Chapter 11
"BAKIT MO GINAWA IYON?!"
Pabulong na mariin kong sita kay Hugo. Nasa backseat kami ng kotse ng mommy niya at papunta sa amin sa PK2. Nakasandal siya sandalan at sisipol-sipol lang na akala mo inosente at walang ginawang ka-abnormalan kanina.
"Hugo!" Kinurot ko siya sa tagiliran kaya namilipit siya.
Kandausod siya palayo sa akin. "Tangina ba't ba?!"
"Ano ba 'yan, Hugo?" sita ng Mrs. Aguilar na nasa manibela.
"Si Sussie, Mommy e! Kinurot ako!"
"Wag ka kasing maharot. Pati si Sussie ay binubwisit mo!" Siya pa ang napagalitan ni Mrs. Aguilar.
Pasimple kong binelatan si Hugo. Mabuti nga sa kanya.
"Napakamo!" Dinuro niya ako. "Pasalamat ka pa nga binati ko ng happy birthday iyong ex-pet mo e!"
"Anong ex pet ka riyan?!"
"O? Di ba aso mo dati iyon? Sunod nang sunod sa 'yo iyon, e."
"Siraulo ka talaga!" mariin kong bulong.
Siraulo talaga si Hugo. Nananahimik si Arkanghel at wala namang ginagawa sa kanya pero pinag-iinitan niya na naman.
"Mommy, itu-tutor daw ako ni Sussie. Payag ka?"
"Why not, son? Baka sakaling maka-graduate ka kahit puro palakol ang grades mo." Nilingon ako ni Mrs. Aguilar. "Talaga ba, Sussie?"
"Po?" Napakurap ako. Wala naman akong sinasabi na itu-tutor ko si Hugo.
"Oo nga, Mommy." Nakangising inakbayan ako ni Hugo. Siniko ko naman siya kaagad. "Mommy, ano? Feeling mo ba madadala ako nito sa tamang landas?"
Nakangiti si Mrs. Aguilar nang tingnan kami sa rearview mirror. "Wala akong doubt kay Sussie. Sa 'yo, Hugo Emmanuel, meron."
Sa bahay namin ay todo asikaso si Tatay Bear kina Hugo at Mrs. Aguilar. Tuwang-tuwa siya nang makitang hinatid ako ng mag-ina.
"Aba't binata na pala itong si Hugo mo, Norma, ah?"
"Ay, oo, Andres." Nakangiti na ininom ni Mrs. Aguilar ang Coke na nasa baso.
1.5 Coke at spanish bread lang ang naipameryenda namin sa kanila dahil biglaan ang pagdalaw nila. Ako pa nga ang bumili ng tinapay at Coke sa bakery. Sumama pala si Hugo sa pagbili.
"Maraming salamat, Norma." Maluha-luha si Tatay Bear nang malamang ang dahilan ng pagpunta nina Hugo ngayon dito sa amin ay tungkol sa scholarship ko.
"Sus! Deserving ang anak mo sa scholarship, Andres. Masaya kami ng asawa ko na ibigay sa kanya ang scholarship para sa pagka-college niya."
"Salamat talaga. Hulog kayong mag-asawa ng langit." Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ni Tatay Bear. "May mga tao pa rin talaga na mabubuti at gagawa ng mabuti."
Nakangiti rin ako. Hindi mabura ang ngiti ko dahil sa magandang balita. Hindi ko na kailangang pumila at makipagsapalaran sa pag-apply ng scholarship sa munisipyo dahil scholarship na mismo ang lumapit sa akin. Hindi lang basta scholarship kundi magandang scholarship. Sa tulong ng company ng daddy ni Hugo ay magiging madali na sa akin ang makapag-college next year. Plus may matatanggap pa raw akong five-thousand pesos allowance monthly.
Sa palagay ko ay mapagkakasya ko ang allowance para sa gastusin sa school at makakapag-sideline pa ako para pangdagdag sa pangangailangan namin ni Tatay Bear. At kung suswertehin, makakaipon pa ako kahit paano.
Nagkwentuhan pa ang mga magulang namin ni Hugo. Nakakatuwa na napakabait ni Mrs. Aguilar sa amin ni Tatay Bear kahit pa naging kaibigan lang naman niya ang tatay ko dahil sa minsang naging customer siya sa dati naming hardware.
"Matanda lang si Hugo ng dalawang taon dito kay Susana ko, ano?" nakangiting tanong ni Tatay Bear.
"Nahinto kasi ng isang taon si Hugo ko. Alam mo na, maligalig 'to. Mabuti nga at nagtagal na riyan sa Gov. Aba, ang hirap nang palipat-lipat ng school."
"Tumino naman na yata. Ayan nga at graduating na."
"Oo, Andres. Sa wakas, ga-graduate na. E kumusta na nga pala kayo ngayon?"
"Sa awa ng itaas ay okay na. Magbubukas ako ng sari-sari store at magpapa-load. Iyon magiging kabuhayan namin."
Malungkot na napatitig si Mrs. Aguilar sa akin. "Kakasya na ba iyon para sa inyo ni Sussie?"
"Wala naman akong pagpipilian, di ba? Hindi ko na kayang mamasukan dahil sa kalagayan ng binti ko. Magsisikap na lang ako na mapalaki ang sari-sari store namin, Norma. Saka bukod sa tindahan at loading ay nagbabalak din akong umextra ng tanggap ng mga sirang appliances. Marunong naman akong mag-ayos."
"Pero hindi ba sumagi sa isip mo na baka naman..." Sumulyap muli si Mrs. Aguilar sa akin. "Baka kailangan niyo ang tulong ni Sonia—"
"Norma!" Nagulat ako nang magtaas ng boses si Tatay Bear.
Ngumisi si Mrs. Aguilar. "Ang sa akin lang, hindi mo dapat sinosolo ang obligasyon. Anak niya rin si Sussie. Karapatan ng bata na—"
"Magagabi na. Sa tingin ko ay dapat umuwi na kayo ni Hugo." Nakangiting tumayo si Tatay Bear. Kahit hirap sa kanyang saklay ay nagpumilit siyang makalakad. "Ihatid ko na kayo sa garahe."
"Uuwi na, Mom?" Napaangat ang mukha ni Hugo mula sa cellphone niya nang tumayo na rin si Mrs. Aguilar.
"Bakit? Gusto mo na rito tumira?" Sinimangutan siya ng mommy niya. "Magpapasaway ka lang rito!"
Napahagalpak naman ng tawa si Tatay Bear. "Aba, hijo, mananaba ka rito."
"Tatay Bear naman!" Nag-init ang mukha ko nang magtawanan sina Tatay Bear at Mrs. Aguilar.
"Asus, o, nahihiya ang dalaga ko!"
"Sussie, sa isang college lang kayo mag-aaral ni Hugo ko, ah? Isusumbong mo sa akin kapag nagbulakbol 'to!"
"Opo," nahihiyang sagot ko. Pasimpleng inirapan ko naman si Hugo na ngayon ay masama ang tingin sa akin.
Nang makaalis na sina Hugo at Mrs. Aguilar ay pumasok na si Tatay Bear sa ginawa niyang kwarto na nasa dulo lang ng sala namin. Hirap na kasi siyang umakyat-baba sa hagdan kaya naman dito na lang siya sa first floor ng bahay namin natutulog.
Napabuntong-hininga ako habang nakatingin sa saradong pinto ng kwarto niya. Nagpapanggap lang ako kanina na hindi ko alam ang pinupunto ni Mrs. Aguilar, pero alam ko na tungkol sa aking ina ang pinupuntahan ng usapan nila.
Para sa amin ni Tatay Bear ay ulila na ako sa ina. Hindi ko lang maisip kung paanong parang may alam si Mrs. Aguilar sa buhay namin? Ipinilig ko ang ulo ko at umakyat na sa kwarto. Ayoko nang guluhin pa ang utak ko sa kakaisip.
Nang nakahiga na ako sa kama ko ay hindi ko rin namang napigilan ang sarili ko na mag-isip. Hanggang sa makatulog ako sa oras na evelen pm ay iniisip ko pa rin kung naging masaya naman kaya ang birthday party ni Arkanghel?
Dumating at sinurprise nga kaya siya ng GF niya?
Nakatulog ako na nagsisikip ang dibdib kaya pagising ko kinabukasan ay masama ang aking pakiramdam.
Sa canteen ay tahimik lang ako habang nakasunod kay Carlyn. Kwento siya nang kwento pero hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi niya dahil wala ako sa mood.
"Anong kakainin natin?" tanong niya sa akin.
Saka ko lang narinig ang pagkalam ng tiyan ko. "Biko, sandwich, Fudgee bar saka juice sa akin."
"Girl, wala pang lunch!" she was laughing. Nasa mood siya.
"Gutom ako e, bakit ba?" I pouted. Hindi ako nakapag-breakfast kanina dahil wala akong gana. Ngayon ko lang naramdaman ang gutom ko.
"Akala ko ba tagtipid na?"
"Ngayon lang naman ako gagastos. Bukas, diet na ako." Tumingin-tingin ako ng chips sa tray dahil parang gusto ko rin pala ng chips.
"Diet? Kwento mo sa pader!"
"Ayoko ngang makipagkwentuhan sa pader." Nang balikan ko si Carlyn ng tingin ay nakasimangot na siya.
Sinundan ko ang tinitingnan niya at nakita ko si Vivi at Isaiah sa mesang malapit sa amin.
"Nawalan na ako ng gana, girl." Tumalikod na si Carlyn. Hindi ko na siya nahabol dahil sa bilis ng paglakad niya paalis.
Hindi ko alam kung ano ang drama ni Carlyn at nagwalk out siya, pero gutom na talaga ako kaya bibili muna ako ng pagkain bago ko siya sundan.
Naubos ko ang red Chipee ko bago pa ako nakabili ng sandwich, fudgee bar at juice. Nagdadalawang isip ako kung hahanap ng table o sa room na itutuloy ang pagkain. Sa huli ay nagdesisyon akong sa room na kumain dahil sa may natanaw ako mula sa kabilang table.
Sa table na iyon ay naroon si Arkanghel. Hindi siya nag-iisa dahil may kasama siyang babae na hindi naka-uniform. Iyon yata iyong GF niya. Hindi yata estudyante rito ang GF niya dahil naka-civilian ito. Fitted jeans at mustard crop top na pang-itaas. Sexy.
Pumait bigla ang panlasa ko. Parang hindi ko na yata makakain ang mga pinamili ko.
Hindi ko namalayan na medyo matagal na rin pala akong nakatingin sa kanila. Lalo na sa babaeng kasama ni Arkanghel na parang familiar sa akin ang mga kilos. Nang humarap ito ay saka ko ito nakilala. Si Zandra pala.
"Si Sussie ba iyon?"
Bwisit nakita pa ako.
"Sussie!" Tumayo pa si Zandra para tawagin ako.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Magkukunwarian ba akong hindi ko sila napansin? Pero nakatingin na sa akin si Arkanghel at nakita na rin ako ni Zandra na nakalingon sa kanila kaya mukha na lang ako tanga kung iiwas ako.
"Sussie, nandito ka na pala ulit sa Gov!"
Gusto ko siyang sagutin ng "E ikaw? Bakit nandito ka pa rin? Graduate ka na, ah?" Kung hindi lang ako naiilang sa titig ni Arkanghel ay baka naitanong ko na talaga iyon kay Zandra.
Lumapit siya sa akin at ibineso ako. Hayun, nalagyan tuloy ng cheese ng kinain kong Chipee iyong pisngi niya. "Ganda mo na girl!" Hinagod niya ako tingin.
Matagal na akong maganda... at mataba.
"Halika!" Wala akong nagawa nang hilahin niya ako paupo sa upuan ng table nila ni Arkanghel. "Dito ka na kumain. O dami naman niyang pinamili mo. Iyo lang lahat 'yan?"
Agh! Gusto kong isubo kay Zandra ang buong sandwich na hawak ko! 'Sama ko na rin iyong Fudgee bar!
"Kumusta?" Nakangiti at mukha naman tunay ang pagka-friendly niya.
Mabait naman talaga si Zandra e. Ewan ko ba bakit ayoko sa kanya. Saka nga pala, iba na ang kulay ng braces niya ngayon. Hindi na pink. Purple na.
"Nakakamiss ka. Dati, nakakasama pa kita sa mga quiz bees and spelling contest e. Nagulat talaga ako nang bigla kang magtransfer noon e."
"Saan ka na nag-aaral?" tanong ko dahil wala naman akong ibang masabi.
"Sa La Salle, Dasma."
"Ah..." Dasmariñas pala siya. Ang layo ng Dasma rito, ah? Nagka-time pa talaga siya bumisita rito?
"Kainin mo na 'yang food mo." Ngiting-ngiti pa rin siya.
"Ah, hindi akin 'to. Pinabili lang," pagsisinungaling ko.
Nang mapatingin ako kay Arkanghel ay nakataas ang isang kilay niya. Obvioudly ay hindi siya naniniwala na hindi akin 'tong mga pinamili ko. E paki ko ba kung hindi siya maniwala?
Inabot ni Zandra ang kamay ni Arkanghel na nasa ibabaw ng mesa at hinaplos iyon. "Hey, Arki, 'salita ka naman."
Arki?
"Bakit pala wala 'tong si Sussie sa birthday mo kahapon? Di ba dati sabi mo sa akin magbest friend kayo?"
"Dati..." mahinang sagot ko. Ako na ang sumagot.
"Oh..." exag na react ni Zandra.
"Ilang taon akong nawala." Kimi ang pagkakangiti ko. Sinisikap ko talagang magtunog normal. "Kababalik ko lang dito sa Gov."
"Oo nga. Ang tagal mong nawala. Pero ano naman kung matagal kang nawala? Porket matagal di na kayo magkaibigan ni Arki?"
"Matagal na kasi..." Pilit pa rin ang ngiti ko.
Inakbayan ako ni Zandra. "E how are you na ba? Akala ko hindi ka na babalik dito sa Cavite e."
"Akala ko rin." Napayuko ako dahil biglang uminit ang tingin ni Arkanghel sa akin.
"Sabagay walang mag-aasikaso ng business niyo rito," comment ni Zandra.
"Wala na kaming business dito." Nakangiti pa rin ako pero sa ibang direksyon ako nakatingin. "Naibenta na. Matagal na. Naaksidente kasi ang tatay ko sa Bulacan after nang sunod na pagkamatay ng tita at lolo ko."
"O? Nabenta lahat ng business niyo? What happened to your father? Gaano kalala at nabenta lahat? My, I'm sorry. Hindi ka kasi umuuwi rito kaya hindi namin alam..."
"Naaksidente, naputulan ng binti and nacoma ang tatay ko right after ng magkasunod na libing ng tita at lolo ko. Bata pa ako noon at magulo ang isip ko kung paano ko pagkakasyahin ang sarili ko. Walang mag-aasikaso ng businesses namin dahil hindi ko na kaya ang mga obligasyong naiwan sa akin. May sakit din kasi ang lola ko that time, ako lahat ang umaasikaso sa lahat. Maski pag-aaral ko roon, napabayaan ko na. Sa tingin mo may time pa ako para umuwi rito? Pero okay naman na kami ngayon. Nakasurvive na kami. Magsisimula kami ng panibago."
"Oh, what a strong girl you are!" Niyakap ako ni Zandra. "I am so proud of you."
Tinapik ko ang kamay ni Zandra. "Thanks." Tumayo na ako. "Sige ha? Balik na ako sa room namin. Baka hinahanap na kasi ang mga pinabili sa akin." Hindi ko na hinintay sumagot si Zandra. Tumalikod na ako.
Hindi na rin ako nag-abalang tingnan ang reaction ni Arkanghel.
Sabi ko nga di ba? Ang tagal na noon. Siguro talagang nagbabago ang mga tao sa paglipas ng panahon.
Mabibilis ang mga lakad ko paalis kahit wala namang humahabol sa akin. Dumiretso ako sa CR at nagkulong sa cubicle na nasa dulo. Kaya pala gusto kong magmadaling umalis. Kaya pala dito ako dumiretso dahil ayokong may makakita sa nararamdaman ko. Sumandal ako sa pader at doon na dumaloy ang mga luha ko.
Pigil ko ang paghikbi ko dahil baka may pumasok sa loob. Ayaw ko na may makaalam na nandito ako at umiiyak. Ayoko na may makarinig na nahihirapan ako.
Nang pakiramdam ko ay kahit paano hindi na masikip ang dibdib ko ay saka lang ako lumabas ng cubicle. Naghilamos muna ako sa gripo saka inayos ang sarili ko. Gusto ko kasi na pagbalik ko sa room ay walang makakaalam na naging miserable ako nang ilang minuto rito sa banyo. Ayokong abalahin ang mga tao sa pag-iisip kung okay ba ako o hindi. Hindi nila ako kargo kaya hindi nila kailangang mag-alala para sa akin.
Huminga muna ako nang malalim saka ngumiti bago hinawakan ang doorknob. Siguradong hinihintay na ako ni Carlyn sa room.
Oh, shit! Napatigil ako nang may maalala. Iyong mga pagkaing pinamili ko! Naiwan ko pala sa table!
Mabilis na lumabas ako ng banyo at ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Arkanghel na nasa labas. Nakapamulsa siya at nakayuko habang nakasandal sa pader. Parang may hinihintay.
Nanginginig ang mga tuhod na lalampasan ko na sana siya nang bigla naman siyang mag-angat ng paningin sa akin.
Kahit naiilang at kinakabahan sa klase ng titig niya ay sinikap kong ngumiti. "Hi. Anong ginagawa mo rito—"
"Hintayin kita sa bench sa uwian," putol niya sa pagsasalita ko saka siya umiwas ng tingin.
Ha? Napaawang ang mga labi ko at hindi ko alam ang isasagot sa kanya.
Bago siya tumalikod ay mahina siyang nagsalita. "May pag-uusapan tayo."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top