Chapter 2
KANDAHABA ang nguso ko habang nakaupo sa upuan. Sa aking tabi ay ang kaklase at kaibigan ko na si Carlyn na busy sa pagugupit ng kanyang kuko. Nasa first row kami at malapit lang kina Hugo na hindi na ako pinapansin. Busy sila sa cell phone ng tropa niya.
Wala pa kaming teacher at as usual, kanya-kanyang buhay ang mga kaklase namin. Merong tulog, merong nagku-kuwentuhan, merong nananalamin at naglalagay ng lip tint sa labi, pisngi, baba pati yata sa noo nilagyan na. At syempre hindi mawawala ang grupo ng mga feeling talentadong Pinoy. Naroon sa umpukan na iyon si Arkanghel.
"Kahit na wala akong pera..."
Umikot ang bilog ng mga mata ko ng marinig ang boses niya. Nasa bandang gilid ko lang siya at iyong tatlo niyang tropa. Nagja-jamming sila. Mga naka-tshirt lang sila dahil pinaghuhubad nila iyong suot nilang polo kanina. Hindi rin sila naka-black shoes kundi naka-sneakers.
"Kahit na butas aking bulsa."
Siya iyong vocalist tapos iyong mga tropa niya iyong taga-beat. Mga girls naman sa room namin ay nakiki-jamming din sa kanila.
"Kahit pa maong ko'y kupas na. At kahit na marami d'yang iba..."
May kasama pang palo at hampas sa armchair ang mga hudas. Kaya magkandasira mga upuan dito dahil sa kanila e.
"Ganito man ako. Simpleng tao. Ang maipagyayabang ko lang sa 'yo ay ang pag-ibig ko sa 'yo na 'di magbabago at kahit na anong bagyo, ika'y masusundo..."
Napabawi ako ng tingin dahil sa akin na nakatingin si Arkanghel. Hindi ko alam kung kanina pa rin ba at hindi ko lang namalayan dahil nakatitig nga rin ako sa kanya. Ramdam ko tuloy ang pagapang ng init sa mukha ko.
"Bakit namumula ka, Sussie?" Nakasilip si Carlyn sa akin. Tapos na pala siyang magkuko.
"Mainit." Itinuro ko ang ceiling fan na nakatutok kina Hugo.
Napa-tsk si Carlyn. "Porket donated ng daddy niya ay dapat sa gawi lang niya at ng tropa niya nakatutok?"
"Hayaan mo na magkakabag sana!"
"Pogi talaga ni Arkanghel, 'no?" kalabit ni Carlyn sa akin.
Malinaw ang mga mata niya sa mga cute at guwapong estudyante sa school namin.
Bumalik ang tingin ko kay Carlyn. "Sana pati ugali."
Seryoso na si Arkanghel sa pagkanta at hindi na rito nakatingin kaya malaya ko na ulit siyang napagmasdan. Oo guwapo naman siya talaga kaya lang mayabang din pala gaya ni Hugo.
Ang nakakainis pa ay feel na feel ng tropa niya ang attention ng mga girls. Sana lang kung gaano sila kagaling sa pagra-rap at pagkanta ay ganoon din sa recitations and quizzes. Ang kaso ay parang hindi naman. Puro lang sila papogi at yabang.
"Puta dyan na si Ma'am!" sigaw ng isa sa mga kaklase namin.
Biglang nagpulasan ang mga kaklase ko. Kanya-kanya silang balik sa upuan. Kahit sina Arkanghel ay biglang nagsi-tahimik at isinuot ang mga polo nila na nakasampay sa upuan.
"Gusot, gago!"
Tatawa-tawa si Arkanghel. "Tarantado at least me polo!"
"Si Sussie nakatingin sa 'yo."
Nakangiting tumingin si Arkanghel sa akin kaya agad kong ibinalik ang paningin ko sa harapan. Patay-malisya ako.
"Ay tae, hindi pa ako nagpapagupit!" bulalas ng isa sa tropa niya.
"Mas halata kay Arkanghel! Yari ka ukaan ka ni Ma'am mamaya!"
Pasimple akong lumingon. Nahuli ko ang pagmamadali ni Arkanghel na kunin ang inaabot na sachet ng gel ng nasa harapan niya. Basta niya iyon kinagat para mabuksan at pinahid sa buhok para mapush at hindi malaglag ang ilang mahahabang hilba sa kanyang noo. Pero obvious pa rin ang patilya at long back niya. Sana talaga ukaan siya ng magtanda.
Isang petite na babae na may bitbit na lesson plan at dalawang libro ang pumasok sa room namin. Nasa mid fifties siya at may suot na makapal na salamin sa mata. Siya ang adviser namin, si Mrs. Janet Borja. Nakasimangot na inilapag niya sa desk ang mga dala saka humarap sa klase. "Para kayong nasa palengke. Dinig hanggang kabilang hallway ang mga bunganga niyo!"
Walang sumagot ni isa. Kakaumpisa palang kasi ng pasukan kaya siguro bait-baitan pa sila. Muli na naman tuloy umikot ang bilog ng mata ko.
Nagtawag ng attendance si Ma'am Borja. "Aguilar?"
"Present, Ma'am!"
Pasimple kong nilingon si Hugo. Hindi pa rin siya tumitingin sa akin na gaya ng nakasanayan ko kapag nagtatawag ng attendance.
"Alcaraz?"
Napakurap ako. Ako na pala ang tinatawag.
"Alcaraz!" ulit ni Ma'am Borja.
"Oink-oink!" may naunang sumagot sa akin galing din sa likuran. Sinundan iyon ng pigil na tawanan ng mga kaklase ko.
Kahit naiinis ay sinikap kong sumagot pa rin. "Present!"
Nang mapatingin ulit ako kay Hugo ay nakasimangot siya. Kabaliktaran naman ng reaksyon ni Arkanghel nang lingunin ko. Nakangisi ang hudas and friends.
Bwisit talaga dahil mukhang naipon sa room na ito ang mga abnormal. Mataas naman ang grades ko last school year at consistent ako na Top 1, iyon nga lang ay late ako na nag-enroll ngayong schoolyear.
"Contamina?"
"Present po, Ma'am," sobrang hinhin na sagot ng nasa kabilang gilid ko.
May sumipol sa likod. Hindi ko alam kung sino pero malamang na fan ng tinawag.
"Contamina, bawal ang makapal na make up," sita ni Ma'am Borja.
"Sorry, Ma'am," kiming sagot ni Viviane Chanel Contamina o mas kilalang Vivi sa school. Famous siya dahil palaging lumalaban na muse tuwing intrams. Sa totoo lang ay napakaganda niya naman talaga, nagkakataong sabaw nga lang ang madalas niyang isagot sa Q and A kaya never pa siyang nakasungkit ng korona. Tahimik siya na estudyante pero sa tingin ko ay mabait naman.
"Del Valle?"
"Present!" dalawa ang sumagot.
Tumikhim si Ma'am Borja. "Arkanghel Del Valle!"
"Present never absent, Ma'am!"
Muli ay pigil na tawanan ng mga kaklase ko. Karamihan girls. Karamihan papansin lang.
"Isaiah Gideon Del Valle?"
"Present!"
Napaismid ako. Oo nga pala, dalawa iyong Del Valle rito. Magpinsan. Parehong abnormal.
"Pagkaliwangan, Simpelo, Sipat, Tamayo..."
Two subjects pa bago nag-ring ang bell. Sa loob ng tatlong klase ay kadalasan na ako ang tinatawag since isa ako sa madalas magtaas ng kamay. Bukod sa pagmu-mukbang ay libangan ko ang pag-aaral. Seryoso ako na makakuha ng top parati. Kahit pa nauwi na ako sa section 3 ay target ko pa rin ang pagiging valedictorian ng batch namin.
"Tangina naman, Anghel!"
Napatigil ako sa paglalakad papunta sa canteen nang makita sa daan ang magpinsang Del Valle. Naka-tshirt na lang ulit sila at hindi pa naka-tuck in. Mga wala rin silang ID.
"Gago ang banal ng pangalan ko 'tas mumurahin mo!"
Parang nagkakainitan ang dalawa. Anong nangyari? Kanina lang ay halos maghalikan na sila sa upuan dahil sa pagkokopyahan sa quiz, ah? Tapos ngayon magkaaway na sila?
Dinuro ni Arkanghel si Isaiah. "Ang malala, banal din pangalan mo pero yung bunganga mo garapal!"
"E kasi naman bakit mo nginingitian si Vivi? Di ba sabi akin na yun!"
"Gusto ka ba?"
"Labo mo 'tol. Ayoko na. Di na kita pinsan!"
Tumalikod na si Isaiah pero pinigilan ni Arkanghel. "Hoy charot lang! Landi nito!"
"E ano nga? Iwasan mo ang Vivi ko! Akin lang ang Vivi ko!"
"E di sa 'yo na. Ayoko naman dun e! Lagay mo sa bulsa mo—" Napatigil siya nang mapalingon sa akin.
Agh! Nakita ako! Gusto ko sanang umiwas ng mata pero obvious na dahil nahuli niya na ako. Ang ginawa ko para makabawi ay inirapan ko na lang siya.
Ngumisi naman siya agad. "Taray ng biik."
Napatingin na rin sa akin si Isaiah at nanlaki ang mga mata. "Uy, gagi matalino 'yan. Top 1 namin noong Grade 7."
Dire-diretso ako sa paglalakad. Taas-noo.
"Englisera pati 'yan!"
"O matalino?"
"Oo!" Ngiting-ngiti si Isaiah sa akin kahit di ko naman siya pinapansin. "Tabi kami niyan sa periodical."
Kinaltukan niya ang pinsan. "Tanga di kayo kasya sa upuan!"
Pakiramdam ko ay puputok na ang batok ko sa inis. Binilisan ko ang lakad ko at siniguradong sa pagbalik ko sa hallway ay hindi ko na sila makikita. Pero malas nga yata ako ngayong araw. Nang uwian na ay papasok na ako sa loob ng tricycle nang makita sa loob si Arkanghel.
"Oy, classmate!" Ngiting-ngiti siya. "Uwi ka na?"
Hindi ba halata?
Aatras sana ako kung di lang nakaabang sa akin iyong driver. Ready na siyang paandarin ang tricycle dahil ako na nga lang ang sasakay ay kompleto na. Animan sa pasahero at may lima na. Meron ng dalawa sa likod ng driver at dalawa sa harap. Dito na lang talaga sa tabi ni Arkanghel sa likod ang wala. Parang nananadya.
Dahil natagalan ako sa library kaya last tricycle na pauwing Pasong Kawayan II ang naabutan ko sa paradahan. Sumakay na ako bago pa magbago ang aking isip.
Sisikapin ko na lang magpatay-malisya kahit pa ang sarap tadyakan pababa ng katabi ko. Siksik na siksik siya sa gilid kahit kasya naman kami. Ngingiti-ngiti pa siya na akala mo may nakakatuwa.
"Nakakahinga ka pa?" bulong niya.
Sinamaan ko siya ng tingin.
"'To naman. Worried lang. Gusto mo ba usod pa ako?"
"Wag na. Ayokong magkautang na loob sa 'yo!" pabulong kong asik sa kanya.
"Napakataray naman talaga," bulong niya na dinig ko naman.
Nakakabwisit talaga si Arkanghel pero tiniis ko na lang.
"Para po," pagpapatigil niya sa tricycle.
Napatingin ako sa lugar. Sa bukana pala siya ng Pasong Kawayan Dos nakatira? Ako naman kasi ay sa dulong-dulo na halos lampas na.
Nang huminto ang tricycle ay tumingin siya sa akin. As usual, nakangiti na naman. Tamaan sana ng masamang hangin.
"Paraan naman o," malambing na utos niya. Nasa gilid ko kasi ang pinto palabas ng tricycle.
Umikot ang bilog ng mata ko bago ako bumaba. No choice dahil hindi naman siya makakababa dahil nakaharang nga ako.
"Thank you." Hindi naman siya umalis. Nakatingin lang siya sa akin.
Padabog na bumalik ako sa tricycle at di na siya ulit nilingon. Buti nga bumaba na siya dahil hindi ko na siya matagalan. Saglit lang ay nasa amin na kaya ako naman ang pumara.
Bubunot na ako ng pambayad nang pigilan ako ni Manong driver. "Bayad na, 'Neng."
"Po?"
"Binayaran ka na noong boyfriend mo bago ka pa sumakay kanina."
"Hindi ko po iyon boyfri—"
"Sus kayo talagang mga kabataan ngayon oo..." Iiling-iling na putol niya sa akin. "Syo-syota-syota tapos hihiya-hiya. Mga kalokohan niyo, aba ay pangatawanan niyo!"
Makikipagtalo pa sana ako nang biglang magbeep ang cellphone ko. Pagkakuha ko palang sa bag ko ay umandar na ang tricycle. Hindi registered number sa contacts ko ang sender ng text message.
Unknown Number:
Wala ko barya kaya dinamay na kita. Libre mo na lang ako bukas ng meryenda. Ayos ba? ;)
Kulang na lang magbuhol ang kilay ko sa aking nabasa. At saan naman kaya nakuha ng hambog na iyon ang number ko?!
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top