Chapter 25

"KUMUSTA KA NA?"


Matagal bago siya sumagot. Kasing tagal nang pagsagot niya sa call ko. "Okay lang. Ikaw?"


"O-okay lang din..." Pumiyok pa ako. Naiiyak na kasi ako.


"Kumain ka na?" simple lang iyong tono niya. Dry.


"Oo. Ikaw?"


"Oo."


Tapos iyon na. Ganoon lang. Ganito palagi.


Gusto ko siyang tanungin kung pagod ba siya? Kasi parang pagod siya. Parang palagi siyang pagod. Parang mas gusto niya na lang magpahinga dahil sa tono ng boses niya at sa iksi ng mga sagot niya. Kung tatanungin ko siya, ano kayang isasagot niya? Maiksing oo o hindi? Wag na pala magtanong, parang balewala lang rin naman.


Pagod din naman ako, ah? Maaga akong nagigising dahil katulong ako ni Tatay Bear sa tindahan sa tapat ng bahay namin. Tapos sa tanghali, nagluluto ako ng tanghalian namin, tapos maghuhugas ng pinagkainan. Sa hapon, inaasikaso ko ang mga orders sa akin sa online shop ko. Sa gabi naman pagkatapos kong magluto at maghugas ng kinainan ay nag-aaral ako. Pagod din ako.


Pagod ako pero gusto ko pa ring maglaan ng time sa kanya.


Narinig ko ang pagtikhim ni Arkanghel. "Sussie, tulog ka na. Gabi na."


Nakagat ko ang ibaba kong labi. Alam ko namang gabi na. Gabing-gabi na pero heto at nagtitiis ako ng antok para lang makausap siya.


"Sige tulog na ako," mahinang sabi ko. Hindi ko na naitago ang pait sa boses ko.


"Sussie."


Pinakinggan ko ang magaan at mababa niyang boses habang binibigkas ang pangalan ko.


"Sorry. Masyado lang talagang maraming nangyari e. Marami akong pinagkakaabalahan..."


"Ayos lang," sinikap kong pasayahin ang boses ko. Kaht paano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil medyo mahaba-haba ang sinabi niya. Kahit paano kasi, nag-explain siya.


"Natanggap mo ba iyong pinadala kong chocolates sa 'yo?"


"Oo. Salamat. Pero sana hindi mo na pina-Grab, ang mahal nun. Pwede namang ipaship mo na lang e..." O kaya sana hindi ka na nag-abala.


"Sige, padalhan ulit kita."


"Wag na..."


"Okay..."


Patay na patay ang usapan namin. Noong mga unang araw akala ko, nagkakapaan lang kami. Ngayon, hindi ko na alam e.


"Pwede bang magrequest?" alanganing sabi ko.


"Hmn? Ano?"


"Uhm, pwede bang magvideo call tayo ngayon? Kahit saglit lang?"


Grabeng miss ko na kasi siya. Grabeng gusto ko na ulit siyang makita. Akala ko kapag nasa Manila na siya ay gabi-gabi kaming magv-video call pero hindi naman iyon nangyayari. Kahit nga call, sobrang bihira.


Matagal na walang sagot si Arkanghel hanggang sa nawala na siya sa kabilang line. Siguro nakatulog na naman siya. O baka ayaw niya na akong makita. Ang sakit. Parang gusto ko na talagang umiyak.


Mahihiga na ako sa kama nang biglang magring ang messenger ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang nagre-request siya ng video call.


Nanakbo muna ako sa dresser ko para maglagay ng lip tint sa labi bago ko in-accept ang request ni Arkanghel.


"Musta?" Nakahiga siya at gaya kanina, namamalat ang boses niya.


Ang tagal ko na nakatitig lang sa kanya. Nasa kama siya. Nakataas ang phone sa mukha, ang isang braso ay nakapatong sa noo niya. Ang lapit-lapit niya sa cam kaya kitang-kita ko siya. Kitang-kita ko kung gaano kaganda ang mga mata niya, katangos ang ilong niya at kapula ang mga labi niya.


Mukhang nahiyang siya sa Manila. Ilang linggo pa lang, pumuti na siya. Tapos parang mas lalo siyang kuminis. Ang guwapo-guwapo niya lalo. Gusto ko na talagang maiyak sa sobrang pagkamiss sa kanya.


"Huy..." bahagya siyang natawa sa pagkatulala ko.


"Hello..." nahihiyang sabi ko. Pasimple kong hinawi ang buhok ko na wrong move kasi lalong nakita iyong pisngi ko.


Wala nang nagsalita pa sa amin. Nakatingin na lang kami sa isat-isa.


Pigil na pigil ko ang emosyon ko sa buong sandali na ka-video call ko siya. Mas lalo ko lang siyang namiss. Mas lalo akong nangungulila sa kanya. Marami akong gustong sabihin pero wala na talagang salita na lumabas mula sa bibig ko. Hanggang sa matapos na ang video call.


Nahiga na ako sa kama at tumulala. Dito ko na hinayaan ang mga luha ko na kumawala. Bakit kasi ganoon? Bakit pakiramdam ko talaga, may nagbago na?


"Aga-aga, nakasimangot ka," boses na galing sa gate.


Inilapag ko sa gilid ang hawak kong walis ting-ting at hinarap si Hugo na basta na lang binuksan at pumasok sa gate namin. Ipinasok niya rin sa maliit naming bakuran para doon i-park ang gamit niyang Aerox. Ngayon na lang siya ulit nagawi rito. Siguro nahihiya sa ka-abnormalang ginawa niya noong nandito pa si Arkanghel.


"Wala namang kalat, nagwawalis ka?" Namulsa siya sa suot na cargo shorts. Sa pang-itaas ay navy blue na plain shirt ang suot niya, may maliit lang na logo sa gilid. Ralph Lauren.


"Pakialam mo? Bakit ka ba nandito?" Tinalikuran ko na siya at pumasok na ako sa loob ng bahay. Hindi ko na siya niyaya dahil feel at home naman siya, sure na papasok naman siya mag-isa.


Totoo nga. Hayun, kasunod ko siyang pumasok. Dire-diretso siya sa kusina namin.


"Painom, ah?" Nagpaalam siya pero hawak niya na iyong pitsel na kinuha niya mula sa ref.


Naupo ako sa sofa at humalukipkip. "Tulog pa si Tatay Bear dahil masakit ang ulo niya. Bakit ka ba nandito?"


Lagi na lang masakit ang ulo ni Tatay Bear kaya ako lang ang nagbabantay ng tindahan namin maghapon. Mayamaya ay magbubukas na ako.


"Oy!" Namilog ang mga mata ni Hugo nang makita ang mga chocolates ko sa ref. "Binili mo lahat ito? Napakatakaw mo naman talaga!"


Natigilan ako. Iyong mga chocolates na iyon ay mga padala ni Arkanghel sa akin noong first two weeks niya sa Manila. Halos araw-araw, may dumarating na chocolates, pero simula noong katapusan, hindi na iyon nasundan. Hindi na siya nagpadala pa ng kahit ano pa man.


Maski text... wala na rin.


Siguro busy lang. Siguro marami na siyang ginagawa kaya hindi niya na ako natatawagan o naite-text man lang. Pinili ko na lawigan na lang ang pang-unawa ko. Baka kasi talagang marami lang ginagawa sa Manila. Baka talagang busy. Iniintindi ko na lang.


Pero kumusta na kaya siya?


Namimiss ko na siya...


"Hoy, taba!" boses ni Hugo na sumira sa pag-iisip ko. "Wag kang mag-alala, hindi ko kukuhanan iyong chocolates mo!"


Tiningnan ko siya nang masama.


"Bakit ba ang suplada mo?" Bumalik siya sa sala na bitbit ang baso na iniinuman.


Bakit ba kasi nandito siya? Nagse-senti ako tapos dadating-dating siya para mambwiset.


Pabalandra siyang naupo sa sofa kung saan din ako nakaupo. "Si Arkanghel pala? Nasaan? Nasa bodega ba nagpapalaki ng itlog?"


"Wala na siya rito!" iritang angil ko.


Napatitig siya sa akin. "Weh? Nasaan?"


"Nasa Manila na!"


"Ayos, ah!" Tumango-tango siya.


"Bakit ka ba kasi nandito?"


"Manliligaw."


"Ha?"


"Joke lang. Asa ka naman!"


Inis na binato ko siya ng nahawakan kong pillow case, nasalo niya naman iyon. "Hindi ka nakakatuwa! Magpapasukan na next week kaya umuwi ka na dahil marami pa akong gagawin!"


Sumandal siya sa sofa at itinaas pa ang mga binti sa center table. "Ayoko. Sabihin mo muna sa akin kung bakit ka nagba-blush."


Ako nagblush? Saan? Sa sinabi niyang liligawan niya ako? Ew!


Patakbo kong tinungo ang hagdan. "Umuwi ka na sa inyo! Iyong mommy mo na lang bwisiten mo, wag ako!"


"Mas masarap kang bwisiten e!"


Nanakbo na ako paakyat, hindi ko na siya pinansin kahit ang kapal ng mukha niya dahil nagsisisigaw pa siya. Ni hindi niya iniisip na baka naririnig siya riyan ni Tatay Bear.


"Hoy Susana, tutal wala na si Arkanghel, tyagain mo muna ako. Malay mo, mafall ako sa 'yo. Swerte mo naman nun!" huling sigaw ni Hugo kaya ibinagsak ko ang pinto sa kwarto ko dahil sa sobrang gigil ko.


KINABUKASAN, nakatitig pa rin ako sa screen ng phone ko. Dalawang tao ang inaabangan kong makakaalala sa akin... una si Arkanghel dahil worried na ako sa kanya. Ang titipid ng last naming pag-uusap tapos hindi na siya nagpaparamdam ngayon. Pangalawa naman si Carlyn na unreachable na naman. 


Masyado ba silang busy?


Sana man lang i-update nila ako kung ano na ang nangyayari sa kanila? Kung humihinga pa ba sila?


Bumangon ako sa kama at pinakatitigan ang phone ko. Baka naman kasi may sira na ito kaya hindi ako maka-receive ng message and call? Possible iyon.


Pero hindi e. Nakareceive pa kasi ako ng text kay Tatay Bear kaninang tanghali na hindi muna kami magbubukas ng maliit naming tindahan sa harapan ng bahay namin dahil magpapahinga raw siya sa kwarto niya. Lately ay nagiging pagurin si Tatay Bear at parang may malalim din siyang iniisip.


Napabuntong-hininga ako. Hay, ano bang nangyayari sa mga tao sa paligid ko? Ang hihirap nilang intindihin.


Inis na inilapag ko ang phone ko sa kama saka ako tumayo. Five pm na at hindi pa ako nagmemeryenda, ikakain ko na lang muna itong mga gumugulo sa isip ko. Kakain na lang muna ako para mabusog.


Nagpalit ako ng t-shirt bago bumaba sa sala. Ang tahi-tahimik. Walang makulit, walang pa-cute kasi wala na nga rito si Arkanghel.


Pumunta ako sa kusina at nagpalaman ng peanut butter sa natirang pandesal noong almusal kanina. Habang ngumunguya ay kumalansing ang bakal na gate namin mula sa labas.


Nilunok ko ang nasa bibig kong tinapay saka lumapit sa pinto ng sala. "Sino 'yan?!"


Nang masilip ko sa nakabukas na jalousy ng bintana namin ang nakapark na Aerox sa loob ng garahe namin ay napasimangot agad ako.


Pabalandra kong binuksan ang pinto. "Ano na naman?!"


Gulat na napalingon sa akin si Hugo na katatapos lang ilock ang dalang motor. "Bat ba nanggugulat ka, taba?!"


Pinamewangan ko siya. "Ikaw pa talaga galit?! Ikaw na nga 'to diyang trespassing at feel at home riyan! Ang kapal talaga ng mukha mo!"


Humakbang siya palapit sa akin. Kahit isang dipa pa ang layo niya ay nalalanghap ko na ang mamahalin niyang pabango. Parang CK. Naamoy ko rin ang aftershave na gamit niya. Hindi ako sure sa brand pero mabango rin kahit medyo pawisan siya dahil nagmotor siya sa labas.


"Hoy taba, bat nanlalaki butas ng ilong mo?"


"Ambaho mo kasi!" pagkasabi'y tinalikuran ko na siya.


"Excuse me?!" Humabol siya sa akin hanggang sa loob ng sala.


"May gagawin ako, Hugo." Itinuro ko ang pinto. "Umuwi ka na sa inyo utang na loob! Mangangayayat ako sa inis sa 'yo!"


"Iyon nga ang plano. Mangayayat ka!"


Nanulis ang nguso ko sa inis. Tapos ewan ko sa kanya kung bakit sa nguso ko siya nakatitig.Mayamaya ay nag-tsk siya saka sumandal sa pader na katabi ng pinto.


Umiwas siya ng tingin bago nagsalita. "Susunod si Mom dito mamaya. Dito kami magla-lunch sa inyo kaya magsaing ka na."


Aawayin ko pa siya nang walang patid nang may sumigaw mula sa labas.


"Tao po? Andres Alcaraz?"


Nagkatinginan kami ni Hugo.


"Ako na." Siya ang pumunta sa bintana para silipin kung sino ang tao sa labas. "Ay tangina, pulis!"


"Ha?" Hindi ako nakatiis kaya sumunod ako sa pagsilip. Pulis nga ang nasa labas.


"May ninakawan ka ba ng pagkain?" tanong niya sa akin.


"Gago ka ba?!"


"Teka, wag ka nang lumabas. Ako na." Pumunta siya sa pinto para harapin ang pulis na nasa labas ng gate namin. "Sino po kayo? Ano pong kailangan niyo kay Mang Andres?"


Wow nangongopo. Parang totoong mabait.


"Good afternoon, 'toy!" sagot ng pulis na nasa labas. "Kaibigan ako ni Andres. May kailangan lang akong sabihin sa kanya. Nandiyan ba siya ngayon?"


Lumingon sa akin si Hugo na parang hinihintay ang pasya ko. Dahil pakiramdam ko ay importante ang sadya ng pulis kaya tinanguan ko si Hugo. "Gigisingin ko muna si Tatay Bear."


Nanakbo ako sa kwarto ni Tatay Bear at kinatok siya. Tatlong katok lang nang papasukin na ako sa loob. Pagkabanggit ko pa lang ng may pulis na naghahanap sa kanya sa labas ay tumayo na agad si Tatay Bear. Inalalayan ko naman siyang lumakad papunta sa sala kahit pa may saklay naman siya.


Pinapasok na ni Hugo ang pulis. Naupo kaming ni Hugo sa sofa nang pandilatan kami ni Tatay Bear.


"Kayong dalawa, sa taas muna kayo."


"Tatay Bear!" Nanlaki ang mga mata ko. Anong gagawin namin ni Hugo sa itaas? Sa kwarto ko?!


Nang marealized naman ni Tatay Bear ang inuutos niya ay napangiwi siya. "Sige, doon muna kayo sa likod-bahay. Ano, kuwan, mag-uusap lang kami ni kumpadre."


Aalma pa sana nang hilahin na ako ni Hugo sa braso. Hinila niya ako hanggang sa kusina."Ano ba?!" Binabawi ko ang kamay ko sa kanya pero ayaw niyang bumitiw.


Kinaladkad niya ako hanggang sa makalabas kami sa likod-bahay. Ang lakas niya kaya hindi man lang ako nakawala.


"Tangengot ka ba?" gigil na hinarap niya ako. "Obvious naman na pinapaalis tayo ng Tatay Bear mo dahil may pag-uusapan silang importante e."


Inis na itinulak ko siya nang bitiwan niya na ako. "E gusto kong malaman kung ano iyong pag-uusapan nila!"


"Magtigil ka! Ang taba mo na nga, chismosa ka pa—aw!" Nahinto siya sa pagsasalita dahil tinadyakan ko siya sa paa.


"Amazona ka talaga!" Nakangiwing dinuro niya ako.


"Bagay lang 'yan sa 'yo!" Tinalikuran ko siya. Lumakad ako papunta sa gilid ng bahay namin.


Nang lingunin ko si Hugo ay nakasimangot siya habang iika-ikang nakasunod sa akin.


Inirapan ko siya. "Hindi mo ako mapipigilan, makikinig ako sa usapan nila!" Yumuko ako at pinagaya siya para hindi kami makita sa bintana.


Alam kong masamang makinig sa usapan nang may usapan, pero may kakaiba kasing pakiramdam na nagtutulak sa aking alamin kung ano iyong pag-uusapan nina Tatay Bear at ng kaibigan niyang pulis. Hindi ko maipaliwanag pero may kabang bumubundol sa dibdib ko.Saka wala kasing lihim sa akin si Tatay Bear kaya nakapagtataka kung bakit ayaw niyang marinig ko ang usapan nila noong pulis na iyon.


"Wag kang maingay kung ayaw mong tadyakan kita ulit!" mahinang banta ko kay Hugo nang malapit na kami sa bintana ng sala kung saan nag-uusap sina Tatay Bear at iyong mamang pulis.At nakakatuwa dahil nanahimik nga siya. Sana always.


"Sa tingin mo okay na iyon, Andres?" boses ng mamang pulis. Napakaseryoso, nakakatakot.


Wala namang sagot na mula kay Tatay Bear.


"Tangina, Andres, pa-promote na ako e. 'Tapos ginanito mo? Pinapunta mo iyong bata roon? Anong kagaguhan iyon?"


Napatingin ako kay Hugo na ngayo'y seryosong-seryoso rin sa pakikinig.


"Toni, iyon ang dapat," napahina ng boses ni Tatay Bear.


"Paanong dapat?" Tumaas ang boses ng pulis. "Dapat ba iyong ginawa mo na pinapunta mo roon iyong bata? Ginulat mo iyong pamilya! Hindi mo ba naiintindihan? Nakamoved on na sila, pero dahil sa ginawa mo, ginising mo iyong mga galit sa puso nila. Kaya wag kang magtaka kung isang araw, may darating rito para dakpin ka—"


Hindi ko na natuloy ang pakikinig dahil kinaladkad na ako palayo ni Hugo.


"Hugo, ano ba?!" Halos magkandangudngod-ngudngod ako dahil sa walang ingat niyang paghila mailayo lang ako sa bintana.


Saka lang niya ako binitiwan nang nasa likod na ulit kami ng kusina.


"Ano ba, Hugo?! Bakit mo ba ako hinila?! Hindi pa ako tapos makinig doon!" galit na asik ko sa kanya.


Napahagod siya ng kamay sa kanyang buhok. Hindi siya makatingin sa akin.


"Hugo, ano ba?! Siraulo ka ba?!"


"Tumahimik ka!" inis na sigaw niya rin sa akin. Nang mahimasmasan ay bumuntong-hininga siya. "Sorry ikaw kasi e."


Padabog ko siyang iniwan. Pumasok na ako sa loob ng bahay.


"Susana, nag-uusap pa kami," alanganin ang tono ni Tatay Bear nang makita akong papalapit.


"Ano po bang pinag-uusapan niyo? Bakit po hindi ko pwedeng malaman?"


Napahumindig naman si Tatay Bear sa diretso kong pananalita. "Susana, ano ka ba?!"


Napatayo naman ang pulis sa sofa nang makita ako. "'Yan na ba si Sussie?"


Nangunot ang noo ko dahil sa biglang pamumutla ni Tatay Bear.


"Kamukhang-kamukha ka ni Sonia, ineng."


"K-kilala niyo po ang mama ko?"


"Oo naman." Ngumiti sa akin ang pulis na Toni ang pangalan. "Hindi mo na ako natatandaan kasi bata ka pa noon. Pero nagagawi ako sa inyo sa Bulacan dahil kaibigan ko itong tatay mo. Iisa lang kasi ang istasyon namin ng tatay mo sa Manila noon."


"Istasyon po?" ulit ko.


"Oo. Bakit hindi mo ba alam na dating pulis ang tatay mo?"


Gulat na muli akong napalingon kay Tatay Bear. "Dati po kayong pulis?"


Hindi niya sinagot ang aking tanong, sa halip ay hinarap niya si Mang Toni. "Toni, umalis ka na."


"Bakit, Andres?" Maiksing tumawa si Mang Toni. "Kung paalisin mo naman ako ay para bang wala tayong maraming pinagsamahan noon. Hindi ba nga't masaya pa tayong naghiwalay noon dahil malaki ang kinita natin sa huli nating trinabaho?"


"Toni!" Biglang tumigas ang boses ni Tatay Bear.


"Andres, hindi ko na kasalanan kung nawala ang lahat ng pera mo." Tumalim ang mga mata ni Mang Toni. "Pero malaking kasalanan na idamay mo ako ngayon. Nananahimik na ako. Maayos ang buhay ng pamilya ko, at hindi ko matatanggap na magugulo iyon dahil lang sa'yo."


"Tatay Bear, ano po bang nangyayari?" naguguluhang sabat ko sa usapan nila. Hindi ko gusto ang tono ng palitan nila ng salita, lalo na ang may lamang mga banta ni Mang Toni sa tatay bear ko.


"Sussie..." May humawak sa kamay ko. "Tara muna."


Nang lingunin ko si Hugo ay seryoso siyang nakatingin sa akin.


Umiling ako. "Hugo, kinakausap ko pa si Tatay Bear..."


"Tss mamaya na. Magsaing ka muna. Parating na si Mom."


"Babalik ako, Andres. Babalikan kita kapag nadawit ako, tandaan mo." Iyon lang at walang lingong-likod na tumalikod na si Mang Toni.


"Tatay Bear..." Nilapitan ko si Tatay Bear.


"Wala iyon, anak." Ginulo niya ang buhok ko. "Pakainin mo na lang muna si Hugo at baka hindi pa nag-aalmusal 'yan."


"Pero Tay..."


"Sige na. Si Hugo na lang muna ang asikasuhin mo." Tiningnan ni Tatay Bear si Hugo. "Ipasyal mo si Susana. Pinapayagan kita."


Nang pumasok na si Tatay Bear sa kwarto niya ay naiwan kami ni Hugo sa sala.


"Hoy taba, wala nga lang raw iyon. Wag ka nang mag-isip nang kung ano-ano riyan."


Naguguluhan ako. Ano ba iyong hindi ko alam?


At paanong hindi ako mag-iisip ng kung ano-ano? Pwede ba iyon?—


Natigilan ako nang biglang lumapit si Hugo sa akin. Nakataas ang phone niya sa harapan ko habang katabi ko siya. Nang makita kong magkatabi kami sa screen ay saka ko lang narealized na kukuha siya ng picture.


Nang tumingin ako kay Hugo ay saktong inabot niya ang pisngi ko at pinisil. Sakto ring tumunog ang shutter ng phone niya.


"Ano ba?!" gulat na naitulak ko siya.


Itinaas niya ang phone niya kung saan nandoon ang photo namin na kinuha niya. Magkadikit kami at pisil-pisil niya ang pisngi ko.


Tatawa-tawa naman siya. "Bakit bawal ka pisilin sa pisngi?"


"Burahin mo 'yan!" Nag-iinit ang mukhang lumayo ako sa kanya.


Wala naman pinagbago sa mukha ni Hugo. Naka-smirk siya tapos iyong isang kilay niya ay bahagyang nakataas. "Bakit ba ang sensitive mo, ha? Saka di ka ba happy? May picture ka na kasama ko."


"Sa tingin mo nakakatuwa?!" sigaw ko na hindi ko na namalayang napalakas na.


Gumaralgal ang boses ko at nanubig ang mga mata ko. Naguguluhan na nga ako e. Naguguluhan na ako kay Arkanghel tapos dumagdag pa itong lihim ni Tatay Bear. Ang dami-dami ko nang iniisip. 


Ang dami-dami na tapos ginaganito pa ako ni Hugo. Gulong-gulo na ako.


"Sussie..." Natigilan siya nang makitang seryoso ako at naiiyak na.


"Masyado kang papansin! Hindi ka na nakakatuwa!" Hindi ko alam kung bakit bigla na lang bumagsak ang mga luha ko. Ang lahat ng kinikimkim ko, bigla na lang kumawala.Dahil si Hugo ang nandito, sa kanya ko naibuhos ang lahat ng emosyon ko.


"B-bakit ka umiiyak, Sussie?" nauutal na tanong niya.


"Dahil sa 'yo! Dahil nababanas ako sa mukha mo dahil ang pangit mo ang pangit ng ugali mo—"Hindi na ako nakapalag nang hulihin niya ang pulso ko para hilahin ako. Namalayan ko na lang, yakap-yakap na niya ako.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top