Chapter 26

"TAHAN NA..."


Nakatulala ako habang nasa loob ng mahigpit at mainit na yakap ni Hugo.Nang matauhan ay pinilit kong makawala sa kanya. Itinulak ko siya. Hindi naman siya nagmatigas. Kusa niya akong binitiwan matapos niyang mapatitig sa luhaan kong mukha.


"Magsasaing na ako..." Tinalikuran ko na siya.


Hindi naman na siya nangulit. Hindi rin humabol sa kusina. Parang may iniisip siya.


Buong oras na nagluluto ako ng tanghalian ay nasa sala lang si Hugo. Hindi siya nagpapasaway. Nakaupo lang siya roon nang tahimik. Hanggang sa dumating ang mommy niya at mag-usap saglit ni Tatay Bear ay hindi na ako kinulit ni Hugo.


Nang umalis na sila ay umakyat na rin ako sa itaas, sa kwarto ko. Doon ako tumulala habang naghihintay sa wala.


Iniisip ko kung ano ba ang nagawa kong mali sa mga tao at bakit parang lahat sila ay pinagkakaisahan akong saktan?


Si Arkanghel, ano na bang nangyayari sa kanya? Bakit parang bigla na lang siya nawala? Ibig sabihin ba nito ghosted na ako?


Namumugto ang mga mata ko kinakagabihan nang makabuo ako ng desisyon. Ayokong mag jump into conclusion agad-agad kaya ako na mismo ang aalam ng sitwasyon.


Kinabukasan ay nadatnan ko si Tatay Bear sa sala na tahimik na nakatulala. "Saan ka pupunta?" tanong niya sa akin nang makitang bumaba ako ng hagdan na nakabihis ng pang alis.


Nakakulay pink akong crop top tshirt, faded fitted jeans, at flats na sandals. Nakatali lang ang buhok ko paitaas at wala akong ibang dala kundi maliit na bag. Wala na rin pala akong suot na fake braces. Inalis ko na.


"Dadalawin ko po si Arkanghel sa Manila," sagot ko sa mahinang boses.


Inaasahan ko na pipigilan niya ako pero nakapagtataka na hindi ganoon ang nangyari.


Lumapit ako sa kanya at yumakap. "May pagkain po sa ref... Iinitin na lang po. Uuwi po ako agad..."


Tumango si Tatay Bear. "Mag-ingat ka..."


Magaan ang loob ko na umalis ng bahay namin sa Cavite. Sa pag-uwi ko, kami naman ni Tatay Bear ang mag-uusap.


Hawak ko ang address na kinopya ko sa journal ni Arkanghel bago siya umalis. Alam ko kasi na darating ang araw na dadalawin ko siya kaya nag-ready na ako.


Kabado ako na lumuwas ng Manila pero wala akong choice. Miss ko na siyang lintek siya. Kahit pa pinabayaan niya na ako at kinalimutan niya na ang promises niya sa akin, kailangan ko pa rin siyang hanapin. Para kung talagang ayaw niya na sa akin ay magkalinawan na kami...


Closure kumbaga. Para naman hindi ako tangang umaasa na babalik pa siya.


Mapait akong napangiti sa kawalan. Oo mahirap at masakit talaga.


Gusto ko lang talagang malaman kung saan ako nakalugar...


Kung may lugar pa nga ba ako...


Dalawang oras ang layo ng byahe ko. Wala namang gaanong traffic at naka-taxi ako mula Baclaran hanggang sa QC. Gumastos talaga ako para naman hindi maubos ang oras ko sa paghahanap ng lugar niya. Saka para rin hindi ako gaanong wasted pag nagkita na kaming dalawa. Magda-dalawang buwan na kaming hindi nagkikita kaya gusto ko namang makita niya akong fresh kahit mataba.


Baka kasi ito na iyong last...


Pero umaasa pa rin ako na hindi. Sana hindi. Sana hindi pa.


Sana wala pang iba. Sana hindi niya ako niloloko habang nandito siya.


Sana lang talaga hanggang ngayon ay ako pa rin...


Sana may paliwanag kung bakit bigla siyang nanlamig sa akin...


Sa loob ng isang exclusive subdivision ako ibinaba ng taxi. Sa mismong tapat ng malaking bahay kung saan naroroon si Arkanghel. Nang nasa tapat na ako ng gate ng mansiyon ay hindi na ako makagalaw. Para akong hihimatayin sa kaba. Pinangangapusan ako ng paghinga.


May sumilip na guwapo at matangkad na teen ager na lalaki mula sa gate. Hindi siya mukhang guard kaya siguro isa siya sa mga amo sa loob. Nang makita ako ay ngumiti siya. "Ano yun, Chubby?"


Napasimangot agad ako. Oo alam kong chubby ako, pero bakit kailangan pang ipagdikdikan?! Ganitong gutom ako sa byahe ay baka kainin ko siya nang wala sa oras!


Natawa ang lalaki sa loob ng gate. Mukhang tulad ng Anghel ko ay pilyo siya. 


"Sorry na. Pwera biro, maganda ka. Ano bang atin?" Binuksan niya ang gate at lumabas siya para harapin ako.


Wala man lang siyang ingat nang pagbuksan at harapin ako? Ni hindi niya man lang muna tiniyak kung mambubudol pala ako.


"Hinahanap ko si Arkanghel. Dito siya nagwowork, di ba? GF niya po ako." Nangopo ako dahil malamang na isa siya sa amo ni Arkanghel. Kailangan ko siyang galangin kahit pa mukhang high school pa lang siya.


"Ikaw pala ang joker e!"


Nagsalubong ang mga kilay ko. Mataba lang ako pero hindi ako joker. Saka hindi mataba si Joker.


Ngiting-ngiti pa rin ang lalaki. Sa malapitan ay hindi lang siya basta guwapo, mukha rin siyang maloko. "Oo dito nga si Arkanghel. Dati siyang guard dito pero di na ngayon."


Hindi na siya guard dito? Na-promote na ba si Arkanghel? Kaya ba siya busy dahil promoted na siya?


"Last month pa," dagdag ng lalaki. "Ikaw ba yung sinasabi niyang sister niya sa Cavite? Description niya kasi, malusog daw pero maganda ang kapatid niyang babae."


Napanganga ako. Ako? Kapatid ni Arkanghel? Siraulo ba 'to?


"Tama nga si Arkanghel, mabiro ka. Sussie, right?"


Wala sa loob na napatango ako kahit pa naguguluhan ako sa sinasabi niya. Hindi ko maintindihan kung bakit kapatid ang pakilala ni Arkanghel sa akin.


Sumeryoso siya. "Sussie, siguro kaya ka nandito dahil alam mo nang ikakasal na siya? Nagulat ka siguro, no?"


"Ikakasal?" Lalo akong napanganga. Pakiramdam ko ay binabangungot ako.


"Oo. Engaged na siya sa anak ng kaibigan ni Daddy." Inilahad niya ang palad niya sa akin. "By the way, ako nga pala si Artemi."


Hindi ko na masyadong makita pa ang nakangiti niyang mukha dahil namalayan ko na lang na umiiyak na ako.


Nagpanic naman siya nang makita akong luhaan. "Sussie, okay ka lang?"


Ang lahat ng pagod ko sa byahe at lahat ng bumabagabag sa akin nang makalipas na mga araw ay nagsama-sama. Nahilo ako bigla.


Marahan akong umiling. "H-hindi... Hindi ako okay..." kasabay niyon ay ang aking inaakalang pagbagsak ko sa sementadong sahig. Pero hindi iyon nangyari...


Dahil nasalo ako ni Artemi. Bumukas ang gate at isang pamilyar na boses ang narinig ko bago ako mawalan ng ulirat.


"Sussie?!"


Hindi ko alam kung gaano katagal akong naidlip.


Hindi ko alam kung sino ang bumuhat sa akin.


Basta malambot ngayon ang kinahihigaan ko, at malamig at mabango ang paligid.


Mga mahihinang usapan sa paligid ko ang dahilan kaya ako naalimpungatan bagamat pinili ko na wag munang dumilat.


"She's not the sister you are talking about, right? Patay na iyong kinilala mong kapatid dahil nasagasaan siya. Iyon ang report na natanggap namin kahapon from our hired investigator. Now, bakit ka nagsinungaling?"


"Sorry..." mahinang boses ni Arkanghel.


Bakit siya nagso-sorry? 


Saka ano ba iyong sinasabi ng kausap niyang babae? Bakit galit ang tono nito? Ano bang nangyayari?


Muli ay boses ng babae ang naulinigan ko. "Are you protecting this girl kaya pinapalabas mong siya iyong kinilala mong kapatid sa Cavite?"


Walang sagot.


"Sino ba ang babaeng ito? Bakit ka niya pinuntahan dito?"


Marahan akong nagdilat ng mata.


"She's awake," maaligasgas na boses ng matangkad at guwapong lalaki na nasa gilid ng kinahihigaan ko. Katulad ni Arkanghel ay nagtataglay siya ng kulay abong mga mata.Nasaan ba ako?


Nilingap ko ang paligid at natagpuan ko si Arkanghel na nakatayo kaharap ang isang magandang babae na sa tingin ko'y ang edad ay nasa early 40's. Singkit at walang kangiti-ngiti ang mga labi.


Naguguluhang ibinalik ko ang paningin ko kay Arkanghel na ngayon ay hindi makatingin nang diretso sa akin.


Lumapit sa akin ang babae. "What's your name?"


Napalunok ako bago sumagot. "Susana Alcaraz. Sussie na lang po..."


"Alcaraz," matabang na ulit niya sa apelyido ko.


"Ingrid," saway sa kanya ng lalaking kasing kulay ang mga mata ng mga mata ni Arkaghel.


Lumapit sa akin ang babae. "Ako naman si Ingrid. Mrs. Ingrid Uytengsu-Wolfgang. Ipapahanda ko ang kotse na maghahatid sa 'yo pauwi ng Cavite. Pwede mong sabihin sa father mo ang pangalan ko kapag tinanong niya kung sino ang may ari ng kotseng nagpahatid sa 'yo."


Napalunok ako. Hindi ko alam kung imagination ko lang ba na parang galit sa akin si Mrs. Wolfgang.


"Art!" sigaw niya.


Sumilip sa pinto ang binatang nakita ko kanina sa gate. Iyong Artemi ang pangalan. "Yes, Mom?"


"Samahan mo si Sussie sa garahe!"


"Ah, uuwi na siya?" Nagtatakang napatingin sa akin si Artemi. "Akala ko mag-stay siya?"


Wala namang nagtangkang sumagot kay Artemi. Nilapitan niya na ako.


"Sussie, uwi ka na raw!"


"Ha?" Nilingon ko si Arkanghel. Gusto ko sanang kausapin pa siya pero hindi siya sa akin nakatingin.


Nang hilahin na ako ni Artemi palabas ng mansiyon ay wala na akong nagawa kung hindi sumunod na lang.


Bakit ganoon?


Bakit hindi ako kinakausap ni Arkanghel?


Bakit hahayaan niya akong umuwi nang hindi man lang kami nagkakausap?


"Sussie, tara na," tawag ni Art sa akin nang pahinto-hinto ang mga lakad ko.


Marahan ko siyang tiningala. "Art, iyong sinabi mong ikakasal na si Arkanghel, totoo ba iyon?" nanghihinang tanong ko sa kanya.


Tumaas ang isa niyang kilay. "Ewan."


"Ha? Anong ewan?" gusto ko nang maiyak. "Sabi mo kanina di ba na ikakasal si Arkanghel sa anak ng kaibigan ng daddy mo!"


"Ewan. E kasi dapat ako iyon." Bahagya siyang sumimangot. "Ang kaso, bumalik na si Kuya Aki sa amin."


Kuya Aki?


"Dahil nandito na nga ulit si Kuya Aki, siya na iyong ipapakasal nina Daddy roon sa friend niya na business partner din sa negosyo. Pero hindi pa naman ngayon. Sa future pa. Kumbaga, kasunduan pa lang sa ngayon."


Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya. Saka bakit kailangang si Arkanghel ang ikasal sa kung sino man iyon?


"Tsk. Okay lang naman e. No hard feelings." Tumingin sa akin si Artemi. "Ang kaso ex ko iyong fiancee ni Kuya Aki. Haist in love pa pati iyon sa akin."


Naguguluhan pa rin ako habang nakasunod sa kanya. Nang nasa garahe na kami ay may tinawag siyang driver. Mayamaya ay huminto ang isang pulang kotse sa harapan namin.So this is it? Uuwi na talaga ako? 


Uuwi na lang ako nang hindi nalilinawan? 


Uuwi na lang ako na nasasaktan?


"Uuwi na ba talaga ako..." sambit ko.


"Ingat, Sussie!" Ngumiti si Artemi. "Dalaw ka pag may time ka."


Urong-sulong naman ako. Umaasa pa rin ako na baka naman humabol iyong taong inaasahan ko...


Baka naman may paliwanag siya sa lahat ng ito...


Baka hindi niya ako matiis...


Pasakay na ako ng kotse nang mapalingon ako sa pinto ng mansiyon. Naroon si Arkanghel at nakatayo paharap sa amin. Bumilis ang tibok ng puso ko.


"Arkanghel..."


"Mag-ingat ka," iyon lang ang sinabi niya pagkatapos ay tumalikod na siya.


Iyon lang. 


Ganoon lang. At siguro iyon na rin ang sagot sa mga tanong ko. Kahit hinang-hina ang pakiramdam ay pinilit ko na lang na makapasok sa loob ng kotse. Para makauwi na sa Cavite.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top