sa kotse niya dahil mali-late na rin ako. At least hindi na ako maglalakad palabas at mag-aabang ng jeep. Kapag pa naman maulan-ulan ay pahirapang sumakay. Mukha ring wala siyang balak na palusutin ako ngayon.


Nakalampas na kami sa Rosario, Pasig nang mag-blink ang ilaw sa phone niya na nasa phone holder sa dashboard. Nabasa ko ang sender, NDRRMC. Text alert.



Nilingon ko si Hugo. "Wala ka bang GF ngayon kaya tina-tyaga mo na naman ako?"


Dapat may babae siya ngayon para may pinagkakaabalahan siya. Gusto ko may babae siya, ewan ko pero ganoon ang gusto ko.


Nagkamot siya ng kilay muling inihawak ang kaliwang kamay sa manibela. "Matagal na kong huminto. Ikaw lang 'tong ayaw maniwala."


"Okay, bat ka huminto? Bakla ka na?"


Talagang nilingon niya ako para lang tingnan nang masama.


Napanguso ako. "Baka lang kasi narealized mong boy rin pala gusto mo..."


"Susana," mariin niyang bigkas sa pangalan ko na may pagbabanta.


"Sorry..." Umayos ulit ako sa pagkakaupo.


Hindi ko alam kung bakit mas okay sa akin na alam kong kali-kaliwa ang mga babae niya. Kahit pa palagi ko siyang pinagsasabihan ay mas panatag ako kapag nambababae siya.


But now he stopped womanizing because he got tired of that lifestyle. Ayaw niya na. Noon pa. Kung kailan siya huminto, hindi ko sigurado.


Bakit nga ba dinala ko ang usapan sa mas mapapalalim kami? Napayuko ako. Umiwas. Inabala ko ang sarili sa pag-aayos ng strap ng dala kong bag. Binuksan ko ang zipper para i-check kung nakapagdala ba ako ng payong dahil baka may bagyo na naman. Nang makitang nasa ibabaw lang ng aking mga gamit ang foldable umbrella ko ay tumingin naman ako sa labas ng bintana ng kotse. Pinanood ko ang mga kasabay naming sasakyan sa daan.


"How about you?"


Ayaw ko na sanang magsalita nang magtanong siya. Nagpakawala ako ng buntong hininga bago tamad na sumagot. "Anong ako? Alam mo naman na noon pa ang sagot diyan sa tanong mo."


"Do I?"


Hindi ko na siya nasagot pa dahil nakarating na kami sa kanto ng Medical City. May daan din kasi rito papunta sa building ng office ko.


"Dito ka na lumiko. Sa may gilid ng Medical City na lang ako bababa. Bibili pa kasi ako sa Mcdo ng coffee float."


Hindi talaga ako bibili. Tagtipid ako ngayon. Lumiko naman na si Hugo papuntang Medical City. Sa gilid ng daan siya huminto.


"Thank you sa paghatid." Nilingon ko siya at nginitian. Sinikap kong siglahan ang boses ko. Ayaw kong maghiwalay kami na may mga isipin.


Tahimik siyang nakasandal sa upuan. Hindi siya nakatingin sa akin. Wala siyang balak tumingin.


Masigla pa rin ang boses ko nang magsalita ulit. "Ingat ka sa pagda-drive, ha? Text ka pagkauwi mo. Ay, wag na pala kasi wala akong load. Di rin kita mare-reply. Saka mukhang sa locker mabubulok ang phone ko dahil baka mag-OT or double shift ako!" Tinapik ko siya sa balikat. "Basta ingat ka and thanks ulit! Ge, bye-bye!"


Bumaba na ako agad kahit alam ko namang hindi na siya magsasalita. Tinawid ko ang kalsada patungo sa RCBC Tower 2. Hindi na ako nagpayong dahil ambon lang naman.


Mabibilis ang mga hakbang ko palayo sa kotse ni Hugo. Kahit siniglahan ko pa ang boses ko, hindi siya tanga para hindi malaman ang gusto kong mangyari.


Okay na ring isipin niyang magdo-double shift ako para hindi muna siya pumunta sa apartment ko. Saka para hindi niya rin muna ako contact-in, just in case. Kailangan ko munang maging salbahe para lang maiayos ko ang takbo ng isip ko.


Hindi ko na rin sasagutin ang mga text and calls ni Art. Siguro naman huli na rin naming pagkikita ni Arkanghel ang paghatid niya sa akin kaninang umaga. Hindi na ulit kami magkikita kaya sana maging okay na ako.


Hindi maganda ang nangyayari sa akin, naguguluhan ako at nawawala sa balanse. Hindi pwede ang ganito dahil masisira ang disposisyon ko.


Ibinalik ko na ang aking nanlalabong paningin sa daanan papunta sa building na pinapasukan ko. Mahinay akong naglakad kahit pa alam ko namang mahuhuli na ako sa trabaho. Mabigat ang pakiramdam ko, katulad ng pamimigat ngayon ng mga mata ko.


Matatag naman ako pero minsan, kapag sobra na, kumakawala talaga lahat nang pagpipigil ko. Maiiyak na lang talaga ako kahit pa ayaw ko.


Pagkalampas ko ng McDonald's resto na nasa baba ng building ay may tumawag sa akin. "Miss, payong mo nahulog!"


Napatingin ako sa bag ko na hindi ko pala naisara ang zipper. Nakalaylay pa ang isang strap sa balikat ko kaya pati ang ibang gamit ko ay nasa bingit na nang pagkalaglag. Mabilis kong inayos ang strap.


"Thank you." Palapit ako sa tumawag sa akin para kunin ang payong ko nang biglang may nauna nang kumuha sa payong.


"Thanks."


Naiwan sa ere ang nanigas kong kamay nang tingalain ko ang lalaking kumuha sa payong ko. He's wearing a black t-shirt and a pair of dark jeans, his hair was a little messy, and he smelled so freaking good.


"Do you have a minute?" tanong niya sa malamig pero magaan na boses.


Hindi ako makasagot. Nakatingin lang ako sa kanya habang hindi ko maiwasang samyuhin ang kanyang amoy. Para akong nakapag-kape dahil luminaw ang isip ko. His scent was fresh, earthy scents that are layered and rife with sophistication and natural sensuality. It was intoxicating.


"I've been waiting here for almost two hours now so I guess it's fair if you could give me a minute or two." Salubong ang makakapal niyang kilay ngunit malamlam ang kulay abo niyang mga mata.


"Arkanghel, bakit ka nandito?" hindi makapaniwalang sambit ko habang nakatingala sa kanya.


Nawala ang pagsasalubong ng mga kilay niya nang mapatitig siya nang matagal sa mukha ko. "Are you crying?"


Napakurap ako sa gulat dahil ang lamig sa tono ng boses niya ay napalitan na ng pag-aalala nang marinig ko ulit siyang nagsalita.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top