Chapter 17
"SALAMAT."
Tinanggap niya ang isang baso ng malamig na tubig na inabot ko. Pinanood ko siyang ubusin iyon sa harapan ko. Mukhang uhaw na uhaw. Matapos uminom ay tinabihan ko siya sa sofa.
"Okay ka lang ba?"
"Oo naman." Pinunasan niya ng braso niya ang pawis sa kanyang noo.
Inabot ko naman sa kanya ang towel na kanina ko pa inihanda.
"Thanks." Pinunasan niya ang leeg saka ikinuskos sa ulo niya ang towel.
Pinanood ko lang si Arkanghel sa ginagawa. Kahit galing siya sa labas, mabango at parang presko pa rin naman siya. Nagsasalit-salitan sa kanya ang mabangong amoy ng Safeguard Eucalyptus Green at Axe body spray. Ang buhok naman niya na kahit basa ng pawis ay maaamoy pa rin ang gamit niyang shampoo na Head & Shoulders Cool Menthol.
"Mukhang napagod ka sa pagde-deliver. Hayaan mo, umorder na ako ng pizza para merienda."
Napabaling siya sa akin. "O? Gumatos ka pa?"
Tinapik ko siya balikat. "Tig seventy lang iyon. Saka nakakahiya naman sa 'yo, pinagod kita."
"Ano ka ba? Maliit na bagay." Ibinaba niya sa center table ang towel at tumingin sa akin. "Expected ko namang mapapagod ako kaya nga inagahan ko tulog ko kagabi."
Inipit ko ang ilang hibla ng buhok ko sa aking tainga. Wala akong masabi sa effort niya. Pigil-pigil ko na lang ang mga labi ko na mangiti lalo pa at mula sa kusina ay nakatingin ngayon sa amin si Tatay Bear.
"Kunin mo na akong delivery boy mo, ha? Okay naman ako, di ba? Satisfied ka naman. Sige na, kunin mo na ako."
Lumabi ako at sumulyap kay Tatay Bear.
"Kunin mo na ako," kalabit sa akin ni Arkanghel. "Masipag ako. Boy scout ako."
"Boy scout?"
"Laging handa.Gaya ng hindi importante ang looks, pero in case kailanganin, meron ako nun."
Ayun, natampal ko siya. Mabuti na lang at hindi na nakatingin sa amin si Tatay Bear.
"Ano kukunin mo na ba ako? On hand ako, i-mine mo na."
"Wala akong pambayad sa 'yo."
"Totoy, salamat sa pagdeliver sa mga paninda ng anak ko."
Sabay kaming napalingon kay Tatay Bear na palapit na pala sa amin. Hindi ko na siya naalala.
"Walang anuman, Mang Andres," magalang na sagot ni Arkanghel.
"Tatay Bear, nag-apply siya na delivery boy ko." Gusto ko pero kailangan ko ring tanungin si Tatay Bear. "Okay lang po ba?"
Matagal bago tumango si Tatay Bear.
Nilingon at kinindatan ko si Arkanghel. "'Yan. Okay raw!"
Napasuntok naman siya sa hangin. "Ayos. Lagi na ako may pizza neto!"
"Ngayon lang, 'no. Pero sweswelduhan naman kita. Pero wag mo akong singilin ng malaki, ah?"
Hinagod niya ng mga daliri ang buhok niya na nagulo sa pagpunas ng towel kanina. "Wag na. Ipunin mo na lang sa 'yo iyong isusweldo mo sa akin."
"Okay, pero gusto ko kukunin mo rin iyon. Saka ito." Dumukot ako sa side pocket ng suot kong maong dolphin shorts. Inabutan ko siya ng fifty pesos. "Pang gas mo."
Iwinasiwas niya ang kamay. "Tsk. Saka na."
Ano, lahat tatanggihan? Pinanlisikan ko siya ng mata. "Isa, di mo tatanggapin? Di na kita kukunin sige!"
Hinablot niya ang fifty pesos saka ibinulsa sa suot na shorts. "Eto na nga!"
"'Yan!" Napangiti ako. "Good boy!"
Nang dumating ang pizza ay hinanap ko si Tatay Bear. Bigla na kasi siyang umalis at hindi na bumalik sa sala. Nagpaalam muna ako saglit kay Arkanghel saka ako naglakad papunta sa pinto namin sa may kusina. Doon sa likod ng bahay namin ko natagpuan si Tatay Bear, doon sa may maliit naming bodega.
Malalim ang iniisip niya kaya hindi niya ako napansing dumating. "Tatay Bear?"
Napabuntong-hininga siya. "Nariyan ka pala."
Tinabihan ko siya sa pagkakatayo. "Ano pong meron? Bakit nandito kayo?"
Iginala niya ang paningin sa harap. "Susana, sayang itong bodega natin. Maayos pa naman. Balak ko sanang paupahan ito para may pangdagdag panggastos tayo."
Napatingin na rin ako sa bodega namin na halos wala namang laman maliban sa isang lumang orocan. Maayos pa nga naman. May maliit na bintana para sa ventilation. Siguro kakasya ang isang single bed sa loob at isang maliit na mesa. Kaunting linis lang ay pwede na nga itong tirahan.
"Paano ang CR, Tatay Bear?" tanong ko dahil wala namang sariling banyo ang bodega.
"Sa atin. Parang baleng lalabas na bed spacer lang ang uupa rito, pero ito at may sarili siyang tirahan talaga."
Napatango-tango ako. "Hmn, pwede po. Pero sana iyong makuha nating uupa riyan ay iyong kilala at mapagkakatiwalaan." Syempre mahirap na iyong magpatira kami ng kung sino lang lalo pa't papasok sa mismong bahay namin para makihati ng banyo.
Pero saan naman kaya kami hahanap ng ganoong tenant?
Sabay na kaming bumalik ni Tatay Bear sa bahay. Pinagsaluhan namin ang isang box ng Maximus pizza at ang isang pitsel ng ginawa kong avocado shake. Nagbigay na naman kasi ang byuda naming kapitbahay ng avocado kay Tatay Bear. Hmn, fishy na. Matukso nga si Tatay Bear kapag nasa mood siya.
Bandang three pm ay dumating ang mga inorder kong bulk comfy shorts from Taytay tiangge. Marami-rami kasi ang naging order sa akin from Facebook market place and General Trias buy and sell groups kaya naisip ko nang bumili nang direct sa patahian ng thirty pieces. Sabay ring dumating ang inorder kong box na may lamang twenty pieces crab paste na nire-resell ko rin.
"Dahan-dahan," utos ko kay Arkanghel. Siya kasi ang may buhat ng box ng crab paste.
Maingat niya naman iyong inilapag sa center table. "Check mo baka may kulang," sabi niya.
"Okay, buksan mo."
May dala siyang maliit na Swiss army knife sa bulsa at iyon ang ipinagbukas niya sa box. Pagkabukas ay nag-check agad kami. Pati iyong quantity, quality at colors ng mga shorts ay tinulungan niya akong mag-check.
Naglabas ako ng listahan saka inisa-isa ang mga orders. "Arkanghel, iplastic mo na iyong lima. Sa Santa Clara 'yan."
"Okidoks." Nagsimula siyang mag-repack.
Umakyat ako sa itaas at pagbalik ko ay bitbit ko na ang printed stickers kung saan nandoon ang details ng mga umorder. Inabot ko iyon kay Arkanghel.
"Pagka-pack mo, pipicturan ko pa kaya wag mo muna ilalagay sa plastic bag. Gets?"
"Copy, boss." Masipag naman siyang trumabaho, nakakatuwa.
Habang busy kami sa sala ay nasa kusina si Tatay Bear at patingin-tingin lang sa amin.
"Hoy, ano ba? Mali naman!" sita ko kasi ang pangit ng pagpack niya sa huling shorts.
Maagap naman siyang nagbaklas. "Ay, sorry, sorry. Teka, ulitin ko."
"Sayang iyong tape e. Ano ba 'yan?" Inabot ko ang listahan ko at ichineck at natapos ng ma-pack. "Ay, iyong crab paste pala, pakilagay muna sa ref. Nakalimutan na natin."
Tayo siya agad at dinampot ang box ng crab paste. "Alisin ko ba sa box? Baka di kumasya sa ref niyo."
"Oo, sige. Punasan mo rin muna kada bote. Bumalik ka agad, marami pa 'tong ire-repack."
Minuto lang nakabalik na si Arkanghel. Dinampot niya ulit ang towel kanina na nilapag niya sa center table para ipamunas sa pawisang noo saka siya nagtuloy sa pagre-repack. Nakakatuwa talaga kasi pulido siya gumawa at mabilis. Sa tuwa ko ay itinutok ko sa kanya ang electric fan para di na siya pagpawisan.
"Thank you, ah." Ang saya nang makatapos kami.
Pati sa pagco-compute ay tumulong si Arkanghel. Ngayon ko narealize na magaling siya sa Math. Siguro sa ibang subject lang talaga siya mahina pero sa Math? Efortless siya. Dinaig niya sa bilis at accuracy ang calculator ng cellphone ko.
"Welcome, boss." Ngingiti-ngiti siya, proud sa sarili. Ang cute lang. "Nakailang pogi points ba ako?"
Nakangiti ko siyang inirapan. "Sa graduation ko na sasabihin sa 'yo, pag nanliligaw ka na."
Sa ginagawa niya, hindi pa ba panliligaw 'to? Ano pa kaya kapag nililigawan niya na ako? Hay, 'tagal namang mag March, o.
Hinatid ko siya sa gate nang uuwi na siya. Hindi ko na siya napilit magdinner sa amin dahil tinawagan na siya ng mama niya. May iuutos daw kaya need niya nang umuwi. Hanggang sa makaalis si Arkanghel ay hindi na nabura pa ang ngiti sa mga labi ko.
Pagbalik ko sa sala ay naroon si Tatay Bear. Nanonood na siya ngayon ng TV Program na Wish Ko Lang. Kalmado na siya ngayon kaysa kanina na para siyang nababalisa. Siguro nagwoworry na siya kung nililigawan na ba ako ni Arkanghel.
"Tatay Bear, umuwi na po si Arkanghel."
Tumango lang siya. Mukhang wala pa rin sa mood ang tatay ko.
"Tatay Bear, di niya 'ko nililigawan. Promise." Baka kasi iyon ang reason kaya siya wala sa mood. Baka iniisip niya, nagpapaligaw na ako.
Hindi niya ako sinagot. Seryoso lang siya sa pinapanood.
Nilapitan ko siya at tinabihan sa sofa. Sinilip ko ang mukha niya. Parang may luha siya sa mata. Hindi ko na napigil ang sarili ko na tuksuhin siya. "Tatay Bear, bakit naiiyak ka riyan sa pinapanood mo?"
Umiwas naman siya at pasimpleng nagpunas ng mata. "Ano bang naiiyak ka riyan? Hindi."
Lihim naman akong natatawa. Hay, ang tatay ko talaga. Pa-strong pa pero malambot naman ang puso.
"Ano ba 'yang pinapanood mo, Tatay Bear?" Nakinood na rin ako dahil sa nacurious ako sa kung ano mang nagpapaiyak kay Tatay Bear.
Kaya naman pala siya naiiyak, drama ang pinapanood niya. Tungkol sa nagkawalay na mag-anak ang story. Nawalay ang anak sa mga magulang at ngayon lang nagkita dahil sa programang Wish Ko Lang.
"Nakakaiyak naman talaga, 'Tay..." Sumandig ako sa balikat niya. "Ayan o, ang bata pa lang noong anak niya tapos nawalay sa kanya. Ang hirap niyan. Siguradong hindi nakakatulog sa gabi iyong nanay at tatay syempre namimiss at nag-aalala sila sa anak nila."
Tumikhim si Tatay Bear.
Tiningala ko siya. "Ikaw, Tatay Bear? Di ba pag nawala ako, hindi ka mapapakali. Syempre love mo ko e di ba?"
Hindi siya kumibo. Siguro hulog na hulog siya sa pinapanood namin.
"Kawawa rin lalo iyong bata. Ang tagal na nawalay siya sa mga magulang niya."
Gumalaw si Tatay Bear. Inabot niya ang remote at pinatay ang TV. "Magsaing ka na, Susana. Magagabi na."
"Ano ba 'yan, di pa ako tapos manood," maktol ko.
"Wag ka nang manood. Sayang kuryente." Tumayo siya at inabot ang tungkod niya na nakapatong sa center table. "Sa kuwarto muna ako magpapahinga." Nang makatayo siya ay nilampasan niya na ako.
Sungit naman niya. Nakangusong tumayo na lang rin ako para pumunta sa kusina. Minsan talaga snob si Tatay Bear e. Mamaya nga, lalambingin ko siya para mawala ang topak.
Monday freshness. Iyon ang makikita sa caption ni Carlyn habang hawak niya ang isang stem ng red rose sa newly uploaded niyang profile pic the next day. Hindi ko alam kung ano iyong fresh na tinutukoy niya, kung siya ba o yung rose.
"Seryoso ka ba kat Jordan, Carlyn?" Hinarap ko siya. Halos sabay lang kaming pumasok ngayon.
"Yup." Nagniningning ang mga mata niya. "He's really nice and galante. Ibinili niya nga ako ng skin sa ML—"
Biglang tumikhim si Jillian Mae Herrera sa likod ng upuan namin.
Tumawa lang naman si Carlyn saka umayos sa pagkakaupo.
First break ay ako lang ang lumabas ng room. Busy si Carlyn sa phone niya kaya hindi niya ako nasamahan sa pag-deliver ng order nung isa naming schoolmate. Saglit lang ang kaliwaan ng item at payment kaya nakadaan pa ako sa canteen.
Habang bumibili ako ay kusa namang simisimple sa paghahanap ng partikular na tao ang mga mata ko. Nasaan kaya si Arkanghel ngayon?
Sina Isaiah at Miko lang ang natatanaw ko sa table sa dulo. Pareho silang busy sa mga hawak na kanya-kanyang phone. Nagi-games sila malamang. Si Arkanghel lang ang wala. Nang makuha ko na ang sukli sa binili kong burger, turon, Nova at Coke ay lalapitan ko sana ang dalawa, ang kaso ay may nauna ng lumapit sa mesa nila.
Agad nangunot ang noo ko nang makita ang babaeng naka-jeggings na black and pink baby tee crop top. Si Zandra. Ano na naman ang ginagawa niya rito? Again? Wala ba siyang klase today? O nag-aaral pa ba siya?
"Huy Zaza, napapadalas ka!" bati ni Isaiah nang mag-angat ng mukha from his phone.
Lumakad ako papunta sa pila ng bilihan ng yema at pastillas para mapalapit nang kaunti sa table nila.
"Kasali kasi ako sa cheering squad. May practice kami today. Sumalisi lang ako ng takas," Zandra explained.
Natawa naman si Miko. "Grabe, layo ng takas mo, ah? From Dasma to Pinagtipunan?"
Umupo si Zandra sa bakanteng upuan sa table at dumi-quatro. "Wala na kasi akong balak bumalik. Nauubos lakas ko roon, wala na akong time for baby."
Napasipol si Miko. "Sus, iyon naman pala sadya!"
"Where is he by the way?" Humaba ang leeg ni Zandra na parang giraffe. "Bat di niyo kasama?"
"Nag-jingle," si Isaiah ang sumagot. "Saka baka dumiretso na rin ng silay kaya di pa nabalik."
Nanigas ang mga binti ko sa sinabi ni Isaiah. Hindi ako makagalaw.
"Silay? Sinong sinisilayan?" nakangiti si Zandra nang magtanong na obvious na hindi siya happy.
Walang sumagot kina Isaiah at Miko na busy na sa kanya-kanyang phone at halatang napipilitan lang siyang kausapin out of kagandahalan asal.
"Tangina, Isaiah! Di ko talaga gamay 'tong si Pharsa!" reklamo ni Miko sa kung anong nilalaro.
Tumawa si Isaiah. "Iyak ka na."
Kinalampag naman ni Zandra ang table para magpapansin. "Sino nga, boys? Naku, ha? 'Pag 'yan di pretty, di ako papayag."
"Maganda," si Isaiah na kunot ang noo at seryoso na ulit sa paglalaro.
Napakagat-labi ako. Parang gusto kong ilibre ng fishball si Isaiah mamayang uwian.
"Mataba lang," habol niya nga lang.
Ahg! Walang libreng fishball!
"Si Susana Alcaraz ba?" Natawa si Zandra. "Ang loloko niyo talaga. Pati iyong si chubby girl na nananahimik, dinadamay niyo sa kalokohan niyo. E sino nga kasi? Seryoso?"
Pag ba ako, joke lang? Hindi ba ako pwede sa seryosong usapan dahil lang sa chubby ako? Ngayon naiintindihan ko na ang sarili ko kung bakit kahit mabait si Zandra ay mainit ang dugo ko sa kanya.
"Siya nga," sagot ni Miko. "Ay, tangina patay ako! Dapa!" Tiningnan niya nang matalim si Zandra na parang ang babae ang sinisisi. "Kasi naman hanapin mo na lang si Anghel. Siya na tanungin mo."
Nabura ang pagkakangiti ng mga labi ni Zandra. Inilabas niya ang phone niya at nagtipa roon.
"Boys, I'll go ahead na," mayamaya ay nakasimangot na paalam niya.
"Ingat," sabay na sagot naman noong dalawa na busy pa rin sa phone.
Sumunod ako kay Zandra sa labas ng canteen. Kunwari ay ngayon ko lang siya nakita nang tawagin ko. "Zandra, nandito ka."
Nakangiti naman siyang huminto at lumapit sa akin. "Yup. Hi!"
Ngumiti rin ako kahit pa ang hirap ngumiti sa kanya. "Wala kang klase?"
"Meron. Hindi ako pumasok," proud pa siya sa sagot niya. Naglakad na siya.
"Ha? Kailan ka pa umabsent?" Kilala ko si Zandra na adik sa pag-aaral. Nakakasama ko pa nga siya noon sa mga quiz bee. Bakit nagkakaganito siya ngayon?
Dahil kay Arkanghel?
Sabay na kaming naglakad papunta sa bench.
"Si Arki kasi."
Si Arkanghel nga. Ano bang problema niya kay Arkanghel? Ang tagal magsalita ni Zandra, paputol-putol ang sinasabi niya kaya hindi pa tuloy ako makabalik sa room ko.
Tumingala siya sa akin. "Friend mo siya, di ba? Pagsabihan mo siya."
"Ha? Bakit ako?"
"E kasi friends nga kayo." Ngumuso na naman siya. "Sweet siya sa akin before, 'tapos nagbago na lang bigla. Siguro nagselos doon sa classmate ko na nanliligaw sa akin."
Ang mga paa ni Zandra ay marahan niyang isinisipa sa sementadong sahig. Kitang-kita sa kanya ang frustration.
"Napakaseloso na hindi maintindihan e. Parang tanga lang. Alam naman niyang hindi ako magbo-boyfriend sa La Salle hanggat wala siya roon. Half a yea na lang o gagraduate na siya, hindi pa siya makapaghintay."
Tumingala ulit siya sa akin.
"Sussie, pagsabihan mo siya, please?"
"Kayo ba?" tanong ko na muntik pang mautal.
Ngumuso muna si Zandra bago sumagot. "Parang."
"Paanong parang?" tanong ko ulit dahil parang gusto ko na siyang sakalin.
Hindi ba niya alam na MU na kami ni Arkanghel?
Tumamlay ang mga mata niyang nakatingin sa akin. "E kasi nga MU na kami, Sussie."
MU sila? Pero ano ako? Ano ba kami ni Arkanghel? Di ba MU rin kami?
"Parents nga namin, approved na sa amin." Muli na naman siyang ngumuso. "Ayoko na magboyfriend ng iba kasi siya rin naman makakatuluyan ko in the end. After my graduation, we need to get married para masama siya ipepetisyon ng brother ko na nagwowork sa Canada. Arkanghel will work there, ipapasok siya roon ng trabaho ng kuya ko. Then after, pepetisyon naman niya parents niya. As in, plan na siya from the start. His family and my family, sabay-sabay magma-migrate," mahabang paliwanag niya.
Hindi ko alam ang sasabihin dahil parang bigla na lang akong hindi makahinga. Nagsisikip ang dibdib ko. Bakit hindi man lang nabanggit sa akin ni Arkanghel na kasali pala si Zandra sa plano niyang pagpunta sa Canada? Bakit hindi niya man lang nabanggit na nagkakasundo na pala ang mga pamilya nila?
"Za!" biglang may sumigaw.
Sabay kaming napatingin kay Arkanghel na nakatayo na pala sa di kalayuan. Hindi namin namalayan ang pagdating niya.
Zandra rolled her eyes. "Speaking of the devil. So sino naman kayang sinisilayan, ha?" Tumayo siya at nilapitan ang lalaki. "So kapag nagseselos ka, hahanap nang iba? Is that it?"
Napatingin si Arkanghel sa akin pero umiwas ako sa kulay abo niyang mga mata. Ayaw kong makita niya kung ano man ang nararamdaman ko ngayon.
"Arki, you're already nineteen! When will you going to mature?!" Itinulak siya ni Zandra sa dibdib.
Dinig na dinig ko ang pag-tsk niya saka mahinang sinabi. "Absent ka na naman. Ako na naman sisisihin ng mama mo."
Muli siyang itinulak ni Zandra sa dibdib. "Wow! Sa mom ko, takot ka? Sa galit ko, hindi?"
Nang tumunog ang bell ay saka lang ako nakapagsalita. "Balik na ko sa room," paalam ko sa mahinang boses na hindi ko alam kung narinig ba nila. Hindi na yata kasi nila naalalang nandito pa ako.
"Sussie!" tawag ni Arkanghel sa akin na hindi ko na nilingon.
Hindi ko na siya pinansin. Patuloy lang ako sa paglakad. Palaki nang palaki ang mga hakbang ko. Pabigat din nang pabigat ang nararamdaman ko.
"Sussie, wait—Ano ba, Zandra?!"
"Arki, ikaw ang ano ba?!" sigaw ni Zandra. Mukhang magkakagulo na sila roon.
Lalo kong binilisan ang mga hakbang ko hanggang sa makarating na ako sa building namin. Kumikirot ang dibdib ko, nararamdaman ko talaga na masakit na masakit iyon.
"Late ka na," muntik na akong madulas nang biglang sumulpot si Hugo sa may hagdan. May hawak-hawak siyang vape na dahilan kaya mausok ang paligid.
"Ano ba? Bat ba nanggugulat ka?!" bulyaw ko sa kanya. Napahawak ako sa dibdib ko. Iyong galit ko, sa kanya ko naibuhos.
"Oy, bat highblood?" Itinago niya sa bulsa ng pants ang vape. Naglakad siya palapit sa akin.
"Ewan ko sa 'yo. Pangit mo!" Itinulak ko siya. Napasandal siya sa dingding dahil hindi niya inaasahan ang pagtulak ko sa kanya.
"Hoy, namumuro ka na kakapangit sa 'kin, ah? Saan ba mata mo? Nasa pwet?!"
Nilingon ko siya at inambahan ng suntok.
Ang weird dahil ngumisi pa siya na parang natutuwa. "Napakatapang naman," sabi niya na proud.
Tumalikod na ako at naglakad na. Nakasunod naman siya sa akin. "Kanina pa nagv-vibrate phone mo sa bag mo."
"Pano mo nalaman? Umupo ka sa upuan ko, 'no?!" sita ko sa kanya nang hindi siya nililingon. Mabilis ang mga lakad ko na parang may humahabol sa aking demonyo.
"Oo. Akala ko kasi saglit ka lang aalis e. Tapos kanina pa rin padaan-daan aso mo."
"Nagkita na kami sa bench," tamad na sagot ko.
Binilisan niya rin ang hakbang para makasabay sa akin. "Kaya badtrip ka? Nakita mo rin siguro si Zandra, 'no?"
Hindi ako sumagot. Ayoko nang maalala ang tungkol sa nangyari sa bench dahil masakit pa rin ang dibdib ko.
Kinalabit niya ako sa likod. "Sa 'kin ka sumabay pauwi mamaya."
Bumagal ang paglakad ko kaya naabutan niya ako. Hinawakan niya ako sa balikat.
"Di ko dinala motor ko. Sainyo raw dideretso si Mom later kaya sumabay ka na samin sa kotse."
Hindi ako umimik. Pagdating sa room ay may missed call si Arkanghel sa phone ko. May text message rin siya.
Future Suitor:
Huy bat ka nagwalk out?
I deleted his message. Nagbeep ulit ang phone ko.
Future Suitor:
Hindi ko GF si Zandra.
Hindi? Hindi pa? Pero MU? Tapos ang end game niya? And ang finish line nila sa Canada? So ano pala ako rito? Past time lang muna?
Future Suitor:
Hintayin kita sa bench mamaya uwian. Usap tayo.
Hindi ko siya sinagot. Ini-off ko na ang phone ko para hindi na rin ako matuksong i-check kung magte-text pa ulit siya. Ayaw ko na muna siyang isipin dahil baka makaapekto pa siya sa pakikinig ko sa lesson. Ang kaso ay ganoon rin e. Iniisip ko pa rin siya kahit ayaw ko. Nagsisikip pa rin ang dibdib ko kahit pa pinipigilan ko ang emosyon ko.
Ang hirap pala talaga kapag ganito. Hindi talaga pwedeng magsabay ang utak sa puso. Nakakagulo.
Lunch break nang dumaan si Arkanghel sa room. Nagkatinginan lang kami dahil busy ako sa pakikipag-usap kay Vivi na umo-order ng shorts. Hindi ko alam kung bumalik pa ulit si Arkanghel dahil hindi na ulit ako lumingon pa sa labas.
Nang uwian ay nagpaalam na agad ako kay Carlyn. Tumayo ako bitbit ang bag ko at nilapitan si Hugo na nakayuko dahil nagsisintas ng suot na sneakers. Napatingala siya nang huminto ako sa harapan niya.
"Tara na uwi na tayo," sabi ko saka nauna nang lumabas ng pinto.
Kandapatid naman siya sa paghabol sa akin.
"Ang dami mo naman laging dala," puna niya sa bitbit kong plastic bag.
Iisang plastic bag lang naman ito at tatlong pirasong bralet lang ang laman na hinango ko sa classmate kong si Lita. Order ito sa akin na ipapa-Lalamove ko bukas sa customer kong taga Bacao.
"Akina bag mo." Hinawakan niya ako sa balikat.
Nang pababa na kami ng hagdan ay saka ko ibinigay ang bag ko kay Hugo.
Sa hagdan ay nakasalubong namin si Shiela na ex bhie niya. Mukhang paakyat sana sa taas siguro para puntahan siya.
"Hugo, usap naman tayo..." tawag ni Shiela na mukhang naglaan talaga ng oras para mag-false eyelashes at contact lenses para sa paghaharap na ito.
Tamad na tiningnan lang siya ni Hugo.
"Hugo, bhie, oo na ako na mali. Hindi ako dapat nagagalit kapag nagpapa-rank ka—"
"Shiela, tama na," malamig na sabi rito ni Hugo. Sabay hila niya sa akin pababa.
Narinig ko pa ang sigaw ni Shiela sa akin. "Malandi ka! Mang-aagaw ka! May GF iyan, inakit mong mataba ka! Mang-aagaw!"
Napalingon ako dahil marami ang estudyante na kasabay namin sa hagdan.
"Wag mo pansinsin!" Hinila ako ni Hugo at tinakpan sa magkabilang tainga.
Hila-hila pa rin niya ako. Ngayon sa balikat ko na nakahawak si Hugo. Hindi ko na rin namalayan na ang dikit namin habang naglalakad na kami papunta sa gate ng school.
Sa bench ay nadaanan namin si Arkanghel. Malayo pa lang kami ni Hugo ay nakatingin na siya sa amin.
Kung hindi ko pa natanaw si Mrs. Aguilar na palapit sa amin ay hindi ko pa mababawi ang tingin ko kay Arkanghel. Nakangiti ang mommy ni Hugo nang tawagin kami. "Children, let's go!"
"Mom, ako magdrive," lambing ni Hugo sa mommy niya.
"No. Magtigil ka, Hugo Emmanuel. Sa backseat na kayo ni Sussie," napalakas ang boses ni Mrs. Aguilar at alam kong narinig iyon ni Arkanghel na ngayon ay nakatayo na.
"Ano ba 'yan! Tabi na naman kami ni Sussie. Kukurutin na naman ako niyan," malakas na sabi ni Hugo saka sumulyap sa bench.
Sumunod na ako sa kanila at hindi na ulit tiningnan si Arkanghel na alam kong nakahabol sa amin ng tingin.
Ano naman ngayon kung naghintay si Arkanghel sa akin sa bench pero hindi ko siya nilapitan? Bakit nakokonsensiya ako? Dapat nga siya riyan ang makonsensiya dahil player siya!
Papunta kami sa kotse nila Hugo nang makita kong paparating si Zandra. Nakasimangot siya at ni hindi man lang ako nginitian nang magtama ang paningin namin. Nakakatawa dahil hinintay ko siyang ngumiti sa akin, siguro kasi nasanay ako na friendly siya. At mukhang end na ngayon ng pagiging friendly niya sa akin.
"Hugo, magtapat ka nga. Ex mo ba si Zandra?" bulong ko kay Hugo nang nasa kotse na kami nakaupo.
"Oo. Two days," tamad na sagot niya habang nilalaro ang necktie ko.
"Ano ba?!" Lumayo ako sa kanya. Binuhol niya iyong necktie ko. Ang hirap alisin ng pagkakabuhol.
"Hugo Emmanuel, ano na naman ba 'yan?" Mommy niya na nakasilip sa amin sa rearview mirror.
Saka lang nag-behave si Hugo.
Pagdating sa bahay ay inutusan agad kami ni Tatay Bear na bumili ng tinapay at isang litro ng Coke. Ang sabi ko, ako na lang pero pinasama pa rin nila si Hugo. Mukhang masinsinan yata kasi ang pag-uusapan nila ni Mrs. Aguilar.
Habang naglalakad kami ni Hugo sa gilid ng daan ay hinihintay kong magbeep ang phone ko, pero wala. Wala akong narereceive na kahit isang period na message. Mukhang nagkabati na sila ni Zandra. Ano na kayang ginagawa nila ngayon?
Ilang beses akong napabuntonghininga habang nakatitig pa rin sa screen ng phone ko. Ganoon? Ni magpaliwanag, wala talaga? Ah, baka kasi narealize niyang mas hindi niya kayang magalit sa kanya si Zandra. Siguro nga okay na sila kaya nakalimutan niya na ako.
Nakalimutan niya na iyong promise niya na hihintayin niya ako. Pero sana kung katapusan na talaga namin, sana man lang sabihin niya para hindi ako nakabitin sa ere. Kahit simpleng explanation lang, kahit playing safe, okay lang. Para hindi sana ako nangangapa kung saan ba talaga ako lulugar.
Nagulat ako nang biglang hablutin ni Hugo ang cell phone ko. "Akina nga 'yan!"
"Hoy, akina 'yan!" umalma naman agad ako para bawiin ang cellphone ko.
Itinaas niya ang kamay niya para hindi ko maabot ang cellphone. "Sa bahay ka na mag-CP. Tumingin ka sa daan at mamaya niyan masagasaan ka pa e!"
Nang ma-realize ko ang ginagawa ko ay ako rin ang napahiya. "Sorry..."
Nauna na si Hugo sa akin sa bakery. Nakasunod naman ako sa kanya. Minsan talaga, matino naman si Hugo.
Seven pm ay nasa amin pa rin sina Hugo. Tapos na kaming kumain at hindi na ako nagluto dahil nagpadeliver si Mrs. Aguilar ng chicken bucket, rice and spaghetti sa Jollibee. Dito sila kumain. Nakailang akyat-baba na ako sa kwarto pabalik sa sala, hindi pa rin sila nagpapaalam.
Hanggang ngayon ay wala pa ring paramdam si Arkanghel kaya ako na ang naunang magmessage sa kanya. Hindi ko na natiis.
Me:
Saan ka?
Matagal bago siya nakapagreply.
Future Suitor:
Bahay na. Naghuhugas plato. Kumain ka na?
Me:
Oo.
Matagal ulit siya nagreply. Siguro tinapos niya pa ang paghuhugas ng plato. Kasama niya pa kaya ngayon si Zandra?
Future Suitor:
Sorry kasi nalobat ako kanina. Badtrip. Pagkauwi ko pa lang saka ako nakapag-charge. Ano gawa mo?
Lumabi ako. Bakit kung magtanong siya parang wala lang? Nakalimutan niya na ba na nandoon ako kanina habang inaaway siya ng ka-MU at future bride niya? Wala ba siyang sasabihin tungkol doon?
Future Suitor:
Bakit sabay kayo ni Hugo kanina? Tanong lang naman.
Hmp! Ano ngayon kung sabay kami ni Hugo? Siya nga riyan, sinundo pa ni Zandra.
Future Suitor:
Huy. Galit ka ba?
Nagtype ako.
Me:
Bati na ba kayo ni Zandra?
Ganoon lang ka-casual iyong tanong ko. Casual lang pero simpleng ungkat sa nangyari kanina.
Future Suitor:
Hindi naman kami nag-away. Saka iyong kanina, wala lang yun. Ewan ko ron bat ganun. Hindi ko siya GF saka wag na nga natin siya pagusapan. Ano, galit ka ba?
Me:
Hindi mo GF? Magiging GF pa lang? Future bride pa nga, ganoon?
Future Suitor:
Mag online ka nga. Wala ko load, makiki-wifi ako kina Isaiah, tatawagan kita.
Sumimangot ako. Bakit niya ba idine-deny? Malinaw naman ang sinabi ni Zandra tungkol sa Canada plan ng family nila.
Future Suitor:
Sandali paload ako tawagan kita.
Me:
Wag na. Tutulog na ko.
Pero hindi pa naman talaga ako matutulog. Sumasakit na naman iyong loob ng dibdib ko, parang tanga lang. Kahit naman tawagan niya ako e wala namang mababago. May plano na nga ang parents nila, di ba? Saan pa ako lulugar noon? Bakit kasi nagtext pa ako sa kanya? Pasasakitan ko lang sarili ko e.
Me:
Bored ka? Si Zandra na lang kausapin mo. Di ba siya end game mo? Bakit nga pala hihintayin mo pa ako? Bakit liligawan mo pa ako e sa huli kayo rin naman.
At masakit dahil umasa ako. Liligawan niya ako tapos pasasagutin, pero hindi pala ako ang end game.
Hindi ako kundi si Zandra. Iyong Canada goal niya, si Zandra pala ang kasama. Nakakapagtampo na hindi niya iyon nabanggit sa akin at kay Zandra ko pa nalaman.
Future Suitor:
Hindi nga ganun. Wag ka muna magalit.
Napigtal na ang pisi ko. Bakit kailangan niya pa bang magpaligoy-ligoy? Bakit kailangang ideny? Ayun na nga, alam ko na nga e. Sinabi na sa akin nang harapan. Gigil na nagtype ako.
Me:
Malinaw sa sinabi ni Zandra na may usapan na kayong kayo na sa huli. Kasama pa nga buong kamag-anakan niyo sa usapan e. Di ba magca-Canada kayo? Ingat kayo!
Future Suitor:
Sina mama lang naman saka mama niya may gusto ng ganun. Ayoko naman.
Me:
Hindi mo man lang sinabi sa akin para naman di ako mukhang tanga rito. Sinabi mo sa akin, manliligaw ka. Na maghihintay ka. Tapos iyon pala, may iba ring naghihintay sayo. Anong laban ko roon e gustong-gusto iyon ng mama mo.
Future Suitor:
Bakit gusto ko ba?
Natigilan ako.
Future Suitor:
Ano, sumagot ka? Inalam mo ba kung gusto ko rin?
Me:
Ewan. Wag ka na magtext!
Future Suitor:
Usap tayo, pls...
Me: Wag ka na sabi magtext!
Ganoon na lang pumayag? Ang bilis sumuko. Sabagay, hindi naman ako worth it. Gigil na nagtype ako.
Me:
Talaga!
No more response. Nagtype ulit ako.
Me:
Goodnight!
Hindi na siya nagreply kahit goodnight din. Okay. E di wag. O di ba? Ang dali kausap!
Pero naghintay pa rin ako ng text. Nakaabang pa rin ako hanggang sa mangalay na ako sa pagtitig sa screen ng cellphone ko. Okay, fine. Wala na talaga. At least alam ko na ngayon kung saan ako lulugar.
Nakasalubong ko si Hugo na nakasimangot nang bumaba ako. "Bakit ba akyat panaog ka. Ingay pa naman ng paa mo, halatang mabigat."
Hindi ko siya pinansin. Wala ako sa mood makipagbangayan sa kanya.
Bumalik ako sa kusina para uminom ng isang basong tubig dahil hindi ako makahinga. Gusto kong umiyak ngayon. Masamang-masama ang loob ko.
Nagbukas ako ng ref at pumapak na lang ng crab paste pagkatapos ay uminom ulit ng tubig.
"Hoy, baboy. Kain nang kain, ah!"
"Tse!" Nilampasan ko siya para pumunta sa mesa. Ichineck ko na naman ang phone ko.
Wala. Walang text talaga.
Naghintay pa ako ng ilang minuto, wala na talagang reply si Arkanghel. Ganoon na lang pala talaga iyon. Nakakatawa, kaya raw maghintay pero magpasensiya, hindi?
Sabagay, sino ba ako para pagtuunan ng pansin? Hindi nga kasi ako worth it. Pero sana umpisa pa lang dapat hindi niya na ako pinaasa. Hindi niya na ako dapat pinaasa dahil umasa ako. Umasa ako sa kanya!
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Sa unang pagkakataon, nawala ako sa disposisyon. Nawalan ng control. Pinangunahan ng feelings. Nagtipa ako ng message.
Me:
So talaga? Ano, bakit di ka na reply? Porket sinabi ko na wag ka na magtext, hindi ka na talaga nagtext? Ayos, ah!
Pero wala pa rin akong nareceive na reply ni isa. So ganoon na lang pala talaga. Bakit ba umasa pa ako?
Nagtype ulit ako. Last text ko na ito sa kanya.
Wala pa rin. Huminga muna ako nang malalim saka muling nagtype. Last na talaga ito.
Me:
Sige, bye. Goodnight na talaga. Salamat sa lahat...
Umakyat na ako sa itaas. Papasok na ako sa kwarto ko nang biglang magring ang hawak kong cellphone. He was calling. Nagpanic agad ako at kahit hindi pa ako ready na sagutin, nasagot ko pa rin. No choice tuloy ako kundi kausapin siya.
Pigil ang damdamin na sumagot ako. "Hello?"
"Sorry, nagdrive kasi ako. Dito na ko sa labas niyo."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top