Chapter 20

NAKATULALA LANG SI ARKANGHEL SA AKIN.


Hindi siya kumukurap. Basta nakatitig lang. Parang dinaanan ng masamang hangin. Kinakabahan tuloy ako kung bakit ganoon ang reaction niya. Mabaho ba ang hininga ko? Apat na burger at shake lang naman ang kinain ko kanina, ah?


"Arkanghel, ano ba..." Hiyang-hiya na talaga ako kahit pa kami na lang yata ang tao rito dahil nasa gate na halos ang lahat.


Bumukas-sara ang bibig niya pero walang lumabas na kahit anong salita mula roon.


"Arkanghel, ayaw mo ba?" mahinang tanong ko. Parang gusto ko na lang na maglaho rito bigla dahil sa hiya. Parang gusto ko na lang na bumuka ang lupang kinatatayuan ko para lamunin ako.


Hindi pa rin siya nagsasalita. Nakatitig pa rin siya sa akin.


Ipinilig niya ang ulo saka siya nagsalita. "Anong sabi mo kanina?"


"Ano... narinig mo naman, ah?" Umiwas ako ng paningin dahil ang init-init na ng kulay abo niyang mga mata na nakatitig sa akin. "Uhm, nagbago na ba isip mo? Uhm, s-sige ano... Wag na lang..."


"Sinagot mo na ako?"


"Uhm, ano, tara na. Tayo na lang rito o-"


"Sussie." Pinigilan niya ako sa pulso.


"Arkanghel, naman..."


"Sinagot mo na ako, di ba?" Yumuko para silipin ang mukha ko. "Di ba, Sussie? Narinig ko."


"Narinig mo naman pala, bat pinapaulit mo pa?! Nakakainis ka talaga! Nahihiya na nga ako e!" Tinabig ko ang kamay niya na nakahawak sa akin pero hindi ko naman iyong naalis.


"Sussie, wag ka munang umalis."


"Tayo na lang kasi rito e..."


Tumawa siya. "E ano?"


"Baka hinahanap na ako ni Tatay Bear..." dahilan ko.


"Ihahatid kita pauwi." Hinila niya ako sa pulso. Napasunod naman ako sa kanya.


Magkahawak-kamay kaming naglalakad. Nauuna siya sa akin kaya malaya kong napagmasdan ang magkasalikop naming mga palad. Kami na? Kami na ba talaga?


Nasa labas ng gate nakaparada ang motor ni Arkanghel. May compartment box iyon at mula roon, inilabas niya ang helmet niya. Iyong para sa akin naman ay nasa loob ng upuan. Siya ang nagkabit niyon sa akin.


"Saan tayo pupunta?"


"Stroll lang saglit."


Hindi ba siya hahanapin ng parents niya? Di ba dapat may handaan sa kanila kasi graduation ngayon? Saka si Tatay Bear, baka umuwi na iyon sa amin.


Nakatambay si Miko Pangilinan sa gate kasama ang girlfriend niya. Nang makita kami ay tinawag niya agad si Arkanghel. "Bro, punta ka samin! May handa kami! May alak pa!" yaya niya. "Sama mo si Alcaraz!"


"Pass, jol," sagot ni Arkanghel sa kaibigan.


Nang makasakay na kami ay pinakapit niya ako sa bewang niya. Sinasalubong kami ng malamig na simoy ng gabi habang nagmamaneho siya. Katulad na katulad nang angkas niya ako matapos ang prom night. Tahimik lang siya at tahimik lang rin ako sa likod niya.


Sa plaza sa tapat ng simbahan kami nagpunta. May mga tao pa sa labas kahit gabi na at wala namang misa. Sa may upuan malapit sa fountain na katapat ng munisipyo niya ako dinala.


Tahimik pa rin kami habang magkatabi sa upuan.


Nagkakatabi kami sa bench nang ilang beses na, pero iba ang pagkakataong ito. May label na.


May space sa pagitan namin at walang nagtatangka na tawirin iyon. Patay na iyong fountain pero nakakatitig kami pareho roon. Ang awkward ng pakiramdam. Kahit si Arkanghel, ramdam ko ring hindi niya alam ang gagawin o sasabihin.


Ilang minuto rin kaming ganoon lang, magkatabi sa upuan. Kontentong nakatitig sa hindi naman gumagalaw na fountain. Hanggang sa naramdaman ko na hinawakan niya ang kanang kamay ko.


Napapitlag ako sa gulat at kaba. Hindi ko alam kung naramdaman niya ba ang reaction ko.


Tumikhim ako at casual na nagsalita. "M-may mga tao pa rin, ano?" Kunwari iniikot ko pa ang paningin sa paligid. Pilit kong pinapagaan ang usapan.


Hindi naman sumagot si Arkanghel. Hindi ako makalingon sa kanya sa tabi ko dahil ramdam ko na sa akin na siya nakatingin.


"Uhm, 'galing 'no? Gabi na pero may mga tao pa rin pala talaga rito sa plaza, 'no?" Itinuro ko iyong mga dumaraang kabataan na obviously, nagagala lang. "O ayun, o. Hindi ba sila hinahanap ng mga magulang nila kasi gabi na-"


Napatigil ako sa pagdaldal nang inangat ni Arkanghel ang kamay ko at hinalikan ang likod ng palad ko.


Napalunok ako at pilit na kumalma lang kahit hindi na yata ako humihinga rito sa kinauupuan ko.


Lalo kong napigil ang aking paghinga nang umusod siya para magkadikit kami.


"Sussie..."


"Hmn?" Hindi pa rin ako tumitingin sa kanya.


"Sussie, bakit ayaw mo akong tingnan?" malambing ang boses na tanong niya.


"Ha? Hindi, ah." Ramdam ko ang pag-iinit ng buong mukha ko.


"Kanina lang ang tapang mo, ah? Hinalikan mo pa nga ako-"


"Gusto ko nang umuwi!" Bigla akong tumayo.


Ang kaso, hinila niya ang pulso ko kaya napaupo ulit ako. Sumayad pa iyong gilid ng pwet ko sa kaliwang hita niya sa biglang pag-upo ko.


"Aray!" Napabitiw siya sa akin.


"I-ikaw kasi, bigla kang naghihila riyan!" sumbat ko pero nag-aalala kasi baka talagang nasaktan siya.


Aminado naman kasi akong mabigat talaga ako, lalo na iyong legs ko.


Nakayuko lang si Arkanghel sa upuan.


"S-sorry..." Napahawak ako sa balikat niya. "Masakit ba talaga?"


Sinilip ko ang mukha niya dahil nakayuko siya.


"Sorry talaga kahit kasalanan mo naman-" Bigla niya akong hinalikan sa pisngi.


"Walang sorry-sorry," sabi niya sabay pisil sa ilong ko.


Ako naman ang napatulala sa kanya habang hawak ko ang pisngi ko na sinayaran ng mga labi niya.


"O anong feeling ng ninakawan ng halik, ha?"


Sobrang lapit ng mukha niya sa akin habang tini-tease ako.


Umayos siya ng upo at kinuha na naman ang kamay ko. Wala lang, nilaro-laro niya lang ang mga daliri ko. "Ano bang pumasok sa isip mo, bakit sinagot mo ako agad?"


Nang makahuma ay napakurap ako.


"Hindi sa nagrereklamo ako." Lumabi siya at lumingon sa akin. "Nakakagulat lang. Di ako prepared. Muntik akong atakihin sa puso."


Ngumuso ako. "OA..."


"OA na kung OA." Ngingiti-ngiti siya. "Sabi ko, hintay ka e. Anog magagawa ko, di ka na makapaghintay."


Ako naman ang napayuko.


"Sussie..." Mayamaya ay sumeryoso siya. "Hindi ko sasayangin ang oo mo."


Matagal na namayani na naman ang katahimikan. Matagal bago siya ulit nagsalita.


"Kahit tayo na, liligawan pa rin kita. Kahit tayo na, hihintayin pa rin kita."


"Thank you..." nanulas sa mga labi ko.


"Patingin nga." Hinawakan niya ako sa baba. "Ganda o."


"Ano ba?!" Naiilang na tinampal ko ang pisngi niya.


"Ang ganda ng girlfriend ko."


"Ano ba, Arkanghel..." Naiilang na natatawa ako sa ginagawa niya. Sa isang iglap, napatay niya na ang katahimikan kanina.


"Ang ganda. Mataba lang."


"Bwisit ka talaga!"


"'To naman. Jinojoke ka lang e!"


"Pwes di ka nakakatuwa!" singhal ko sa kanya. Kahit kailan talaga siya. Napakasama!


"Joke lang. Sorry na. Hayaan mo, sasamahan kita magjogging buong bakasyon-aray! Aray! Oy, kabago-bago pa lang natin, nananakit ka na-aray!" Pinagkukukurot ko kasi siya sa tagiliran.


"Tara na nga uwi na tayo!" Hinila ko siya sa tainga niya patayo.


Tatawa-tawa naman siyang sumunod. Ako naman ay pigil-pigil ang ngiti.


"Hoy, teka. Nang-iiwan naman 'to. Walang iwanan, uy." Humabol siya at umakbay sa akin. "Paakbay, ah."


"Akbay lang." Tiningnan ko siya nang matalim saka ko kumapit sa bewang niya.


And it's now official, kami na ni Arkanghel.


At the age of nineteen at si Arkanghel ay twenty, kahit mga bata pa kami, patutunayan naming kaya pa rin naming matupad ang mga pangarap namin. Hindi ko sasayangin ang tiwala ko sa kanya at sa mismong sarili ko. And of course, I will still make my father proud of me.


Inihatid niya na ako pauwi sa amin. Bago siya umalis, pinalitan niya na iyong pangalan niya sa cellphone ko from "Future Suitor" to "Baby". Hindi ko alam kung bakit ganoon. Parang tanga. Napapangiti at napapailing na lang ako.


Nakakapanibago, oo. Hanggang ngayon nga, parang nakalutang pa rin ako. Hindi ko ma-explain ang feeling.


Hindi ko pa masabi kay Tatay bear ang tungkol sa amin ni Arkanghel pero hindi ko balak patagalin. Sasabihin ko rin. Hindi ko naman kasi gusto at hindi ko rin kaya na may sekreto ako sa kanya.


Naupo ako sa sofa nang saktong magbeep ang phone ko sa bulsa ng suot kong maong shorts. Excited na ichineck ko agad iyon.


Baby:
Saan ka magka-college?


Nagtipa agad ako ng reply. Mayat-maya na kasi kaming magkatext ni Arkanghel.


Me:
CVSU. Doon ako nag-test.


Kahit pa nga pinipilit ako ni Mrs. Aguilar na roon na rin sa DLSU mag-aral para may mata raw siya sa pinagagagawa ni Hugo, itinuloy ko pa rin ang pag-eenroll sa Cavite State University, Rosario Campus. Mas okay sa akin sa di gaanong kamahalan at iyong malapit lang. Para masmaka-save ako syempre.


Me:
Ikaw, saan?


Matagal siya bago nagreply.


Baby:
Tsk ewan. Parang walang balak sina Mama na ienroll ako. Pero nakapasa ako sa PUP Maragondon.


Me:
Hala bakit naman? Baka busy lang ang parents mo?


Baby:
Busy mag-away.


Nakaramdam ako ng awa kay Arkanghel. Kung ganoon pala ay hindi pa nagkakaayos ang mga magulang niya.


Nakakalungkot lang dahil sa tuwing may gulo ang isang pamilya, ang anak palagi ang pinaka-naaapektuhan.


Nagtipa ako. Hindi ko dadagdagan ang problema ni Arkanghel. GF niya na ako kaya responsibilidad ko na pagaanin ang loob niya at suportahan siya.


Me:
Pwede ka namang magworking student. Sasamahan kita mag-enroll.


Baby:
Plano ko nga iyon. Kaya ko namang paaralin sarili ko. Magwowork ako sa gabi.


Nakagat ko ang ibaba kong labi.


Me:
Nasaan ka?


Baby:
Bahay. Naglalaba. Ikaw? Anong gawa mo? May deliver ba?


Me:
Wala. Parents mo saan?


Baby:
Si Mama umalis. Mula pa kagabi di nabalik. Si Papa ayun, inaatake ng hika. Di nalabas ng kwarto.


Tumayo ako at tinakbo ang hagdan. Pumunta ako sa kwarto at nagpalit agad ng damit. Skinny high waist jeggings and color peach long sleeve ribbed button-front crop top ang isinuot ko. Sa paahan ay simpleng flat pink sandals. Bago umalis ay nagbun ako ng buhok, naglagay ng manipis na lip tint sa labi at pisngi at isinuot ang bronze kong OEM Casio watch.


Nakasakay naman agad ako ng jeep paglabas ko sa gate. Sa text na lang ako nakapagpaalam kay Tatay Bear. Sinabi ko na saglit lang akong mawawala.


Pagkababa ko sa tapat ng gate ng compound nila Arkanghel at natanaw ko agad siya na naglalakad sa kalsada. Blue na muscle shirt ang suot niya at white na jersey shorts. Nakatsinelas lang siya. May dala siyang plastic labo na may lamang sachet ng Ariel Powder at Downy Pink. Mukhang galing siya sa tindahan.


Sinitsitan ko siya.


Nang lumingon ay napanganga siya agad nang makita ako. "Oy!"


Nilapitan ko siya. "Di ka pa tapos maglaba?"


"Di pa. Tutulong ka?" Ang lawak ng pagkakangiti niya. Lalo tuloy siyang gumuwapo sa paningin ko.


Ginantihan ko naman ang ngiti niya.


Kahit talaga nakapambahay lang siya, nadadala niya. Saka kahit pawisan, mukha pa rin siyang mabango. Paano niya kaya nagagawa iyon? Curious ako.


Pagpasok sa gate nila ay nandoon lang sa labas ang washing machine nila na may kasamang dryer. Patapos na pala siya, nagkulang lang sa sabon para sa last batch. Mga jersey shorts na lang ang hindi pa niya nalalabhan.


"Ako na rito. Sampay ka na lang." Inabutan niya ako ng hanger.


At talagang patutulungin nga ako!


Nagkamot siya ng ulo. "Sige, doon ka na lang sa upuan. Hintayin mo na lang akong makatapos."


Inirapan ko siya saka pahablot na tinanggap ang ilang pirasong hanger. "Ano bang isasampay?"


Inginuso niya ang laman ng itim na basket sa gilid ng planggana. Puno iyon. Mga t-shirt yata. Nilapitan ko iyon ay inisa-isa.


"Hoy, wag na pala," sita niya sa akin na biglang nahiya.


"Sus, ito na o!" Nagsimula na akong mag-hanger. Nasa gilid lang ng garahe nila ang alambreng sampayan.


"Sayang get up mo. Naka-skinny ka pa man din." 


Napatingin ako sa dulo ng sampayan kung saan nakasampay ang mga naunang labhan ni Arkanghel, ang mga briefs niya!


Pakiramdam ko ay kulay pula ang buong mukha ko habang nagsasampay kaya hanggang maiiwasan ay umiiwas akong mapalingon kay Arkanghel. Mabuti na rin at busy siya sa pagbabanlaw sa mga jersey shorts na nasa planggana. Naka-squat siya ngayon patalikod sa akin.


"Hoy, saan ka pupunta?!"


Napalingon ako sa bahay nina Isaiah.


Nakatayo si Isaiah kaharap ang isang babae na naka-dolphin shorts at malaking tshirt na kulay white. Parang t-shirt pa nga ni Isaiah.


Nang dumaan siya sa akin ay napahinto siya. Parang nagulat din na makita ako.


"Hi Vivi, anong ginagawa mo rito?" halos pabulong na tanong ko.


Malamlam ang mga matang tiningnan niya lang ako at pagkatapos ay nilampasan na. Nakangangang nakahabol na lang ako sa kanya ng tingin.


Si Isaiah naman ay naiwan sa pinto na kakamot-kamot ng ulo.


Pagkatapos maglaba ni Arkanghel at maisampay na ang lahat ng nalabhan ay pumasok na kami sa bahay nila. Ini-lock niya ang screen na pinto saka ako niyaya sa sofa. Binuksan niya ang TV para makanood ako.


"Teka lang, ah?" paalam niya.


Nanakbo siya paakyat sa hagdan nila at pagbaba ay may nakasampay ng tuwalya na kulay puti sa balikat niya.


Hindi ako nakatiis na hindi magcomment. "Hindi ka ba magpapahinga muna bago maligo? Basa ka ng pawis."


"Nagpunas naman na ako e." Pumunta siya sa kusina at may kinuha.


Pagbalik ay may dala na siyang tatlong Fudgee bar na chocolate flavor at isang baso ng malamig na tubig. Inilapag niya ang mga iyon sa center table na katapat ko.


"Meryenda ka muna. Mabilis lang akong liligo."


Habang wala si Arkanghel ay nanood lang ako ng TV. Nasa screen ang mga mata ko ang kaso ay nasa iba ang isip ko. Lumilipad.


Ano kayang ginagawa ni Arkanghel sa banyo? Nagsasabon na ba siya?


Ahg! Ano ba itong iniisip ko? Bakit ba iniisip ko ang ginagawa ni Arkanghel habang naliligo? Naisubo ko tuloy nang buo ang Fudgee bar sa sobrang hiya ko sa sarili ko.


Bakit kasi ang tagal niya?


Ang sabi niya, saglit lang siya. Napatayo ako bigla. Nag-aalala ako dahil ang tagal niya na. Matagal pa sa pagligo ko. Hindi normal!


Hindi naman kaya nabagok na pala siya? Natapakan niya iyong sabon? Nauntog siya sa gripo at nawalan ng malay?


Anong gagawin ko? Kakatukin ko ba siya? Paano kung...


"Huy, lalim ng iniisip mo, ah?"


Napapiksi ako nang may magsalita. Paglingon ko ay nasa harap ko na pala si Arkanghel. Puting t-shirt at itim na jersey shorts ang suot, basa at tumutulo-tulo pa ang buhok na kinukuskos niya pa ng hawak niyang tuwalya.


"Bakit parang maiiyak ka diyan?" May pag-aalala sa boses niya. "Okay ka lang?"


Ang bango-bango niya na naman. Nakakaasar na.


"Sussie, okay ka lang?"


"Nagworry kasi ako sa 'yo..." mahinang sabi ko bago ko pa mapigilan ang sarili.


Napataas naman ang isa niyang kilay. "Ha?"


Ipinilig ko ang ulo ko. "Ah, ano... Naiinip na kasi ako." Kandalunok ako. "B-bakit kasi ang tagal mong maligo?"


Ngumiti siya at hinila ako paupo sa sofa. "Sorry. Nilinis ko pa kasi iyong banyo. Baka kasi makiwiwi ka mamaya."


Hindi na ako nagsalita dahil ang bilis-bilis na naman ng tibok ng puso ko.


"Sorry na." Inakbayan niya ako at inabot ng kaliwa niyang kamay ang remote. "Ano bang pinapanood mo?"


"Uhm, yan... Kung anu-ano..." kiming sagot ko. Dama ko ang bigat ng braso niya na nakaakbay sa akin. Hindi niya na inalis iyon.


Habang nanonood kami, humigpit pa nang kaunti ang pagkakaakbay ni Arkanghel sa balikat ko. Wala namang masama dahil kami na. Saka akbay lang naman. Ang kaso lang, nakakailang dahil dalawa lang kami rito sa sala nila. Kung anu-anong pumapasok sa isip ko.


Wala sa pinapanood namin ang atensyon ko at feeling ko, ganoon din siya.


"Sussie..." mahinang tawag niya.


Sa sobrang lapit namin, parang ibinulong niya iyon sa mismong tainga ko. Tumatayo ang balahibo ko at umiinit ang leeg ko.


"Sussie, may sasabihin ako..." this time, pabulong na lang talaga iyon.


"Hmn?" Sinusubukan kong magpaka-casual.


"Sussie... Magagalit ka ba kapag..."


"Hmn? Kapag?"


Hindi siya sumagot kaya humarap ako sa kanya. Nakatitig siya sa akin at hindi ko mabasa ang iniisip niya.


Nahugot ko ang aking paghinga nang bumaba ang paningin niya sa mga labi ko.


"Magagalit ka ba kapag sinabi kong gusto kitang halikan?"


"D-depende..." nauutal na sambit ko.


Hindi ko na nakita pa ang reaction niya dahil napapikit na ako nang lumapit ang mukha niya sa akin. Nang magdikit ang mga labi namin ay naglaho na nang tuluyan ang paligid. Pati ang mga iniisip ko, nawala na isa-isa.


Dampi lang nang una. Inaasahan ko na katulad nang mabilis na halik noon nang halikan ko siya the night of our graduation ang mangyayari... pero hindi.


Iba ang halik ni Arkanghel. Magaan nang una, tapos dumidiin katagalan.


My real first kiss...


Namalayan ko na nakahawak na ako sa braso niya dahil kailangan ko nang makakapitan. Nakakapanghina pala ng tuhod ang halik, ngayon ko lang nalaman.


Nang marahang gumalaw ang mga labi niya sa ibabaw ng mga labi ko ay nagsimulang uminit ang pakiramdam ko. He started to deepen the kiss. Bigla akong nakaramdam nang matinding uhaw kaya naman bumuka ang mga labi ko.


Iyong uhaw na nararamdaman ko ay lalong tumindi nang ipasok ni Arkanghel ang dila niya sa loob ng bibig ko.


Sa gulat ko ay bigla ko siyang naitulak palayo.


Namimilog ang mga mata ko na nakatingin sa kanya. Siya naman ay nakatitig lang rin sa akin.


Mayamaya ay nagkamot siya ng ulo. "Sorry. Na-carried away."


Hindi ako makapagsalita. Rinding-rindi ako sa kabog ng dibdib ko.


Kinuha niya ang tuwalya niya na nasa kabilang upuan at marahang idinampi sa bibig ko. Pati ang gilid ng mga labi ko ay pinunasan niya.


"Uwi ka na, ha? Hatid na kita sa inyo, ha?" malambing na sabi niya nang matapos akong punasan.


Tila may sariling buhay na kusang tumango naman ang ulo ko.


Umalis siya saglit at pagbalik ay bitbit niya na ang susi ng motor niya. Inalalayan niya akong tumayo pero bago kami lumabas ng pinto ay niyakap ako ni Arkanghel. Magaang yakap lang.


"Sorry ulit nabigla ka..." Hinalikan niya ako sa noo.


Hindi naman na ako makapagsalita. Para akong napipi na tatango-tango lang.


Hawak ni Arkanghel ang kanang kamay ko nang lumabas kami ng bahay nila. Nasa labas din ng bahay sina Isaiah at Vivi. Nakaupo sila sa plastic na sofa na nasa tapat ng bintana at busy sa pagmemeryenda; kumakain sila ng Nova at umiinom ng softdrinks. 


Pagkauwi ko ay dumiretso agad ako sa kwarto ko at naglock. Saka pa lang ako nagkaroon ng chance na salatin ang mga labi ko na parang namamaga pa nga yata dahil sa ginawa ni Arkanghel kanina.


Impit akong napatili.


Nakokonsensiya ako dahil nagpahalik ako sa kanya pero kinikilig naman ako dahil sa halik niya.


Siya ang first kiss ko. Hinding-hingi ko ito makakalimutan. At totoo nga dahil anong oras na kinagabihan ay hindi pa rin ako makatulog dahil binabalik-balikan ko pa rin ang nangyari sa amin sa sala nila.


Three am nang maalimpungatan ako. 


Tunog ng orasan lang ang maririnig sa sobrang tahimik ng paligid. Naagaw ang pansin ko ng cell phone ko na nasa ibabaw ng bedside table. Maliwanag iyon, umiilaw. Pupungas-pungas na inabot ko iyon para i-check.


Sino naman kaya ang magpaparamdam sa ganitong oras?


Nawala ang antok ko nang mabasa ang last message na around 1:00 am pa. Ang message ay from "Baby". Kusang ngumiti ang mga labi ko. Mukhang hindi rin siya nakatulog nang ayos tulad ko.


Baby:
Nandito ako sa labas ng gate niyo.


Ha? Natigilan ako bigla.


Nandoon siya? Mula pa kaninang one? Bakit? Agad ko siyang itinext pero hindi siya nagrereply. I tried calling him pero hindi rin siya sumasagot.


Nag-alis ako ng kumot at bumangon sa kama. Hinagilap ko agad ang bra ko na nasa ilalim gamit kong unan at agad isinuot sa ilalim ng malaki kong shirt. Tinatawagan ko pa rin si Arkanghel kahit pababa na ako ng hagdan.


Pagbukas ko ng pinto sa sala, natanaw ko agad na nakatayo sa labas ng gate si Arkanghel. Nandoon nga siya! At kanina pa siyang alauna roon!


"Arkanghel!" mahinang tawag ko.


Marahan siyang lumingon.


Nagsuot ako ng tsinelas. "Bakit? Anong oras na, ah?"


Mabilis ang kilos ko na lumabas para salubungin siya. Magtatanong pa sana ako nang matigilan. Wala siyang dalang motor at sa tabi niya ay may duffel bag na itim.


"A-anong nangyari?" Para akong tinadyakan sa puso nang makita ko na siya nang malapitan.


Hindi siya nagsalita. Nakatitig lang sa akin ang luhaan niyang mga mata. Napakalungkot ng anyo at ang sakit sa dibdib ko na makita siyang ganito.


Pumatak ang luha niya. "Sussie..."


Nakakapanghinang panoorin ang pagbagsak ng luha mula sa abuhin niyang mga mata. Hindi siya nahihiyang ipakita na umiiyak siya.


"Arkanghel, sabihin mo sa akin. Makikinig ako-"


"Sussie, ampon lang ako..." garalgal ang boses na sambit niya. "Ampon lang ako..."


Napaawang mga labi ko nang magsink in ang sinabi niya.


"Hindi ko sila magulang. Hindi ko pinsan si Isaiah. Hindi ako Del Valle." Nasa mga mata niya ang sakit at pagkalito. Para siyang batang natatakot dahil inabandona. "Hindi ko sila pamilya, Sussie..."


"Arkanghel..." anas ko. Inisang hakbang ko ang pagitan namin para yakapin siya.


Niyakap ko siya nang mahigpit at hinayaang umiyak sa balikat ko.


"Wala na akong bahay... Wala na akong pamilya..." hikbi niya na nanginginig. "Wala na akong uuwian..."


"Hindi, Arkanghel..." hagod ko sa likod niya. "Nandito ako. Hindi ka mag-iisa... Tahan na..." Inabot ko ang luhaan niyang pisngi at pilit hinuli ang kanyang paningin. "Makinig ka. Tumingin ka sa akin, Arkanghel..."


Suminok siya at nagpahid ng luha gamit ang braso.


"Tahan na, ha?" pumipiyok na alo ko sa kanya. "May pamilya ka pa, kami ni Tatay Bear... Dito ka na muna sa amin. Kaya tahan ka na..."


Hindi na siya nakasagot dahil nanginginig na sumubsob na siya sa leeg ko habang pigil ang hagulhol.


Hinaplos ko nang masuyo ang buhok niya. Hindi ko namalayan na umiiyak na rin ako hindi dahil sa naaawa ako sa kanya, kundi dahil nasasaktan din ako sa mga oras na ito dahil sigurado na ako. Mahal ko siya. Mahal ko si Arkanghel at nasasaktan ako dahil nasasaktan siya.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top